Josue 13

1 Si Josue nga’y matanda at puspos ng mga taon; at sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay matanda at puspos ng mga taon, at may nalalabi pang totoong maraming lupain na aariin.

2 Ito ang lupain na nalalabi pa: ang lahat na lupain ng mga Filisteo, at ang lahat na Gessureo:

3 Mula sa Sihor na nasa tapat ng Egipto, hanggang sa hangganan ng Accaron na dakong hilagaan, na nabilang sa mga Cananeo: ang limang pangulo ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, ang mga Asdodeo, ang mga Ascaloneo, ang mga Getheo, ang mga Accaronneo; gayon din ang mga Heveo,

4 Sa dakong timugan: ang lahat na lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na nauukol sa mga Sidonio hanggang sa Aphec, na hangganan ng mga Amorrheo;

5 At ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Libano, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat:

6 Ang lahat ng taga lupaing maburol mula sa Libano hanggang sa Misrephoth-maim, sa makatuwid baga’y lahat ng mga Sidonio; sila’y aking itataboy mula sa harap ng mga anak ni Israel: iyo lamang bahagihin sa Israel na pinakamana, gaya ng iniutos ko sa iyo.

7 Iyo ngang bahagihin ang lupaing ito na pinakamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases.

8 Sa kaniya’y tinanggap ng mga Rubenita at ng mga Gadita, ang kanilang mana, na ibinigay sa kanila ni Moises, sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan gaya ng ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon;

9 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ng buong kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon:

10 At ang lahat na bayan ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, na naghahari sa Hesbon hanggang sa hangganan ng mga anak ni Ammon;

11 At ang Galaad, at ang hangganan ng mga Gessureo at ng mga Maachateo at ang buong bundok ng Hermon, at ang buong Basan hanggang sa Salca;

12 Ang buong kaharian ni Og sa Basan, na naghari sa Astaroth at sa Edrei (na siyang naiwang labi sa mga Rephaim); sapagka’t sinaktan ang mga ito ni Moises at mga itinaboy.

13 Gayon ma’y hindi itinaboy ng mga anak ni Israel ang mga Gessureo, ni ang mga Maachateo; kundi ang Gessureo at ang Maachateo ay tumahan sa gitna ng Israel hanggang sa araw na ito.

14 Ang lipi lamang ni Levi ang hindi niya binigyan ng mana; ang mga handog sa Panginoon, sa Dios ng Israel na pinaraan sa apoy ay siyang kaniyang mana, gaya ng sinalita niya sa kaniya.

15 At nagbigay si Moises sa lipi ng mga anak ni Ruben ng ayon sa kanilang mga angkan.

16 At ang kanilang hangganan ay mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan sa tabi ng Medeba;

17 Ang Hesbon at ang lahat ng mga bayan niyaon na nasa kapatagan; ang Dibon at ang Bamoth-baal, at ang Beth-baal-meon;

18 At ang Jaas, at ang Ced-demoth, at ang Mephaath;

19 At ang Chiriataim, at ang Sibma, at ang Zereth-shahar, sa bundok ng libis;

20 At ang Beth-peor, at ang mga tagudtod ng Pisga, at ng Beth-jesimoth;

21 At ang lahat ng mga bayan sa kapatagan at ang buong kaharian ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na naghari sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises na gayon din ang mga pinuno sa Madian, si Hevi, si Recem, at si Sur, at si Hur, at si Reba, na mga prinsipe ni Sehon, na tumahan sa lupain.

22 Si Balaam man na anak ni Beor na manghuhula, ay pinatay ng mga anak ni Israel ng tabak sa gitna ng nalabi sa kanilang nangapatay.

23 At ang hangganan ng mga anak ni Ruben ay ang Jordan, at ang hangganan niyaon. Ito ang mana ng mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan at ang mga nayon niyaon.

24 At si Moises ay nagbigay sa lipi ni Gad, sa mga anak ni Gad, ng ayon sa kanilang mga angkan.

25 At ang kanilang hangganan ay ang Jacer, at ang lahat na bayan ng Galaad, at ang kalahati ng lupain ng mga anak ni Ammon hanggang sa Aroer na nasa tapat ng Rabba;

26 At mula sa Hesbon hanggang sa Ramathmizpe, at sa Betonim; at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng Debir.

27 At sa libis, ang Beth-aram, at ang Beth-nimra, at ang Sucoth, at ang Saphon, na labis ng kaharian ni Sehon na hari sa Hesbon, ang Jordan at ang hangganan niyaon, hanggang sa kaduluduluhang bahagi ng dagat ng Cinnereth, sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan.

28 Ito ang mana ng mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan at ang mga nayon niyaon.

29 At si Moises ay nagbigay ng mana sa kalahating lipi ni Manases: at yao’y sa kalahating lipi ng mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan.

30 At ang kanilang hangganan ay mula sa Mahanaim, ang buong Basan, ang buong kaharian ni Og na hari sa Basan at ang lahat ng mga bayan ng Jair na nasa Basan, anim na pung bayan.

31 At ang kalahati ng Galaad at ang Astaroth at ang Edrei, ang mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan, ay sa mga anak ni Machir na anak ni Manases, sa makatuwid baga’y sa kalahati ng mga anak ni Machir ayon sa kanilang mga angkan.

32 Ito ang mga mana na binahagi ni Moises sa mga kapatagan ng Moab, sa dako roon ng Jordan sa Jerico, na dakong silanganan.

33 Nguni’t sa lipi ni Levi ay walang ibinigay si Moises na mana: ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay siyang kanilang mana, gaya ng kaniyang sinalita sa kanila.

Josue 14

1 At ito ang mga mana na sinakop ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na binahagi sa kanila ni Eleazar na saserdote, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel,

2 Sa pamamagitan ng sapalaran ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi.

3 Sapagka’t nabigyan na ni Moises ng mana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa dako roon ng Jordan: nguni’t sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na mana sa kanila.

4 Sapagka’t ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi ang Manases at ang Ephraim: at hindi sila nagbigay ng bahagi sa mga Levita sa lupain, liban ang mga bayan na matahanan, pati ng mga nayon niyaon sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari.

5 Kung paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang binahagi ang lupain.

6 Nang magkagayo’y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal: at sinabi sa kaniya ni Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, Iyong talastas ang bagay na sinalita ng Panginoon kay Moises na lalake ng Dios, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Cades-barnea.

7 Ako’y may apat na pung taon nang ako’y suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain; at aking dinalhan ng sagot siya ng gaya ng nasa aking puso.

8 Gayon ma’y pinapanglumo ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan: nguni’t ako’y lubos na sumunod sa Panginoon kong Dios.

9 At si Moises ay sumumpa nang araw na yaon, na nagsasabi, Tunay na ang lupain na tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang mana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man, sapagka’t sumunod kang lubos sa Panginoon kong Dios.

10 At ngayon, narito, iningatan akong buhay ng Panginoon, gaya ng kaniyang sinalita, nitong apat na pu’t limang taon, mula nang panahon na salitain ng Panginoon ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang; at ngayon, narito, sa araw na ito ako’y may walong pu’t limang taon na.

11 Gayon ma’y malakas pa ako sa araw na ito na gaya nang araw na suguin ako ni Moises: kung paano nga ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon, sa pakikidigma, at gayon din sa paglalabas pumasok.

12 Ngayon nga’y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinalita ng Panginoon nang araw na yaon: sapagka’t iyong nabalitaan nang araw na yaon kung paanong nariyan ang mga Anaceo, at mga bayang malalaki at nakukutaan: marahil ay sasa akin ang Panginoon, at akin silang maitataboy na gaya ng sinalita ng Panginoon.

13 At binasbasan siya ni Josue at kaniyang ibinigay ang Hebron kay Caleb na Anak ni Jephone, na pinakaari niya.

14 Kaya’t ang Hebron ay naging mana ni Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo hanggang sa araw na ito; sapagka’t kaniyang lubos na sinunod ang Panginoon, ang Dios ng Israel.

15 Ang pangalan nga ng Hebron nang una ay Chiriath-arba; na siyang Arba na pinaka malaking lalake sa mga Anaceo. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma.

Josue 15

1 At naging kapalaran ng lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan ay hanggang sa hangganan ng Edom; hanggang sa ilang ng Zin na dakong timugan, sa kahulihulihang bahagi ng timugan.

2 At ang kanilang hangganang timugan ay mula sa kahulihulihang bahagi ng Dagat na Alat, mula sa dagat-dagatan na nakaharap sa dakong timugan:

3 At palabas sa dakong timugan ng pagsampa sa Acrabim, at patuloy sa Zin at pasampa sa timugan ng Cades-barnea, at patuloy sa Hezron, at pasampa sa Addar, at paliko sa Carca:

4 At patuloy sa Azmon, at palabas sa batis ng Egipto, at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat: ito ang magiging inyong hangganang timugan.

5 At ang hangganang silanganan ay ang Dagat na Alat, hanggang sa katapusan ng Jordan. At ang hangganan ng hilagaang dako ay mula sa dagat-dagatan ng dagat na nasa katapusan ng Jordan:

6 At pasampa ang hangganan sa Beth-hogla, at patuloy sa hilagaan ng Beth-araba; at ang hangganan ay pasampa sa bato ni Bohan na anak ni Ruben:

7 At ang hangganan ay pasampa sa Debir mula sa libis ng Achor, at gayon sa dakong hilagaang paharap sa dakong Gilgal, na nasa tapat ng pagsampa sa Adumin, na nasa dakong timugan ng ilog: at ang hangganan ay patuloy sa tubig ng En-semes, at ang mga labasan niyaon ay sa En-rogel:

8 At ang hangganan ay pasampa sa libis ng anak ni Hinnom hanggang sa dako ng Jebuseo na dakong timugan (na siya ring Jerusalem): at ang hangganan ay pasampa sa taluktok ng bundok na dumudoon sa harap ng libis ng Hinnom na dakong kalunuran, na sa kahulihulihang bahagi ng libis ng Rephaim na dakong hilagaan:

9 At ang hangganan ay paabot mula sa taluktok ng bundok hanggang sa bukal ng tubig ng Nephtoa, at palabas sa mga bayan ng bundok ng Ephron, at ang hangganan ay paabot sa Baala (na siya ring Chiriath-jearim):

10 At ang hangganan ay paliko mula sa Baala sa dakong kalunuran sa bundok ng Seir, at patuloy sa tabi ng bundok Jearim sa hilagaan (na siya ring Chesalon), at pababa sa Beth-semes at patuloy sa Timna.

11 At ang hangganan ay palabas sa siping ng Ecron na dakong hilagaan; at ang hangganan ay paabot sa Sicheron, at patuloy sa bundok ng Baala, at palabas sa Jabneel; at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat.

12 At ang hangganang kalunuran ay ang malaking dagat, at ang hangganan niyaon. Ito ang hangganan ng mga anak ni Juda sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.

13 At kay Caleb na anak ni Jephone ay nagbigay siya ng isang bahagi sa gitna ng mga anak ni Juda, ayon sa utos ng Panginoon kay Josue, sa makatuwid baga’y ang Chiriath-arba, na siyang Arba na ama ni Anac (na siya ring Hebron).

14 At pinalayas ni Caleb mula roon ang tatlong anak ni Anac: si Sesai, si Aiman at si Talmai, na mga anak ni Anac.

15 At siya’y sumampa mula roon laban sa mga taga Debir: ang pangalan nga ng Debir nang una ay Chiriath-sepher.

16 At sinabi ni Caleb, Ang sumakit sa Chiriath-sepher at sumakop, sa kaniya ko papagaasawahin si Axa na aking anak na babae.

17 At sinakop ni Othoniel na anak ni Cenez, na kapatid ni Caleb: at pinapagasawa niya sa kaniya si Axa na kaniyang anak na babae.

18 At nangyari, nang si Axa ay malakip sa kaniya, na kinilos nito siya na humingi sa kaniyang ama ng isang parang: at siya’y bumaba sa kaniyang asno, at sinabi ni Caleb sa kaniya, Anong ibig mo?

19 At kaniyang sinabi, Pagpalain mo ako; sapagka’t inilagay mo ako sa lupaing Timugan, ay bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig. At ibinigay niya sa kaniya ang mga bukal sa itaas at ang mga bukal sa ibaba.

20 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan.

21 At ang mga kaduluduluhang bayan ng lipi ng mga anak ni Juda sa dako ng hangganan ng Edom sa timugan ay Cabseel, at Eder, at Jagur,

22 At Cina, at Dimona, at Adada,

23 At Cedes, at Asor, at Itnan,

24 At Ziph, at Telem, at Bealoth,

25 At Asor-hadatta, at Cheriothhesron (na siya ring Asor),

26 Amam, at Sema, at Molada,

27 At Asar-gadda, at Hesmon, at Beth-pelet,

28 At Hasar-sual, at Beer-seba, at Bizotia,

29 Baala, at Iim, at Esem,

30 At Eltolad, at Cesil, at Horma,

31 At Siclag, at Madmanna, at Sansana,

32 At Lebaoth at Silim, at Ain at Rimmon: lahat ng mga bayan ay dalawang pu’t siyam, pati ng mga nayon ng mga yaon.

33 Sa mababang lupain: Estaol, at Sorea, at Asena,

34 At Zanoa, at En-gannim, Tappua, at En-am,

35 Jarmuth at Adullam, Socho at Aceca,

36 At Saraim at Adithaim, at Gedera at Gederothaim; labing apat na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

37 Senan, at Hadasa, at Migdalgad;

38 At Dilan, at Mizpe, at Jocteel,

39 Lachis, at Boscat, at Eglon,

40 At Cabon, at Lamas, at Chitlis;

41 At Gederoth, at Beth-dagon, at Naama at Maceda: labing anim na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

42 Libna, at Ether, at Asan,

43 At Jiphta, at Asna, at Nesib,

44 At Ceila, at Achzib, at Maresa; siyam na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

45 Ecron at ang mga bayan niyaon, at ang mga nayon niyaon:

46 Mula sa Ecron hanggang sa dagat, lahat na nasa siping ng Asdod pati ng mga nayon ng mga yaon.

47 Asdod, ang mga bayan niyaon at ang mga nayon niyaon, Gaza, ang mga bayan niyaon at ang mga nayon niyaon; hanggang sa batis ng Egipto, at ang malaking dagat at ang hangganan niyaon.

48 At sa lupaing maburol, Samir, at Jattir, at Soco,

49 At Danna, at Chiriat-sanna (na siyang Debir),

50 At Anab, at Estemo, at Anim;

51 At Gosen, at Olon, at Gilo: labing isang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

52 Arab, at Dumah, at Esan,

53 At Janum, at Beth-tappua, at Apheca:

54 At Humta, at Chiriath-arba (na siyang Hebron), at Sior; siyam na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

55 Maon, Carmel, at Ziph, at Juta,

56 At Izreel, at Jocdeam, at Zanoa,

57 Cain, Gibea, at Timna: sangpung bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

58 Halhul, Beth-zur, at Gedor.

59 At Maarath, at Beth-anoth, at Eltecon; anim na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

60 Chiriath-baal (na siyang Chiriath-jearim), at Rabba: dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

61 Sa ilang; Beth-araba, Middin, at Sechacha;

62 At Nibsan, at ang Bayan ng Asin, at En-gedi: anim na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

63 At tungkol sa mga Jebuseo na mga taga Jerusalem ay hindi napalayas ng mga anak ni Juda: kundi ang mga Jebuseo ay nanahang kasama ng mga anak ni Juda sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.

Josue 16

1 At ang kapalaran ng mga anak ni Jose ay nagmula sa Jordan sa Jerico, sa tubig ng Jerico sa dakong silanganan, hanggang sa ilang na pasampa, mula sa Jerico at patuloy sa lupaing maburol hanggang sa Beth-el;

2 At palabas mula sa Beth-el na patungo sa Luz at patuloy sa hangganan ng mga Archita na patungo sa Ataroth;

3 At pababa sa dakong kalunuran sa hangganan ng mga Japhleteo, hanggang sa hangganan ng Beth-horon sa ibaba, hanggang sa Gezer: at ang mga labasan niyaon ay sa dagat.

4 At kinuha ang kanilang mana ng mga anak ni Jose, ng Manases, at ng Ephraim.

5 At ang hangganan ng mga anak ni Ephraim ayon sa kanilang mga angkan ay ito: ang hangganan ng kanilang mana na dakong silanganan ay Ataroth-addar, hanggang sa Beth-horon sa itaas:

6 At ang hangganan ay palabas sa dakong kalunuran sa Michmetat, sa hilagaan; at ang hangganan ay paliko sa dakong silanganan hanggang sa Tanath-silo at patuloy sa silanganan ng Janoa:

7 At pababa mula sa Janoa na patungo sa Ataroth at sa Naara, at abot hanggang sa Jerico, at palabas sa Jordan.

8 Mula sa Tappua ay patuloy ang hangganan sa dakong kalunuran sa batis ng Cana: at ang labasan niyaon ay sa dagat. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Ephraim ayon sa kanilang mga angkan,

9 Pati ng mga bayan na inihiwalay sa mga anak ni Ephraim sa gitna ng mana ng mga anak ni Manases, lahat ng mga bayan na kalakip ng mga nayon ng mga yaon.

10 At hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na nananahan sa Gezer: kundi ang mga Cananeo ay nanahan sa gitna ng Ephraim hanggang sa araw na ito, at naging mga alilang tagapagatag.

Josue 17

1 At ito ang kapalaran ng lipi ni Manases; sapagka’t siya ang panganay ni Jose. Tungkol kay Machir na panganay ni Manases, na ama ni Galaad, sapagka’t siya’y lalaking mangdidigma, ay kaniya ngang tinangkilik ang Galaad at ang Basan.

2 At ang napasa ibang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan, sa mga anak ng Abiezer, at sa mga anak ng Helec, at sa mga anak ng Esriel, at sa mga anak ng Sichem, at sa mga anak ng Hepher, at sa mga anak ng Semida; ang mga ito ang mga anak na lalake ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.

3 Nguni’t si Salphaad na anak ni Hepher, na anak ni Galaad na anak ni Machir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalake kundi mga babae: at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, Hogla, Milcha, at Tirsa.

4 At sila’y lumapit sa harap ni Eleazar na saserdote at sa harap ni Josue na anak ni Nun, at sa harap ng mga prinsipe, na sinasabi, Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng mana sa gitna ng aming mga kapatid: kaya’t ayon sa utos ng Panginoon ay binigyan niya sila ng mana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama.

5 At nahulog ang sangpung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Galaad at ang Basan, na nasa dako roon ng Jordan;

6 Sapagka’t ang mga anak na babae ni Manases ay nagkaroon ng mana sa gitna ng kaniyang mga anak; at ang lupain ng Galaad ay ukol sa nalabi sa mga anak ni Manases.

7 At ang hangganan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Michmetat, na nasa tapat ng Sichem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga En-tappua.

8 Ang lupain ng Tappua ay ukol sa Manases: nguni’t ang Tappua sa hangganan ng Manases ay ukol sa mga anak ni Ephraim.

9 At ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timugan ng batis: ang mga bayang ito ay ukol sa Ephraim sa gitna ng mga bayan ng Manases: at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilagaan ng batis, at ang labasan niyaon ay sa dagat;

10 Ang dakong timugan ay ang sa Ephraim, at ang dakong hilagaan ay ang sa Manases, at ang dagat ay hangganan niyaon; at abot sa Aser sa hilagaan at sa Issachar sa silanganan.

11 At tinatangkilik ng Manases sa Issachar at sa Aser ang Beth-san at ang mga nayon niyaon, at ang Ibleam at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Dor, at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga En-dor at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Taanach at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Megiddo, at ang mga nayon niyaon, ang tatlong kaitaasan.

12 Gayon ma’y hindi napalayas ng mga anak ni Manases ang mga taga-roon sa mga bayang yaon; kundi ang mga Cananeo ay nanahan sa lupaing yaon.

13 At nangyari, nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, na kanilang inilagay ang mga Cananeo sa pagaatag, at hindi nila lubos na pinalayas.

14 At ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, na sinasabi, Bakit ang ibinigay mo sa akin ay isang kapalaran at isang bahagi lamang na pinakamana, dangang malaking bayan ako, sapagka’t pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?

15 At sinabi ni Josue sa kanila, Kung ikaw ay malaking bayan, sumampa ka sa gubat, at iyong malalawag doon sa iyong sarili ang lupain ng mga Pherezeo at ng mga Rephaim; yamang ang lupaing maburol ng Ephraim ay totoong makipot sa ganang iyo.

16 At sinabi ng mga anak ni Jose, Ang lupaing maburol ay hindi sukat sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na tumatahan sa lupain ng libis ay may mga karong bakal, sila na tumatahan sa Beth-san at sa mga nayon niyaon, at gayon din sila na nasa libis ng Jezreel.

17 At si Josue ay nagsalita sa sangbahayan ni Jose, ni Ephraim at ni Manases, na sinasabi, Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan: hindi marapat sa iyo ang isang kapalaran lamang:

18 Kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo; sapagka’t bagaman isang gubat ay iyong malalawag, at ang labasan niyaon ay magiging iyo, sapagka’t iyong palalayasin ang mga Cananeo, bagaman sila’y may mga karong bakal, at bagaman sila’y matibay.

Josue 18

1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay nagpupulong sa Silo, at itinayo ang tabernakulo ng kapisanan doon: at ang lupain ay sumuko sa harap nila.

2 At nalabi sa mga anak ni Israel ay pitong lipi na hindi pa nababahaginan ng kanilang mana.

3 At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Hanggang kailan magpapakatamad kayo upang pasukin ninyong ariin ang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang?

4 Maghalal kayo sa inyo ng tatlong lalake sa bawa’t lipi: at aking susuguin, at sila’y babangon at lalakad sa lupain, at iguguhit ayon sa kanilang mana; at sila’y paririto sa akin.

5 At kanilang babahagihin ng pitong bahagi: ang Juda ay mananahan sa hangganan niyaon na dakong timugan, at ang sangbahayan ni Jose ay mananahan sa kanilang hangganan sa dakong hilagaan.

6 At inyong iguguhit ang lupain ng pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin: at aking ipagsasapalaran dito sa inyo sa harap ng Panginoon natin Dios;

7 Sapagka’t ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo; sapagka’t ang pagkasaserdote sa Panginoon ay siyang kanilang mana: at ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.

8 At ang mga lalake ay tumindig at yumaon: at ibinilin sa kanila ni Josue na yumaong iguhit ang lupain, na sinasabi, Yumaon kayo at lakarin ninyo ang lupain at iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin, at aking ipagsasapalaran sa inyo dito sa harap ng Panginoon sa Silo.

9 At ang mga lalake ay yumaon at nilakad ang lupain, at iginuhit sa isang aklat ayon sa mga bayan na pitong bahagi, at sila’y naparoon kay Josue sa kampamento sa Silo.

10 At ipinagsapalaran ni Josue sa kanila sa Silo sa harap ng Panginoon; at binahagi roon ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi.

11 At ang kapalaran ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan: at ang hangganan ng kanilang kapalaran ay palabas sa pagitan ng mga anak ni Juda at ng mga anak ni Jose.

12 At ang kanilang hangganan sa hilagaang sulok ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay pasampa sa dako ng Jerico sa hilagaan, at pasampa sa lupaing maburol na dakong kalunuran; at ang labasan niyaon ay sa ilang ng Beth-aven.

13 At ang hangganan ay patuloy mula roon hanggang sa Luz, sa dako ng Luz (na siyang Beth-el), na dakong timugan; at ang hangganan ay pababa sa Ataroth-addar, sa tabi ng bundok na dumudoon sa timugan ng Beth-horon sa ibaba.

14 At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kalunurang sulok na dakong timugan mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Beth-horon na dakong timugan, at ang mga labasan niyaon ay sa Chiriath-baal (na siyang Chiriath-jearim), na bayan ng mga anak ni Juda: ito ang kalunurang sulok.

15 At ang timugang sulok ay mula sa kahulihulihang bahagi ng Chiriath-jearim at ang hangganan ay palabas sa dakong kalunuran, at palabas sa bukal ng tubig ng Nephtoa:

16 At ang hangganan ay pababa sa kahulihulihang bahagi ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinnom, na nasa libis ng Rephaim na dakong hilagaan; at pababa sa libis ni Hinnom, sa dako ng Jebuseo na dakong timugan at pababa sa En-rogel;

17 At paabot sa hilagaan at palabas sa En-semes, at palabas sa Geliloth na nasa tapat ng pagsampa sa Adummim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben,

18 At patuloy sa tagiliran na tapat ng Araba sa dakong hilagaan, at pababa sa Araba;

19 At ang hangganan ay patuloy sa tabi ng Beth-hogla na dakong hilagaan, at ang labasan ng hangganan ay sa hilagaang dagat-dagatan ng Dagat na Alat, sa timugang dulo ng Jordan; ito ang timugang hangganan.

20 At ang Jordan ay hangganan niyaon sa sulok na silanganan. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.

21 Ang mga bayan nga ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay Jerico, at Beth-hogla, at Emec-casis:

22 At Beth-araba, at Samaraim, at Beth-el,

23 At Avim, at Para, at Ophra,

24 At Cephar-hammonai, at Ophni, at Gaba, labing dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

25 Gabaon, at Rama, at Beeroth,

26 At Mizpe, at Chephira, at Moza;

27 At Recoem, at Irpeel, at Tarala;

28 At Sela, Eleph, at Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeath, at Chiriath; labing apat na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan.

Josue 19

1 At ang ikalawang kapalaran ay napasa Simeon, sa lipi ng mga anak ng Simeon ayon sa kanilang mga angkan: at ang kanilang mana ay nasa gitna ng mana ng mga anak ni Juda.

2 At kanilang tinamo na pinakamana ang Beerseba, o Seba, at Molada;

3 At Hasar-sual, at Bala, at Esem;

4 At Heltolad, at Betul, at Horma;

5 At Siclag, at Beth-marchaboth, at Hasarsusa,

6 At Beth-lebaoth, at Saruhen: labing tatlong bayan pati ng mga nayon niyaon:

7 Ain, Rimmon, at Eter, at Asan, apat na bayan pati ng mga nayon niyaon:

8 At ang lahat ng mga nayon na nasa palibot ng mga bayang ito hanggang sa Baalathbeer, Ramat ng Timugan. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan.

9 Mula sa bahagi ng mga anak ni Juda ang mana ng mga anak ni Simeon: sapagka’t ang bahagi ng mga anak ni Juda ay totoong marami sa ganang kanila; kaya’t ang mga anak ni Simeon ay nagkaroon ng mana sa gitna ng kanilang mana.

10 At ang ikatlong kapalaran ay napasa mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan. At ang hangganan ng kanilang mana ay hanggang sa Sarid:

11 At ang kanilang hangganan ay pasampa sa dakong kalunuran sa Merala, at abot sa Dabbeseth at mula roo’y abot sa batis na nasa harap ng Jocneam,

12 At paliko mula sa Sarid sa dakong silanganan na dakong sinisikatan ng araw hanggang sa hangganan ng Chisiloth-tabor, at palabas sa Dabrath, at pasampa sa Japhia;

13 At mula roon ay patuloy sa dakong silanganan sa Gith-hepher, sa Ittakazin; at palabas sa Rimmon na luwal hanggang sa Nea:

14 At ang hangganan ay paliko sa hilagaan na patungo sa Hanaton: at ang labasan niyaon ay sa libis ng Iphta-el;

15 At sa Catah, at sa Naalal, at sa Simron, at sa Ideala, at sa Bethlehem: labing dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

16 Ito ang mana ng mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga ito.

17 Ang ikaapat na kapalaran ay napasa Issachar, sa mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan.

18 At ang kanilang hangganan ay hanggang sa Izreel, at Chesulloth, at Sunem,

19 At Hapharaim, at Sion, at Anaarath,

20 At Rabbit, at Chision, at Ebes,

21 At Rameth, at En-gannim, at En-hadda, at Beth-passes,

22 At ang hangganan ay abot sa Tabor, at Sahasim, at sa Beth-semes; at ang mga labasan ng hangganan ng mga yaon ay sa Jordan: labing anim na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

23 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

24 At ang ikalimang kapalaran ay napasa lipi ng mga anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan.

25 At ang kanilang hangganan ay Helchat, at Hali, at Beten, at Axaph,

26 At Alammelec, at Amead, at Miseal; at abot sa Carmel na dakong kalunuran at sa Sihorlibnath;

27 At paliko sa dakong sinisikatan ng araw sa Beth-dagon, at abot sa Zabulon, at sa libis ng Iphta-el na dakong hilagaan sa Beth-emec at Nehiel; at palabas sa Cabul sa kaliwa.

28 At Hebron, at Rehob, at Hammon, at Cana, hanggang sa malaking Sidon,

29 At ang hangganan ay paliko sa Rama, at sa bayang nakukutaan ng Tiro; at ang hangganan ay paliko sa Hosa, at ang mga labasan niyaon ay sa dagat mula sa lupain ni Achzib;

30 Gayon din ang Umma, at Aphek, at Rehob: dalawang pu’t dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

31 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga ito.

32 Ang ikaanim na kapalaran ay napasa mga anak ni Nephtali, sa mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan.

33 At ang kanilang hangganan ay mula sa Heleph, mula sa encina sa Saananim, at sa Adamineceb, at sa Jabneel, hanggang sa Lacum; at ang mga labasan niyaon ay sa Jordan;

34 At ang hangganan ay paliko sa dakong kalunuran sa Aznot-tabor, at palabas sa Hucuca mula roon; at abot sa Zabulon sa timugan, at abot sa Aser sa kalunuran, at sa Juda sa Jordan na dakong sinisikatan ng araw.

35 At ang mga bayang nakukutaan ay Siddim, Ser, at Hamath, Raccath, at Cinneret,

36 At Adama, at Rama, at Asor,

37 At Cedes, at Edrei, at En-hasor,

38 At Iron, at Migdalel, Horem, at Beth-anath, at Beth-semes: labing siyam na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

39 Ito ang mana ng lipi, ng mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

40 Ang ikapitong kapalaran ay napasa lipi ng mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.

41 At ang hangganan ng kanilang mana ay Sora, at Estaol, at Ir-semes,

42 At Saalabin, at Ailon, at Jeth-la,

43 At Elon, at Timnath, at Ecron,

44 At Elteche, at Gibbethon, at Baalat,

45 At Jehul, at Bene-berac, at Gatrimmon,

46 At Me-jarcon, at Raccon pati ng hangganan sa tapat ng Joppa.

47 At ang hangganan ng mga anak ni Dan ay palabas sa dako roon ng mga yaon; sapagka’t ang mga anak ni Dan ay sumampa at bumaka laban sa Lesem, at sinakop at sinugatan ng talim ng tabak, at inari at tumahan doon, at tinawag ang Lesem, na Dan, ayon sa pangalan ni Dan, na kanilang ama.

48 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga yaon.

49 Gayon kanilang tinapos ang pagbabahagi ng lupain na pinakamana ayon sa mga hangganan niyaon; at binigyan ng mga anak ni Israel ng mana si Josue na anak ni Nun sa gitna nila:

50 Ayon sa utos ng Panginoon ay kanilang ibinigay sa kaniya ang bayang kaniyang hiningi, ang Timnath-sera sa lupaing maburol ng Ephraim: at kaniyang itinayo ang bayan at tumahan doon.

51 Ito ang mga mana na binahagi ni Eleazar na saserdote at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel na pinakamana, sa pamamagitan ng pagsasapalaran sa Silo sa harap ng Panginoon sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. Gayon nila niwakasan ang pagbabahagi ng lupain.

Josue 20

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

2 Magsalita ka sa mga anak ni Israel, na sabihin mo, Italaga ninyo sa inyo ang mga bayang ampunan, na aking sinalita sa inyo sa pamamagitan ni Moises:

3 Upang matakasan ng nakamatay, na nakapatay sa sinoman na hindi sinasadya at hindi kusa: at magiging ampunan ninyo laban sa manghihiganti sa dugo.

4 At siya’y tatakas sa isa sa mga bayang yaon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng bayan, at magsasaysay sa mga pakinig ng mga matanda sa bayang yaon; at kanilang kukunin siya sa bayan na ipagsasama nila, at bibigyan nila siya ng isang dako, upang siya’y tumahan sa gitna nila.

5 At kung siya’y habulin ng manghihiganti sa dugo, hindi nga nila ibibigay ang nakamatay sa kaniyang kamay; sapagka’t kaniyang napatay ang kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang una.

6 At siya’y tatahan sa bayang yaon, hanggang sa siya’y tumayo sa harap ng kapisanan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pangulong saserdote, na nalalagay sa mga araw na yaon: kung magkagayo’y uuwi ang nakamatay, at paroroon sa kaniyang sariling bayan, at sa kaniyang sariling bahay, hanggang sa pinagmulan niyang bayan na tinakasan.

7 At kanilang ibinukod ang Cedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Nepthali, at ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang Chiriath-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda.

8 At sa dako roon ng Jordan sa Jerico na dakong silanganan, ay kaniyang itinalaga ang Beser sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramoth sa Galaad na mula sa lipi ni Gad, at ang Gaulon sa Basan na mula sa lipi ni Manases.

9 Ito ang mga itinalagang bayan sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa na tumatahan sa gitna nila, na sinomang makamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon, at huwag mapatay ng kamay ng manghihiganti sa dugo, hanggang hindi nahaharap sa kapisanan.

Josue 21

1 Nang magkagayo’y lumapit ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita kay Eleazar na saserdote, at kay Josue na anak ni Nun at sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;

2 At sila’y nagsalita sa kanila sa Silo, sa lupain ng Canaan, na sinasabi, Ang Panginoon ay nagutos sa pamamagitan ni Moises, na bigyan kami ng mga bayan na matatahanan, pati ng mga nayon niyaon para sa aming hayop.

3 At sa kanilang mana ay ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita, ayon sa utos ng Panginoon, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga ito.

4 At ang kapalarang ukol sa mga angkan ng mga Coathita ay lumabas; at ang mga anak ni Aaron na saserdote, na kabilang sa mga Levita, ay nagtamo sa pamamagitan ng sapalaran sa lipi ni Juda, at sa lipi ng mga Simeonita, at sa lipi ni Benjamin, ng labing tatlong bayan.

5 At ang nalabi sa mga anak ni Coath ay nagtamo sa pamamagitan ng sapalaran sa mga angkan ng lipi ni Ephraim, at sa lipi ni Dan, at sa kalahating lipi ni Manases, ng sangpung bayan.

6 At ang mga anak ni Gerson ay nagtamo sa pamamagitan ng sapalaran sa mga angkan ng lipi ni Issachar, at sa lipi ni Aser, at sa lipi ni Nephtali, at sa kalahating lipi ni Manases sa Basan, ng labing tatlong bayan.

7 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay nagtamo sa lipi ni Ruben, at sa lipi ni Gad, at sa lipi ni Zabulon, ng labing dalawang bayan.

8 At ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita sa pamamagitan ng sapalaran ang mga bayang ito pati ng mga nayon nito, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

9 At sa lipi ng mga anak ni Juda, at sa lipi ng mga anak ni Simeon, ay kanilang ibinigay ang mga bayang ito na nabanggit sa pangalan:

10 At pawang sa mga anak ni Aaron, sa mga angkan ng mga Coathita, na mga anak ni Levi: sapagka’t sa kanila ang unang kapalaran.

11 At ibinigay nila sa kanila ang Chiriath-arba, na siyang Arba na ama ni Anac, (na siya ring Hebron,) sa lupaing maburol ng Juda, pati ng mga nayon niyaon sa palibot.

12 Nguni’t ang mga parang ng bayan, at ang mga nayon, ay ibinigay nila kay Caleb na anak ni Jephone na pinakaari niya.

13 At sa mga anak ni Aaron na saserdote ay ibinigay nila ang Hebron pati ng mga nayon niyaon, ang bayang ampunan na ukol sa nakamatay, at ang Libna pati ng mga nayon niyaon;

14 At ang Jattir pati ng mga nayon niyaon, at ang Estemoa, pati ng mga nayon niyaon.

15 At ang Helon pati ng mga nayon niyaon, at ang Debir pati ng mga nayon niyaon;

16 At ang Ain pati ng mga nayon niyaon, at ang Jutta pati ng mga nayon niyaon, at ang Beth-semes pati ng mga nayon niyaon; siyam na bayan sa dalawang liping yaon.

17 At sa lipi ni Benjamin, ang Gabaon pati ng mga nayon niyaon, ang Geba pati ng mga nayon niyaon;

18 Ang Anathoth pati ng mga nayon niyaon, at ang Almon pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

19 Lahat ng mga bayan ng mga anak ni Aaron na saserdote ay labing tatlong bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

20 At tinamo ng mga angkan ng mga anak ni Coath, na mga Levita, sa makatuwid baga’y ang nangalabi sa mga anak ni Coath, ang mga bayan na kanilang kapalaran sa lipi ni Ephraim.

21 At ibinigay nila sa kanila ang Sichem pati ng mga nayon niyaon sa lupaing maburol ng Ephraim, na bayang ampunan na ukol sa nakamatay, at ang Geser pati ng mga nayon niyaon.

22 At ang Kibsaim pati ng mga nayon niyaon, at ang Beth-horon pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

23 At sa lipi ni Dan, ang Eltheco pati ng mga nayon niyaon, ang Gibbethon pati ng mga nayon niyaon;

24 Ang Ailon pati ng mga nayon niyaon; ang Gath-rimmon pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

25 At sa kalahating lipi ni Manases, ang Taanach pati ng mga nayon niyaon; at ang Gath-rimmon pati ng mga nayon niyaon; dalawang bayan.

26 Lahat na bayan sa mga angkan ng nangalabi sa mga anak ni Coath ay sangpu pati ng mga nayon niyaon.

27 At sa mga anak ni Gerson, sa mga angkan ng mga Levita, ay ibinigay sa kanila sa kalahating lipi ni Manases ang Gaulon sa Basan pati ng mga nayon niyaon, ang bayang ampunan na ukol sa nakamatay; at ang Be-estera pati ng mga nayon niyaon; dalawang bayan.

28 At sa lipi ni Issachar, ang Cesion pati ng mga nayon niyaon, ang Dabereth pati ng mga nayon niyaon;

29 Ang Jarmuth pati ng mga nayon niyaon, ang En-gannim pati ng mga nayon niyaon: apat na bayan.

30 At sa lipi ni Aser, ang Miseal pati ng mga nayon niyaon, ang Abdon pati ng mga nayon niyaon;

31 Ang Helchath pati ng mga nayon niyaon, ang Rehob pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

32 At sa lipi ni Nephtali ang bayang ampunan na ukol sa nakamatay, ang Cedes sa Galilea pati ng mga nayon niyaon, at ang Hammoth-dor pati ng mga nayon niyaon, at ang Cartan pati ng mga nayon niyaon; tatlong bayan.

33 Lahat na bayan ng mga Gersonita ayon sa kanilang mga angkan ay labing tatlong bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

34 At sa mga angkan ng mga anak ni Merari, na nalabi sa mga Levita, sa lipi ni Zabulon, ang Jocneam pati ng mga nayon niyaon, at ang Kartha pati ng mga nayon niyaon,

35 Ang Dimna pati ng mga nayon niyaon, ang Naalal pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

36 At sa lipi ni Ruben; ang Beser pati ng mga nayon niyaon, at ang Jasa pati ng mga nayon niyaon.

37 Ang Cedemoth pati ng mga nayon niyaon, at ang Mephaat pati ng mga nayon niyaon; apat na bayan.

38 At sa lipi ni Gad ang bayang ampunan na ukol sa nakamatay, ang Ramoth sa Galaad pati ng mga nayon niyaon, ang Mahanaim pati ng mga nayon niyaon;

39 Ang Hesbon pati ng mga nayon niyaon, at ang Jacer pati ng mga nayon niyaon, apat na bayang lahat.

40 Lahat ng mga ito ay mga bayan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, sa makatuwid baga’y ang nalabi sa mga angkan ng mga Levita; at ang kanilang kapalaran ay labing dalawang bayan.

41 Lahat na bayan ng mga Levita sa gitna ng mga pag-aari ng mga anak ni Israel ay apat na pu’t walong bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

42 Ang mga bayang ito ay kalakip bawa’t isa ang mga nayon nito sa palibot ng mga yaon: gayon sa lahat ng mga bayang ito.

43 Sa gayo’y ibinigay ng Panginoon sa Israel ang boong lupain na kaniyang isinumpa na ibibigay sa kanilang mga magulang: at kanilang inari at tumahan doon.

44 At binigyan sila ng kapahingahan ng Panginoon sa palibot, ayon sa lahat ng kaniyang isinumpa sa kanilang mga magulang: at walang tumayong isang lalake sa lahat ng kanilang mga kaaway sa harap nila; ibinigay ng Panginoon ang lahat nilang mga kaaway sa kanilang kamay.

45 Walang nagkulang na isang mabuting bagay na sinalita ng Panginoon sa sangbahayan ng Israel, lahat ay nangyari.

Josue 22

1 Tinawag nga ni Josue ang mga Rubenita, at ang mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,

2 At sinabi sa kanila, Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong dininig ang aking tinig sa lahat na aking iniutos sa inyo;

3 Hindi ninyo iniwan ang inyong mga kapatid na malaong panahon hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang bilin na utos ng Panginoon ninyong Dios.

4 At ngayo’y binigyan ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios ang inyong mga kapatid, gaya ng sinalita niya sa kanila: kaya’t ngayo’y pumihit kayo at yumaon kayo sa inyong mga tolda sa lupain na inyong ari, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan.

5 Ingatan lamang ninyong mainam na gawin ang utos at ang kautusan na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at lumakip sa kaniya, at maglingkod sa kaniya ng boo ninyong puso at ng boo ninyong kaluluwa.

6 Gayon sila binasbasan ni Josue at pinagpaalam sila: at sila’y umuwi sa kanilang mga tolda.

7 Ibinigay nga ni Moises sa kalahating lipi ni Manases ang mana sa Basan: nguni’t ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue sa gitna ng kanilang mga kapatid sa dako rito ng Jordan na dakong kalunuran. Bukod dito’y nang papagpaalamin sila ni Josue na pauwiin sa kanilang mga tolda, ay binasbasan sila,

8 At sinalita sa kanila, na sinasabi, Kayo’y bumalik na may maraming kayamanan sa inyong mga tolda, at may maraming hayop, may pilak, at may ginto, at may tanso, at may bakal, at may maraming kasuutan: magbahagi kayo sa inyong mga kapatid ng samsam sa inyong mga kaaway.

9 At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagsibalik na humiwalay sa mga anak ni Israel mula sa Silo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumaroon sa lupain ng Galaad, sa lupain ng kanilang ari na kanilang inari, ayon sa utos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises.

10 At nang sila’y dumating sa may lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng dambana sa tabi ng Jordan, isang malaking dambana na matatanaw.

11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, Narito, ang mga anak ni Ruben, ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan sa may lupain ng Jordan, sa dako na nauukol sa mga anak ni Israel.

12 At nang marinig ng mga anak ni Israel, ay nagpipisan sa Silo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, upang sumampa laban sa kanila na makipagdigma.

13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Galaad, si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote;

14 At kasama niya ay sangpung prinsipe, na isang prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang sa bawa’t isa sa mga lipi ng Israel; at bawa’t isa sa kanila’y pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang sa mga libolibo sa Israel.

15 At sila’y naparoon sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Galaad, at sinalita nila sa kanila na sinasabi,

16 Ganito ang sabi ng buong kapisanan ng Panginoon, Anong pagsalangsang ito na inyong ginawa laban sa Dios ng Israel, na humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon, sa inyong pagtatayo para sa inyo ng isang dambana, upang manghimagsik sa araw na ito laban sa Panginoon?

17 Napakaliit ba sa ganang atin ang kasamaan ng Peor, na hindi natin nilinis hanggang sa araw na ito, bagaman dumating ang salot sa kapisanan ng Panginoon,

18 Upang kayo’y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka’t kayo’y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel.

19 Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni’t huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios.

20 Hindi ba si Achan na anak ni Zera ay nagkasala ng pagsalangsang sa itinalagang bagay, at ang pagiinit ay nahulog sa buong kapisanan ng Israel? at ang taong yaon ay hindi namatay na magisa sa kaniyang kasamaan.

21 Nang magkagayo’y sumagot ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pangulo ng mga libolibo sa Israel.

22 Ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ay siyang nakatatalastas; at matatalastas ng Israel; kung panghihimagsik nga o kung pagsalangsang laban sa Panginoon, (huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,)

23 Na kami ay nagtayo para sa amin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung paghandugan ng mga handog na susunugin o ng handog na harina, o kung paghandugan ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, siyasatin nga ng Panginoon;

24 At kung hindi namin ginawang maingat ito, at inakala, na sabihin. Marahil sa panahong darating ay masasalita ng inyong mga anak, na sasabihin, Anong ipakikialam ninyo sa Panginoon, sa Dios ng Israel?

25 Sapagka’t ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad: kayo’y walang bahagi sa Panginoon: sa gayo’y patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagkatakot sa Panginoon.

26 Kaya’t aming sinabi, Maghanda tayo na magtayo para sa atin ng isang dambana, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain man:

27 Kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya ng aming mga handog na susunugin at ng aming mga hain at ng aming mga handog tungkol sa kapayapaan; upang huwag masabi ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, Kayo’y walang bahagi sa Panginoon.

28 Kaya’t sinabi namin, Mangyayari na pagka kanilang sasabihing gayon sa amin o sa aming lahi sa panahong darating, ay aming sasabihin, Narito ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga magulang, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain: kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.

29 Malayo nawa sa amin na kami ay manghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pagtatayo ng isang dambana para sa handog na susunugin, para sa handog na harina, o para sa hain bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios na nasa harap ng kaniyang tabernakulo.

30 At nang marinig ni Phinees na saserdote, at ng mga prinsipe ng kapisanan ng mga pangulo ng mga libolibo ng Israel na kasama niya, ang mga salita na sinalita ng mga anak ni Ruben, at ng mga anak ni Gad, at ng mga anak ni Manases, ay nakalugod na mabuti sa kanila.

31 At sinabi ni Phinees na anak ni Eleazar na saserdote sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Manases, Sa araw na ito ay talastas namin, na ang Panginoon ay nasa gitna natin, sapagka’t kayo’y hindi nagkasala ng pagsalangsang na ito laban sa Panginoon: inyo ngang iniligtas ang mga anak ni Israel sa kamay ng Panginoon.

32 At si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote at ang mga prinsipe, ay nagsibalik na mula sa mga anak ni Ruben, at mula sa mga anak ni Gad, sa lupain ng Galaad, na tumungo sa lupain ng Canaan, sa mga anak ni Israel, at binigyan nilang sagot.

33 At ang bagay ay nakalugod sa mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Dios at hindi na nagsalita pa ng pagsampa laban sa kanila na bumaka na gibain ang lupain na kinatatahanan ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad.

34 At ang dambana ay tinawag na Ed ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: Sapagka’t anila, saksi sa pagitan natin, na ang Panginoon ay Dios.