Exodo 22

1 Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa.

2 Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa’t namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay.

3 Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya’y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya’y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw.

4 Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo.

5 Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya.

6 Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa’t ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy.

7 Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo.

8 Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa.

9 Sapagka’t lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa.

10 Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman:

11 Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya’y hindi magsasauli.

12 Datapuwa’t kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon.

13 Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa.

14 At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya’y magsasauli.

15 Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan.

16 At kung dayain ng isang lalake ang isang dalaga, na hindi pa niya nagiging asawa at kaniyang sipingan, ay tunay na kaniyang ipagbabayad ng bigay-kaya upang maging asawa niya.

17 Kung itangging mainam ng kaniyang ama na ibigay sa kaniya, ay magbabayad siya ng salapi, ayon sa bigay-kaya sa mga dalaga.

18 Huwag mong babatahing mabuhay ang isang babaing manggagaway.

19 Sinomang makiapid sa isang hayop ay papataying walang pagsala.

20 Yaong maghain sa anomang dios, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na papatayin.

21 At ang taga ibang lupa ay huwag mong aapihin, o pipighatiin man; sapagka’t kayo’y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto.

22 Huwag mong papagdadalamhatiin ang sinomang babaing bao, o ulila.

23 Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan, at sila’y dumaing sa akin, ay walang pagsala, na aking didinggin ang kanilang daing;

24 At ang aking pagiinit ay magaalab, at aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga bao, at ang inyong mga anak ay mga ulila.

25 Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kaniya ni hihingan mo man siya ng tubo.

26 Kung iyong tanggapin sa anoman ang damit ng iyong kapuwa na pinakasangla, ay iyong isasauli sa kaniya bago lumubog ang araw;

27 Sapagka’t iyan ang kaniya lamang pangbihis, siyang kaniyang pangdamit sa kaniyang balat: ano ngang kaniyang ipangtutulog? at mangyayari, na pagka siya’y dumaing sa akin, ay aking didinggin; sapagka’t ako’y mapagbiyaya.

28 Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni susumpain man ang pinuno sa iyong bayan.

29 Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani, at ng tulo ng iyong mga pigaan. Ang panganay sa iyong mga anak na lalake ay ibibigay mo sa akin.

30 Gayon din ang gagawin mo sa iyong mga baka, at sa iyong mga tupa: pitong araw na mapapa sa kaniyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo sa akin.

31 At kayo’y magpapakabanal na tao sa akin: na ano pa’t huwag kayong kakain ng anomang laman, na nalapa ng ganid sa parang; inyong ihahagis sa mga asno.

Exodo 23

1 Huwag kang magkakalat ng kasinungalingan: huwag kang makikipagkayari sa masama, na maging saksi kang sinungaling.

2 Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama; ni magbibigay patotoo man sa isang usap, na ang kiling ay sa karamihan upang sirain ang kahatulan:

3 Ni huwag mo ring kikilingan ang dukha sa kaniyang usap.

4 Kung iyong masumpungan ang baka ng iyong kaalit o ang kaniyang asno, na nakawala, ay tunay na ibabalik mo sa kaniya.

5 Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo, na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, at ayaw mo mang alisan ng pasan, ay walang pagsalang iyong tutulungan pati ng may-ari niyaon.

6 Huwag mong sisirain ang kahatulan ng iyong dukha, sa kaniyang usap.

7 Layuan mo ang bagay na kasinungalingan, at ang walang sala at ang matuwid, ay huwag mong papatayin: sapagka’t hindi ko patototohanan ang masama.

8 At huwag kang tatanggap ng suhol: sapagka’t ang suhol ay bumubulag sa mga may paningin, at sinisira ang mga salita ng mga banal.

9 At ang taga ibang lupa ay huwag mong pipighatiin sapagka’t talastas ninyo ang puso ng taga ibang lupa, yamang kayo’y naging mga taga ibang lupa, sa lupain ng Egipto.

10 Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyaon:

11 Datapuwa’t sa ikapitong taon ay iyong iiwan at babayaan, upang kumain ang dukha sa iyong bayan: at ang kanilang iwan ay kakanin ng hayop sa bukid. Gayon din ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong olibohan.

12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga.

13 At lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo ay inyong ingatan: at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang dios, o marinig man sa inyong bibig.

14 Makaitlong magdidiwang ka ng pista sa akin, sa bawa’t taon.

15 Ang pista ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipagdidiwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib (sapagka’t niyaon ka umalis sa Egipto); at walang lalapit sa harap ko na walang dala:

16 At ang pista ng pagaani ng mga unang bunga ng iyong kapagalan, na iyong inihasik sa bukid: at ang pista ng pagaani, sa katapusan ng taon, nang pagaani mo ng iyong kapagalan sa bukid.

17 Makaitlo sa bawa’t taon na ang lahat na iyong mga lalake ay haharap sa Panginoong Dios.

18 Huwag mong ihahandog ang dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o iiwan mo man ang taba ng aking pista sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan.

19 Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong ipapasok sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.

20 Narito, aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda sa iyo.

21 Magingat kayo sa kaniya, at dinggin ninyo ang kaniyang tinig; huwag ninyong mungkahiin siya: sapagka’t hindi niya patatawarin ang inyong pagsalangsang; sapagka’t ang aking pangalan ay nasa kaniya.

22 Datapuwa’t kung didinggin mong lubos ang kaniyang tinig, at gagawin mo ang lahat ng aking sinasalita; ay magiging kaaway nga ako ng iyong mga kaaway, kaalit ng iyong mga kaalit.

23 Sapagka’t ang aking anghel ay magpapauna sa iyo at dadalhin ka sa Amorrheo, at sa Hetheo at sa Perezeo, at sa Cananeo, at sa Heveo, at sa Jebuseo, at aking lilipulin.

24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga dios, o maglilingkod man sa mga yaon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong iwawaksi at iyong pagpuputulputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala.

25 At inyong paglilingkuran ang Panginoon ninyong Dios, at kaniyang babasbasan ang iyong tinapay at ang iyong tubig; at aking aalisin ang sakit sa gitna mo.

26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man, sa iyong lupain: ang bilang ng iyong mga araw ay aking lulubusin.

27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at aking liligaligin ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.

28 At aking susuguin ang mga putakti sa unahan mo, na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo at sa Hetheo, sa harap mo.

29 Hindi ko palalayasin sila sa harap mo sa isang taon; baka ang lupa’y maging ilang, at ang mga ganid sa parang ay magsidami laban sa iyo.

30 Untiunting aking palalayasin sila sa harap mo, hanggang sa ikaw ay kumapal at manahin mo ang lupain.

31 At aking itatatag ang iyong hangganan na mula sa Dagat na Mapula hanggang sa dagat ng Filistia at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Eufrates: sapagka’t aking ibibigay ang mga nananahan sa lupain sa iyong kamay, at iyo silang palalayasin sa harap mo.

32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga dios.

33 Sila’y hindi tatahan sa iyong lupain, baka papagkasalahin ka nila laban sa akin: sapagka’t kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga dios, ay tunay na magiging silo sa iyo.

Exodo 24

1 At kaniyang sinabi kay Moises, Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitong pu ng mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo:

2 At si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; datapuwa’t sila’y hindi lalapit; o ang bayan man ay sasampang kasama niya.

3 At lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin.

4 At sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labing dalawang batong pinakaalaala, ayon sa labing dalawang lipi ng Israel.

5 At kaniyang sinugo ang mga binata ng mga anak ni Israel, na nagsipaghandog ng mga handog na susunugin at nagsipaghain sa Panginoon ng handog na baka tungkol sa kapayapaan.

6 At kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo, at inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay iniwisik sa ibabaw ng dambana.

7 At kaniyang kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.

8 At kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik sa bayan, at sinabi, Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat ng mga salitang ito.

9 Nang magkagayo’y sumampa si Moises, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitongpu ng mga matanda sa Israel:

10 At kanilang nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng kaniyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong zafiro, at paris din ng langit sa kaliwanagan.

11 At sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay: at sila’y tumingin sa Dios, at kumain at uminom.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sampahin mo ako sa bundok, at dumoon ka: at ikaw ay bibigyan ko ng mga tapyas na bato, at ng kautusan, at ng utos na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.

13 At tumindig si Moises, at si Josue na kaniyang tagapangasiwa: at si Moises ay sumampa sa bundok ng Dios.

14 At kaniyang sinabi sa mga matanda, Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo: at, narito si Aaron at si Hur ay kasama ninyo: sinomang magkaroon ng usap ay lumapit sa kanila.

15 At sumampa si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.

16 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanahan sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ng ulap na anim na araw: at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.

17 At ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay paris ng apoy na manunupok sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa harap ng mga mata ng mga anak ni Israel.

18 At pumasok si Moises sa gitna ng ulap, at sumampa sa bundok: at si Moises ay natira sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi.

Exodo 25

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila’y magdala sa akin ng isang handog: ang bawa’t tao na maganyak ang puso sa kagandahang loob ay kukunan ninyo ng handog sa akin.

3 At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila; ginto, at pilak, at tanso;

4 At kayong bughaw, kulay-ube, at pula, at lino at balahibo ng kambing;

5 At mga balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia;

6 Langis sa ilawan, mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong pangsuob;

7 Mga batong onix, at mga batong pangkalupkop sa efod, at sa pektoral.

8 At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako’y makatahan sa gitna nila.

9 Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gagawin.

10 At sila’y gagawa ng isang kaban na kahoy na akasia: na may dalawang siko’t kalahati ang haba niyaon, at may isang siko’t kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko’t kalahati ang taas niyaon.

11 At iyong babalutin ng taganas na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo sa ibabaw ng isang kornisa sa palibot.

12 At ipagbububo mo ng apat na argolyang ginto, at ipaglalagay mo sa apat na paa niyaon, at dalawang argolya ang mapapasa isang tagiliran niyaon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon.

13 At gagawa ka ng mga pingga na kahoy na akasia at iyong babalutin ng ginto.

14 At iyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.

15 Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban: hindi aalisin doon.

16 At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdaan ng patotoo na aking ibibigay sa iyo.

17 At gagawa ka ng isang luklukan ng awa, na taganas na ginto: na may dalawang siko’t kalahati ang haba niyaon, at may isang siko’t kalahati ang luwang niyaon.

18 At gagawa ka ng dalawang querubing ginto; na yari sa pamukpok iyong gagawin, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.

19 At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo, at ang isang querubin sa kabilang dulo: kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga querubin sa dalawang dulo niyaon.

20 At ibubuka ng mga querubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap, sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga querubin.

21 At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban, ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo, na aking ibibigay sa iyo.

22 At diya’y makikipagkita ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang querubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo, tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel.

23 At gagawa ka ng isang dulang na kahoy na akasia: na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko’t kalahati ang taas niyaon.

24 At iyong babalutin ng taganas na ginto, at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot.

25 At igagawa mo ng isang gilid na may isang palad ng kamay ang luwang sa palibot, at igagawa mo ng isang kornisang ginto ang palibot ng gilid niyaon.

26 At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.

27 Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pingga, upang madala ang dulang.

28 At gagawin mo ang mga pingga na kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto, upang ang dulang ay madala ng mga yaon.

29 At gagawa ka ng mga pinggan niyaon, at ng mga kutsara niyaon, at ng mga kopa niyaon, at ng mga tasa niyaon na pagbubuhusan; na iyong gagawing taganas na ginto.

30 At ilalagay mo sa dulang ang tinapay na handog sa harap ko na palagi.

31 At gagawa ka ng isang kandelerong taganas na ginto: yari sa pamukpok gagawin mo ang kandelero, ang tuntungan niyaon, at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon at ang mga bulaklak niyaon ay mga kaputol:

32 At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero’y sa isang tagiliran niyaon, at ang tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran niyaon:

33 At magkakaroon ng tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero.

34 At sa haligi ng kandelero’y magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon:

35 At magkakaroon ng isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sangang nalalabi ayon sa anim na sanga na lumalabas sa kandelero.

36 Ang magiging mga globito at mga sanga niyaon ay kaputol: kabuoan niyaon ay isa lamang putol na yari sa pamukpok, na taganas na ginto.

37 At igagawa mo ng kaniyang mga ilawan, na pito: at kanilang sisindihan ang mga ilawan niyaon, upang lumiwanag sa dakong tapat ng kandelero.

38 At ang magiging mga gunting at mga pinggan niyaon ay taganas na ginto.

39 Isang talentong taganas na ginto gagawin, sangpu ng lahat ng kasangkapang ito.

40 At ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok.

Exodo 26

1 Bukod dito’y gagawin mo ang tabernakulo na may sangpung tabing; na linong pinili, at bughaw, at kulay-ube, at pula, na may mga querubin na gawa ng bihasang manggagawa, iyong gagawin.

2 Ang magiging haba ng bawa’t tabing ay dalawang pu’t walong siko, at ang luwang ng bawa’t tabing ay apat na siko: lahat ng tabing ay magkakaroon ng isang kasukatan.

3 Limang tabing ay papagsusugpunging isa’t isa; at ang ibang limang tabing ay papagsusugpunging isa’t isa.

4 At gagawa ka ng mga presilyang bughaw sa gilid ng isang tabing sa hangganan ng pagkakasugpong, at gayon din gagawin mo sa gilid ng ikalawang tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong.

5 Limang pung presilya ang iyong gagawin sa isang tabing, at limang pung presilya ang iyong gagawin sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong; ang mga presilya ay magkakatapat na isa’t isa.

6 At limang pung pangawit na ginto ang iyong gagawin at pagsusugpungin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit; at magiging isa lamang.

7 At gagawa ka ng mga tabing na balahibo ng kambing na pinaka tolda sa ibabaw ng tabernakulo: labing isang tabing ang iyong gagawin.

8 Ang magiging haba ng bawa’t tabing ay tatlong pung siko, at ang luwang ng bawa’t tabing ay apat na siko: ang labing isang tabing ay magkakaroon ng isang sukat.

9 At iyong papagsusugpungin ang limang tabing, at gayon din ang anim na tabing, at iyong ititiklop ang ikaanim na tabing sa harapan ng tabernakulo.

10 At limang pung presilya ang iyong gagawin sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng pagkakasugpong, at limang pung presilya sa tagiliran ng ikalawang pagkakasugpong.

11 At gagawa ka ng limang pung pangawit na tanso, at ikakabit mo ang mga pangawit sa mga presilya at pagsusugpungin mo ang tolda upang maging isa.

12 At ang dakong nakalawit na nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.

13 At ang siko ng isang dako at ang siko ng kabilang dako niyaong nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda, ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong yaon, upang takpan.

14 At gagawa ka ng isang pangtakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na tininang pula, at isang pangtakip na balat ng poka, sa ibabaw.

15 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo, na kahoy na akasia na mga patayo.

16 Sangpung siko ang magiging haba ng isang tabla, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawa’t tabla.

17 Dalawang mitsa magkakaroon ang bawa’t tabla na nagkakasugpong na isa’t isa: ang gagawin mo sa lahat ng tabla ng tabernakulo.

18 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo: dalawang pung tabla sa tagilirang timugan sa dakong timugan.

19 At gagawa ka ng apat na pung tungtungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawang pung tabla, dalawang tungtungan sa bawa’t tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa, at dalawang tungtungan sa ilalim ng ibang tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa:

20 At sa ikalawang tagiliran ng tabernakulo, sa dakong hilagaan, ay dalawang pung tabla:

21 At ang kanilang apat na pung tungtungang pilak; dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla.

22 At sa dakong hulihan ng tabernakulo, sa dakong kalunuran ay igagawa mo ng anim na tabla.

23 At igagawa mo ng dalawang tabla ang mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan.

24 At pagpapatungin sa dakong ibaba, at gayon din na maugnay sa itaas niyaon sa isang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; para sa dalawang sulok.

25 At magkakaroon ng walong tabla, at ang kanilang mga tungtungang pilak ay labing anim na tungtungan: dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla.

26 At gagawa ka ng mga barakilan, na kahoy na akasia; lima sa mga tabla ng isang tagiliran ng tabernakulo;

27 At limang barakilan sa mga tabla ng kabilang tagiliran ng tabernakulo, at limang barakilan sa mga tabla ng tagiliran ng tabernakulo sa dakong hulihan, na dakong kalunuran.

28 At ang gitnang barakilan ay daraan sa kalagitnaan ng mga tabla mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

29 At iyong babalutin ng ginto ang mga tabla, at gigintuin mo ang kanilang mga argolya na pagdaraanan ng mga barakilan: at iyong babalutin ng ginto ang mga barakilan.

30 At iyong itatayo ang tabernakulo ayon sa anyo niyaon, na ipinakita sa iyo sa bundok.

31 At gagawa ka ng isang lambong na bughaw at kulay-ube, at pula at linong pinili: na may mga querubing mainam ang pagkayari:

32 At iyong isasampay sa apat na haliging akasia na balot ng ginto, na pati ng kanilang mga pangipit ay ginto rin: na nakapatong sa ibabaw ng apat na tungtungang pilak.

33 At iyong ibibitin ang lambong sa ilalim ng mga pangalawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng lambong ang kaban ng patotoo: at paghihiwalayin sa inyo ng lambong ang dakong banal at ang kabanalbanalang dako.

34 At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng patotoo sa kabanalbanalang dako.

35 At iyong ilalagay ang dulang sa labas ng lambong, at ang kandelero ay sa tapat ng dulang sa tagiliran ng tabernakulo na dakong timugan: at ang dulang ay ilalagay mo sa dakong hilagaan.

36 At igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda na kayong bughaw at kulay-ube, at pula, at linong pinili, na yari ng mangbuburda.

37 At igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasia at babalutin mo ng ginto; na ang sima ng mga yaon ay ginto rin: at ipagbububo mo ng limang tungtungan.

Exodo 27

1 At gagawin mong kahoy ng akasia ang dambana, na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat: at ang taas ay magkakaroon ng tatlong siko.

2 At gagawin mo ang mga anyong sungay sa ibabaw ng apat na sulok niyaon: ang mga anyong sungay ay kaputol din, at iyong babalutin ng tanso.

3 At igagawa mo ng kaniyang mga kawa upang magalis ng mga abo, at ng mga pala, at ng mga mangkok, at ng mga pangalawit at ng mga suuban: lahat ng mga kasangkapa’y gagawin mong tanso.

4 At igagawa mo ng isang salang tanso na tila lambat ang yari, at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyaon.

5 At ilalagay mo sa ibaba ng gilid ng dambana, sa dakong ibaba, upang ang nilambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana.

6 At igagawa mo ng mga pingga ang dambana, mga pinggang kahoy na akasia at babalutin mo ng tanso.

7 At ang mga pingga niyao’y isusuot sa mga argolya, at ang mga pingga ay ilalagay sa dalawang tagiliran ng dambana, pagka dinadala.

8 Gagawin mo ang dambana na kuluong sa pamamagitan ng mga tabla kung paano ang ipinakita sa iyo sa bundok, ay gayon gagawin nila.

9 At iyong gagawin ang looban ng tabernakulo: sa tagilirang timugan na dakong timugan ay magkakaroon ng mga tabing sa looban na linong pinili, na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran:

10 At ang ihahaligi doo’y dalawang pu, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay dalawang pu na tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete niyaon ay pilak.

11 At gayon din sa tagilirang dakong hilagaan, sa kahabaan ay magkakaroon ng mga tabing na may isang daang siko ang haba, at ang mga haligi ng mga yaon ay dalawangpu, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay dalawangpu na tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ng mga yaon ay pilak.

12 At sa kaluwangan ng looban sa kalunuran ay magkakaroon ng mga tabing na may limangpung siko: ang haligi ng mga yaon ay sangpu at ang mga tungtungan ng mga yaon ay sangpu.

13 At sa kaluwangan ng looban sa dakong silanganan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay magkakaroon ng limangpung siko.

14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuang-daan ay magkakaroon ng labinglimang siko: ang mga haligi ng mga yaon ay tatlo, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay tatlo rin.

15 At sa kabilang dako’y magkakaroon ng mga tabing na ma’y labing limang siko: ang mga haligi ng mga yao’y tatlo, at ang mga tungtungan ng mga yao’y tatlo.

16 At sa pintuan ng looban ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawang pung siko, na ang kayo’y bughaw, at kulay-ube, at pula, at kayong linong pinili, na yari ng mangbuburda: ang mga haligi ng mga yao’y apat, at ang mga tungtungan ng mga yao’y apat.

17 Lahat ng haligi sa palibot ng looban ay pagsusugpungin ng mga pileteng pilak; ang mga sima ng mga yaon ay pilak, at ang mga tungtungan ng mga yaon ay tanso.

18 Ang haba ng looban ay magkakaroon ng isang daang siko, at ang luwang ay limang pu magpasaan man, at ang taas ay limang siko, kayong linong pinili, at ang mga tuntungan ay tanso.

19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa buong paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyaon, at lahat ng mga tulos ng looban ay tanso.

20 At iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila’y magdala sa iyo ng taganas na langis ng binayong oliba na pangilawan, upang papagningasing palagi ang ilawan.

21 Sa tabernakulo ng kapisanan sa labas ng lambong na nasa harap ng kaban ng patotoo, ay aayusin yaon ni Aaron at ng kaniyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harap ng Panginoon: magiging palatuntunan sa buong panahon ng kanilang lahi sa ikagagaling ng mga anak ni Israel.

Exodo 28

1 At ilapit mo sa iyo si Aarong iyong kapatid at ang kaniyang mga anak na kasama niya, mula sa gitna ng mga anak ni Israel, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, si Aaron, si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar, na mga anak ni Aaron.

2 At igagawa mo ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid sa ikaluluwalhati at ikagaganda.

3 At iyong sasalitain sa lahat ng matalino, na aking pinagpupuspos ng diwa ng karunungan, na kanilang gawin ang kasuutan ni Aaron, upang siya’y italaga, na siya’y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

4 At ito ang mga kasuutang kanilang gagawin; isang pektoral, at isang epod, at isang balabal, at isang tunika na tinahing guhitguhit na naaanyong pariparisukat, isang mitra at isang pamigkis: at kanilang igagawa ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid, at ang kaniyang mga anak, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

5 At kukuha sila ng ginto, at ng kayong bughaw, at ng kulay-ube, at ng pula, at ng lino.

6 At kanilang gagawin ang epod na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, pula, at linong pinili, na yari ng bihasang mangbuburda.

7 Magkakaroon ng dalawang pangbalikat na nagkakasugpong sa dalawang dulo niyaon; upang magkasugpong.

8 At ang mainam na pagkayaring pamigkis na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay gagawing gaya ng pagkayari ng epod at kaputol, na ginto, kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

9 At kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit na limbag sa ibabaw ng mga yaon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel:

10 Anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isang bato, ayon sa kanilang kapanganakan.

11 Nayari ng manguukit sa bato, na gaya ng ukit ng isang panatak, iyong iuukit sa dalawang bato, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel: iyong gagawing napamumutihan ng mga kalupkop na ginto.

12 At iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pangbalikat ng epod, upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel: at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harap ng Panginoon, sa ibabaw ng kaniyang dalawang balikat, na pinakaalaala.

13 At gagawa ka ng mga kalupkop na ginto:

14 At ng dalawang tanikalang taganas na ginto; parang pisi iyong gagawin na yaring pinili: at iyong ilalapat sa mga kalupkop ang mga tanikalang pinili.

15 At gagawin mo ang pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa; na gaya ng pagkayari ng epod iyong gagawin; gagawin mo na ginto, na bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

16 Gagawing parisukat at nakatiklop; isang dangkal magkakaroon ang haba niyaon, at isang dangkal ang luwang niyaon.

17 At iyong kakalupkupan ng mga kalupkop na mga bato, apat na hanay na bato: isang hanay na sardio, topacio, at karbungko ang magiging unang hanay;

18 At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zapiro, at isang diamante;

19 At ang ikatlong hanay ay isang hasinto, isang agata, at isang amatista;

20 At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang haspe: pawang pamumutihan ng ginto sa kanilang mga kalupkop.

21 At ang mga bato ay iaayos sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; labingdalawa, ayon sa mga pangalan nila; gaya ng ukit ng isang panatak, bawa’t isa’y ayon sa kanilang pangalan, na magiging ukol sa labing dalawang lipi.

22 At gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang parang pisi, yaring pinili, na taganas na ginto.

23 At igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng itaas ng pektoral.

24 At inyong ilalagay ang dalawang pinising tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

25 At ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ng pinili ay iyong ilalapat sa dalawang kalupkop, at iyong mga ilalagay sa mga pangbalikat ng epod, sa harapan.

26 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at mga ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyaon na nasa dakong kabaligtaran ng epod.

27 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong mga ikakapit sa dalawang pangbalikat ng epod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa pagkakasugpong sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod.

28 At kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyaon sa mga singsing ng epod ng isang taling bughaw, upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod, at upang ang pektoral ay huwag makalag sa epod.

29 At dadalhin ni Aaron sa kaniyang sinapupunan ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan pagka siya’y pumapasok sa dakong banal, na pinakaalaala sa harap ng Panginoon, na palagi.

30 At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tummim at mga ilalagay sa sinapupunan ni Aaron, pagka siya’y pumapasok sa harap ng Panginoon at dadalhing palagi ni Aaron sa harap ng Panginoon ang kahatulan sa mga anak ni Israel na nasa kaniyang sinapupunan.

31 At gagawin mo ang balabal ng epod na taganas na bughaw.

32 At magkakaroon ng isang pinakaleeg sa gitna niyaon: magkakaroon ito ng isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg, gaya ng butas ng isang koselete, upang huwag mapunit.

33 At ang saya niyaon ay igagawa mo ng mga granadang bughaw, at kulay-ube, at pula, sa palibot ng saya niyaon; at ng mga kampanilyang ginto sa gitna ng mga yaon sa palibot:

34 Isang kampanilyang ginto at isang granada, isang kampanilyang ginto at isang granada sa saya sa ibaba ng balabal sa palibot.

35 At isusuot ni Aaron upang mangasiwa: at ang tunog niyao’y maririnig pagka siya’y pumapasok sa dakong banal sa harap ng Panginoon, at pagka siya’y lumalabas, upang siya’y huwag mamatay.

36 At gagawa ka ng isang laminang taganas na ginto, at doo’y isusulat mong ukit na ayon sa ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon.

37 At iyong ilalagay sa isang listong bughaw, at malalagay sa ibabaw ng mitra; sa ibabaw ng harapan ng mitra malalagay.

38 At malalagay sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron ang kasamaan ng mga banal na bagay, na pakakabanalin ng mga anak ni Israel sa lahat nilang mga banal na kaloob; at malalagay na palagi sa kaniyang noo, upang tanggapin sa harap ng Panginoon.

39 At iyong hahabihin ang kasuutan na anyong parisukat, na lino, at iyong gagawin ang mitra na lino, at iyong gagawin ang pamigkis na yari ng mangbuburda.

40 At iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga kasuutan, at iyong igagawa sila ng mga pamigkis, at iyong igagawa sila ng mga tiara sa ikaluluwalhati at ikagaganda.

41 At iyong isusuot kay Aarong iyong kapatid at sa kaniyang mga anak na kasama niya; at iyong papahiran ng langis sila, at iyong itatalaga sila, at iyong papagbanalin sila, upang sila’y makapangasiwa sa akin, sa katungkulang saserdote.

42 At iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang laman ng kanilang kahubaran; mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot.

43 At isusuot ni Aaron at ng kaniyang mga anak, pagka sila’y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, o pagka sila’y lumalapit sa dambana upang mangasiwa sa dakong banal; upang sila’y huwag magdala ng kasamaan, at huwag mamatay: magiging isang palatuntunang walang hanggan sa kaniya at sa kaniyang binhi pagkamatay niya.

Exodo 29

1 At ito ang bagay na iyong gagawin sa kanila na ibukod sila, upang sila’y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote: kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupang walang kapintasan.

2 At tinapay na walang lebadura, at mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis: na gagawin mo sa mainam na harina ng trigo.

3 At iyong isisilid sa isang bakol, at dadalhin mo na nasa bakol, sangpu ng toro at ng dalawang tupang lalake.

4 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.

5 At iyong kukunin ang mga kasuutan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika niya, at ang balabal ng epod, at ang epod, at ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod:

6 At iyong ipuputong ang mitra sa kaniyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa mitra.

7 Saka mo kukunin ang langis na pangpahid, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kaniyang ulo, at papahiran mo ng langis siya.

8 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at susuutan mo ng mga tunika sila.

9 At iyong bibigkisan sila ng mga pamigkis, si Aaron at ang kaniyang mga anak, at itatali mo ang mga tiara sa kanikaniyang ulo: at tatamuhin nila ang pagkasaserdote na pinakapalatuntunang palagi: at iyong papagbabanalin si Aaron at ang kaniyang mga anak.

10 At iyong dadalhin ang toro sa harap ng tabernakulo ng kapisanan: at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng toro.

11 At iyong papatayin ang toro sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

12 At kukuha ka ng dugo ng toro, at ilalagay mo ng iyong daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.

13 At kukunin mo ang buong taba na nakababalot sa bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.

14 Datapuwa’t ang laman ng toro, at ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampamento: handog nga dahil sa kasalanan.

15 Kukunin mo rin ang isang lalaking tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng lalaking tupa.

16 At iyong papatayin ang lalaking tupa, at iyong kukunin ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.

17 At iyong kakatayin ang tupa at huhugasan mo ang bituka, at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga pinagputolputol at sa ulo.

18 At iyong susunugin ang buong tupa sa ibabaw ng dambana: handog na susunugin nga sa Panginoon; pinaka masarap na amoy na handog sa Panginoon, na pinaraan sa apoy.

19 At kukunin mo ang isang tupa; at ipapatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa ulo ng tupa.

20 Saka mo papatayin ang tupa, at kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa pingol ng kanang tainga ng kaniyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang dugong labis sa ibabaw ng dambana sa palibot.

21 At kukuha ka ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pangpahid, at iwiwisik mo kay Aaron, at sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak na kasama niya: at ikapapaging banal niya at ng kaniyang mga suot, at ng kaniyang mga anak, at ng mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.

22 Kukunin mo rin naman sa lalaking tupa ang taba, at ang matabang buntot, at ang tabang nakababalot sa mga bituka, at ang mga lamak ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba na nasa ibabaw ng mga yaon, at ang kanang hita (sapagka’t isang lalaking tupa na itinalaga),

23 At isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na nilangisan, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang lebadura na nasa harap ng Panginoon:

24 At iyong ilalagay ang kabuoan sa mga kamay ni Aaron, at sa mga kamay ng kaniyang mga anak; at iyong mga luluglugin na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon.

25 At iyong kukunin sa kanilang mga kamay, at iyong susunugin sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin, na pinaka masarap na amoy sa harap ng Panginoon: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

26 At kukunin mo ang dibdib ng tupa na itinalaga ni Aaron, at luglugin mo na pinakahandog na niluglog sa harap ng Panginoon: at magiging iyong bahagi.

27 At iyong ihihiwalay ang dibdib ng handog na niluglog, at ang hita ng handog na itinaas, ang niluglog at ang itinaas, ng lalaking tupa na itinalaga na kay Aaron at sa kaniyang mga anak;

28 At magiging kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na pinaka bahagi magpakailan man, na mula sa mga anak ni Israel: sapagka’t isang handog na itinaas: at magiging isang handog na itinaas sa ganang mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga hain tungkol sa kapayapaan: na dili iba’t kanilang handog ngang itinaas sa Panginoon.

29 At ang mga banal na kasuutan ni Aaron ay magiging sa kaniyang mga anak, pagkamatay niya, upang pahiran ng langis sa mga yaon, at upang italaga sa mga yaon.

30 Pitong araw na isusuot ng anak na magiging saserdote nakahalili niya, pagka siya’y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan upang mangasiwa sa dakong banal.

31 At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at lulutuin mo ang kaniyang laman sa dakong banal.

32 At kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

33 At kanilang kakanin ang mga bagay na yaon, na ipinangtubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila: datapuwa’t hindi kakain niyaon ang sinomang taga ibang lupa, sapagka’t mga bagay na banal.

34 At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang labis: hindi kakanin, sapagka’t yao’y banal.

35 At ganito mo gagawin kay Aaron, at sa kaniyang mga anak, ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo: pitong araw na iyong itatalaga sila.

36 At araw-araw ay maghahandog ka ng toro na pinakahandog, dahil sa kasalanan na pinakapangtubos: at iyong lilinisin ang dambana pagka iyong ipinanggagawa ng katubusan yaon; at iyong papahiran ng langis upang pakabanalin.

37 Pitong araw na iyong tutubusin sa sala ang dambana, at iyong pakakabanalin; at ang dambana ay magiging kabanalbanalan; anomang masagi sa dambana ay magiging banal.

38 Ito nga ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero ng unang taon araw-araw na palagi.

39 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon:

40 At kasama ng isang kordero na iyong ihahandog ang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ay pinakahandog na inumin.

41 At ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong gagawin ayon sa handog na harina sa umaga, at ayon sa inuming handog niyaon, na pinaka masarap na amoy, na handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

42 Magiging isang palaging handog na susunugin sa buong panahon ng inyong lahi sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa harap ng Panginoon; na aking pakikipagkitaan sa inyo, upang makipagusap ako roon sa iyo.

43 At doo’y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel: at ang Tolda ay pakakabanalin sa pamamagitan ng aking kaluwalhatian.

44 At aking pakakabanalin ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana; si Aaron man at ang kaniyang mga anak ay aking papagbabanalin upang mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

45 At ako’y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako’y magiging kanilang Dios.

46 At kanilang makikilala, na ako ang Panginoon nilang Dios, na kumuha sa kanila sa lupain ng Egipto, upang ako’y tumahan sa gitna nila: ako ang Panginoon nilang Dios.

Exodo 30

1 At gagawa ka ng isang dambana na mapagsusunugan ng kamangyan: na kahoy na akasia iyong gagawin.

2 Isang siko magkakaroon ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon; parisukat nga: at dalawang siko magkakaroon ang taas niyaon: ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din.

3 At iyong babalutin ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga sungay niyaon; at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot.

4 At igagawa mo yaon ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran iyong gagawin; at magiging suutan ng mga pingga upang mabuhat.

5 At ang iyong gagawing mga pingga ay kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto.

6 At iyong ilalagay sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na aking pakikipagtagpuan sa iyo.

7 At magsusunog si Aaron sa ibabaw niyaon ng kamangyan na mababangong espesia: tuwing umaga pagka kaniyang inaayos ang mga ilawan, ay susunugin niya.

8 At pagka sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa hapon, ay kaniyang susunugin, na isang kamangyang palagi sa harap ng Panginoon, sa buong panahon ng inyong mga lahi.

9 Huwag kayong maghahandog ng ibang kamangyan sa ibabaw niyaon, o ng handog na susunugin, o ng handog na harina man: at huwag kayong magbubuhos ng inuming handog sa ibabaw niyaon.

10 At si Aaron ay tutubos ng sala sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana, minsan sa isang taon: kaniyang tutubusin sa sala na minsan sa isang taon, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, sa buong panahon ng inyong mga lahi: kabanal-banalan nga sa Panginoon.

11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, ayon sa mga nabilang sa kanila ay magbibigay nga ang bawa’t isa sa kanila ng katubusan ng kaniyang kaluluwa sa Panginoon, pagka iyong binibilang sila; upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila pagka iyong binibilang sila.

13 Ito ang kanilang ibibigay, bawa’t maraanan sa kanila na nangabibilang: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuario: (ang isang siklo ay dalawang pung gera): kalahating siklo na pinakahandog sa Panginoon.

14 Bawa’t maraanan sa kanila na nangabibilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.

15 Ang mayaman ay hindi magbibigay ng higit, at ang dukha ay hindi magbibigay ng kulang sa kalahating siklo, pagbibigay nila ng handog sa Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa.

16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang pangtubos na salapi, at iyong gugugulin sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa.

17 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

18 Gagawa ka rin ng isang hugasang tanso, at ang tungtungan ay tanso, upang paghugasan: at iyong ilalagay sa gitna ng tabernakulo ng kapisanan at ng dambana at iyong sisidlan ng tubig.

19 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga paa:

20 Pagka sila’y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila’y huwag mamatay, o pagka sila’y lumalapit sa dambana na mangasiwa, upang magsunog ng handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon.

21 Gayon sila maghuhugas ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa upang huwag silang mamatay: at magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila, sa kaniya at sa kaniyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga lahi.

22 Bukod dito’y nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

23 Magdala ka rin ng mga pinakamagaling na espesia, ng taganas na mira ay limang daang siklo, at ng mabangong kanela ay kalahati nito, dalawang daan at limang pu; at ng mabangong kalamo ay dalawang daan at limang pu,

24 At ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuario, at ng langis ng oliva ay isang hin:

25 At iyong gagawing banal na langis na pangpahid, isang pabangong kinatha ng ayon sa katha ng manggagawa ng pabango: siya ngang magiging banal na langis na pangpahid.

26 At iyong papahiran niyaon ang tabernakulo ng kapisanan, at ang kaban ng patotoo,

27 At ang dulang, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, at ang kandelero at ang mga kasangkapan niyaon, at ang dambanang suuban.

28 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga kasangkapan, at ang hugasan at ang tungtungan.

29 At pakabanalin mo upang maging mga kabanalbanalan: lahat ng makahipo sa mga yao’y magiging banal.

30 At iyong papahiran ng langis si Aaron at ang kaniyang mga anak, at iyong papagbabanalin sila, upang sila’y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

31 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Ito’y magiging banal na langis na pangpahid sa akin sa buong panahon ng iyong mga lahi.

32 Sa laman ng tao ay huwag ninyong ibubuhos, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakatha: banal nga at aariin ninyong banal.

33 Sinomang kumatha ng gaya niyan, o sinomang gumamit niyan sa isang taga ibang lupa, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Magdala ka ng mababangong espesia, estacte, at onycha, at galbano; mabangong espesia na may taganas na kamangyan: na magkakaisa ng timbang;

35 At iyong gagawing kamangyan, na isang pabangong ayon sa katha ng manggagawa ng pabango, na tinimplahan ng asin, na pulos at banal;

36 At iyong didikdikin ang iba niyan ng durog na durog at ilalagay mo sa harap ng kaban ng patotoo, sa loob ng tabernakulo ng kapisanan na aking pakikipagtagpuan sa iyo: aariin ninyong kabanalbanalan.

37 At ang kamangyan na inyong gagawin, ayon sa pagkakatha niyan ay huwag ninyong gagawin para sa inyo: aariin mong banal sa Panginoon.

38 Sinomang gumawa ng gaya niyan, upang amuyin ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.

Exodo 31

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Tingnan mo aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda:

3 At aking pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, sa karunungan at pagkakilala, at kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain,

4 Upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, upang gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,

5 At upang umukit ng mga batong pangkalupkop, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat na sarisaring gawain.

6 At ako, narito, aking inihalal na kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac sa lipi ni Dan; at sa puso ng lahat na maalam na puso, ay aking isinilid ang karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:

7 Ang tabernakulo ng kapisanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyaon, at ang lahat ng kasangkapan ng Tolda:

8 At ang dulang at ang mga sisidlan niyaon at ang kandelerong dalisay, sangpu ng lahat na mga sisidlan; at ang dambana ng kamangyan;

9 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon;

10 At ang mga kasuutang mabuting yari, at ang mga banal na kasuutan na pangsuot kay Aarong saserdote, at ang mga kasuutan sa kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote;

11 At ang langis na pangpahid, at ang kamangyan na mabangong mga kamangyan na itataan sa dakong banal: ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo ay kanilang gagawin.

12 At ang Panginoo’y nagsalita kay Moises, na sinasabi,

13 Salitain mo rin sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Katotohanang ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath; sapagka’t isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.

14 Inyong ipangingilin ang sabbath nga; sapagka’t yao’y pangilin sa inyo: bawa’t lumapastangan ay walang pagsalang papatayin: sapagka’t sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na yaon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.

15 Anim na araw na gagawin ang gawain; datapuwa’t ang ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, pangilin sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw ng sabbath, ay walang pagsalang papatayin.

16 Kaya’t ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan.

17 Ito’y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka’t sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan.

18 At kaniyang ibinigay kay Moises, pagkatapos na makipagsalitaan sa kaniya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, ang dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios.