Levitico 19

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Kayo’y magpakabanal; sapagka’t akong Panginoon ninyong Dios ay banal.

3 Matatakot ang bawa’t isa sa inyo, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama, at ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath: ako ang Panginoon ninyong Dios.

4 Huwag ninyong babalikan ang mga diosdiosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga dios na binubo: ako ang Panginoon ninyong Dios.

5 At pagka kayo’y maghahandog sa Panginoon ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay inyong ihahandog upang kayo’y tanggapin.

6 Sa araw ding ihandog ay kakanin, at sa kinabukasan: at kung may labis hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

7 At kung kanin sa anomang paraan sa ikatlong araw, ay karumaldumal nga; ito’y hindi tatanggapin:

8 Kundi yaong kumain ay siyang magtataglay ng kaniyang kasamaan; sapagka’t nilapastangan niya ang banal na bagay ng Panginoon: at ihihiwalay ang gayong tao sa kaniyang bayan.

9 At pagka gagapas kayo ng mga uhay sa inyong lupain, ay huwag ninyong pakakagapasin ang mga sulok ng inyong bukid, ni huwag ninyong pamulutan ang inyong lupang ginapasan.

10 At huwag ninyong sisimutin ang inyong ubasan, ni huwag ninyong pupulutin ang bungang nahulog sa inyong ubasan; sa dukha at sa taga ibang bayan, pababayaan ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios.

11 Huwag kayong magnanakaw; ni magdadaya, ni magsisinungaling ang sinoman sa iba.

12 At huwag kayong susumpa ng di totoo sa aking pangalan, na anopa’t lapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Dios; ako ang Panginoon.

13 Huwag kayong pipighati sa inyong kapuwa, o magnanakaw man sa kaniya: ang bayad ng isang mag-aaraw ay huwag matitira sa inyo ng buong gabi hanggang sa umaga.

14 Huwag ninyong lalaitin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.

15 Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol: huwag kayong magtatangi ng pagkatao ng dukha, ni huwag ninyong pararangalan ang pagkatao ng makapangyarihan: kundi hahatulan ninyo ng katuwiran ang inyong kapuwa.

16 Huwag kayong maghahatid dumapit sa inyong bayan, ni titindig laban sa dugo ng inyong kapuwa: ako ang Panginoon.

17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapatid sa inyong puso; tunay na inyong sasawayin ang inyong kapuwa, at huwag kayong magtaglay ng kasalanan dahil sa kaniya.

18 Huwag kayong manghihiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kungdi iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili: ako ang Panginoon.

19 Iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan. Huwag ninyong pagaasawahin ang dalawang hayop ninyong magkaiba; huwag kayong maghahasik sa inyong bukid ng dalawang magkaibang binhi; ni damit na hinabi na may magkahalong dalawang magkaibang kayo ay huwag kayong magsusuot.

20 At kung ang sinomang lalake ay sumiping sa isang babaing aliping may asawa, na hindi pa natutubos, o hindi pa man nabibigyan ng kalayaan; ay kapuwa parurusahan; hindi sila papatayin, sapagka’t siya’y hindi laya.

21 At kaniyang dadalhin sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa makatuwid baga’y isang tupang lalake na pinakahandog dahil sa pagkakasala:

22 At itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng tupang handog dahil sa pagkakasala sa harap ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasalanan niyang pinagkasalahan: at ipatatawad sa kaniya ang kasalanan niyang kaniyang pinagkasalahan.

23 At pagka kayo’y papasok sa lupain, at nakapagtanim na kayo ng sarisaring punong kahoy na pagkain, ay aariin ninyo ang bunga niyaon na parang hindi sa tuli: tatlong taong aariin ninyong parang hindi sa tuli; hindi kakanin.

24 Datapuwa’t sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyaon ay magiging banal na pinaka papuri sa Panginoon.

25 At sa ikalimang taon ay kakain kayo ng bunga niyaon upang papagbungahin sa inyo: ako ang Panginoon ninyong Dios.

26 Huwag kayong kakain ng anomang may dugo: ni huwag kayong mag-eenkanto ni magpapamahiin.

27 Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni huwag mong sisirain ang mga dulo ng iyong balbas.

28 Huwag ninyong kukudlitan ang inyong laman dahil sa namatay: ni huwag ninyong lilimbagan ang inyong laman ng anomang tanda; ako ang Panginoon.

29 Huwag mong hahamakin ang iyong anak na babae, na siya’y iyong pagmamasamaing babae: baka ang lupain ay malugmok sa pakikiapid, at mapuno ang lupain ng kasamaan.

30 Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuario: ako ang Panginoon.

31 Huwag ninyong babalikan ang mga inaalihan ng masasamang espiritu ni ang mga mangkukulam: huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila: ako ang Panginoon ninyong Dios.

32 Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.

33 At kung ang isang taga ibang bayan ay nakikipamayan na kasama ninyo sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagawan ng masama.

34 Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili; sapagka’t naging taga ibang bayan kayo sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.

35 Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol, sa pagsukat, sa pagtimbang, o sa pagtakal.

36 Timbangang matuwid, panimbang na matuwid, epa na matuwid at hin na matuwid ang aariin ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.

37 At inyong iingatan ang lahat ng aking palatuntunan, at ang lahat ng aking kahatulan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon.

Levitico 20

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Bukod dito’y sasabihin mo rin sa mga anak ni Israel, Sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa Israel, na magbigay ng kaniyang binhi kay Moloch; ay papataying walang pagsala; siya’y babatuhin ng mga bato ng mga tao ng lupain.

3 Akin ding itititig ang aking mukha laban sa taong yaon, at akin siyang ihihiwalay sa kaniyang bayan: sapagka’t binigyan niya ng kaniyang binhi si Moloch, upang ihawa ang aking santuario, at lapastanganin ang aking banal na pangalan.

4 At kung ilingid ng bayan sa lupain sa paraang anoman ang kanilang mga mata sa taong yaon, pagka nagbibigay ng kaniyang binhi kay Moloch, at hindi papatayin:

5 Ay itititig ko nga ang aking mukha laban sa taong yaon, at laban sa kaniyang sangbahayan, at ihihiwalay ko sa kanilang bayan, siya at lahat ng manalig na sumunod sa kaniya, na nanalig kay Moloch.

6 At ang taong magbalik sa inaalihan ng masamang espiritu at sa mga mangkukulam, upang manalig sa mga yaon ay itititig ko ang aking mukha laban sa taong yaon, at ihihiwalay ko siya sa kaniyang bayan.

7 Magpakabanal nga kayo at kayo’y maging banal; sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios.

8 At iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.

9 Sapagka’t bawa’t isa na lumalait sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay papatayin na walang pagsala: kaniyang nilait ang kaniyang ama o ang kaniyang ina: mabububo ang kaniyang dugo sa kaniya.

10 Ang lalake na mangalunya sa asawa ng iba, sa makatuwid baga’y yaong mangalunya sa asawa ng kaniyang kapuwa, ay papatayin na walang pagsala ang nangangalunya at ang napakalunya.

11 At ang lalaking sumiping sa asawa ng kaniyang ama, ay kahubaran ng kaniyang ama ang kaniyang inilitaw: kapuwa sila papatayin na walang pagsala; mabububo ang dugo nila sa kanila.

12 At kung ang isang lalake ay sumiping sa kaniyang manugang, ay kapuwa sila papatayin; sila’y gumawa ng kahalayhalay; mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

13 At kung ang isang lalake ay sumiping sa kapuwa lalake, na gaya ng pagsiping sa babae: ay kapuwa sila nagkasala ng karumaldumal: sila’y papatayin na walang pagsala: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

14 At kung ang isang lalake ay magasawa sa isang babae at sa kaniyang ina, ay kasamaan; susunugin sa apoy kapuwa siya at sila; upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyo.

15 At kung ang isang lalake ay makiapid sa hayop, ay papatayin na walang pagsala: at papatayin din ninyo ang hayop.

16 At kung ang isang babae ay lumapit sa alin mang hayop at pasiping ay papatayin mo ang babae at ang hayop: sila’y papatayin na walang pagsala; mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

17 At kung kunin ng isang lalake ang kaniyang kapatid na babae, na anak ng kaniyang ama o anak ng kaniyang ina, at kaniyang makita ang kaniyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya: ay bagay na kahalayhalay nga; at sila’y ihihiwalay sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan: ang kahubaran ng kaniyang kapatid na babae ay inilitaw niya; kaniyang tataglayin ang kasamaan niya.

18 At kung ang isang lalake ay sumiping sa isang babaing may karumalan, at ilitaw ang kahubaran niya; ay kaniyang hinubdan ang agas niya, at siya naman ay lumitaw ng agas ng kaniyang dugo: at sila’y kapuwa ihihiwalay sa kanilang bayan.

19 At huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama: sapagka’t hinubdan niya ang kaniyang kamaganak na malapit: kapuwa magtataglay ng kanilang kasamaan.

20 At kung ang isang lalake ay sumiping sa asawa ng kaniyang amain ay kaniyang inilitaw ang kahubaran ng kaniyang amain: tataglayin nila ang kanilang kasalanan; mamamatay silang walang anak.

21 At kung ang isang lalake ay makisama sa asawa ng kaniyang kapatid na lalake, ay kahalayan: kaniyang inilitaw ang kahubaran ng kaniyang kapatid na lalake; mabubuhay silang walang anak.

22 Ingatan nga ninyo ang lahat ng aking mga palatuntunan at ang lahat ng aking mga kahatulan, at inyong isasagawa: upang huwag kayong iluwa ng lupain na aking pinagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.

23 At huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harap ninyo: sapagka’t ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at kaya ko kinapopootan.

24 Datapuwa’t sa inyo’y aking sinabi, Mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot: ako ang Panginoon ninyong Dios na ibinukod ko kayo sa mga bayan.

25 Inyo ngang lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang karumaldumal, at ang ibong karumaldumal at ang malinis: at huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao, sa hayop o sa ibon, o sa anomang bagay na umuusad sa lupa, na inihiwalay ko sa inyo palibhasa’y mga karumaldumal.

26 At kayo’y magpapakabanal sa akin: sapagka’t akong, Panginoon, ay banal, at kayo’y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo’y maging akin.

27 Ang isang lalake rin naman o kaya’y ang isang babae na inaalihan ng masamang espiritu, o mangkukulam, ay papatayin na walang pagsala, sila’y babatuhin ng mga bato: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.

Levitico 21

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, at sabihin mo sa kanila, Sinoman ay huwag magpakahawa ng dahil sa patay, sa gitna ng kaniyang bayan,

2 Maliban sa kamaganak na malapit, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama at sa kaniyang anak na lalake at babae, at sa kaniyang kapatid na lalake,

3 At sa kaniyang kapatid na dalaga, na malapit sa kaniya, na walang asawa, ay maaring magpakahawa siya.

4 Yamang puno sa kaniyang bayan, ay huwag siyang magpapakahawa na magpapakarumi.

5 Huwag nilang kakalbuhin ang kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o kukudlitan man ang kanilang laman.

6 Sila’y magpakabanal sa kanilang Dios, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Dios: sapagka’t sila ang naghahandog ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Dios, kaya’t sila’y magpapakabanal.

7 Huwag silang makikisama sa patutot o lapastangan, ni makikisama sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa: sapagka’t ang saserdote ay banal sa kaniyang Dios.

8 Papagbabanalin mo nga siya; sapagka’t siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Dios: siya’y magiging banal sa inyo; sapagka’t akong Panginoon nagpapaging banal sa inyo ay banal.

9 At kung ang anak na babae ng isang saserdote ay magpakarumi sa pagpapatutot, ay kaniyang binigyan ng kahihiyan ang kaniyang ama: siya’y susunugin sa apoy.

10 At ang pangulong saserdote sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ang ulo ng langis na pang-pahid, at itinalaga, upang makapagbihis ng mga banal na bihisan ay huwag maglulugay ng buhok ng kaniyang ulo ni huwag hahapakin ang kaniyang mga suot;

11 Ni papasok sa kinaroroonan ng bangkay nino man, ni magpapakahawa dahil sa kaniyang ama, o dahil sa kaniyang ina;

12 Ni lalabas sa santuario, ni lalapastanganin ang santuario ng kaniyang Dios; sapagka’t ang talaga na langis na pang-pahid ng kaniyang Dios ay nasa ulo niya: ako ang Panginoon.

13 At siya’y magaasawa sa isang dalagang malinis.

14 Sa bao o inihiwalay, sa lamas o patutot ay huwag siyang magaasawa; kundi sa isang dalagang malinis sa kaniyang sariling bayan magaasawa siya.

15 At huwag niyang dudumhan ang kaniyang mga binhi sa gitna ng kaniyang bayan: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kaniya.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.

18 Sapagka’t sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, o ang mayroong kuntil,

19 O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,

20 O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o luslusin:

21 Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya’y may kapintasan; siya’y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.

22 Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, ang pinakabanal at ang mga bagay na banal:

23 Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka’t may kapintasan siya; upang huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

24 Gayon sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.

Levitico 22

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak na sila’y magsihiwalay sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na ikinagiging banal nila sa akin, at huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: ako ang Panginoon.

3 Sabihin mo sa kanila, Sinomang lalake sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong lahi, na lumapit sa mga banal na bagay na ikinagiging banal ng mga anak ni Israel sa Panginoon, na taglay ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong iyon sa harap ko: ako ang Panginoon.

4 Sinomang lalake sa binhi ni Aaron na may ketong o may agas; ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya’y malinis. At ang humipo ng alin mang bagay na karumaldumal dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito;

5 O sinomang humipo ng anomang umuusad na makapagpaparumi, o lalaking makakahawa dahil sa alin mang karumihan niya;

6 Ang lalaking humipo ng gayon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon, at hindi kakain ng mga banal na bagay maliban na maligo siya sa tubig.

7 At pagkalubog ng araw, ay magiging malinis siya; at pagkatapos ay makakakain ng mga banal na bagay, sapagka’t siya niyang tinapay.

8 Yaong bagay na namatay sa sarili, o nilapa ng mga ganid, ay huwag niyang kakanin, na makapagpapahawa sa kaniya: ako ang Panginoon.

9 Iingatan nga nila ang aking bilin, baka sila’y magkasala sa paraang iyan, at kanilang ikamatay, kung kanilang lapastanganin: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

10 Hindi makakakain ang sinomang taga ibang bayan ng banal na bagay: sinomang nakikipanuluyan sa saserdote, o aliping upahan niya ay hindi makakakain ng banal na bagay.

11 Nguni’t kung ang saserdote ay bumili ng sinomang tao sa kaniyang salapi, ay makakakain ito; at gayon din ang aliping inianak sa kaniyang bahay ay makakakain ng kaniyang tinapay.

12 At kung ang isang anak na babae ng saserdote ay magasawa sa isang taga ibang bayan, ay hindi makakakain sa handog na itinaas sa mga banal na bagay.

13 Datapuwa’t kung ang anak na babae ng saserdote ay bao o inihiwalay, na walang anak at bumalik sa bahay ng kaniyang ama na gaya rin ng kaniyang pagkadalaga, ay makakakain ng tinapay ng kaniyang ama, nguni’t ang sinomang taga ibang bayan ay hindi makakakain niyaon.

14 At kung ang sinomang lalake ay magkamaling kumain ng banal na bagay, ay kaniyang daragdagan pa nga ng ikalimang bahagi yaon, at ibibigay niya sa saserdote ang banal na bagay.

15 At huwag nilang dudumhan ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na inihahandog sa Panginoon;

16 At gayon papasanin ang kasamaan ng nagtataglay ng sala, pagka kanilang kinakain ang kanilang mga banal na bagay: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Sinoman sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang bayan sa Israel, na maghahandog ng kaniyang alay, maging anomang panata nila, o maging anomang kusang handog nila, na kanilang inihahandog sa Panginoon na pinakahandog na susunugin;

19 Upang kayo’y tanggapin, ang inyong ihahandog ay lalaking hayop na walang kapintasan, sa mga baka, sa mga tupa, o sa mga kambing.

20 Datapuwa’t alin mang may kapintasan, ay huwag ninyong ihahandog; sapagka’t hindi tatanggapin sa inyo.

21 At sinomang maghandog sa Panginoon ng haing handog tungkol sa kapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya’y kusang handog, na mula sa bakahan o sa kawan ay kinakailangang sakdal, upang tanggapin; anomang kapintasan ay huwag magkakaroon.

22 Bulag, o may bali, o may hiwa, o may sugat, o galisin, o malangib, ay huwag ninyong ihahandog ang mga ito sa Panginoon, ni huwag kayong maghahandog sa Panginoon ng mga iyan na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.

23 Maging toro o tupa na may anomang kuntil o kulang sa kaniyang sangkap ng katawan, ay maihahandog mo na handog mo na kusa, datapuwa’t sa panata ay hindi tatanggapin.

24 Yaong niluluslusan, o napisa, o nabasag, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon; ni huwag kayong gagawa ng ganyan sa inyong lupain.

25 Ni mula sa kamay ng taga ibang lupa ay huwag ninyong ihahandog na pinakatinapay ng inyong Dios ang alin mang mga hayop na ito: sapagka’t taglay nila ang kanilang karumhan, may kapintasan sa mga iyan: hindi tatanggapin sa inyo.

26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 Pagka may ipinanganak, na baka, o tupa, o kambing ay mapapasa kaniyang ina ngang pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ay tatanggaping alay sa Panginoon na handog na pinaraan sa apoy.

28 At maging baka o tupa ay huwag ninyong papatayin sa isang araw siya at ang kaniyang anak.

29 At pagka kayo’y maghahandog ng haing pasalamat sa Panginoon, ay inyong ihahain upang kayo’y tanggapin.

30 Sa araw ding iyan kakanin; huwag kayong magtitira ng anoman niyan hanggang sa umaga: ako ang Panginoon.

31 Kaya’t inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tutuparin: ako ang Panginoon.

32 At huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako’y sasambahin sa gitna ng mga anak ni Israel: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa inyo,

33 Na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang ako’y maging inyong Dios: ako ang Panginoon.

Levitico 23

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong itatanyag na mga banal na pagpupulong, ay mga ito nga ang aking mga takdang kapistahan.

3 Anim na araw na gagawa: datapuwa’t sa ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, siyang banal na pagpupulong; anomang gawa ay huwag ninyong gagawin: isang sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong tahanan.

4 Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon ng mga banal na pagpupulong na inyong itatanyag sa takdang panahon.

5 Sa unang buwan, nang ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, ay paskua sa Panginoon.

6 At nang ikalabing limang araw ng buwang iyan, ay kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa Panginoon: pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

7 Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong: anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin.

8 Kundi maghahandog kayo sa Panginoon na pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; sa ikapitong araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin.

9 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi,

10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka kayo’y nakapasok sa lupain na ibibigay ko sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyaon, ay magdadala nga kayo sa saserdote ng bigkis na pinaka pangunang bunga ng inyong paggapas:

11 At aalugin niya ang bigkis sa harap ng Panginoon upang tanggapin sa ganang inyo: sa kinabukasan pagkatapos ng sabbath aalugin ng saserdote.

12 At sa araw na inyong alugin ang bigkis, ay maghahandog kayo ng isang korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin sa Panginoon.

13 At ang handog na harina niyaon ay magiging dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na hinaluan ng langis, handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy: at ang pinakahandog na inumin niyaon ay alak, na ikaapat na bahagi ng isang hin.

14 At huwag kayong kakain ng tinapay, ni trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang alay sa inyong Dios: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong mga tahanan.

15 At kayo’y bibilang sa inyo mula sa kinabukasan ng sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na inalog: magiging pitong sabbath na ganap.

16 Sa makatuwid baga’y hanggang sa kinabukasan ng ikapitong sabbath, bibilang kayo ng limang pung araw; at maghahandog kayo ng bagong handog na harina sa Panginoon.

17 Sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay na aalugin na may dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, at lulutuin na may levadura na pinaka pangunang bunga sa Panginoon.

18 At ihaharap ninyo ang tinapay na kalakip ng pitong kordero ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalake: mga handog sa Panginoon na susunugin, na kalakip ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin, handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

19 At maghahandog kayo ng isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ng dalawang korderong lalake ng unang taon na haing mga handog tungkol sa kapayapaan.

20 At aalugin ng saserdote pati ng tinapay ng mga unang bunga, na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon, na kalakip ng dalawang kordero: ang mga tinapay ay magiging itinalaga sa Panginoon na ukol sa saserdote.

21 At inyong ihahayag sa araw ding iyan; magiging banal na pagpupulong nga sa inyo; kayo’y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: siyang palatuntunan sa lahat ng inyong mga tahanan, sa buong panahon ng inyong lahi.

22 At pagka inyong aanihin ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong pakakaanihin ang mga sulok ng inyong bukid, ni pamulutan ang inyong naanihan: sa dukha at sa taga ibang lupa inyong ititira: ako ang Panginoon ninyong Dios.

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng takdang kapahingahan, na pinakaalaalang may tunog ng mga pakakak banal na pagpupulong nga.

25 Kayo’y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: at kayo’y maghahandog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 Gayon ma’y sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan ay araw ng pagtubos: magiging sa inyo’y banal na pagpupulong, at papagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa; at maghahandog kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

28 At huwag kayong gagawa ng anomang gawa sa araw ding iyan: sapagka’t araw ng pagtubos, upang itubos sa inyo sa harap ng Panginoon ninyong Dios.

29 Sapagka’t sinomang tao na hindi magdalamhati sa araw ding iyan ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.

30 At sinomang tao na gumawa ng anomang gawa sa araw ding iyan ay pupuksain ko ang taong yaon sa kaniyang bayan.

31 Kayo’y huwag gagawa ng anomang gawa: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.

32 Magiging sabbath na takdang kapahingahan sa inyo, at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa pagkalubog ng araw hanggang sa muling pagkalubog ng araw ay ipangingilin ninyo ang inyong sabbath.

33 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

34 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwang ito ay kapistahan ng mga balag na pitong araw sa Panginoon.

35 Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong; kayo’y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod.

36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo’y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; siyang pinaka dakilang kapulungan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod.

37 Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong itatanyag na mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na susunugin, at ng handog na harina, ng hain, at ng mga handog na inumin na bawa’t isa ay sa kaniyang sariling kaarawan:

38 Bukod sa mga sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, at bukod sa lahat ng inyong mga panata, at bukod sa lahat ng inyong mga handog na kusa na inyong ibinibigay sa Panginoon.

39 Gayon ma’y sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagka inyong natipon ang bunga ng lupain, ay magdidiwang kayo sa Panginoon ng kapistahang pitong araw: ang unang araw ay magiging takdang kapahingahan, at ang ikawalong araw ay magiging takdang kapahingahan.

40 At magdadala kayo sa unang araw ng bunga ng magagandang punong kahoy, ng mga sanga ng mga palma, at ng mga sanga ng mayayabong na punong kahoy, at ng mga sause ng batis; at kayo’y magpapakagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, na pitong araw.

41 At inyong ipangingiling isang kapistahan sa Panginoon na pitong araw sa bawa’t taon: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi: sa ikapitong buwan ay ipagdidiwang ninyo ang kapistahang ito.

42 Kayo’y tatahan sa mga balag na pitong araw; yaong lahat ng tubo sa Israel ay tatahan sa mga balag:

43 Upang maalaman ng inyong mga lahi na sa mga balag pinatahan ko ang mga anak ni Israel, nang aking ilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.

44 At ipinakilala ni Moises sa mga anak ni Israel ang mga takdang kapistahan sa Panginoon.

Levitico 24

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Iutos mo sa mga anak ni Israel na dalhan ka ng langis na dalisay na oliva, na hinalo para sa ilawan, upang laging papagliyabin ang ilawan.

3 Sa labas ng tabing ng kaban ng patotoo sa tabernakulo ng kapisanan, ay aayusing palagi ni Aaron, mula sa hapon hanggang sa umaga sa harap ng Panginoon: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi.

4 Kanyang aayusin lagi ang mga ilawan sa ibabaw ng kandelerong dalisay sa harap ng Panginoon.

5 At kukuha ka ng mainam na harina, at magluluto ka niyan ng labing dalawang munting tinapay: tigdadalawang ikasampung bahagi ng isang epa ang bawa’t munting tinapay.

6 At ilalagay mong dalawang hanay, anim sa bawa’t hanay, sa ibabaw ng dulang na dalisay sa harap ng Panginoon.

7 At maglalagay ka sa bawa’t hanay ng dalisay na kamangyan, upang ito’y maging paalaala na tinapay, na handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

8 Sa bawa’t sabbath ay aayusing palagi ang tinapay sa harap ng Panginoon; sa ganang mga anak ni Israel, na pinakatipang walang hanggan.

9 At magiging kay Aaron at sa kaniyang mga anak; at kanilang kakanin sa dakong banal: sapagka’t kabanalbanalang bagay sa kaniya sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa pamamagitan ng palatuntunang walang hanggan.

10 At ang anak na lalake ng isang babaing, Israelita na ang ama’y Egipcio, ay napasa gitna ng mga anak ni Israel: at nagbabag sa gitna ng kampamento ang anak ng babaing Israelita at ang isang lalake ni Israel.

11 At nilapastangan ng anak ng babaing Israelita ang Pangalan, at nilait: at siya’y kanilang dinala kay Moises, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Selomith, na anak ni Dribi sa lipi ni Dan.

12 At siya’y kanilang inilagay sa bilangguan hanggang sa ang hatol ay ipahayag sa kanila ng bibig ng Panginoon.

13 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

14 Dalhin mo ang mapaglait sa labas ng kampamento; at ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay magpatong ng kanilang mga kamay sa kaniyang ulo, at pagbatuhanan siya ng buong kapisanan.

15 At sasalitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Sinomang mapanungayaw sa kaniyang Dios ay magpapasan ng kaniyang sala.

16 At ang lumapastangan sa pangalan ng Panginoon ay papataying walang pagsala; walang pagsalang pagbabatuhanan siya ng buong kapisanan: maging taga ibang lupa o maging tubo sa lupain, ay papatayin pagka lumapastangan sa Pangalan ng Panginoon.

17 At ang manakit ng malubha sa kanino mang tao, ay papataying walang pagsala;

18 At ang manakit ng malubha sa isang hayop ay magpapalit: hayop kung hayop.

19 At kung ang sinoman ay makasakit sa kaniyang kapuwa: ayon sa ginawa niya ay gayon ang gagawin sa kaniya;

20 Bugbog kung bugbog, mata kung mata, ngipin kung ngipin: ayon sa kaniyang pagkasakit sa tao, ay gayon din ang gagawin sa kaniya.

21 At ang pumatay ng isang hayop ay magpapalit, at ang pumatay sa isang tao ay papatayin.

22 Magkakaroon kayo ng isa lamang kautusan sa taga ibang bayan, na gaya sa tubo sa lupain: sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios.

23 At nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel at siya na nanglait ay inilabas nila sa kampamento, at siya’y pinagbatuhanan ng mga bato. At ginawa ng mga anak ni Israel, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Levitico 25

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na ibibigay ko sa inyo, ay mangingilin ng isang sabbath sa Panginoon ang lupain.

3 Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong kakapunin mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang bunga ng mga iyan;

4 Datapuwa’t sa ikapitong taon ay magiging sabbath na takdang kapahingahan sa lupain, sabbath sa Panginoon: huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni kakapunin ang iyong ubasan.

5 Yaong tumubo sa sarili sa iyong inaanihan ay huwag mong aanihin, at ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi nakapon ay huwag mong titipunin: magiging taong takdang kapahingahan sa lupain.

6 At ang bunga sa sabbath ng lupain ay magiging pagkain sa inyo; sa iyo, at sa iyong aliping lalake at babae, at sa iyong aliping upahan, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa iyo;

7 At sa iyong mga baka at sa mga hayop na nasa iyong lupain ay magiging pagkain ang lahat ng bunga ng mga iyan.

8 At bibilang ka ng pitong sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at magiging sa iyo’y mga araw ng pitong sabbath ng mga taon, sa makatuwid baga’y apat na pu’t siyam na taon.

9 Kung magkagayo’y maguutos ka na lumibot sa bayan ang pakakak na matunog sa ikasangpung araw ng ika pitong buwan; sa araw ng pagtubos patutunugin ninyo ang pakakak sa buong lupain ninyo.

10 At ipangingilin ninyo ang ikalimang pung taon, at ihahayag ninyo sa buong lupain ang kalayaan sa lahat na tumatahan sa lupain: iya’y magiging kapistahan ng jubileo sa inyo; at bawa’t isa sa inyo ay babalik sa kaniyang pag-aari, at bawa’t isa’y babalik sa kaniyang sangbahayan.

11 Magiging kapistahan ng jubileo nga sa inyo ang ikalimang pung taon: huwag ninyong hahasikan ni aanihin ang tumubo sa kaniyang sarili, ni titipunin ang mga ubas ng ubasan na hindi nakapon.

12 Sapagka’t kapistahan ng jubileo; magiging banal sa inyo: kakanin ninyo ang bunga niyan sa bukid.

13 Sa taong ito ng jubileo, ay babalik kayo, bawa’t isa sa kaniyang pag-aari.

14 At kung ikaw ay magbili ng anoman sa iyong kapuwa o bumili ng anoman sa kamay ng iyong kapuwa, ay huwag kayong magdadayaan.

15 Ayon sa bilang ng taon pagkatapos ng jubileo, ay bibilhin mo sa iyong kapuwa, ayon sa bilang ng taon ng pagaani, ay kaniyang ipagbibili sa iyo.

16 Ayon sa dami ng mga taon, ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon, ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagka’t ganyang bilang ng ani ang kaniyang ipagbibili sa iyo.

17 At huwag kayong magdadayaan; kundi matatakot kayo sa inyong Dios: sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios.

18 Kaya’t inyong tutuparin ang aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan at inyong isasagawa at tatahan kayong tiwasay sa lupain.

19 At ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at tatahan kayong tiwasay doon.

20 At kung sasabihin ninyo, Anong aming kakanin sa ikapitong taon? narito, hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga:

21 At aking igagawad ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magbubunga ng kasya sa tatlong taon.

22 At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.

23 At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka’t akin ang lupain: sapagka’t kayo’y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.

24 At sa buong lupain na iyong pag-aari ay magkakaloob kayo ng pangtubos sa lupain.

25 Kung ang iyong kapatid ay maghirap, at ipagbili ang anoman sa kaniyang pag-aari, ay paroroon ang kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya, at tutubusin ang ipinagbili ng kaniyang kapatid.

26 At kung ang taong yaon ay walang manunubos, at siya’y yumaman at nakasumpong ng kasapatan upang matubos yaon;

27 Ay kaniyang bilangin ang mga taon pagkatapos na kaniyang naipagbili, at isasauli ang labis sa taong kaniyang pinagbilhan; at babalik siya sa kaniyang pag-aari.

28 Nguni’t kung siya’y walang kasapatan, upang maibalik niya sa kaniya, ang ipinagbili ay matitira nga sa kapangyarihan ng bumili hanggang sa taon ng jubileo; at sa jubileo ay maaalis sa kapangyarihan niyaon, at ang may-ari ay babalik sa kaniyang pag-aari.

29 At kung ang isang tao ay magbili ng bahay na tahanan sa nakukutaang bayan ay matutubos niya sa loob ng isang buong taon pagkatapos na maipagbili; sapagka’t isang buong taon ang kaniyang matuwid ng pagtubos.

30 At kung hindi matubos sa loob ng isang buong taon, ang bahay na nasa nakukutaang bayan ay lalagi magpakailan man, na pag-aari niyaong bumili, sa buong panahon ng kaniyang lahi: hindi maaalis sa kaniya sa jubileo.

31 Nguni’t ang mga bahay sa mga nayon na walang kuta sa palibot, ay aariing para ng sa mga bukirin sa lupain: kanilang matutubos; at sa jubileo ay magsisialis.

32 Gayon ma’y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma’y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari.

33 At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka’t ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34 Datapuwa’t ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka’t pag-aari nila magpakailan man.

35 At kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan.

36 Huwag kang kukuha sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid.

37 Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.

38 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto, upang ibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, at ako’y maging inyong Dios.

39 At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay maghirap at pabili siya sa iyo: ay huwag mo siyang papaglilingkuring parang alipin;

40 Ipalalagay mo siyang parang lingkod na upahan at parang nakikipamayan; hanggang sa taon ng jubileo ay maglilingkod siya sa iyo:

41 Kung magkagayo’y aalis siya sa iyo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya, at babalik sa kaniyang sariling sangbahayan, at babalik sa pag-aari ng kaniyang mga magulang.

42 Sapagka’t sila’y aking mga lingkod, na aking inilabas sa lupain ng Egipto; sila’y hindi maipagbibiling parang mga alipin.

43 Huwag kang papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan; kundi ikaw ay matatakot sa iyong Dios.

44 At tungkol sa iyong mga aliping lalake at babae na magkakaroon ka; sa mga bansang nasa palibot ninyo, ay makabibili kayo sa kanila ng mga aliping lalake at babae.

45 Saka sa mga anak ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa inyo, sa mga ito’y makabibili kayo, at sa kanilang mga sangbahayan na nasa inyo, na mga ipinanganak nila sa inyong lupain: at magiging inyong pag-aari.

46 At inyong iiwang pinakapamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, na pinakapag-aari; sa mga iyan kukuha kayo ng inyong mga alipin magpakailan man: nguni’t sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel ay huwag kayong magpapanginoonan na may kabagsikan.

47 At kung ang taga ibang lupa o ang nakikipamayan na kasama mo ay yumaman, at ang iyong kapatid ay maghirap sa siping niya, at pabili sa taga ibang bayan o nakikipamayan sa iyo o sa sinomang kasangbahay ng taga ibang lupa;

48 Pagkatapos na siya’y maipagbili ay kaniyang matutubos: isa sa kaniyang mga kapatid ay makatutubos sa kaniya:

49 O ang kaniyang amain o ang anak ng kaniyang amain ay makatutubos sa kaniya; o sinomang kamaganak na malapit niya sa kaniyang sangbahayan ay makatutubos sa kaniya; o kung yumaman siya ay makatutubos siya sa kaniyang sarili.

50 At kaniyang bibilangan yaong bumili sa kaniya, mula sa taong bilhin siya hanggang sa taon ng jubileo: at ang halaga ng pagkabili sa kaniya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon; at gagawin sa kaniya ay ayon sa panahon ng isang lingkod na upahan.

51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli ang halaga ng kaniyang pagkatubos sa kaniya na salaping sa kaniya’y ibinili.

52 At kung kaunti ang mga taong nagkukulang hanggang sa taon ng jubileo ay ibibilang sa kaniya; ayon sa kaniyang mga taon na nagkukulang ay isasauli ang halaga ng kaniyang katubusan.

53 Kung paano ang alilang may bayad sa taon-taon, ay gayon matitira sa kaniya: siya’y huwag papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan sa iyong paningin.

54 At kung hindi siya tubusin sa mga paraang ito, ay aalis siya sa taon ng jubileo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya.

55 Sapagka’t sa akin ang mga anak ni Israel ay mga lingkod; sila’y aking mga lingkod na aking inilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.

Levitico 26

1 Huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diosdiosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haligi, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran yaon: sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios.

2 Inyong ipangingilin ang aking mga sabbath, at inyong igagalang ang aking santuario: ako ang Panginoon.

3 Kung lalakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan at iingatan ninyo ang aking mga utos, at inyong tutuparin:

4 Ay maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga.

5 At ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pagaani ng mga ubas, at ang pagaani ng ubas ay aabot sa paghahasik: at kakanin ninyo ang inyong pagkain na sagana, at tatahan kayong tiwasay sa inyong lupain.

6 At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at walang katatakutan kayo: at aking papawiin sa lupain ang mababangis na hayop, ni hindi dadaanan ang inyong lupain sa tabak.

7 At hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at mangabubuwal sa harap ninyo sa tabak.

8 At lima sa inyo’y hahabol sa isang daan, at isang daan sa inyo’y hahabol sa sangpung libo: at ang inyong mga kaaway ay mangabubuwal sa tabak sa harap ninyo.

9 At lilingapin ko kayo, at palalaguin ko kayo, at pararamihin ko kayo; at papagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo.

10 At kakanin ninyo ang malaong kinamalig, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago.

11 At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo: at hindi ko kayo kapopootan.

12 At lalakad ako sa gitna ninyo at ako’y magiging inyong Dios, at kayo’y magiging aking bayan.

13 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang huwag kayong maging mga alipin nila; at sinira ko ang mga kahoy ng inyong pamatok, at pinalakad ko kayo ng mga ulong matuwid.

14 Nguni’t kung hindi ninyo pakikinggan ako, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng mga utos na ito;

15 At kung inyong tatanggihan ang aking mga palatuntunan, at kasusuklaman nga ninyo ang aking mga hatol, na anopa’t hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan;

16 Ay gagawin ko naman ito sa inyo; ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, at pagkatuyo, at ang lagnat na uubos sa mga mata, at magpapalupaypay sa kaluluwa: at maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagka’t kakanin ng inyong mga kaaway.

17 At itititig ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo’y masasaktan sa harap ng inyong mga kaaway: kayo’y pagpupunuan ng mga napopoot sa inyo; at kayo’y tatakas nang walang humahabol sa inyo.

18 At kung sa mga bagay na ito man ay hindi ninyo ako pakinggan, ay parurusahan ko kayong makapito pa, dahil sa inyong mga kasalanan.

19 At sisirain ko ang kahambugan ng inyong kapangyarihan; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa:

20 At gugugulin ninyo ang inyong kalakasan ng walang kabuluhan; sapagka’t hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kaniyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kaniyang bunga.

21 At kung kayo’y sasalangsang sa akin, at hindi ninyo ako didinggin; ay dadalhan ko kayo ng makapito ang higit ng salot ayon sa inyong mga kasalanan.

22 At susuguin ko sa inyo ang mga halimaw sa parang, ng samsaman kayo ng inyong mga anak, at papatayin ang inyong mga hayop, at kayo’y pakakauntiin sa bilang; at mangungulila ang inyong mga lakad.

23 At kung sa mga bagay mang ito ay hindi pa kayo magbago sa akin, kundi sasalangsang kayo sa akin:

24 At lalakad din naman ako ng laban sa inyo, at sasaktan ko kayo, ng makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan:

25 At pararatingin ko sa inyo ang tabak na gaganap ng higanti ng tipan; at kayo’y matitipon sa loob ng inyong mga bayan: at pararatingin ko ang salot sa gitna ninyo; at kayo’y mabibigay sa kamay ng kaaway.

26 Pagka masisira ko ang tungkod ninyong tinapay, ang sangpung babae ay magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at sa inyo’y isasauli sa timbang ang inyong tinapay: at kayo’y kakain at hindi kayo mangabubusog.

27 At kung sa lahat ng ito ay hindi ninyo ako pakikinggan, kundi kayo’y sasalangsang sa akin;

28 Ay sasalangsang ako sa inyo na may kapusukan; at parurusahan ko kayong makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan.

29 At kakanin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalake, at ang mga laman ng inyong mga anak na babae ay inyong kakanin.

30 At sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga larawang araw, at itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga katawan ng inyong mga diosdiosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa.

31 At gagawin kong giba ang inyong mga bayan, at gigibain ko ang inyong mga santuario, at hindi ko na sasamyuin ang amoy ng inyong mga may amoy na masarap.

32 At gagawin kong ilang ang lupain: at pagtatakhan ng inyong mga kaaway na tumatahan doon.

33 At kayo’y aking pangangalatin sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo: at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga bayan ay magiging sira.

34 Kung magkagayo’y magagalak ang lupain sa kaniyang mga sabbath, habang nahahandusay na sira, at kayo’y mapapasa lupain ng inyong mga kaaway; ang lupain nga ay magpapahinga, at magagalak sa kaniyang mga sabbath.

35 Habang nahahandusay na sira ay magkakaroon ng kapahingahan, sa makatuwid baga’y ang hindi ipinagpahinga sa inyong mga sabbath, nang kayo’y nagsisitahan doon.

36 At tungkol sa mga matitira sa inyo, ay sisidlan ko ng takot sa kanilang puso, sa mga lupain ng kaniyang mga kaaway: at hahabulin sila ng kalatis ng isang dahong nalalaglag; at sila’y tatakas na parang tumatakas sa tabak; at sila’y mabubuwal nang walang humahabol sa kanila.

37 At mangagkakatisuran sila na parang nasa harap ng tabak, kahit walang humahabol: at hindi kayo makatatayo sa harap ng inyong mga kaaway.

38 At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at sasakmalin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway.

39 At ang mga matitira sa inyo ay magsisipanglupaypay sa kanilang kasamaan sa mga lupain ng inyong mga kaaway; at sa mga kasamaan naman ng kanilang mga magulang ay magsisipanglupaypay na kasama nila.

40 At kanilang isasaysay ang kanilang kasamaan, at ang kasamaan ng kanilang mga magulang, sa ang kanilang pagsalangsang na isinalangsang laban sa akin, sapagka’t sila’y lumakad naman ng laban sa akin.

41 Ako naman ay lumakad ng laban sa kanila, at sila’y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway: kung magpapakababa nga ang kanilang mga pusong hindi tuli, at kanilang tatanggapin ang parusa sa kanilang kasamaan;

42 Ay aalalahanin ko nga ang aking tipan kay Jacob; at ang akin ding tipan kay Isaac, at gayon din ang aking tipan kay Abraham ay aking aalalahanin; at aking aalalahanin ang lupain.

43 Ang lupain naman ay pababayaan nila, at magagalak sa kaniyang mga sabbath, samantalang nahahandusay na sira na wala sila; at kanilang tatanggapin ang kaparusahan ng kanilang kasamaan: sapagka’t kanilang tinanggihan ang aking mga hatol, at kinapootan ng kanilang kaluluwa ang aking mga palatuntunan.

44 At sa lahat mang ito, pagka sila’y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila na sila’y aking lubos na lilipulin, at aking sisirain ang aking tipan sa kanila: sapagka’t ako ang Panginoon nilang Dios:

45 Kundi aalalahanin ko alangalang sa kanila ang tipan ng kanilang mga magulang, na aking inilabas sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako’y maging kanilang Dios: ako ang Panginoon.

46 Ito ang mga palatuntunan at ang mga hatol at ang mga kautusang ginawa ng Panginoon sa kaniyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.

Levitico 27

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinoman ay tutupad ng panata ayon sa iyong inihalaga, ay magiging sa Panginoon ang mga tao.

3 At ang iyong inihalaga tungkol sa lalake, na mula sa may dalawang pung taong gulang hanggang sa may anim na pu, ay limang pung siklong pilak, ang iyong ihahalaga ayon sa siklo ng santuario.

4 At kung tungkol sa babae tatlong pung siklo ang ihahalaga mo.

5 At kung mula sa may limang taon hanggang sa may dalawang pung taon, ay dalawang pung siklo, ang ihahalaga mo sa lalake at sa babae ay sangpung siklo.

6 At kung mula sa may isang buwan hanggang sa may limang taon ay limang siklong pilak ang iyong ihahalaga sa lalake at sa babae ay tatlong siklong pilak ang iyong ihahalaga.

7 At kung sa may anim na pung taon na patanda; kung lalake, ay labing limang siklo ang iyong ihahalaga, at sa babae ay sangpung siklo.

8 Nguni’t kung kapos ng ikababayad sa iyong inihalaga, ay pahaharapin mo siya sa harap ng saserdote, at hahalagahan siya ng saserdote; ayon sa ikakakaya ng may panata, ay siyang ihahalaga sa kaniya ng saserdote.

9 At kung hayop na ihahandog na alay sa Panginoon, lahat na ibibigay niyaon ng sinoman sa Panginoon ay magiging banal.

10 Huwag niyang babaguhin o papalitan ang mabuti ng masama o ang masama ng mabuti: at kung sa anomang paraan ay palitan ang isang hayop ng iba, ay magiging kapuwa banal yaon at ang kapalit niyaon.

11 At kung yao’y anomang hayop na karumaldumal na sa hindi maihahandog na alay sa Panginoon, ay ilalagay nga niya ang hayop sa harap ng saserdote:

12 At hahalagahan ng saserdote, maging mabuti o masama: ayon sa inihalaga ng saserdote ay magiging gayon.

13 Datapuwa’t kung tunay na kaniyang tutubusin, ay magdadagdag nga siya ng ikalimang bahagi niyaon sa inihalaga mo.

14 At pagka ang sinoman ay magtatalaga ng kaniyang bahay upang maging banal sa Panginoon, ay hahalagahan nga ng saserdote, kung mabuti o masama: ayon sa ihahalaga ng saserdote ay magiging gayon.

15 At kung tutubusin ng nagtalaga ang kaniyang bahay, ay magdadagdag nga ng ikalimang bahagi ng salapi na inihalaga mo roon, at magiging kaniya.

16 At kung ang sinoman ay magtatalaga sa Panginoon ng bahagi ng bukid na kaniyang pag-aari, ay ayon sa hasik doon ang iyong ihahalaga nga: ang hasik na isang omer na cebada ay hahalagahan ng limang pung siklong pilak.

17 Kung itatalaga niya ang kaniyang bukid mula sa taon ng jubileo, ay magiging ayon sa iyong inihalaga.

18 Datapuwa’t kung italaga niya ang kaniyang bukid pagkatapos ng jubileo, ay bibilangan sa kaniya ng saserdote ng salapi ayon sa mga taong natitira hanggang sa taon ng jubileo at bababaan ang iyong inihalaga.

19 At kung tutubusin ng nagtalaga ng bukid ay magdadagdag ng ikalimang bahagi ng salaping iyong inihalaga roon, at mapapasa kaniya.

20 At kung hindi niya tutubusin ang bukid, o kung ipinagbili niya ang bukid sa ibang tao ay hindi na niya matutubos:

21 Kundi ang bukid pagka naalis sa jubileo, ay magiging banal sa Panginoon, na parang bukid na itinalaga: ang kapangyarihan doon ay mapapasa saserdote.

22 At kung ang sinoman ay magtalaga sa Panginoon ng bukid na binili, na hindi sa bukid na kaniyang pag-aari;

23 Ay ibibilang nga sa kaniya ng saserdote ang halaga ng iyong inihalaga hanggang sa taon ng jubileo, at babayaran niya ang iyong inihalaga ng araw ding iyon, na parang banal na bagay sa Panginoon.

24 Sa taon ng jubileo ay mababalik ang bukid doon sa kaniyang binilhan, doon sa kinararapatan ng pag-aari ng lupa.

25 At ang buo mong ihahalaga ay magiging ayon sa siklo ng santuario: dalawang pung gera ang isang siklo.

26 Ang panganay lamang sa mga hayop na iniukol ang pagkapanganay sa Panginoon, ang hindi maitatalaga ninoman; maging baka o tupa, ay ukol sa Panginoon.

27 At kung hayop na karumaldumal, ay kaniyang tutubusin nga yaon sa iyong inihalaga at idadagdag pa niya ang ikalimang bahagi niyaon; o kung hindi tutubusin ay ipagbibili ayon sa iyong inihalaga.

28 Gayon ma’y walang bagay na itinalaga, na itatalaga ninoman sa Panginoon, sa lahat ng sariling kaniya, maging sa tao o sa hayop, o sa bukid na kaniyang pag-aari, ay maipagbibili o matutubos: bawa’t bagay na itinalaga ay kabanalbanalan sa Panginoon.

29 Walang itinalaga na itatalaga ng mga tao, ay matutubos: papataying walang pagsala.

30 At lahat na ikasangpung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punong kahoy ay sa Panginoon: magiging banal sa Panginoon.

31 At kung ang sinoman ay tutubos ng alin mang bahagi ng kaniyang ikasangpung bahagi ay idagdag niya roon ang ikalimang bahagi niyaon.

32 At lahat ng ikasangpung bahagi sa bakahan o sa kawan, anomang madaan sa tungkod, ay magiging banal sa Panginoon ang ikasangpung bahagi.

33 Huwag niyang sisiyasatin kung mabuti o masama, ni huwag niyang papalitan: at kung sa anomang paraan ay palitan niya, ay kapuwa magiging banal; hindi matutubos.

34 Ito ang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa bundok ng Sinai hinggil sa mga anak ni Israel.

Exodo 1

1 Ito nga ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na nagsipasok sa Egipto: (bawa’t lalake at ang kani-kaniyang sangbahayan ay sumama kay Jacob.)

2 Si Ruben, si Simeon, si Levi, at si Juda;

3 Si Issachar, si Zabulon at si Benjamin;

4 Si Dan at si Nephtali, si Gad at si Aser.

5 At lahat ng tao na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitong pung tao: at si Jose ay nasa Egipto na.

6 At namatay si Jose, at ang lahat niyang kapatid at ang buong lahing yaon.

7 At ang mga anak ni Israel ay lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila.

8 May bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose.

9 At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin:

10 Hayo’t tayo’y magpakadunong sa kanila; baka sila’y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain.

11 Kaya’t nangaglagay sila ng mga tagapagpaatag, upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila. At kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga bayan na kamaligan, na dili iba’t ang Phithom at Raamses.

12 Datapuwa’t habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel.

13 At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel:

14 At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sarisaring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan.

15 At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua:

16 At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalake, ay papatayin nga ninyo: datapuwa’t kung babae ay inyong bubuhayin.

17 Datapuwa’t ang mga hilot ay nangatakot sa Dios at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalake.

18 At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalake?

19 At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka’t ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka’t sila’y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila.

20 At ang Dios ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan.

21 At nangyari, na sapagka’t ang mga hilot ay natakot sa Dios, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan.

22 At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa’t lalake na ipanganak, at bawa’t babae ay ililigtas ninyong buhay.