Mga Bilang 35

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, na kanilang bigyan ang mga Levita sa mana na kanilang pag-aari, ng mga bayan na matahanan; at ang mga pastulan sa palibot ng mga bayang yaon ay ibibigay ninyo sa mga Levita,

3 At mapapasa kanila ang mga bayan upang tahanan; at ang kanilang mga pastulan ay sa kanilang mga kawan, at sa kanilang mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.

4 At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.

5 At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila’y mga pastulan sa mga bayan.

6 At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu’t dalawang bayan.

7 Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay apat na pu’t walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.

8 At tungkol sa mga bayan na pag-aari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa’t isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.

9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11 Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

12 At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo’y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.

13 At ang mga bayan na inyong ibibigay ay anim na bayang ampunan sa inyo.

14 Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.

15 Sa mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa’t nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

16 Nguni’t kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa’t namatay, siya nga’y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

17 At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

18 O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

19 Ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.

20 At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na binanta, ano pa’t siya’y namatay;

21 O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa’t siya’y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya’y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.

22 Nguni’t kung sa kabiglaanan ay kaniyang maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,

23 O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa’t namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:

24 Kung gayo’y ang kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:

25 At ililigtas ng kapisanan ang nakamatay sa kamay ng manghihiganti sa dugo, at siya’y pababalikin ng kapisanan sa kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan: at siya’y tatahan doon hanggang sa pagkamatay ng pangulong saserdote, na pinahiran ng banal na langis.

26 Nguni’t kung ang nakamatay ay lumabas sa anomang dahilan, sa hangganan ng kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan;

27 At masumpungan siya ng manghihiganti sa dugo sa labas ng hangganan ng kaniyang bayang ampunan, at patayin ng manghihiganti sa dugo ang nakamatay, ay hindi siya magiging salarin sa dugo,

28 Sapagka’t siya’y nararapat na tumira sa kaniyang bayang ampunan, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote: nguni’t pagkamatay ng dakilang saserdote ang nakamatay ay makababalik sa lupain ng kaniyang pag-aari.

29 At ang mga bagay na ito ay magiging isang palatuntunan sa kahatulan sa inyo, sa buong panahon ng inyong mga lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.

30 Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa patotoo ng mga saksi: nguni’t ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin.

31 Bukod sa rito, huwag kayong tatanggap ng suhol sa buhay ng pumatay na nagiging salarin sa pagpapatay: kundi siya’y walang pagsalang papatayin.

32 At huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninomang tumakas sa kaniyang bayang ampunan, upang bumalik na manahan sa kaniyang lupain, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote.

33 Kaya’t huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; sapagka’t ang dugo ay nagpaparumi ng lupain: at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na nabubo doon, kundi sa pamamagitan ng dugo niyaong nagbubo.

34 At huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong tinatahanan, na ako’y tumahan sa gitna niyan: sapagka’t akong Panginoon ay tumatahan sa gitna ng mga anak ni Israel.

Mga Bilang 36

1 At ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay nagsilapit, at nagsalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga prinsipe, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel:

2 At sinabi nila, Ang Panginoon ay nagutos sa aking panginoon na ibigay sa sapalaran ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel: at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Salphaad na aming kapatid sa kaniyang mga anak na babae.

3 At kung sila’y magasawa sa kaninoman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin nga ang mana nila na mula sa mana ng aming mga magulang, at sa idaragdag sa mana ng lipi na kinauukulan nila: sa gayo’y aalisin sa manang naukol sa amin.

4 At pagjujubileo ng mga anak ni Israel, ay idaragdag nga ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinaukulan: sa gayo’y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga magulang.

5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon na sinasabi, Ang lipi ng mga anak ni Jose ay nagsasalita ng matuwid.

6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Salphaad, na sinasabi, Magasawa sila sa kaninomang kanilang magalingin; nguni’t sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama magasawa sila.

7 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana ng mga anak ni Israel sa iba’t ibang lipi: sapagka’t ang mga anak ni Israel ay masasanib bawa’t isa sa mana ng lipi ng kaniyang mga magulang.

8 At bawa’t anak na babae na nagaari sa anomang lipi ng mga anak ni Israel ay magasawa sa isa ng angkan ng lipi ng kaniyang ama, upang ang mga anak ni Israel ay magmana bawa’t isa ng mana ng kaniyang mga magulang.

9 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana sa ibang lipi; sapagka’t ang mga lipi ng mga anak ni Israel ay masasanib bawa’t isa sa kaniyang sariling mana.

10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayong ginawa ng mga anak na babae ni Salphaad:

11 Sapagka’t si Maala, si Tirsa, si Holga, at si Milca, at si Noa, na mga anak na babae ni Salphaad ay nagsipagasawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.

12 Sila’y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.

13 Ito ang mga utos at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.

Levitico 1

1 At tinawag ng Panginoon si Moises at sinalita sa kaniya mula sa tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinoman sa inyo ay naghahandog ng alay sa Panginoon, ang ihahandog ninyong alay ay galing sa mga hayop, sa mga bakahan at sa kawan.

3 Kung ang kaniyang alay ay handog na susunugin na kinuha sa bakahan, ang ihahandog niya’y isang lalake na walang kapintasan: sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ihahandog niya, upang tanggapin sa harap ng Panginoon.

4 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin; at tatanggapin sa ikagagaling niya, upang gumawa ng pakikipagkasundo sa kaniya.

5 At kaniyang papatayin ang guyang toro sa harap ng Panginoon: at ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay siyang mangaghaharap ng dugo at iwiwisik ang dugo sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

6 At lalaplapin ang handog na susunugin, at kakatayin.

7 At ang mga anak ni Aaron na saserdote ay magsisipaglagay ng apoy sa ibabaw ng dambana, at magsisipagayos ng kahoy sa apoy;

8 At aayusin ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang mga pinagputolputol, ang ulo, at ang taba, sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana:

9 Datapuwa’t ang mga lamang loob at ang mga paa, ay huhugasan niya ng tubig. At susunugin ng saserdote ang kabuoan sa ibabaw ng dambana na pinakahandog na susunugin, isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

10 At kung ang kaniyang alay ay kinuha sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, na pinakahandog na susunugin; ang kaniyang ihahandog ay isang lalaking walang kapintasan.

11 At kaniyang papatayin sa dakong hilagaan ng dambana, sa harap ng Panginoon: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo niyaon sa ibabaw ng dambana sa palibot.

12 At kaniyang kakatayin pati ang ulo, at ang taba; at mga iaayos ng saserdote sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;

13 Datapuwa’t ang mga lamang loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng saserdote ang kabuoan, at susunugin sa dambana: isa ngang handog na susunugin na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

14 At kung ang kaniyang alay sa Panginoon ay handog na susunugin na mga ibon, ang ihahandog nga niyang alay ay mga batobato o mga inakay ng kalapati.

15 At dadalhin ng saserdote sa dambana, at pupugutan ng ulo yaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana; at ang dugo’y pipigain sa tabi ng dambana:

16 At aalisin niya ang butsi pati ang mga balahibo, at ihahagis sa tabi ng dambana, sa dakong silanganan, sa kinalalagyan ng mga abo:

17 At babaakin na hahawakan sa mga pakpak, datapuwa’t hindi pakakahatiin. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy: isa ngang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

Levitico 2

1 At pagka ang sinoman ay maghahandog sa Panginoon ng alay na handog na harina, ay mainam na harina ang kaniyang iaalay; at kaniyang bubuhusan ng langis, at lalagyan ng kamangyan:

2 At dadalhin niya sa mga saserdote, na mga anak ni Aaron; at siya’y kukuha ng isang dakot na mainam na harina at ng langis, sangpu ng buong kamangyan niyaon. At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakaalaala, na isang handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon:

3 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak: kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

4 At pagka ikaw ay maghahandog ng alay na handog na harina na luto sa hurno, ay mga munting tinapay na walang lebadura ang iaalay mo na mainam na harina, na hinaluan ng langis, o mga manipis na tinapay na walang lebadura, na hinaluan ng langis.

5 At kung ang iyong alay ay handog na harina, na luto sa kawali, ay mainam na harina ang iaalay mo na walang lebadura, na hinaluan ng langis.

6 Iyong pagpuputolputulin, at bubuhusan mo ng langis: isa ngang handog na harina.

7 At kung ang iyong alay ay handog na harina na luto sa kawaling bakal, ay yari sa mainam na harina na may langis ang iaalay mo.

8 At dadalhin mo sa Panginoon ang handog na harina na yari sa mga bagay na ito: at ihaharap sa saserdote at dadalhin niya sa dambana.

9 At kukuha ang saserdote ng handog na harina, na pinakaalaala rin niyaon, at susunugin sa ibabaw ng dambana: handog ngang pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

10 At ang kalabisan sa handog na harina ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak; kabanalbanalang bagay nga sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

11 Walang handog na harina na ihahandog kayo sa Panginoon, na magkakalebadura: sapagka’t huwag kayong magsusunog ng anomang lebadura ni ng anomang pulot na pinaka handog, sa Panginoon, na pinaraan sa apoy.

12 Bilang pinakaalay na mga pangunang bunga ihahandog ninyo sa Panginoon: nguni’t hindi sasampa sa dambana na parang masarap na amoy.

13 At titimplahan mo ng asin ang lahat ng alay na iyong handog na harina, ni huwag mong titiising magkulang sa iyong handog na harina ng asin ng tipan ng iyong Dios: lahat ng alay mo’y ihahandog mong may asin.

14 At kung maghahandog ka sa Panginoon ng handog na harina na pangunang bunga, ay ihahandog mong pinakahandog na harina ng iyong pangunang bunga ay sinangag sa apoy, mga murang butil na pinipi.

15 At bubuhusan mo ng langis yaon, at lalagyan mo sa ibabaw ng kamangyan: yaon nga’y handog na harina.

16 At susunugin ng saserdote na nakaalaala niyaon, ang bahagi ng butil na pinipi at ang bahagi ng langis, pati ng buong kamangyan niyaon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

Levitico 3

1 At kung ang kanilang alay ay haing mga handog tungkol sa kapayapaan; kung ang ihahandog niya ay sa bakahan maging lalake o babae, ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harap ng Panginoon.

2 At kaniyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kaniyang alay, at papatayin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo sa ibabaw ng dambana, sa palibot.

3 At kaniyang ihahandog hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ang tabang nakatatakip ng lamang loob at lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob,

4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato.

5 At susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na susunugin na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy; handog ngang pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

6 At kung ang kaniyang alay sa Panginoon na pinakahaing mga handog tungkol sa kapayapaan ay kinuha sa kawan; maging lalake o babae, ay ihahandog niya na walang kapintasan.

7 Kung isang kordero ang kaniyang ihahandog na pinakaalay niya, ay ihahandog nga niya sa harap ng Panginoon:

8 At kaniyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kaniyang alay, at papatayin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyaon sa ibabaw ng dambana sa palibot.

9 At kaniyang ihahandog hinggil sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ang taba niyaon, ang buong matabang buntot, ay aalisin niya sa siping ng gulugod; at ang tabang nakatatakip ng lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob.

10 At ang dalawang bato, at ang tabang nasa ibabaw niyaon, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin niya na kalakip ng mga bato.

11 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana: pagkaing handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

12 At kung kambing ang kaniyang alay ay ihahandog nga niya sa harap ng Panginoon:

13 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo niyaon, at papatayin yaon sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

14 At ang ihahandog niya roon na kaniyang alay, na pinakahandog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy; ang tabang nakatatakip ng lamang loob, lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob,

15 At ang dalawang bato, at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin niya na kalakip ng mga bato.

16 At mga susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana; pagkaing handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy: lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni dugo man.

Levitico 4

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinoman ay magkakasala ng hindi sinasadya sa alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at gagawin ng sinoman sa kanila;

3 Kung ang pinahirang saserdote ang magkasala ng gayon na magdala ng sala sa bayan, ay maghahandog nga siya sa Panginoon dahil sa kaniyang kasalanan na ipinagkasala, ng isang guyang toro, na walang kapintasan, na pinakahandog dahil sa kasalanan.

4 At dadalhin niya ang toro sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng Panginoon: at ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon.

5 At ang pinahiran ng langis na saserdote ay kukuha ng dugo ng toro, at dadalhin sa tabernakulo ng kapisanan:

6 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at magwiwisik na makapito ng dugo sa harap ng Panginoon, sa tapat ng tabing ng santuario.

7 At ang saserdote ay maglalagay ng dugong yaon sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana ng mabangong kamangyan sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan: at lahat ng dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

8 At aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog dahil sa kasalanan; ang tabang nakakatakip sa lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob,

9 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin na kalakip ng mga bato,

10 Na gaya ng pagaalis ng sa toro na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambanang pagsusunugan ng handog.

11 At ang balat ng toro at ang buong laman pati ng ulo at ng mga hita, at ng lamang loob, at ng dumi,

12 Sa makatuwid baga’y ang buong toro ay ilalabas niya sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis, na pinagtatapunan ng mga abo, at doon susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy: sa pinagtatapunan ng mga abo susunugin yaon.

13 At kung ang buong kapisanan ng Israel ay magkasala, at ang bagay ay malihim sa mga mata ng kapulungan, at sila’y nakagawa ng anoman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at naging salarin;

14 Pagka nakilala ang kasalanan ng kanilang ipinagkasala, ay maghahandog nga ang kapisanan ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan, at dadalhin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan.

15 At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan, ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon: at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon.

16 At ang saserdoteng pinahiran ng langis ay magdadala ng dugo ng toro sa tabernakulo ng kapisanan:

17 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at iwiwisik na makapito sa harap ng Panginoon, sa harap ng tabing.

18 At maglalagay siya ng dugo sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana na nasa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyaon, at susunugin niya sa ibabaw ng dambana.

20 Gayon ang gagawin niya sa toro; kung paano ang ginawa niya sa torong handog dahil sa kasalanan, ay gayon gagawin niya rito: at itutubos sa kanila ng saserdote, at patatawarin sila.

21 At ilalabas niya ang toro sa kampamento, at susunugin niya, na gaya ng pagkasunog sa unang toro: handog nga dahil sa kasalanan ng kapisanan.

22 Pagka ang isang pinuno ay nagkasala, at nakagawa ng hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Dios na huwag gawin, at siya’y naging salarin;

23 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang ipinagkasala, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang lalaking kambing na walang kapintasan;

24 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin sa harap ng Panginoon: handog nga dahil sa kasalanan.

25 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang dugo’y ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog.

26 At ang lahat ng taba niyaon ay susunugin niya sa dambana, na gaya ng taba ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan, at siya’y patatawarin.

27 At kung ang sinomang karaniwang tao sa bayan ay magkasala ng hindi sinasadya, sa paggawa sa alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at maging makasalanan;

28 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang pinagkasalahan, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang babaing kambing na walang kapintasan, na dahil sa kaniyang kasalanang pinagkasalahan niya.

29 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin ang handog dahil sa kasalanan sa lagayan ng pagsusunugan ng handog.

30 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo niyaon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.

31 At ang lahat ng taba niyaon ay kaniyang aalisin, na gaya ng pagaalis ng taba sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya’y patatawarin.

32 At kung kordero ang kaniyang dalhing pinakaalay na bilang handog dahil sa kasalanan, ay babaing walang kapintasan ang dadalhin niya.

33 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pinagpapatayan ng handog na susunugin.

34 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana:

35 At ang lahat ng taba ay kaniyang aalisin, gaya ng pagkaalis ng taba sa kordero na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan; at siya’y patatawarin.

Levitico 5

1 At kung ang sinoman ay magkasala, sa pagkarinig niya ng tinig ng pautos, sa paraang siya’y saksi maging kaniyang nakita o nalaman, kung hindi niya ihayag, ay siya nga ang magtataglay ng kasamaan niya.

2 O kung ang sinoman ay nakahipo ng alinmang bagay na karumaldumal, maging bangkay ng ganid na karumaldumal, o ng bangkay na hayop na karumaldumal, o ng bangkay ng umuusad na karumaldumal, at nalihim sa kaniya, at siya’y maging karumaldumal, ay magiging makasalanan nga siya:

3 O kung siya’y nakahipo ng karumaldumal ng tao, maging anomang karumaldumal niyaon na ikinapaging karumaldumal niya, at nalihim sa kaniya; pagka nalaman niya ay magiging makasalanan nga siya:

4 O kung ang sinoma’y sumumpa ng kaniyang mga labi ng walang dilidili na gumawa ng masama o gumawa ng mabuti, maging anoman na sinasalita ng tao na walang dilidili na kaakbay ang sumpa, at sa kaniya’y nalihim; pagka nalaman niya yaon, ay magiging makasalanan nga siya sa isa sa mga bagay na ito:

5 At mangyayari, na pagka siya’y magiging makasalanan sa isa sa mga bagay na ito, ay kaniyang isasaysay yaong kaniyang ipinagkasala:

6 At dadalhin niya sa Panginoon ang handog niya dahil sa pagkakasala, dahil sa kasalanang pinagkasalahan niya, ay isang babae na kinuha sa kawan, isang kordero o isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan; at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan.

7 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng isang kordero, ay magdadala nga siya sa Panginoon, na pinakahandog niya sa pagkakasala, dahil sa ipinagkasala niya, ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati: ang isa’y pinakahandog dahil sa kasalanan at ang isa’y pinakahandog na susunugin.

8 At sila’y dadalhin niya sa saserdote, na ang ihahandog nito na pinakahandog dahil sa kasalanan, ay ang una at pupugutin ang ulo sa leeg, nguni’t hindi papaghihiwalaying bigla:

9 At magwiwisik siya ng dugo ng handog dahil sa kasalanan sa ibabaw ng gilid ng dambana; at ang labis sa dugo ay pipigain sa paanan ng dambana: handog nga dahil sa kasalanan.

10 At ihahandog niya ang ikalawa na pinakahandog na susunugin ayon sa alituntunin: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan na kaniyang pinagkasalahan, at siya’y patatawarin.

11 Datapuwa’t kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, ay magdadala nga siya ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog dahil sa kasalanan niya; hindi niya lalagyan ng langis ni bubuhusan man niya ng kamangyan; sapagka’t handog dahil sa kasalanan.

12 At dadalhin niya sa saserdote, at ang saserdote ay kukuha ng kaniyang dakot sa pinaka alaala niyaon, na susunugin sa dambana; na gaya ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: handog nga dahil sa kasalanan.

13 At itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan sa alinman sa mga bagay na ito, at siya’y patatawarin: at ang labis ay mapapasa saserdote, gaya ng handog na harina.

14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

15 Kung ang sinoman ay makasuway at magkasala ng di sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon; ay magdadala nga siya sa Panginoon ng handog dahil sa pagkakasala na isang tupang lalaking walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga sa siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario na pinakahandog dahil sa pagkakasala:

16 At isasauli niya yaong kaniyang nadaya sa banal na bagay, at magdaragdag pa ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa saserdote: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng lalaking tupang handog dahil sa pagkakasala; at siya’y patatawarin.

17 At kung ang sinoman ay magkasala, at gumawa ng alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin; bagama’t hindi niya nalalaman, makasalanan din siya at magtataglay siya ng kaniyang kasamaan.

18 At siya’y magdadala sa saserdote ng isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan ayon sa iyong pagkahalaga na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa bagay na pinagkamalian niya ng di sinasadya, at hindi niya nalalaman, at siya’y patatawarin.

19 Yaon nga’y handog dahil sa pagkakasala: tunay ngang siya’y makasalanan sa harap ng Panginoon.

Levitico 6

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Kung ang sinoman ay magkasala, at sumuway sa Panginoon, na magbulaan sa kaniyang kapuwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sanla, o sa nakaw, o pumighati sa kaniyang kapuwa,

3 O nakasumpong ng nawala, at ipagkaila at sumumpa ng kasinungalingan; sa alin man sa lahat ng ito na ginawa ng tao ng pinagkakasalahan:

4 Ay mangyayari nga, na kung siya’y nagkasala at naging salarin, na isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pagpighati, o ang habiling inihabilin sa kaniya, o ang bagay na nawala sa kaniyang nasumpungan,

5 O anomang bagay na kaniyang sinumpaan ng kabulaanan; na isasauli niyang buo, at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyaon: sa may-ari ibibigay niya sa araw na pagkasumpong sa kaniya na siya’y may kasalanan.

6 At dadalhin niya sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga, at ibibigay sa saserdote na pinakahandog dahil sa pagkakasala:

7 At itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon; at siya’y patatawarin tungkol sa alin mang kaniyang nagawa, na kaniyang pinagkasalahan.

8 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

9 Iutos mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na iyong sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin: ang handog na susunugin ay malalagay sa ibabaw ng pinagsusunugan sa ibabaw ng dambana, buong gabi hanggang umaga; at ang apoy sa dambana ay papananatilihing nagniningas doon.

10 At isusuot ng saserdote ang kaniyang kasuutang lino, at ang kaniyang mga salawal na kayong lino at itatakip niya sa kaniyang katawan; at dadamputin niya ang mga abo ng handog na susunugin na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.

11 At maghuhubad siya ng kaniyang mga suot, at magbibihis ng ibang mga kasuutan, at ilalabas ang mga abo sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis.

12 At ang apoy sa ibabaw ng dambana ay papananatilihing nagniningas doon, hindi papatayin; at ang saserdote ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyaon tuwing umaga: at aayusin niya sa ibabaw niyaon ang handog na susunugin, at susunugin sa ibabaw niyaon ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

13 Ang apoy ay papananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi papatayin.

14 At ito ang kautusan tungkol sa handog na harina: ihahandog ng mga anak ni Aaron sa harap ng Panginoon, sa harap ng dambana.

15 At kukuha siya niyaon ng kaniyang dakot, ng mainam na harina sa handog na harina, at ng langis niyaon, at ng lahat na kamangyan, na nasa ibabaw ng handog na harina, at kaniyang susunugin sa ibabaw ng dambana, na pinakamasarap na amoy, na alaala niyaon sa Panginoon.

16 At ang labis sa handog ay kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak: walang lebadurang kakanin sa dakong banal; sa looban ng tabernakulo ng kapisanan kakanin nila.

17 Hindi lulutuing may lebadura. Aking ibinigay sa kanilang pinakabahagi nila, sa mga handog sa akin na pinaraan sa apoy; kabanalbanalang bagay nga, na gaya ng handog dahil sa kasalanan, at gaya ng handog dahil sa pagkakasala.

18 Bawa’t lalake sa mga anak ni Aaron ay kakain niyaon na pinakabahagi nila magpakailan man, sa buong panahon ng inyong lahi, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; sinomang humipo ng mga iyan ay magiging banal.

19 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

20 Ito ang alay ni Aaron at ng kaniyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya’y pahiran ng langis; ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina magpakailan man, ang kalahati ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon.

21 Sa kawali ihahandang may langis; pagkatigmak niyaon dadalhin mo: lutong putolputol na ihaharap mo ang handog na harina na pinaka masarap na amoy sa Panginoon.

22 At ang saserdoteng pinahiran ng langis na mahahalili sa kaniya, na mula sa gitna ng kaniyang mga anak ay maghahandog niyaon: ayon sa palatuntunang walang hanggan ay susunuging lahat sa Panginoon.

23 At bawa’t handog na harina ng saserdote ay susunuging lahat: hindi kakanin.

24 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

25 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa kasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa kasalanan, sa harap ng Panginoon; kabanalbanalang bagay nga.

26 Ang saserdoteng maghandog niyaon dahil sa kasalanan ay kakain niyaon: sa dakong banal kakanin, sa looban ng tabernakulo ng kapisanan.

27 Anomang humipo ng laman niyaon ay magiging banal: at pagka pumilansik ang dugo sa alin mang damit, ay lalabhan mo yaong napilansikan sa dakong banal.

28 Datapuwa’t ang sisidlang lupa na pinaglutuan ay babasagin: at kung niluto sa sisidlang tanso ay lilinisin at babanlawan ng tubig.

29 Bawa’t lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon: bagay ngang kabanalbanalan.

30 At hindi kakanin ang anomang handog dahil sa kasalanan, kung may dugo niyao’y ipinasok sa tabernakulo ng kapisanan upang ipangtubos sa dakong banal: sa apoy nga susunugin.

Levitico 7

1 At ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan.

2 Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao’y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.

3 At siya’y maghahandog niyaon ng lahat ng taba niyaon; ang buntot na mataba at ang tabang nakatatakip sa lamang loob,

4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato:

5 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; handog nga dahil sa pagkakasala.

6 Bawa’t lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon; sa dakong banal kakanin yaon: bagay ngang kabanalbanalan.

7 Kung paano ang handog dahil sa kasalanan ay gayon ang handog dahil sa pagkakasala: ang dalawa’y may isang kautusan: mapapasa saserdoteng tumutubos.

8 At ang saserdoteng naghahandog ng handog na susunugin ng sinomang tao, ay siyang magtatangkilik ng balat ng handog na susunugin na inihandog.

9 At bawa’t handog na harina na niluto sa hurno, at yaong lahat na pinagyaman sa kawaling bakal at sa kawaling lupa, ay mapapasa saserdote na naghahandog.

10 At bawa’t handog na harina na hinaluan ng langis o tuyo, ay mapapasa lahat ng anak ni Aaron; sa isa na gaya sa iba.

11 At ito ang kautusan hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na ihahandog sa Panginoon:

12 Kung ihahandog niya na pinaka pasalamat, ay ihahandog nga niyang kalakip ng haing pasalamat ang mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at ang mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang mainam na harina na munting tinapay na hinaluan ng langis.

13 Kalakip ng munting tinapay na walang lebadura kaniyang ihahandog ang alay niya, na kalakip ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat.

14 At maghahandog ng isa niyaon na kaakbay ng bawa’t alay na pinakahandog na itinaas sa Panginoon; mapapasa saserdoteng magwiwisik ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

15 At ang laman ng hain na kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat ay kakanin sa kaarawan ng kaniyang pagaalay; siya’y hindi magtitira niyaon ng hanggang sa umaga.

16 Nguni’t kung ang hain ng kaniyang alay ay sa pagtupad ng isang panata, o kusang handog, ay kaniyang makakain sa araw na kaniyang ihandog ang kaniyang hain: at sa kinaumagahan man ay kaniyang makakain ang labis:

17 Datapuwa’t ang lumabis sa laman ng hain hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

18 At kung kanin sa ikatlong araw ang anomang bahagi ng laman ng haing kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay hindi tatanggapin, at hindi man maipatutungkol doon sa naghahandog niyaon: aariing kasuklamsuklam, at ang taong kumain niyaon ay magtataglay ng kaniyang kasamaan.

19 At ang lamang masagi sa anomang bagay na karumaldumal ay hindi kakanin; yao’y susunugin sa apoy. At tungkol sa lamang hindi nahawa, lahat ng taong malinis ay makakakain niyaon.

20 Nguni’t ang taong kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, na taglay niya ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.

21 At pagka ang sinoman ay nakahipo ng anomang maruming bagay, ng dumi ng tao, o ng hayop na karumaldumal, o ng alin mang kasuklamsuklam, at kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.

22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

23 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Huwag kayong kakain ng taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.

24 At ang taba ng namatay sa kaniyang sarili, at ang taba ng nilapa ng ganid, ay magagamit sa alin mang kagamitan: nguni’t sa anomang paraan ay huwag ninyong kakanin.

25 Sapagka’t sinomang kumain ng taba ng hayop na yaon na inihahandog ng mga tao sa Panginoon, na handog na pinaraan sa apoy, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong kumain.

26 At huwag kayong kakain sa anomang paraan ng dugo sa lahat ng inyong tahanan, maging sa ibon o sa hayop.

27 Sinomang taong kumain ng alin mang dugo, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong yaon.

28 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

29 Iyong salitain sa mga anak ng Israel na sabihin, Ang naghahandog sa Panginoon ng hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng kaniyang alay sa hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan;

30 Na dadalhin ng kaniyang sariling mga kamay sa Panginoon ang mga handog na pinaraan sa apoy; ang taba pati ng dibdib ay dadalhin niya, upang ang dibdib ay alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.

31 At susunugin ng saserdote ang taba sa ibabaw ng dambana: datapuwa’t ang dibdib ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak.

32 At ibibigay ninyo sa saserdote na pinakahandog na itinaas, ang hitang kanan sa mga haing inyong mga handog tungkol sa kapayapaan.

33 Yaong sa mga anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan at ng taba, ay mapapasa kaniya ang kanang hita, na pinaka bahagi niya.

34 Sapagka’t aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga haing mga handog tungkol sa kapayapaan, ang dibdib na inalog at ang hitang itinaas, at aking ibinigay kay Aaron na saserdote at sa kaniyang mga anak, na karampatang bahagi nila magpakailan man, sa ganang mga anak ni Israel.

35 Ito ang nauukol sa pahid na langis ni Aaron at sa pahid na langis ng kaniyang mga anak, sa mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon, sa araw na iniharap sila, upang mangasiwa sa Panginoon sa katungkulang saserdote;

36 Na iniutos ng Panginoon sa kanila’y ibibigay para sa mga anak ni Israel sa araw na kaniyang pinahiran sila. Karampatang bahagi nga nila magpakailan man, sa buong panahon ng kanilang lahi.

37 Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin, sa handog na harina, at sa handog dahil sa kasalanan, at sa handog dahil sa pagkakasala, at sa pagtatalaga, at sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan.

38 Na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang ihandog ang kanilang mga alay sa Panginoon sa ilang ng Sinai.

Levitico 8

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, at ang mga kasuutan, at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura:

3 At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

4 At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

5 At sinabi ni Moises sa kapisanan, Ito ang ipinagawa ng Panginoon.

6 At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig.

7 At isinuot sa kaniya ang kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya’y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito.

8 At ipinatong sa kaniya ang pektoral: at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim.

9 At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal.

11 At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal.

12 At binuhusan ng langis na pang-pahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin.

13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila’y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

14 At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan.

15 At pinatay niya; at kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo’y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan.

16 At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana.

17 Datapuwa’t ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

18 At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa.

19 At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

20 At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba.

21 At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

23 At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa.

24 At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

25 At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita:

26 At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita:

27 At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.

28 At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

29 At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kumuha si Moises ng langis na pang-pahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.

31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak.

32 At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.

33 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: sapagka’t pitong araw na kayo’y matatalaga.

34 Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo.

35 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi’t araw na pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka’t gayon ang iniutos ko.

36 At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.