Levitico 9

1 At nangyari sa ikawalong araw, na tinawag ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at ang mga matanda sa Israel;

2 At sinabi niya kay Aaron, Magdala ka ng isang guyang toro, na handog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na handog na susunugin, na kapuwa walang kapintasan, at ihandog mo sa harap ng Panginoon.

3 At sa mga anak ni Israel ay sasalitain mo, na sasabihin, Kumuha kayo ng isang kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan; at ng isang guyang baka, at ng isang kordero, na kapuwa na may gulang na isang taon, at walang kapintasan, na handog na susunugin;

4 At ng isang toro at ng isang tupang lalake na mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ihain sa harap ng Panginoon, at ng isang handog na harina na hinaluan ng langis: sapagka’t napakikita sa inyo ngayon ang Panginoon.

5 At kanilang dinala sa harap ng tabernakulo ng kapisanan ang iniutos ni Moises: at lumapit doon ang buong kapisanan, at tumayo sa harap ng Panginoon.

6 At sinabi ni Moises, Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: at lilitaw sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.

7 At sinabi ni Moises kay Aaron, Lumapit ka sa dambana, at ihandog mo ang iyong handog dahil sa kasalanan, at ang iyong handog na susunugin, at itubos mo sa iyong sarili at sa bayan: at ihandog mo ang alay ng bayan, at itubos mo sa kanila; gaya ng iniutos ng Panginoon.

8 Lumapit nga si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog dahil sa kasalanan, na yao’y para sa kaniya.

9 At iniharap ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo: at itinubog niya ang kaniyang daliri sa dugo, at ipinahid sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana at ang dugong labis ay ibinuhos sa tungtungan ng dambana:

10 Datapuwa’t ang taba at ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog dahil sa kasalanan, ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

11 At ang laman at ang balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento.

12 At pinatay niya ang handog na susunugin; at ibinigay sa kaniya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng palibot ng dambana.

13 At kaniyang ibinigay sa kaniya ang handog na susunugin, na isaisang putol, at ang ulo: at sinunog niya sa ibabaw ng dambana.

14 At kaniyang hinugasan ang lamang loob at ang mga paa at sinunog sa ibabaw ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.

15 At iniharap niya ang alay ng bayan; at kinuha ang kambing na handog dahil sa kasalanan na para sa bayan, at pinatay at inihandog dahil sa kasalanan, na gaya ng una.

16 At iniharap niya ang handog na susunugin, at inihandog ayon sa palatuntunan.

17 At iniharap niya ang handog na harina, at kumuha ng isang dakot, at sinunog sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na susunugin sa umaga.

18 Kaniyang pinatay rin ang toro at ang tupang lalake na haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na para sa bayan: at ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.

19 At ang taba ng toro at ng tupang lalake, ang matabang buntot at ang tabang nakatakip sa lamang loob, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.

20 At kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib, at kaniyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana:

21 At ang mga dibdib at ang kanang hita ay inalog ni Aaron na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.

22 At itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa dakong bayan at binasbasan niya; at bumaba siya na mula sa paghahandog ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

23 At pumasok si Moises at si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at sila’y lumabas, at binasbasan ang bayan: at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa buong bayan.

24 At may lumabas na apoy sa harap ng Panginoon, at sinunog sa ibabaw ng dambana ang handog na susunugin at ang taba: at nang makita yaon ng buong bayan, ay nagsigawan at nangagpatirapa.

Levitico 10

1 At si Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawa’t isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila’y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila.

2 At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon.

3 Nang magkagayo’y sinabi ni Moises kay Aaron, Ito ang sinalita ng Panginoon, na sinasabi, Ako’y babanalin ng mga lumalapit sa akin, at sa harap ng buong bayan ay luluwalhatiin ako. At si Aaron ay hindi umimik.

4 At tinawag ni Moises si Misael at si Elzaphan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila’y sinabi, Magsilapit kayo, ilabas ninyo ang inyong mga kapatid sa kampamento mula sa harap ng santuario.

5 Sa gayo’y lumapit sila, at kanilang binuhat sa kanilang mga kasuutan na inilabas sa kampamento, gaya ng sinabi ni Moises.

6 At sinabi ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak, Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o hapakin man ninyo ang inyong bihisan; upang huwag kayong mamatay at ng siya’y huwag magalit laban sa buong kapisanan: kundi ang inyong mga kapatid, ang buong sangbahayan ni Israel ay tumaghoy sa apoy na pinapagalab ng Panginoon.

7 At huwag kayong lalabas sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, baka kayo’y mamatay: sapagka’t ang langis na pang-pahid ng Panginoon ay nasa ulo ninyo. At kanilang ginawa ayon sa salita ni Moises.

8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, na sinasabi,

9 Huwag iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak man, pagka kayo’y papasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang kayo’y huwag mamatay: magiging palatuntunang walang hanggan sa buong panahon ng inyong mga lahi:

10 At upang inyong malagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, at ang karumaldumal at ang malinis:

11 At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila’y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

12 At sinalita ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Ithamar, na mga natitira niyang anak, Kunin ninyo ang handog na harina na lumabis sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaning walang lebadura sa tabi ng dambana; sapagka’t kabanalbanalan;

13 At inyong kakanin sa dakong banal, sapagka’t karampatang bahagi ninyo, at karampatang bahagi ng inyong mga anak, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: sapagka’t gayon iniutos sa akin.

14 At ang dibdib na inalog at ang hita na itinaas, ay kakanin ninyo sa dakong malinis, kakanin mo at ng iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo: sapagka’t yamang karampatang bahagi mo at karampatang bahagi ng iyong mga anak na ibinigay sa inyo sa mga hain ng mga anak ni Israel.

15 Ang hita na itinaas, at ang dibdib na inalog ay kanilang dadalhin na kalakip ng mga handog na pinaraan sa apoy, na mga taba upang alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: at mapapasa iyo, at sa iyong mga anak na kasama mo, na karampatang bahagi ninyo magpakailan man; gaya ng iniutos ng Panginoon.

16 At hinanap ni Moises ng buong sikap ang kambing na handog dahil sa kasalanan, at, narito, sinunog: at nagalit kay Eleazer at kay Ithamar na mga anak ni Aaron na natira na sinasabi,

17 Bakit hindi ninyo kinain ang handog dahil sa kasalanan sa dakong santuario, yamang kabanalbanalang bagay at sa inyo’y ibinigay upang dalhin ang kasamaan ng kapisanan na itubos sa kanila sa harap ng Panginoon?

18 Narito, hindi ipinasok ang dugo niyaon sa loob ng santuario; nararapat sana ninyong kanin sa santuario, gaya ng iniutos ko.

19 At sinalita ni Aaron kay Moises, Narito, kanilang inihandog ng araw na ito ang kanilang handog dahil sa kasalanan, at ang kanilang handog na susunugin sa harap ng Panginoon; at sa akin ay nangyari ang mga ganyang bagay na gaya ng mga ito: at kung ako nga’y nakakain ng handog dahil sa kasalanan ngayon, kalulugdan ba kaya ako ng Panginoon?

20 At nang marinig ni Moises, ay nakalugod sa kaniyang paningin.

Levitico 11

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sa kanila’y sinasabi,

2 Inyong salitain sa mga anak ni Israel, na inyong sabihin, Ito ang mga bagay na may buhay na inyong makakain sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.

3 Alinmang may hati ang paa na baak at ngumunguya, sa mga hayop, ay inyong makakain.

4 Gayon ma’y huwag ninyong kakanin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, sapagka’t ngumunguya, nguni’t walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.

5 At ang koneho, sapagka’t ngumunguya, datapuwa’t walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.

6 At ang liebre; sapagka’t ngumunguya datapuwa’t walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.

7 At ang baboy, sapagka’t may hati ang paa at baak, datapuwa’t hindi ngumunguya, karumaldumal nga sa inyo.

8 Huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga yaon ay huwag ninyong hihipuin; mga karumaldumal nga sa inyo.

9 Ang mga ito’y inyong makakain sa mga nasa tubig: alin mang may mga palikpik at mga kaliskis sa tubig, sa mga dagat at sa mga ilog, ay makakain ninyo.

10 At lahat ng walang palikpik at kaliskis sa mga dagat, at sa mga ilog, at sa lahat ng mga gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay pawang karumaldumal nga sa inyo.

11 At magiging karumaldumal sa inyo; huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay aariin ninyong karumaldumal.

12 Anomang walang palikpik at kaliskis sa tubig ay magiging karumaldumal sa inyo.

13 At sa mga ibon ay aariin ninyong karumaldumal ang mga ito; hindi kakanin, mga karumaldumal nga; ang agila, ang agilang dumudurog ng mga buto, at ang agilang dagat:

14 At ang lawin, at ang limbas, ayon sa kaniyang pagkalimbas;

15 Lahat ng uwak ayon sa kaniyang pagkauwak;

16 At ang avestruz, at ang chotacabras at ang gaviota, at ang gavilan ayon sa kaniyang pagkagavilan;

17 At ang maliit na kuwago, at ang somormuho, at ang malaking kuwago;

18 At ang kuwagong tila may sungay at ang pelikano, at ang buitre;

19 At ang ciguena, ang tagak ayon sa kaniyang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag.

20 Lahat na may pakpak na umuusad na lumalakad na may apat na paa ay marumi nga sa inyo.

21 Gayon man, ang mga ito’y inyong makakain sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, ang mga may dalawang paang mahaba, bukod pa sa kanilang mga paa, upang kanilang ipanglukso sa lupa;

22 Sa kanila’y makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kaniyang pagkabalang, at ang lukton ayon sa kaniyang pagkalukton, at ang kuliglig lupa ayon sa kaniyang pagkakuliglig, at ang tipaklong ayon sa kaniyang pagkatipaklong.

23 Datapuwa’t lahat na may pakpak na umuusad na mayroong apat na paa, ay kasuklamsuklam nga sa inyo.

24 At sa mga ito ay magiging karumaldumal kayo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon:

25 At sinomang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

26 Bawa’t hayop na may hati ang paa na hindi baak, o hindi ngumunguya, ay karumaldumal sa inyo: bawa’t humipo sa mga iyan ay magiging karumaldumal.

27 At anomang inilalakad ang kaniyang pangamot sa lahat ng hayop na inilalakad ang apat na paa, ay karumaldumal nga sa inyo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: mga karumaldumal nga sa inyo.

29 At ang mga ito’y karumaldumal sa inyo, sa mga umuusad na nagsisiusad, sa ibabaw ng lupa: ang bubwit, at ang daga, at ang bayawak ayon sa kaniyang pagkabayawak;

30 At ang tuko, at ang buwaya, at ang butiki, at ang bubuli at ang hunyango.

31 Ang mga ito’y karumaldumal sa inyo sa lahat ng umuusad: sinomang mangakahipo sa mga iyan pagka ang mga iyan ay patay, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

32 At yaong lahat na kabagsakan ng mga iyan, pagka patay, ay magiging karumaldumal nga: maging alin mang kasangkapan kahoy, o bihisan, o balat, o supot, alin mang kasangkapang ginagamit sa anomang gawa, sa tubig dapat ilubog, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon; kung magkagayo’y magiging malinis.

33 At bawa’t sisidlang lupa na kahulugan ng mga iyan, lahat ng nalalaman doon ay magiging karumaldumal, at yao’y inyong babasagin.

34 Lahat ng pagkain na makakain na kabuhusan ng tubig, ay magiging karumaldumal; at lahat ng inuming maiinom na masilid sa alin man sa mga gayong sisidlang lupa, ay magiging karumaldumal.

35 At lahat na kahulugan ng anomang bahagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal; maging hurno o kalan ng mga palyok, ay babasagin: mga karumaldumal nga at magiging karumaldumal sa inyo.

36 Gayon ma’y ang isang bukal o ang isang balon, na tipunan ng tubig, ay magiging malinis: datapuwa’t ang masagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal.

37 At kung mahulugan ng kanilang bangkay ang alin mang binhing panhasik na ihahasik, ay malinis.

38 Nguni’t kung nabasa ang binhi at mahulugan ng bangkay ng mga yaon, ay magiging karumaldumal sa inyo.

39 At kung ang anomang hayop na inyong makakain ay mamatay; ang makahipo ng bangkay niyaon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

40 At ang kumain ng bangkay niyaon ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: gayon din ang bumuhat ng bangkay niyaon, ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

41 At bawa’t umuusad na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, ay karumaldumal; hindi kakanin.

42 Lahat ng lumalakad ng kaniyang tiyan, at lahat ng lumalakad ng apat na paa o mayroong maraming paa, sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakanin; sapagka’t mga karumaldumal nga.

43 Huwag kayong magpakarumal sa anomang umuusad, o huwag kayong magpakalinis man sa mga iyan, na anopa’t huwag kayong mangahawa riyan,

44 Sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo’y maging mga banal; sapagka’t ako’y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.

45 Sapagka’t ako ang Panginoon na nagsampa sa inyo mula sa lupain ng Egipto, upang ako’y inyong maging Dios: kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t ako’y banal.

46 Ito ang kautusan tungkol sa hayop, at sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa;

47 Upang lagyan ninyo ng pagkakaiba ang karumaldumal at ang malinis, at ang may buhay na makakain at ang may buhay na hindi makakain.

Levitico 12

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalake, ay magiging karumaldumal na pitong araw; ayon sa mga araw ng karumihan ng kaniyang sakit, ay magiging karumaldumal.

3 At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat ng masama.

4 At siya’y mananatiling tatlong pu’t tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo; huwag siyang hihipo ng anomang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilinis.

5 Nguni’t kung manganak siya ng babae, ay magiging karumaldumal nga siya na dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan: at mananatiling anim na pu’t anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo.

6 At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang paglilinis, maging sa anak na lalake o sa anak na babae, ay magdadala siya ng isang kordero ng unang taon, na pinakahandog na susunugin, at isang inakay ng kalapati o isang batobato na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote;

7 At kaniyang ihahandog sa harap ng Panginoon, at itutubos sa kaniya; at siya’y malilinis sa agas ng kaniyang dugo. Ito ang kautusan tungkol sa nanganak ng lalake o ng babae.

8 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng kordero, ay kukuha nga siya ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati; ang isa’y pinakahandog na susunugin at ang isa’y pinakahandog dahil sa kasalanan: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya’y magiging malinis.

Levitico 13

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

2 Pagka ang sinomang tao ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman, ng pamamaga, o langib, o pantal na makintab at naging salot na ketong sa balat ng kaniyang laman, ay dadalhin nga siya kay Aaron na saserdote, o sa isa sa kaniyang mga anak na saserdote:

3 At titingnan ng saserdote ang tila salot na nasa balat ng kaniyang laman: at kung ang balahibo sa tila salot ay pumuti, at makitang ang sugat ay malalim kay sa balat ng kaniyang laman, ay salot na ketong nga: at siya’y mamasdan ng saserdote at ipakikilala siyang karumaldumal.

4 At kung ang pantal na makintab ay maputi sa balat ng kaniyang laman, at makitang hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay hindi pumuti, ay kukulungin ng saserdote ang may tila salot na pitong araw.

5 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay tumigil, at hindi kumalat ang tila salot sa balat, ay kukulungin uli siya ng saserdote na pitong araw:

6 At titingnan siya uli ng saserdote sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang ang tila salot ay namutla, at ang tila salot ay hindi kumalat sa balat, ay ipakikilalang malinis siya ng saserdote: langib yaon; at kaniyang lalabhan ang kaniyang suot, at magiging malinis.

7 Datapuwa’t kung ang langib ay kumakalat sa balat, pagkatapos na siya’y makapakita sa saserdote upang siya’y linisin, ay pakikita siya uli sa saserdote:

8 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung ang langib ay kumakalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: ketong nga yaon.

9 Pagka nagkaroon ng tila salot na ketong ang sinomang tao, ay dadalhin siya sa saserdote;

10 At titingnan siya ng saserdote; at, narito, kung makitang may pamamaga na maputi sa balat, na pumuti ang balahibo, at may matigas na lamang buhay sa pamamaga,

11 Ay malaong ketong nga sa balat ng kaniyang laman, at ipakikilala ng saserdote na siya’y karumaldumal; hindi siya kukulungin; sapagka’t siya’y karumaldumal.

12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at matakpan ng ketong ang buong balat ng may tila salot, mula sa ulo hanggang sa kaniyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng saserdote;

13 At titingnan nga siya ng saserdote; at, narito, kung makitang ang ketong ay kumalat sa buong laman niya, ay ipakikilalang malinis ang may tila salot: pumuting lahat: siya’y malinis.

14 Datapuwa’t sa alin mang araw na makitaan siya ng lamang buhay, ay magiging karumaldumal siya.

15 At titingnan ng saserdote ang lamang buhay, at ipakikilala siyang karumaldumal: ang lamang buhay ay karumaldumal: ketong nga.

16 O kung magbago uli ang lamang buhay at pumuti, ay lalapit nga siya sa saserdote;

17 At titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung pumuti ang tila salot ay ipakikilalang malinis ng saserdote ang may tila salot: siya’y malinis.

18 At kung magkaroon sa balat ng laman ng isang bukol at gumaling,

19 At humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab, na namumulang puti, ay ipakikita sa saserdote;

20 At titingnan ng saserdote; at, narito, kung makitang tila impis kaysa balat, at ang balahibo niyaon ay tila pumuti, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong yaon; lumitaw sa bukol.

21 Datapuwa’t kung pagtingin ng saserdote, ay makitang walang balahibong puti yaon, o hindi impis man kay sa balat, kungdi namutla, ay kukulungin ng saserdote siya na pitong araw.

22 At kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot nga yaon.

23 Nguni’t kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ay piklat nga ng bukol; at ipakikilala ng saserdote na malinis siya.

24 O pagka nagkaroon sa balat ng laman, ng paso ng apoy, at ang lamang paso ay naging tila pantal na makintab, na namumulang puti, o maputi;

25 At titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang buhok ay pumuti sa pantal na makintab, at tila mandin malalim kaysa balat; ay ketong nga na lumitaw sa paso: at ipakikilala ng saserdote na karumaldumal; salot na ketong nga yaon.

26 Nguni’t kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang sa pantal na makintab ay walang balahibong maputi, at hindi impis kaysa balat, kungdi namutla; ay kukulungin nga siya ng saserdote na pitong araw.

27 At titingnan siya ng saserdote sa ikapitong araw: kung kumalat sa balat, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: salot na ketong nga yaon.

28 At kung ang pantal na makintab ay tumigil sa kaniyang kinaroroonan at hindi kumalat sa balat, kungdi pumutla, ay pamamaga ng paso yaon, at ipakikilala ng saserdote na malinis: sapagka’t piklat ng paso yaon.

29 At kung ang sinomang lalake o babae ay mayroong tila salot sa ulo o sa baba,

30 Ay titingnan nga ng saserdote ang tila salot: at, narito, kung makitang tila malalim kaysa balat, at yao’y may buhok na naninilaw na manipis, ay ipakikilala ng saserdote na karumaldumal: tina nga, ketong nga yaon sa ulo o sa baba.

31 At kung makita ng saserdote ang tila salot na tina, at, narito, tila hindi malalim kaysa balat, at walang buhok na maitim yaon, ay kukulungin ng saserdote na pitong araw ang may tila salot na tina;

32 At sa ikapitong araw ay titingnan ng saserdote ang tila salot; at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang tina, at walang buhok na naninilaw, at tila ang tina ay hindi malalim kaysa balat,

33 Ay aahitan nga, datapuwa’t hindi aahitan ang kinaroroonan ng tina; at ipakukulong ng saserdote ang may tina ng muling pitong araw:

34 At titingnan ng saserdote ang tina sa ikapitong araw: at, narito, kung makitang hindi kumalat ang tina sa balat, at tila hindi malalim kaysa balat; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis at siya’y maglalaba ng kaniyang suot at magiging malinis.

35 Nguni’t kung ang tina ay kumalat sa balat, pagkatapos ng kaniyang paglilinis;

36 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang kumalat sa balat ang tina ay hindi hahanapin ng saserdote ang buhok na maninilaw; siya’y karumaldumal.

37 Datapuwa’t kung sa kaniyang paningin ay tumigil ang tina at may tumubong buhok na itim; ay gumaling ang tina, siya’y malinis: at ipakikilalang malinis siya ng saserdote.

38 At pagka ang isang lalake o babae ay nagkaroon sa balat ng kaniyang laman ng nangingintab na pantal, ng makikintab na pantal na puti;

39 Ay titingnan nga ng saserdote: at, narito, kung makitang ang nangingintab na pantal sa balat ng kaniyang laman ay namumutimuti; yao’y buni na sumibol sa balat; siya’y malinis.

40 At kung ang sinoman ay malugunan ng buhok, ay kalbo gayon ma’y malinis.

41 At kung sa dakong harapan ng ulo nalugunan ng buhok, ay kalbo yaon sa noo gayon ma’y malinis.

42 Datapuwa’t kung sa kakalbuhan, sa ulo o sa noo ay magkaroon ng tila salot ng namumulang maputi; ay ketong na sumibol sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo.

43 Kung magkagayo’y titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung ang pamamaga ng tila salot ay namumulamula ng maputi sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kaniyang laman;

44 Ay ketongin siya, siya’y karumaldumal ipakikilala siya ng saserdote na tunay na karumaldumal; nasa kaniyang ulo ang salot niya.

45 At pupunitin ng may ketong na kinaroroonan ng salot, ang kaniyang mga suot at ang buhok ng kaniyang ulo ay ilulugay, at siya’y magtatakip ng kaniyang nguso, at maghihihiyaw. Karumaldumal, karumaldumal.

46 Sa buong panahong siya’y karoonan ng salot, ay magiging karumaldumal; siya’y karumaldumal: siya’y tatahang bukod; sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.

47 Ang suot na kinaroroonan ng ketong, maging kasuutang balahibo ng tupa o kasuutang lino;

48 Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat;

49 Kung ang tila salot ay namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote,

50 At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot:

51 At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao’y karumaldumal.

52 At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka’t yao’y ketong na ngumangatngat, yao’y susunugin sa apoy.

53 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat;

54 Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw:

55 At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao’y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran.

56 At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang:

57 At kung muling lumitaw sa kasuutang yaon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, ay muling sumisibol: susunugin mo sa apoy yaong kinaroroonan ng salot.

58 At ang kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, na iyong labhan, at maalis ang salot, ay lalabhan ngang ikalawa, at magiging malinis.

59 Ito ang kautusan tungkol sa salot na ketong sa kasuutang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, upang ipakilalang malinis, o upang ipakilalang karumaldumal.

Levitico 14

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Ito ang magiging kautusan tungkol sa may ketong, sa kaarawan ng kaniyang paglilinis, siya’y dadalhin sa saserdote:

3 At ang saserdote ay lalabas sa kampamento; at titingnan ng saserdote, at, narito, kung ang salot na ketong ay gumaling sa may ketong;

4 Ay ipagutos nga ng saserdote na ikuha siya na lilinisin, ng dalawang ibong malinis na buhay, at kahoy na cedro, at grana, at hisopo;

5 At ipaguutos ng saserdote, na patayin ang isa sa mga ibon, sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos.

6 Tungkol sa ibong buhay, ay kaniyang kukunin at ang kahoy na cedro, at ang grana at ang hisopo, at babasain pati ng ibong buhay, sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos:

7 At iwiwisik niya na makapito doon sa kaniya na lilinisin sa ketong, at ipakikilalang malinis, at pawawalan ang ibong buhay sa kalawakan ng parang.

8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magaahit ng lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig; at magiging malinis: at pagkatapos ay papasok sa kampamento, datapuwa’t tatahan sa labas ng kaniyang tolda na pitong araw.

9 At mangyayaring sa ikapitong araw, ay muling magaahit ng lahat niyang buhok, sa kaniyang ulo, at sa kaniyang baba, at sa kaniyang kilay, na anopa’t aahitin niya ang lahat niyang buhok; at kaniyang lalabhan ang kaniyang mga suot, at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging malinis.

10 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang korderong lalake na walang kapintasan, at ng isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na hinaluan ng langis, at ng isang log na langis.

11 At ihaharap ang taong lilinisin ng saserdoteng naglilinis sa kaniya, at gayon din ang mga bagay na yaon, sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan:

12 At kukuha ang saserdote ng isa sa mga korderong lalake at ihahandog na pinakahandog sa pagkakasala, at ng log ng langis, at aalugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon:

13 At papatayin ang korderong lalake sa pinagpapatayan ng handog dahil sa kasalanan at ng handog na susunugin, sa dako ng santuario: sapagka’t kung paanong ang handog dahil sa kasalanan ay sa saserdote, gayon din ang handog dahil sa pagkakasala; bagay ngang kabanalbanalan:

14 At ang saserdote ay kukuha sa dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay ng saserdote sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa;

15 At kukuha ang saserdote sa log ng langis, at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:

16 At itutubog ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, at magwiwisik siyang makapito ng langis ng kaniyang daliri sa harap ng Panginoon:

17 At sa lumabis sa langis na nasa kaniyang kamay, ay maglalagay ang saserdote sa ibabaw ng pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng dugo ng dahil sa pagkakasala:

18 At ang labis sa langis na nasa kamay ng saserdote, ay ilalagay nito sa ulo niyaong lilinisin: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon.

19 At ihahandog ng saserdote ang handog dahil sa kasalanan, at itutubos sa kaniya, na lilinisin dahil sa kaniyang karumihan; at pagkatapos ay papatayin ang handog na susunugin:

20 At ihahandog ng saserdote ang handog na susunugin at ang handog na harina sa ibabaw ng dambana: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya’y magiging malinis.

21 At kung siya’y dukha at ang kaniyang kaya ay hindi aabot, ay kukuha nga siya ng isang korderong lalake na handog dahil sa pagkakasala, na aalugin upang itubos sa kaniya, at ng ikasampung bahagi ng isang epa na mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina, at ng isang log ng langis;

22 At ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, kung alin ang aabutin ng kaniyang kaya; at ang isa’y magiging handog dahil sa kasalanan, at ang isa’y handog na susunugin.

23 At sa ikawalong araw ay kaniyang dadalhin sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan upang gamitin sa kaniyang paglilinis sa harap ng Panginoon.

24 At kukunin ng saserdote ang korderong handog dahil sa pagkakasala at ang log ng langis, at aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.

25 At kaniyang papatayin ang korderong handog dahil sa pagkakasala, at kukuha ang saserdote ng dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa:

26 At magbubuhos ang saserdote ng langis sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay:

27 At makapitong magwiwisik ang saserdote ng kaniyang kanang daliri, ng langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, sa harap ng Panginoon:

28 At maglalagay ang saserdote ng langis na nasa kaniyang kamay, sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugong handog dahil sa pagkakasala:

29 At ang labis ng langis na nasa kamay ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo niyaong lilinisin, upang itubos sa kaniya sa harap ng Panginoon.

30 At kaniyang ihahandog ang isa sa mga batobato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kaniyang kaya;

31 Kung alin ang abutin ng kaniyang kaya, na ang isa’y handog dahil sa kasalanan, at ang isa’y handog na susunugin, pati ng handog na harina: at itutubos ng saserdote doon sa malilinis sa harap ng Panginoon.

32 Ito ang kautusan tungkol sa may salot na ketong, na ang kaniyang kaya ay hindi abot sa nauukol sa kaniyang paglilinis.

33 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

34 Pagka kayo’y nakapasok na sa lupain ng Canaan, na ibibigay kong pag-aari sa inyo, at ako’y naglagay ng salot na ketong sa alin mang bahay sa lupain ninyong inaari;

35 Ay yayaon ang may-ari ng bahay at magbibigay alam sa saserdote, na sasabihin, Tila mandin mayroong parang salot sa bahay:

36 At ipaguutos ng saserdote na alisan ng laman ang bahay bago pumasok ang saserdote na kilalanin ang tila salot, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag mahawa: at pagkatapos ay papasok ang saserdote upang tingnan ang bahay:

37 At titingnan ang salot, at kung makita ngang ang tila salot ay nasa mga panig ng bahay na may ukit na namemerde, o namumula at tila malalim kaysa panig;

38 Ay lalabas nga ang saserdote sa bahay hanggang sa pintuan ng bahay at ipasasara ang bahay na pitong araw:

39 At babalik ang saserdote sa ikapitong araw, at titingnan: at, narito, kung makita ngang kumalat ang salot sa mga panig ng bahay;

40 Ay ipaguutos nga ng saserdote na bunutin ang mga batong kinaroonan ng tila salot at ipatatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:

41 At ipakakayas ang palibot ng loob ng bahay, at ang argamasang inalis na kinayas ay itatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:

42 At magsisikuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong yaon, at magsisikuha ng ibang argamasa at siyang ihahaplos sa mga panig ng bahay.

43 At kung muling bumalik ang tila salot, at sumibol sa bahay, pagkatapos na mabunot ang mga bato; at pagkatapos makayas ang bahay, at pagkatapos na mahaplusan ng argamasa;

44 Ay papasok nga ang saserdote at titingnan, at, narito, kung makita ngang ang salot ay kumalat sa bahay ay ketong na nakakahawa sa bahay; ito’y karumaldumal.

45 At gigibain niya ang bahay na yaon, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng argamasa ng bahay; ay dadalhin sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal.

46 Bukod dito’y ang pumasok sa bahay na yaon ng buong panahong nasasara ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

47 At ang mahiga sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at ang kumain sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot.

48 At kung papasok ang saserdote, at, narito, kung hindi nga kumalat ang salot sa bahay, pagkatapos na nahaplusan ng argamasa; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis ang bahay, sapagka’t gumaling sa salot.

49 At upang linisin ang bahay ay kukuha ng dalawang ibon, at ng kahoy na cedro, at ng grana, at ng hisopo:

50 At papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos:

51 At kukunin niya ang kahoy na cedro, at ang hisopo, at ang grana, at ang ibong buhay, at babasain sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at wiwisikang makapito ang bahay:

52 At kaniyang lilinisin ng dugo ng ibon ang bahay at ng agos ng tubig, at ng ibong buhay at ng kahoy na cedro, at ng hisopo, at ng grana:

53 Datapuwa’t pawawalan ang ibong buhay sa labas ng bayan, sa kalawakan ng parang: gayon tutubusin ang bahay: at magiging malinis.

54 Ito ang kautusan tungkol sa sarisaring salot na ketong at sa tina,

55 At sa ketong ng suot, at ng bahay.

56 At sa pamamaga at sa langib, at sa pantal na makintab:

57 Upang ituro kung kailan karumaldumal, at kung kailan malinis: ito ang kautusan tungkol sa ketong.

Levitico 15

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron na sinasabi,

2 Salitain ninyo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila, Pagka ang sinomang tao ay inagasan sa kaniyang laman, ay magiging karumaldumal siya dahil sa kaniyang agas.

3 At ito ang magiging kaniyang karumalan sa kaniyang agas: maging ang kaniyang laman ay balungan dahil sa kaniyang agas, o ang kaniyang laman ay masarhan dahil sa kaniyang agas, ay kaniyang karumalan nga.

4 Bawa’t higaang mahigan ng inaagasan ay magiging karumaldumal: at bawa’t bagay na kaniyang kaupuan, ay magiging karumaldumal.

5 At sinomang tao na makahipo ng kaniyang higaan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

6 At ang maupo sa anomang bagay na kaupuan ng inaagasan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

7 At ang humipo ng laman niyaong inaagasan ay maglalaba ng kaniyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

8 At kung ang inaagasan ay makalura sa taong malinis, ay maglalaba nga siya ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

9 At alin mang siya na kasakyan ng inaagasan, ay magiging karumaldumal.

10 At ang alin mang taong humipo ng alinmang bagay na napalagay sa ilalim niyaon, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon: at ang magdala ng mga bagay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

11 At yaong lahat na mahipo ng inaagasan na hindi nakapaghugas ng kaniyang mga kamay sa tubig, ay maglalaba nga rin ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

12 At ang sisidlang lupa na mahipo ng inaagasan, ay babasagin: at ang lahat ng kasangkapang kahoy ay babanlawan sa tubig.

13 At kung ang inaagasan ay gumaling sa kaniyang agas, ay bibilang siya ng pitong araw sa kaniyang paglilinis, at maglalaba ng kaniyang mga damit; at paliliguan din niya ang kaniyang laman sa tubig na umaagos, at magiging malinis.

14 At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, at ihaharap niya sa harap ng Panginoon sa pasukan ng tabernakulo ng kapisanan, at ibibigay niya sa saserdote.

15 At ihahandog ng saserdote, na ang isa’y handog dahil sa kasalanan, at ang isa’y handog na susunugin; at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon, dahil sa kaniyang agas.

16 At kung ang sinomang tao ay labasan ng binhi ng pakikiapid, ay paliliguan nga niya ng tubig ang buong kaniyang laman, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

17 At lahat ng damit at lahat ng balat na kinaroonan ng binhi ng pakikiapid, ay lalabhan sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang hapon.

18 Ang babae rin namang sinipingan ng lalaking mayroong binhi ng pakikiapid, ay maliligo sila kapuwa sa tubig, at magiging karumaldumal sila hanggang sa hapon.

19 At kung ang babae ay agasan na ang umaagas sa kaniyang laman ay dugo, ay mapapasa kaniyang karumihan siyang pitong araw: at lahat ng humipo sa kaniya ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

20 At bawa’t kaniyang kahigaan sa panahon ng kaniyang karumihan, ay magiging karumaldumal: bawa’t din namang kaupuan niya ay magiging karumaldumal.

21 At sinomang humipo ng kaniyang higaan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

22 At ang sinomang humipo ng alin mang bagay na kaniyang kaupuan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

23 At kung may nasa higaan o nasa anomang bagay na kinaupuan niya, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon ang humipo niyaon.

24 At kung ang sinomang lalake ay sumiping sa kaniya, at mapasa lalake ang karumihan niya, ay magiging karumaldumal ito na pitong araw; at bawa’t higaang kaniyang hihigaan ay magiging karumaldumal.

25 At kung ang isang babae ay agasan ng kaniyang dugo ng maraming araw sa di kapanahunan ng kaniyang karumihan, o kung agasan sa dako pa roon ng panahon ng kaniyang karumihan; buong panahon ng agas ng kaniyang karumalan ay magiging para ng mga araw ng kaniyang karumihan: siya’y karumaldumal nga.

26 Bawa’t higaan na kaniyang hinihigan buong panahon ng kaniyang agas, ay magiging sa kaniya’y gaya ng higaan ng kaniyang karumihan; at bawa’t bagay na kaniyang kaupuan, ay magiging karumaldumal, na gaya ng karumalan ng kaniyang karumihan.

27 At sinomang humipo ng mga bagay na yaon ay magiging karumaldumal, at maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.

28 Datapuwa’t kung siya’y gumaling sa kaniyang agas, ay bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyaon ay magiging malinis siya.

29 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, at dadalhin niya sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

30 At ihahandog ng saserdote ang isa na handog dahil sa kasalanan, at ang isa’y handog na susunugin; at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon, dahil sa agas ng kaniyang karumihan.

31 Ganito ihihiwalay ninyo ang mga anak ni Israel sa kanilang karumalan; upang huwag mangamatay sa kanilang karumalan, kung kanilang ihawa ang aking tabernakulo na nasa gitna nila.

32 Ito ang kautusan tungkol sa inaagasan, at sa nilalabasan ng binhi ng pakikiapid, na ikinarurumal;

33 At sa babaing may sakit ng kaniyang karumihan, at sa inaagasan, sa lalake at sa babae, at doon sa sumisiping sa babaing karumaldumal.

Levitico 16

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, noong nagsilapit sa harap ng Panginoon, at namatay;

2 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag pumasok tuwina sa dakong banal, sa loob ng tabing, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban; upang siya’y huwag mamatay: sapagka’t ako’y pakikitang nasa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.

3 Ganito papasok nga si Aaron sa loob ng dakong banal, may dalang isang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at isang tupang lalake na handog na susunugin.

4 Siya’y magsusuot ng kasuutang banal, na lino at ng salawal na lino sa kaniyang laman, at magbibigkis siya ng pamigkis na lino, at ang mitra na lino ay kaniyang isusuot: ito ang mga bihisang banal; at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig at pawang isusuot niya.

5 At siya’y kukuha sa kapisanan ng mga anak ni Israel, ng dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ng isang tupang lalake na pinakahandog na susunugin.

6 At ihaharap ni Aaron ang toro na handog dahil sa kasalanan na patungkol sa kaniyang sarili, at itutubos niya sa kaniya at sa kaniyang sangbahayan.

7 At kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harap ng Panginoon sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

8 At pagsasapalaran ni Aaron ang dalawang kambing; ang isang kapalaran ay sa Panginoon at ang isang kapalaran ay kay Azazel.

9 At ihaharap ni Aaron ang kambing na kinahulugan ng kapalaran sa Panginoon, at ihahandog na pinakahandog dahil sa kasalanan.

10 Nguni’t ang kambing na kinahulugan ng kapalaran kay Azazel ay ilalagay na buhay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya, at payaunin kay Azazel sa ilang.

11 At ihaharap ni Aaron ang toro na handog dahil sa kasalanan, na patungkol sa kaniyang sarili, at itutubos sa kaniyang sarili at sa kaniyang sangbahayan, at papatayin ang toro na handog dahil sa kasalanan na patungkol sa kaniyang sarili:

12 At kukuha siya mula sa dambana na nasa harap ng Panginoon ng isang suuban na puno ng mga baga; at kukuha ng dalawang dakot ng masarap na kamangyan na totoong dikdik, at kaniyang dadalhin sa loob ng tabing:

13 At ilalagay niya ang kamangyan sa ibabaw ng apoy sa harap ng Panginoon, upang ang mga usok ng kamangyan ay tumakip sa luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patoo, upang huwag siyang mamatay:

14 At siya’y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ng kaniyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa dakong silanganan: at sa harap ng luklukan ng awa ay iwiwisik niyang makapito ng kaniyang daliri ang dugo.

15 Kung magkagayo’y papatayin niya ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na patungkol sa bayan, at dadalhin ang dugo niyaon sa loob ng tabing, at ang gagawin sa dugo niyaon ay gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harap ng luklukan ng awa:

16 At itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalangsang, sa makatuwid baga’y sa lahat nilang kasalanan: at gayon ang kaniyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumalan,

17 At huwag magkakaroon ng sinomang tao sa tabernakulo pagka siya’y papasok upang itubos sa loob ng dakong banal, hanggang sa lumabas siya, at matubos ang sarili, at ang kaniyang kasangbahay, at ang buong kapisanan ng Israel.

18 At lalabas siya sa dambana na nasa harap ng Panginoon, at itutubos sa ito; at kukuha ng dugo ng toro, at ng dugo ng kambing, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot.

19 At makapitong magwiwisik siya ng dugo sa dambana ng kaniyang daliri, at lilinisin at babanalin dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel.

20 At pagkatapos matubos niya ang dakong banal, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana, ay ihahandog ang kambing na buhay:

21 At ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalangsang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan; at ilalagay niya sa ulo ng kambing, at ipadadala sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong handa:

22 At dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila, sa lupaing hindi tinatahanan: at pawawalan niya ang kambing sa ilang.

23 At papasok si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at maghuhubad ng mga suot na lino, na isinuot niya nang siya’y pumasok sa dakong banal, at iiwan niya roon:

24 At paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig, sa isang dakong banal, at magsusuot ng kaniyang mga suot, at lalabas, at ihahandog ang kaniyang handog na susunugin at ang handog na susunugin ng bayan, at itutubos sa kaniyang sarili at sa bayan.

25 At susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog dahil sa kasalanan.

26 At yaong nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel, ay maglalaba ng kaniyang mga suot at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento.

27 At ang toro na handog dahil sa kasalanan at ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na ang dugo ay dinala sa loob ng dakong banal upang itubos, ay ilalabas, sa kampamento; at susunugin nila sa apoy ang mga balat ng mga yaon, at ang laman at ang dumi.

28 At ang magsusunog ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos, ay papasok siya sa kampamento.

29 At ito’y magiging palatuntunan magpakailan man sa inyo: sa ikapitong buwan nang ikasangpung araw ng buwan, ay pagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa, at anomang gawain ay huwag gagawa ang tubo sa lupain, ni ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo:

30 Sapagka’t sa araw na ito gagawin ang pagtubos sa inyo upang linisin kayo; sa lahat ng inyong mga kasalanan ay magiging malinis kayo sa harap ng Panginoon.

31 Sabbath nga na takdang kapahingahan sa inyo, at papagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa; ito’y palatuntunang magpakailan man.

32 At ang saserdote na papahiran at itatalaga upang maging saserdote na kahalili ng kaniyang ama, ay siyang tutubos at magsusuot ng mga kasuutang lino, na mga banal ngang kasuutan:

33 At tutubusin niya ang banal na santuario, at tutubusin niya ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga saserdote at ang buong bayan ng kapisanan.

34 At ito’y magiging palatuntunang walang hanggan sa inyo; na tubusin ang mga anak ni Israel, dahil sa lahat nilang mga kasalanan, ng minsan sa isang taon. At ginawa niya ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Levitico 17

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Iyong salitain kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ito ang iniutos ng Panginoon, na sinasabi,

3 Sinomang tao sa sangbahayan ni Israel, na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampamento, o pumatay sa labas ng kampamento,

4 At hindi dinala sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, upang ihandog na pinaka alay sa Panginoon, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon: ay dugo ang ipararatang sa taong yaon; siya’y nagbubo ng dugo; at ang taong yaon: ay ihihiwalay sa kaniyang bayan:

5 Upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga hain, na inihahain sa kalawakan ng parang, sa makatuwid baga’y upang kanilang dalhin sa Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote, at ihain sa Panginoon na mga pinakahandog tungkol sa kapayapaan.

6 At iwiwisik ng saserdote ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at susunugin ang taba na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

7 At huwag na nilang ihahain ang kanilang mga hain sa mga kambing na lalake na kanilang pinanaligan. Magiging palatuntunan nga magpakailan man sa kanila sa buong panahon ng kanilang lahi.

8 At sasabihin mo sa kanila, Sinomang tao sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na naghandog ng handog na susunugin o hain,

9 At hindi dinala sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, upang ihain sa Panginoon: ay ihihiwalay nga ang taong yaon sa kaniyang bayan.

10 At sinomang tao sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na kumain ng anomang dugo, ay aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan.

11 Sapagka’t ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka’t ang dugo’y siyang tumutubos dahil sa buhay.

12 Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel, Sinoman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.

13 At sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila na manghuli ng hayop o ng ibon na makakain; ay ibubuhos niya ang dugo niyaon at tatabunan ng lupa.

14 Sapagka’t tungkol sa buhay ng lahat ng laman, ang dugo nga niyan ay gaya rin ng buhay niyan. Kaya’t sinabi ko sa mga anak ni Israel, Huwag kayong kakain ng dugo ng anomang laman: sapagka’t ang buhay ng buong laman ay ang kaniyang dugo: sinomang kumain niyan ay ihihiwalay.

15 At yaong lahat na kumain ng namamatay sa sarili o nilapa ng mga ganid, maging sa mga tubo sa lupain o sa mga taga ibang bayan, ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: kung magkagayon ay magiging malinis.

16 Datapuwa’t kung di niya labhan, ni paliguan ang kaniyang laman, ay tataglayin nga niya ang kaniyang kasamaan.

Levitico 18

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ako ang Panginoon ninyong Dios.

3 Huwag kayong gagawa ng gaya ng ginawa sa lupain ng Egipto na inyong tinahanan: at huwag din kayong gagawa ng gaya ng ginagawa sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo: ni huwag kayong lalakad ng ayon sa mga palatuntunan nila.

4 Tutuparin ninyo ang aking mga kahatulan, at iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan, na inyong lalakaran: ako ang Panginoon ninyong Dios.

5 Tutuparin nga ninyo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan: na ikabubuhay ng mga taong magsisitupad: ako ang Panginoon.

6 Huwag lalapit ang sinoman sa inyo sa kanino man sa kaniyang kamaganak na malapit, upang ilitaw ang kaniyang kahubaran: ako ang Panginoon.

7 Ang kahubaran ng iyong ama, o ang kahubaran ng iyong ina ay huwag mong ililitaw: siya’y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kahubaran niya.

8 Ang kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw: yaon nga’y kahubaran ng iyong ama.

9 Ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sarili o sa ibang bayan, ay huwag mong ililitaw ang kahubaran nila.

10 Ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalake, o ng anak na babae ng iyong anak na babae, ay huwag mong ililitaw ang kahubaran nila: sapagka’t ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.

11 Ang kahubaran ng anak ng babae ng asawa ng iyong ama, na naging anak sa iyong ama, siya’y kapatid mo, huwag mong ililitaw ang kahubaran niya.

12 Ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama ay huwag mong ililitaw: siya’y kamaganak na malapit ng iyong ama.

13 Ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina ay huwag mong ililitaw: sapagka’t siya’y kamaganak na malapit ng iyong ina.

14 Ang kahubaran ng kapatid na lalake ng iyong ama ay huwag mong ililitaw, sa asawa niya ay huwag kang sisiping: siya’y iyong ali.

15 Ang kahubaran ng iyong manugang na babae ay huwag mong ililitaw: siya’y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw.

16 Ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalake ay huwag mong ililitaw: kahubaran nga ng iyong kapatid na lalake.

17 Ang kahubaran ng isang babae at ng kaniyang anak na babae ay huwag mong ililitaw; huwag mong pakikisamahan ang anak na babae ng kaniyang anak na lalake o ang anak na babae ng kaniyang anak na babae, upang ilitaw ang kaniyang kahubaran; sila’y kamaganak na malapit: kasamaan nga.

18 At huwag kang makikisama sa isang babaing kalakip ng kaniyang kapatid, na magiging kaagaw niya, na iyong ililitaw ang kahubaran nito, bukod sa kahubaran niyaon, sa buong buhay niya.

19 At huwag kang sisiping sa isang babae na ililitaw ang kahubaran niya habang siya’y marumi sa kaniyang karumalan.

20 At huwag kang sisiping sa asawa ng iyong kapuwa, na magpapakadumi sa kaniya.

21 At huwag kang magbibigay ng iyong binhi, na iyong palilipatin kay Moloch sa pamamagitan ng apoy; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Dios: ako ang Panginoon.

22 Huwag kang sisiping sa lalake ng gaya sa babae: karumaldumal nga.

23 At huwag kang sisiping sa anomang hayop na magpapakadumi riyan: ni ang babae ay huwag lalagay sa harap ng hayop upang pasiping: kahalayhalay nga.

24 Huwag kayong magpakarumi sa alin man sa mga bagay na ito; sapagka’t lahat ng ito ay nangadumhan ang mga bansang aking palayasin sa harap ninyo:

25 At nadumhan ang lupain: kaya’t aking dinadalaw ang kasamaang iyan diyan, at ang lupain din ang nagluluwa sa mga tumatahan diyan.

26 Inyo ngang iingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga kahatulan, at huwag kayong gagawa ng anoman sa mga karumaldumal na ito; maging ang mga tubo sa lupain o ang mga taga ibang bayan man na nakikipamayan sa inyo:

27 (Sapagka’t ang lahat ng karumaldumal na ito, ay ginawa ng mga tao sa lupaing iyan, na mga una kaysa inyo; at ang lupain ay nadumhan);

28 Upang huwag naman kayong iluwa ng lupain, sa pagkahawa ninyo, na gaya ng pagluluwa sa bansang nagsitahan ng una kaysa inyo.

29 Sapagka’t yaong lahat na gumawa ng alin man sa mga kahalayang ito, sa makatuwid baga’y ang mga taong magsigawa ng gayon ay ihihiwalay sa kanilang bayan.

30 Kaya ingatan ninyo ang aking bilin, na huwag kayong gumawa ng alin man sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na kanilang ginawa ng una bago kayo, at huwag kayong magpakarumal sa mga iyan: ako ang Panginoon ninyong Dios.