Mga Bilang 25

1 At ang Israel ay tumahan sa Sittim, at ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab:

2 Sapagka’t kanilang tinawag ang bayan sa mga hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios.

3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.

4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.

5 At sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, Patayin ng bawa’t isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.

6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila’y umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

7 At nang makita ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay;

8 At siya’y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay natigil sa mga anak ni Israel.

9 At yaong nangamatay sa salot ay dalawang pu’t apat na libo.

10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

11 Pinawi ni Phinees na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya’y nagsikap dahil sa aking pagsisikap sa kanila, na anopa’t hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking sikap.

12 Kaya’t sabihin mo, Narito, ako’y nakikipagtipan sa kaniya tungkol sa kapayapaan:

13 At magiging kaniya, at sa kaniyang binhi pagkamatay niya, ang tipan ng pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagka’t siya’y nagsikap sa kaniyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.

14 Ang pangalan nga ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kalakip ng babaing Madianita ay Zimri na anak ni Salu, na prinsipe sa isang sangbahayan ng mga magulang sa mga Simeonita.

15 At ang pangalan ng babaing Madianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya’y prinsipe sa bayan ng isang sangbahayan ng mga magulang sa Madian.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Bagabagin ninyo ang mga Madianita, at inyong saktan sila:

18 Sapagka’t kanilang binagabag kayo ng kanilang mga lalang na kanilang ipinangdaya sa inyo sa bagay ng Peor, at sa bagay ni Cozbi, na anak na babae ng prinsipe sa Madian, na kanilang kapatid na namatay nang kaarawan ng salot dahil sa Peor.

Mga Bilang 26

1 At nangyari, pagkatapos ng salot, na sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na sinasabi,

2 Bilangin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, yaong lahat na makalalabas sa Israel sa pakikibaka.

3 At si Moises at si Eleazar na saserdote ay nakipagsalitaan sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa siping ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

4 Bilangin ninyo ang bayan, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises at sa mga anak ni Israel, na lumabas sa lupain ng Egipto.

5 Si Ruben ang panganay ni Israel: ang mga anak ni Ruben; kay Hanoc, ang angkan ng mga Hanocitas; kay Phallu, ang angkan ng mga Palluita:

6 Kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Carmi, ang angkan ng mga Carmita.

7 Ito ang mga angkan ng mga Rubenita: at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu’t tatlong libo at pitong daan at tatlong pu.

8 At ang mga anak ni Phallu; ay si Eliab.

9 At ang mga anak ni Eliab; ay si Nemuel, at si Dathan, at si Abiram. Ito yaong Dathan at Abiram, na tinawag sa kapisanan na siya ngang nagsilaban kay Moises at kay Aaron, sa pulutong ni Core, nang sila’y lumaban sa Panginoon;

10 At ibinuka ng lupain ang kaniyang bibig, at nilamon sila pati ni Core, nang mamatay ang pulutong na yaon; noong panahong lamunin ng apoy ang dalawang daan at limang pung tao, at sila’y naging isang tanda.

11 Gayon ma’y hindi namatay ang mga anak ni Core.

12 Ang mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan; kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita: kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita: kay Jachin, ang angkan ng mga Jachinita;

13 Kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita; kay Saul, ang angkan ng mga Saulita.

14 Ito ang mga angkan ng mga Simeonita, dalawang pu’t dalawang libo at dalawang daan.

15 Ang mga anak ni Gad ayon sa kaniyang mga angkan; kay Zephon, ang angkan ng mga Zephonita; kay Aggi, ang angkan ng mga Aggita; kay Suni, ang angkan ng mga Sunita;

16 Kay Ozni, ang angkan ng mga Oznita; kay Eri, ang angkan ng mga Erita;

17 Kay Arod, ang angkan ng mga Arodita; kay Areli, ang angkan ng mga Arelita.

18 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Gad ayon sa nangabilang sa kanila apat na pung libo at limang daan.

19 Ang mga anak ni Juda, ay si Er at si Onan; at si Er at si Onan ay nangamatay sa lupain ng Canaan.

20 At ang mga anak ni Juda ayon sa kaniyang mga angkan: kay Sela, ang angkan ng mga Selaita; kay Phares, ang angkan ng mga Pharesita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita.

21 At ang mga naging anak ni Phares: kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita.

22 Ito ang mga angkan ni Juda ayon sa nangabilang sa kanila, pitong pu’t anim na libo at limang daan.

23 Ang mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan: kay Thola, ang angkan ng mga Tholaita; kay Pua, ang angkan ng mga Puanita;

24 Kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita; kay Simron, ang angkan ng mga Simronita.

25 Ito ang mga angkan ni Issachar ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pu’t apat na libo at tatlong daan.

26 Ang mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita: kay Elon, ang angkan ng mga Elonita: kay Jalel, ang angkan ng mga Jalelita.

27 Ito ang mga angkan ng mga Zebulonita ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pung libo at limang daan.

28 Ang mga anak ni Jose ayon sa kanilang mga angkan: si Manases at si Ephraim.

29 Ang mga anak ni Manases: kay Machir, ang angkan ng mga Machirita: at naging anak ni Machir si Galaad: kay Galaad, ang angkan ng mga Galaadita.

30 Ito ang mga anak ni Galaad: kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita: kay Helec, ang angkan ng mga Helecita;

31 At kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita: at kay Sechem, ang angkan ng mga Sechemita:

32 At kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita: at kay Hepher, ang angkan ng mga Hepherita.

33 At si Salphaad na anak ni Hepher ay hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae: at ang mga pangalan ng mga anak na babae ni Salphaad ay Maala, at Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.

34 Ito ang mga angkan ni Manases; at yaong nangabilang sa kanila, ay limang pu at dalawang libo at pitong daan.

35 Ito ang mga anak ni Ephraim ayon sa kanilang mga angkan: kay Suthala, ang angkan ng mga Suthalaita: kay Becher, ang angkan ng mga Becherita: kay Tahan, ang angkan ng mga Tahanita.

36 At ito ang mga anak ni Suthala: kay Heran, ang angkan ng mga Heranita.

37 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Ephraim ayon sa nangabilang sa kanila, tatlong pu’t dalawang libo at limang daan. Ito ang mga anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.

38 Ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan: kay Bela, ang angkan ng mga Belaita; kay Asbel, ang angkan ng mga Asbelita: kay Achiram, ang angkan ng mga Achiramita;

39 Kay Supham ang angkan ng mga Suphamita; kay Hupham, ang angkan ng mga Huphamita.

40 At ang mga anak ni Bela ay si Ard at si Naaman: kay Ard, ang angkan ng mga Ardita: kay Naaman, ang angkan ng mga Naamanita.

41 Ito ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan; at yaong nangabilang sa kanila ay apat na pu’t limang libo at anim na raan.

42 Ito ang mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan: kay Suham, ang angkan ng mga Suhamita. Ito ang mga angkan ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.

43 Lahat ng mga angkan ng mga Suhamita, ayon sa nangabilang sa kanila, ay anim na pu’t apat na libo at apat na raan.

44 Ang anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan: kay Imna, ang angkan ng mga Imnaita: kay Issui, ang angkan ng mga Issuita, kay Beria, ang angkan ng mga Beriaita.

45 Sa mga anak ni Beria: kay Heber, ang angkan ng mga Heberita; kay Malchiel ang angkan ng mga Malchielita.

46 At ang pangalan ng anak na babae ni Aser ay si Sera.

47 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Aser ayon sa nangabilang sa kanila, limang pu’t tatlong libo at apat na raan.

48 Ang mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan: kay Jahzeel ang angkan ng mga Jahzeelita: kay Guni, ang angkan ng mga Gunita.

49 Kay Jeser, ang angkan ng mga Jeserita: kay Sillem, ang angkan ng mga Sillemita.

50 Ito ang mga angkan ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan: at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu’t limang libo at apat na raan.

51 Ito yaong nangabilang sa angkan ni Israel, anim na raan at isang libo at pitong daan at tatlong pu.

52 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

53 Sa mga ito babahagihin ang lupain na pinakamana ayon sa bilang ng mga pangalan.

54 Sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana: ang bawa’t isa ayon sa mga bilang sa kaniya ay bibigyan ng kaniyang mana.

55 Gayon ma’y babahagihin ang lupain sa pamamagitan ng sapalaran: ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng kanilang mga magulang ay kanilang mamanahin.

56 Ayon sa sapalaran babahagihin ang kanilang mana, alinsunod sa dami o kaunti.

57 Ito yaong nangabilang sa mga Levita ayon sa kanilang mga angkan: kay Gerson, ang angkan ng mga Gersonita: kay Coath, ang angkan ng mga Coathita: kay Merari, ang angkan ng mga Merarita.

58 Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahalita, ang angkan ng mga Musita, ang angkan ng mga Corita. At naging anak ni Coath si Amram.

59 At ang pangalan ng asawa ni Amram ay Jochabed, na anak na babae ni Levi, na ipinanganak kay Levi sa Egipto: at ipinanganak niya kay Amram si Aaron at si Moises, at si Miriam na kapatid nila.

60 At naging anak ni Aaron si Nadad at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.

61 At si Nadab at si Abiu ay namatay nang sila’y maghandog ng ibang apoy sa harap ng Panginoon.

62 At yaong nangabilang sa kanila ay dalawang pu’t tatlong libo, lahat ng lalake mula sa isang buwang gulang na patanda: sapagka’t sila’y hindi nangabilang sa mga anak ni Israel, sapagka’t sila’y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

63 Ito yaong nangabilang ni Moises at ni Eleazar na saserdote, na bumilang ng mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa siping ng Jordan sa Jerico.

64 Nguni’t sa mga ito ay walang tao sa kanila, na ibinilang ni Moises at ni Aaron na saserdote, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai.

65 Sapagka’t sinabi ng Panginoon tungkol sa kanila, Sila’y mamamatay na walang pagsala sa ilang. At walang natira kahi’t isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jephone, at kay Josue na anak ni Nun.

Mga Bilang 27

1 Nang magkagayo’y nagsilapit ang mga anak na babae ni Salphaad, na anak ni Hepher, na anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose; at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, at Hogla, at Milca, at Tirsa.

2 At sila’y nagsitayo sa harap ni Moises, at sa harap ni Eleazar na saserdote, at sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,

3 Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya’y hindi kasama ng nagpipisang magkakasama laban sa Panginoon, sa pulutong ni Core: kundi siya’y namatay sa kaniyang sariling kasalanan; at hindi nagkaanak ng lalake.

4 Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, sapagka’t siya’y hindi nagkaanak ng lalake? Bigyan ninyo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.

5 At dinala ni Moises ang kanilang usap sa harap ng Panginoon.

6 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

7 Ang mga anak na babae ni Salphaad ay nagsasalita ng matuwid: bibigyan mo nga sila ng isang pag-aari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.

8 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Kung ang isang lalake ay mamatay, at walang anak na lalake, ay inyo ngang isasalin ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae.

9 At kung siya’y walang anak na babae, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid.

10 At kung siya’y walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa mga kapatid ng kaniyang ama.

11 At kung ang kaniyang ama ay walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya sa kaniyang angkan, at kaniyang aariin: at sa mga anak ni Israel ay magiging isang palatuntunan ng kahatulan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.

13 At pagkakita mo niyaon ay malalakip ka rin naman sa iyong bayan, na gaya ng pagkalakip ni Aaron na iyong kapatid:

14 Sapagka’t kayo’y nanghimagsik laban sa aking salita sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapisanan, na ipakilala ninyong banal ako sa harap ng mga mata nila sa tubig. (Ito ang tubig ng Meriba sa Cades sa ilang ng Zin.)

15 At sinalita ni Moises sa Panginoon, na sinasabi,

16 Maghalal ang Panginoon, ang Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, ng isang lalake sa kapisanan,

17 Na makalalabas sa harap nila, at makapapasok sa harap nila, at makapaglalabas sa kanila, at makapagpapasok sa kanila; upang ang kapisanan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastor.

18 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalake na kinakasihan ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;

19 At iharap mo siya kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan; at pagbilinan mo siya sa kanilang paningin.

20 At lalagyan mo siya ng iyong karangalan upang sundin siya ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel.

21 At siya’y tatayo sa harap ni Eleazar na saserdote, na siyang maguusisa tungkol sa kaniya, ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon: sa kaniyang salita, ay lalabas sila, at sa kaniyang salita, ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, sa makatuwid baga’y ang buong kapisanan.

22 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya: at kaniyang ipinagsama si Josue, at kaniyang iniharap kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan:

23 At kaniyang ipinatong ang mga kamay niya sa kaniya, at pinagbilinan niya siya, gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Mga Bilang 28

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang alay sa akin, ang aking pagkain na pinakahandog sa akin na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa akin, ay inyong pagiingatang ihandog sa akin sa ukol na kapanahunan.

3 At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa Panginoon; mga korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, dalawa araw-araw, na pinakapalaging handog na susunugin.

4 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw;

5 At ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo.

6 Isang palaging handog na susunugin, na iniutos sa bundok ng Sinai na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

7 At ang pinakahandog na inumin niyaon, ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin sa isang kordero: sa dakong banal magbubuhos ka ng handog na inumin na pinaka mainam na alak para sa Panginoon.

8 At ang isang kordero, ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw: gaya ng handog na harina sa umaga, at gaya ng handog na inumin niyaon, ay iyong ihahandog, isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

9 At sa araw ng sabbath ay dalawang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, at dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyaon:

10 Ito ang handog na susunugin sa bawa’t sabbath, bukod pa sa palaging handog na susunugin, at ang inuming handog niyaon.

11 At sa mga pasimula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na susunugin sa Panginoon; dalawang guyang toro at isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan;

12 At tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis, para sa bawa’t toro; at dalawang ikasangpung bahagi ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis para sa isang tupang lalake;

13 At isang ikasangpung bahagi ng mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina para sa bawa’t kordero; pinakahandog na susunugin na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

14 At ang magiging handog na inumin ng mga yaon ay kalahati ng isang hin ng alak sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay sa tupang lalake, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay sa kordero: ito ang handog na susunugin sa bawa’t buwan sa lahat ng buwan ng taon.

15 At isang kambing na lalake na pinakahandog sa Panginoon dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon.

16 At sa unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, ay paskua ng Panginoon.

17 At sa ikalabing limang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

18 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod:

19 Kundi maghahandog kayo sa Panginoon ng isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakahandog na susunugin; dalawang guyang toro, at isang lalaking tupa, at pitong korderong lalake ng unang taon; na mga walang kapintasan:

20 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis: tatlong ikasangpung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasangpung bahagi para sa tupang lalake;

21 At isang ikasangpung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawa’t kordero sa pitong kordero;

22 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, upang itubos sa inyo.

23 Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na susunugin sa umaga, na pinakapalaging handog na susunugin,

24 Ganitong paraan ihahandog ninyo araw-araw, sa loob ng pitong araw, ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon.

25 At sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod.

26 Gayon din sa araw ng mga unang bunga, na paghahandog ninyo ng isang bagong handog na harina sa Panginoon sa inyong pista ng mga sanglinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod:

27 Kundi kayo’y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; dalawang guyang toro, isang tupang lalake, at pitong korderong lalake ng unang taon;

28 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi para sa bawa’t toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake,

29 Isang ikasangpung bahagi sa bawa’t kordero sa pitong kordero;

30 Isang kambing na lalake upang itubos sa inyo.

31 Bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, ay inyong ihahandog ang mga yaon (yaong mga walang kapintasan sa inyo), at ang mga inuming handog ng mga yaon.

Mga Bilang 29

1 At sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod; isang araw ngang sa inyo’y paghihip ng mga pakakak.

2 At kayo’y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, ng isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan;

3 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa lalaking tupa,

4 At isang ikasangpung bahagi sa bawa’t kordero sa pitong kordero:

5 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan upang itubos sa inyo:

6 Bukod pa sa handog na susunugin sa bagong buwan, at sa handog na harina niyaon, at sa palaging handog na susunugin at sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon, ayon sa kanilang palatuntunan, na pinakamasarap na amoy, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

7 At sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa; huwag kayong gagawa ng anomang gawa:

8 Kundi kayo’y maghahandog sa Panginoon ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy; isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan sa inyo:

9 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake,

10 Isang ikasangpung bahagi sa bawa’t kordero sa pitong kordero:

11 Isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, bukod pa sa handog dahil sa kasalanan na pangtubos at sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.

12 At sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod, at mangingilin kayong pitong araw sa Panginoon:

13 At maghahandog kayo ng isang handog na susunugin, na pinakahandog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: labing tatlong guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan:

14 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa bawa’t toro sa labing tatlong toro, dalawang ikasangpung bahagi sa bawa’t tupang lalake sa dalawang tupang lalake,

15 At isang ikasangpung bahagi sa bawa’t kordero sa labing apat na kordero

16 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon at sa inuming handog niyaon.

17 At sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labing dalawang guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:

18 At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga yaon, alinsunod sa palatuntunan:

19 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.

20 At sa ikatlong araw ay labing isang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan;

21 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan.

22 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

23 At sa ikaapat na araw ay sangpung toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:

24 Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:

25 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

26 At sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:

27 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:

28 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa handog na inumin niyaon.

29 At sa ikaanim na araw, ay walong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:

30 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:

31 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon,

32 At sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:

33 At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:

34 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

35 Sa ikawalong araw, ay magkakaroon kayo ng isang takdang pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod;

36 Kundi kayo’y maghahandog ng isang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: isang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan:

37 Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa palatuntunan:

38 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.

39 Ang mga ito ay inyong ihahandog sa Panginoon sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga panata, at sa inyong mga kusang handog, na mga pinakahandog ninyong susunugin, at ang inyong mga pinakahandog na harina, at ang inyong mga pinakainuming handog, at ang inyong mga pinakahandog tungkol sa kapayapaan.

40 At isinaysay ni Moises sa mga anak ni Israel, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Mga Bilang 30

1 At sinalita ni Moises sa mga pangulo ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon.

2 Pagka ang isang lalake ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kaniyang kaluluwa sa isang gampanin, ay huwag niyang sisirain ang kaniyang salita, kaniyang gaganapin ayon sa lahat ng binuka ng kaniyang bibig.

3 Pagka ang isang babae naman ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, at itinali ang kaniyang sarili sa isang gampanin, sa bahay ng kaniyang ama, sa kaniyang kadalagahan;

4 At narinig ng kaniyang ama ang kaniyang panata, at ang kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa, at ang kaniyang ama ay hindi umimik sa kaniya: ay lahat nga niyang panata ay magkakabisa, at ang bawa’t tali na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.

5 Nguni’t kung sawayin siya ng kaniyang ama sa araw na marinig; alin man sa kaniyang panata, o sa kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay hindi magkabisa: at patatawarin siya ng Panginoon, sapagka’t sinaway siya ng kaniyang ama.

6 At kung siya’y may asawa at magpanata o magbitiw na walang dilidili sa kaniyang labi ng anomang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa;

7 At marinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya sa araw na marinig yaon: ay magkakabisa nga ang kaniyang mga panata, at ang kaniyang mga gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.

8 Nguni’t kung sawayin siya ng kaniyang asawa sa araw na marinig yaon; ay mawawalan ng kabuluhan ang kaniyang panata na itinali niya sa kaniya at ang nabitawang pangako ng kaniyang mga labi na ipinanali niya sa kaniyang kaluluwa: at patatawarin siya ng Panginoon.

9 Nguni’t ang panata ng isang babaing bao, o ng isang hiniwalayan ng asawa, ay magkakabisa sa bawa’t bagay na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa.

10 At kung siya’y nagpanata sa bahay ng kaniyang asawa, o kaniyang tinalian ang kaniyang kaluluwa ng isang gampanin na kaakbay ng isang sumpa,

11 At narinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya, at hindi sinaway siya; ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawa’t gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.

12 Nguni’t kung niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa sa araw na marinig, ay hindi magkakabisa ang anomang bagay na binitiwan ng kaniyang mga labi tungkol sa kaniyang mga panata o tungkol sa tali ng kaniyang kaluluwa: niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa; at patatawarin siya ng Panginoon.

13 Bawa’t panata o bawa’t gampaning inakbayan ng sumpa, na makapagpapadalamhati ng kaluluwa, ay mabibigyang bisa ng kaniyang asawa, o mapawawalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa.

14 Nguni’t kung ang kaniyang asawa ay hindi umimik sa kaniya sa araw-araw; ay binigyan nga ng bisa ang lahat niyang panata, o ang lahat niyang gampaning taglay niya: kaniyang binigyan bisa, sapagka’t hindi umimik nang araw na kaniyang marinig.

15 Nguni’t kung kaniyang pawawalan ng kabuluhan pagkatapos na kaniyang marinig, ay tataglayin nga niya ang kasamaan ng kaniyang asawa.

16 Ito ang mga palatuntunan na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa magasawa at sa magama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kaniyang ama.

Mga Bilang 31

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Ipanghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Madianita; pagkatapos nito’y malalakip ka sa iyong bayan.

3 At sinalita ni Moises sa bayan, na sinasabi, Magsipagsakbat kayong mga lalake na humanda sa pakikibaka, upang magsiyaon sila laban sa Madian, upang isagawa ang panghihiganti ng Panginoon sa Madian.

4 Sa bawa’t lipi ay isang libo, sa lahat ng mga lipi ng Israel, ang susuguin ninyo sa pakikibaka.

5 Sa gayo’y sinugo sa libolibong Israelita, ang isang libo sa bawa’t lipi, na labing dalawang libo ngang nasasakbatan sa pakikibaka.

6 At sinugo sila ni Moises, sa pakikibaka, isang libo sa bawa’t lipi, sila at si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote, sa pakikibaka, na may mga kasangkapan ng santuario, at may mga pakakak na panghudyat sa kaniyang kamay.

7 At binaka nila ang Madian, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises; at kanilang pinatay ang bawa’t lalake.

8 At pinatay nila ang mga hari sa Madian na kasama ng mga napatay: si Evi at si Recem, at si Zur, at si Hur, at si Reba, limang hari sa Madian: si Balaam man na anak ni Beor ay kanilang pinatay ng tabak.

9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Madian at ang kanilang mga bata; at ang lahat nilang mga hayop at ang lahat nilang mga kawan, at ang lahat nilang pag-aari ay kanilang sinamsam.

10 At ang lahat nilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinatahanan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.

11 At kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging sa tao at maging sa hayop.

12 At kanilang dinala ang mga bihag, ang nasamsam at ang nahuli, kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa kapisanan ng mga anak ni Israel, na nasa kampamento sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.

13 At si Moises at si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng mga prinsipe sa kapisanan, ay nagsilabas na sinalubong sila sa labas ng kampamento.

14 At si Moises ay nag-init sa mga pinuno ng hukbo, sa mga kapitan ng libolibo at sa mga kapitan ng daandaan, na nagsipanggaling sa pakikipagbaka.

15 At sinabi ni Moises sa kanila, Iniligtas ba ninyo na buhay ang lahat ng mga babae?

16 Narito, sila’y naging sanhi, sa payo ni Balaam, upang ang mga anak ni Israel ay sumalangsang laban sa Panginoon sa bagay ng Peor, at kaya’t nagkasalot sa kapisanan ng Panginoon.

17 Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa’t babae na nasipingan ng lalake.

18 Nguni’t ang lahat ng batang babae na hindi pa nasisipingan ng lalake ay buhayin ninyo upang mapasa inyo.

19 At matira kayo sa labas ng kampamento na pitong araw: sinoman sa inyo na nakamatay ng sinomang tao, at sinoman sa inyo na nakahipo ng anomang pinatay, ay maglilinis kayo sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.

20 At tungkol sa bawa’t kasuutan, at sa lahat ng yari sa balat, at sa lahat ng yari sa balahibo ng kambing, at sa lahat ng bagay na yari sa kahoy, ay pakalinisin ninyo.

21 At sinabi ni Eleazar na saserdote sa mga lalake ng hukbo na nagsiparoon sa pakikipagbaka, Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:

22 Gayon ma’y ang ginto at ang pilak, ang tanso, ang bakal, ang lata, at ang tingga,

23 Bawa’t bagay na hindi naaano sa apoy, ay inyong pararaanin sa apoy, at magiging malinis; gayon ma’y inyong lilinisin ng tubig para sa karumihan: at ang lahat na hindi nakatatagal sa apoy, ay inyong pararaanin sa tubig.

24 At inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo’y magiging malinis, at pagkatapos nito’y makapapasok kayo sa kampamento.

25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 Bilangin mo ang samsam na nakuha sa tao at gayon din sa hayop, ninyo at ni Eleazar na saserdote, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng kapisanan:

27 At hatiin mo ang samsam ng dalawa; sa mga lalaking mangbabaka na nagsilabas sa pakikipagbaka, at sa buong kapisanan:

28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon sa mga lalaking mangdidigma na nagsilabas sa pakikipagbaka: isang tao sa bawa’t limang daan, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, at sa mga asno at sa mga kawan:

29 Sa kalahating nauukol sa kanila, ay kukunin mo at ibibigay mo kay Eleazar na saserdote na pinakahandog na itinaas sa Panginoon.

30 At sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kunin mo ang isang nakuha sa bawa’t limang pu, sa mga tao, sa mga bata, sa mga asno, at sa mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.

31 At ginawa ni Moises at ni Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

32 Ang nabihag nga bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipagbaka, ay anim na raan at pitong pu’t limang libong tupa,

33 At pitong pu’t dalawang libong baka,

34 Anim na pu’t isang libong asno,

35 At tatlong pu’t dalawang libong tao sa lahat, sa mga babae na hindi pa nasisipingan ng lalake.

36 At ang kalahati, na siyang bahagi niyaong mga nagsilabas sa pakikipagbaka ay umaabot sa bilang na tatlong daan at tatlong pu’t pitong libo at limang daang tupa:

37 At ang buwis na tupa sa Panginoon, ay anim na raan at pitong pu’t lima.

38 At ang mga baka ay tatlong pu’t anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay pitong pu’t dalawa.

39 At ang mga asno ay tatlong pung libo at limang daan; na ang buwis sa Panginoon ay anim na pu’t isa.

40 At ang mga asno ay labing anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay tatlong pu’t dalawang tao.

41 At ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog na itinaas sa Panginoon, kay Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

42 At ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipagbaka

43 (Siya ngang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlong pu’t pitong libo at limang daang tupa,

44 At tatlong pu’t anim na libong baka,

45 At tatlong pung libo’t limang daang asno,

46 At labing anim na libong tao),

47 At sa kalahati nga na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kinuha ni Moises ang isa sa bawa’t limang pu, sa tao at gayon din sa hayop, at ibinigay sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

48 At ang mga pinuno na namamahala sa libolibo ng hukbo, ang mga kapitan ng libolibo, at ang mga kapitan ng daandaan ay nangagsilapit kay Moises:

49 At sinabi nila kay Moises, Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mangdidigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.

50 At aming dinala na pinakaalay sa Panginoon, ang nakuha ng bawa’t lalake, na mga hiyas na ginto, mga tanikala sa bukongbukong, at mga pulsera, mga singsing na pinaka tanda, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang itubos sa aming mga kaluluwa sa harap ng Panginoon.

51 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto nila, lahat ng hiyas na dalisay.

52 At ang buong gintong handog na itinaas, na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga kapitan ng libolibo, at ng mga kapitan ng daandaan, ay labing anim na libo at pitong daan at limang pung siklo.

53 (Sapagka’t ang mga lalake na nakipagbaka ay naguwi ng samsam, na bawa’t isa ay may sariling dala.)

54 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto ng mga kapitan ng libolibo at ng daandaan, at isinilid sa tabernakulo ng kapisanan, pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.

Mga Bilang 32

1 Ang mga anak nga ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay mayroong napakaraming hayop: at nang kanilang makita ang lupain ng Jazer, at ang lupain ng Galaad, na, narito, ang dako ay minagaling nilang dako sa hayop,

2 Ay lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa mga prinsipe ng kapisanan na sinasabi,

3 Ang Ataroth, at ang Dibon, at ang Jazer, at ang Nimra, at ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Saban, at ang Nebo, at ang Beon,

4 Na lupaing sinaktan ng Panginoon sa harap ng kapisanan ng Israel, ay lupaing mabuti sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.

5 At sinabi nila, Kung kami ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay ibigay mong pinakaari ang lupaing ito sa iyong mga lingkod; at huwag mo kaming paraanin sa Jordan.

6 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, Paroroon ba ang inyong mga kapatid sa pakikipagbaka, at kayo’y mauupo rito?

7 At bakit pinapanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, na huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?

8 Ganyan ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila’y aking suguin, mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain.

9 Sapagka’t nang sila’y makasampa sa libis ng Eskol at matiktikan ang lupain, ay kanilang pinapanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.

10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na yaon, at siya’y sumumpa na sinasabi,

11 Tunay na walang taong lumabas sa Egipto, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay makakakita ng lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; sapagka’t sila’y hindi lubos na sumunod sa akin:

12 Liban si Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, at si Josue na anak ni Nun: sapagka’t sila’y sumunod na lubos sa Panginoon.

13 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kaniyang pinagala sila sa ilang, na apat na pung taon hanggang sa ang buong lahing yaon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol.

14 At, narito, kayo’y nagsipagtindig na kahalili ng inyong mga magulang, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang mabangis na galit ng Panginoon sa Israel.

15 Sapagka’t kung kayo’y lumihis ng pagsunod sa kaniya ay kaniyang iiwang muli sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.

16 At sila’y nagsilapit sa kaniya, at nagsabi, Gagawa kami rito ng mga kulungan sa aming mga hayop, at ng mga bayan sa aming mga bata:

17 Nguni’t kami ay magsisipagalmas upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming maipasok sa kanilang dakong karoroonan: at ang aming mga bata ay magsisitahan sa mga bayang nakukutaan dahil sa mga nagsisitahan sa lupain.

18 Kami ay hindi magsisibalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang mga anak ni Israel ay magari bawa’t isa ng kaniyang sariling pag-aari.

19 Sapagka’t hindi kami makikimana sa kanila sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagka’t tinaglay na namin ang aming mana rito sa dakong silanganan ng Jordan.

20 At sinabi ni Moises sa kanila, Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo’y magsisipagalmas upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipagbaka,

21 At bawa’t may almas sa inyo ay daraan sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kaniyang mapalayas ang kaniyang mga kaaway sa harap niya.

22 At ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon: ay makababalik nga kayo pagkatapos, at hindi kayo magiging salarin sa Panginoon, at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.

23 Nguni’t kung hindi ninyo gagawing ganito ay, narito, kayo’y nagkasala laban sa Panginoon: at talastasin ninyo na aabutin kayo ng inyong kasalanan.

24 Igawa ninyo ng mga siyudad ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at isagawa ninyo ang nabuka sa inyong bibig.

25 At sinalita ng mga anak ni Gad at ng mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, Isasagawa ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.

26 Ang aming mga bata, ang aming mga asawa, ang aming kawan at ang aming buong bakahan ay matitira riyan sa mga bayan ng Galaad:

27 Nguni’t ang iyong mga lingkod ay magsisitawid, bawa’t lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon upang makipagbaka, gaya ng sinabi ng aking panginoon.

28 Sa gayo’y ipinagbilin sila ni Moises kay Eleazar na saserdote, at kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel.

29 At sinabi sa kanila ni Moises, Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay magsisitawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon, at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo: ay ibibigay nga ninyo sa kanila na pinakaari ang lupain ng Galaad.

30 Nguni’t kung sila’y hindi tatawid na kasama ninyo na may almas, ay magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.

31 At ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay nagsisagot, na nangagsasabi, Kung paano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin,

32 Kami ay tatawid na may almas sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.

33 At ibinigay ni Moises sa kanila, sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose, ang kaharian ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain ayon sa mga bayan niyaon, sa loob ng mga hangganan niyaon, sa makatuwid baga’y ang mga bayan sa palibot ng lupain.

34 At itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, at ang Ataroth, at ang Aroer,

35 At ang Ataroth-sophan, at ang Jazer, at ang Jogbaa,

36 At ang Beth-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang nakukutaan, at kulungan din naman ng mga tupa.

37 At itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Ciriathaim,

38 At ang Nebo, at ang Baal-meon, (na ang pangalan ng mga yaon ay binago,) at ang Sibma: at nilagyan ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.

39 At ang mga anak ni Machir na anak ni Manases ay nagsiparoon sa Galaad, at kanilang sinakop, at pinalayas ang mga Amorrheo na nandoon.

40 At ibinigay ni Moises ang Galaad kay Machir na anak ni Manases; at kaniyang tinahanan.

41 At si Jair na anak ni Manases ay naparoon at sinakop ang mga bayan niyaon at tinawag na Havoth-jair.

42 At si Noba ay naparoon at sinakop ang Kenath, at ang mga nayon niyaon, at tinawag na Noba, ayon sa kaniyang sariling pangalan.

Mga Bilang 33

1 Ito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, nang sila’y magsilabas sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng kapangyarihan ni Moises at ni Aaron.

2 At isinulat ni Moises ang kanilang mga pagyao ayon sa kanilang mga paglalakbay alinsunod sa utos ng Panginoon: at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga pagyao.

3 At sila’y nagsipaglakbay mula sa Rameses nang unang buwan, nang ikalabing limang araw ng unang buwan; nang kinabukasan pagkatapos ng paskua ay nagsialis ang mga anak ni Israel na may kamay na nakataas sa paningin ng lahat ng mga taga Egipto,

4 Samantalang inililibing ng mga taga Egipto ang lahat ng kanilang panganay, na nilipol ng Panginoon sa gitna nila: na pati ng kanilang mga dios ay hinatulan ng Panginoon.

5 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at humantong sa Succoth.

6 At sila’y naglakbay mula sa Succoth at humantong sa Etham na nasa gilid ng ilang.

7 At sila’y naglakbay mula sa Etham, at lumiko sa Pi-hahiroth, na nasa tapat ng Baal-sephon: at humantong sa tapat ng Migdol.

8 At sila’y naglakbay mula sa tapat ng Hahiroth, at nagsipagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang: at sila’y naglakbay na tatlong araw sa ilang ng Etham at humantong sa Mara.

9 At sila’y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim: at sa Elim ay may labing dalawang bukal ng tubig at pitong pung puno ng palma; at sila’y humantong doon.

10 At sila’y naglakbay mula sa Elim, at humantong sa tabi ng Dagat na Mapula.

11 At sila’y naglakbay mula sa Dagat na Mapula, at humantong sa ilang ng Zin.

12 At sila’y naglakbay mula sa ilang ng Zin, at humantong sa Dophca.

13 At sila’y naglakbay mula sa Dophca, at humantong sa Alus.

14 At sila’y naglakbay mula sa Alus, at humantong sa Rephidim, na doon, nga walang tubig na mainom ang bayan.

15 At sila’y naglakbay mula sa Rephidim, at humantong sa ilang ng Sinai.

16 At sila’y naglakbay mula sa ilang ng Sinai, at humantong sa Kibroth-hataava.

17 At sila’y naglakbay mula sa Kibroth-hataava, at humantong sa Haseroth.

18 At sila’y naglakbay mula sa Haseroth, at humantong sa Ritma.

19 At sila’y naglakbay mula sa Ritma, at humantong sa Rimmon-peres.

20 At sila’y naglakbay mula sa Rimmon-peres, at humantong sa Libna.

21 At sila’y naglakbay mula sa Libna, at humantong sa Rissa.

22 At sila’y naglakbay mula sa Rissa, at humantong sa Ceelatha.

23 At sila’y naglakbay mula sa Ceelatha at humantong sa bundok ng Sepher.

24 At sila’y naglakbay mula sa bundok ng Sepher, at humantong sa Harada.

25 At sila’y naglakbay mula sa Harada, at humantong sa Maceloth.

26 At sila’y naglakbay mula sa Maceloth, at humantong sa Tahath.

27 At sila’y naglakbay mula sa Tahath at humantong sa Tara.

28 At sila’y naglakbay mula sa Tara, at humantong sa Mithca.

29 At sila’y naglakbay mula sa Mithca, at humantong sa Hasmona.

30 At sila’y naglakbay mula sa Hasmona, at humantong sa Moseroth.

31 At sila’y naglakbay mula sa Moseroth, at humantong sa Bene-jaacan.

32 At sila’y naglakbay mula sa Bene-jaacan, at humantong sa Horhagidgad.

33 At sila’y naglakbay mula sa Horhagidgad at humantong sa Jotbatha.

34 At sila’y naglakbay mula sa Jotbatha, at humantong sa Abrona.

35 At sila’y naglakbay mula sa Abrona, at humantong sa Esion-geber.

36 At sila’y naglakbay mula sa Esion-geber, at humantong sa ilang ng Zin (na siya ring Cades).

37 At sila’y naglakbay mula sa Cades, at humantong sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom.

38 At si Aaron na saserdote ay sumampa sa bundok ng Hor sa utos ng Panginoon, at namatay roon, sa ikaapat na pung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, sa ikalimang buwan, nang unang araw ng buwan.

39 At si Aaron ay may isang daan at dalawang pu’t tatlong taon nang siya’y mamatay sa bundok ng Hor.

40 At ang Cananeo na hari sa Arad, na tumatahan sa Timugan, sa lupain ng Canaan, ay nakarinig ng pagdating ng mga anak ni Israel.

41 At sila’y naglakbay mula sa bundok ng Hor, at humantong sa Salmona.

42 At sila’y naglakbay mula sa Salmona, at humantong sa Phunon.

43 At sila’y naglakbay mula sa Phunon, at humantong sa Oboth.

44 At sila’y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Igeabarim, sa hangganan ng Moab.

45 At sila’y naglakbay mula sa Igeabarim, at humantong sa Dibon-gad.

46 At sila’y naglakbay mula sa Dibon-gad, at humantong sa Almon-diblathaim.

47 At sila’y naglakbay mula sa Almon-diblathaim, at humantong sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo.

48 At sila’y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim, at humantong sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.

49 At sila’y humantong sa tabi ng Jordan, mula sa Beth-jesimoth hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab.

50 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico, na sinasabi,

51 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan,

52 Ay inyo ngang palalayasin ang lahat ng nananahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong tinapyasan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang binubo, at inyong gigibain ang lahat ng kanilang mga mataas na dako:

53 At inyong ariin ang lupain, at tatahan kayo roon: sapagka’t sa inyo ibinigay ko ang lupain upang ariin.

54 At inyong aariin ang lupain sa sapalaran ayon sa inyong mga angkan; sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana: kung kanino mahulog ang palad sa bawa’t isa, ay yaon ang magiging kaniya; ayon sa mga lipi ng inyong mga magulang ay inyong mamanahin.

55 Nguni’t kung hindi ninyo palalayasin ang mga nananahanan sa lupain sa harap ninyo; ay magiging parang mga tibo nga sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang babagabagin kayo sa lupain na inyong tinatahanan.

56 At mangyayari, na kung ano ang iniisip kong gawin sa kanila, ay gayon ang gagawin ko sa inyo.

Mga Bilang 34

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, (na ito ang lupaing mahuhulog sa inyo na pinakamana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyaon),

3 At inyong hahantungan ang dakong timugan mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganang timugan ay magiging mula sa dulo ng Dagat na Alat sa dakong silanganan:

4 At ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timugan sa sampahan ng Acrabbim, at patuloy hanggang sa Zin: at ang mga labasan niyaon ay magiging sa dakong timugan ng Cades-barnea; at mula rito ay pasampa sa Hasar-addar, at patuloy sa Asmon:

5 At ang hangganan ay paliko mula sa Asmon hanggang sa batis ng Egipto, at ang magiging mga labasan niyaon ay sa dagat.

6 At ang magiging inyong hangganang kalunuran ay ang malaking dagat at ang baybayin niyaon: ito ang magiging inyong hangganang kalunuran.

7 At ito ang magiging inyong hangganang hilagaan mula sa malaking dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor:

8 Mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamath; at ang magiging mga labasan ng hangganan ay sa Sedad;

9 At ang magiging hangganan ay palabas sa Ziphron, at ang magiging mga labasan niyaon, ay ang Hasar-enan: ito ang magiging inyong hangganang hilagaan.

10 At inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganang silanganan mula sa Hasar-enan hanggang Sepham:

11 At ang hangganan ay pababa mula sa Sepham hanggang sa Ribla, sa dakong silanganan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cinnereth sa dakong silanganan:

12 At ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang magiging mga labasan niyaon ay abot sa Dagat na Alat: ito ang magiging inyong lupain, ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot.

13 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng sapalaran, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;

14 Sapagka’t ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay nagsitanggap na, at gayon din naman ang kalahating lipi ni Manases ay nagsitanggap na ng kanilang mana:

15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay nagsitanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na magbabahagi ng lupain sa inyo na pinakamana: si Eleazar na saserdote, at si Josue na anak ni Nun.

18 At maglalagay kayo ng isang prinsipe sa bawa’t lipi, upang magbahagi ng lupain na pinakamana.

19 At ito ang mga pangalan ng mga lalake: sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.

20 At sa lipi ng mga anak ni Simeon, ay si Samuel na anak ni Ammiud.

21 Sa lipi ni Benjamin, ay si Elidad na anak ni Chislon.

22 At sa lipi ng mga anak ni Dan, ay ang prinsipe Bucci na anak ni Jogli.

23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases, ay ang prinsipe Haniel na anak ni Ephod:

24 At sa lipi ng mga anak ni Ephraim, ay ang prinsipe Chemuel na anak ni Siphtan.

25 At sa lipi ng mga anak ni Zabulon, ay ang prinsipe Elisaphan na anak ni Pharnach.

26 At sa lipi ng mga anak ni Issachar, ay ang prinsipe Paltiel na anak ni Azan.

27 At sa lipi ng mga anak ni Aser, ay ang prinsipe Ahiud na anak ni Selomi.

28 At sa lipi ng mga anak ni Nephtali, ay ang prinsipe Pedael na anak ni Ammiud.

29 Ito yaong mga inutusan ng Panginoon na bumahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.