Josue 23

1 At nangyari pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon;

2 Na tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang mga matanda, at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom at ang kanilang mga pinuno, at sinabi sa kanila, Ako’y matanda na at puspos ng mga taon:

3 At inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo; sapagka’t ipinakipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.

4 Narito, aking binahagi sa inyo ang mga bansang ito na nangalabi, upang maging mana sa inyong mga lipi, mula sa Jordan pati ng lahat na bansa na aking inihiwalay, hanggang sa malaking dagat na dakong nilulubugan ng araw.

5 At itataboy sila ng Panginoon ninyong Dios mula sa harap ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aariin ang kanilang lupain na gaya ng sinalita ng Panginoon ninyong Dios sa inyo.

6 Kaya’t kayo’y magpakatapang na mabuti na ingatan at gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises na huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;

7 Na huwag kayong pumasok sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang pangalan ng kanilang mga dios, ni magpasumpa sa pangalan ng mga yaon, ni maglingkod sa mga yaon, ni yumukod sa mga yaon:

8 Kundi lumakip kayo sa Panginoon ninyong Dios, na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.

9 Sapagka’t pinalayas ng Panginoon sa harap ninyo ang mga malaking bansa at malakas: nguni’t tungkol sa inyo, ay walang tao na tumayo sa harap ninyo hanggang sa araw na ito.

10 Isang lalake sa inyo ay hahabol sa isang libo: sapagka’t ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios, gaya ng sinalita niya sa inyo.

11 Magpakaingat nga kayong mabuti sa inyong sarili, na inyong ibigin ang Panginoon ninyong Dios.

12 Kung inyo ngang tatalikuran sa anomang paraan at lalakip sa nangalabi sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalabi sa gitna ninyo, at kayo’y magaasawa sa kanila, at kayo’y lalakip sa kanila, at sila sa inyo:

13 Ay tatalastasin ninyong lubos na hindi pa palalayasin ng Panginoon ninyong Dios ang mga bansang ito sa inyong paningin: kundi sila’y magiging silo at lalang sa inyo, at panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo’y malipol dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

14 At, narito, sa araw na ito ay yumayaon ako sa lakad ng buong lupa: at inyong talastas sa inyong buong puso at sa inyong buong kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na sinalita ng Panginoon ninyong Dios tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.

15 At mangyayari, na kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay ay nangyari sa inyo na sinalita sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, ay gayon dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng mga masamang bagay, hanggang sa kayo’y malipol niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

16 Pagka inyong sinalangsang ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang iniutos sa inyo, at yumaon at naglingkod sa ibang mga dios at yumukod sa mga yaon; ang galit nga ng Panginoon ay magaalab laban sa inyo, at kayo’y malilipol na madali sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa inyo.

Josue 24

1 At pinisan ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Sichem, at tinawag ang mga matanda ng Israel at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom, at ang kanilang mga pinuno; at sila’y nagsiharap sa Dios.

2 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang inyong mga magulang ay tumahan nang unang panahon sa dako roon ng Ilog, na dili iba’t si Thare, na ama ni Abraham at ama ni Nachor: at sila’y naglingkod sa ibang mga dios.

3 At kinuha ko ang inyong amang si Abraham mula sa dako roon ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kaniyang binhi at ibinigay ko sa kaniya si Isaac.

4 At ibinigay ko kay Isaac si Jacob at si Esau: at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang ariin; at si Jacob at ang kaniyang mga anak ay bumabang pumasok sa Egipto.

5 At aking sinugo si Moises at si Aaron, at sinalot ko ang Egipto, ayon sa aking ginawa sa gitna niyaon: at pagkatapos ay inilabas ko kayo.

6 At inilabas ko ang inyong mga magulang sa Egipto: at kayo’y naparoon sa dagat; at hinabol ng mga taga Egipto ang inyong mga magulang, ng mga karo at ng mga nangangabayo hanggang sa Dagat na Mapula.

7 At nang sila’y dumaing sa Panginoon ay nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga taga Egipto, at itinabon ang dagat sa kanila, at tinakpan sila; at nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Egipto at kayo’y tumahan sa ilang na malaon.

8 At ipinasok ko kayo sa lupain ng mga Amorrheo, na tumatahan sa dako roon ng Jordan, at sila’y nakipagbaka sa inyo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inari ang kanilang lupain: at nilipol ko sila sa harap ninyo.

9 Nang magkagayo’y tumindig si Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab, at dumigma laban sa Israel; at siya’y nagsugo at tinawag si Balaam na anak ni Beor, upang sumpain kayo:

10 Nguni’t hindi ko dininig si Balaam; kaya’t binasbasan nga niya kayo: gayon iniligtas ko kayo sa kaniyang kamay.

11 At kayo’y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico: at ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, ang Amorrheo, at ang Pherezeo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Gergeseo, ang Heveo, at ang Jebuseo, at ibinigay ko sila sa inyong kamay.

12 At sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo, na siyang nagtaboy sa kanila sa harap ninyo, sa makatuwid baga’y sa dalawang hari ng mga Amorrheo: hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong busog.

13 At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo binukid, at ng mga bayang hindi ninyo itinayo, at inyong tinatahanan; at mga ubasan at mga olibohan na hindi ninyo itinanim ay inyong kinakain.

14 Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.

16 At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:

17 Sapagka’t ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:

18 At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya’t kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka’t siya’y ating Dios.

19 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo’y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka’t siya’y isang banal na Dios; siya’y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.

20 Kung inyong pabayaan ang Panginoon, at maglingkod sa ibang mga dios: ay hihiwalay nga siya at gagawan kayo ng kasamaan at lilipulin kayo pagkatapos na kaniyang nagawan kayo ng mabuti.

21 At sinabi ng bayan kay Josue, Hindi: kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.

22 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo’y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili sa inyo ang Panginoon, upang paglingkuran siya. At sinabi nila, Kami ay mga saksi.

23 Ngayon nga’y alisin ninyo, sabi niya, ang ibang mga dios na nasa gitna ninyo at ikiling ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Dios ng Israel.

24 At sinabi ng bayan kay Josue, Ang Panginoon nating Dios ay aming paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin.

25 Sa gayo’y nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na yaon, at nilagdaan niya sila ng palatuntunan at ng ayos sa Sichem.

26 At sinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Dios; at siya’y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng encina na nasa tabi ng santuario ng Panginoon.

27 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka’t narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga’y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios.

28 Sa gayo’y pinapagpaalam ni Josue ang bayan, bawa’t isa sa kaniyang mana.

29 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Josue, na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon, ay namatay na may isang daan at sangpung taon ang gulang.

30 At inilibing nila siya sa hangganan ng kaniyang mana sa Timnath-sera, na nasa lupaing maburol ng Ephraim sa hilagaan ng bundok ng Gaas.

31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue at nakilala ang lahat na gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.

32 At ang mga buto ni Jose, na isinampa ng mga anak ni Israel mula sa Egipto ay inilibing nila sa Sichem, sa putol ng lupa na binili ni Jacob sa mga anak ni Hemor na ama ni Sichem ng isang daang putol na salapi: at mga naging mana ng mga anak ni Jose.

33 At namatay si Eleazar na anak ni Aaron; at inilibing nila siya sa burol ni Phinees na kaniyang anak na nabigay sa kaniya sa lupaing maburol ng Ephraim.

Deuteronomio 1

1 Ito ang mga salita na sinalita ni Moises sa buong Israel sa dako roon ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suph, sa pagitan ng Paran, at ng Thopel, at ng Laban, at ng Haseroth, at ng Di-zahab.

2 Labing isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung dadaan ng bundok ng Seir hanggang sa Cades-barnea.

3 At nangyari nang ikaapat na pung taon, nang ikalabing isang buwan, nang unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel, tungkol sa lahat na ibinigay sa kaniyang utos ng Panginoon sa kanila;

4 Pagkatapos na kaniyang masaktan si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumatahan sa Hesbon, at si Og na hari sa Basan, na tumatahan sa Astarot sa Edrei:

5 Sa dako roon ng Jordan, sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipinahayag ang kautusang ito, na sinasabi,

6 Ang Panginoon nating Dios ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, Kayo’y nakatahan ng malaon sa bundok na ito:

7 Pumihit kayo, at kayo’y maglakbay, at kayo’y pumaroon sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, at sa lahat ng mga dakong malapit, sa Araba, sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Timugan, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo at sa Lebano, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates.

8 Narito, aking inilagay ang lupain sa harap ninyo: inyong pasukin at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi pagkamatay nila.

9 At ako’y nagsalita sa inyo nang panahong yaon na sinasabi, Hindi ko madadalang magisa kayo:

10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Dios, at, narito, kayo sa araw na ito ay gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan.

11 Kayo nawa’y dagdagan ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng makalibo pa sa dami ninyo ngayon, at kayo nawa’y pagpalain, na gaya ng ipinangako niya sa inyo!

12 Paanong madadala kong magisa ang inyong ligalig, at ang inyong pasan, at ang inyong pagkakaalitan?

13 Kumuha kayo sa inyo ng mga lalaking pantas, at nakakaalam, at kilala, ayon sa inyong mga lipi, at sila’y aking gagawing pangulo sa inyo.

14 At kayo’y sumagot sa akin at nagsabi, Ang bagay na iyong sinalita ay mabuting gawin namin.

15 Sa gayo’y kinuha ko sa inyo ang mga pangulo ng inyong mga lipi, na mga taong pantas, at kilala, at akin silang ginawang pangulo sa inyo, na mga punong kawal ng libolibo, at mga punong kawal ng mga daandaan, at mga punong kawal ng mga limangpu-limangpu, at mga punong kawal ng mga sangpu-sangpu, at mga pinuno ayon sa inyong mga lipi.

16 At aking pinagbilinan ang inyong mga hukom nang panahong yaon na sinasabi, Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid, at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kaniyang kapatid, at ang taga ibang lupa na kasama niya.

17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; inyong didinggin ang maliliit, na gaya ng malaki: huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagka’t ang kahatulan ay sa Dios: at ang usap na napakahirap sa inyo, ay inyong dadalhin sa akin, at aking didinggin.

18 At aking iniutos sa inyo nang panahong yaon ang lahat ng mga bagay na inyong dapat gagawin.

19 At tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak yaong buong malawak at kakilakilabot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Dios sa atin, at tayo’y dumating sa Cades-barnea.

20 At aking sinabi sa inyo, Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amorrheo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

21 Narito, inilalagay ng Panginoon ninyong Dios ang lupain sa harap mo: sampahin mo, ariin mo, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang; huwag kang matakot, ni manglupaypay.

22 At kayo’y lumapit sa akin, bawa’t isa sa inyo, at nagsabi, Tayo’y magsugo ng mga lalake sa unahan natin, upang kanilang kilalanin ang lupain para sa atin, at magbigay alam sa atin ng daang ating marapat sampahan, at ng mga bayang ating daratnin.

23 At ang bagay na yaon ay inakala kong magaling: at ako’y kumuha ng labing dalawang lalake sa inyo, na isang lalake sa bawa’t lipi.

24 At sila’y pumihit at sumampa sa bundok, at dumating hanggang sa libis ng Escol, at kanilang tiniktikan.

25 At sila’y nagbitbit ng bunga ng lupain sa kanilang mga kamay, at kanilang ipinanaog sa atin, at sila’y nagdala ng kasagutan at nagsabi, Mabuting lupain ang ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

26 Gayon ma’y hindi kayo umakyat, kundi nanghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios.

27 At kayo’y dumaing sa inyong mga tolda, at inyong sinabi, Sapagka’t kinapootan tayo ng Panginoon, ay inilabas tayo sa lupain ng Egipto, upang tayo’y ibigay sa kamay ng mga Amorrheo, upang tayo’y lipulin.

28 Saan tayo sasampa? pinapanglupaypay ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, Ang mga tao ay malalaki at matataas kay sa atin; ang mga bayan ay malalaki at nakukutaan ng hanggang sa himpapawid; at bukod dito’y aming nakita roon ang mga anak ng mga Anaceo.

29 Nang magkagayo’y sinabi ko sa inyo, Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.

30 Ang Panginoon ninyong Dios, na nangunguna sa inyo, ay kaniyang ipakikipaglaban kayo, ayon sa lahat ng kaniyang ginawa sa Egipto dahil sa inyo sa harap ng inyong mga mata;

31 At sa ilang, na inyong kinakitaan kung paanong dinala ka ng Panginoon ninyong Dios, na gaya ng pagdadala ng tao sa kaniyang anak, sa buong daang inyong nilakaran hanggang sa dumating kayo sa dakong ito.

32 Gayon ma’y sa bagay na ito, ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Dios,

33 Na nagpauna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda, na nasa apoy pagka gabi, upang ituro sa inyo kung saang daan kayo dadaan, at nasa ulap pagka araw.

34 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, at nag-init, at sumumpa, na nagsasabi,

35 Tunay na hindi makikita ng isa man nitong mga taong masamang lahi ang mabuting lupain na aking isinumpang ibigay sa inyong mga magulang,

36 Liban si Caleb na anak ni Jephone; at siya ang makakakita; at sa kaniya ko ibibigay ang lupain na kaniyang tinuntungan, at sa kaniyang mga anak: sapagka’t siya’y lubos na sumunod sa Panginoon.

37 Ang Panginoon ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, Ikaw man ay hindi papasok doon:

38 Si Josue na anak ni Nun, na nakatayo sa harap mo, ay siyang papasok doon: palakasin mo ang kaniyang loob; sapagka’t kaniyang ipamamana sa Israel.

39 Bukod dito’y ang inyong mga bata, na inyong sinasabing magiging bihag, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay sila ang papasok doon, at sa kanila’y aking ibibigay, at kanilang aariin.

40 Nguni’t tungkol sa inyo, ay bumalik kayo, at maglakbay kayo sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.

41 Nang magkagayo’y sumagot kayo at sinabi ninyo sa akin, Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay sasampa at lalaban, ayon sa buong iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios. At nagsipagsakbat bawa’t isa sa inyo ng kanikaniyang sandata na pangdigma, at kayo’y nagmadaling sumampa sa bundok.

42 At sinabi sa akin ng Panginoon, Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong sumampa, ni lumaban; sapagka’t ako’y wala sa inyo; baka kayo’y masugatan sa harap ng inyong mga kaaway.

43 Gayon sinalita ko sa inyo, at hindi ninyo dininig; kundi kayo’y nanghimagsik laban sa utos ng Panginoon, at naghambog at umakyat sa bundok.

44 At ang mga Amorrheo na tumatahan sa bundok na yaon, ay nagsilabas na laban sa inyo, at kayo’y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo’y tinalo sa Seir, hanggang sa Horma.

45 At kayo’y bumalik at umiyak sa harap ng Panginoon; nguni’t hindi dininig ng Panginoon ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo.

46 Sa gayon, ay natira kayong malaon sa Cades, ayon sa mga araw na inyong itinira roon.

Deuteronomio 2

1 Nang magkagayo’y pumihit tayo, at lumakad tayo sa ilang na daang patungo sa Dagat na Mapula, gaya ng sinalita sa akin ng Panginoon; at tayo’y malaong lumigid sa bundok ng Seir.

2 At ang Panginoon ay nagsalita sa akin, na sinasabi,

3 Malaon na ninyong naligid ang bundok na ito: lumiko kayo sa dakong hilagaan.

4 At iutos mo sa bayan, na iyong sabihin, Kayo’y dadaan sa hangganan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir; at sila’y matatakot sa inyo. Magsipagingat nga kayong mabuti:

5 Huwag kayong makipagkaalit sa kanila; sapagka’t hindi ko ibibigay sa inyo ang kanilang lupain, kahit ang natutungtungan ng talampakan ng isang paa: sapagka’t ibinigay ko kay Esau, na pinakaari ang bundok ng Seir.

6 Kayo’y bibili sa kanila ng pagkain sa pamamagitan ng salapi, upang kayo’y makakain; at kayo’y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi, upang kayo’y makainom.

7 Sapagka’t pinagpala ka ng Panginoon mong Dios, sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kaniyang natalastas ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; sa loob nitong apat na pung taon ay sumaiyo ang Panginoon mong Dios; ikaw ay di kinulang ng anoman.

8 Gayon tayo nagdaan sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, mula sa daan ng Araba, mula sa Elath at mula sa Esion-geber. At tayo’y bumalik at nagdaan sa ilang ng Moab.

9 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong kaalitin ang Moab, ni kakalabanin sila sa digma; sapagka’t hindi kita bibigyan sa kaniyang lupain ng pinakaari; sapagka’t aking ibinigay na pinakaari ang Ar sa mga anak ni Lot.

10 (Ang mga Emimeo ay nanahan doon noong una, bayang malaki, at marami, at matataas na gaya ng mga Anaceo:

11 Ang mga ito man ay ibinilang na mga Rephaim, na gaya ng mga Anaceo; nguni’t tinatawag silang Emimeo ng mga Moabita.

12 Ang mga Hereo man ay tumahan sa Seir noong una, nguni’t ang mga anak ni Esau ay humalili sa kanila; at nalipol sila ng mga ito sa harap din nila, at tumahan na kahalili nila; gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kaniyang pag-aari, na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13 Ngayon, tumindig kayo, at tumawid kayo sa batis ng Zered. At tayo’y tumawid sa batis ng Zered.

14 At ang mga araw na ating ipinaglakad mula sa Cades-barnea hanggang sa tayo’y nakarating sa batis ng Zered, ay tatlong pu’t walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mangdidigma ay nalipol sa gitna ng kampamento, gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon.

15 Bukod dito’y ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampamento, hanggang sa sila’y nalipol.

16 Kaya’t nangyari, nang malipol at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mangdidigma.

17 Ay sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi,

18 Ikaw ay dadaan sa araw na ito sa Ar, na hangganan ng Moab:

19 At pagka ikaw ay matatapat sa mga anak ni Ammon, ay huwag kang manampalasan sa kanila ni makipagtalo sa kanila: sapagka’t hindi ko ibibigay sa iyo na pinakaari ang lupain ng mga anak ni Ammon: sapagka’t aking ibinigay na pinakaari sa mga anak ni Lot.

20 (Yaon man ay ibinilang na lupain ng mga Rephaim: ang mga Rephaim ang tumatahan doon noong una; nguni’t tinawag na mga Zomzommeo ng mga Ammonita;

21 Bayang malaki at marami at matataas na gaya ng mga Anaceo; nguni’t nilipol sila ng Panginoon sa harap nila; at sila’y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila:

22 Gaya ng ginawa ng Panginoon sa mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, nang kaniyang lipulin ang mga Horeo sa harap nila; at sila’y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila hanggang sa araw na ito:

23 At ang mga Heveo na nangagsitahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ay nilipol ng mga Caftoreo na nangagmula sa Caftor, at tumahang kahalili nila.)

24 Magsitindig kayo, kayo’y maglakbay, at magdaan kayo sa libis ng Arnon: narito, aking ibinigay sa iyong kamay si Sehon na Amorrheo, na hari sa Hesbon, at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin, at kalabanin mo siya sa digma.

25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay sa mga bayang nangasa silong ng buong langit, ang sindak sa iyo at ang takot sa iyo, na maririnig nila ang iyong kabantugan, at magsisipanginig, at mangahahapis, dahil sa iyo.

26 At ako’y nagsugo ng mga sugo mula sa ilang ng Cademoth kay Sehon na hari sa Hesbon na may mapayapang pananalita, na sinasabi,

27 Paraanin mo ako sa iyong lupain: sa daan lamang ako lalakad, hindi ako liliko maging sa kanan ni sa kaliwa.

28 Pagbibilhan mo ako ng pagkain sa salapi, upang makakain ako, at bibigyan mo ako ng tubig sa salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako ng aking mga paa;

29 Gaya ng ginawa sa akin ng mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, at ng mga Moabita na tumatahan sa Ar; hanggang sa makatawid ako sa Jordan, sa lupaing sa amin ay ibinibigay ng Panginoon naming Dios.

30 Nguni’t ayaw tayong paraanin ni Sehon na hari sa Hesbon sa lupa niya; sapagka’t pinapagmatigas ng Panginoon mong Dios ang kaniyang diwa, at pinapagmatigas ang kaniyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.

31 At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, aking pinasimulang ibigay sa harap mo si Sehon at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin upang iyong mamana ang kaniyang lupain.

32 Nang magkagayo’y lumabas si Sehon laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Jahaz.

33 At ibinigay siya ng Panginoon nating Dios sa harap natin; at ating sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak at ang kaniyang buong bayan.

34 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon, at ating lubos na nilipol ang bawa’t bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata; wala tayong itinira:

35 Ang mga hayop lamang ang dinalang pinakasamsam, sangpu ng mga nasamsam sa mga bayan na ating sinakop.

36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa bayan na nasa libis, hanggang sa Galaad, ay wala tayong minataas na bayan: ibinigay na lahat sa harap natin ng Panginoon nating Dios:

37 Sa lupain lamang ng mga anak ni Ammon hindi ka lumapit; sa buong pangpang ng ilog Jaboc at sa mga bayan ng lupaing maburol, at saan man na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Dios.

Deuteronomio 3

1 Nang magkagayo’y pumihit tayo, at ating sinampa ang daang patungo sa Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Edrei.

2 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong katakutan siya, sapagka’t aking ibinigay sa iyong kamay siya, at ang kaniyang buong bayan, at ang kaniyang lupain; at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.

3 Gayon din ibinigay ng Panginoon nating Dios sa ating kamay si Og, na hari sa Basan, at ang buong bayan niya; at ating sinaktan siya hanggang sa walang natira sa kaniya.

4 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.

5 Ang lahat ng ito’y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.

6 At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa Hesbon, na lubos nating nilipol bawa’t bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.

7 Nguni’t ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.

8 At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;

9 (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na Senir):

10 Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.

11 (Sapagka’t si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon sa siko ng isang lalake).

12 At ang lupaing ito’y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita:

13 At ang labis ng Galaad, at ang buong Basan, na kaharian ni Og, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases; ang buong lupain ng Argob, sa makatuwid baga’y ang buong Basan. (Siya ring tinatawag na lupain ng mga Rephaim.

14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Machateo; at mga tinawag niya ng Basan ayon sa kaniyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)

15 At aking ibinigay ang Galaad kay Machir.

16 At sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Galaad hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, na pinaka hangganan niyaon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;

17 Pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyaon, mula sa Cinereth hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat na Alat, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silanganan.

18 At kayo’y aking inutusan nang panahong yaon, na sinasabi, Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios ang lupaing ito upang ariin: kayo’y daraang may sakbat sa harap ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel, lahat ng taong matapang.

19 Nguni’t ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop, (aking talastas na kayo’y mayroong maraming hayop), ay mangatitira sa inyong mga bayan na aking ibinigay sa inyo;

20 Hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang ariin naman ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios, sa dako roon ng Jordan; kung magkagayon ay babalik ang bawa’t lalake sa inyo sa kaniyang pag-aari, na aking ibinigay sa inyo.

21 At aking iniutos kay Josue nang panahong yaon, na sinasabi, Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Dios sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.

22 Huwag kayong matakot sa kanila: sapagka’t ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.

23 At ako’y dumalangin sa Panginoon nang panahong yaon, na sinasabi,

24 Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?

25 Paraanin mo nga ako, isinasamo ko sa iyo, at aking makita ang mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang Libano.

26 Nguni’t ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako dininig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Siya na; huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.

27 Sumampa ka sa taluktok ng Pisga at ilingap mo ang iyong mga mata sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at masdan mo ng iyong mga mata; sapagka’t hindi ka makatatawid sa Jordang ito.

28 Nguni’t pagbilinan mo si Josue, at palakasin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya: sapagka’t siya’y daraan sa harap ng bayang ito, at kaniyang ipamamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.

29 Sa gayo’y tumahan tayo sa libis, na nasa tapat ng Beth-peor.

Deuteronomio 4

1 At ngayon, Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo’y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang.

2 Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo.

3 Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka’t lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo.

4 Nguni’t kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa’t isa sa inyo sa araw na ito.

5 Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin.

6 Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka’t ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.

7 Sapagka’t anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo’y tumawag sa kaniya?

8 At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito?

9 Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak;

10 Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila’y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.

11 At kayo’y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman.

12 At ang Panginoo’y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni’t wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig.

13 At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga’y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.

14 At iniutos sa akin ng Panginoon nang panahong yaon, na turuan ko kayo ng mga palatuntunan at mga kahatulan, upang inyong mangagawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin.

15 Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka’t wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy:

16 Baka kayo’y mangagpakasama, at kayo’y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae,

17 Na kahawig ng anomang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anomang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,

18 Na kahawig ng anomang bagay na umuusad sa lupa, na kahawig ng anomang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa:

19 At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw at ang buwan, at ang mga bituin, sangpu ng buong natatanaw sa langit, ay mabuyo ka at iyong sambahin, at paglingkuran, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit.

20 Nguni’t kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, sa Egipto, upang kayo’y maging sa kaniya’y isang bayang mana, gaya sa araw na ito.

21 Bukod dito’y nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyo, at sumumpa na ako’y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing yaon, na ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyo na pinakamana:

22 Kundi ako’y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako’y hindi nararapat tumawid sa Jordan: nguni’t kayo’y tatawid, at inyong aariin ang mabuting lupaing yaon.

23 Mangagingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang pinagtibay sa inyo, at kayo’y gumawa ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Dios.

24 Sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga.

25 Pagka ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagluwat kayo ng malaon sa lupaing yaon, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Dios, upang mungkahiin ninyo siya sa kagalitan:

26 Ay aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, na kayo’y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdadaan sa Jordan, upang ariin: hindi ninyo mapatatagal doon ang inyong mga araw, kundi kayo’y lubos na malilipol.

27 At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo’y malalabing kaunti sa bilang sa gitna ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon.

28 At doo’y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy.

29 Nguni’t mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa.

30 Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig.

31 Sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila.

32 Sapagka’t ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito?

33 Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhay?

34 O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Egipto, sa harap ng iyong mga mata?

35 Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; wala nang iba liban sa kaniya.

36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig, upang kaniyang turuan ka; at sa ibabaw ng lupa ay kaniyang ipinakita sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kaniyang mga salita sa gitna ng apoy.

37 At sapagka’t kaniyang inibig ang iyong mga magulang, kaya kaniyang pinili ang kaniyang binhi pagkatapos nila, at inilabas ka niya sa Egipto ng kaniyang pagharap, ng kaniyang dakilang kapangyarihan;

38 Upang palayasin sa harap mo ang mga bansang lalong malalaki at lalong makapangyarihan kay sa iyo, upang ikaw ay kaniyang papasukin, na ibigay sa iyo na pinakamana ang kanilang lupain, gaya sa araw na ito.

39 Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.

40 At iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios.

41 Nang magkagayo’y inihiwalay ni Moises ang tatlong bayan sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

42 Upang ang nakamatay ng tao ay tumakas doon, na nakamatay sa kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan; at sa pagtakas sa isa sa mga bayang ito ay mabuhay siya:

43 Sa makatuwid baga’y sa Beser, sa ilang, sa kapatagang lupa, na ukol sa mga Rubenita; at sa Ramoth sa Galaad, na ukol sa mga Gadita; at sa Golan sa Basan, na ukol sa mga Manasita.

44 At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel:

45 Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila’y lumabas sa Egipto;

46 Sa dako pa roon ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila’y umalis sa Egipto;

47 At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

48 Mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sion (na siya ring Hermon),

49 At ang buong Araba sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan, hanggang sa dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.

Deuteronomio 5

1 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.

2 Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

3 Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.

4 Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy

5 (Ako’y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka’t kayo’y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,

6 Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

7 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.

8 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

9 Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka’t akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;

10 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

11 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

12 Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

13 Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:

14 Nguni’t ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo.

15 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya’t iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath.

16 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

17 Huwag kang papatay.

18 Ni mangangalunya.

19 Ni magnanakaw.

20 Ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa.

21 Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa, ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

22 Ang mga salitang ito ay sinalita ng Panginoon sa buong kapisanan ninyo sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa salisalimuot na kadiliman, ng malakas na tinig: at hindi na niya dinagdagan pa. At kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay sa akin.

23 At nangyari, nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy, ay lumapit kayo sa akin, sa makatuwid baga’y ang lahat ng mga pangulo sa inyong mga lipi, at ang inyong mga matanda;

24 At inyong sinabi, Narito, ipinakita sa amin ng Panginoon nating Dios ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang kadakilaan, at aming narinig ang kaniyang tinig mula sa gitna ng apoy: aming nakita sa araw na ito, na ang Dios ay nakikipag-usap sa tao, at siya’y buhay.

25 Ngayon nga, bakit kami mamamatay? sapagka’t pupugnawin kami ng dakilang apoy na ito: kung marinig pa namin ang tinig ng Panginoon nating Dios, ay mamamatay nga kami.

26 Sapagka’t sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Dios na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay?

27 Lumapit ka, at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Dios: at iyong salitain sa amin, yaong lahat na sasalitain sa iyo ng Panginoon nating Dios; at aming didinggin, at gagawin.

28 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, nang kayo’y magsalita sa akin; at sinabi ng Panginoon sa akin, Aking narinig ang tinig ng mga salita ng bayang ito, na kanilang sinalita sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinalita.

29 Oh mamalagi nawa sa kanila ang kaloobang ito, na sila’y matakot sa akin, at kanilang ingatan kailan man ang lahat ng aking mga utos upang ikabuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailan man!

30 Yumaon ka, sabihin mo sa kanila, Magsibalik kayo sa inyong mga tolda.

31 Nguni’t tungkol sa iyo, matira ka rito sa akin, at aking sasalitain sa iyo ang lahat ng utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iyong ituturo sa kanila, upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang ariin.

32 Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

33 Kayo’y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, upang kayo’y mabuhay, at upang ikabuti ninyo, at upang inyong mapalawig ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.

Deuteronomio 6

1 Ito nga ang utos, ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon ninyong Dios na ituro sa inyo, upang inyong magawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin:

2 Na ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios, na iyong ingatan ang lahat niyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniutos sa iyo, sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay lumawig.

3 Dinggin mo nga, Oh Israel, at iyong isagawa upang ikabuti mo, at upang kayo’y dumaming maigi, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang, sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

4 Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon:

5 At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.

6 At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso;

7 At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.

8 At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay at mga magiging pinakatali sa iyong noo.

9 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuan-daan.

10 At mangyayari, pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, upang ibigay sa iyo; na may malalaki at mabubuting bayan na hindi mo itinayo,

11 At mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balong hukay na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo, na hindi mo itinanim, at iyong kakanin at ikaw ay mabubusog;

12 At magingat ka nga, baka iyong malimutan ang Panginoon, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

13 Ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios; at sa kaniya’y maglilingkod ka, at sa pamamagitan lamang ng kaniyang pangalan susumpa ka.

14 Huwag kang susunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bansang nasa palibot mo;

15 Sapagka’t ang Panginoon mong Dios na nasa gitna mo, ay isang mapanibughuing Dios; baka ang galit ng Panginoon mong Dios ay magalab laban sa iyo, at ikaw ay kaniyang lipulin sa ibabaw ng lupa.

16 Huwag ninyong tutuksuhin ang Panginoon ninyong Dios, gaya ng tuksuhin ninyo siya sa Massah.

17 Inyong iingatan ng buong sikap ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, na kaniyang iniutos sa iyo.

18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon: upang ikabuti mo, at upang iyong mapasok at ariin ang mabuting lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang,

19 Upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo, gaya ng sinalita ng Panginoon.

20 Pagka tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin: Anong kahulugan ng mga patotoo, at ng mga palatuntunan, at ng mga kahatulan, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Dios?

21 Ay iyo ngang sasabihin sa iyong anak: Kami ay naging mga alipin ni Faraon sa Egipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at panggiba, sa Egipto, kay Faraon, at sa kaniyang buong sangbahayan, sa harap ng aming mga mata:

23 At kami ay inilabas niya roon, na kaniyang ipinasok kami rito, upang ibigay sa amin ang lupain na kaniyang isinumpa sa ating mga magulang.

24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga palatuntunang ito, na matakot sa Panginoon nating Dios, sa ikabubuti natin kailan man, upang ingatan niya tayong buhay, gaya sa araw na ito.

25 At siya’y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, gaya ng iniutos niya sa atin.

Deuteronomio 7

1 Pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, at palalayasin ang maraming bansa sa harap mo, ang Hetheo, at ang Gergeseo at ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Pherezeo, at ang Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang lalong malalaki at mga lalong makapangyarihan kay sa iyo;

2 At pagka sila’y ibibigay sa harap mo ng Panginoon mong Dios, at iyong sasaktan sila; ay lubos mo ngang lilipulin sila; huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mong pagpakitaan ng kaawaan sila:

3 Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake.

4 Sapagka’t kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila’y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo’y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali.

5 Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.

6 Sapagka’t ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.

7 Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo’y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka’t kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan:

8 Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto.

9 Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi;

10 At pinanghihigantihan sa kanilang mukha, ang mga napopoot sa kaniya, upang lipulin: siya’y hindi magpapaliban doon sa napopoot sa kaniya, kaniyang panghihigantihan sa kaniya ring mukha.

11 Iyo ngang iingatan ang utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin.

12 At mangyayari, na sapagka’t iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang tipan, at igagawad ang kagandahang-loob, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang:

13 At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.

14 Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.

15 At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.

16 At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka’t magiging isang silo sa iyo.

17 Kung iyong sasabihin sa iyong puso, Ang mga bansang ito ay higit kay sa akin; paanong aking makakamtan sila?

18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Faraon, at sa buong Egipto.

19 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, at ang mga tanda, at ang mga kababalaghan, at ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig, na ipinaglabas sa iyo ng Panginoon mong Dios: ay gayon ang gagawin ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bayan na iyong kinatatakutan.

20 Bukod dito’y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Dios ang malaking putakti hanggang sa ang nangaiiwan, at nangagtatago ay mamatay sa harap mo.

21 Huwag kang masisindak sa kanila; sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, dakilang Dios at kakilakilabot.

22 At itataboy na untiunti ng Panginoon mong Dios ang mga bansang yaon sa harap mo: hindi mo malilipol silang paminsan, baka ang mga hayop sa parang ay kumapal sa iyo.

23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, at pagtataglayin sila ng isang malaking kalituhan hanggang sa sila’y mangalipol.

24 At kaniyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit: walang lalaking makatatayo doon sa harap mo, hanggang sa iyong malipol sila.

25 Ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios ay iyong susunugin sa apoy: huwag mong iimbutin ang pilak o ang ginto na nasa mga yaon, ni huwag mong kukunin para sa iyo, baka sa iyo’y maging silo: sapagka’t ito’y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

26 At huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, at baka ikaw ay maging itinalaga na gaya niyaon: iyong lubos na kapopootan at iyong lubos na kasusuklaman, sapagka’t itinalagang bagay.

Deuteronomio 8

1 Ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay inyong isasagawa, upang kayo’y mangabuhay at dumami, at inyong mapasok at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang.

2 At iyong aalalahanin ang buong paraan na ipinatnubay sa iyo ng Panginoon mong Dios nitong apat na pung taon sa ilang, upang kaniyang mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi.

3 At ikaw ay pinapangumbaba niya, at pinapagdamdam ka niya ng gutom, at pinakain ka niya ng mana, na hindi mo nakilala, ni nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t bagay na nagmumula sa bibig ng Panginoon.

4 Ang iyong suot ay hindi naluma sa iyo, ni hindi namaga ang iyong paa nitong apat na pung taon.

5 At iyong pagmunimuniin sa iyong puso, na kung paanong pinarurusahan ng tao ang kaniyang anak, ay gayon pinarurusahan ka ng Panginoon mong Dios.

6 At iyong tutuparin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at matakot ka sa kaniya.

7 Sapagka’t dinala ka ng Panginoon mong Dios sa isang mabuting lupain, na lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok.

8 Lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga puno ng igos, at ng mga granada; lupain ng mga puno ng olibo at ng pulot:

9 Lupain na kakainan mo ng tinapay na di kapos, na walang magkukulang sa iyo roon; lupain na ang mga bato ay bakal, at ang kaniyang mga burol ay makukunan mo ng tanso.

10 At kakain ka, at mabubusog ka, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Dios dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.

11 Magingat ka na baka iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, sa hindi mo pagtupad ng kaniyang mga utos, at ng kaniyang mga kahatulan, at ng kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito:

12 Baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan;

13 At pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami;

14 Ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin;

15 Na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na tinatahanan ng mga makamandag na ahas at mga alakdan, at uhaw na lupa, na walang tubig; na siyang naglabas sa iyo ng tubig mula sa batong pingkian;

16 Na siyang nagpakain sa iyo ng mana sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang mapangumbaba ka, at kaniyang subukin ka, na pabutihin ka sa iyong wakas:

17 At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.

18 Kundi iyong aalalahanin ang Panginoon mong Dios, sapagka’t siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kaniyang papagtibayin ang kaniyang tipan na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, gaya nga sa araw na ito.

19 At mangyayari, na kung iyong kalilimutan ang Panginoon mong Dios, at ikaw ay susunod sa ibang mga dios, at iyong paglilingkuran sila, at iyong sasambahin sila ay aking pinatototohanan laban sa inyo sa araw na ito, na kayo’y tunay na malilipol.

20 Kung paano ang bansang nililipol ng Panginoon sa harap ninyo, ay gayon kayo malilipol; sapagka’t hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.