Exodo 12

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

2 Ang buwang ito’y magiging sa inyo’y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo.

3 Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa’t lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa’t sangbahayan:

4 At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa’t tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero.

5 Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing:

6 At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw.

7 At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.

8 At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay.

9 Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob.

10 At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.

11 At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon.

12 Sapagka’t ako’y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon.

13 At ang dugo ay magiging sa inyo’y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto.

14 At ang araw na ito’y magiging sa inyo’y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man.

15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka’t sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon.

16 At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa’t tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo.

17 At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka’t sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya’t inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man.

18 Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu’t isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.

19 Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka’t sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain.

20 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

21 Nang magkagayo’y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo’y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua.

22 At kayo’y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.

23 Sapagka’t ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo.

24 At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man.

25 At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.

26 At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

27 Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

28 At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila.

29 At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop.

30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka’t walang bahay na di mayroong isang patay.

31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo’y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo’y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi.

32 Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo’y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako.

33 At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka’t kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na.

34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat.

35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila’y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit:

36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa’t ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio.

37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata.

38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop.

39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka’t hindi pa humihilab, sapagka’t sila’y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain.

40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon.

41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto.

42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi.

43 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon:

44 Datapuwa’t ang alipin ng bawa’t lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya’y makakakain nga niyaon.

45 Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon.

46 Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon.

47 Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel.

48 At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya’y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa’t sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon.

49 Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo.

50 Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa.

51 At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.

Exodo 13

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Pakabanalin mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anomang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel: maging sa tao at maging sa hayop ay akin.

3 At sinabi ni Moises sa bayan, Alalahanin ninyo ang araw na ito na inialis ninyo sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagka’t sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay hinango kayo ng Panginoon sa dakong ito, wala sinomang kakain ng tinapay na may lebadura.

4 Sa araw na ito ay umaalis kayo ng buwan ng Abib.

5 At mangyayari, na pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Hebreo, at ng Jebuseo, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, na ibibigay sa iyo, na lupang binubukalan ng gatas at pulot ay iyong ipangingilin ang paglilingkod na ito sa buwang ito.

6 Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, at sa ikapitong araw ay magiging isang kapistahan sa Panginoon.

7 Tinapay na walang lebadura ang kakanin sa loob ng pitong araw, at huwag makakakita sa iyo, ng tinapay na may lebadura, ni makakakita ng lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan.

8 At sasaysayin mo sa iyong anak sa araw na yaon, na iyong sasabihin: Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako’y umalis sa Egipto.

9 At sa iyo’y magiging pinakatanda sa ibabaw ng iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig: sapagka’t sa pamamagitan ng malakas na kamay, ay inalis ka ng Panginoon sa Egipto.

10 Isasagawa mo nga ang palatuntunang ito sa kapanahunan nito taon taon.

11 At mangyayari, pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng isinumpa sa iyo at sa iyong mga magulang, at pagkabigay niyaon sa iyo,

12 Ay ihihiwalay mo para sa Panginoon yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata, at bawa’t panganay na mayroon ka na mula sa hayop; ang mga lalake, ay sa Panginoon.

13 At bawa’t panganay sa asno ay tutubusin mo ng isang kordero; at kung hindi mo tutubusin, ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg: at lahat ng mga panganay na lalake sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.

14 At mangyayari, na pagtatanong sa iyo ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, Ano ito? na iyong sasabihin sa kaniya: Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

15 At nangyari, nang magmatigas si Faraon na hindi kami tulutang yumaon, ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ang panganay ng tao at gayon din ang panganay ng hayop: kaya’t aking inihahain sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata na mga lalake; nguni’t lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.

16 At magiging pinakatanda sa iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata: sapagka’t sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto.

17 At nangyari, nang tulutan ni Faraon na ang bayan ay yumaon, na hindi sila pinatnubayan ng Dios sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit; sapagka’t sinabi ng Dios, Baka sakaling ang bayan ay magsisi pagkakita ng pagbabaka, at magsipagbalik sa Egipto:

18 Kundi pinatnubayan ng Dios ang bayan sa palibot, sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Mapula: at ang mga anak ni Israel ay sumampang nangakasakbat mula sa lupain ng Egipto.

19 At dinala ni Moises ang mga buto ni Jose: sapagka’t kaniyang ipinanumpang mahigpit sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios; at inyong isasampa ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.

20 At sila’y naglakbay mula sa Succoth, at humantong sa Etham, sa hangganan ng ilang.

21 At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila’y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.

Exodo 14

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila’y bumalik at humantong sa tapat ng Pi-hahiroth, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat.

3 At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila’y naliligid ng ilang.

4 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila at kayo’y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon.

5 At nasabi sa hari sa Egipto, na ang bayan ay tumakas: at ang puso ni Faraon at ng kaniyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa bayan, at kanilang sinabi, Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?

6 At inihanda ni Faraon ang kaniyang karro, at kaniyang ipinagsama ang kaniyang bayan:

7 At siya’y nagdala ng anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Egipto, at ng mga kapitan na namumuno sa lahat ng mga yaon.

8 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon na hari sa Egipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, sapagka’t ang mga anak ni Israel ay nagsialis na may lubos na pagkakatiwala.

9 At hinabol sila ng mga Egipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karro ni Faraon, at ng kaniyang mga taong mangangabayo, at ng kaniyang hukbo, at inabutan sila noong nakahantong sa tabi ng dagat, na nasa siping ng Pi-hahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila’y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon.

11 At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto?

12 Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka’t lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang.

13 At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka’t ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man.

14 Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo’y tatahimik.

15 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila’y magpatuloy na yumaon.

16 At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.

17 At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako’y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.

18 At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.

19 At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila:

20 At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma’y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa’t isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.

21 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat; at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan ng buong magdamag, at ang dagat ay pinapaging tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 At ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang kuta sa kanila, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa.

23 At hinabol sila ng mga Egipcio, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karro, at ang kaniyang mga nangangabayo.

24 At nangyari, sa pagbabantay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Egipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Egipcio.

25 At inalisan ng gulong ang kanilang mga karro, na kanilang hinila ng buong hirap: na ano pa’t sinabi ng mga Egipcio, Tumakas tayo sa harap ng Israel: sapagka’t ipinakikipaglaban sila ng Panginoon sa mga Egipcio.

26 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Egipcio, sa kanilang mga karro, at sa kanilang mga nangangabayo.

27 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat, at ang dagat ay nagsauli sa kaniyang dating lakas, nang umumaga; at ang mga Egipcio ay nagsitakas, at nilaginlin ng Panginoon ang mga Egipcio sa gitna ng dagat.

28 At ang tubig ay nagsauli, at tinakpan ang mga karro, at ang mga nangangabayo, sa makatuwid baga’y ang buong hukbo ni Faraon na pumasok na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Datapuwa’t ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig sa kanila ay naging isang kuta sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel ng araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio; at nakita ng Israel ang mga Egipcio na mga patay sa tabi ng dagat.

31 At nakita ng Israel ang dakilang gawa, na ginawa ng Panginoon sa mga Egipcio, at ang bayan ay natakot sa Panginoon: at sila’y sumampalataya sa Panginoon at sa kaniyang lingkod na kay Moises.

Exodo 15

1 Nang magkagayo’y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako’y aawit sa Panginoon, sapagka’t siya’y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.

2 Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya’y naging aking kaligtasan: Ito’y aking Dios, at siya’y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya’y aking tatanghalin.

3 Ang Panginoo’y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan.

4 Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.

5 Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila’y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato.

6 Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.

7 At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami.

8 At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.

9 Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.

10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila’y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.

11 Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?

12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa.

13 Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan.

14 Narinig ng mga bayan; at sila’y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia.

15 Nang magkagayo’y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos.

16 Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan.

17 Sila’y iyong papapasukin, at sila’y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.

18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.

19 Sapagka’t ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa’t lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 At sila’y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka’t siya’y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.

22 At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila’y lumabas sa ilang ng Shur; at sila’y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig.

23 At nang sila’y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka’t mapait: kaya’t ang pangalang itinawag ay Mara.

24 At inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin?

25 At siya’y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya;

26 At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.

27 At sila’y dumating sa Elim, na doo’y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila’y humantong doon sa tabi ng mga tubig.

Exodo 16

1 At sila’y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabing limang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila’y makaalis sa lupain ng Egipto.

2 At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang:

3 At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka’t kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito.

4 Nang magkagayo’y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo’y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa’t araw; upang aking masubok sila, kung sila’y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi.

5 At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila’y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw.

6 At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.

7 At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka’t kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala?

8 At sinabi ni Moises, Ito’y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka’t naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.

9 At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka’t kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala.

10 At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila’y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.

11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

13 At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog.

14 At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.

15 At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka’t hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.

16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Pumulot ang bawa’t tao ayon sa kaniyang kain; isang omer sa bawa’t ulo, ayon sa bilang ng inyong mga tao, ang kukunin ng bawa’t tao para sa mga nasa kaniyang tolda.

17 At gayon ginawa ng mga anak ni Israel, at may namulot ng marami, at may kaunti.

18 At nang timbangin sa omer, ang namulot ng marami ay walang higit, at ang namulot ng kaunti ay hindi nagkulang; bawa’t tao ay pumulot ng ayon sa kaniyang kain.

19 At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga.

20 Gayon ma’y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho; at naginit sa kanila si Moises.

21 At sila’y namumulot tuwing umaga, bawa’t tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw.

22 At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa’t isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises.

23 At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.

24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod.

25 At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka’t ngayo’y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo’y hindi kayo makakasumpong sa parang.

26 Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa’t sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.

27 At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan.

28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?

29 Tingnan ninyo, na sapagka’t ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya’t kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa’t tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.

30 Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.

31 At yao’y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot.

32 At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo’y aking ilabas sa lupain ng Egipto.

33 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi.

34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng Patotoo upang ingatan.

35 At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila’y dumating sa lupaing tinatahanan; sila’y kumain ng mana hanggang sa sila’y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.

36 Ang isang omer nga ay ikasangpung bahagi ng isang efa.

Exodo 17

1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan.

2 Kaya’t ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? bakit ninyo tinutukso ang Panginoon?

3 At ang bayan ay nauhaw at inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan?

4 At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang batuhin nila ako.

5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka.

6 Narito, ako’y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel.

7 At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba’y nasa gitna natin o wala?

8 Nang magkagayo’y dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim.

9 At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang tungkod ng Dios sa aking kamay.

10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol.

11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec.

12 Datapuwa’t ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila’y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa’y sa isang dako, at ang isa’y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit.

15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi.

16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.

Exodo 18

1 Si Jethro nga, saserdote sa Madian, biyanan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Dios kay Moises, at sa Israel na kaniyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Egipto.

2 At ipinagsama ni Jethro, na biyanan ni Moises, si Sephora na asawa ni Moises, pagkatapos na kaniyang maipadala sa kanilang ama,

3 At ang dalawa niyang anak na lalake: na ang pangalan ng isa’y Gersom; sapagka’t sinabi ni Moises, Ako’y nakipamayan sa ibang bayan.

4 At ang pangalan ng isa’y Elieser; sapagka’t kaniyang sinabi, Ang Dios ng aking ama’y naging aking saklolo, at ako’y iniligtas sa tabak ni Faraon;

5 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay dumating, na kasama ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa, kay Moises sa ilang na kaniyang hinantungan sa tabi ng bundok ng Dios:

6 At kaniyang ipinasabi kay Moises, Akong iyong biyanang si Jethro ay naparito sa iyo, at ang iyong asawa, at ang kaniyang dalawang anak na kasama niya.

7 At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran at hinalikan. At sila’y nagtanungang isa’t isa ng kanilang kalagayan; at sila’y pumasok sa tolda.

8 At isinaysay ni Moises sa kaniyang biyanan ang lahat ng ginawa ng Panginoon kay Faraon at sa mga Egipcio dahil sa Israel, ang buong hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas ng Panginoon sila.

9 At ikinagalak ni Jethro ang buong kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Egipcio.

10 At sinabi ni Jethro, Purihin ang Panginoon, na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Egipcio, at sa kamay ni Faraon; na siyang nagligtas sa bayan sa kamay ng mga Egipcio.

11 Ngayo’y aking natatalastas na ang Panginoon ay lalong dakila kay sa lahat ng mga dios: oo, sa bagay na ipinagpalalo ng mga Egipcio laban sa mga Hebreo.

12 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay kumuha ng handog na susunugin at mga hain para sa Dios: at si Aaron ay naparoon, at ang lahat ng mga matanda sa Israel, upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyanan ni Moises sa harap ng Dios.

13 At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon.

14 At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?

15 At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, Sapagka’t ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios.

16 Pagka sila’y may usap ay lumapit sa akin; at aking hinahatulang isa’t isa, at aking ipinakikilala sa kanila ang mga palatuntunan ng Dios, at ang kaniyang mga kautusan.

17 At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti.

18 Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagka’t ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; hindi mo makakayang magisa.

19 Dinggin mo ngayon ang aking tinig; papayuhan kita, at sumaiyo nawa ang Dios: ikaw ang maging tagapagakay sa bayan sa harap ng Dios, at dalhin mo ang mga usap sa Dios:

20 At ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.

21 Bukod dito’y hahanap ka sa buong bayan ng mga taong bihasa, gaya ng matatakutin sa Dios, na mga taong mapagpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang mga ilagay mo sa kanila, na magpuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, magpuno sa mga lilimangpuin, at magpuno sa mga sasangpuin:

22 At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: at mangyayari, na bawa’t malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa’t bawa’t munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, at magpapasan silang katulong mo.

23 Kung gagawin mo ang bagay na ito, at iuutos sa iyong ganyan ng Dios ay iyo ngang mababata, at ang buong bayan namang ito ay uuwing payapa.

24 Sa gayon, ay dininig ni Moises ang kaniyang biyanan, at ginawang lahat yaong sinabi.

25 At pumili si Moises ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pangulo sa bayan, na mga puno ng lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng lilimangpuin, at mga puno ng sasangpuin.

26 At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na usap ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwa’t bawa’t munting usap ay silasila ang naghahatulan.

27 At tinulutan ni Moises ang kaniyang biyanan na magpaalam at siya’y umuwi sa sariling lupain.

Exodo 19

1 Sa ikatlong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Egipto, ay dumating sila ng araw ding yaon sa ilang ng Sinai.

2 At nang sila’y umalis sa Rephidim, at dumating sa ilang ng Sinai, ay humantong sila sa ilang; at doo’y humantong ang Israel sa harap ng bundok.

3 At si Moises ay lumapit sa Dios, at tinawag ng Panginoon siya mula sa bundok, na sinasabi, Ganito mo sasabihin sa sangbahayan ni Jacob, at sasaysayin sa mga anak ni Israel.

4 Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Egipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo’y inilapit ko sa akin din.

5 Kaya’t ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig, at iingatan ang aking tipan, ay magiging isang tanging kayamanan nga kayo sa akin, na higit sa lahat ng bayan: sapagka’t ang buong lupa ay akin;

6 At kayo’y magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin, at isang banal na bansa. Ito ang mga salita na inyong sasalitaan sa mga anak ni Israel.

7 At dumating si Moises at tinawag ang mga matanda sa bayan, at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kaniya.

8 At ang buong bayan ay sumagot na magkakaisa, at nagsabi, Yaong lahat na sinalita ng Panginoon ay aming gagawin. At ipinagbigay alam ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito ako’y naparirito sa iyo sa isang salimuot na ulap upang marinig ng bayan pagka ako’y magsasalita sa iyo, at paniwalaan ka rin naman nila magpakailan man. At sinalita ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pumaroon ka sa bayan at papagbanalin mo sila ngayon at bukas at labhan nila ang kanilang mga damit,

11 At humanda sa ikatlong araw: sapagka’t sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.

12 At lalagyan mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, na iyong sasabihin, Magingat kayo, na kayo’y huwag sumampa sa bundok, o sumalang sa hangganan: sinomang sumalang sa bundok ay papatayin na walang pagsala:

13 Walang kamay na hihipo sa kaniya, kundi, siya’y tunay na babatuhin, o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay: pagka ang pakakak ay tumunog ng maluwat ay sasampa sila sa bundok.

14 At bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinakabanal ang bayan, at sila’y naglaba ng kanilang mga damit.

15 At kaniyang sinabi sa bayan, humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong sumiping sa babae.

16 At nangyari ng ikatlong araw, ng umaga, na kumulog at kumidlat, at may isang salimuot na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng pakakak ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampamento ay nanginig.

17 At inilabas ni Moises ang bayan sa kampamento upang salubungin ang Dios; at sila’y tumayo sa paanan ng bundok.

18 At ang buong bundok ng Sinai ay umuusok, sapagka’t ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyaon na nasa apoy: at ang usok niyaon ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno, at ang buong bundok ay umuugang mainam.

19 At nang lumalakas ng lumalakas ang tunog ng pakakak ay nagsasalita si Moises, at sinasagot siya ng Dios sa pamamagitan ng tinig.

20 At ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay sumampa.

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumaba ka, pagbilinan mo ang bayan, baka sila’y lumagpas upang makita ang Panginoon, at mamatay ang karamihan sa kanila.

22 At gayon din ang mga saserdote, na lumalapit sa Panginoon ay papagbanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.

23 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Ang baya’y hindi makasasampa sa bundok ng Sinai: sapagka’t iyong pinagbilinan kami, na iyong sinabi, lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal.

24 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Yumaon ka, bumaba ka; at ikaw ay sasampa, ikaw at si Aaron na iyong kasama: nguni’t ang mga saserdote at ang bayan ay huwag lumampas sa mga hangganan upang lumapit sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.

25 Sa gayo’y bumaba si Moises sa bayan at isinaysay sa kanila.

Exodo 20

1 At sinalita ng Dios ang lahat ng salitang ito, na sinasabi,

2 Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

3 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.

4 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

5 Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;

6 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

7 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

8 Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin.

9 Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.

10 Nguni’t ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:

11 Sapagka’t sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal.

12 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

13 Huwag kang papatay.

14 Huwag kang mangangalunya.

15 Huwag kang magnanakaw.

16 Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa.

17 Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

18 At nakikita ng buong bayan ang mga kulog, at ang mga kidlat, at ang tunog ng pakakak at ang bundok na umuusok: at nang makita ng bayan, ay nanginig sila, at tumayo sa malayo.

19 At sinabi nila kay Moises, Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: datapuwa’t huwag magsalita ang Dios sa amin, baka kami ay mamatay.

20 At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot: sapagka’t ang Dios ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kaniya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.

21 At ang bayan ay tumayo sa malayo, at si Moises ay lumapit sa salimuot na kadiliman na kinaroroonan ng Dios.

22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ganito mo sasabihin sa mga anak ni Israel: Kayo ang nakakita na ako’y nakipagusap sa inyo mula sa langit.

23 Huwag kayong gagawa ng ibang mga dios na iaagapay sa akin; ng mga dios na pilak, o ng mga dios na ginto, huwag kayong gagawa para sa inyo.

24 Isang dambanang lupa ang inyong gagawin sa akin, at inyong ihahain doon ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan, ang inyong mga tupa, at ang inyong mga baka sa lahat ng dakong aking ipaaalaala ang aking pangalan, ay paparoonan kita at pagpapalain kita.

25 At kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato, ay huwag mong itatayong may tapyas: sapagka’t kung iyong gamitin ang iyong patalim doon, ay iyong nilapastangan yaon.

26 Ni huwag kang sasampa sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang inyong kahubaran ay huwag malitaw sa ibabaw niyaon.

Exodo 21

1 Ito nga ang mga hatol na igagawad mo sa harap nila.

2 Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad.

3 Kung siya’y pumasok na magisa, ay aalis na mag-isa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya.

4 Kung siya’y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya’y aalis na magisa.

5 Datapuwa’t kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako’y hindi aalis na laya:

6 Kung magkagayo’y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man.

7 At kung ipagbili ng isang lalake ang kaniyang anak na babae na maging alipin, ay hindi siya aalis na gaya ng pagalis ng mga aliping lalake.

8 Kung siya’y hindi makapagpalugod sa kaniyang panginoon, na umayaw magasawa sa kaniya, ay ipatutubos nga niya siya: walang kapangyarihang ipagbili siya sa isang taga ibang lupa, yamang siya’y nadaya.

9 At kung pinapag-asawa ng bumili sa kaniyang anak na lalake, ay kaniyang ipalalagay siya ng ayon sa kaugalian sa mga anak na babae.

10 Kung siya’y magasawa sa iba, ang kaniyang pagkain, ang kaniyang damit at ang kaniyang kapangyarihang pagkaasawa ay hindi niya babawasan.

11 At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi.

12 Ang sumakit sa isang tao, na ano pa’t mamatay ay papataying walang pagsala.

13 At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan.

14 At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin.

15 At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.

16 At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala.

17 At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.

18 At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig:

19 Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi.

20 At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala.

21 Gayon ma’y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka’t siya’y kaniyang salapi.

22 At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa’t makunan, at gayon ma’y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya’y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.

23 Datapuwa’t kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay,

24 Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa,

25 Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog.

26 At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata.

27 At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin.

28 At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa’t mamatay, ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama’y hindi kakanin; datapuwa’t ang may-ari ng baka ay maliligtas.

29 Datapuwa’t kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa may-ari at hindi niya kinulong, na ano pa’t makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin.

30 Kung siya’y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya.

31 Maging manuwag sa isang anak na lalake o babae man, ay gagawin sa kaniya ayon sa kahatulang ito.

32 Kung ang baka ay manuwag sa isang aliping lalake o babae, ay magbabayad ang may-ari ng tatlong pung siklong pilak sa kanilang panginoon, at ang baka ay babatuhin.

33 At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob,

34 Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya.

35 At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa’t mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila.

36 O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili.