Genesis 22

1 At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya’y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako.

2 At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.

3 At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios.

4 Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo.

5 At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo.

6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila’y kapuwa yumaong magkasama.

7 At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni’t saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?

8 At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa’t sila’y kapuwa yumaong magkasama.

9 At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy.

10 At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak.

11 At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako.

12 At sa kaniya’y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.

13 At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak.

14 At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda.

15 At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit.

16 At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka’t ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak;

17 Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway;

18 At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.

19 Sa gayo’y nagbalik si Abraham sa kaniyang mga alila, at nagsitindig at samasamang nagsiparoon sa Beerseba; at tumahan si Abraham sa Beerseba.

20 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ibinalita kay Abraham na sinasabi, Narito, si Milca rin naman ay nagkaroon ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.

21 Si Huz ang kaniyang panganay, at si Buz na kaniyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;

22 Si Chesed din naman, at si Hazo, at si Pildas, at si Jidlaph, at si Bethuel.

23 At naging anak ni Bethuel si Rebeca: ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nachor na kapatid ni Abraham.

24 At ipinanganak din naman ng kaniyang babae na tinatawag na Reuma, si Teba, at si Gaham, at si Taas at si Maacha.

Genesis 23

1 At ang buhay ni Sara ay tumagal ng isang daan at dalawang pu’t pitong taon: ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.

2 At namatay si Sara sa Kiriatharba (na siyang Hebron), sa lupain ng Canaan: at naparoon si Abraham na ipinagluksa si Sara at iniyakan.

3 At tumindig si Abraham sa harap ng kaniyang patay, at nagsalita sa mga anak ni Heth, na sinasabi,

4 Ako’y tagaibang bayan at nakikipamayan sa inyo: bigyan ninyo ako ng isang pag-aaring libingan sa gitna ninyo, upang aking ilibing ang aking patay, na malingid sa aking paningin.

5 At ang mga anak ni Heth ay sumagot kay Abraham, na nagsasabi sa kaniya,

6 Dinggin mo kami, panginoon ko: ikaw ay prinsipe ng Dios sa gitna namin: sa pinakahirang sa aming mga libingan ay ilibing mo ang iyong patay; wala sa amin na magkakait sa iyo ng kaniyang libingan, upang paglibingan ng iyong patay.

7 At tumindig si Abraham, at yumukod sa bayan ng lupain, sa mga anak nga ni Heth.

8 At nakiusap sa kanila, na sinasabi, Kung kalooban ninyo na aking ilibing ang aking patay na malingid sa aking paningin, ay dinggin ninyo ako, at pamagitanan ninyo ako kay Ephron, na anak ni Zohar,

9 Upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kaniyang inaari, na nasa hangganan ng kaniyang parang; sa tapat na halaga ay ibigay niya sa akin, upang maging pag-aaring libingan sa gitna ninyo.

10 Si Ephron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Heth: at sumagot si Ephron na Hetheo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Heth, na naririnig ng lahat na pumapasok sa pintuan ng bayan, na sinasabi,

11 Hindi, panginoon ko, dinggin mo ako: ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo; sa harap ng mga anak ng aking bayan, ay ibinigay ko sa iyo: ilibing mo ang iyong patay.

12 At si Abraham ay yumukod sa harapan ng bayan ng lupain.

13 At nagsalita kay Ephron sa harap ng bayan ng lupain, na sinasabi, Maanong ako lamang ay iyong pakinggan: ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.

14 At sumagot si Ephron kay Abraham, na sinasabi sa kaniya,

15 Panginoon ko, dinggin mo ako: isang putol ng lupa na ang halaga’y apat na raang siklong pilak: gaano sa akin at sa iyo? ilibing mo nga ang iyong patay.

16 At dininig ni Abraham si Ephron; at tinimbang ni Abraham kay Ephron ang salaping sinabi, sa harap ng mga anak ni Heth, apat na raang siklong pilak, na karaniwang salapi ng mga mangangalakal.

17 Kaya’t ang parang ni Ephron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punong kahoy na nasa parang na yaon, na ang nasa buong hangganan niyaon sa palibot, ay pinagtibay

18 Kay Abraham na pag-aari sa harap ng mga anak ni Heth, sa harapan ng lahat ng nagsisipasok sa pintuang daan ng kaniyang bayan.

19 At pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kaniyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.

20 At ang parang at ang yungib na naroroon, ay pinagtibay kay Abraham ng mga anak ni Heth, na pag-aaring libingan niya.

Genesis 24

1 At si Abraham ay matanda na, at lipas na sa panahon: at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.

2 At sinabi ni Abraham sa kaniyang alilang katiwala, sa pinakamatanda sa kaniyang bahay na namamahala ng lahat niyang tinatangkilik: Ipinamamanhik ko sa iyo na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita:

3 At ikaw ay aking pasusumpain, alangalang sa Panginoon sa Dios ng langit at Dios ng lupa, na hindi mo papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan:

4 Kundi ikaw ay paroroon sa aking lupain, at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak na si Isaac.

5 At sinabi sa kaniya ng lingkod, Sakaling hindi iibigin ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito: dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?

6 At sinabi sa kaniya ni Abraham, Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak.

7 Ang Panginoon, ang Dios ng langit, na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, at sa akin ay nagsalita, at sa akin ay sumumpa, na nagsasabi, Sa iyong binhi, ibibigay ko ang lupaing ito: ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak.

8 At kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ay maliligtas ka rito sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.

9 At inilagay ng alilang katiwala ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon, at sumumpa sa kaniya tungkol sa bagay na ito.

10 At kumuha ang alilang katiwala ng sangpung kamelyo sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon, at yumaon; na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kaniyang panginoon: at tumindig at napasa Mesopotamia, sa bayan ni Nachor.

11 At kaniyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig, ng dakong palubog na ang araw, na kapanahunan nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.

12 At sinabi, Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham, ipinamamanhik ko sa iyong pagkalooban mo ako ng mabuting kapalaran ngayon, at ikaw ay magmagandang loob sa aking panginoong kay Abraham.

13 Narito, ako’y nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig: at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan, ay nagsilabas upang umigib ng tubig:

14 At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, Ibaba mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong banga upang ako’y uminom; at siya’y magsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: maging siyang iyong itinalaga sa iyong lingkod na kay Isaac: at sa ganito ay malalaman kong nagmagandang loob ka sa aking panginoon.

15 At nangyari, na bago natapos ang pananalita niya, ay narito si Rebeca na ipinanganak kay Bethuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nachor na kapatid ni Abraham na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat.

16 At ang babae ay may magandang anyo, dalaga, na hindi pa nasisipingan ng lalake: at lumusong sa bukal, at pinuno ang kaniyang banga, at umahon.

17 At tumakbong sinalubong siya ng alilang katiwala na sinabi, Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.

18 At sinabi niya, Uminom ka, panginoon ko: at nagmadaling ibinaba ang banga sa kaniyang kamay, at pinainom siya.

19 At pagkatapos na kaniyang mapainom, ay sinabi, Iyiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang sa makainom na lahat.

20 At ibinuhos na dalidali ang kaniyang banga sa inuman, at tumakbong muli sa balon upang umigib at iniigib ang lahat niyang kamelyo.

21 At siya’y tinitigan ng lalake; na hindi umiimik, upang maalaman kung pinagpala ng Panginoon ang kaniyang paglalakbay o hindi.

22 At nangyari, nang makainom ang mga kamelyo, na kumuha ang lalake ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo sa timbang, at dalawang pulsera upang ilagay sa kaniyang mga kamay, na may timbang na sangpung siklong ginto;

23 At sinabi, Kaninong anak ka? sabihin mo sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo. May lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?

24 At sinabi niya sa kaniya, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.

25 Sinabi rin niya sa kaniya, Mayroon din naman kaming saganang dayami at pagkain sa hayop, at dakong matutuluyan.

26 At lumuhod ang lalake at sumamba sa Panginoon.

27 At siya’y nagsabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kaniyang habag at ang kaniyang pagtatapat, sa aking panginoon: tungkol sa akin, ay pinatnugutan ako ng Panginoon sa daan hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.

28 At tumakbo ang dalaga at isinaysay sa sangbahayan ng kaniyang ina ang ayon sa mga salitang ito.

29 At mayroon si Rebeca na isang kapatid na nagngangalang Laban: at tinakbo ni Laban ang lalake sa labas, sa bukal.

30 At nangyari, pagkakita ng singsing, at ng mga pulsera sa mga kamay ng kaniyang kapatid, at pagkarinig ng mga salita ni Rebeca na kaniyang kapatid, na sinasabi, Gayon sinalita sa akin ng lalake; na naparoon siya sa lalake; at narito, ito’y nakatayo sa siping ng mga kamelyo, sa bukal.

31 At sinabi niya, Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon; bakit ka nakatayo sa labas? sapagka’t inihanda ko ang bahay, at ang dako ng mga kamelyo.

32 At pumasok ang lalake sa bahay, at kinalagan ang mga kamelyo; at binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kaniyang mga paa, at ng mga paa ng mga taong kasama niya.

33 At siya’y hinainan nila ng pagkain: datapuwa’t kaniyang sinabi, Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya. At sinabi ni Laban, Magsalita ka.

34 At kaniyang sinabi, Alilang katiwala ako ni Abraham.

35 At pinagpalang mainam ng Panginoon ang aking panginoon; at siya’y naging dakila: at siya’y binigyan ng kawan at bakahan, at ng pilak at ng ginto, at ng mga aliping lalake, at babae, at ng mga kamelyo, at ng mga asno.

36 At si Sara na asawa ng aking panginoon, ay nagkaanak ng lalake sa aking panginoon, nang siya’y matanda na: at siyang pinagbigyan ni Abraham ng kaniyang lahat na inaari.

37 At pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, Huwag mong papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinatahanan:

38 Kundi paroroon ka sa bahay ng aking ama at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak.

39 At sinabi ko sa aking panginoon, Sakaling hindi iibigin ng babaing sumama sa akin.

40 At kaniyang sinabi sa akin, Ang Panginoon na sa harap niya’y lumalakad ako, ay susuguin niyang kasama mo ang kaniyang anghel, at kaniyang pagpapalain ang iyong lakad, at papag-aasawahin mo ang aking anak sa aking kamaganakan, at sa angkan ng aking ama:

41 Kung magkagayo’y makakakawala ka sa aking sumpa, pagka ikaw ay dumating sa aking kamaganakan; at kung hindi nila ibigay sa iyo, ay makakakawala ka sa aking sumpa.

42 At dumating ako ng araw na ito, sa bukal, at aking sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, kung ngayo’y pinagpapala mo ang aking lakad na nilalakad ko:

43 Narito, nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig; at mangyari, na ang dalagang lumabas na umigib na aking pagsasabihan, Makikiinom ako sa iyo ng kaunting tubig sa iyong banga;

44 At siya’y magsasabi sa akin, Uminom ka, at iyigib ko pati ng iyong mga kamelyo: ay siyang maging babaing itinalaga ng Panginoon sa anak ng aking panginoon.

45 At bago ko nasalita sa sarili, narito si Rebeca, na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat; at lumusong sa bukal at umigib: at aking sinabi sa kaniya, Makikiinom ako sa iyo.

46 At dalidali niyang ibinaba ang kaniyang banga sa kaniyang balikat, at nagsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: sa gayo’y uminom ako, at pinainom niya pati ng mga kamelyo,

47 At siya’y aking tinanong, at aking sinabi, Kaninong anak ka? at kaniyang sinabi, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Nachor, na ipinanganak sa kaniya ni Milca: at inilagay ko ang hikaw sa kaniyang ilong, at ang mga pulsera sa kaniyang mga kamay.

48 At aking iniyukod ang aking ulo, at sumamba ako sa Panginoon at pumuri sa Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa daang matuwid upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kaniyang anak.

49 At ngayon, kung inyong mamagandahing loob at mamatapatin sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin: at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin; upang pumihit ako sa kanan o sa kaliwa.

50 Nang magkagayo’y sumagot si Laban at si Bethuel, at sinabi, Sa Panginoon nagmumula ito: kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.

51 Narito, si Rebeca ay nasa harap mo, dalhin mo, at yumaon ka, at siya’y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, na gaya ng sinalita ng Panginoon.

52 At nangyari, na pagkarinig ng alilang katiwala ni Abraham ng kaniyang mga salita, ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon.

53 At naglabas ang alilang katiwala ng mga hiyas na pilak at mga hiyas na ginto, at mga damit, at mga ibinigay kay Rebeca: nagbigay rin siya ng mga mahalagang bagay sa kaniyang kapatid na lalake at sa kaniyang ina.

54 At nangagsikain at nangagsiinom siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagparaan ng magdamag, at sila’y nagsibangon ng umaga at kaniyang sinabi, Suguin ninyo ako sa aking panginoon.

55 At sinabi ng kaniyang kapatid na lalake, at ng kaniyang ina, Matira ang dalaga sa aming ilang araw, sangpung araw man lamang; pagkatapos ay paroroon siya.

56 At sinabi niya sa kanila, Huwag ninyo akong pigilin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad; papagpaalamin na ninyo ako, upang ako’y umuwi sa aking panginoon.

57 At kanilang sinabi, Tatawagin namin ang dalaga at uusisain namin sa kaniyang bibig.

58 At kanila ngang tinawag si Rebeca, at kanilang sinabi sa kaniya, Sasama ka ba sa lalaking ito? At sinabi niya, Sasama ako.

59 At kanilang pinapagpaalam si Rebeca na kanilang kapatid, at ang kaniyang yaya, at ang alilang katiwala ni Abraham, at ang kaniyang mga tao.

60 At kanilang binasbasan si Rebeca, at sinabi nila sa kaniya, Kapatid namin, maging ina ka nawa ng yutayuta, at kamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan niyaong mga napopoot sa kanila.

61 At tumindig si Rebeca, at ang kaniyang mga abay, at nangagsisakay sa mga kamelyo, at nangagsisunod sa lalake; at dinala ng alilang katiwala si Rebeca at yumaon.

62 At si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi; sapagka’t siya’y natira sa lupaing Timugan.

63 At lumabas si Isaac sa parang upang magmunimuni ng dakong hapon: at kaniyang itiningin ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita, at, narito, may dumarating na mga kamelyo.

64 Itiningin naman ni Rebeca ang kaniyang mga mata at nang makita niya si Isaac, ay bumaba sa kamelyo.

65 At sinabi ni Rebeca sa alilang katiwala, Sino yaong taong naglalakad sa parang na sumasalubong sa atin? At sinabi ng alilang katiwala, Yaon ang aking panginoon: at kinuha niya ang kaniyang lambong, at siya’y nagtakip.

66 At isinaysay ng alilang katiwala kay Isaac ang lahat ng kaniyang ginawa.

67 At dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina, at ipinagsama si Rebeca, at naging kaniyang asawa: at kaniya namang sininta: at naaliw si Isaac, pagkamatay ng kaniyang ina.

Genesis 25

1 At si Abraham ay nagasawa ng iba, at ang pangalan ay Cetura.

2 At naging anak nito sa kaniya si Zimram at si Joksan, at si Medan, at si Midiam, at si Ishbak, at si Sua.

3 At naging anak ni Joksan si Seba at si Dedan. At ang mga anak na lalake ni Dedan, ay si Assurim at si Letusim, at si Leummim.

4 At ang mga anak ni Midian: si Epha at si Epher, at si Enech, at si Abida, at si Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Cetura.

5 At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kaniyang tinatangkilik kay Isaac.

6 Datapuwa’t ang mga anak ng naging mga babae ni Abraham, ay pinagbibigyan ni Abraham ng mga kaloob; at samantalang nabubuhay pa siya ay mga inilayo niya kay Isaac na kaniyang anak sa dakong silanganan sa lupaing silanganan.

7 At ito ang mga araw ng mga taon ng buhay na ikinabuhay ni Abraham, isang daan at pitong pu’t limang taon.

8 At nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at nalakip sa kaniyang bayan.

9 At inilibing siya ni Isaac at ni Ismael na kaniyang mga anak sa yungib ng Macpela, sa parang ni Ephron, na anak ni Zohar na Hetheo, na nasa tapat ng Mamre;

10 Sa parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Heth: doon inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa.

11 At nangyari, pagkamatay ni Abraham, na pinagpala ng Dios si Isaac na kaniyang anak; at si Isaac ay nanahan sa tabi ng Beer-lahai-roi.

12 Ang mga ito nga ang sali’t saling lahi ni Ismael, anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Agar na taga Egipto, na alila ni Sara:

13 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa kanikaniyang lahi: ang panganay ni Ismael ay si Nabaioth; at si Cedar, at si Adbeel, at si Mibsam,

14 At si Misma, at si Duma, at si Maasa,

15 At si Hadad, at si Tema, si Jetur, si Naphis, at si Cedema:

16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanikaniyang pangalan, ayon sa kanikaniyang nayon, at ayon sa kanikaniyang hantungan: labing dalawang pangulo ayon sa kanilang bansa.

17 At ito ang mga naging taon ng buhay ni Ismael, isang daan at tatlong pu’t pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya’y nalakip sa kaniyang bayan.

18 At nagsisitahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na natatapat sa Egipto, kung patutungo sa Asiria; siya’y tumahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid.

19 At ito ang mga sali’t saling lahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac,

20 At si Isaac ay may apat na pung taon, nang siya’y magasawa kay Rebeca, na anak ni Bethuel na taga Siria sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na taga Siria.

21 At nanalangin si Isaac sa Panginoon dahil sa kaniyang asawa, sapagka’t baog; at nadalanginan niya ang Panginoon, at si Rebeca na kaniyang asawa ay naglihi.

22 At nagbubuno ang mga bata sa loob niya; at kaniyang sinabi, Kung ganito’y bakit nabubuhay pa ako? At siya’y yumaong nagsiyasat sa Panginoon.

23 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dalawang bansa ay nasa iyong bahay-bata, At dalawang bayan ay papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan: At ang isang bayan ay magiging malakas kaysa isang bayan; At ang matanda ay maglilingkod sa bata.

24 At nang matupad ang mga araw ng kaniyang kapanganakan, narito’t kambal sa kaniyang bahay-bata.

25 At ang unang lumabas ay mapula na buong katawa’y parang mabalahibong damit; at siya’y pinanganlang Esau.

26 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, at ang kaniyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; at ipinangalan sa kaniya ay Jacob: at si Isaac ay may anim na pung taon na, nang sila’y ipanganak ni Rebeca.

27 At nagsilaki ang mga bata; at si Esau ay naging maliksi sa pangangaso, lalake sa parang; at si Jacob ay lalaking tahimik, na tumatahan sa mga tolda.

28 Minamahal nga ni Isaac si Esau, sapagka’t kumakain ng kaniyang pinangangasuhan: at minamahal ni Rebeca si Jacob.

29 At nagluto si Jacob ng lutuin: at dumating si Esau na galing sa parang, at siya’y nanglalambot:

30 At sinabi ni Esau kay Jacob, Ipinamamanhik ko sa iyo na pakanin mo ako niyaong mapulang lutuin; sapagka’t ako’y nanglalambot: kaya’t tinawag ang pangalan niya na Edom.

31 At sinabi ni Jacob, Ipagbili mo muna sa akin ang iyong pagkapanganay.

32 At sinabi ni Esau, Narito, ako’y namamatay: at saan ko mapapakinabangan ang pagkapanganay?

33 At sinabi ni Jacob, Isumpa mo muna sa akin; at isinumpa niya sa kaniya: at kaniyang ipinagbili ang kaniyang pagkapanganay kay Jacob.

34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilutong lentehas; at siya’y kumain, at uminom, at bumangon at yumaon: gayon niwalang halaga ni Esau ang kaniyang pagkapanganay.

Genesis 26

1 At nagkagutom sa lupain, bukod sa unang pagkakagutom na nangyari ng mga araw ni Abraham. At naparoon si Isaac kay Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa Gerar.

2 At napakita ang Panginoon sa kaniya, at nagsabi, Huwag kang bumaba sa Egipto; matira ka sa lupaing aking sasabihin sa iyo:

3 Matira ka sa lupaing ito, at ako’y sasa iyo, at ikaw ay aking pagpapalain; sapagka’t sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito, at pagtitibayin ko ang sumpang aking isinumpa kay Abraham na iyong ama;

4 At aking pararamihin ang iyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito: at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa;

5 Sapagka’t sinunod ni Abraham ang aking tinig, at ginanap ang aking bilin, ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kautusan.

6 At tumahan si Isaac sa Gerar.

7 At tinanong siya ng mga taong tagaroon tungkol sa kaniyang asawa; at sinabi niya, Siya’y aking kapatid; sapagka’t natakot na sabihin, Siya’y aking asawa: baka ako’y patayin, aniya, ng mga taong tagarito, dahil kay Rebeca; dahil sa siya’y may magandang anyo.

8 At nangyari nang siya’y naroong mahabang panahon, na dumungaw si Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa isang durungawan, at tumingin, at narito’t si Isaac ay nakikipaglaro kay Rebeca na kaniyang asawa.

9 At tinawag ni Abimelech si Isaac, at sa kaniya’y sinabi, Narito, tunay na siya’y iyong asawa: at bakit sinabi mo, Siya’y aking kapatid? At sumagot sa kaniya si Isaac, Sapagka’t sinabi ko, Baka ako’y mamatay dahil sa kaniya.

10 At sinabi ni Abimelech, Ano itong ginawa mo sa amin? hindi malayong ang sinoman sa bayan ay nakasiping sa iyong asawa, at sa gayon ay pinapagkasala mo kami.

11 At ibinilin ni Abimelech sa buong bayan, na sinabi, Ang gumalaw sa lalaking ito o sa kaniyang asawa ay tunay na papatayin.

12 At si Isaac ay naghasik sa lupaing yaon, at umani siya ng taong yaon, ng tigisang daan at pinagpala siya ng Panginoon.

13 At naging dakila ang lalake at lalo’t lalong naging dakila hanggang sa naging totoong dakila.

14 At siya’y may tinatangkilik na mga kawan, at mga tinatangkilik na mga bakahan, at malaking sangbahayan: at kinainggitan siya ng mga Filisteo.

15 Lahat ng mga balon ngang hinukay ng mga bataan ng kaniyang ama, nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama, ay pinagtabunan ng mga Filisteo, na mga pinuno ng lupa.

16 At sinabi ni Abimelech kay Isaac; Humiwalay ka sa amin, sapagka’t ikaw ay makapupong matibay kay sa amin.

17 At umalis si Isaac doon, at humantong sa libis ng Gerar, at tumahan doon.

18 At muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama; sapagka’t pinagtabunan ng mga Filisteo, pagkamatay ni Abraham: at kaniyang mga pinanganlan ng ayon sa mga pangalang inilagay ng kaniyang ama.

19 At humukay sa libis ang mga bataan ni Isaac, at nangakasumpong doon ng isang balon ng tubig na bumubukal.

20 At nakipagtalo ang mga pastor ni Gerar sa mga pastor ni Isaac, na sinasabi, Amin ang tubig; at kaniyang tinawag ang pangalan ng balon, na Esec; sapagka’t ipinakipagkaalit sa kaniya.

21 At sila’y humukay ng ibang balon; at kanilang pinagtalunan din: at kaniyang tinawag ang pangalan na Sitnah.

22 At bumunot siya roon, at humukay ng ibang balon; at hindi nila pinagtalunan: at kaniyang tinawag ang pangalan na Rehoboth; at kaniyang sinabi, Sapagka’t ngayo’y binigyan tayo ng Panginoon ng kaluwagan, at lalago tayo sa lupain.

23 At mula roon ay umahon siya sa Beerseba.

24 At napakita sa kaniya ang Panginoon ng gabi ring yaon, at nagsabi, Ako ang Dios ni Abraham na iyong ama: huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi, alangalang kay Abraham na aking lingkod.

25 At si Isaac ay nagtayo roon ng isang dambana, at kaniyang sinambitla ang pangalan ng Panginoon, at itinindig niya roon ang kaniyang tolda: at humukay roon ang mga bataan ni Isaac ng isang balon.

26 Nang magkagayo’y si Abimelech ay naparoon sa kaniya mula sa Gerar, at si Ahuzath na kaniyang kaibigan, at si Phicol na kapitan ng kaniyang hukbo.

27 At sinabi sa kanila ni Isaac, Bakit kayo naparirito sa akin, dangang kayo’y nangapopoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa inyo?

28 At sinabi nila, Malinaw na aming nakita, na ang Panginoon ay sumasaiyo: at aming sinabi, Magkaroon ng pagsusumpaan tayo, kami at ikaw at makipagtipan kami sa iyo:

29 Na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya naman namin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinayaon ka naming payapa: ikaw ngayon ang pinagpala ng Panginoon.

30 At pinaghandaan niya sila, at sila’y nagkainan at naginuman.

31 At sila’y gumising ng madaling araw, at sila’y nagpanumpaan: at sila’y pinagpaalam ni Isaac, at nagsialis na payapa sa kaniya.

32 At nangyari, nang araw ding yaon, na nagsidating ang mga bataan ni Isaac, at siya’y binalitaan tungkol sa balon nilang hinukay, at sinabi sa kaniya, Nakasumpong kami ng tubig.

33 At tinawag niyang Seba: kaya’t ang pangalan ng bayang yaon ay Beerseba hanggang ngayon.

34 At nang si Esau ay may apat na pung taon ay nagasawa kay Judit, na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo:

35 At sila’y nakasama ng loob kay Isaac at kay Rebeca.

Genesis 27

1 At nangyari, nang matanda na si Isaac, at malabo na ang kaniyang mga mata, na ano pa’t hindi na siya makakita, ay tinawag si Esau na kaniyang anak na panganay, at sinabi sa kaniya, Anak ko: at kaniyang sinabi, Narito ako.

2 At sinabi niya, Narito, ako’y matanda, at hindi ko nalalaman ang kaarawan ng aking kamatayan.

3 Ngayon nga’y kunin mo ipinamamanhik ko sa iyo, ang iyong almas, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog, at lumabas ka sa parang, at ihuli mo ako ng usa;

4 At igawa mo ako ng masarap na pagkain, na aking ibig, at dalhin mo rito sa akin, upang ako’y kumain; upang ikaw ay basbasan ko bago ako mamatay.

5 At pinakikinggan ni Rebeca nang nagsasalita si Isaac kay Esau na kaniyang anak. At naparoon si Esau sa parang upang manghuli ng usa, at upang madala.

6 At isinaysay ni Rebeca kay Jacob na kaniyang anak na sinasabi, Narito, narinig ko ang iyong ama na nagsasalita kay Esau na iyong kapatid, na sinasabi,

7 Dalhan mo ako ng usa, at igawa mo ako ng pagkaing masarap, upang ako’y kumain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon, bago ako mamatay,

8 Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig, ayon sa iniutos ko sa iyo.

9 Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo rito sa akin ang dalawang mabuting anak ng kambing; at gagawin kong masarap na pagkain sa iyong ama, ayon sa kaniyang ibig.

10 At dadalhin mo sa iyong ama, upang kumain, ano pa’t ikaw ay kaniyang basbasan bago siya mamatay.

11 At sinabi ni Jacob kay Rebeca na kaniyang ina, Narito, si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo, at ako’y taong makinis.

12 Marahil ay hihipuin ako ng aking ama, at aariin niya akong parang nagdaraya sa kaniya; at ang aking mahihita ay sumpa at hindi basbas.

13 At sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Sa akin mapunta ang sumpa sa iyo, anak ko: sundin mo lamang ang aking tinig, at yumaon ka, na dalhin mo sa akin.

14 At siya’y yumaon at dinala sa kaniyang ina: at gumawa ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, na ibig ng kaniyang ama.

15 At kinuha ni Rebeca ang mainam na damit ni Esau, na kaniyang anak na panganay, na nasa kaniya sa bahay, at isinuot kay Jacob na kaniyang bunsong anak:

16 At ang mga balat ng mga anak ng kambing ay ibinalot sa kaniyang mga kamay, at sa kinis ng kaniyang leeg.

17 At kaniyang ibinigay ang pagkaing masarap, at ang tinapay na kaniyang inihanda, sa kamay ni Jacob na kaniyang anak.

18 At siya’y lumapit sa kaniyang ama, at nagsabi, Ama ko; at sinabi niya: Narito ako; sino ka, anak ko?

19 At sinabi ni Jacob sa kaniyang ama, Ako’y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin: bumangon ka, ipinamamanhik ko sa iyo, maupo ka at kumain ka ng aking usa, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa.

20 At sinabi ni Isaac sa kaniyang anak, Ano’t kay dali mong nakasumpong, anak ko? At sinabi niya, Sapagka’t binigyan ako ng mabuting kapalaran ng Panginoon mong Dios.

21 At sinabi ni Isaac kay Jacob, Lumapit ka rito, ipinamamanhik ko sa iyo upang hipuin kita, anak ko, kung tunay na ikaw ang aking anak na si Esau o hindi.

22 At lumapit si Jacob kay Isaac na kaniyang ama: at hinipo siya, at sinabi, Ang tinig ay tinig ni Jacob, nguni’t ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.

23 At hindi siya nakilala, sapagka’t ang kaniyang kamay ay mabalahibo, gaya ng mga kamay ni Esau na kaniyang kapatid: at sa gayo’y binasbasan siya.

24 At sinabi niya, Ikaw bang tunay ang aking anak na si Esau? At sinabi niya, Ako nga.

25 At kaniyang sinabi, Ilapit mo sa akin, at kakain ako ng usa ng aking anak, upang basbasan ka ng aking kaluluwa. At kaniyang inilapit sa kaniya at kumain siya: at siya’y dinalhan niya ng alak, at uminom.

26 At sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama, Lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin, anak ko.

27 At siya’y lumapit at humalik siya sa kaniya: at naamoy ng ama ang amoy ng kaniyang mga suot, at siya’y binasbasan, na sinabi, Narito, ang amoy ng aking anak Ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon:

28 At bigyan ka ng Dios ng hamog ng langit, At ng taba ng lupa, At ng saganang trigo at alak:

29 Ang mga bayan ay mangaglingkod nawa sa iyo. At ang mga bansa ay mangagsiyukod sa iyo: Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid, At magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina: Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo. At maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.

30 At nangyari pagkatapos ng pagbabasbas ni Isaac kay Jacob, at bahagya nang kaaalis ni Jacob sa harap ni Isaac na kaniyang ama, ay dumating si Esau na kaniyang kapatid, na galing sa kaniyang panghuhuli.

31 At siya ma’y gumawa ng masarap na pagkain, at dinala niya sa kaniyang ama; at sinabi niya sa kaniyang ama, Bumangon ang ama ko, at kumain ng usa ng kaniyang anak, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa.

32 At sinabi ni Isaac na kaniyang ama sa kaniya, Sino ka? At kaniyang sinabi, Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.

33 At nangilabot na mainam si Isaac, at sinabi, Sino nga yaong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako’y kumain niyaon bago ka dumating, at aking binasbasan siya? oo, at siya’y magiging mapalad!

34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kaniyang ama ay humiyaw ng malakas at ng di kawasang kapanglawan: at sinabi sa kaniyang ama. Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko.

35 At kaniyang sinabi, Naparito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng daya, at kinuha ang basbas sa iyo.

36 At kaniyang sinabi, Hindi ba matuwid ang pagkatawag sa kaniyang Jacob? sapagka’t kaniyang inagawan ako nitong makalawa: kaniyang kinuha ang aking pagkapanganay; at, narito, ngayo’y kinuha ang basbas sa akin. At kaniyang sinabi, Hindi mo ba ako ipinaglaan ng basbas.

37 At sumagot si Isaac, at sinabi kay Esau. Narito, inilagay ko siyang panginoon mo, at sa kaniya’y ibinigay kong lingkod ang lahat niyang mga kapatid; at sa trigo at sa bagong alak, ay kinandili ko siya; at sa iyo’y ano ngang magagawa ko ngayon anak ko?

38 At sinabi ni Esau sa kaniyang ama, Wala ka ba, kundi isa lamang basbas, ama ko? Basbasan mo ako, ako naman, Oh ama ko. At humiyaw si Esau at umiyak.

39 At sumagot si Isaac na kaniyang ama, at sinabi sa kaniya, Narito, magiging sadya sa taba ng lupa ang iyong tahanan, At sa hamog ng langit mula sa itaas;

40 At sa iyong tabak ay mabubuhay ka, at sa iyong kapatid ay maglilingkod ka; At mangyayari na pagka nakalaya ka, Papagpagin mo sa iyong leeg ang pamatok niya.

41 At kinapootan ni Esau si Jacob, dahil sa basbas na ibinasbas sa kaniya ng kaniyang ama; at sinasabi ni Esau sa sarili, Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; kung magkagayo’y papatayin ko si Jacob na aking kapatid.

42 At ang mga salita ni Esau na kaniyang panganay ay nangaibalita kay Rebeca; at kaniyang pinasuguan at tinawag si Jacob, na kaniyang bunso at sa kaniya’y sinabi, Narito, ang iyong kapatid na si Esau ay naaaliw tungkol sa iyo, na inaakalang patayin ka.

43 Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig; at bumangon ka, at tumakas ka hanggang kay Laban na aking kapatid, sa Haran;

44 At dumoon ka sa kaniyang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid.

45 Hanggang ang galit sa iyo, ng iyong kapatid ay mapawi at malimutan niya ang ginawa mo sa kaniya: kung magkagayo’y pasusuguan kita at ipasusundo kita mula roon: bakit kapuwa mawawala kayo sa akin sa isang araw?

46 At sinabi ni Rebeca kay Isaac, Ako’y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Heth: kung si Jacob ay magasawa sa mga anak ni Heth na gaya ng mga ito, ng mga anak ng lupaing ito, ano pang kabuluhan sa akin ng aking buhay?

Genesis 28

1 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya’y binasbasan, at siya’y pinagbilinan, na sinabi sa kaniya, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.

2 Tumindig ka, pumaroon ka sa Padan-aram, sa bahay ni Bethuel, na ama ng iyong ina, at magasawa ka roon sa mga anak ni Laban, na kapatid na lalake ng iyong ina.

3 At ikaw ay pagpalain nawa ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay palaguin, at ikaw ay paramihin, upang ikaw ay maging kapisanan ng mga bayan;

4 At ibigay nawa sa iyo ang pagpapala kay Abraham, sa iyo, at sangpu sa iyong binhi; upang iyong ariin ang lupaing iyong pinaglakbayan, na ibinigay ng Dios kay Abraham.

5 At pinapagpaalam ni Isaac si Jacob: at naparoon siya sa Padan-aram kay Laban, anak ni Bethuel na taga Siria, na kapatid ni Rebeca, na ina ni Jacob at ni Esau.

6 Nakita nga ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya’y pinaparoon sa Padan-aram, upang doon magasawa; at nang siya’y basbasan ay ipinagbilin sa kaniya, na sinasabi, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.

7 At sumunod si Jacob sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at naparoon sa Padan-aram;

8 At nakita ni Esau na hindi nakalulugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kaniyang ama;

9 At naparoon si Esau kay Ismael, at nagasawa kay Mahaleth, anak ni Ismael, na anak ni Abraham, na kapatid na babae ni Nabaioth, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.

10 At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran.

11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka’t lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.

12 At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.

13 At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi;

14 At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.

15 At, narito’t ako’y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, at pababalikin kita sa lupaing ito sapagka’t hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo.

16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.

17 At siya’y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito’y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.

18 At si Jacob ay bumangong maaga ng kinaumagahan, at kinuha ang batong kaniyang inilagay sa ulunan niya, at kaniyang itinayo na pinakaalaala, at kaniyang binuhusan ng langis sa ibabaw.

19 At ang ipinangalan niya sa dakong yaon ay Betel: datapuwa’t ang pangalan ng bayan nang una ay Luz.

20 At si Jacob ay nagpanata, na sinasabi, Kung sasaakin ang Dios, at ako’y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako’y bibigyan ng tinapay na makakain, at damit na maisusuot,

21 Na ano pa’t ako’y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, ay ang Panginoon nga ang magiging aking Dios,

22 At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging bahay ng Dios; at sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.

Genesis 29

1 Nang magkagayo’y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, at napasa lupain ng mga anak ng silanganan.

2 At siya’y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka’t sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki.

3 At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon.

4 At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga Haran kami.

5 At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya.

6 At sinabi niya sa kanila, Siya ba’y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya’y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa.

7 At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin.

8 At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa.

9 Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka’t siya ang nagaalaga ng mga iyon.

10 At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina.

11 At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak.

12 At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob na siya’y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: at siya’y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama.

13 At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito.

14 At sinabi sa kaniya ni Laban, Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan.

15 At sinabi ni Laban kay Jacob, Sapagka’t ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa akin ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo.

16 At may dalawang anak na babae si Laban: ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang pangalan ng bunso ay Raquel.

17 At ang mga mata ni Lea ay mapupungay; datapuwa’t si Raquel ay maganda at kahalihalina.

18 At sininta ni Jacob si Raquel; at kaniyang sinabi, Paglilingkuran kitang pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.

19 At sinabi ni Laban, Magaling ang ibigay ko siya sa iyo, kay sa ibigay ko sa iba: matira ka sa akin.

20 At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya’y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya.

21 At sinabi ni Jacob kay Laban, Ibigay mo sa akin ang aking asawa, sapagka’t naganap na ang aking mga araw upang ako’y sumiping sa kaniya.

22 At pinisan ni Laban ang lahat ng tao roon at siya’y gumawa ng isang piging.

23 At nangyari nang kinagabihan, na kaniyang kinuha si Lea na kaniyang anak at dinala niya kay Jacob, at siya’y sumiping sa kaniya.

24 At sa kaniyang anak na kay Lea ay ibinigay na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Zilpa.

25 At nangyari, na sa kinaumagahan, narito’t si Lea: at kaniyang sinabi kay Laban: Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba kita pinaglingkuran dahil kay Raquel? Bakit mo nga ako dinaya?

26 At sinabi ni Laban, Hindi ginagawa ang ganyan dito sa aming dako, na ibinibigay ang bunso, bago ang panganay.

27 Tapusin mo ang kaniyang sanglingo, at ibibigay rin naman namin sa iyo ang isa, dahil sa paglilingkod na gagawin mong pitong taon pa, sa akin.

28 At gayon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang sanglingo nito, at ibinigay ni Laban sa kaniya si Raquel na kaniyang anak na maging asawa niya.

29 At sa kaniyang anak na kay Raquel ay ibinigay ni Laban na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Bilha.

30 At sumiping din naman si Jacob kay Raquel, at kaniya namang inibig si Raquel ng higit kay Lea, at naglingkod siya kay Laban na pitong taon pa.

31 At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa’t si Raquel ay baog.

32 At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka’t kaniyang sinabi, Sapagka’t nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo’y mamahalin ako ng aking asawa.

33 At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka’t narinig ng Panginoon na ako’y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon.

34 At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo’y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka’t nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya’t pinanganlan niyang Levi.

35 At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo’y aking pupurihin ang Panginoon: kaya’t pinanganlang Juda; at hindi na nanganak.

Genesis 30

1 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!

2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba’y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?

3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.

4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.

5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.

6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya’t pinanganlang Dan.

7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

8 At sinabi ni Raquel, Ako’y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako’y nanaig: at siya’y pinanganlang Nephtali.

9 Nang makita ni Lea, na siya’y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob.

10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.

11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.

12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka’t tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.

14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo’y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.

15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya’t sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.

16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya’y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka’t tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.

17 At dininig ng Dios si Lea: at siya’y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.

18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka’t ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.

19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.

20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo’y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka’t nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.

21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.

22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata.

23 At siya’y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:

24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.

25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako’y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.

26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka’t talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.

27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako’y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.

28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.

29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.

30 Sapagka’t kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo’y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?

31 At sa kaniya’y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito’y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.

32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan.

33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.

34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.

35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;

36 At siya’y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.

37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.

38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.

39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.

40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.

41 At nangyari, na kailan ma’t maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila’y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.

42 Datapuwa’t pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya’t ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.

43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.

Genesis 31

1 At narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsisipagsabi, Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama; at doon sa mga sa ating ama ay tinamo niya ang buong karangalang ito.

2 At minasdan ni Jacob ang mukha ni Laban, at narito’t hindi sumasa kaniyang gaya ng dati.

3 At sinabi ng Panginoon kay Jacob, Magbalik ka sa lupain ng iyong mga magulang, at sa iyong kamaganakan; at ako’y sasaiyo.

4 At si Jacob ay nagsugo at tinawag si Raquel at si Lea sa bukid, sa kaniyang kawan,

5 At sinabi sa kanila, Nakikita ko ang mukha ng inyong ama, na hindi sumasaakin na gaya ng dati; datapuwa’t ang Dios ng aking ama ay sumaakin.

6 At nalalaman ninyo, na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.

7 At dinaya ako ng inyong ama, at binagong makasangpu ang aking kaupahan; datapuwa’t hindi pinahintulutan siya ng Dios, na gawan ako ng masama.

8 Kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may batik ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo’y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik: at kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may guhit ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo’y ang lahat ng kawan ay manganganak ng mga may guhit.

9 Ganito inalis ng Dios ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.

10 At nangyari, na sa panahong ang kawan ay naglilihi, ay itiningin ko ang aking mga mata, at nakita ko sa panaginip, at narito, ang mga kambing na lalake na nakatakip sa kawan ay mga may guhit, may batik at may dungis.

11 At sinabi sa akin ng anghel ng Dios, sa panaginip, Jacob: at sinabi ko, Narito ako.

12 At kaniyang sinabi, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, tingnan mo na ang lahat ng kambing na natatakip sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis: sapagka’t aking nakita ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.

13 Ako ang Dios ng Betel, na doon mo pinahiran ng langis ang batong pinakaalaala, at doon ka gumawa ng panata sa akin: ngayo’y tumindig ka, umalis ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupaing pinanganakan sa iyo.

14 At nagsisagot si Raquel at si Lea, at sa kaniya’y sinabi, Mayroon pa ba kaming natitirang bahagi o mana sa bahay ng aming ama?

15 Hindi ba inaari niya kaming taga ibang bayan? sapagka’t ipinagbili niya kami at kaniyang lubos nang kinain ang aming halaga.

16 Sapagka’t ang buong kayamanang inalis ng Dios sa aming ama, ay amin yaon at sa aming mga anak: ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios.

17 Nang magkagayo’y tumindig si Jacob, at pinasakay sa mga kamello ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa;

18 At dinala ang kaniyang lahat na hayop, at ang kaniyang buong pag-aaring tinipon, ang hayop na kaniyang napakinabang, na kaniyang tinipon, sa Padan-aram, upang pumaroon kay Isaac na kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.

19 Si Laban nga ay yumaon upang gupitan ang kaniyang mga tupa: at ninakaw ni Raquel ang mga larawang tinatangkilik ng kaniyang ama.

20 At tumanan si Jacob na di nalalaman ni Laban na taga Siria, sa di niya pagbibigay alam na siya’y tumakas.

21 Ganito tumakas si Jacob sangpu ng buong kaniya; at bumangon at tumawid sa ilog Eufrates, at siya’y tumungo sa bundok ng Gilead.

22 At binalitaan si Laban sa ikatlong araw, na tumakas si Jacob.

23 At ipinagsama niya ang kaniyang mga kapatid, at hinabol niyang pitong araw; at kaniyang inabutan sa bundok ng Gilead.

24 At naparoon ang Dios kay Laban na taga Siria, sa panaginip sa gabi, at sa kaniya’y sinabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man,

25 At inabutan ni Laban si Jacob, At naitirik na ni Jacob ang kaniyang tolda sa bundok; at si Laban sangpu ng kaniyang mga kapatid ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.

26 At sinabi ni Laban kay Jacob, Anong ginawa mo na tumanan ka ng di ko nalalaman, at dinala mo ang aking mga anak na parang mangabihag sa tabak?

27 Bakit ka tumakas ng lihim, at tumanan ka sa akin; at hindi mo ipinaalam sa akin, upang ikaw ay napagpaalam kong may sayahan at may awitan, may tambol at may alpa;

28 At hindi mo man lamang ipinahintulot sa aking humalik sa aking mga anak na lalake at babae? Ngayon nga’y gumawa ka ng kamangmangan.

29 Nasa kapangyarihan ng aking kamay ang gawan ko kayo ng masama: nguni’t ang Dios ng inyong ama ay kinausap ako kagabi, na sinasabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.

30 At ngayon, bagaman iyong inibig yumaon, sapagka’t pinagmimithian mong datnin ang bahay ng iyong ama ay bakit mo ninakaw ang aking mga dios?

31 At sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Sapagka’t ako’y natakot: sapagka’t sinabi kong baka mo alising sapilitan sa akin ang iyong mga anak.

32 Kaya kung kanino mo masumpungan ang iyong mga dios, ay huwag mabuhay: sa harap ng ating mga kapatid ay iyong kilalanin kung anong mayroon akong iyo, at dalhin mo sa iyo. Sapagka’t hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw.

33 At pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, at sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang alilang babae, datapuwa’t hindi niya nasumpungan; at lumabas sa tolda ni Lea, at pumasok sa tolda ni Raquel.

34 Nakuha nga ni Raquel ang mga larawan, at naisiksik sa mga daladalahan ng kamello at kaniyang inupuan. At inapuhap ni Laban ang buong palibot ng tolda, nguni’t hindi niya nasumpungan.

35 At sinabi niya sa kaniyang ama, Huwag magalit ang aking panginoon na ako’y hindi makatindig sa harap mo; sapagka’t ako’y mayroon ng kaugalian ng mga babae. At kaniyang hinanap, datapuwa’t hindi masumpungan ang mga larawan.

36 At naginit si Jacob at nakipagtalo kay Laban, at sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Ano ang aking sinalangsang at ang aking kasalanan, upang ako’y habulin mong may pagiinit?

37 Yamang inapuhap mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong nasumpungan mong kasangkapan, ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harap ng aking mga kapatid at ng iyong mga kapatid, upang hatulan nila tayong dalawa.

38 Ako’y natira sa iyo nitong dalawang pung taon: ang iyong mga babaing tupa, at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nawalan ng kanilang mga anak, at ang mga tupang lalake ng iyong kawan ay hindi ko kinain.

39 Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo; ako ang nagbata ng kawalan; sa aking kamay mo hiningi, maging nanakaw sa araw, o nanakaw sa gabi.

40 Ganito nakaraan ako; sa araw ay pinupugnaw ako ng init, at ng lamig sa gabi; at ang pagaantok ay tumatakas sa aking mga mata.

41 Nitong dalawang pung taon ay natira ako sa iyong bahay; pinaglingkuran kitang labing apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan: at binago mo ang aking kaupahan na makasangpu.

42 Kung hindi sumaakin ang Dios ng aking ama, ang Dios ni Abraham, at ang Katakutan ni Isaac, ay walang pagsalang palalayasin mo ako ngayong walang dala. Nakita ng Dios ang aking kapighatian, ang kapaguran ng aking mga kamay, at sinaway ka niya kagabi.

43 At sumagot si Laban at sinabi kay Jacob, Ang mga anak na babaing ito, ay aking mga anak at itong mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay mga kawan ko, at ang lahat ng iyong nakikita ay akin: at anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?

44 At ngayo’y halika, gumawa tayo ng isang tipan, ako’t ikaw na maging patotoo sa akin at sa iyo.

45 At kumuha si Jacob ng isang bato, at itinindig na pinakaalaala.

46 At sinabi ni Jacob sa kaniyang mga kapatid, Manguha kayo ng mga bato; at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton: at sila’y nagkainan doon sa malapit sa bunton.

47 At pinanganlan ni Laban na Jegarsahadutha, datapuwa’t pinanganlan ni Jacob na Galaad.

48 At sinabi ni Laban, Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon. Kaya’t ang pangalan niya’y tinawag na Galaad;

49 At Mizpa sapagka’t kaniyang sinabi, Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, pag nagkakahiwalay tayo.

50 Kung pahirapan mo ang aking mga anak, o kung magasawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, ay wala tayong ibang kasama; tingnan mo, ang Dios ay saksi sa akin at sa iyo.

51 At sinabi ni Laban kay Jacob, Narito, ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito, na aking inilagay sa gitna natin.

52 Maging saksi ang buntong ito, at saksi ang batong ito, na hindi ko lalagpasan ang buntong ito sa dako mo, at hindi mo lalagpasan ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito sa pagpapahamak sa amin.

53 Ang Dios ni Abraham at ang Dios ni Nachor, ang Dios ng ama nila ay siyang humatol sa atin. At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Katakutan ng kaniyang amang si Isaac.

54 At naghandog si Jacob ng hain sa bundok, at tinawag ang kaniyang mga kapatid upang magsikain ng tinapay: at sila’y nagsikain ng tinapay, at sila’y nagparaan ng buong gabi sa bundok.

55 At bumangong maaga sa kinaumagahan si Laban, at hinagkan ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at pinagbabasbasan: at yumaon at umuwi si Laban.