II Mga Taga-Corinto 13

1 Ito ang ikatlo na ako’y paririyan sa inyo. Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita.

2 Sinabi ko na nang una, at muling aking ipinagpapauna, gaya nang ako’y nahaharap ng ikalawa, gayon din ngayon, na ako’y wala sa harapan, sa mga nagkasala nang una, at sa mga iba pa, na kung ako’y pumariyang muli ay hindi ko na patatawarin;

3 Yamang nagsisihanap kayo ng isang katunayan na si Cristo ay nagsasalita sa akin; na siya sa inyo’y hindi mahina, kundi sa inyo’y makapangyarihan:

4 Sapagka’t siya’y ipinako sa krus dahil sa kahinaan, gayon ma’y nabubuhay siya dahil sa kapangyarihan ng Dios. Sapagka’t kami naman ay sa kaniya’y mahihina, nguni’t kami ay mabubuhay na kasama niya sa kapangyarihan ng Dios sa inyo.

5 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo’y itinakuwil na.

6 Nguni’t inaasahan ko na inyong mangakikilala na kami ay hindi itinakuwil.

7 Ngayo’y idinadalangin namin sa Dios na kayo’y huwag magsigawa ng masama; hindi upang kami’y mangakitang subok, kundi upang gawin ninyo ang may karangalan, kahit kami’y maging gaya ng itinakuwil.

8 Sapagka’t kami’y walang anomang magagawang laban sa katotohanan, kundi ayon sa katotohanan.

9 Sapagka’t kami’y natutuwa kung kami’y mahihina, at kayo’y malalakas: at ito naman ang idinadalangin namin, sa makatuwid baga’y ang inyong pagkasakdal.

10 Dahil dito’y sinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako’y wala sa harapan, upang kung nasa harapan ay huwag akong gumamit ng kabagsikan, ayon sa kapamahalaang ibinibigay sa akin ng Panginoon sa ikatitibay, at hindi sa ikagigiba.

11 Sa katapustapusan, mga kapatid, paalam na. Mangagpakasakdal kayo; mangaaliw kayo; mangagkaisa kayo ng pagiisip; mangabuhay kayo sa kapayapaan: at ang Dios ng pagibig at ng kapayapaan ay sasa inyo.

12 Mangagbatian ang isa’t isa sa inyo ng banal na halik.

13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.

14 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo, at ang pagibig ng Dios, at ang pakikipisan ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.

I Mga Taga-Corinto 1

1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid,

2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:

3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus;

5 Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman;

6 Gaya ng pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo:

7 Ano pa’t kayo’y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo;

8 Na siya namang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan sa kaarawan ng ating Panginoong Jesucristo.

9 Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.

10 Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

11 Sapagka’t ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, ng mga kasangbahay ni Cloe, na sa inyo’y may mga pagtatalotalo.

12 Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay Pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo.

13 Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?

14 Nagpapasalamat ako sa Dios na hindi ko binautismuhan ang sinoman sa inyo, maliban si Crispo at si Gayo;

15 Baka masabi ninoman na kayo’y binautismuhan sa pangalan ko.

16 At binautismuhan ko rin naman ang sangbahayan ni Estefanas: maliban sa mga ito, di ko maalaman kung may nabautismuhan akong iba pa.

17 Sapagka’t hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo.

18 Sapagka’t ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni’t ito’y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas.

19 Sapagka’t nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.

20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan?

21 Sapagka’t yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

22 Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan:

23 Datapuwa’t ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan;

24 Nguni’t sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.

25 Sapagka’t ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.

26 Sapagka’t masdan ninyo ang sa inyo’y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:

27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;

28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:

29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios.

30 Datapuwa’t sa kaniya kayo’y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, at katubusan:

31 Na, ayon sa nasusulat, Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.

I Mga Taga-Corinto 2

1 At ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan, na nagbabalita sa inyo ng patotoo ng Dios.

2 Sapagka’t aking pinasiyahang walang maalaman anoman sa gitna ninyo, maliban na si Jesucristo, at siya na napako sa krus.

3 At ako’y nakisama sa inyo na may kahinaan, at may katakutan, at may lubhang panginginig.

4 At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan:

5 Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.

6 Gayon man, ay nangagsasalita kami ng karunungan sa mga may gulang: bagaman hindi ng karunungan ng sanglibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito’y nangauuwi sa wala:

7 Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, yaong karunungan na itinalaga ng Dios, bago nilalang ang mga sanglibutan sa ikaluluwalhati natin:

8 Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito: sapagka’t kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian:

9 Datapuwa’t gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.

10 Nguni’t ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka’t nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios.

11 Sapagka’t sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios.

12 Nguni’t ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios.

13 Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.

14 Nguni’t ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.

15 Nguni’t ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya’y hindi sinisiyasat ng sinoman.

16 Sapagka’t sino ang nakakilala ng pagiisip ng Panginoon, upang siya’y turuan niya? Datapuwa’t nasa atin ang pagiisip ni Cristo.

I Mga Taga-Corinto 3

1 At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

2 Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka’t kayo’y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya;

3 Sapagka’t kayo’y mga sa laman pa: sapagka’t samantalang sa inyo’y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo’y mga sa laman, at kayo’y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?

4 Sapagka’t kung sinasabi ng isa, Ako’y kay Pablo; at ng iba, Ako’y kay Apolos; hindi baga kayo’y mga tao?

5 Ano nga si Apolos? at Ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay nagsisampalataya kayo; at sa bawa’t isa ayon sa ipinagkaloob ng Panginoon sa kaniya.

6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni’t ang Dios ang siyang nagpalago.

7 Ano pa’t walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig; kundi ang Dios na nagpapalago.

8 Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni’t ang bawa’t isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.

9 Sapagka’t tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios.

10 Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Nguni’t ingatan ng bawa’t tao kung paano ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagka’t sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito’y si Cristo Jesus.

12 Datapuwa’t kung ang sinoma’y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami;

13 Ang gawa ng bawa’t isa ay mahahayag: sapagka’t ang araw ang magsasaysay, sapagka’t sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa’t isa kung ano yaon.

14 Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya’y tatanggap ng kagantihan.

15 Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: nguni’t siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma’y tulad sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?

17 Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.

18 Sinoma’y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya’y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong.

19 Sapagka’t ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka’t nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan:

20 At muli, Nalalaman ng Panginoon ang pangangatuwiran ng marurunong, na pawang walang kabuluhan.

21 Kaya’t huwag ipagmamapuri ninoman sa mga tao, Sapagka’t ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, kahit si Apolos, kahit si Cefas, kahit ang sanglibutan, kahit ang buhay, kahit ang kamatayan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating; lahat ay sa inyo:

23 At kayo’y kay Cristo; at si Cristo ay sa Dios.

I Mga Taga-Corinto 4

1 Ipalagay nga kami ng sinoman na mga ministro ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Dios.

2 Bukod dito’y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa’t isa ay maging tapat.

3 Datapuwa’t sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako’y siyasatin ninyo, o ng pagsisiyasat ng tao: oo, ako’y hindi nagsisiyasat sa aking sarili.

4 Sapagka’t wala akong nalalamang anomang laban sa aking sarili; bagaman hindi dahil dito’y inaaring-ganap ako: sapagka’t ang nagsisiyasat sa akin ay ang Panginoon.

5 Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anoman, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siya ang maghahayag ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso; at kung magkagayon ang bawa’t isa ay magkakaroon ng kapurihan sa Dios.

6 Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid, ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat; upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba.

7 Sapagka’t sino ang gumawa na ikaw ay matangi? at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni’t kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap?

8 Kayo’y mga busog na, kayo’y mayayaman na, kayo’y nangaghari nang wala kami: at ibig ko sanang mangaghari kayo, upang kami nama’y mangagharing kasama ninyo.

9 Sapagka’t iniisip ko, na pinalitaw ng Dios kaming mga apostol na mga kahulihulihan sa lahat, na tulad sa mga itinalaga sa kamatayan: sapagka’t kami’y ginawang panoorin ng sanglibutan, at ng mga anghel, at ng mga tao.

10 Kami’y mga mangmang dahil kay Cristo, nguni’t kayo’y marurunong kay Cristo; kami’y mahihina, nguni’t kayo’y malalakas; kayo’y may karangalan, datapuwa’t kami ay walang kapurihan.

11 Hanggang sa oras na ito’y nangagugutom kami, at nangauuhaw, at mga hubad, at mga tinampal, at wala kaming tiyak na tahanan;

12 At kami’y nangagpapagal, na nangagsisigawa ng aming sariling mga kamay: bagama’t inuupasala, ay kami’y nangagpapala; bagama’t mga pinaguusig, ay nangagtitiis kami;

13 Bagama’t mga sinisiraangpuri, ay aming pinamamanhikan: kami’y naging tulad ng yagit sa sanglibutan, sukal ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.

14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo’y hiyain, kundi upang paalalahanan kayong tulad sa aking mga minamahal na anak.

15 Sapagka’t bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka’t kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio.

16 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, na kayo’y maging mga tagatulad sa akin.

17 Dahil dito’y aking sinugo sa inyo si Timoteo, na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siya ang sa inyo’y magpapaalaala ng aking mga daang nanga kay Cristo, gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa’t iglesia.

18 Ang mga iba nga’y nangagpapalalo, na waring hindi na ako mapapariyan sa inyo.

19 Nguni’t ako’y paririyan agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon; at aking aalamin, hindi ang salita ng nangagpapalalo, kundi ang kapangyarihan.

20 Sapagka’t ang kaharian ng Dios ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan.

21 Anong ibig ninyo? paririyan baga ako sa inyo na may panghampas, o sa pagibig, at sa espiritu ng kahinahunan?

I Mga Taga-Corinto 5

1 Sa kasalukuya’y nababalita na sa inyo’y may pakikiapid, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga Gentil, na isa sa inyo’y nagaari ng asawa ng kaniyang ama.

2 At kayo’y mga mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangalumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito.

3 Sapagka’t ako sa katotohanan, bagama’t wala sa harapan ninyo sa katawan nguni’t ako’y nasa harapan ninyo sa espiritu, akin ngang hinatulan na ang gumawa ng bagay na ito, na tulad sa ako’y nahaharap,

4 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, nang nangagkakatipon kayo, at ang aking espiritu, na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,

5 Upang ang ganyan ay ibigay kay Satanas sa ikawawasak ng kaniyang laman, upang ang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus.

6 Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak?

7 Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura. Sapagka’t ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga’y si Cristo:

8 Kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.

9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid;

10 Tunay nga hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid sa sanglibutang ito, o sa mga masasakim at mga manglulupig, o sa mga mananamba sa diosdiosan; sapagka’t kung gayo’y kinakailangang magsialis kayo sa sanglibutan:

11 Datapuwa’t sinusulatan ko nga kayo, na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya’y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diosdiosan, o mapagtungayaw, o manglalasing, o manglulupig; sa gayo’y huwag man lamang kayong makisalo.

12 Sapagka’t ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob?

13 Datapuwa’t sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.

I Mga Taga-Corinto 6

1 Nangangahas baga ang sinoman sa inyo, kung mayroong anomang bagay laban sa iba, na siya’y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal?

2 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?

3 Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?

4 Kung kayo nga’y mayroong usapin na mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia?

5 Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata’t wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kaniyang mga kapatid,

6 Kundi ang kapatid ay nakikipagusapin laban sa kapatid, at ito’y sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya?

7 Ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo’y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo’y padaya?

8 Nguni’t kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito’y sa mga kapatid ninyo.

9 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake.

10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.

11 At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni’t nangahugasan na kayo, nguni’t binanal na kayo, nguni’t inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios.

12 Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ay nararapat. Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni’t hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anoman.

13 Ang mga pagkain ay sa tiyan, at ang tiyan ay sa mga pagkain: nguni’t kapuwa iwawasak ng Dios yaon at ang mga ito. Datapuwa’t ang katawan ay hindi sa pakikiapid, kundi sa Panginoon; at ang Panginoon ay sa katawan:

14 At muling binuhay ng Dios ang Panginoon, at muling bubuhayin naman tayo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

15 Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? kukunin ko nga baga ang mga sangkap ni Cristo, at gagawin kong mga sangkap ng isang patutot? Huwag nawang mangyari.

16 O hindi baga ninyo nalalaman na ang nakikisama sa patutot, ay kaisang katawan niya? sapagka’t sinasabi niya, Ang dalawa ay magiging isang laman.

17 Nguni’t ang nakikisama sa Panginoon, ay kaisang espiritu niya.

18 Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni’t ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.

19 O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili;

20 Sapagka’t kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.

I Mga Taga-Corinto 7

1 At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae.

2 Datapuwa’t, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa’t lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa’t babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.

3 Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya’y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa.

4 Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa.

5 Huwag magpigil ang isa’t isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo’y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo’y magsama, baka kayo’y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.

6 Nguni’t ito’y sinasabi ko na parang payo, hindi sa utos.

7 Kaya’t ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni’t ang bawa’t tao’y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa’y ayon sa paraang ito, at ang iba’y ayon sa paraan yaon.

8 Datapuwa’t sinasabi ko sa mga walang asawa, at sa mga babaing bao, Mabuti sa kanila kung sila’y magsipanatiling gayon sa makatuwid baga’y gaya ko.

9 Nguni’t kung sila’y hindi makapagpigil, ay magsipagasawa: sapagka’t magaling ang magasawa kay sa mangagningas ang pita.

10 Datapuwa’t sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni’t hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa.

11 (Datapuwa’t kung siya’y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya’y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa.

12 Datapuwa’t sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan.

13 At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa.

14 Sapagka’t ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa’y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni’t ngayo’y mga banal.

15 Gayon ma’y kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay: ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa mga ganitong bagay: kundi sa kapayapaan kayo tinawag ng Dios.

16 Sapagka’t paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa?

17 Ayon nga lamang sa ipinamahagi ng Panginoon sa bawa’t isa, at ayon sa pagkatawag ng Dios sa bawa’t isa, ay gayon siya lumakad. At gayon ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesia.

18 Tinawag baga ang sinomang taong tuli na? huwag siyang maging di tuli. Tinawag baga ang sinomang di tuli? huwag siyang maging tuli.

19 Ang pagtutuli ay walang anoman, at ang di pagtutuli ay walang anoman; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Dios.

20 Bayaang ang bawa’t isa’y manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya.

21 Ikaw baga’y alipin ng ikaw ay tinawag? huwag kang magalaala: kung maaaring ikaw ay maging malaya, ay pagsikapan mo ng maging laya.

22 Sapagka’t ang tinawag sa Panginoon nang siya’y alipin, ay malaya sa Panginoon: gayon din naman ang tinawag nang siya’y malaya, ay alipin ni Cristo.

23 Sa halaga kayo’y binili; huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.

24 Mga kapatid, bayaang ang bawa’t isa’y manatili sa Dios sa kalagayang itinawag sa kaniya.

25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni’t ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan.

26 Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga’y mabuti ngang ang tao’y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan.

27 Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga’y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa.

28 Nguni’t kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa’t ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo’y iligtas.

29 Nguni’t sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala;

30 At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari;

31 At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka’t ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.

32 Datapuwa’t ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon:

33 Nguni’t ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa,

34 At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya’y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni’t ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa.

35 At ito’y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo’y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.

36 Nguni’t kung iniisip ng sinomang lalake na hindi siya gumagawa ng marapat sa kaniyang anak na dalaga, kung ito’y sumapit na sa kaniyang katamtamang gulang, at kung kailangan ay sundin niya ang kaniyang maibigan, hindi siya nagkakasala; bayaang mangagasawa sila.

37 Subali’t ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin.

38 Kaya nga ang nagpapahintulot sa kaniyang anak na dalaga na magasawa ay gumagawa ng mabuti; at ang hindi nagpapahintulot na siya’y magasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.

39 Ang babaing may asawa ay natatalian samantalang nabubuhay ang kaniyang asawa; nguni’t kung patay na ang kaniyang asawa, ay may kalayaan siyang makapagasawa sa kanino mang ibig niya; sa kalooban lamang ng Panginoon.

40 Nguni’t lalong maligaya siya kung manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking akala: at iniisip ko na ako’y may Espiritu rin naman ng Dios.

I Mga Taga-Corinto 8

1 Ngayon tungkol sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan: Nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni’t ang pagibig ay nagpapatibay.

2 Kung ang sinoman ay nagaakala na siya’y may nalalamang anoman, ay wala pang nalalaman gaya ng nararapat niyang maalaman;

3 Datapuwa’t kung ang sinoman ay umiibig sa Dios, ay kilala niya ang gayon.

4 Tungkol nga sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, nalalaman natin na ang diosdiosan ay walang kabuluhan sa sanglibutan, at walang Dios liban sa iisa.

5 Sapagka’t bagama’t mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon;

6 Nguni’t sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa pamamagitan niya.

7 Gayon ma’y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan: kundi ang ilan na hanggang ngayon ay nangamimihasa sa diosdiosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diosdiosan; at ang kanilang budhi palibhasa’y mahina ay nangahahawa.

8 Datapuwa’t ang pagkain ay hindi magtataguyod sa atin sa Dios: ni hindi tayo masama, kung tayo’y di magsikain; ni hindi tayo lalong mabuti, kung tayo’y magsikain.

9 Datapuwa’t magsipagingat kayo baka sa anomang paraan ang inyong kalayaang ito ay maging katitisuran sa mahihina.

10 Sapagka’t kung makita ng sinomang ikaw na may kaalaman na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diosdiosan, hindi baga titibay ang kaniyang budhi, kung siya’y mahina, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan?

11 Sapagka’t sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kaniya’y namatay si Cristo.

12 At sa ganitong pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagkakasugat ng kaniyang budhi kung ito’y mahina, ay nangagkakasala kayo laban kay Cristo.

13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamang-kati, upang ako’y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.

I Mga Taga-Corinto 9

1 Hindi baga ako’y malaya? hindi baga ako’y apostol? hindi ko baga nakita si Jesus na Panginoon natin? hindi baga kayo’y gawa ko sa Panginoon?

2 Kung sa iba’y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ako’y gayon; sapagka’t ang tatak ng aking pagkaapostol ay kayo sa Panginoon.

3 Ito ang aking pagsasanggalang sa mga nagsisiyasat sa akin.

4 Wala baga kaming matuwid na magsikain at magsiinom?

5 Wala baga kaming matuwid na magsipagsama ng isang asawa na sumasampalataya, gaya ng iba’t ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?

6 O ako baga lamang at si Bernabe ang walang matuwid na magsitigil ng paggawa?

7 Sinong kawal ang magpakailan pa man ay naglilingkod sa kaniyang sariling gugol? sino ang nagtatanim ng isang ubasan, at hindi kumakain ng bunga niyaon? o sino ang nagpapakain sa kawan, at hindi kumakain ng gatas ng kawan?

8 Ang mga ito baga’y sinasalita ko ayon sa kaugalian lamang ng mga tao? o di baga sinasabi rin naman ang gayon ng kautusan?

9 Sapagka’t nasusulat sa kautusan ni Moises, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. Ang mga baka baga ay iniingatan ng Dios,

10 O sinasabi kayang tunay ito dahil sa atin? Oo, dahil sa atin ito sinulat: sapagka’t ang nagsasaka ay dapat magsaka sa pagasa, at ang gumigiik, ay sa pagasa na makakabahagi.

11 Kung ipinaghasik namin kayo ng mga bagay na ayon sa espiritu, malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman?

12 Kung ang iba ay mayroon sa inyong matuwid, hindi baga lalo pa kami? Gayon ma’y hindi namin ginamit ang matuwid na ito; kundi aming tinitiis ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa evangelio ni Cristo.

13 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisipangasiwa sa mga bagay na banal, ay nagsisikain ng mga bagay na ukol sa templo, at ang mga nagsisipaglingkod sa dambana ay mga kabahagi ng dambana?

14 Gayon din naman ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio.

15 Nguni’t ako’y hindi gumamit ng anoman sa mga bagay na ito: at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gawin ang gayon sa akin; sapagka’t mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan.

16 Sapagka’t kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka’t ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka’t sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio.

17 Sapagka’t kung ito’y gawin ko sa aking sariling kalooban, ay may ganting-pala ako: nguni’t kung hindi sa aking sariling kalooban, ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin.

18 Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio.

19 Sapagka’t bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, ay napaalipin ako sa lahat, upang ako’y makahikayat ng lalong marami.

20 At sa mga Judio, ako’y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan;

21 Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama’t hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.

22 Sa mga mahihina ako’y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.

23 At ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa evangelio, upang ako’y makasamang makabahagi nito.

24 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni’t iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo.

25 At ang bawa’t tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni’t tayo’y niyaong walang pagkasira.

26 Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:

27 Nguni’t hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil.