Mga Taga-Roma 4

1 Ano nga ang ating sasabihin, na nasumpungan ni Abraham na ating magulang ayon sa laman?

2 Sapagka’t kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamapuri; datapuwa’t hindi sa Dios.

3 Sapagka’t ano ang sinasabi ng kasulatan? At sumampalataya si Abraham sa Dios, at sa kaniya’y ibinilang na katuwiran.

4 Ngayon sa kaniya na gumagawa’y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang.

5 Datapuwa’t sa kaniya na hindi gumagawa, nguni’t sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.

6 Gaya naman ng sinasambit ni David na kapalaran ng tao, na sa kaniya’y ibinibilang ng Dios ang katuwiran nang walang mga gawa,

7 Na sinasabi, Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan.

8 Mapalad ang tao na sa kaniya’y hindi ibibilang ng Panginoon ang kasalanan.

9 Sinambit nga baga ang kapalarang ito tungkol sa pagtutuli, o tungkol din naman sa di-pagtutuli? sapagka’t sinasabi natin, Kay Abraham ay ibinilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya.

10 Paano ngang ito’y ibinilang? nang siya baga’y nasa pagtutuli, o sa di-pagtutuli? Hindi sa pagtutuli, kundi sa di-pagtutuli:

11 At tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng katuwiran ng pananampalataya na nasa kaniya samantalang siya’y nasa di-pagtutuli: upang siya’y maging ama ng lahat ng mga nagsisisampalataya, bagaman sila’y nasa di-pagtutuli, upang ang katuwiran ay maibilang sa kanila;

12 At ang ama ng pagtutuli nila na hindi lamang sa pagtutuli, kundi pati naman sa mga nagsisilakad sa mga bakas niyaong pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang siya’y nasa di-pagtutuli.

13 Sapagka’t hindi sa pamamagitan ng kautusan ginawa ang pangako kay Abraham o sa kaniyang binhi na siyang magmamana ng sanglibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.

14 Sapagka’t kung silang nangasa kautusan ay siyang mga tagapagmana, ay walang kabuluhan ang pananampalataya, at nawawalang kabuluhan ang pangako:

15 Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t kung saan walang kautusan ay wala ring pagsalangsang.

16 Dahil dito’y sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay lumagi sa lahat ng binhi; hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham, na ama nating lahat.

17 (Gaya ng nasusulat, Ginawa kitang ama ng maraming bansa) sa harapan niyaong kaniyang pinanampalatayanan, sa makatuwid baga’y ang Dios, na nagbibigay ng buhay sa mga patay, at tumatawag sa mga bagay na hindi pa hayag na tila hayag na.

18 Siya na sumampalataya na nasa pagasa laban sa pagasa, upang maging ama ng maraming bansa ayon sa sabi, Magiging gayon ang iyong binhi.

19 At hindi humina sa pananampalataya na ipinalagay man ang kaniyang katawang tulad sa patay na (gayon siya’y may mga isang daang taon na), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sara;

20 Kundi, sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nagalinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya, kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios,

21 At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon.

22 Dahil dito’y ibinilang naman na katuwiran sa kaniya.

23 Ngayo’y hindi lamang dahil sa kaniya isinulat, na sa kaniya’y ibinilang;

24 Kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa ating mga nagsisisampalataya sa kaniya na bumuhay na maguli sa mga patay, kay Jesus na ating Panginoon,

25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.

Mga Taga-Roma 5

1 Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;

2 Sa pamamagitan din naman niya’y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.

3 At hindi lamang gayon, kundi naman nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan;

4 At ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa:

5 At ang pagasa ay hindi humihiya; sapagka’t ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

6 Sapagka’t nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama.

7 Sapagka’t ang isang tao’y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama’t dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay.

8 Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.

9 Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.

10 Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay;

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo’y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya’y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo.

12 Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala:

13 Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni’t hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, na siyang anyo niyaong darating.

15 Datapuwa’t gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka’t kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo.

16 At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka’t ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap.

17 Sapagka’t kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.

18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay.

19 Sapagka’t kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 At bukod sa rito ay pumasok ang kautusan, upang ang pagsuway ay makapanagana; datapuwa’t kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya:

21 Upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa ikamamatay, ay gayon din naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng katuwiran sa ikabubuhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin.

Mga Taga-Roma 6

1 Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana?

2 Huwag nawang mangyari. Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan?

3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?

4 Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.

5 Sapagka’t kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli;

6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan;

7 Sapagka’t ang namatay ay ligtas na sa kasalanan.

8 Datapuwa’t kung tayo’y nangamatay na kalakip ni Cristo, ay naniniwala tayo na mangabubuhay naman tayong kalakip niya;

9 Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya’y hindi naghahari sa kaniya.

10 Sapagka’t ang kamatayan na ikinamatay niya, ay kaniyang ikinamatay na minsan sa kasalanan: datapuwa’t ang buhay na kaniyang ikinabubuhay, ay kaniyang ikinabubuhay sa Dios.

11 Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo’y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni’t mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus.

12 Huwag ngang maghari ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang kayo’y magsisunod sa kaniyang mga pita:

13 At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios.

14 Sapagka’t ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya.

15 Ano nga? mangagkakasala baga tayo, dahil sa tayo’y wala sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi baga ninyo nalalaman, na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo’y mga alipin niyaong inyong tinatalima; maging ng kasalanan sa ikamamatay, maging ng pagtalima sa ikapagiging matuwid?

17 Datapuwa’t salamat sa Dios, na, bagama’t kayo’y naging mga alipin ng kasalanan, kayo’y naging mga matalimahin sa puso doon sa uri ng aral na pinagbigyan sa inyo;

18 At yamang pinalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo ng katuwiran.

19 Nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao dahil sa karupukan ng inyong laman: sapagka’t kung paanong inyong inihandog ang inyong mga sangkap ng katawan na pinaka alipin ng karumihan at ng lalo’t lalong kasamaan, gayon din ihandog ninyo ngayon ang inyong mga sangkap na pinaka alipin ng katuwiran sa ikababanal.

20 Sapagka’t nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo’y laya tungkol sa katuwiran.

21 Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo’y ikinahihiya ninyo? sapagka’t ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan.

22 Datapuwa’t ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan.

23 Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Mga Taga-Roma 7

1 O hindi baga ninyo nalalaman mga kapatid (sapagka’t nagsasalita ako sa mga taong nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay naghahari sa tao samantalang siya’y nabubuhay?

2 Sapagka’t ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa’t kung ang asawa’y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa.

3 Kaya nga kung, samantalang nabubuhay ang asawa, siya’y makikisama sa ibang lalake, siya’y tatawaging mangangalunya: datapuwa’t kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa’t siya’y hindi na mangangalunya, bagaman siya’y makisama sa ibang lalake.

4 Gayon din naman, mga kapatid ko, kayo’y nangamatay rin sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo’y makisama sa iba, sa makatuwid baga’y doon sa nabuhay na maguli, upang tayo’y magsipagbunga sa Dios.

5 Sapagka’t nang tayo’y nangasa laman, ang mga pitang salarin na pawang sa pamamagitan ng kautusan, ay nagsigawa sa ating mga sangkap upang magsipagbunga sa kamatayan.

6 Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa’t nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat.

7 Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan baga’y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Datapuwa’t, hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kundi sa pamamagitan ng kautusan: sapagka’t hindi ko sana nakilala ang kasakiman, kung hindi sinasabi ng kautusan, Huwag kang mananakim:

8 Datapuwa’t ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay gumawa sa akin sa pamamagitan ng utos ng sarisaring kasakiman: sapagka’t kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

9 At nang isang panahon ako’y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa’t nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako’y namatay;

10 At ang utos na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito’y sa ikamamatay;

11 Sapagka’t ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay dinaya ako sa pamamagitan ng utos, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan; na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala.

14 Sapagka’t nalalaman natin na ang kautusa’y sa espiritu: nguni’t ako’y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagka’t ang ginagawa ko’y hindi ko nalalaman: sapagka’t ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa’t ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko.

16 Nguni’t kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Kaya ngayo’y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.

18 Sapagka’t nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka’t ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa’t ang paggawa ng mabuti ay wala.

19 Sapagka’t ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni’t ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa.

20 Datapuwa’t kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.

21 Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.

22 Sapagka’t ako’y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob:

23 Datapuwa’t nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.

24 Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?

25 Nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin. Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa’t ang laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Mga Taga-Roma 8

1 Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.

2 Sapagka’t ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

3 Sapagka’t ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan:

4 Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

5 Sapagka’t ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa’t ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

6 Sapagka’t ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa’t ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

7 Sapagka’t ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka’t hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:

8 At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.

9 Datapuwa’t kayo’y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo’y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa’t kung ang sinoma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa kaniya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa’t ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.

11 Nguni’t kung ang Espiritu niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mabuhay ayon sa laman:

13 Sapagka’t kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa’t kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo.

14 Sapagka’t ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios.

15 Sapagka’t hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa’t tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito’y sumisigaw tayo, Abba, Ama.

16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios:

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.

18 Sapagka’t napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagka’t ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Dios.

20 Sapagka’t ang buong nilalang ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa

21 Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios.

22 Sapagka’t nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon.

23 At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga’y tayo nama’y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay ng pagkukupkop, na dili iba’t, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagka’t tayo’y iniligtas sa pagasa: datapuwa’t ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya’t sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Datapuwa’t kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo’y hinihintay nating may pagtitiis.

26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka’t hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni’t ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita;

27 At ang nakasisiyasat ng mga puso’y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka’t siya ang namamagitan dahil sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Dios.

28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.

29 Sapagka’t yaong mga nang una pa’y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:

30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.

31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

32 Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?

33 Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa mga hirang ng Dios? Ang Dios ay ang umaaring-ganap;

34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na siyang nasa kanan ng Dios, na siya namang namamagitan dahil sa atin.

35 Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

36 Gaya ng nasusulat, Dahil sa iyo kami’y pinapatay sa buong araw; Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.

37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.

38 Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,

39 Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Mga Taga-Roma 9

1 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, na ako’y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo,

2 Na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na karamdaman sa aking puso.

3 Sapagka’t ako’y makapagnanasa na ako man ay itakuwil mula kay Cristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamaganak ayon sa laman.

4 Na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan;

5 Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.

6 Datapuwa’t hindi sa ang salita ng Dios ay nauwi sa wala. Sapagka’t hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel:

7 Ni sapagka’t sila’y binhi ni Abraham, ay mga anak na silang lahat: kundi, Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.

8 Sa makatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Dios: kundi ang mga anak sa pangako’y siyang ibibilang na isang binhi.

9 Sapagka’t ito ang salita ng pangako, Ayon sa panahong ito’y paririto ako, at magkakaroon si Sara ng isang anak na lalake.

10 At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga’y ng ating ama na si Isaac-

11 Sapagka’t ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag,

12 Ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso.

13 Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa’t si Esau ay aking kinapootan.

14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagka’t sinasabi niya kay Moises, Ako’y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako’y mahahabag sa aking kinahahabagan.

16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.

17 Sapagka’t sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala’y maitanyag sa buong lupa.

18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya’y naaawa, at sa kaniyang ibig siya’y nagpapatigas.

19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka’t sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?

20 Nguni’t, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?

21 O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa’y sa ikahihiya.

22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:

23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,

24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?

25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig.

26 At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo’y hindi ko bayan, Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.

27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 Sapagka’t isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin.

29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo’y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.

30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga’y ng katuwiran sa pananampalataya:

31 Datapuwa’t ang Israel sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan.

32 Bakit? Sapagka’t hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. Sila’y nangatisod sa batong katitisuran;

33 Gaya ng nasusulat, Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal: At ang sumasampalataya sa kaniya’y hindi mapapahiya.

Mga Taga-Roma 10

1 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila’y mangaligtas.

2 Sapagka’t sila’y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa’t hindi ayon sa pagkakilala.

3 Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.

4 Sapagka’t si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa’t sumasampalataya.

5 Sapagka’t isinulat ni Moises na ang tao na gumagawa ng katuwirang ayon sa kautusan ay mabubuhay dahil dito.

6 Datapuwa’t sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito, Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (sa makatuwid baga’y upang ibaba si Cristo:)

7 O, Sino ang mananaog sa kalalimlaliman? (sa makatuwid baga’y upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

8 Datapuwa’t ano ang sinasabi nito? Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: sa makatuwid baga’y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral:

9 Sapagka’t kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka:

10 Sapagka’t ang tao’y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.

11 Sapagka’t sinasabi ng kasulatan, Ang lahat na sa kaniya’y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya.

12 Sapagka’t walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka’t ang Panginoon din ay siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya’y nagsisitawag:

13 Sapagka’t, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.

14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?

15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!

16 Datapuwa’t hindi silang lahat ay nakinig ng masasayang balita. Sapagka’t sinasabi ni Isaias, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?

17 Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.

18 Datapuwa’t sinasabi ko, Hindi baga sila’y nangakinig? Oo, tunay nga, Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, At ang kanilang mga salita’y hanggang sa mga dulo ng sanglibutan.

19 Datapuwa’t sinasabi ko, Hindi baga nalalaman ng Israel? Unauna’y sinasabi ni Moises, Ipamumungkahi ko kayo sa paninibugho sa pamamagitan niyaong hindi bansa, Sa pamamagitan ng isang bansang mangmang ay gagalitin ko kayo.

20 At si Isaias ay buong tapang na nagsasabi, Ako’y nasumpungan nilang mga hindi nagsisihanap sa akin; Nahayag ako sa kanilang mga hindi nagsisipagtanong tungkol sa akin.

21 Datapuwa’t tungkol sa Israel ay sinasabi niya, Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang bayang suwail at matutol.

Mga Taga-Roma 11

1 Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka’t ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin.

2 Hindi itinakuwil ng Dios ang kaniyang bayan na nang una pa’y kinilala niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel na sinabi:

3 Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako’y naiwang nagiisa, at hinahanap nila ang aking buhay.

4 Datapuwa’t ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kaniya? Nagtira ako sa akin ng pitong libong lalake na hindi nangagsiluhod kay Baal.

5 Gayon din nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya.

6 Nguni’t kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya.

7 Ano nga? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya kinamtan; datapuwa’t ito’y kinamtan ng pagkahirang, at ang mga iba’y pinapagmatigas:

8 Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito.

9 At sinasabi ni David, Ang kanilang dulang nawa’y maging isang silo, at isang panghuli, At isang katitisuran, at isang kabayaran sa kanila:

10 Manganglabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila’y huwag mangakakita, At laging baluktutin mo nawa ang kanilang gulugod.

11 Sinasabi ko nga, Nangatisod kaya sila upang mangahulog? Huwag nawang mangyari: datapuwa’t sa pagkahulog nila’y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho.

12 Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanglibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila?

13 Datapuwa’t nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibasa’y ako nga’y apostol ng mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministerio;

14 Baka sa anomang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kalaman, at maligtas ang ilan sa kanila.

15 Sapagka’t kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanglibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?

16 At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayon din ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayon din ang mga sanga.

17 Datapuwa’t kung ang ilang mga sanga’y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo;

18 Huwag kang magpalalo sa mga sanga: datapuwa’t kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo.

19 Sasabihin mo nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib.

20 Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya’y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo kundi matakot ka:

21 Sapagka’t kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin.

22 Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa’t ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin.

23 At sila naman, kung hindi mangagsisilagi sa di pananampalataya ay mangakakasanib: sapagka’t makapangyarihan ang Dios upang sila’y isanib na muli.

24 Sapagka’t kung ikaw ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangakakasanib sa kanilang sariling punong olibo?

25 Sapagka’t hindi ko ibig, mga kapatid, na di ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo’y mangagmarunong sa inyong sariling mga haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil;

26 At sa ganito’y ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas; Siya ang maghihiwalay sa Jacob ng kalikuan:

27 At ito ang aking tipan sa kanila, Pagka aalisin ko ang kanilang mga kasalanan.

28 Tungkol sa evangelio, ay mga kaaway sila dahil sa inyo: datapuwa’t tungkol sa pagkahirang, ay mga pinakaiibig sila dahil sa mga magulang.

29 Sapagka’t ang mga kaloob at ang pagtawag ng Dios ay hindi nagbabago.

30 Sapagka’t kung paanong kayo nang nakaraang panahon ay mga masuwayin sa Dios, datapuwa’t ngayon kayo’y nangagkamit ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,

31 Gayon din naman ang mga ito ay naging mga masuwayin ngayon, upang sa pamamagitan ng habag na ipinagkaloob sa inyo, sila nama’y magkamit ngayon ng habag.

32 Sapagka’t ang lahat ay kinulong ng Dios sa kasuwayan, upang siya’y mahabag sa lahat.

33 Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!

34 Sapagka’t sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni?

35 O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya’y babayarang muli?

36 Sapagka’t kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

Mga Taga-Roma 12

1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.

2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.

3 Sapagka’t sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa’t tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa’t isa.

4 Sapagka’t kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:

5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa’t isa.

6 At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya;

7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo;

8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.

9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.

10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa’t isa ang iba;

11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon;

12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin;

13 Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.

14 Pagpalain ninyo ang mga sa inyo’y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak.

16 Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.

17 Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.

19 Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka’t nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.

20 Kaya’t kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya’y mauhaw, painumin mo: sapagka’t sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo.

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.

Mga Taga-Roma 13

1 Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka’t walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao’y hinirang ng Dios.

2 Kaya nga’t ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

3 Sapagka’t ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:

4 Sapagka’t siya’y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa’t kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka’t hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka’t siya’y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.

5 Kaya nga’t dapat na kayo’y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.

6 Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka’t sila’y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.

7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila’y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.

8 Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka’t ang umiibig sa kaniyang kapuwa’y nakaganap na ng kautusan.

9 Sapagka’t ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga’y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili.

10 Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.

11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo’y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka’t ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo’y magsisampalataya nang una.

12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.

13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.

14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.