Genesis 32

1 At ipinagpatuloy ni Jacob ang kaniyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Dios.

2 At sinabi ni Jacob nang makita niya sila, Ito’y hukbo ng Dios: at tinawag niya ang pangalan ng dakong yaon na Mahanaim.

3 At si Jacob ay nagpasugo sa unahan niya kay Esau, na kaniyang kapatid sa lupain ng Seir, na parang ng Edom.

4 At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau, Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako’y natira roon hanggang ngayon.

5 At mayroon akong mga baka, at mga asno, at mga kawan, at mga aliping lalake at babae: at ako’y nagpasugo upang magbigay alam sa aking panginoon, upang makasumpong ng biyaya sa iyong paningin.

6 At ang mga sugo ay nagsipagbalik kay Jacob, na nagsipagsabi, Dumating kami sa iyong kapatid na kay Esau, at siya rin naman ay sumasalubong sa iyo, at apat na raang tao ang kasama niya.

7 Nang magkagayo’y natakot na mainam si Jacob at nahapis at kaniyang binahagi ang bayang kasama niya, at ang mga kawan, at ang mga bakahan, at ang mga kamelyo ng dalawang pulutong.

8 At kaniyang sinabi, Kung dumating si Esau sa isang pulutong, at kaniyang saktan, ang pulutong ngang natitira ay tatanan.

9 At sinabi ni Jacob, Oh Dios ng aking amang si Abraham, at Dios ng aking amang si Isaac, Oh Panginoon, na nagsabi sa akin, Magbalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamaganakan, at gagawan kita ng magaling:

10 Hindi ako marapat sa kababababaan ng lahat ng kaawaan, at ng buong katotohanan na iyong ipinakita sa iyong lingkod: sapagka’t dala ko ang aking tungkod, na dinaanan ko ang Jordang ito; at ngayo’y naging dalawang pulutong ako.

11 Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau; sapagka’t ako’y natatakot sa kaniya, baka siya’y dumating at ako’y saktan niya, ang ina pati ng mga anak.

12 At ikaw ang nagsabi, Tunay na ikaw ay gagawan ko ng magaling, at gagawin ko ang iyong binhi na parang buhangin sa dagat, na hindi mabibilang dahil sa karamihan.

13 At siya’y nagparaan doon ng gabing yaon; at kumuha ng mayroon siya na ipagkakaloob kay Esau na kaniyang kapatid;

14 Dalawang daang kambing na babae, at dalawang pung lalaking kambing; dalawang daang tupang babae, at dalawang pung tupang lalake,

15 Tatlong pung kamelyong inahin na pati ng kanilang mga anak; apat na pung baka at sangpung toro, dalawang pung asna at sangpung anak ng mga yaon.

16 At ipinagbibigay sa kamay ng kaniyang mga bataan, bawa’t kawan ay bukod; at sinabi sa kaniyang mga bataan, Lumagpas kayo sa unahan ko, at iiwanan ninyo ng isang pagitan ang bawa’t kawan.

17 At iniutos sa una, na sinasabi, Pagka ikaw ay nasumpungan ni Esau na aking kapatid, at ikaw ay tinanong na sinasabi, Kanino ka? at saan ka paroroon? at kanino itong nangasa unahan mo.

18 Kung magkagayo’y sasabihin mo, Sa iyong lingkod na kay Jacob; isang kaloob nga, na padala sa aking panginoong kay Esau: at, narito, siya’y nasa hulihan din naman namin.

19 At iniutos din sa ikalawa, at sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, Sa ganitong paraan sasalitain ninyo kay Esau, pagkasumpong ninyo sa kaniya;

20 At sasabihin ninyo, Saka, narito, ang iyong lingkod na si Jacob, ay nasa hulihan namin, sapagka’t kaniyang sinabi, Paglulubagin ko ang kaniyang galit sa pamamagitan ng kaloob na sumasaunahan ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kaniyang mukha; marahil ay tatanggapin niya ako.

21 Gayon isinaunahan niya ang mga kaloob; at siya’y natira ng gabing yaon sa pulutong.

22 At siya’y bumangon ng gabing yaon, at isinama niya ang kaniyang dalawang asawa, at ang kaniyang dalawang alilang babae, at ang kaniyang labing isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.

23 At sila’y kaniyang isinama at itinawid sa batis, at kaniyang itinawid ang kaniyang tinatangkilik.

24 At naiwang magisa si Jacob: at nakipagbuno ang isang lalake sa kaniya, hanggang sa magbukang liwayway.

25 At nang makita nitong siya’y hindi manaig sa kaniya ay hinipo ang kasukasuan ng hita niya; at ang kasukasuan ni Jacob ay sinaktan samantalang nakikipagbuno sa kaniya.

26 At sinabi, Bitawan mo ako, sapagka’t nagbubukang liwayway na. At kaniyang sinabi, Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan.

27 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang pangalan mo? At kaniyang sinabi, Jacob.

28 At sinabi niya, Hindi na tatawaging Jacob ang iyong pangalan, kundi Israel; sapagka’t ikaw ay nakipagpunyagi sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nanaig.

29 At siya’y tinanong ni Jacob, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyong sabihin mo sa akin ang iyong pangalan. At kaniyang sinabi, Bakit nagtatanong ka ng aking pangalan? At siya’y binasbasan doon.

30 At tinawag ni Jacob ang pangalan ng dakong yaon na Peniel; sapagka’t aniya’y nakita ko ang Dios ng mukhaan, at naligtas ang aking buhay.

31 At sinikatan siya ng araw ng siya’y nagdadaan sa Penuel; at siya’y napipilay sa hita niya.

32 Kaya’t hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasukasuan ng hita, hanggang ngayon: sapagka’t hinipo ng taong yaon ang kasukasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng pigi.

Genesis 33

1 At itiningin ni Jacob ang kaniyang mga mata at tumingin, at, narito, si Esau ay dumarating, at kasama niya’y apat na raang tao. At kaniyang binahagi ang mga bata kay Lea at kay Raquel, at sa dalawang alilang babae.

2 At inilagay niya ang mga alila na kasama ng kanilang mga anak na pinakapanguna, at si Lea na kasama ng kaniyang mga anak na pinakapangalawa, at si Raquel at si Jose na pinakahuli.

3 At siya naman ay lumagpas sa unahan nila, at yumukod sa lupa na makapito, hanggang sa nalapit sa kaniyang kapatid.

4 At tumakbo si Esau na sinalubong siya, at niyakap siya at niyapos siya sa leeg, at hinagkan siya: at nagiyakan,

5 At itiningin ni Esau ang mga mata niya, at nakita ang mga babae at ang mga bata, at sinabi, Sinosino itong mga kasama mo? At kaniyang sinabi, Ang mga anak na ipinagkaloob ng Dios sa iyong lingkod.

6 Nang magkagayo’y nagsilapit ang mga alilang babae, sila at ang kanilang mga anak, at nagsiyukod.

7 At lumapit din si Lea at ang kaniyang mga anak, at nagsiyukod: at pagkatapos ay nagsilapit si Jose at si Raquel, at nagsiyukod.

8 At kaniyang sinabi, Anong palagay mo sa buong karamihang ito na nasumpungan ko? At kaniyang sinabi, Nang makasundo ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.

9 At sinabi ni Esau, Mayroon akong kasiya; kapatid ko, ariin mo ang iyo.

10 At sinabi sa kaniya ni Jacob, Hindi, ipinamamanhik ko sa iyo, na kung ngayo’y nakasundo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob sa aking kamay: yamang nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakakita ng mukha ng Dios, at ikaw ay nalugod sa akin.

11 Tanggapin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kaloob na dala sa iyo; sapagka’t ipinagkaloob sa akin ng Dios, at mayroon ako ng lahat. At ipinilit sa kaniya, at kaniyang tinanggap.

12 At kaniyang sinabi, Yumaon tayo at tayo’y lumakad, at ako’y mangunguna sa iyo.

13 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at ang mga kawan at ang mga baka ay nagpapasuso: at kung ipagmadali sa isa lamang araw ay mamamatay ang lahat ng kawan.

14 Magpauna ang aking panginoon sa kaniyang lingkod: at ako’y mamamatnubay na dahandahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at ng hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.

15 At sinabi ni Esau, Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko. At kaniyang sinabi, Ano pang dahil nito? Makasundo nawa ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.

16 Gayon nagbalik si Esau ng araw ding yaon sa kaniyang lakad sa Seir.

17 At si Jacob ay naglakbay sa Succoth, at nagtayo ng isang bahay para sa kaniya, at iginawa niya ng mga balag ang kaniyang hayop: kaya’t tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Succoth.

18 At dumating si Jacob na payapa sa bayan ng Sichem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya’y manggaling sa Padan-aram; at siya’y humantong sa tapat ng bayan.

19 At binili ang pitak ng lupa na pinagtayuan ng kaniyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Sichem, ng isang daang putol na salapi.

20 At siya’y nagtindig doon ng isang dambana, at tinawag niyang El-Elohe-Israel.

Genesis 34

1 At lumabas si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, upang tingnan ang mga anak na babae ng lupaing yaon.

2 At siya’y nakita ni Sichem, anak ni Hamor, na Heveo, na prinsipe sa lupain; at siya’y kinuha at sumiping sa kaniya, at siya’y pinangayupapa.

3 At inilakip niya ang kaniyang kaluluwa kay Dina, na anak ni Jacob at kaniyang sininta ang dalaga, at nakiusap ng kalugodlugod sa dalaga.

4 At si Sichem ay nagsalita sa kaniyang amang kay Hamor, na sinabi, Ipakamit mo sa akin ang dalagang ito na maging asawa ko.

5 Nabalitaan nga ni Jacob na dinahas ang kaniyang anak na si Dina; at ang kaniyang mga anak ay nasa kasamahan ng mga hayop niya sa parang: at tumahimik si Jacob hanggang sa sila’y dumating.

6 At nilabas ni Hamor na ama ni Sichem si Jacob upang makiusap sa kaniya.

7 At ang mga anak ni Jacob ay nagsiuwi mula sa parang nang kanilang mabalitaan: at nangagdamdam ang mga lalake, at nagningas ang kanilang galit, sapagka’t gumawa ng kaululan sa Israel, na sinipingan ang anak ni Jacob; bagay na di nararapat gawin.

8 At nakiusap si Hamor sa kanila, na sinasabi, Ang kaluluwa ni Sichem na aking anak ay sumasa iyong anak; ipinamamanhik ko sa inyo na ipagkaloob ninyo sa kaniya na maging asawa niya.

9 At magsipagasawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.

10 At tatahan kayong kasama namin; at ang lupain ay sasa harap ninyo; tumahan kayo at mangalakal kayo riyan at magkaroon kayo ng mga pag-aari riyan.

11 At sinabi ni Sichem sa ama ni Dina, at sa mga kapatid niya, Makasundo nawa ako ng biyaya sa inyong mga mata at ang sabihin ninyo sa akin ay aking ibibigay.

12 Hingin ninyo sa akin ang walang bilang na bigay-kaya at kaloob, at aking ibibigay ayon sa sabihin ninyo sa akin; ipagkaloob lamang ninyo sa akin ang dalaga na maging asawa ko.

13 At nagsisagot na may pagdaraya ang mga anak ni Jacob kay Sichem at kay Hamor na kaniyang ama, at sila’y nagsalitaan, sapagka’t kaniyang dinahas si Dina na kanilang kapatid.

14 At sinabi niya sa kanila, Hindi namin magagawa ito, na ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagka’t isang kasiraan ng puri namin.

15 Sa ganitong paraan lamang papayag kami sa inyo: kung kayo’y magiging gaya namin, na mangatuli ang lahat ng lalake sa inyo;

16 Ay ibibigay nga namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at tatahan kami sa inyo, at tayo’y magiging isa lamang bayan.

17 Datapuwa’t kung ayaw ninyo kaming pakinggan, na kayo’y mangatuli; ay dadalhin nga namin ang aming anak na babae at kami ay yayaon.

18 At ang kanilang mga salita ay kinalugdan ni Hamor at ni Sichem, na anak ni Hamor.

19 At hindi iniliban ng binata ang paggawa niyaon, sapagka’t nalugod siya sa anak na babae ni Jacob: at siya ang pinarangalang higit sa buong sangbahayan ng kaniyang ama.

20 At si Hamor at si Sichem na kaniyang anak ay napasa pintuang-bayan ng kanilang bayan, at sila’y nakiusap sa mga tao sa kanilang bayan, na sinasabi.

21 Ang mga taong ito ay tahimik sa atin; kaya’t magsitahan sila sa lupain at magsipangalakal sila riyan; sapagka’t narito, ang lupain, ay may malabis na kaluwangan sa kanila; tayo’y makisama sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak.

22 Sa ganito lamang paraan papayagan tayo ng mga taong iyan, sa pagtahan sa atin, na maging isa lamang bayan, kung patuli ang lahat ng lalake sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.

23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Atin lamang silang payagan, at tatahan sa atin.

24 At pinakinggan si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, ng lahat na lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan; at ang lahat ng lalake ay nagtuli, ang lahat ng lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan.

25 At nangyari, nang ikatlong araw, nang sila’y nangasasaktan, na ang dalawa sa mga anak ni Jacob, si Simeon at si Levi, na mga kapatid ni Dina, na kumuha ang bawa’t isa ng kaniyang tabak, at sila’y lihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalake.

26 At kanilang pinatay si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, sa talim ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Sichem, at sila’y nagsialis.

27 Nagsiparoon ang mga anak ni Jacob sa mga patay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagka’t kanilang dinahas ang kapatid nila.

28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, at ang kanilang mga asno, at ang nasa bayan, at ang nasa parang;

29 At ang kanilang buong yaman, at ang lahat ng kanilang mga anak, at mga asawa, ay dinala nilang bihag at samsam, sa makatuwid baga’y lahat na nasa bahay.

30 At sinabi ni Jacob kay Simeon at kay Levi, Ako’y inyong binagabag, na pinapaging mapagtanim ninyo ako sa mga tumatahan sa lupain, sa mga Cananeo, at sa mga Pherezeo; at akong may kaunting tao, ay magpipisan sila laban sa akin, at ako’y sasaktan nila; at lilipulin ako at ang aking sangbahayan.

31 At kanilang sinabi, Aariin ba niya ang aming kapatid na parang isang patutot?

Genesis 35

1 At sinabi ng Dios kay Jacob, Tumindig ka, umahon ka sa Bethel, at tumahan ka roon; at gumawa ka roon ng isang dambana sa Dios na napakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa harap ng iyong kapatid na si Esau.

2 Nang magkagayo’y sinabi ni Jacob sa kaniyang sangbahayan, at sa lahat niyang kasama. Ihiwalay ninyo ang mga dios ng iba na nangasa inyo, at magpakalinis kayo, at magbago kayo ng inyong mga suot:

3 At tayo’y magsitindig at magsisampa tayo sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana sa Dios na sumagot sa akin sa araw ng aking kahapisan, at sumaakin sa daan na aking nilakaran.

4 At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem.

5 At sila’y naglakbay; at ang isang malaking sindak mula sa Dios ay sumabayan na nasa mga palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.

6 Sa gayo’y naparoon si Jacob sa Luz, na nasa lupain ng Canaan (na siyang Bethel), siya at ang buong bayang kasama niya.

7 At siya’y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya ang dakong yaon na El-beth-el; sapagka’t ang Dios ay napakita sa kaniya roon, nang siya’y tumatakas sa harap ng kaniyang kapatid.

8 At namatay si Debora na yaya ni Rebeca, at nalibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng encina, na ang pangalan ay tinawag na Allon-bacuth.

9 At ang Dios ay napakita uli kay Jacob, nang siya’y manggaling sa Padan-aram, at siya’y pinagpala.

10 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ang pangalan mo’y Jacob; ang pangalan mo’y hindi na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang itatawag sa iyo: at tinawag ang kaniyang pangalan na Israel.

11 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; ikaw ay lumago at dumami ka; isang bansa at isang kapisanan ng mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay lalabas sa iyong balakang;

12 At ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac, ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong lahi pagkamatay mo ay ibibigay ko ang lupain.

13 At ang Dios ay napailanglang mula sa tabi niya sa dakong pinakipagusapan sa kaniya.

14 At si Jacob ay nagtayo ng isang batong pinakaalaala sa dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios, haliging bato: at binuhusan niya ng isang inuming handog at binuhusan niya ng langis.

15 At tinawag ni Jacob na Bethel ang dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios.

16 At sila’y naglakbay mula sa Bethel; at may kalayuan pa upang dumating sa Ephrata: at nagdamdam si Raquel, at siya’y naghihirap sa panganganak.

17 At nangyari, nang siya’y naghihirap sa panganganak, na sinabi sa kaniya ng hilot, Huwag kang matakot, sapagka’t magkakaroon ka ng isa pang anak na lalake.

18 At nangyari, nang nalalagot ang kaniyang hininga (sapagka’t namatay siya), ay kaniyang pinanganlang Benoni: datapuwa’t pinanganlan ng kaniyang ama na Benjamin.

19 At namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Ephrata (na siyang Bethlehem).

20 At nagtayo si Jacob ng isang batong pinakaalaala sa ibabaw ng kaniyang libingan: na siyang batong pinakaalaala ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.

21 At naglakbay si Israel at iniladlad ang kaniyang tolda sa dako pa roon ng moog ng Eder.

22 At nangyari, samantalang tumatahan si Israel sa lupaing yaon, na si Ruben ay yumaon at sumiping kay Bilha, na babae ng kaniyang ama; at ito’y nabalitaan ni Israel. Labing dalawa nga ang anak na lalake ni Jacob.

23 Ang mga anak ni Lea, ay: si Ruben, na panganay ni Jacob, at si Simeon, at si Levi, at si Juda at si Issachar, at si Zabulon.

24 Ang mga anak ni Raquel, ay: si Jose at si Benjamin:

25 At ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel, ay: si Dan at si Nephtali:

26 At ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea, ay: si Gad at si Aser: ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kaniya sa Padan-aram.

27 At naparoon si Jacob kay Isaac na kaniyang ama, sa Mamre, sa Kiriat-arba (na siyang Hebron), na doon tumahan si Abraham at si Isaac.

28 At ang mga naging araw ni Isaac ay isang daan at walong pung taon.

29 At nalagot ang hininga ni Isaac at namatay, at siya’y nalakip sa kaniyang bayan, matanda at puspos ng mga araw: at inilibing siya ng kaniyang mga anak na si Esau at si Jacob.

Genesis 36

1 Ito nga ang mga lahi ni Esau (na siyang Edom).

2 Si Esau ay nagasawa sa mga anak ng Canaan; kay Ada na anak ni Elon na Hethoh, at kay Aholibama, anak ni Ana na anak ni Zibeon na Heveo.

3 At kay Basemath na anak ni Ismael, na kapatid ni Nabaiot.

4 At ipinanganak si Eliphaz ni Ada kay Esau; at ipinanganak ni Basemath si Reuel;

5 At ipinanganak ni Aholibama si Jeus, at si Jaalam at si Cora; ito ang mga anak ni Esau, na ipinanganak sa kaniya sa lupain ng Canaan.

6 At dinala ni Esau ang kaniyang mga asawa, at ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng tao sa kaniyang bahay, at ang kaniyang hayop, at ang lahat ng kaniyang kawan, at ang lahat niyang tinatangkilik na kaniyang tinipon sa lupain ng Canaan; at napasa ibang lupaing bukod kay Jacob na kaniyang kapatid.

7 Sapagka’t ang kanilang pag-aari ay totoong napakalaki para sa kanila na tumahang magkasama at ang lupain na kanilang pinaglakbayan ay hindi makaya sila, sapagka’t napakarami ang kanilang hayop.

8 At tumahan si Esau sa bundok ng Seir: si Esau ay siyang Edom.

9 At ito ang mga lahi ni Esau, na ama ng mga Edomita sa bundok ng Seir:

10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Eliphas, na anak ni Ada na asawa ni Esau, si Reuel na anak ni Basemath, na asawa ni Esau.

11 At ang mga anak ni Eliphaz, ay si Teman, si Omar, si Zepho, si Gatham at si Cenaz.

12 At si Timna ay babae ni Eliphaz na anak ni Esau; at ipinanganak niya kay Eliphaz si Amalec; ito ang mga anak ni Ada na asawa ni Esau.

13 At ito ang mga anak ni Reuel; si Nahat, si Zera, si Samma at si Mizza: ito ang mga anak ni Basemath na asawa ni Esau.

14 At ito ang mga anak ni Aholibama, na anak ni Ana, na anak ni Zibeon, na asawa ni Esau: at ipinanganak niya kay Esau: si Jeus at si Jaalam at si Cora.

15 Ito ang mga pangulo sa mga anak ni Esau: ang mga anak ni Eliphaz, na panganay ni Esau; ang pangulong Teman, ang pangulong Omar, ang pangulong Zepho, ang pangulong Cenaz,

16 Ang pangulong Cora, ang pangulong Gatam, ang pangulong Amalec: ito ang mga pangulong nagmula kay Eliphaz sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Ada.

17 At ito ang mga anak ni Reuel na anak ni Esau; ang pangulong Nahath, ang pangulong Zera, ang pangulong Samma ang pangulong Mizza: ito ang mga pangulong nagmula kay Reuel sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Basemath, na asawa ni Esau.

18 At ito ang mga anak ni Aholibama na asawa ni Esau; ang pangulong Jeus, ang pangulong Jaalam, ang pangulong Cora: ito ang mga pangulong nagmula kay Aholibama na anak ni Ana, na asawa ni Esau.

19 Ito ang mga anak ni Esau, at ito ang kanilang mga pangulo: na siyang Edom.

20 Ito ang mga anak ni Seir na Horeo, na nagsisitahan sa lupain; si Lotan at si Sobal, at si Zibeon, at si Ana,

21 At si Dison, at si Ezer, at si Disan: ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo, na mga angkan ni Seir sa lupain ng Edom.

22 At ang mga anak ni Lotan, ay si Hori at si Heman; at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna.

23 At ito ang mga anak ni Sobal; si Alvan, at si Manahath, at si Ebal, si Zepho, at si Onam.

24 At ito ang mga anak ni Zibeon; si Aja at si Ana: ito rin ang si Ana na nakasumpong ng maiinit na bukal sa ilang, nang pinapanginginain ang mga asno ni Zibeon na kaniyang ama.

25 At ito ang mga anak ni Ana; si Dison at si Aholibama, na anak na babae ni Ana.

26 At ito ang mga anak ni Dizon: si Hemdan, at si Eshban, at si Ithram, at si Cheran.

27 Ito ang mga anak ni Ezer: si Bilhan, at si Zaavan at si Acan.

28 Ito ang mga anak ni Disan: si Huz at si Aran.

29 Ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo; ang pangulong Lotan, ang pangulong Sobal, ang pangulong Zibeon, ang pangulong Ana,

30 Ang pangulong Dison, ang pangulong Ezer, ang pangulong Disan: ito ang mga pangulong nagmula sa mga Horeo ayon sa kanilang mga pangulo, sa lupain ng Seir.

31 At ito ang mga hari na nagsipaghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinomang hari sa angkan ni Israel.

32 At si Bela na anak ni Beor ay naghari sa Edom; at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Dinaba.

33 At namatay si Bela, at naghari na kahalili niya si Jobab na anak ni Zera, na taga Bozra.

34 At namatay si Jobab at naghari na kahalili niya si Husam, na taga lupain ng mga Temaneo.

35 At namatay si Husam, at naghari na kahalili niya si Adad, na anak ni Badad, na siya ring sumakit kay Midian sa parang ni Moab: at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Avita.

36 At namatay si Adad at naghari na kahalili niya si Samla na taga Masreca.

37 At namatay si Samla at naghari na kahalili niya si Saul, na taga Rehoboth na tabi ng Ilog.

38 At namatay si Saul, at naghari na kahalili niya si Baalanan na anak ni Achbor.

39 At namatay si Baalanan na anak ni Achbor, at naghari na kahalili niya si Adar; at ang pangalan ng kaniyang bayan ay Pau; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Meetabel na anak ni Matred, na anak na babae ni Mezaab.

40 At ito ang mga pangalan ng mga pangulong nagmula kay Esau, ayon sa kanikaniyang angkan, ayon sa kanikaniyang dako, alinsunod sa kanikaniyang pangalan; ang pangulong Timma, ang pangulong Alva, ang pangulong Jetheth;

41 Ang pangulong Aholibama, ang pangulong Ela, ang pangulong Pinon.

42 Ang pangulong Cenaz, ang pangulong Teman, ang pangulong Mibzar.

43 Ang pangulong Magdiel, ang pangulong Hiram: ito ang mga pangulo ni Edom, ayon sa kanikaniyang tahanan sa lupain na kanilang pag-aari. Ito’y si Esau na ama ng mga Edomita.

Genesis 37

1 At tumahan si Jacob sa lupaing pinangibahang lupain ng kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.

2 Ito ang lahi ni Jacob. Si Jose, na may labing pitong taon, ay nagpapastol ng kawan na kasama ng kaniyang mga kapatid; at siya’y batang kasamahan ng mga anak ni Bilha at ng mga anak ni Zilpa, na mga asawa ng kaniyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.

3 Minamahal nga ni Israel si Jose ng higit kay sa lahat niyang anak, sapagka’t siya ang anak ng kaniyang katandaan: at siya’y iginawa ng isang tunika na may sarisaring kulay.

4 At nakita ng kaniyang mga kapatid na siya’y minamahal ng kanilang ama ng higit kay sa lahat niyang kapatid; at siya’y kinapootan, at hindi nila mapagsalitaan siya ng payapa.

5 At nanaginip si Jose ng isang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid: at lalo pa nilang kinapootan siya.

6 At sinabi niya sa kanila. Pakinggan ninyo, ipinamamanhik ko sa inyo, itong panaginip na aking napanaginip:

7 Sapagka’t, narito, tayo’y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, at, narito, na tumindig ang aking bigkis, at tumuwid din naman at, narito, ang inyong mga bigkis ay napasa palibot at yumukod sa aking bigkis.

8 At sa kaniya’y sinabi ng kaniyang mga kapatid, Maghahari ka ba sa amin? o papapanginoon ka sa amin? At lalo pa siyang kinapootan nila dahil sa kaniyang mga panaginip at sa kaniyang mga salita.

9 At siya’y nanaginip pa ng ibang panaginip, at isinaysay sa kaniyang mga kapatid, at sinabi, Narito, ako’y nanaginip pa ng isang panaginip; at narito, na ang araw, at ang buwan at ang labing isang bituin ay yumukod sa akin.

10 At kaniyang isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang mga kapatid; at sinaway siya ng kaniyang ama, at sa kaniya’y sinabi, Anong panaginip itong iyong napanaginip? Tunay bang ako at ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?

11 At ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya: datapuwa’t iningatan ng kaniyang ama ang salita sa pagiisip.

12 At yumaon ang kaniyang mga kapatid upang magpastol ng kawan ng kanilang ama, sa Sichem.

13 At sinabi ni Israel kay Jose, Di ba nagpapastol ng kawan sa Sichem ang iyong mga kapatid? Halika, at uutusan kita sa kanila. At sinabi niya sa kaniya, Narito ako.

14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Yumaon ka, tingnan mo kung mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid, at kung mabuti ang lagay ng kawan; at balitaan mo ako. Gayon sinugo siya mula sa libis ng Hebron, at siya’y naparoon sa Sichem.

15 At nasumpungan siya ng isang tao, at, narito, na siya’y naggagala sa parang; at siya’y tinanong ng taong yaon, na sinasabi, Anong hinahanap mo?

16 At kaniyang sinabi, Hinahanap ko ang aking mga kapatid; ipinamamanhik ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.

17 At sinabi ng tao, Nagsialis na sila: sapagka’t narinig kong kanilang sinabi, Tayo na sa Dotan. At sinundan ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at nasumpungan niya sila sa Dotan.

18 At kanilang natanawan siya sa malayo, at bago nakalapit sa kanila ay nagbanta sila laban sa kaniya na siya’y patayin.

19 At nagsangusapan, Narito, dumarating itong mapanaginipin.

20 Halikayo ngayon, siya’y ating patayin, at siya’y ating itapon sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, Sinakmal siya ng isang masamang hayop: at ating makikita kung anong mangyayari sa kaniyang mga panaginip.

21 At narinig ni Ruben, at iniligtas siya sa kanilang kamay; at sinabi, Huwag nating kitlin ang kaniyang buhay.

22 At sinabi ni Ruben sa kanila, Huwag kayong magbubo ng dugo; itapon ninyo sa balong ito na nasa ilang, datapuwa’t huwag ninyong pagbuhatan ng kamay; upang iligtas sa kanilang kamay ng mapabalik sa kaniyang ama.

23 At nangyari, nang dumating si Jose sa kaniyang mga kapatid, na hinubdan siya ng kaniyang tunika, ng tunikang may sarisaring kulay na kaniyang suot;

24 At kanilang sinunggaban, at kanilang itinapon sa balon: at ang balon ay tuyo, walang tubig.

25 At nagsiupo upang kumain ng tinapay, at kanilang itiningin ang kanilang mga mata at tumingin sila, at, narito, ang isang pulutong na mga Ismaelita na nagsisipanggaling sa Gilead sangpu ng kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, at mga balsamo, at mga mirra, na kanilang dadalhin sa Egipto.

26 At sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid. Anong ating mapapakinabang kung ating patayin ang ating kapatid, at ilihim ang kaniyang dugo?

27 Halikayo, at atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; sapagka’t siya’y ating kapatid, atin din laman. At dininig siya ng kaniyang mga kapatid.

28 At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang isinampa si Jose sa balon, at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita ng dalawang pung putol na pilak. At dinala si Jose sa Egipto.

29 At nagbalik si Ruben sa balon; at, narito, na si Jose ay wala sa balon; at kaniyang hinapak ang kaniyang mga suot.

30 At siya’y nagbalik sa kaniyang mga kapatid, at kaniyang sinabi, Wala ang bata; at ako, saan ako paroroon?

31 At kanilang kinuha ang tunika ni Jose, at sila’y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang tunika sa dugo:

32 At kanilang ipinadala ang tunikang may sarisaring kulay, at dinala sa kanilang ama; at kanilang sinabi, Ito’y aming nasumpungan: kilalanin mo ngayon, kung tunika ng iyong anak o hindi.

33 At kaniyang kinilala, at sinabi, Siya ngang tunika ng aking anak; sinakmal siya ng isang masamang hayop; si Jose ay walang pagsalang nilapa.

34 At hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot, at kaniyang nilagyan ng magaspang na damit ang kaniyang mga balakang, at tinangisang maraming araw ang kaniyang anak.

35 At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalake at babae upang siya’y aliwin; datapuwa’t tumanggi siyang maaliw; at kaniyang sinabi, Sapagka’t lulusong akong tumatangis sa aking anak hanggang sa Sheol. At tinangisan siya ng kaniyang ama.

36 At ipinagbili siya ng mga Midianita sa Egipto kay Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay.

Genesis 38

1 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

2 At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.

3 At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Er.

4 At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.

5 At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya’y manganak.

6 At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao’y Thamar.

7 At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya’y pinatay ng Panginoon.

8 At sinabi ni Juda kay Onan, Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.

9 At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.

10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya’y pinatay rin naman.

11 Nang magkagayo’y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka’t sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.

12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; at nagaliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.

13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.

14 At siya’y nagalis ng suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; sapagka’t kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka’t siya’y nagtakip ng kaniyang mukha.

16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako’y pasipingin mo sa iyo: sapagka’t hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?

17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?

18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya’y naglihi sa pamamagitan niya.

19 At siya’y bumangon, at yumaon, at siya’y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.

20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa’t hindi niya nasumpungan.

21 Nang magkagayo’y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.

22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.

23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo’y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.

24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay nagpatutot; at, narito, siya’y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya’y ilabas upang sunugin.

25 Nang siya’y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalangtao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.

26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, Siya’y matuwid kay sa akin; sapagka’t hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.

27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan.

28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas.

29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? kaya’t tinawag ang pangalan niyang Phares.

30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.

Genesis 39

1 At ibinaba si Jose sa Egipto; at binili siya ni Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay, na lalaking taga Egipto, sa kamay ng mga Ismaelita na nagdala sa kaniya roon.

2 At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya’y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto.

3 At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay.

4 At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: at sa kaniya’y ipinamahala niya ang bahay, at ang lahat niyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay.

5 At nangyari, na mula sa panahon na siya’y pamahalain sa kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang tinatangkilik, ay pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga Egiptong yaon dahil kay Jose; at ang pagpapala ng Panginoon ay sumalahat ng kaniyang tinatangkilik, sa bahay at sa parang.

6 At kaniyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kaniya, liban sa tinapay na kaniyang kinakain. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina.

7 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na tinitigan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi, Sipingan mo ako.

8 Datapuwa’t siya’y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kaniyang panginoon, Narito, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa nasa bahay, at lahat ng kaniyang tinatangkilik ay ipinamahala sa aking kamay;

9 Walang sinomang dakila kay sa akin sa bahay na ito; walang ipinagkait sa aking anomang bagay, kung di ikaw lamang, sapagka’t ikaw ay kaniyang asawa: paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?

10 At nangyari, na nakikiusap man siya kay Jose araw-araw, ay hindi nakikinig sa kaniya na siya’y sipingan, o pakisamahan.

11 At nangyari nang panahong ito, na siya’y pumasok sa bahay upang gawin niya ang kaniyang gawain at wala sinoman sa mga tao sa bahay doon sa loob.

12 At siya’y pinigilan niya sa kaniyang suot, na sinasabi, Sipingan mo ako: at iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas, at lumabas.

13 At nangyari, na pagkakita niyang iniwan ang kaniyang suot sa kamay niya, at tumakas sa labas,

14 Na siya’y tumawag ng mga tao sa kaniyang bahay, at sinalita sa kanila, na sinasabi, Tingnan ninyo, na dinalhan niya tayo ng isang Hebreo, upang tayo’y tuyain; pinasok niya ako upang ako’y sipingan, at ako’y naghihiyaw ng malakas:

15 At nangyari nang marinig niyang ako’y nagtaas ng tinig at naghihiyaw, na iniwan ang kaniyang suot sa aking siping, at tumakas, at lumabas.

16 At kaniyang iningatan ang suot niya sa kaniyang siping, hanggang sa umuwi ang kaniyang panginoon sa kaniyang bahay.

17 At sinalita niya sa kaniya ng ayon sa mga salitang ito, na sinasabi, Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako:

18 At nangyari, na sapagka’t nagtaas ako ng aking tinig at ako’y naghihiyaw, ay kaniyang iniwan ang suot niya sa aking siping, at tumakas sa labas.

19 At nangyari, na pagkarinig ng kaniyang panginoon ng mga salita na sinalita sa kaniya ng kaniyang asawa, na sinasabi, Ganitong paraan ang ginawa sa akin ng iyong alipin; ay nagalab ang kaniyang galit.

20 At dinala ng kaniyang panginoon si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya’y natira roon sa bilangguan.

21 Datapuwa’t ang Panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan.

22 At ipinamahala ng katiwala sa bilangguan sa mga kamay ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at ang lahat ng ginagawa roon ay siya ang gumagawa.

23 Hindi tinitingnan ng katiwala ng bilangguan ang anomang bagay na nasa kaniyang kamay, sapagka’t ang Panginoo’y suma kay Jose; at ang kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.

Genesis 40

1 At nangyari, na pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang katiwala ng saro ng hari sa Egipto at ang kaniyang magtitinapay ay nangagkasala laban sa kanilang panginoon na hari sa Egipto.

2 At naginit si Faraon laban sa kaniyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng saro at sa puno ng mga magtitinapay.

3 At pinagpipiit sa bilangguan, sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinabibilangguan ni Jose.

4 At ibinigay ng kapitan ng bantay kay Jose ang pamamahala sa kanila at pinaglingkuran niya sila: at sila’y natirang kaunting panahon sa bilangguan.

5 At ang katiwala at ang magtitinapay ng hari sa Egipto na nangabibilango sa bilangguan, ay kapuwa nanaginip ng kanikaniyang panaginip sa isang gabi, na bawa’t isa ayon sa paliwanag ng kanikaniyang panaginip.

6 At pinaroonan sila ni Jose sa kinaumagahan, at sila’y tiningnan, at, narito, sila’y mapanglaw.

7 At kaniyang tinanong ang mga tagapamahala ni Faraon, na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kaniyang panginoon, na sinasabi, Bakit kayo’y mapanglaw ngayon?

8 At kanilang sinabi sa kaniya, Kami ay nanaginip ng panaginip, at walang sinomang makapagpaliwanag. At sinabi sa kanila ni Jose, Hindi ba ukol sa Dios ang mga paliwanag? Isinasamo ko sa inyo, na inyong saysayin sa akin.

9 At sinaysay ng puno ng mga katiwala ng saro kay Jose ang kaniyang panaginip, at nagsabi sa kaniya, Sa aking panaginip, narito, ang isang puno ng ubas ay nasa harap ko;

10 At sa puno ng ubas, ay may tatlong sanga: at yao’y pawang sumupling, na namulaklak, at ang mga buwig niyaon, ay nangagtaglay ng mga ubas na hinog.

11 At ang saro ni Faraon ay nasa aking kamay; at kumuha ako ng mga ubas at aking pinagpipiga sa saro ni Faraon, at ibinigay ko ang saro sa kamay ni Faraon.

12 At sinabi ni Jose sa kaniya, Ito ang kapaliwanagan niyaon, ang tatlong sanga ay tatlong araw;

13 Sa loob ng tatlong araw ay ititindig ni Faraon ang iyong ulo, at isasauli ka sa iyong katungkulan: at ibibigay mo ang saro ni Faraon sa kaniyang kamay, na gaya ng karaniwang ginagawa mong dati ng ikaw ay kaniyang katiwala.

14 Datapuwa’t alalahanin mo ako kung ikaw ay mapabuti na, at isinasamo ko sa iyo, na pagpakitaan mo ako ng kagandahang loob, at banggitin mo ako kay Faraon, at ako’y alisin mo sa bahay na ito:

15 Sapagka’t ako’y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo: at dito naman ay wala akong ginawang anoman, upang ako’y ilagay nila sa bilangguan.

16 Nang makita ng puno ng mga magtitinapay, na mabuti ang kapaliwanagan ay nagsabi kay Jose, Ako’y nanaginip din, at narito, tatlong bakol ng tinapay na mabuti ay nasa ibabaw ng aking ulo:

17 At sa kaibaibabawan ng bakol ay mayroon ng lahat na sarisaring pagkaing niluto para kay Faraon; at kinakain ng mga ibon sa bakol na nasa ibabaw ng aking ulo.

18 At si Jose ay sumagot, at nagsabi, Ito ang kapaliwanagan niyaon; ang tatlong bakol, ay tatlong araw;

19 Sa loob ng tatlo pang araw ay itataas ni Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punong kahoy; at kakanin ng mga ibon ang iyong laman.

20 At nangyari nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan kay Faraon, na gumawa siya ng isang piging sa lahat ng kaniyang lingkod: at itinindig niya ang ulo ng puno ng mga katiwala ng saro, at ang ulo ng puno ng mga magtitinapay.

21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng saro sa kaniyang pagkakatiwala ng saro; at ibinigay niya ang saro sa kamay ni Faraon:

22 Datapuwa’t ang puno ng mga magtitinapay, ay ibinitin sa isang puno ng kahoy: gaya ng ipinaliwanag sa kanila ni Jose.

23 Gayon ma’y hindi na naalaala si Jose ng puno ng mga katiwala ng saro, kundi nalimutan siya.

Genesis 41

1 At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya’y nakatayo sa tabi ng ilog.

2 At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban.

3 At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog.

4 At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo’y nagising si Faraon.

5 At siya’y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay.

6 At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon.

7 At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip.

8 At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay nagulumihanan at siya’y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng mago sa Egipto, at ang lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa’t walang makapagpaliwanag kay Faraon.

9 Nang magkagayo’y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala:

10 Nguni’t si Faraon laban sa kaniyang mga alila, at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay.

11 At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa’t isa sa amin.

12 At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.

13 At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako’y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa.

14 Nang magkagayo’y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya’y inilabas na madalian sa bilangguan: siya’y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon.

15 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako’y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo.

16 At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, Wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon.

17 At sinalita ni Faraon kay Jose, Sa aking panaginip ay narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog:

18 At, narito, may nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo, at nanginain sa talahiban:

19 At, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan ma’y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Egipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan.

20 At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba:

21 At nang kanilang makain, ay hindi man lamang maalaman na sila’y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo’y nagising ako.

22 At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti.

23 At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon:

24 At nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti: at aking isinaysay sa mga mago: datapuwa’t walang makapagpahayag niyaon sa akin.

25 At sinabi ni Jose kay Faraon, Ang panaginip ni Faraon ay iisa; ang gagawin ng Dios ay ipinahayag kay Faraon:

26 Ang pitong bakang mabubuti ay pitong taon; at ang pitong uhay na mabubuti ay pitong taon; ang panaginip ay iisa.

27 At ang pitong bakang payat at mga pangit, na nagsiahong kasunod ng mga yaon ay pitong taon, at gayon din ang pitong uhay na tuyo, na pinapaspas ng hanging silanganan; kapuwa magiging pitong taong kagutom.

28 Iyan ang bagay na sinalita ko kay Faraon: ang gagawin ng Dios, ipinaalam kay Faraon.

29 Narito, dumarating ang pitong taong may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Egipto;

30 At may dadating, pagkatapos ng mga iyan, na pitong taong kagutom; at malilimutan iyang buong kasaganaan sa lupain ng Egipto; at pupuksain ng kagutom ang lupain;

31 At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa kagutom na sumusunod; sapagka’t magiging napakahigpit.

32 At kaya’t pinagibayo ang panaginip kay Faraon na makalawa, ay sapagka’t bagay na itinatag ng Dios, at papangyayarihing madali ng Dios.

33 Ngayon nga’y humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Egipto.

34 Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan.

35 At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan.

36 At ang pagkain ay kamaligin na itaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain ng Egipto; upang huwag mapuksa ang lupain sa kagutom.

37 At ang bagay ay minabuti ng mga mata ni Faraon, at ng mga mata ng kaniyang mga lingkod.

38 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga lingkod, Makakasumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng espiritu ng Dios?

39 At sinabi ni Faraon kay Jose, Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios: ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo:

40 Ikaw ay magpupuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo.

41 At sinabi ni Faraon kay Jose, Tingnan mo, ikaw ay inilagay ko sa buong lupain ng Egipto.

42 At inalis ni Faraon sa kamay niya ang kaniyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya’y sinuutan ng magandang lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg;

43 At siya’y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon at isinisigaw sa unahan niya. Lumuhod kayo: at inihalal siya na puno sa buong lupain ng Egipto.

44 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako’y si Faraon, at kung wala ka ay hindi magtataas ang sinomang tao ng kaniyang kamay o ng kaniyang paa sa buong lupain ng Egipto.

45 At pinanganlan ni Faraon si Jose na Zaphnath-paanea, at ibinigay na asawa sa kaniya si Asenath, na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. At lumabas si Jose, sa lupain ng Egipto.

46 At si Jose ay may tatlong pung taon nang tumayo sa harap ni Faraon na hari sa Egipto. At si Jose ay umalis sa harap ni Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Egipto.

47 At sa pitong taong sagana ay nagdulot ang lupa ng sagana.

48 At tinipon ni Jose ang lahat na pagkain sa pitong taon na tinamo sa lupain ng Egipto: at inimbak ang nangasabing pagkain sa mga bayan; na ang pagkain sa bukid na nasa palibot ng bawa’t bayan ay inimbak sa bawa’t kinauukulan ding bayan.

49 At si Jose ay nagkamalig ng trigo na parang buhangin sa dagat, na napakarami hanggang sa hindi nabilang; sapagka’t walang bilang.

50 At bago dumating ang taong kagutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalake, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath na anak ni Potiphera, na saserdote sa On.

51 At tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagka’t aniya’y, Ipinalimot ng Dios sa akin ang lahat ng aking kapagalan at ang buong bahay ng aking ama.

52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Ephraim: Sapagka’t ako’y pinalago ng Dios sa lupain ng aking kadalamhatian.

53 At ang pitong taon ng kasaganaan na nagkaroon sa lupain ng Egipto ay natapos.

54 At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa’t sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay.

55 At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.

56 At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto.

57 At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka’t lumala ang kagutom sa buong lupa.