Exodo 2

1 At isang lalake sa lipi ni Levi ay yumaon, at nagasawa sa isang anak na babae ng lipi ni Levi.

2 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake: at nang kaniyang makita na maganda, ay kaniyang itinagong tatlong buwan.

3 At nang hindi na niya maitatagong malaon ay ikinuha niya ng isang takbang yantok, at pinahiran niya ng betun at ng sahing; at kaniyang isinilid ang bata roon, at inilagay sa katalahiban sa tabi ng ilog.

4 At tumayo sa malayo ang kaniyang kapatid na babae, upang maalaman ang mangyayari sa bata.

5 At ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog; at nagsipaglakad ang kaniyang mga abay sa tabi ng ilog; at kaniyang nakita ang takba sa katalahiban, at ipinakuha sa kaniyang abay.

6 At kaniyang binuksan, at nakita niya ang bata: at narito, ang sanggol ay umiyak. At kaniyang kinaawaan at sinabi, Ito’y isa sa mga anak ng mga Hebreo.

7 Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang kapatid na babae sa anak ni Faraon, Yayaon ba ako at itatawag kita ng isang sisiwa sa mga babaing Hebrea, na makapagalaga sa iyo ng batang ito?

8 At sinabi sa kaniya ng anak ni Faraon, Yumaon ka. At ang dalaga ay yumaon, at tinawag ang ina ng bata.

9 At sinabi ng anak ni Faraon, sa kaniya, Dalhin mo ang batang ito, at alagaan mo sa akin, at bibigyan kita ng iyong kaupahan. At kinuha ng babae ang bata, at inalagaan.

10 At ang bata ay lumaki, at kaniyang dinala sa anak ni Faraon, at siya’y kaniyang inaring anak. At kaniyang pinanganlang Moises, at sinabi, Sapagka’t aking sinagip siya sa tubig.

11 At nangyari nang mga araw na yaon, ng malaki na si Moises, na kaniyang nilabas ang kaniyang mga kapatid, at minasdan ang atang sa kanila: at kaniyang nakita ang isang Egipcio, na nananakit ng isang Hebreo, na isa sa kaniyang mga kapatid.

12 At siya’y nagmasid sa magkabikabilang dako, at nang siya’y walang makitang tao, ay kaniyang pinatay ang Egipcio at kaniyang tinabunan sa buhanginan.

13 At siya’y lumabas ng ikalawang araw, at, narito, na may dalawang lalaking Hebreo, na nagbababag: at kaniyang sinabi roon sa umaapi, Bakit mo sinasaktan ang iyong kasama?

14 At sinabi niya, Sinong naglagay sa iyong pangulo at hukom sa amin? Iniisip mo bang patayin ako, na gaya ng pagpatay mo sa Egipcio? At natakot si Moises, at nagsabi, Tunay na ang bagay na yaon ay nahayag.

15 Nang mabalitaan nga ni Faraon ang bagay na ito, ay minithi niyang patayin si Moises. Datapuwa’t si Moises ay tumakas sa harapan ni Faraon, at tumahan sa lupain ng Madian: at siya’y umupo sa tabi ng isang balon.

16 Ang saserdote nga sa Madian ay may pitong anak na babae: at sila’y naparoon at umigib ng tubig, at kanilang pinuno ang mga inuman upang painumin ang kawan ng kanilang ama.

17 At ang mga pastor ay dumating, at sila’y pinalayas: datapuwa’t si Moises ay tumayo, at sila’y tinulungan, at pinainom ang kanilang kawan.

18 At nang sila’y dumating kay Raquel na kanilang ama, ay sinabi niya, Bakit kayo tumindig na madali ngayon?

19 At kanilang sinabi, Ipinagsanggalang kami ng isang Egipcio sa kamay ng mga pastor, at saka iniigib pa niya kami ng tubig, at pinainom ang kawan.

20 At kaniyang sinabi sa mga anak niya, At saan naroon siya? bakit ninyo iniwan ang lalaking yaon? tawagin ninyo siya upang makakain ng tinapay.

21 At si Moises ay natuwa na makisuno sa lalaking yaon: at kaniyang pinapag-asawa kay Moises si Zephora na kaniyang anak.

22 At nanganak ng isang lalake, at kaniyang pinanganlan ng Gersom; sapagka’t kaniyang sinabi, Ako’y nakipamayan sa ibang bayan.

23 At nangyari pagkaraan ng maraming araw na ang hari sa Egipto ay namatay; at ang mga anak ni Israel ay nagbuntong hininga dahil sa pagkaalipin, at sila’y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Dios dahil sa pagkaalipin.

24 At dininig ng Dios ang kanilang hibik, at naalaala ng Dios ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob,

25 At nilingap ng Dios ang mga anak ni Israel, at sila’y kinilala ng Dios.

Exodo 3

1 Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa bundok ng Dios, sa Horeb.

2 At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya’y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok.

3 At sinabi ni Moises, Ako’y liliko ngayon, at titingnan ko itong dakilang panoorin, kung bakit ang kahoy ay hindi natutupok.

4 At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako.

5 At sinabi, Huwag kang lumapit dito, hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka’t ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.

6 Bukod dito ay sinabi, Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; sapagka’t siya’y natakot na tumingin sa Dios.

7 At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka’t talastas ko ang kanilang kapanglawan.

8 At ako’y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila’y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.

9 At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio.

10 Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.

11 At sinabi ni Moises sa Dios, Sino ako, upang pumaroon kay Faraon, at upang ilabas sa Egipto ang mga anak ni Israel?

12 At kaniyang sinabi, Tunay na ako’y sasaiyo; at ito’y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito.

13 At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila?

14 At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.

15 At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi.

16 Yumaon ka at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, tunay na kayo’y aking dinalaw, at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Egipto.

17 At aking sinabi, Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Egipto at dadalhin ko kayo, sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

18 At kanilang didinggin ang iyong tinig: at ikaw ay paroroon, ikaw at ang mga matanda sa Israel, sa hari sa Egipto, at inyong sasabihin sa kaniya, Ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ay nakipagtagpo sa amin: at ngayo’y pahintulutan mo kami na maglakbay, na tatlong araw sa ilang, upang kami ay makapaghain sa Panginoon naming Dios.

19 At talastas ko, na hindi kayo pababayaang yumaon ng hari sa Egipto, kung hindi sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.

20 At aking iuunat ang aking kamay, at sasaktan ko ang Egipto ng aking buong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyaon at pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niya kayong yumaon.

21 At pagkakalooban ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Egipcio: ay mangyayari, na pagyaon ninyo, ay hindi kayo yayaong walang dala:

22 Kundi bawa’t babae ay hihingi sa kaniyang kapuwa, at sa tumatahan sa kaniyang bahay, ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto at mga damit: at inyong ipagsusuot sa inyong mga anak na lalake at babae; at inyong sasamsaman ang mga Egipcio.

Exodo 4

1 At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa’t, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka’t kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo.

2 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, Isang tungkod.

3 At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas.

4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay).

5 Upang sila’y maniwala, na ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo.

6 At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe.

7 At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman).

8 At mangyayari, na kung sila’y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda.

9 At mangyayari na kung sila’y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa.

10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako’y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka’t ako’y kimi sa pangungusap at umid sa dila.

11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Ngayon nga’y yumaon ka, at ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.

13 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, magsugo ka, isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong iyong susuguin.

14 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Moises, at kaniyang sinabi, Wala ba si Aarong kapatid mo na Levita? Nalalaman kong siya’y makapagsasalitang mabuti. At saka, narito, siya’y lumalabas upang salubungin ka; at pagkakita niya sa iyo, ay matutuwa sa kaniyang puso.

15 At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako’y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin.

16 At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya’y magiging sa iyo’y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya’y parang Dios.

17 At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda.

18 At si Moises ay yumaon, at bumalik kay Jethro na kaniyang biyanan, at nagsabi sa kaniya, Pahintulutan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at bumalik sa aking mga kapatid na nasa Egipto, at titingnan ko, kung sila’y nabubuhay pa. At sinabi ni Jethro kay Moises, Yumaon kang payapa.

19 At sinabi ng Panginoon kay Moises sa Madian, Yumaon ka, bumalik ka sa Egipto: sapagka’t namatay na ang lahat ng tao, na nagmimithi ng iyong buhay.

20 At ipinagsama ni Moises ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, at kaniyang ipinagsasakay sa isang asno, at siya’y bumalik sa lupain ng Egipto: at tinangnan ni Moises ang tungkod ng Dios sa kaniyang kamay.

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pagkabalik mo sa Egipto, iyong gawin nga sa harap ni Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking itiniwala sa iyong kamay: datapuwa’t aking papagmamatigasin ang kaniyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan.

22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay:

23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya’y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.

24 At nangyari sa daan, sa dakong panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon siya, at pinagsikapang patayin siya.

25 Nang magkagayo’y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik.

26 Sa gayo’y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo’y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli.

27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya’y pumaroon, at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan.

28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin.

29 At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel:

30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan.

31 At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.

Exodo 5

1 At pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay nagsipasok, at sinabi kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bayaan mong ang aking bayan ay yumaon upang ipagdiwang nila ako ng isang kapistahan sa ilang.

2 At sinabi ni Faraon, Sino ang Panginoon na aking pakikinggan ang kaniyang tinig, upang pahintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala ang Panginoon at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.

3 At kanilang sinabi, Ang Dios ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin; pahintulutan mo nga kaming maglakbay na tatlong araw sa ilang, at maghain sa Panginoon naming Dios, baka hulugan niya kami ng salot o ng tabak.

4 At sinabi sa kanila ng hari sa Egipto, Bakit kinakalagan ninyo, Moises at Aaron, ang bayan sa kanilang mga gawain? pumaroon kayo sa mga atang sa inyo.

5 At sinabi ni Faraon, Narito, ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapagpapahinga sila sa mga atang sa kanila.

6 At ng araw ring yaon ay nagutos si Faraon sa mga tagapagpaatag sa bayan at sa kanilang mga puno, na sinasabi,

7 Huwag na ninyong bibigyan ang bayan, ng dayami sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati: sila ang pumaroon at magtipon ng dayami sa ganang kanilang sarili.

8 At ang bilang ng mga laryo, na kanilang ginagawang dati ay siya rin ninyong iaatang sa kanila; wala kayong babawasin: sapagka’t sila’y mga pagayongayon; kaya’t sila’y dumadaing, na nagsasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa aming Dios.

9 Pabigatin ninyo ang gawain ng mga lalake upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pakitunguhan ang mga kabulaanang salita.

10 At ang mga tagapagpaatag sa bayan, ay nagsilabas, at kanilang sinalita sa bayan, na sinasabi, Ganito ang sabi ni Faraon, Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.

11 Yumaon kayo ng inyong sarili, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakuha: sapagka’t walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.

12 Kaya’t ang bayan ay nangalat sa buong lupain ng Egipto, na humahanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.

13 At hinihigpitan sila ng mga tagapagpaatag, na sinasabi, Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw, na gaya nang mayroong kayong dayami.

14 At ang mga pinuno sa mga anak ni Israel na ipinaglalagay sa kanila ng mga tagapagpaatag ni Faraon, ay nangapalo, at sa kanila’y sinabi, Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon, sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati?

15 Nang magkagayo’y ang mga pinuno sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, na nagsasabi, Bakit mo ginaganyan ang iyong mga alipin?

16 Walang anomang dayami, na ibinibigay sa iyong mga alipin, at kanilang sinasabi sa amin, Gumawa kayo ng laryo: at, narito, ang iyong mga alipin ay nangapapalo; nguni’t ang sala’y nasa iyong sariling bayan.

17 Datapuwa’t kaniyang sinabi, Kayo’y mga pagayongayon, kayo’y mga pagayongayon: kaya’t inyong sinasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa Panginoon.

18 Kayo nga’y yumaon ngayon at gumawa; sapagka’t walang anomang dayaming ibibigay sa inyo, at gayon ma’y inyong ibibigay ang bilang ng mga laryo.

19 At nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel, na sila’y nasa masamang kalagayan, nang sabihin, Walang mababawas na anoman sa inyong mga laryo sa inyong gawain sa araw-araw.

20 At kanilang nasalubong si Moises at si Aaron na nagsitayo sa daan, pagkapanggaling kay Faraon:

21 At sinabi nila sa kanila, Kayo nawa’y tunghan ng Panginoon, at hatulan; sapagka’t ang aming katayuan ay ginawa mong nakamumuhi sa mga mata ni Faraon, at sa mga mata ng kaniyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.

22 At si Moises ay bumalik sa Panginoon, at nagsabi, Panginoon, bakit mo ginawan ng kasamaan ang bayang ito? bakit mo sinugo ako?

23 Sapagka’t mula nang ako’y pumaroon kay Faraon na magsalita sa iyong pangalan, ay kaniyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito: at ni hindi mo man iniligtas ang iyong bayan.

Exodo 6

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo’y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka’t sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain.

2 At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako’y si Jehova.

3 At ako’y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni’t sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila.

4 At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan.

5 At bukod dito’y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan.

6 Kaya’t sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako’y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan:

7 At kayo’y aking aariin na pinakabayan ko at ako’y magiging sa inyo’y Dios, at inyong makikilala na ako’y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio.

8 At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako’y si Jehova.

9 At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa’t hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.

10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

11 Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.

12 At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako’y may mga labing di tuli?

13 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto.

14 Ito ang mga pangulo sa mga angkan ng kanilang mga magulang; ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi: ito ang mga angkan ni Ruben.

15 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zoar, at si Saul na anak sa isang babaing taga Canaan: ito ang mga angkan ni Simeon.

16 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang lahi; si Gerson, at si Coath, at si Merari; at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlong pu’t pitong taon.

17 Ang mga anak ni Gerson; si Libni at si Shimi, ayon sa kanikanilang angkan.

18 At ang mga anak ni Coath; si Amram, at si Izhar, at si Hebron, at si Uzziel; at ang mga naging taon ng buhay ni Coath ay isang daan at tatlong pu’t tatlong taon.

19 At ang mga anak ni Merari; si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang lahi.

20 At nagasawa si Amram kay Jochebed na kapatid na babae ng kaniyang ama, at ipinanganak nito sa kaniya si Aaron at si Moises: at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlong pu’t pitong taon.

21 At ang mga anak ni Izhar; si Cora, at si Nepheg, at si Zithri.

22 At ang mga anak ni Uzziel; si Misael, at si Elzaphan, at si Zithri.

23 At nagasawa si Aaron kay Elisabeth, na anak ni Aminadab, na kapatid ni Naason; at ipinanganak nito sa kaniya si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.

24 At ang mga anak ni Cora; si Assir, at si Elcana, at si Abiasaph; ito ang mga angkan ng mga Corita.

25 At si Eleazar na anak ni Aaron, ay nagasawa sa isa sa mga anak ni Phutiel; at ipinanganak niya si Phinees. Ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.

26 Ito’y yaong si Aaron at si Moises, na siyang pinagsabihan ng Panginoon. Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupaing Egipto ayon sa kanilang mga hukbo.

27 Ito ang mga nagsalita kay Faraon na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto: ang mga ito’y si Moises at si Aaron.

28 At nangyari ng araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Egipto,

29 Na sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, Ako nga ang Panginoon; salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, ang lahat ng aking sinasalita sa iyo.

30 At sinabi ni Moises sa harap ng Panginoon, Narito ako’y may mga labing di tuli, at paanong si Faraon ay makikinig sa akin?

Exodo 7

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Tingnan mo, ginawa kitang dios kay Faraon: at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.

2 Iyong sasalitaing lahat ang aking iniuutos sa iyo: at sasalitain kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang kaniyang pahintulutan ang mga anak ni Israel ay lumabas sa kaniyang lupain.

3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto.

4 Nguni’t si Faraon ay hindi makikinig sa inyo, at aking ipapatong sa Egipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupaing Egipto sa pamamagitan ng mga dakilang kahatulan.

5 At malalaman ng mga taga Egipto na ako ang Panginoon, pagka iniunat ko sa Egipto ang aking kamay, at pagka inilabas ko ang mga anak ni Israel sa gitna nila.

6 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanila, ay gayon ginawa nila.

7 At si Moises ay may walong pung taon gulang, at si Aaron ay may walong pu’t tatlong taong gulang nang sila’y magsalita kay Faraon.

8 At nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

9 Pagsasalita ni Faraon sa inyo, na sasabihin, Magpakita kayo ng isang kababalaghan sa ganang inyo; ay iyo ngang sasabihin kay Aaron: Kunin mo ang iyong tungkod, at ihagis mo sa harap ni Faraon, na magiging isang ahas.

10 At si Moises at si Aaron ay naparoon kay Faraon, at kanilang ginawang gayon gaya ng iniutos ng Panginoon, at inihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon at sa harap ng kaniyang mga lingkod at naging ahas.

11 Nang magkagayo’y tinawag naman ni Faraon ang mga marunong at ang mga manghuhula, at sila naman na mga mahiko sa Egipto, ay gumawa sa gayon ding paraan ng kanilang mga pag-enkanto.

12 Sapagka’t inihagis ng bawa’t isa ang kanikaniyang tungkod, at nangaging ahas: nguni’t nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.

13 At ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao’y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.

15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya’y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay.

16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila’y makapaglingkod sa akin sa ilang at, narito, hanggang ngayo’y hindi mo dininig.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog at magiging dugo.

18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog.

19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.

20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo.

21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto.

22 At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso.

24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka’t sila’y hindi makainom ng tubig sa ilog.

25 At naganap ang pitong araw, pagkatapos na masalot ng Panginoon ang ilog.

Exodo 8

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Tulutan mong yumaon ang aking bayan, upang ako’y mapaglingkuran nila.

2 At kung ayaw mo silang payaunin, ay narito, aking sasalutin ng mga palaka ang inyong buong lupain:

3 At ang ilog ay mapupuno ng mga palaka, na magsisiahon at magsisipasok sa iyong bahay, at sa iyong tulugan, at sa iyong higaan, at sa bahay ng iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa iyong mga hurno, at sa iyong mga masa ng tinapay.

4 At kapuwa aakyatin ng mga palaka ikaw at ang iyong bayan, at lahat ng iyong mga lingkod.

5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Iunat mo ang iyong kamay pati ng iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bangbang, at sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Egipto.

6 At iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay sa tubig sa Egipto; at ang mga palaka ay nagsiahon, at tinakpan ang lupain ng Egipto.

7 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon din sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Egipto.

8 Nang magkagayo’y tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Manalangin kayo sa Panginoon, na alisin ang mga palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila’y makapaghain sa Panginoon.

9 At sinabi ni Moises kay Faraon, Magkaroon ka ng kaluwalhatiang ito sa akin: anong oras isasamo kita, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan, upang ang mga palaka ay malipol sa iyo at sa iyong mga bahay, at mangatira na lamang sa ilog?

10 At kaniyang sinabi, Sa kinabukasan. At sinabi ni Moises, Mangyayari ayon sa iyong salita: upang iyong maalaman na walang gaya ng Panginoon naming Dios.

11 At ang mga palaka ay magsisialis sa iyo, at sa iyong bahay, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mangatitira na lamang sa ilog.

12 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ni Faraon: at si Moises ay dumaing sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kaniyang dinala kay Faraon.

13 At ginawa ng Panginoon ayon sa salita ni Moises, at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga parang.

14 At kanilang pinagpisan sa buntonbunton: at ang lupa ay bumaho.

15 Nguni’t nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kaniyang puso, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron: Iunat mo ang iyong tungkod, at paluin mo ang alabok ng lupa, upang maging mga kuto sa lupaing Egipto.

17 At kaniyang ginawang gayon; at iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay pati ng kaniyang tungkod, at pinalo ang alabok ng lupa, at nagkakuto sa tao at sa hayop; lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Egipto.

18 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, upang maglabas ng mga kuto, nguni’t hindi nila nagawa: at nagkakuto sa tao at sa hayop.

19 Nang magkagayo’y sinabi ng mga mahiko kay Faraon, Ito’y daliri ng Dios: at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

20 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon; narito, siya’y pasasa tubig, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Payaunin mo ang aking bayan upang sila’y makapaglingkod sa akin.

21 Saka kung hindi mo payayaunin ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulupulutong na langaw sa iyo, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa loob ng iyong mga bahay: at ang mga bahay ng mga Egipcio ay mapupuno ng pulupulutong na langaw, at gayon din ang lupa na kinaroroonan nila.

22 At aking ihihiwalay sa araw na yaon ang lupain ng Gosen, na kinatatahanan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulupulutong na langaw: ng iyong maalaman na ako ang Panginoon sa gitna ng lupa.

23 At aking paghihiwalayin ang aking bayan at ang iyong bayan: sa kinabukasan mangyayari ang tandang ito.

24 At ginawang gayon ng Panginoon, at nagsipasok ang mga makapal na pulupulutong na langaw sa bahay ni Faraon, at sa bahay ng kaniyang mga lingkod: at sa buong lupain ng Egipto ay nasisira ang lupa dahil sa mga pulupulutong na langaw.

25 At tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Yumaon kayo, maghain kayo sa inyong Dios sa lupain.

26 At sinabi ni Moises, Hindi marapat na aming gawing ganyan; sapagka’t aming ihahain ang mga kasuklamsuklam ng mga Egipcio, sa Panginoon naming Dios: narito, ihahain ba namin ang kasuklamsuklam ng mga Egipcio sa harap ng kanilang mga mata at di ba nila kami babatuhin?

27 Kami ay yayaong tatlong araw na maglalakbay sa ilang, at maghahain sa Panginoon naming Dios, ayon sa kaniyang iniutos sa amin.

28 At sinabi ni Faraon, Aking payayaunin kayo upang kayo’y makapaghain sa Panginoon ninyong Dios sa ilang; huwag lamang kayong pakakalayo: tuloy idaing ninyo ako.

29 At sinabi ni Moises, Narito iiwan kita, at aking idadalangin sa Panginoon, na ang mga pulupulutong na langaw ay magsialis bukas kay Faraon, sa kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang bayan: nguni’t huwag nang magdaya pa si Faraon, na huwag na di payaunin ang bayan, upang maghain sa Panginoon.

30 At iniwan ni Moises si Faraon, at nanalangin sa Panginoon.

31 At ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises; at inialis niya ang mga pulupulutong na langaw kay Faraon, sa kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang bayan; na walang natira kahit isa.

32 At pinapagmatigas ding muli ni Faraon ang kaniyang puso at hindi pinayaon ang bayan.

Exodo 9

1 Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako’y mapaglingkuran nila.

2 Sapagka’t kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila’y pipigilin mo pa,

3 Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot.

4 At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel.

5 At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.

6 At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni’t sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.

7 At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni’t ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan.

8 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.

9 At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at magiging bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto.

10 At sila’y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.

11 At ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka’t nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio.

12 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises.

13 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako’y mapaglingkuran nila.

14 Sapagka’t ngayo’y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa.

15 Sapagka’t ngayo’y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa:

16 Datapuwa’t totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa.

17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin?

18 Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma’y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon.

19 Ngayon nga’y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka’t bawa’t tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay.

20 Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay:

21 At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang.

22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa’t halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto.

23 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; at ang Panginoo’y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo’y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.

24 Sa gayo’y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma’y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.

25 At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.

26 Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.

27 At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, Ako’y nagkasala ngayon: ang Panginoo’y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.

28 Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka’t nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo’y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.

29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa’y sa Panginoon.

30 Nguni’t tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.

31 At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka’t ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na.

32 Datapuwa’t ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka’t hindi pa tumutubo.

33 At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa.

34 At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, siya at ang kaniyang mga lingkod.

35 At ang puso ni Farao’y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Exodo 10

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises: Pasukin mo si Faraon, sapagka’t aking pinapagmatigas ang kaniyang puso, at ang puso ng kaniyang mga lingkod; upang aking maipakilala itong aking mga tanda sa gitna nila:

2 At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon.

3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako’y mapaglingkuran nila.

4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong hangganan:

5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa’t kahoy na itinutubo sa inyo ng parang:

6 At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila’y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya’y pumihit at nilisan si Faraon.

7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila’y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto’y giba na?

8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, Kayo’y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa’t sino sino yaong magsisiyaon?

9 At sinabi ni Moises: Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalake at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga bakahan, kami ay yayaon; sapagka’t kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon.

10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka’t ang kasamaan ay nasa harap ninyo.

11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka’t iyan ang inyong ninanasa. At sila’y pinaalis sa harap ni Faraon.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo.

13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo’y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang.

14 At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.

15 Sapagka’t tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa’t ang lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto.

16 Nang magkagayo’y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, Ako’y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo.

17 Ngayon nga’y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kaniya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito.

18 At nilisan niya si Faraon, at nanalangin sa Panginoon.

19 At pinapagbalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging kalunuran, na siyang nagpaitaas sa mga balang, at tumangay ng mga yaon sa Dagat na Mapula; walang natira kahit isang balang sa buong hangganan ng Egipto.

20 Datapuwa’t pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel.

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magdilim sa lupain ng Egipto, ng kadiliman na mahihipo.

22 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dakong langit; at nagsalimuutan ang dilim sa buong lupain ng Egipto, na tatlong araw;

23 Sila’y hindi nagkikita, at walang tumindig na sinoman sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw; kundi lahat ng mga anak ni Israel ay nagilaw sa kanikaniyang tahanan.

24 At tinawag ni Faraon si Moises, at sinabi, Yumaon kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; inyo lamang iwan ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan; isama rin naman ninyo ang inyong mga bata.

25 At sinabi ni Moises, ikaw ay nararapat ding magbigay sa aming kamay ng mga hain at mga handog na susunugin, upang aming maihain sa Panginoon naming Dios.

26 Ang aming hayop man ay yayaong kasama namin; wala kahit isang paa na maiiwan; sapagka’t sa kanila kami nararapat kumuha ng aming ipaglilingkod sa Panginoon naming Dios; at hindi namin nalalaman kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.

27 Datapuwa’t pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon sila.

28 At sinabi ni Faraon sa kaniya, Umalis ka sa harap ko, iyong pagingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagka’t sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.

29 At sinabi ni Moises, Mabuti ang sabi mo, hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.

Exodo 11

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, May isang salot pa akong dadalhin kay Faraon at sa Egipto; pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niyang kayo’y umalis dito: pagpapahintulot niya sa inyong yumaon, ay tunay na kayo’y samasamang palalayasin niya rito.

2 Magsalita ka ngayon sa pakinig ng bayan, at humingi ang bawa’t lalake sa kaniyang kapuwa, at bawa’t babae sa kaniyang kapuwa, ng mga hiyas na pilak, at ng mga hiyas na ginto.

3 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan, sa paningin ng mga Egipcio. Saka si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan.

4 At sinabi ni Moises, Ganito ang sinasabi ng Panginoon, Sa may hating gabi ay lalabas ako sa gitna ng Egipto:

5 At lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop.

6 At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Egipto, na hindi nagkaroon ng kaparis, at hindi na magkakaroon pa ng kaparis.

7 Datapuwa’t sa lahat ng anak ng Israel mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang maggagalaw kahit isang aso ng kaniyang dila laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Egipcio at sa Israel.

8 At bababain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako. At siya’y umalis sa harap ni Faraon na may maalab na galit.

9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hindi kayo didinggin ni Faraon: upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Egipto.

10 At ginawa ni Moises at ni Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ni Faraon: at pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel ay umalis sa kaniyang lupain.