Mga Bilang 15

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo,

3 At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan:

4 Kung gayon ay maghandog sa Panginoon yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis:

5 At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa’t kordero.

6 O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis:

7 At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

8 At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan;

9 Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.

10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

11 Gayon gagawin sa bawa’t toro, o sa bawa’t tupang lalake, o sa bawa’t korderong lalake, o sa mga anak ng kambing.

12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa’t isa ayon sa kanilang bilang.

13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.

15 Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.

16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo,

19 Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon.

20 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito.

21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.

22 At pagka kayo’y nagkamali, at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinalita ng Panginoon kay Moises,

23 Sa makatuwid baga’y lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na lagdaan kayo ng utos ng Panginoon, at sa haharapin sa buong panahon ng inyong mga lahi;

24 Ay mangyayari nga na kung magkasala ng walang malay, na hindi nalalaman ng kapisanan, na ang buong kapisanan ay maghahandog ng isang guyang toro na pinakahandog na susunugin, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, na kalakip ng handog na harina niyaon at inuming handog niyaon, ayon sa ayos, at isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan.

25 At itutubos ng saserdote sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sila’y patatawarin; sapagka’t isang kamalian, at kanilang dinala ang kanilang alay, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog dahil sa kasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang kamalian:

26 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila; sapagka’t tungkol sa buong bayang nakagawa ng walang malay.

27 At kung ang isang tao ay nagkasala ng walang malay, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae ng unang taon na pinakahandog dahil sa kasalanan.

28 At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya’y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya’y patatawarin.

29 Kayo’y magkakaroon ng isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.

30 Nguni’t ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.

31 Sapagka’t kaniyang hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.

32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.

33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.

34 At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka’t hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.

35 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.

36 At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila na sila’y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa’t laylayan ng isang panaling bughaw:

39 At sa inyo’y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na siya ninyong ipinangaapid:

40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Dios.

41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.

Mga Bilang 16

1 Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:

2 At sila’y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:

3 At sila’y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa’t isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo’y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?

4 At nang marinig ni Moises, ay nagpatirapa.

5 At sinalita niya kay Core at sa kaniyang buong pulutong, na sinasabi, Sa kinaumagahan ay ipakikilala ng Panginoon kung sino ang kaniya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kaniya: sa makatuwid baga’y ang piliin ay siyang kaniyang palalapitin sa kaniya.

6 Ito’y inyong gawin; kumuha kayo ng mga suuban, si Core at ang kaniyang buong pulutong;

7 At lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng kamangyan bukas sa harap ng Panginoon: at mangyayari na ang tao na piliin ng Panginoon, ay siyang banal: kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, kayong mga anak ni Levi.

8 At sinabi ni Moises kay Core, Dinggin ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi:

9 Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo’y ibinukod ng Dios ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kaniya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo’y tumayo sa harap ng kapisanan na mangasiwa sa kanila;

10 At inilapit ka niya sangpu ng lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi? at hangarin din naman ninyo ang pagkasaserdote?

11 Kaya’t ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga’t siya’y inyong inupasala?

12 At ipinatawag ni Moises si Dathan at si Abiram, na mga anak ni Eliab: at kanilang sinabi, Hindi kami sasampa:

13 Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi napapanginoon ka pa mandin sa amin?

14 Bukod dito’y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan: dudukitin mo ba ang mga mata ng mga taong ito? hindi kami sasampa.

15 At si Moises ay nag-init na mainam, at sinabi sa Panginoon, Huwag mong pagpitaganan ang kanilang handog: ako’y hindi kumuha ng isang asno sa kanila ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.

16 At sinabi ni Moises kay Core, Humarap ka at ang iyong buong kapisanan sa Panginoon, ikaw, at sila, at si Aaron, bukas:

17 At kumuha ang bawa’t isa ng kaniyang suuban, at lagyan ninyo ng kamangyan, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawa’t isa’y magdala ng kaniyang suuban, na dalawang daan at limang pung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawa’t isa sa inyo’y may kaniyang suuban.

18 At kinuha ng bawa’t isa ang kaniyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng kamangyan, at sila’y tumayo sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan na kasama ni Moises at ni Aaron.

19 At pinisan ni Core ang buong kapisanan laban sa kanila sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa buong kapisanan.

20 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.

22 At sila’y nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Salitain mo sa kapisanan na iyong sabihin, Lumayo kayo sa palibot ng tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram.

25 At si Moises ay tumayo at naparoon kay Dathan at kay Abiram; at ang mga matanda sa Israel ay sumunod sa kaniya.

26 At sinalita ni Moises sa kapisanan na sinasabi, Magsilayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo’y mamatay sa lahat nilang kasalanan.

27 Gayon sila nagsilayo sa tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram sa lahat ng dako: at si Dathan at si Abiram ay nagsilabas, at nagsitayo sa pintuan ng kanilang mga tolda, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang bata.

28 At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako’y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka’t hindi kinatha ng aking sariling pagiisip.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila’y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Nguni’t kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa’t ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila’y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, at sila’y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.

31 At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:

32 At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.

33 Na anopa’t sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila’y pinagtikuman ng lupa, at sila’y nalipol sa gitna ng kapisanan.

34 At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka’t kanilang sinabi, Baka pati tayo’y lamunin ng lupa.

35 At apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan.

36 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

37 Salitain mo kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na kaniyang kunin ang mga suuban sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagka’t mga banal yaon;

38 Pati ng mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo sa kanilang mga laminang pinukpok na pinaka pangtakip sa dambana: sapagka’t kanilang inihandog sa harap ng Panginoon: kaya’t mga banal: at magiging isang tanda sa mga anak ni Israel.

39 At kinuha ni Eleazar na saserdote ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinukpok na ginawang pinaka pangtakip sa dambana:

40 Upang maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel, upang sinomang ibang tao na hindi sa mga anak ni Aaron ay huwag lumapit na magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon; upang huwag magaya kay Core at sa kaniyang mga kasama: gaya ng sinalita ng Panginoon sa kaniya sa pamamagitan ni Moises.

41 Datapuwa’t sa kinabukasan ay inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron, na sinasabi, Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.

42 At nangyari, nang magpipisan ang kapisanan laban kay Moises at laban kay Aaron, na sila’y tumingin sa dako ng tabernakulo ng kapisanan; at, narito, tinakpan ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.

43 At si Moises at si Aaron ay naparoon sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan.

44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

45 Lumayo kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali. At sila’y nagpatirapa.

46 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng kamangyan, at dalhin mong madali sa kapisanan, at itubos mo sa kanila: sapagka’t may galit na lumabas sa harap ng Panginoon; ang salot ay nagpapasimula na.

47 At kinuha ni Aaron gaya ng sinalita ni Moises, at siya’y tumakbo sa gitna ng kapulungan; at, narito, ang salot ay nagpasimula sa gitna ng bayan; at siya’y naglagay ng kamangyan at itinubos sa bayan.

48 At siya’y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay; at ang salot ay tumigil.

49 Ang nangamatay nga sa salot ay labing apat na libo at pitong daan, bukod pa yaong nangamatay dahil kay Core.

50 At si Aaron ay nagbalik kay Moises sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang salot ay tumigil.

Mga Bilang 17

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawa’t sangbahayan ng mga magulang; sa lahat nilang mga prinsipe ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawa’t isa sa kaniyang tungkod.

3 At isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi: sapagka’t isa lamang tungkod magkakaroon sa bawa’t pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

4 At iyong ilalagay sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ng patotoo, na aking pinakikipagkitaan sa inyo.

5 At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin, ay mamumulaklak ang kaniyang tungkod: at aking ipatitigil sa akin, ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel, na kanilang iniupasala laban sa inyo.

6 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat nilang mga prinsipe ay nagbigay sa kaniya ng tungkod, na bawa’t pangulo ay isa, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: at ang tungkod ni Aaron ay nasa gitna ng kanilang mga tungkod.

7 At inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tabernakulo ng patotoo;

8 At nangyari nang kinabukasan, na si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng patotoo; at, narito, na ang tungkod ni Aaron sa sangbahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.

9 At mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa lahat ng mga anak ni Israel: at kanilang pinagmalas, at kinuha ng bawa’t lalake ang kaniyang tungkod.

10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatang pinakatanda laban sa mga anak ng panghihimagsik; upang iyong wakasan ang kanilang mga pag-upasala laban sa akin, upang huwag silang mamatay.

11 Gayon ginawa ni Moises: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayon niya ginawa.

12 At sinalita ng mga anak ni Israel kay Moises, na sinasabi, Narito, kami ay mga patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.

13 Lahat ng lumalapit, na lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon, ay namamatay: kami bang lahat ay malilipol?

Mga Bilang 18

1 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Ikaw at ang iyong mga anak at ang sangbahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng santuario: at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng inyong pagkasaserdote.

2 At ang iyong mga kapatid naman, ang lipi ni Levi, ang lipi ng iyong ama, ay palalapitin mo sa iyo upang sila’y lumakip sa iyo at mangasiwa sa iyo: nguni’t ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo, ay lalagay sa harap ng tabernakulo ng patotoo.

3 At kanilang iingatan ang iyong katungkulan, at ang katungkulan ng buong tolda: huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuario ni sa dambana, upang huwag silang mamatay, ni maging kayo.

4 At sila’y lalakip sa iyo, at mag-iingat ng katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, sa buong paglilingkod sa tolda: at sinomang taga ibang lupa ay huwag lalapit sa inyo.

5 At inyong iingatan ang katungkulan ng santuario, at ang katungkulan ng dambana; upang huwag nang magkaroon pa ng kagalitan sa mga anak ni Israel.

6 At ako, narito, aking pinili ang inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: sa inyo sila ay isang kaloob, na bigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

7 At iingatan mo at ng iyong mga anak na kasama mo at ang inyong pagkasaserdote sa bawa’t bagay ng dambana; at doon sa nasa loob ng tabing; at kayo’y maglilingkod: aking ibinibigay sa inyo ang pagkasaserdote na parang isang paglilingkod na kaloob: at ang taga ibang lupa na lumapit ay papatayin.

8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, At ako’y, narito, aking ibinigay sa iyo ang katungkulan sa mga handog na itinaas sa aking, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel; aking ibinigay sa iyo dahil sa pagpapahid, at sa iyong mga anak na marapat na bahagi ninyo, magpakailan man.

9 Ito’y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawa’t alay nila, bawa’t handog na harina nila, at bawa’t handog nila dahil sa kasalanan, at bawa’t handog nila dahil sa pagkakasala na kanilang ihahandog sa akin, ay magiging pinaka banal sa iyo at sa iyong mga anak.

10 Gaya ng mga kabanalbanalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawa’t lalake ay kakain niyaon magiging banal na bagay sa iyo.

11 At ito ay iyo; ang handog na itinaas na kanilang kaloob, sa makatuwid baga’y ang lahat ng mga handog na inalog ng mga anak ni Israel: aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo na marapat na bahagi magpakailan man: bawa’t malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.

12 Lahat ng pinakamainam sa langis, at lahat ng pinakamainam sa alak, at sa trigo, ang mga pinakaunang bunga ng mga yaon na kanilang ibibigay sa Panginoon, ay ibibigay ko sa iyo.

13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon, ay magiging iyo; bawa’t malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.

14 Lahat ng mga bagay na natatalaga sa Israel ay magiging iyo.

15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, ay magiging iyo: gayon man ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.

16 At yaong mga matutubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa iyong pagkahalaga, ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario (na dalawang pung gera).

17 Nguni’t ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; mga banal: iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

18 At ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na inalog at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.

19 Lahat ng mga handog na itinaas sa mga banal na bagay na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon, ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo, na marapat na bahagi magpakailan man: tipan ng asin magpakailan man sa harap ng Panginoon sa iyo, at sa iyong binhi na kasama mo.

20 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Huwag kang magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anomang bahagi sa gitna nila: ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

21 At sa mga anak ni Levi, ay narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasangpung bahagi sa Israel na pinakamana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, sa makatuwid baga’y sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

22 At sa haharapin ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, baka sila’y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.

23 Nguni’t gagawin ng mga Levita ang paglilingkod ng tabernakulo ng kapisanan; at kanilang tataglayin ang kanilang kasamaan: ito’y magiging palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

24 Sapagka’t ang ikasangpung bahagi ng tinatangkilik ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ay aking ibinigay sa mga Levita na pinakamana: kaya’t aking sinabi sa kanila, Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 Bukod dito’y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.

27 At ang inyong handog na itinaas ay ibibilang sa inyo, na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.

28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog na itinaas sa Panginoon sa inyong buong ikasangpung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ibibigay ninyo ang handog na itinaas sa Panginoon kay Aaron na saserdote.

29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawa’t handog na itinaas sa Panginoon, ang lahat ng pinakamainam niyaon, sa makatuwid baga’y ang banal na bahagi niyaon.

30 Kaya’t iyong sasabihin sa kanila, Pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa handog, ay ibibilang nga sa mga Levita, na parang bunga ng giikan, at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.

31 At inyong kakanin saa’t saan man, ninyo at ng inyong mga kasangbahay: sapagka’t kabayaran sa inyo, na ganti sa inyong paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa mga yaon: at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.

Mga Bilang 19

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

2 Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila’y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.

3 At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:

4 At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:

5 At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:

6 At ang saserdote ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.

7 Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.

8 At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.

9 At pupulutin ng isang taong malinis ang mga abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.

10 At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.

11 Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:

12 Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni’t kung siya’y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.

13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka’t ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya’y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.

14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.

15 At bawa’t sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.

16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.

17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.

18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:

19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya’y maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.

20 Nguni’t ang taong magiging marumi, at hindi maglilinis, ay ihihiwalay ang taong yaon sa gitna ng kapulungan, sapagka’t kaniyang inihawa ang santuario ng Panginoon: ang tubig para sa karumihan ay hindi nawisik sa kaniya; siya’y marumi.

21 At ito’y magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila: at yaong nagwiwisik ng tubig para sa karumihan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at yaong humipo ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa hapon.

22 At anomang hipuin ng taong marumi ay magiging marumi; at ang taong humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa hapon.

Mga Bilang 20

1 At ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga’y ang buong kapisanan ay nagsipasok sa ilang ng Zin nang unang buwan: at ang bayan ay tumahan sa Cades; at si Miriam ay namatay doon, at inilibing doon.

2 At walang tubig na mainom ang kapisanan; at sila’y nagpulong laban kay Moises at laban kay Aaron.

3 At sinisi ng bayan si Moises, at nagsipagsalita, na sinasabi, Ibigin sana na kami ay nangamatay, nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!

4 At bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito, upang mamatay rito, kami at ang aming mga hayop?

5 At bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang dalhin kami sa masamang dakong ito? hindi dakong bukirin, o ng igos; o ng ubasan, o ng mga granada; at wala kahit tubig na mainom.

6 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at napasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at nangagpatirapa: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa kanila.

7 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

8 Hawakan mo ang tungkod, at pisanin mo ang kapisanan, pisanin mo at ni Aaron na iyong kapatid, at magsalita kayo sa bato sa harap ng kanilang mga mata, na ibibigay niyaon ang kaniyang tubig; at ikukuha mo sila ng tubig sa bato: sa ganito paiinumin mo ang kapisanan at ang kanilang mga hayop.

9 At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kaniya.

10 At pinisan ni Moises at ni Aaron ang kapulungan sa harap ng bato, at kaniyang sinabi sa kanila, Makinig kayo ngayon, mga mapanghimagsik, ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?

11 At itinaas ni Moises ang kaniyang kamay, at pinalong makalawa ang bato ng kaniyang tungkod: at ang tubig ay lumabas na sagana, at ang kapisanan ay uminom at ang kanilang mga hayop.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Sapagka’t hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakilala ninyong banal ako sa mga mata ng mga anak ni Israel, kaya’t hindi ninyo dadalhin ang kapisanang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.

13 Ito ang tubig ng Meriba; sapagka’t sinisi ng mga anak ni Israel ang Panginoon, at siya’y napakilalang banal sa kanila.

14 At si Moises ay nagutos ng mga sugo sa hari sa Edom mula sa Cades, na ipinasabi, Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israelita, Talastas mo ang buong kahirapan na dumating sa amin:

15 Kung paanong ang aming mga magulang ay bumaba sa Egipto, at kami ay tumahan sa Egipto na malaong panahon, at inalipusta ng mga Egipcio kami at ang aming mga magulang:

16 At nang kami ay dumaing sa Panginoon ay dininig niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Egipto: at, narito, kami ay nasa Cades, na isang bayan na nasa dulo ng iyong hangganan:

17 Isinasamo ko sa iyo, na paraanin mo kami, sa iyong lupain: hindi kami dadaan sa kabukiran o sa ubasan, ni di kami iinom ng tubig sa mga balon: kami ay manunuwid sa maluwang na lansangan, hindi kami liliko sa dakong kanan ni sa dakong kaliwa man hanggang sa maraanan namin ang iyong hangganan.

18 At sinabi ni Edom sa kaniya, Huwag kang magdadaan sa aking lupain, baka kita’y salubungin ng tabak.

19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kaniya, Kami ay aahon sa lansangan: at kung kami ay uminom ng iyong tubig, ako at ang aking mga hayop, ay pagbabayaran ko ang halaga: pahintulutan mo lamang ako na makaraan ng aking mga paa na walang anoman.

20 At kaniyang sinabi, Huwag kang magdadaan. At si Edom ay lumabas laban sa kaniya na may dalang maraming tao, at may malakas na kamay.

21 Ganito tumanggi si Edom na paraanin ang Israel sa kaniyang hangganan: kaya’t ang Israel ay lumayo sa kaniya.

22 At sila’y naglakbay mula sa Cades: at ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga’y ang buong kapisanan, ay napasa bundok ng Hor.

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron sa bundok ng Hor, sa tabi ng hangganan ng lupain ng Edom, na sinasabi,

24 Si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan: sapagka’t siya’y hindi makapapasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagka’t kayo’y nagsipanghimagsik laban sa aking salita sa tubig ng Meriba.

25 Dalhin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak, at isampa mo sila sa bundok ng Hor.

26 At hubaran mo si Aaron ng kaniyang mga suot at isuot mo kay Eleazar na kaniyang anak: at si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan, at doon siya mamamatay.

27 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon: at sila’y sumampa sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapisanan.

28 At hinubaran ni Moises si Aaron, ng kaniyang mga suot, at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak; at namatay si Aaron doon sa taluktok ng bundok: at si Moises at si Eleazar ay bumaba sa bundok.

29 At nang makita ng buong kapisanan na si Aaron ay namatay, ay kanilang tinangisan si Aaron na tatlong pung araw, sa makatuwid baga’y ng buong sangbahayan ni Israel.

Mga Bilang 21

1 At ang Cananeo, na hari sa Arad, na tumatahan sa Timugan ay nakabalita na ang Israel ay dumating sa daan ng Atarim; at nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.

2 At ang Israel ay nanata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, ay aking lubos na gigibain nga ang kanilang mga bayan.

3 At dininig ng Panginoon ang tinig ng Israel, at ibinigay ang Cananeo sa kanila, at kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan: at ang ipinangalan sa dakong yaon ay Horma.

4 At sila’y naglakbay mula sa bundok ng Hor na napasa daang patungo sa Dagat na Mapula upang lumiko sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng bayan ay nainip dahil sa daan.

5 At ang bayan ay nagsalita laban sa Dios at laban kay Moises: Bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang mamatay sa ilang? sapagka’t walang tinapay at walang tubig; at ang aming kaluluwa ay nasusuya na sa manang ito.

6 At ang Panginoon ay nagsugo ng mababangis na ahas sa gitna ng bayan, at kanilang kinagat ang bayan: at maraming tao sa Israel ay namatay.

7 At ang bayan ay naparoon kay Moises, at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka’t kami ay nagsalita laban sa Panginoon, at laban sa iyo; idalangin mo sa Panginoon, na kaniyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.

8 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Gumawa ka ng isang mabagsik na ahas at ipatong mo sa isang tikin: at mangyayari, na bawa’t taong makagat, ay mabubuhay pag tumingin doon.

9 At si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin: at nangyari, na pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso,

10 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at humantong sa Oboth.

11 At sila’y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, sa dakong sinisikatan ng araw.

12 Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa libis ng Zared.

13 Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na lumalabas sa hangganan ng mga Amorrheo: sapagka’t ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amorrheo.

14 Kaya’t sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipagbaka ng Panginoon, Ang Vaheb ay sa Sufa, At ang mga libis ng Arnon,

15 At ang kiling ng mga libis Na kumikiling sa dakong tahanan ng Ar, At humihilig sa hangganan ng Moab.

16 At mula roon, ay napasa Beer sila, na siyang balong pinagsabihan ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo ang bayan at aking bibigyan sila ng tubig.

17 Nang magkagayo’y inawit ng Israel ang awit na ito: Bumalong ka, Oh balon; awitan ninyo siya;

18 Siyang balong hinukay ng mga prinsipe, Na pinalalim ng mga mahal sa bayan, Ng setro at ng kanilang mga tungkod. At mula sa ilang, sila’y napasa Mathana.

19 At mula sa Mathana ay napasa Nahaliel: at mula sa Nahaliel ay napasa Bamoth;

20 At mula sa Bamoth ay napasa libis na nasa bukid ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na patungo sa ilang.

21 At ang Israel ay nagutos ng mga sugo kay Sehon, na hari ng mga Amorrheo, na sinasabi,

22 Paraanin mo ako sa iyong lupain: kami ay hindi liliko sa bukid, ni sa ubasan; kami ay hindi iinom ng tubig ng mga balon: kami ay magdadaan sa maluwang na lansangan, hanggang sa aming maraanan ang iyong hangganan.

23 At hindi ipinahintulot paraanin ni Sehon ang Israel sa kaniyang hangganan: kungdi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating hanggang Jahaz: at nilabanan ang Israel.

24 At sinaktan siya ng Israel ng talim ng tabak, at inari ang kaniyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon: sapagka’t ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.

25 At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito: at ang Israel ay tumahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amorrheo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyaon.

26 Sapagka’t ang Hesbon ay siyang bayan ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyaon sa kaniyang kamay hanggang sa Arnon.

27 Kaya’t yaong mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi, Halina kayo sa Hesbon, Itayo at itatag ang bayan ni Sehon:

28 Sapagka’t may isang apoy na lumabas sa Hesbon, Isang liyab na mula sa bayan ni Sehon: Na sumupok sa Ar ng Moab, Sa mga panginoon sa matataas na dako ng Arnon.

29 Sa aba mo, Moab! Ikaw ay napahamak, Oh bayan ni Chemos: Na nagpagala ng kaniyang mga anak na lalake, At ipinabihag ang kaniyang mga anak na babae, Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo.

30 Aming pinana sila; ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon, At aming iniwasak hanggang Nopha, Na umaabot hanggang Medeba.

31 Ganito tumahan ang Israel sa lupain ng mga Amorrheo.

32 At si Moises ay nagsugo upang tumiktik sa Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyaon at pinalayas nila ang mga Amorrheo na nandoon.

33 At sila’y lumiko at umahon sa daan ng Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipagbaka sa Edrei.

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Huwag mo siyang katakutan; sapagka’t aking ibinigay siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kaniyang lupain, at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.

35 Gayon nila sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kaniya: at kanilang inari ang kaniyang lupain.

Mga Bilang 22

1 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay at humantong sa mga kapatagan ng Moab sa dako roon ng Jordan na nasa tapat ng Jerico.

2 At nakita ni Balac na anak ni Zippor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amorrheo.

3 At ang Moab ay natakot na mainam sa bayan, sapagka’t sila’y marami: at ang Moab ay nagulumihanan dahil sa mga anak ni Israel.

4 At sinabi ng Moab sa mga matanda sa Madian, Ngayon ay hihimuran ng karamihang ito yaong lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang. At si Balac na anak ni Zippor, ay hari sa Moab ng panahong yaon.

5 At siya’y nagutos ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Pethor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kaniyang bayan, upang tawagin siya, na sabihin, Narito, may isang bayan na lumabas mula sa Egipto: narito, kanilang tinatakpan ang ibabaw ng lupa, at sila’y nangakatayo laban sa akin:

6 Parito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito; sapagka’t sila’y totoong makapangyarihan kay sa akin; marahil ako’y mananaig, na aming masasaktan sila, at aking silang mapalalayas sa lupain; sapagka’t talastas ko na ang iyong pinagpapala ay mapalad at ang iyong sinusumpa ay mapapasama.

7 At ang mga matanda sa Moab at ang mga matanda sa Madian, ay nagsiparoon na dala sa kanilang kamay ang mga ganting pala sa panghuhula; at sila’y dumating kay Balaam at sinalita nila sa kaniya ang mga salita ni Balac.

8 At kaniyang sinabi sa kanila, Dito na kayo tumuloy ngayong gabi, at bibigyan ko kayo ng kasagutan, kung ano ang sasalitain ng Panginoon sa akin; at ang mga prinsipe sa Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.

9 At ang Dios ay naparoon kay Balaam, at nagsabi, Sinong mga tao itong kasama mo?

10 At sinabi ni Balaam sa Dios, Si Balac, na anak ni Zippor, hari sa Moab, ay nagpasugo sa akin, na sinasabi,

11 Narito, ang bayan na lumabas sa Egipto, ay tumatakip sa ibabaw ng lupa: ngayo’y parito ka, sumpain mo sila sa akin; marahil ako’y makababaka sa kanila, at sila’y aking mapalalayas.

12 At sinabi ng Dios kay Balaam, Huwag kang paroroong kasama nila; huwag mong susumpain ang bayan; sapagka’t sila’y pinagpala.

13 At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at sinabi sa mga prinsipe ni Balac, Yumaon kayo sa inyong lupain: sapagka’t ipinagkait ng Panginoon ang pahintulot na ako’y pumaroong kasama ninyo.

14 At ang mga prinsipe sa Moab ay bumangon, at sila’y naparoon kay Balac, at nagsabi, Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.

15 At si Balac ay nagsugong muli ng marami pang prinsipe, at lalong mga mahal kay sa kanila.

16 At sila’y naparoon kay Balaam at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Balac na anak ni Zippor, Isinasamo ko sa iyo, na ang anomang bagay huwag mong tulutan na makaabala sa iyo sa pagparito mo sa akin:

17 Sapagka’t ikaw ay aking papupurihan ng mga dakilang karangalan, at anomang sabihin mo sa akin ay gagawin ko: parito ka nga, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito.

18 At si Balaam ay sumagot at nagsabi sa mga lingkod ni Balac, Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon kong Dios, na ako’y gumawa ng kulang o higit.

19 Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, na tumuloy rin kayo rito ngayong gabi, upang aking maalaman kung ano ang sasalitain pa ng Panginoon sa akin.

20 At ang Dios ay naparoon kay Balaam nang kinagabihan, at nagsabi sa kaniya, Kung ang mga taong iyan ay nagsiparito, upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila: nguni’t ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ay siya mong gagawin.

21 At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at siniyahan ang kaniyang asno, at sumama sa mga prinsipe sa Moab.

22 At ang galit ng Dios ay nagningas sapagka’t siya’y naparoon: at ang anghel ng Panginoon ay lumagay sa daan na pinaka kalaban niya. Siya nga’y nakasakay sa kaniyang asno at ang kaniyang dalawang alipin ay kasama niya.

23 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at ang asno ay lumiko sa daan, at napasa parang: at pinalo ni Balaam ang asno, upang ibalik siya sa daan.

24 Nang magkagayo’y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan, na ang isang bakod ay sumasadako rito, at ang isang bakod ay sumasadakong yaon.

25 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya’y inipit sa bakod, at naipit ang paa ni Balaam sa bakod: at kaniyang pinalo uli ang asno.

26 At ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daan lilikuan kahit sa kanan ni sa kaliwa.

27 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya’y nalugmok sa ilalim ni Balaam: at ang galit ni Balaam ay nagningas, at kaniyang pinalo ang asno ng kaniyang tungkod.

28 At ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno, at nagsabi kay Balaam, Ano ang ginawa ko sa iyo, na ako’y pinalo mo nitong makaitlo?

29 At sinabi ni Balaam sa asno, Sapagka’t tinuya mo ako: mayroon sana ako sa aking kamay na isang tabak, pinatay disin kita ngayon.

30 At sinabi ng asno kay Balaam, Di ba ako’y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? gumawa ba kaya ako kailan man ng ganito sa iyo? At kaniyang sinabi, Hindi.

31 Nang magkagayo’y idinilat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kaniyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at kaniyang iniyukod ang kaniyang ulo, at nagpatirapa.

32 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Bakit mo pinalo ang iyong asno nitong makaitlo? Narito, ako’y naparito na pinaka kalaban, sapagka’t ang iyong lakad ay masama sa harap ko:

33 At nakita ako ng asno, at lumiko sa harap ko nitong makaitlo: kundi siya lumihis sa harap ko, ay tunay na ngayon ay napatay kita, at nailigtas ang kaniyang buhay.

34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, Ako’y nagkasala; sapagka’t hindi ko nalamang ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin: ngayon nga, kung inaakala mong masama, ay babalik ako uli.

35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, Sumama ka sa mga tao: nguni’t ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ang siyang sasalitain mo. Sa gayon ay sumama si Balaam sa mga prinsipe ni Balac.

36 At nang mabalitaan ni Balac na si Balaam ay dumarating, ay lumabas upang kaniyang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang katapusang bahagi ng hangganan.

37 At sinabi ni Balac kay Balaam, Di ba ikaw ay aking pinaparoonang dalidali upang tawagin ka? bakit nga hindi ka naparito sa akin? hindi ba tunay na mapapupurihan kita?

38 At sinabi ni Balaam kay Balac, Narito, ako’y naparito sa iyo: mayroon ba ako ngayong anomang kapangyarihan na makapagsalita ng anomang bagay? ang salitang ilagay ng Dios sa aking bibig, yaon ang aking sasalitain.

39 At si Balaam ay sumama kay Balac, at sila’y naparoon sa Chiriath-huzoth.

40 At naghain si Balac, ng mga baka at mga tupa, at ipinadala kay Balaam, at sa mga prinsipe na kasama niya.

41 At nangyari nang kinaumagahan, na isinama ni Balac si Balaam at isinampa siya sa matataas na dako ni Baal, at kaniyang nakita mula roon ang katapustapusang bahagi ng bayan.

Mga Bilang 23

1 At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake.

2 At ginawa ni Balac gaya ng sinalita ni Balaam; at si Balac at si Balaam ay naghandog sa bawa’t dambana ng isang toro at ng isang tupang lalake.

3 At sinabi ni Balaam kay Balac, Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na susunugin, at ako’y yayaon; marahil ang Panginoon ay paririto na sasalubungin ako: at anomang bagay na kaniyang ipakita sa akin ay aking sasaysayin sa iyo. At siya’y naparoon sa isang dakong mataas na walang tanim.

4 At sinalubong ng Dios si Balaam: at sinabi niya sa kaniya, Aking inihanda ang pitong dambana, at aking inihandog ang isang toro at ang isang tupang lalake sa bawa’t dambana.

5 At nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam, at sinabi: Bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain.

6 At siya’y bumalik sa kaniya, at, narito, siya’y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, siya at ang lahat ng mga prinsipe sa Moab.

7 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balac, Niyang hari sa Moab, na mula sa mga bundok ng Silanganan: Parito ka, sumpain mo sa akin ang Jacob. At parito ka, laitin mo ang Israel.

8 Paanong aking susumpain ang hindi sinumpa ng Dios? At paanong aking lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?

9 Sapagka’t mula sa taluktok ng mga bato ay aking nakikita siya, At mula sa mga burol ay akin siyang natatanawan: Narito, siya’y isang bayang tatahang magisa, At hindi ibinibilang sa gitna ng mga bansa.

10 Sinong makabibilang ng alabok ng Jacob, O ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel? Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, At ang aking wakas ay magiging gaya nawa ng kaniya!

11 At sinabi ni Balac kay Balaam, Anong ginawa mo sa akin? Ipinagsama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, at, narito, iyong pinagpala silang totoo.

12 At siya’y sumagot, at nagsabi, Hindi ba nararapat na aking pagingatang salitain yaong isinasa bibig ko ng Panginoon?

13 At sinabi sa kaniya ni Balac, Isinasamo ko sa iyo, na sumama ka sa akin sa ibang dako, na iyong pagkakakitaan sa kanila; ang iyo lamang makikita ay ang kahulihulihang bahagi nila, at hindi mo makikita silang lahat: at sumpain mo sila sa akin mula roon.

14 At dinala niya siya sa parang ng Sophim, sa taluktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro, at ng isang tupang lalake sa bawa’t dambana.

15 At kaniyang sinabi kay Balac, Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na susunugin, samantalang aking sinasalubong ang Panginoon doon.

16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at pinapagsalita siya ng salita sa kaniyang bibig, at sinabi, bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain.

17 At siya’y naparoon sa kaniya, at, narito, siya’y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at ang mga prinsipe sa Moab na kasama niya. At sinabi sa kaniya ni Balac, Anong sinalita ng Panginoon?

18 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinghaga, at sinabi, Tumindig ka, Balac, at iyong dinggin; Makinig ka sa akin, ikaw anak ni Zippor:

19 Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?

20 Narito, ako’y tumanggap ng utos na magpala: At kaniyang pinagpala, at hindi ko na mababago.

21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob, Ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel: Ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya, At ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.

22 Dios ang naglalabas sa kanila sa Egipto; Siya’y may lakas na gaya ng mabangis na toro.

23 Tunay na walang enkanto laban sa Jacob, Ni panghuhula laban sa Israel: Ngayo’y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel, Anong ginawa ng Dios!

24 Narito, ang bayan ay tumitindig na parang isang leong babae, At parang isang leon na nagpakataas: Siya’y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng huli, At makainom ng dugo ng napatay.

25 At sinabi ni Balac kay Balaam, Ni huwag mo silang pakasumpain ni pakapagpalain.

26 Nguni’t si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balac, Di ba isinaysay ko sa iyo, na sinasabi, Yaong lahat na sinasalita ng Panginoon, ay siya kong nararapat gawin?

27 At sinabi ni Balac kay Balaam, Halika ngayon, ipagsasama kita sa ibang dako; marahil ay kalulugdan ng Dios na iyong sumpain sila sa akin mula roon.

28 At ipinagsama ni Balac si Balaam sa taluktok ng Peor, na nakatungo sa ilang.

29 At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake.

30 At ginawa ni Balac gaya ng sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at ng isang tupang lalake sa bawa’t dambana.

Mga Bilang 24

1 At nang makita ni Balaam na kinalugdan ng Panginoon na pagpalain ang Israel, ay hindi naparoon na gaya ng una na kumita ng pamahiin, kundi kaniyang itinitig ang kaniyang mukha sa dakong ilang.

2 At itinaas ni Balaam ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita ang Israel na tumatahan ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Dios ay sumakaniya.

3 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Si Balaam na anak ni Beor ay nagsabi, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;

4 Siya’y nagsabi na nakarinig ng mga salita ng Dios, Na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:

5 Pagka iinam ng iyong mga tolda, Oh Jacob, Ang iyong mga tabernakulo, Oh Israel!

6 Gaya ng mga libis na nalalatag, Gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, Gaya ng linaloes na itinanim ng Panginoon, Gaya ng mga puno ng sedro sa siping ng tubig.

7 Tubig ay aagos mula sa kaniyang pang-igib, At ang kaniyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, At ang kaniyang hari ay tataas ng higit kay Agag, At ang kaniyang kaharian ay mababantog.

8 Dios ang naglalabas sa kaniya sa Egipto; May lakas na gaya ng mabangis na toro: Kaniyang lalamunin ang mga bansa na kaniyang mga kaaway, At kaniyang pagwawaraywarayin ang kanilang mga buto, At palalagpasan sila ng kaniyang mga pana.

9 Siya’y yumuko, siya’y lumugmok na parang leon, At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? Pagpalain nawa yaong lahat na nagpapala sa iyo, At sumpain yaong lahat na sumusumpa sa iyo.

10 At ang galit ni Balac ay nagningas laban kay Balaam, at pinaghampas niya ang kaniyang mga kamay; at sinabi ni Balac kay Balaam, Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, at, narito, iyong binasbasan totoo sila nitong makaitlo.

11 Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni’t, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan.

12 At sinabi ni Balaam kay Balac, Di ba sinalita ko rin sa iyong mga sugo na iyong sinugo sa akin, na sinasabi,

13 Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain?

14 At ngayon, narito, ako’y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.

15 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Nagsabi si Balaam na anak ni Beor, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;

16 Siya’y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:

17 Aking makikita siya, nguni’t hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni’t hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.

18 At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang.

19 At mula sa Jacob ay magkakaroon ng isang may kapangyarihan, At gigibain niya sa bayan ang nalalabi.

20 At kaniyang minasdan ang Amalec, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ang Amalec ay siyang dating panguna sa mga bansa; Nguni’t ang kaniyang huling wakas ay mapupuksa.

21 At kaniyang minasdan ang Cineo, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Matibay ang iyong dakong tahanan, At ang iyong pugad ay nalalapag sa malaking bato.

22 Gayon ma’y mawawasak ang Cain, Hanggang sa ikaw ay madalang bihag ng Assur.

23 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ay! sinong mabubuhay pagka ginawa ng Dios ito?

24 Datapuwa’t ang mga sasakyan ay manggagaling sa baybayin ng Cittim. At kanilang pagdadalamhatiin ang Assur, at kanilang pagdadalamhatiin ang Eber, At siya man ay mapupuksa.

25 At si Balaam ay tumindig, at yumaon at bumalik sa kaniyang sariling dako: at si Balac naman ay yumaon ng kaniyang lakad.