Deuteronomio 19

1 Pagka ihihiwalay ng Panginoon mong Dios ang mga bansa, na lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at hahalili ka sa kanila, at iyong tatahanan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;

2 Ay maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.

3 Ikaw ay maghahanda sa iyo ng daan, at pagtatluhin mong bahagi ang mga hangganan ng iyong lupain, na ipinamamana sa iyo ng Panginoon mong Dios, upang matakasan ng bawa’t nakamatay tao.

4 At ito ang bagay ng nakamatay tao, na tatakas doon at mabubuhay: sinomang makapatay sa kaniyang kapuwa ng di sinasadya, at hindi niya kinapopootan ng panahong nakaraan;

5 Gaya ng isang tao na yumaon sa gubat na kasama ang kaniyang kapuwa upang pumutol ng kahoy, at sa kamay niya na pumapalakol upang pumutol ng kahoy, ay humagpos ang patalim sa tatangnan, at bumagsak sa kaniyang kapuwa, na anopa’t mamatay; ay tatakas siya sa isa sa mga bayang yaon at siya’y mabubuhay:

6 Baka habulin ng tagapanghiganti sa dugo ang nakamatay, samantalang ang puso’y nagaalab, at siya’y kaniyang abutan, sapagka’t ang daan ay mahaba, at siya’y saktan ng malubha; na siya’y di marapat patayin, sapagka’t hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan.

7 Kaya’t iniuutos ko sa iyo, na sinasabi, Maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan.

8 At kung palakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kaniyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga magulang;

9 Kung iyong isasagawa ang buong utos na ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Dios, at lumakad kailan man sa kaniyang mga daan; ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong bayan sa iyo, bukod sa tatlong ito:

10 Upang huwag mabubo ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo na pinakamana ng Panginoon mong Dios, at sa gayo’y maging salarin ka sa iyo.

11 Nguni’t kung ang sinoman ay mapoot sa kaniyang kapuwa, at pag-abangan niya siya, at siya’y tumindig laban sa kaniya, at saktan niya siya ng malubha, na anopa’t mamatay; at siya’y tumakas sa isa sa mga bayang ito:

12 Ay magsusugo nga ang mga matanda sa kaniyang bayan at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapanghiganti sa dugo, upang siya’y mamatay.

13 Ang iyong mata’y huwag mahahabag sa kaniya; kundi aalisin mo sa Israel ang dugong walang sala, upang ikabuti mo.

14 Huwag mong babaguhin ang lindero ng iyong kapuwa, na kanilang inilagay ng una, sa iyong mana na iyong mamanahin, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.

15 Isang saksi ay huwag titindig laban sa kanino man sa anomang kasamaan, o sa anomang kasalanang kaniyang pinagkasalahan: sa bibig ng dalawang saksi, o sa bibig ng tatlong saksi ay pagtitibayin ang usap.

16 Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kaniya ng isang masamang gawa,

17 Ang dalawang taong naguusapin ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harap ng mga saserdote at ng mga magiging hukom sa mga araw na yaon;

18 At sisiyasating masikap ng mga hukom: at, narito, kung ang saksi ay saksing sinungaling, at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kaniyang kapatid;

19 Ay gagawin mo nga sa kaniya, ang gaya ng kaniyang inisip gawin sa kaniyang kapatid: sa gayo’y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

20 At maririnig niyaong mga natitira at matatakot, at hindi na sila magkakamit pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.

21 At ang iyong mata’y huwag mahahabag: buhay kung buhay, mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa.

Deuteronomio 20

1 Pagka ikaw ay lalabas upang makibaka laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, at mga karo, at ng isang bayang higit kay sa iyo, ay huwag kang matatakot sa kanila: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasaiyo, na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto.

2 At mangyayari paglapit ninyo sa pakikibaka, na ang saserdote ay lalapit at magsasalita sa bayan.

3 At magsasabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, kayo’y lumapit sa araw na ito sa pakikibaka laban sa inyong mga kaaway: huwag manglupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila.

4 Sapagka’t ang Panginoon ninyong Dios ay siyang yumayaong kasama ninyo, upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo’y iligtas.

5 At ang mga pinuno ay magsasalita sa bayan, na sasabihin, Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya natatalagahan? siya’y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya’y mamatay sa pakikibaka at ibang tao ang magtalaga.

6 At sinong lalake ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyaon? siya’y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya’y mamatay sa pakikibaka at ibang lalake ang makinabang ng bunga niyaon.

7 At sinong lalake ang nagasawa sa isang babae at di pa niya nakukuha? siya’y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya’y mamatay sa pakikibaka, at ibang lalake ang kumuha sa kaniyang asawa.

8 At muling magsasalita ang mga puno sa bayan, at kanilang sasabihin, Sinong lalake ang matatakutin at mahinang loob? siya’y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka ang puso ng kaniyang mga kapatid ay manglupaypay na gaya ng kaniyang puso.

9 At mangyayari, pagka ang mga pinuno ay natapos nang makapanalita sa bayan, na sila’y maghahalal ng mga kapitan ng mga hukbo sa unahan ng bayan.

10 Pagka ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban, ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.

11 At mangyayari, na kung sagutin ka ng kapayapaan, at pagbuksan ka, ay mangyayari nga, na ang buong bayang masusumpungan sa loob ay magiging sakop mo, at maglilingkod sa iyo.

12 At kung ayaw makipagpayapaan sa iyo, kundi makikipagbaka laban sa iyo, ay kukubkubin mo nga siya:

13 At pagka ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyong kamay ay iyong susugatan ang bawa’t lalake niyaon ng talim ng tabak:

14 Nguni’t ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga hayop, at ang buong nasa bayan, pati ng buong nasamsam doon, ay kukunin mong pinakasamsam; at kakanin mo ang samsam sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang totoong malayo sa iyo, na hindi sa mga bayan ng mga bansang ito.

16 Nguni’t sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga:

17 Kundi iyong lilipulin sila; ang Hetheo, at ang Amorrheo, ang Cananeo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo; gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

18 Upang huwag kayong turuan nilang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal, na kanilang ginawa sa kanilang mga dios; na anopa’t kayo’y magkasala laban sa Panginoon ninyong Dios.

19 Pagka iyong kukubkubing mahabang panahon ang isang bayan sa pakikibaka upang sakupin, ay huwag mong sisirain ang mga punong kahoy niyaon, na pagbubuhatan ng palakol; sapagka’t makakain mo, at huwag mong ipagbububuwal; sapagka’t tao ba ang kahoy sa parang na kukubkubin mo?

20 Ang mga punong kahoy lamang na iyong kilala na hindi mga kahoy na nakakain, ang iyong sisirain at ibubuwal; at iyong itatayong mga kuta laban sa bayang nakikibaka sa iyo, hanggang sa maibuwal mo.

Deuteronomio 21

1 Kung may masumpungang pinatay sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin, na nabubulagta sa parang, at hindi maalaman kung sinong sumugat sa kaniya:

2 Ay lalabas nga ang iyong mga matanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinatay:

3 At mangyayari, na ang mga matanda sa bayang yaon, na bayang malapit sa pinatay, ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan, na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok;

4 At ibababa ng mga matanda ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa nabubukid, ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis:

5 At ang mga saserdote na mga anak ni Levi ay lalapit, sapagka’t sila ang pinili ng Panginoon mong Dios na mangasiwa sa kaniya, at bumasbas sa pangalan ng Panginoon; at ayon sa kanilang salita ay pasisiyahan ang bawa’t pagkakaalit at bawa’t awayan:

6 At lahat ng mga matanda sa bayang yaon, na malapit sa pinatay, ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis:

7 At sila’y sasagot at sasabihin, Ang aming kamay ay hindi nagbubo ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata.

8 Patawarin mo, Oh Panginoon, ang iyong bayang Israel, na iyong tinubos, at huwag mong tikising matira sa gitna ng iyong bayang Israel, ang dugong walang sala. At ang dugo’y ipatatawad sa kanila.

9 Gayon mo aalisin ang dugong walang sala sa gitna mo, pagka iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

10 Pagka ikaw ay lalabas upang makipagbaka laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,

11 At makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae, at magkaroon ka ng nasa sa kaniya, at iibigin mo siyang kuning asawa,

12 Ay iyo nga siyang dadalhin sa iyong bahay; at kaniyang aahitan ang kaniyang ulo, at gugupitin ang kaniyang mga kuko;

13 At kaniyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kaniya, at matitira sa iyong bahay, at iiyakan ang kaniyang ama at ang kaniyang ina na isang buong buwan: at pagkatapos noo’y sisiping ka sa kaniya, at ikaw ay magiging asawa niya, at siya’y magiging iyong asawa.

14 At mangyayari, na kung di mo kalugdan siya, ay iyo ngang pababayaan siyang yumaon kung saan niya ibig; nguni’t huwag mo siyang ipagbibili ng salapi, huwag mo siyang aalipinin, sapagka’t iyong pinangayupapa siya.

15 Kung ang isang lalake ay may dalawang asawa, na ang isa’y sinisinta, at ang isa’y kinapopootan, at kapuwa magkaanak sa kaniya, ang sinisinta at ang kinapopootan; at kung ang maging panganay ay sa kinapopootan:

16 Ay mangyayari nga sa araw na kaniyang pagmanahin ang kaniyang mga anak ng kaniyang tinatangkilik, ay hindi niya magagawang panganay ang anak ng sinisinta na higit kay sa anak ng kinapopootan, na siyang panganay;

17 Kundi kaniyang kikilalaning panganay, ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng dalawang bahagi sa buong kaniyang tinatangkilik; sapagka’t siya ang pasimula ng kaniyang lakas; ang karapatan nga ng pagkapanganay ay kaniya.

18 Kung ang isang lalake ay may matigas na loob at mapanghimagsik na anak, na ayaw makinig ng tinig ng kaniyang ama, o ng tinig ng kaniyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila:

19 Ay hahawakan nga ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at dadalhin sa mga matanda sa kaniyang bayan, at sa pintuang-bayan ng kaniyang pook;

20 At kanilang sasabihin sa mga matanda sa kaniyang bayan. Itong aming anak ay matigas na loob at mapanghimagsik, na ayaw niyang dinggin ang aming tinig; siya’y may masamang pamumuhay, at manglalasing.

21 At babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya’y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot.

22 Kung ang isang lalake ay magkasala ng kasalanang marapat sa kamatayan, at siya’y patayin, at iyong ibitin siya sa isang punong kahoy;

23 Ay huwag maiiwan buong gabi ang kaniyang bangkay sa punong kahoy, kundi walang pagsalang siya’y iyong ililibing sa araw ding yaon; sapagka’t ang bitin ay sinumpa ng Dios; upang huwag mong ihawa ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipinamana.

Deuteronomio 22

1 Huwag mong makikitang naliligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kaniyang tupa, at ikaw ay magkukubli sa mga yaon: iyo ngang ibabalik sa iyong kapatid.

2 At kung ang iyong kapatid ay hindi malapit sa iyo, o kung hindi mo siya nakikilala, ay iyo ngang iuuwi sa iyong bahay, at mapapasaiyo hanggang sa hanapin ng iyong kapatid, at iyong isasauli sa kaniya.

3 At gayon ang iyong gagawin sa kaniyang asno; at gayon ang iyong gagawin sa kaniyang damit, at gayon ang iyong gagawin sa bawa’t nawalang bagay ng iyong kapatid, na nawala sa kaniya at iyong nasumpungan: huwag kang magkukubli.

4 Huwag mong makikitang napahiga sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kaniyang baka at ikaw ay magkukubli sa mga yaon; iyo ngang tutulungan siya upang itindig sila uli.

5 Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake, ni ang lalake ay magsusuot ng pananamit ng babae; sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

6 Kung ang isang pugad ng ibon ay magkataong masumpungan mo sa daan, sa anomang punong kahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at humahalimhim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, ay huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay:

7 Sa anomang paraan, ay iyong pawawalan ang inahin, nguni’t ang inakay ay makukuha mong sa iyo; upang ikabuti mo at upang tumagal ang iyong mga araw.

8 Pagka ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, ay igagawa mo nga ng isang halang ang iyong bubungan, upang huwag kang magtaglay ng sala ng dugo sa iyong bahay, kung ang sinomang tao ay mahulog mula roon.

9 Huwag mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi: baka ang buong bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan.

10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno na magkatuwang.

11 Huwag kang magbibihis ng magkahalong kayo, ng lana at lino na magkasama.

12 Gagawa ka sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na ipinangbabalabal mo sa iyo.

13 Kung ang sinoman ay magasawa, at sumiping sa kaniya, at kaniyang kapootan siya,

14 At kaniyang bintangan ng mga kahiyahiyang bagay, at ikalat ang isang masamang dangal niya, at sabihin, Aking kinuha ang babaing ito, at nang sipingan ko siya, ay hindi ko nasumpungan sa kaniya ang mga tanda ng pagka donselya:

15 Kung magkagayo’y ang ama ng dalaga at ang kaniyang ina ay kukuha at maglalabas ng mga tanda ng pagka donselya ng dalaga sa harap ng mga matanda sa bayan, sa pintuang-bayan;

16 At sasabihin ng ama ng dalaga sa mga matanda, Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito na maging asawa at kaniyang kinapootan siya;

17 At, narito, kaniyang binibintangan ng mga kahiyahiyang bagay, na sinasabi, Hindi ko nasumpungan sa iyong anak ang mga tanda ng pagka donselya: at gayon ma’y ito ang mga tanda ng pagka donselya ng aking anak. At kanilang ilaladlad ang kasuutan sa harap ng matatanda sa bayan.

18 At kukunin ng mga matanda sa bayang yaon ang lalake at parurusahan siya;

19 At kanilang sisingilin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagka’t kaniyang ikinalat ang isang masamang dangal ng isang donselya sa Israel: at siya’y magiging kaniyang asawa; hindi niya mapalalayas siya sa lahat ng kaniyang kaarawan.

20 Nguni’t kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagka donselya ay hindi masumpungan sa dalaga;

21 Ay kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kaniyang ama, at babatuhin siya ng mga bato, ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya’y mamatay: sapagka’t nagkasala siya ng kaululan sa Israel, na nagpatutot sa bahay ng kaniyang ama: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

22 Kung ang isang lalake ay masumpungan, na sumisiping sa isang babaing may asawa, ay kapuwa nga sila papatayin, ang lalake na sumiping sa babae, at ang babae: gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

23 Kung ang isang dalagang magaasawa sa isang lalake, at masumpungan siya ng isang lalake sa bayan, at sumiping sa kaniya;

24 Ay inyo ngang ilalabas kapuwa sila sa pintuan ng bayang yaon, at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila’y mamatay; ang babae, sapagka’t di siya sumigaw, ay nasa bayan; at ang lalake, sapagka’t pinangayupapa ang asawa ng kaniyang kapuwa: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

25 Nguni’t kung masumpungan sa parang ng lalake ang isang dalagang magaasawa, at dahasin ng lalake siya, at sumiping sa kaniya; ang lalake nga lamang na sumiping sa kaniya ang papatayin:

26 Nguni’t sa babae ay huwag kang gagawa ng anoman, wala sa babaing yaon ang anomang kasalanang marapat ikamatay: sapagka’t gaya ng kung ang isang lalake ay bumabangon laban sa kaniyang kapuwa, at pinapatay niya siya, ay gayon din ang bagay na ito:

27 Sapagka’t nasumpungan niya siya sa parang, ang dalagang magaasawa ay sumigaw, at walang magligtas sa kaniya.

28 Kung masumpungan ng isang lalake ang isang dalagang donselya na hindi pa naipangangako, at ihiga niya siya, at sipingan niya siya, at sila’y masumpungan;

29 Ang lalake nga na sumiping sa kaniya ay magbibigay sa ama ng babae ng limang pung siklong pilak, at siya’y magiging kaniyang asawa, sapagka’t kaniyang pinangayupapa siya; hindi niya mapalalayas sa lahat ng kaniyang kaarawan.

30 Huwag kukunin ng isang lalake ang asawa ng kaniyang ama, at huwag ililitaw ang balabal ng kaniyang ama.

Deuteronomio 23

1 Ang nasaktan sa mga iklog, o ang may lihim na sangkap na putol ng katawan ay hindi makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

2 Isang anak sa ligaw ay huwag papasok sa kapisanan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang sa kaniya’y makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

3 Huwag papasok ang isang Ammonita o Moabita sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang nauukol sa kanila na makapapasok magpakailan man sa kapisanan ng Panginoon:

4 Sapagka’t hindi kayo sinalubong nila ng tinapay at ng tubig sa daan, nang kayo’y umalis sa Egipto; at sapagka’t kanilang inupahan laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Pethor ng Mesopotamia upang sumpain ka.

5 Gayon ma’y hindi dininig ng Panginoon mong Dios si Balaam; kundi pinapaging pagpapala ng Panginoon mong Dios, ang sumpa sa iyo; sapagka’t iniibig ka ng Panginoon mong Dios.

6 Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang ikasusulong sa lahat ng iyong araw magpakailan man.

7 Huwag mong kasusuklaman ang Idumeo; sapagka’t siya’y iyong kapatid: huwag mong kasusuklaman ang taga Egipto; sapagka’t ikaw ay nakipamayan sa kaniyang lupain.

8 Ang mga anak ng ikatlong salin ng lahi nila na ipinanganak sa kanila ay makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

9 Pagka ikaw ay lalabas sa kampamento laban sa iyong mga kaaway, ay magbabawa ka nga sa iyo sa bawa’t masamang bagay.

10 Kung magkaroon sa iyo ng sinomang lalake, na hindi malinis dahil sa anomang nangyari sa kaniya ng kinagabihan, ay lalabas nga sa kampamento, hindi siya papasok sa kampamento:

11 Nguni’t mangyayari kinahapunan, na siya’y maliligo sa tubig: at pagka ang araw ay nakalubog na, ay papasok siya sa kampamento.

12 Ikaw ay magkakaroon naman, ng isang pook sa labas ng kampamento, na iyong lalabasan:

13 At ikaw ay magkakaroon din ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan; at mangyayari, na pagka ikaw ay palilikod sa labas ay huhukay ka, at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang ipinalikod mo:

14 Sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay lumalakad sa gitna ng iyong kampamento, upang iligtas ka, at ibigay ang iyong mga kaaway sa harap mo; kaya’t ang iyong kampamento ay magiging banal: upang huwag siyang makakita ng anomang maruming bagay sa iyo, at baka humiwalay sa iyo.

15 Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:

16 Siya’y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.

17 Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng sodomita sa mga anak ng Israel.

18 Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka’t ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

19 Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:

20 Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na may tubo; nguni’t sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

21 Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka’t walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.

22 Nguni’t kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:

23 Ang nabuka sa iyong mga labi ay iyong gaganapin at gagawin; ayon sa iyong ipinanata sa Panginoon mong Dios, na isang kusang handog, na ipinangako mo ng iyong bibig.

24 Pagka ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapuwa, ay makakakain ka nga ng mga ubas sa iyong kagustuhan hanggang sa ikaw ay mabusog; nguni’t huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Pagka ikaw ay pumasok sa nangakatayong trigo ng iyong kapuwa, ay makikitil mo nga ng iyong kamay ang mga uhay; nguni’t huwag mong gagalawin ng karit ang nakatayong trigo ng iyong kapuwa.

Deuteronomio 24

1 Pagka ang isang lalake ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, ay mangyayari nga, na kung ang babae ay hindi kalugdan ng kaniyang mga mata, sapagka’t kinasumpungan niya ng isang kahiyahiyang bagay, ay lalagda siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibibigay niya sa kaniyang kamay, at papagpapaalamin niya siya sa kaniyang bahay.

2 At pagkaalis niya sa bahay ng lalake, ay makayayaon siya at makapagaasawa sa ibang lalake.

3 At kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibigay sa kaniyang kamay, at papagpaalamin siya sa kaniyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa, na kumuha sa kaniya upang maging asawa niya;

4 Hindi na siya makukuhang muling maging asawa ng kaniyang unang asawa na humiwalay sa kaniya, pagkatapos na kaniyang mapangayupapa siya; sapagka’t yao’y karumaldumal sa harap ng Panginoon: at huwag mong papagkakasalahin ang lupain na ibinibigay na pinakamana sa iyo ng Panginoon mong Dios.

5 Pagka ang isang lalake ay bagong kasal, ay huwag lalabas na sasama sa hukbo ni mamamahala ng anomang katungkulan; siya’y magiging laya sa bahay na isang taon at kaniyang pasasayahin ang kaniyang asawa na kaniyang kinuha.

6 Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan na pinakasangla: sapagka’t parang kaniyang kinuhang pinakasangla ang buhay ng tao.

7 Kung ang sinoman ay masumpungang nagnanakaw ng sinoman sa kaniyang mga kapatid, sa mga anak ni Israel, at kaniyang inalipin siya, o ipinagbili siya; ang magnanakaw ngang yaon ay papatayin: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

8 Magingat ka sa salot na ketong, na iyong isagawang masikap at gawin ang ayon sa lahat na ituturo sa iyo ng mga saserdote na mga Levita: kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.

9 Alalahanin mo ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Miriam sa daan nang kayo’y lumalabas sa Egipto.

10 Pagka ikaw ay magpapahiram sa iyong kapuwa ng anomang bagay na hiram, ay huwag kang papasok sa kaniyang bahay upang kumuha ng kaniyang sangla.

11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ay maglalabas ng sangla sa iyo.

12 At kung siya’y taong mahirap ay huwag kang matutulog na may sangla niya:

13 Iyo ngang isasauli sa kaniya ang sangla paglubog ng araw, upang siya’y matulog sa kaniyang damit, at pagpalain ka: at magiging katuwiran mo sa harap ng Panginoon mong Dios.

14 Huwag mong pipighatiin ang isang nagpapaupang dukha at salat, maging siya’y sa iyong mga kapatid, o sa mga iyong taga ibang bayan na nangasa iyong bayan sa loob ng iyong mga pintuang-daan:

15 Sa kaniyang kaarawan ay ibibigay mo sa kaniya ang kaniyang kaupahan, ni huwag lulubugan ng araw (sapagka’t siya’y mahirap, at siyang inaasahan ng kaniyang puso); baka siya’y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan sa iyo.

16 Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa’t tao’y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

17 Huwag mong ililiko ang matuwid ng taga ibang bayan, ni ng ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing bao:

18 Kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios mula roon: kaya’t iniuutos ko sa iyong gawin mo ang bagay na ito.

19 Pagka iyong aanihin ang iyong ani sa bukid, at nakalimot ka ng isang bigkis sa bukid, ay huwag mong pagbabalikang kunin: magiging sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

20 Pagka iyong papaspasan ang iyong puno ng olibo, ay huwag mong pagbabalikan ang mga nalagpasan; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

21 Pagka ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, ay huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

22 At iyong aalalahanin na naging alipin ka sa lupain ng Egipto: kaya’t iniuutos ko sa iyong gawin ang bagay na ito.

Deuteronomio 25

1 Kung magkaroon ng pagkakaalit ang mga tao, at sila’y dumating sa hukuman, at sila’y hatulan ng mga hukom; ay kanila ngang mamatuwirin ang may matuwid at hahatulan ang salarin:

2 At mangyayari, na kung ang salarin ay marapat paluin, ay padadapain siya ng hukom sa lupa, at papaluin sa kaniyang harap, ayon sa kaniyang sala na may bilang,

3 Apat na pung palo ang maibibigay niya sa kaniya, huwag niyang lalagpasan: baka kung siya’y lumagpas, at paluin niya ng higit sa mga ito ng maraming palo, ay maging hamak nga sa iyo ang iyong kapatid.

4 Huwag mong lalagyan ng pugong ang baka pagka gumigiik.

5 Kung ang magkapatid ay tumahang magkasama, at isa sa kanila’y mamatay, at walang anak, ang asawa ng patay ay huwag magaasawa ng iba sa labas: ang kapatid ng kaniyang asawa ay sisiping sa kaniya, at kukunin siya niyang asawa, at tutuparin sa kaniya ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

6 At mangyayari, na ang panganay na kaniyang ipanganganak ay hahalili sa pangalan ng kaniyang kapatid na namatay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

7 At kung ayaw kunin ng lalake ang asawa ng kaniyang kapatid, ay sasampa nga ang asawa ng kaniyang kapatid sa pintuang-bayan sa mga matanda, at sasabihin, Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

8 Kung magkagayo’y tatawagin siya ng mga matanda sa kaniyang bayan at pangungusapan siya: at kung siya’y tumayo at sabihin niya, Ayaw kong kunin siya;

9 Ang asawa nga ng kapatid ay paroroon sa kaniya sa harap ng mga matanda at huhubarin ang panyapak niya sa kaniyang mga paa, at luluran siya sa mukha; at siya’y sasagot at sasabihin, Ganyan ang gagawin sa lalake, na ayaw magtayo ng sangbahayan ng kaniyang kapatid.

10 At ang kaniyang pangala’y tatawagin sa Israel, Ang bahay ng hinubaran ng panyapak.

11 Pag may dalawang lalaking nag-away, at ang asawa ng isa ay lumapit upang iligtas ang kaniyang asawa sa kamay ng nananakit sa kaniya, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinawakan niya ang mga sangkap na lihim:

12 Ay iyo ngang puputulin ang kaniyang kamay; ang iyong mata’y huwag manghihinayang.

13 Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng iba’t ibang panimbang, ng isang malaki at ng isang maliit.

14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng iba’t ibang takalan, ng isang malaki at ng isang maliit.

15 Isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka; isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

16 Sapagka’t yaong lahat na gumagawa ng gayong mga bagay, sa makatuwid baga’y yaong lahat ng gumagawa ng di matuwid ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Dios.

17 Alalahanin mo ang ginawa sa iyo ng Amalec sa daan nang ikaw ay lumabas sa Egipto;

18 Na kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at sinaktan niya ang mga kahulihulihan sa iyo, yaong lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at pagal; at siya’y hindi natakot sa Dios.

19 Kaya’t mangyayari, na pagka binigyan ka ng Panginoon mong Dios ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang ariin, ay iyong papawiin ang pagalaala sa Amalec sa silong ng langit; huwag mong lilimutin.

Deuteronomio 26

1 At mangyayari, pagka nakapasok ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, at iyong inaari, at iyong tinatahanan;

2 Na iyong kukunin ang mga una sa lahat ng bunga ng lupain, na iyong mga pipitasin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: at iyong isisilid sa isang buslo, at ikaw ay paroroon sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, na patatahanan sa kaniyang pangalan:

3 At paroroon ka sa saserdote sa mga araw na yaon, at sasabihin mo sa kaniya, Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Dios, na ako’y nasok sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa aming mga magulang, upang ibigay sa amin.

4 At kukunin ng saserdote ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harap ng dambana ng Panginoon mong Dios.

5 At ikaw ay sasagot, at magsasabi sa harap ng Panginoon mong Dios, Isang taga Siria na kamunti nang mamatay ang aking ama; siyang bumaba sa Egipto, at nakipamayan doon, na kaunti sa bilang; at doo’y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal:

6 At kami ay tinampalasan ng mga taga Egipto, at pinighati kami at inatangan kami ng isang mabigat na pagkaalipin:

7 At kami ay dumaing sa Panginoon, sa Dios ng aming mga magulang at dininig ng Panginoon ang aming tinig, at nakita ang aming kadalamhatian, at ang aming gawa, at ang aming kapighatian;

8 At inilabas kami ng Panginoon sa Egipto ng kamay na makapangyarihan, at ng unat na bisig, at ng malaking kakilabutan, at ng mga tanda, at ng mga kababalaghan:

9 At kaniyang dinala kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, narito, aking dala ang mga una sa bunga ng lupa, na ibinigay mo sa akin, Oh Panginoon. At iyong ilalapag sa harap ng Panginoon mong Dios, at sasamba ka sa harap ng Panginoon mong Dios:

11 At magagalak ka sa lahat ng magaling na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at sa iyong sangbahayan, ikaw, at ang Levita, at ang taga ibang lupa na nasa gitna mo.

12 Pagkatapos mo ng pagbibigay ng buong ikasangpung bahagi ng iyong pakinabang sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasangpung bahagi, ay magbibigay ka nga rin sa Levita, sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao, upang sila’y makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan, at mabusog;

13 At iyong sasabihin sa harap ng Panginoon mong Dios, Aking inalis ang mga pinapaging banal na bagay sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, at sa taga ibang lupa, sa ulila at sa babaing bao, ayon sa iyong madlang utos na iyong iniutos sa akin: hindi ko sinalangsang ang anoman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ko:

14 Hindi ko kinain sa aking pagluluksa, ni inilabas ko nang ako’y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay: aking dininig ang tinig ng Panginoon kong Dios; aking ginawa ayon sa buong iniutos mo sa akin.

15 Tumungo ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong isinumpa sa aming mga magulang, na isang lupang binubukalan ng gatas at pulot.

16 Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na tuparin mo ang mga palatuntunan at mga hatol na ito: iyo ngang gaganapin at tutuparin ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

17 Iyong ipinahayag sa araw na ito na ang Panginoo’y iyong Dios, at ikaw ay lalakad sa kaniyang mga daan, at iyong gaganapin ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga hatol, at iyong didinggin ang kaniyang tinig:

18 At inihayag ka ng Panginoon sa araw na ito, na maging isang bayan sa kaniyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, upang iyong ganapin ang lahat ng kaniyang utos;

19 At upang itaas ka sa lahat ng bansa na kaniyang nilikha, sa ikapupuri, at sa ikababantog, at sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinabi.

Deuteronomio 27

1 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.

2 At mangyayaring sa araw na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;

3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.

4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.

5 At doo’y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.

6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.

7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;

8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.

10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

11 At ibinilin ni Moises sa bayan nang araw ding yaon, na sinasabi,

12 Ang mga ito’y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim, upang basbasan ang bayan, pagka inyong naraanan na ang Jordan; ang Simeon, at ang Levi, at ang Juda, at ang Issachar at ang Jose, at ang Benjamin:

13 At ang mga ito’y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa; ang Ruben, ang Gad, at ang Aser, at ang Zabulon, ang Dan, at ang Nephtali.

14 At ang mga Levita ay sasagot, at magsasabi ng malakas na tinig sa lahat ng mga lalake sa Israel.

15 Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inanyuan o binubo, bagay na karumaldumal sa Panginoon, na gawa ng mga kamay ng manggagawa, at inilagay sa dakong lihim. At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Siya nawa.

16 Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

17 Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

18 Sumpain yaong magligaw ng bulag sa daan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

19 Sumpain yaong magliko ng matuwid ng taga ibang bayan, ng ulila at ng babaing bao. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

20 Sumpain yaong sumiping sa asawa ng kaniyang ama; sapagka’t kaniyang inilitaw ang balabal ng kaniyang ama. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

21 Sumpain yaong sumiping sa alinmang hayop. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

22 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, sa anak ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

23 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang biyanan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

24 Sumpain yaong sumakit ng lihim sa kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

25 Sumpain yaong tumanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

26 Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

Deuteronomio 28

1 At mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bansa sa lupa:

2 At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios.

3 Magiging mapalad ka sa bayan, at magiging mapalad ka sa parang.

4 Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

5 Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok.

6 Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.

7 Pasasaktan ng Panginoon sa harap mo ang iyong mga kaaway na nagbabangon laban sa iyo: sila’y lalabas laban sa iyo sa isang daan at tatakas sa harap mo sa pitong daan.

8 Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kaniyang pagpapala sa iyong mga kamalig, at sa lahat ng pagpatungan mo ng iyong kamay at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

9 Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan.

10 At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila’y matatakot sa iyo.

11 At ikaw ay pasasaganain ng Panginoon, sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo.

12 Bubuksan ng Panginoon sa iyo ang kaniyang mabuting kayamanan, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang buong gawa ng iyong kamay; at ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.

13 At gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot, at ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim; kung iyong didinggin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong sundin at gawin;

14 At huwag kang lilihis sa anoman sa mga salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga dios na paglilingkuran sila.

15 Nguni’t mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.

16 Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.

17 Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok.

18 Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

19 Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas.

20 Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo’y pinabayaan mo ako.

21 Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa, na iyong pinapasok upang ariin.

22 Sasalutin ka ng Panginoon ng sakit na tuyo, at ng lagnat, at ng pamamaga, at ng nagaapoy na init, at ng tabak, at ng salot ng hangin, at ng sakit sa pagani; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.

23 At ang iyong langit na nasa itaas ng iyong ulo, ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.

24 Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa sa iyo, hanggang sa ikaw ay magiba.

25 Pasasaktan ka ng Panginoon sa harap ng iyong mga kaaway; ikaw ay lalabas sa isang daan laban sa kanila, at tatakas sa pitong daan sa harap nila: at ikaw ay papagpaparoo’t parituhin sa lahat ng mga kaharian sa lupa.

26 At ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang taong bubugaw sa kanila.

27 Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Egipto, at ng mga grano, at ng kati, at ng galis, na hindi mapagagaling.

28 Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkaulol, at ng pagkabulag, at ng pagkagulat ng puso;

29 At ikaw ay magaapuhap sa katanghaliang tapat na gaya ng bulag na nagaapuhap sa kadiliman, at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad: at ikaw ay mapipighati at sasamsaman kailan man, at walang taong magliligtas sa iyo.

30 Ikaw ay magaasawa, at ibang lalake ang sisiping sa kaniya: ikaw ay magtatayo ng isang bahay, at hindi mo tatahanan: ikaw ay maguubasan, at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyaon.

31 Ang iyong baka ay papatayin sa harap ng iyong mga mata, at hindi mo makakain yaon; ang iyong asno ay aagawin sa harap ng iyong mukha, at hindi na masasauli sa iyo: ang iyong tupa ay mabibigay sa iyong mga kaaway, at walang magliligtas sa iyo.

32 Ang iyong mga anak na lalake at babae ay magbibigay sa ibang bayan; at ang iyong mga mata ay titingin, at mangangalay ng paghihintay sa kanila sa buong araw: at ang iyong kamay ay walang magagawa.

33 Ang bunga ng iyong lupa, at lahat ng iyong gawa ay kakanin ng bansang di mo nakikilala; at ikaw ay mapipighati at magigipit na palagi:

34 Na anopa’t ikaw ay mauulol dahil sa makikita ng paningin ng iyong mga mata.

35 Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita, ng isang masamang bukol na hindi mo mapagagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo.

36 Dadalhin ka ng Panginoon, at ang iyong haring ilalagay mo sa iyo, sa isang bansang hindi mo nakilala, ninyo ng iyong mga magulang at doo’y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na kahoy at bato.

37 At ikaw ay magiging isang kamanghaan, isang kawikaan, at isang kabiruan sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.

38 Kukuha ka ng maraming binhi sa bukid, at kaunti ang iyong titipunin; sapagka’t uubusin ng balang.

39 Ikaw ay maguubasan at iyong aalagaan, nguni’t ni hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas ng ubas; sapagka’t kakanin yaon ng uod.

40 Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga hangganan, nguni’t hindi ka magpapahid ng langis; sapagka’t ang iyong olibo ay malalagasan ng buko.

41 Ikaw ay magkakaanak ng mga lalake at mga babae, nguni’t sila’y hindi magiging iyo; sapagka’t sila’y yayaon sa pagkabihag.

42 Lahat ng iyong puno ng kahoy at bunga ng iyong lupa ay aariin ng balang.

43 Ang taga ibang lupa na nasa gitna mo ay tataas ng higit at higit sa iyo, at ikaw ay pababa ng pababa ng pababa.

44 Siya’y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi makapagpapahiram sa kaniya: siya’y magiging ulo, at ikaw ay magiging buntot.

45 At lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka, at aabutan ka, hanggang sa magiba ka; sapagka’t hindi mo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na kaniyang iniutos sa iyo:

46 At ang mga yao’y magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailan man:

47 Sapagka’t hindi ka naglingkod sa Panginoon mong Dios na may kagalakan, at may kasayahan ng puso, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay:

48 Kaya’t maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, na may gutom, at uhaw, at kahubaran, at sa kakulangan ng lahat ng mga bagay: at lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.

49 Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo, mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng lumilipad ang aguila; isang bansang ang wika’y hindi mo nababatid;

50 Bansang mukhang mabangis, na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni magpapakundangan sa bata:

51 At kaniyang kakanin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa maibuwal ka; na wala ring matitira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay maipalipol.

52 At kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, hanggang sa ang iyong mataas at nakababakod na kuta ay malagpak, na siyang iyong inaasahan, sa iyong buong lupain; at kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan sa iyong buong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

53 At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalake at babae, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, sa pagkakubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway.

54 Ang lalaking mahabagin sa gitna mo, at totoong maramdamin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa kaniyang kapatid, at sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa labis sa kaniyang mga anak na ititira:

55 Na anopa’t hindi niya ibibigay sa kaninoman sa kanila ang laman ng kaniyang mga anak na kaniyang kakanin, sapagka’t walang natira sa kaniya, sa pagkubkob at sa kagipitan na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan.

56 Ang mahabagin at maramdaming babae sa gitna mo, na hindi pa natitikmang itungtong ang talampakan ng kaniyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagkamahabagin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa kaniyang anak na lalake, at babae;

57 At sa kaniyang sanggol na lumalabas sa pagitan ng kaniyang mga paa at sa kaniyang mga anak na kaniyang ipanganganak; sapagka’t kaniyang kakanin ng lihim sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga pintuang-bayan.

58 Kung hindi mo isasagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, Ang Panginoon Mong Dios.

59 Kung magkagayo’y gagawin ng Panginoon na kamanghamangha ang salot sa iyo, at ang salot sa iyong binhi, malaking salot, at totoong malaon, at kakilakilabot na sakit, at totoong malaon.

60 At kaniyang pararatingin uli sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Egipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.

61 Bawa’t sakit din naman, at bawa’t salot, na hindi nasusulat sa aklat ng kautusang ito’y pararatingin nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay maibuwal.

62 At kayo’y malalabing kaunti sa bilang, pagkatapos na kayo’y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagka’t hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios.

63 At mangyayari, na kung paanong ang Panginoon ay nagagalak sa inyo na gawin kayong mabuti at paramihin kayo: ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na ipalipol kayo, at ibuwal kayo; at kayo’y palalayasin sa lupa na inyong pinapasok upang ariin.

64 At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo’y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, sa makatuwid baga’y sa mga dios na kahoy at bato.

65 At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa: kundi bibigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panglalambot ng kaluluwa:

66 At ang iyong buhay ay mabibitin sa pagaalinglangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi’t araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay.

67 Sa kinaumagaha’y iyong sasabihin, Kahi manawari ay gumabi na! at sa kinagabiha’y iyong sasabihin, Kahi manawari ay umumaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.

68 At pababalikin ka ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng sasakyan, sa daan na aking sinabi sa iyo, Hindi mo na uli makikita; at doo’y pabibili kayo sa inyong mga kaaway na pinaka aliping lalake, at babae, at walang taong bibili sa inyo.