I Mga Taga-Corinto 10

1 Sapagka’t hindi ko ibig mga kapatid, na di ninyo maalaman, na ang ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat;

2 At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat;

3 At lahat ay nagsikain ng isang pagkain ding ayon sa espiritu;

4 At lahat ay nagsiinom ng isang inumin ding ayon sa espiritu; sapagka’t nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo.

5 Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Dios; sapagka’t sila’y ibinuwal sa ilang.

6 Ang mga bagay na ito nga’y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagsipagnasa.

7 Ni huwag din naman kayong mapagsamba sa mga diosdiosan, gaya niyaong ilan sa kanila; ayon sa nasusulat, Naupo ang bayan upang magsikain at magsiinom, at nagsitindig upang magsipagsayaw.

8 Ni huwag din naman tayong makiapid, na gaya ng ilan sa kanila na nangakiapid, at ang nangabuwal sa isang araw ay dalawangpu at tatlong libo.

9 Ni huwag din naman nating tuksuhin ang Panginoon, na gaya ng pagkatukso ng ilan sa kanila, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga ahas.

10 Ni huwag din kayong mangagbulongbulungan, na gaya ng ilan sa kanila na nangagbulungan, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga mangwawasak.

11 Ang mga bagay na ito nga’y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.

12 Kaya’t ang may akalang siya’y nakatayo, magingat na baka mabuwal.

13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.

14 Kaya, mga minamahal ko, magsitakas kayo sa pagsamba sa diosdiosan.

15 Ako’y nagsasalitang tulad sa marurunong; hatulan ninyo ang sinasabi ko.

16 Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo?

17 Bagaman tayo’y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka’t tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.

18 Tingnan ninyo ang Israel na ayon sa laman: ang mga nagsisikain baga ng mga hain ay wala kayang pakikipagkaisa sa dambana?

19 Ano ang aking sinasabi? na ang hain baga sa mga diosdiosan ay may kabuluhan? o ang diosdiosan ay may kabuluhan?

20 Subali’t sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo’y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio.

21 Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon, at ang saro ng mga demonio: kayo’y hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon, at sa dulang ng mga demonio.

22 O minumungkahi baga natin sa paninibugho ang Panginoon? tayo baga’y lalong malakas kay sa kaniya?

23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni’t hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.

24 Huwag hanapin ninoman ang sa kaniyang sarili, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.

25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi;

26 Sapagka’t ang lupa ay sa Panginoon, at ang kabuuan ng naririto.

27 Kung kayo’y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi.

28 Datapuwa’t kung sa inyo’y may magsabi, Ito’y inihandog na hain, ay huwag ninyong kanin, dahilan doon sa nagpahayag at dahilan sa budhi;

29 Budhi, sinasabi ko, hindi ang inyong sarili, kundi ang sa iba; sapagka’t bakit hahatulan ang kalayaan ng budhi ng iba?

30 Kung nakikisalo ako na may pagpapasalamat, bakit ako’y aalipustain ng dahil sa aking ipinagpapasalamat?

31 Kaya kung kayo’y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.

32 Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios:

33 Na gaya ko din naman, na sa lahat ng mga bagay ay nagbibigay lugod ako sa lahat ng mga tao, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila’y mangaligtas.

I Mga Taga-Corinto 11

1 Maging taga tulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Cristo.

2 Kayo’y aking pinupuri nga, na sa lahat ng mga bagay ay naaalaala ninyo ako, at iniingatan ninyong matibay ang mga turo, na gaya ng ibinigay ko sa inyo.

3 Datapuwa’t ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa’t lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios.

4 Ang bawa’t lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo.

5 Datapuwa’t ang bawa’t babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka’t gaya rin ng kung kaniyang inahitan.

6 Sapagka’t kung ang babae ay walang lambong, ay pagupit naman; nguni’t kung kahiyahiya sa babae ang pagupit o paahit, ay maglambong siya.

7 Sapagka’t katotohanang ang lalake ay hindi dapat maglambong sa kaniyang ulo, palibhasa’y larawan siya at kaluwalhatian ng Dios: nguni’t ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalake.

8 Sapagka’t ang lalake ay hindi sa babae; kundi ang babae ay sa lalake:

9 Sapagka’t hindi nilalang ang lalake dahil sa babae; kundi ang babae dahil sa lalake;

10 Dahil dito’y nararapat na ang babae ay magkaroon sa kaniyang ulo ng tanda ng kapamahalaan, dahil sa mga anghel.

11 Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.

12 Sapagka’t kung paanong ang babae ay sa lalake, gayon din naman ang lalake ay sa pamamagitan ng babae; datapuwa’t ang lahat ng mga bagay ay sa Dios.

13 Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong?

14 Hindi baga ang katalagahan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalake, ay mahalay sa kaniya?

15 Datapuwa’t kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya; sapagka’t ang buhok sa kaniya’y ibinigay na pangtakip.

16 Datapuwa’t kung tila mapagtunggali ang sinoman, walang gayong ugali kami, ni ang iglesia man ng Dios.

17 Datapuwa’t sa pagtatagubilin sa inyo nito, ay hindi ko kayo pinupuri, sapagka’t kayo’y nangagkakatipon hindi sa lalong mabuti kundi sa lalong masama.

18 Sapagka’t unauna’y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako.

19 Sapagka’t tunay na sa inyo’y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo.

20 Kung kayo nga ay nangagkakatipon, ay hindi kayo maaaring magsikain ng hapunan ng Panginoon;

21 Sapagka’t sa inyong pagkain, ang bawa’t isa’y kumukuha ng kanikaniyang sariling hapunan na nagpapauna sa iba; at ang isa ay gutom, at ang iba’y lasing.

22 Ano, wala baga kayong mga bahay na inyong makakanan at maiinuman? o niwawalang halaga ninyo ang iglesia ng Dios, at hinihiya ninyo ang mga wala ng anoman? Ano ang aking sasabihin sa inyo? Kayo baga’y aking pupurihin? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.

23 Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;

24 At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

25 At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin.

26 Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

27 Kaya’t ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

28 Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.

29 Sapagka’t ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.

30 Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog.

31 Datapuwa’t kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan.

32 Datapuwa’t kung tayo’y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.

33 Dahil dito, mga kapatid ko, kung kayo’y mangagsasalosalo sa pagkain, ay mangaghintayan kayo.

34 Kung ang sinoman ay magutom, kumain siya sa bahay; upang ang inyong pagsasalosalo ay huwag maging sa paghatol. At ang iba ay aking aayusin pagpariyan ko.

I Mga Taga-Corinto 12

1 Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.

2 Nalalaman ninyo na nang kayo’y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.

3 Kaya’t ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

4 Ngayo’y may iba’t ibang mga kaloob, datapuwa’t iisang Espiritu.

5 At may iba’t ibang mga pangangasiwa, datapuwa’t iisang Panginoon.

6 At may iba’t ibang paggawa, datapuwa’t iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.

7 Datapuwa’t sa bawa’t isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.

8 Sapagka’t sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba’y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:

9 Sa iba’y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba’y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.

10 At sa iba’y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba’y hula; at sa iba’y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba’y ang iba’t ibang wika; at sa iba’y ang pagpapaliwanag ng mga wika.

11 Datapuwa’t ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa’t isa ayon sa kaniyang ibig.

12 Sapagka’t kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama’t marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.

13 Sapagka’t sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo’y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

14 Sapagka’t ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.

15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka’t hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito’y hindi sa katawan.

16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka’t hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito’y hindi sa katawan.

17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.

18 Datapuwa’t ngayo’y inilagay ng Dios ang bawa’t isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.

19 At kung ang lahat nga’y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?

20 Datapuwa’t maraming mga sangkap nga, nguni’t iisa ang katawan.

21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.

22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari’y lalong mahihina:

23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;

24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa’t hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;

25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa’t isa.

26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya.

28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.

29 Lahat baga’y mga apostol? lahat baga’y mga propeta? lahat baga’y mga guro? lahat baga’y mga manggagawa ng mga himala?

30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?

31 Datapuwa’t maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.

I Mga Taga-Corinto 13

1 Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa’t wala akong pagibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.

2 At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa’t wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.

3 At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa’t wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.

4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.

5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;

6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;

7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.

8 Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.

9 Sapagka’t nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya;

10 Datapuwa’t kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.

11 Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.

12 Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.

13 Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.

I Mga Taga-Corinto 14

1 Sundin ninyo ang pagibig; gayon ma’y maningas ninyong pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu, nguni’t lalo na ang kayo’y mangakapanghula.

2 Sapagka’t ang nagsasalita ng wika ay hindi sa mga tao nagsasalita, kundi sa Dios; sapagka’t walang nakauunawa sa kaniya; kundi sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga.

3 Datapuwa’t ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw.

4 Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni’t ang nanghuhula ay nagpapatibay sa iglesia.

5 Ibig ko sanang kayong lahat ay mangagsalita ng mga wika, datapuwa’t lalo na ang kayo’y magsipanghula: at lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, maliban na kung siya’y magpapaliwanag upang ang iglesia ay mapagtibay.

6 Ngayon nga, mga kapatid, kung ako’y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo’y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?

7 Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa?

8 Sapagka’t kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka?

9 Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka’t sa hangin kayo magsisipagsalita.

10 Halimbawa, mayroon ngang iba’t ibang mga tinig sa sanglibutan, at walang di may kahulugan.

11 Kung hindi ko nga nalalaman ang kahulugan ng tinig, magiging barbaro ako sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging barbaro sa akin.

12 Gayon din naman kayo, na yamang kayo’y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo’y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.

13 Kaya’t ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya’y makapagpaliwanag.

14 Sapagka’t kung ako’y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa’t ang aking pagiisip ay hindi namumunga.

15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip.

16 Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng di marunong, paanong siya’y makapagsasabi ng Siya nawa, sa iyong pagpapasalamat, palibhasa’y hindi nalalaman ang inyong sinasabi?

17 Sapagka’t ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa’t ang iba’y hindi napapagtibay.

18 Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako’y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat:

19 Nguni’t sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma’y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa’t sa pagiisip kayo’y mangagpakatao.

21 Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba’t ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma’y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon.

22 Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni’t ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya.

23 Kung ang buong iglesia nga’y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, hindi baga nila sasabihing kayo’y mga ulol?

24 Datapuwa’t kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya ng lahat;

25 Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo’y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo.

26 Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo’y nangagkakatipon ang bawa’t isa sa inyo’y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.

27 Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa’y magpaliwanag:

28 Datapuwa’t kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya’y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios.

29 At ang dalawa o tatlo sa mga propeta ay magsipagsalita, at ang mga iba’y mangagsiyasat.

30 Datapuwa’t kung may ipinahayag na anoman sa isang nauupo, ay tumahimik ang nauuna.

31 Sapagka’t kayong lahat ay makapanghuhulang isa-isa, upang ang lahat ay mangatuto, at ang lahat ay maaralan;

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasakupan ng mga propeta;

33 Sapagka’t ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal,

34 Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka’t sila’y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila’y pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan.

35 At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka’t mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia.

36 Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating?

37 Kung iniisip ninoman na siya’y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo’y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon.

38 Datapuwa’t kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang.

39 Kaya nga, mga kapatid ko, maningas na pakanasain ninyong makapanghula, at huwag ninyong ipagbawal ang magsalita ng mga wika.

40 Datapuwa’t gawin ninyong may karapatan at may kaayusan ang lahat ng mga bagay.

I Mga Taga-Corinto 15

1 Ngayo’y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo’y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan,

2 Sa pamamagitan naman nito’y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo’y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.

3 Sapagka’t ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,

4 At siya’y inilibing; at siya’y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan;

5 At siya’y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa;

6 Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito’y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa’t ang mga iba’y nangatulog na;

7 Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol;

8 At sa kahulihulihan, tulad sa isang ipinanganak sa di kapanahunan, ay napakita naman siya sa akin.

9 Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka’t pinagusig ko ang iglesia ng Dios.

10 Datapuwa’t sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga’y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako’y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin.

11 Maging ako nga o sila, ay gayon ang aming ipinangangaral, at gayon ang inyong sinampalatayanan.

12 Kung si Cristo nga’y ipinangangaral na siya’y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay?

13 Datapuwa’t kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

14 At kung si Cristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya.

15 Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka’t aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay.

16 Sapagka’t kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo’y nasa inyong mga kasalanan pa.

18 Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak.

19 Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.

20 Datapuwa’t si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog.

21 Sapagka’t yamang sa pamamagitan ng tao’y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao’y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

22 Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.

23 Datapuwa’t ang bawa’t isa’y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito.

24 Kung magkagayo’y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga’y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.

25 Sapagka’t kinakailangang siya’y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway.

26 Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.

27 Sapagka’t kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa’t kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

28 At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo’y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.

29 Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?

30 Bakit baga naman tayo’y nanganganib bawa’t oras?

31 Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako.

32 Kung ako’y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo’y mangamamatay.

33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.

34 Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka’t may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo’y kilusin sa kahihiyan.

35 Datapuwa’t sasabihin ng iba, Paanong muling bubuhayin ang mga patay? at anong anyo ng katawan ang iparirito nila?

36 Ikaw na mangmang, ang inyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na kung mamatay:

37 At ang iyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay;

38 Datapuwa’t ang Dios ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawa’t binhi ay ang sariling katawan.

39 Hindi ang lahat ng laman ay magkasing-isang laman: kundi may laman sa mga tao, at ibang laman sa mga hayop, at ibang laman sa mga ibon, at ibang laman sa mga isda.

40 Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa.

41 Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka’t ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42 Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan;

43 Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan:

44 Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman.

45 Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay.

46 Bagaman ang ukol sa espiritu ay hindi siyang una, kundi ang ukol sa lupa: pagkatapos ang ukol sa espiritu.

47 Ang unang tao ay taga lupa na ukol sa lupa: ang ikalawang tao ay taga langit.

48 Kung ano ang ukol sa lupa, ay gayon din naman silang mga taga lupa: at kung ano ang ukol sa langit ay gayon din naman silang taga langit.

49 At kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit.

50 Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan.

51 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin,

52 Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin.

53 Sapagka’t kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.

54 Datapuwa’t pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.

55 Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?

56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan:

57 Datapuwa’t salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

58 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.

I Mga Taga-Corinto 16

1 Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.

2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa’t isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.

3 At pagdating ko, ang sinomang inyong mamagalingin, ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem:

4 At kung nararapat na ako naman ay pumaroon, sila’y isasama ko.

5 Nguni’t ako’y paririyan sa inyo, pagkaraan ko sa Macedonia; sapagka’t magdaraan ako sa Macedonia;

6 Datapuwa’t marahil ako’y matitira sa inyo o makikisama sa inyo sa taginaw, upang ako’y tulungan ninyo sa aking paglalakbay saan man ako pumaroon.

7 Sapagka’t hindi ko ibig na kayo’y makita ngayon sa paglalakbay; sapagka’t inaasahan kong ako’y makikisama sa inyong kaunting panahon, kung itutulot ng Panginoon.

8 Datapuwa’t ako’y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes;

9 Sapagka’t sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki at mapapakinabangan, at marami ang mga kaaway.

10 Ngayon kung dumating si Timoteo, ingatan ninyo na siya’y mapasainyo na walang pangamba; sapagka’t ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ko rin naman:

11 Sinoman nga ay huwag humamak sa kaniya. Kundi tulungan ninyo siyang payapa sa kaniyang paglalakbay, upang siya’y makaparito sa akin: sapagka’t inaasahan ko siya’y kasama ng mga kapatid.

12 Nguni’t tungkol sa kapatid na si Apolos, ay ipinamanhik ko sa kaniyang malabis na siya’y pumariyan sa inyong kasama ng mga kapatid: at sa anomang paraan ay hindi niya kalooban na pumariyan ngayon; nguni’t paririyan pagkakaroon niya ng panahon.

13 Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo’y mangagpakalalake, kayo’y mangagpakalakas.

14 Gawin ninyo sa pagibig ang lahat ninyong ginagawa.

15 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid (nalalaman ninyo na ang sangbahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaya, at nangagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal),

16 Na kayo’y pasakop naman sa mga gayon, at sa bawa’t tumutulong sa gawa at nagpapagal.

17 At ikinagagalak ko ang pagdating ni Estefanas at ni Fortunato at ni Acaico: sapagka’t ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.

18 Sapagka’t inaliw nila ang aking espiritu at ang inyo: magsikilala nga kayo sa mga gayon.

19 Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo’y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.

20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Kayo’y mangagbatian ng halik na banal.

21 Ang bati ko, ni Pablo na sinulat ng aking sariling kamay.

22 Kung ang sinoman ay hindi umiibig sa Panginoon, ay maging takuwil siya. Maranatha.

23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.

24 Ang aking pagibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Mga Taga-Roma 1

1 Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios,

2 Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,

3 Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman,

4 Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga’y si Jesucristo na Panginoon natin,

5 Na sa pamamagitan niya’y tinanggap namin ang biyaya at pagkaapostol, sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan;

6 Sa mga ito kayo naman, ay tinawag kay Jesucristo:

7 Sa lahat ninyong nangasa Roma, mga iniibig ng Dios, tinawag na mangagbanal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

8 Kaunaunahan, ay nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan.

9 Sapagka’t ang Dios ang aking saksi, na siyang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa evangelio ng kaniyang Anak, na walang patid na aking kayong binabanggit, sa aking mga panalangin,

10 At laging isinasamo ko, kung ngayon sa wakas sa anomang paraan ay magkapalad ako sa kalooban ng Dios na makarating sa inyo.

11 Sapagka’t ninanasa kong makita kayo, upang ako’y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu, upang kayo’y mangagsitibay;

12 Sa makatuwid baga, upang ako’t kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa’t isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin.

13 At hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo matalastas na madalas kong inaakalang makarating sa inyo (datapuwa’t hanggang ngayon ako’y nahahadlangan), upang magkaroon naman ako sa inyo ng anomang bunga, na gaya sa mga ibang Gentil.

14 Ako’y may utang sa mga Griego at gayon din naman sa mga barbaro, sa marurunong at gayon din sa mga mangmang.

15 Kaya nga, sa ganang akin, ay handa akong ipangaral din ang evangelio sa inyong nangasa Roma.

16 Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya; una’y sa Judio, at gayon din sa Griego.

17 Sapagka’t dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni’t ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

18 Sapagka’t ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan;

19 Sapagka’t ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka’t ito’y ipinahayag ng Dios sa kanila.

20 Sapagka’t ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila’y walang madahilan:

21 Sapagka’t kahit kilala nila ang Dios, siya’y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.

22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,

23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

24 Dahil dito’y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:

25 Sapagka’t pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila’y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.

26 Dahil dito’y ibinigay sila ng Dios sa mga mahahalay na pita: sapagka’t pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo:

27 At gayon din naman ang mga lalake, na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae, ay nangagningas sa kanilang karumihan ng pita ang isa’t isa, na gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali.

28 At palibhasa’y hindi nila minagaling na kilalanin ang Dios, ibinigay sila ng Dios sa isang mahalay na pagiisip, upang gawin yaong mga bagay na hindi nangararapat;

29 Nangapuspus sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; mga mapagupasala,

30 Mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng mga kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang,

31 Mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag:

32 Na, bagama’t nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.

Mga Taga-Roma 2

1 Dahil dito’y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka’t sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka’t ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.

2 At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay.

3 At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios?

4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

5 Datapuwa’t ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;

6 Na siya ang magbibigay sa bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa:

7 Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:

8 Datapuwa’t ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,

9 Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa’t kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;

10 Datapuwa’t kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa’t taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:

11 Sapagka’t ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.

12 Sapagka’t ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan;

13 Sapagka’t hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;

14 (Sapagka’t kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;

15 Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa’t isa);

16 Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.

17 Nguni’t kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios,

18 At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa’y tinuruan ka ng kautusan,

19 At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman,

20 Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan;

21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?

22 Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo?

23 Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios?

24 Sapagka’t ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.

25 Sapagka’t ang pagtutuli’y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa’t kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli.

26 Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli?

27 At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan?

28 Sapagka’t siya’y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman;

29 Datapuwa’t siya’y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios.

Mga Taga-Roma 3

1 Ano nga ang kahigitan ng Judio? o ano ang mapapakinabang sa pagtutuli?

2 Marami sa anomang paraan: ang una sa lahat, ay ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios.

3 Ano nga kung ang ilan ay hindi nangagsisampalataya? ang di pananampalataya nila ay nagpapawalang halaga baga sa pagtatapat ng Dios?

4 Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa’t ang bawa’t tao’y sinungaling; gaya ng nasusulat, Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.

5 Datapuwa’t kung ang ating kalikuan ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.)

6 Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung gayo’y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan?

7 Datapuwa’t kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako’y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?

8 At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), Magsigawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid.

9 Ano nga? tayo baga’y lalong mabuti kay sa kanila? Hindi, sa anomang paraan: sapagka’t ating kapuwa isinasakdal na muna ang mga Judio at ang mga Griego, na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan;

10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa;

11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios;

12 Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa:

13 Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi:

14 Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan:

15 Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo;

16 Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan;

17 At ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala;

18 Walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata.

19 Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa’t bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios:

20 Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.

21 Datapuwa’t ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta;

22 Sa makatuwid baga’y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka’t walang pagkakaiba;

23 Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;

24 Palibhasa’y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:

25 Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios;

26 Sa pagpapakilala’y aking sinasabi, ng kaniyang katuwiran sa panahong kasalukuyan, upang siya’y maging ganap at tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Cristo.

27 Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito’y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.

28 Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

29 O ang Dios baga ay Dios ng mga Judio lamang? hindi baga siya ang Dios din ng mga Gentil? Oo, ng mga Gentil din naman:

30 Kung gayon nga na iisa ang Dios, at kaniyang aariing-ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

31 Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.