Mga Taga-Roma 14

1 Datapuwa’t ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.

2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni’t ang mahina’y kumakain ng mga gulay.

3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka’t siya’y tinanggap ng Dios.

4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka’t makapangyarihan ang Panginoon na siya’y maitayo.

5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa’t araw. Bawa’t isa’y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.

6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka’t siya’y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.

7 Sapagka’t ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.

8 Sapagka’t kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo’y nangamamatay: kaya’t sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo’y sa Panginoon.

9 Sapagka’t dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya’y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.

10 Datapuwa’t ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka’t tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.

11 Sapagka’t nasusulat, Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa’t tuhod ay luluhod, At ang bawa’t dila ay magpapahayag sa Dios.

12 Kaya nga ang bawa’t isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.

13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa’t isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya’y marumi ito.

15 Sapagka’t kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.

16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:

17 Sapagka’t ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagka’t ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.

19 Kaya nga sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa’t isa.

20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.

21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.

22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.

23 Nguni’t ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka’t hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.

Mga Taga-Roma 15

1 Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigay lugod sa ating sarili.

2 Bawa’t isa sa atin ay magbigay lugod sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang ikabubuti sa ikatitibay.

3 Sapagka’t si Cristo man ay hindi nagbigay lugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, Ang mga pagalipusta ng mga nagsisialipusta sa iyo, ay nangahulog sa akin.

4 Sapagka’t ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.

5 Loobin nawa ng Dios ng pagtitiis at paggiliw, na kayo ay magkaisa ng pagiisip sa isa’t isa ayon kay Cristo Jesus:

6 Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.

7 Sa ganito’y mangagtanggapan kayo, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa kaluwalhatian ng Dios.

8 Sapagka’t sinasabi ko na si Cristo ay ginawang ministro ng pagtutuli dahil sa katotohanan ng Dios, upang kaniyang mapagtibay ang mga pangakong ibinigay sa mga magulang,

9 At upang ang mga Gentil ay makaluwalhati sa Dios dahil sa kaniyang kahabagan; gaya ng nasusulat, Kaya nga’t ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Gentil. At aawit ako sa iyong pangalan.

10 At muling sinasabi niya, Makigalak kayo, kayong mga Gentil, sa kaniyang bayan.

11 At muli, Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Gentil; At purihin siya ng lahat ng mga bayan.

12 At muli, sinasabi ni Isaias, Magkakaroon ng ugat kay Jesse, At siya’y lilitaw upang maghari sa mga Gentil; Ay sa kaniya magsisiasa ang mga Gentil.

13 Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo’y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo mga kapatid ko, na kayo naman ay mangapuspos ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na ano pa’t makapagpapaalaala naman kayo sa isa’t isa.

15 Nguni’t sinulatan ko kayo na may dakilang kalayaan na bilang pagpapaalaala sa inyo, dahil sa biyaya na sa akin ay ibinigay ng Dios,

16 Upang ako’y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Gentil, na nangangasiwa sa evangelio ng Dios, upang ang mga Gentil ay maging kalugodlugod na handog, palibhasa’y pinapaging banal ng Espiritu Santo.

17 Mayroon nga akong ipinagmamapuri kay Cristo Jesus sa mga bagay na nauukol sa Dios.

18 Sapagka’t hindi ako nangangahas magsalita ng anomang mga bagay, maliban na sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, sa pagtalima ng mga Gentil, sa salita at sa gawa,

19 Sa bisa ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Dios; ano pa’t buhat sa Jerusalem, at sa palibotlibot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang evangelio ni Cristo;

20 Aking nilayon na maipangaral ang evangelio, hindi doon sa napagbalitaan na kay Cristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba;

21 Kundi, gaya ng nasusulat, Makakakita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa kaniya, At silang hindi nangakapakinig, ay mangakakatalastas.

22 Kaya’t madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo:

23 Datapuwa’t ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako’y may nasang pumariyan sa inyo,

24 Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka’t inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako’y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo).

25 Nguni’t ngayon, sinasabi ko, ako’y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal.

26 Sapagka’t minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Oo, ito’y kalugodlugod sa kanila; at sila’y may utang na loob sa kanila. Sapagka’t kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana.

29 At nalalaman ko na, pagpariyan ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng evangelio ni Cristo.

30 Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alangalang sa Panginoon nating Jesucristo, at sa pagibig ng Espiritu, na kayo’y makipagsikap na kasama ko sa inyong mga pananalangin sa Dios patungkol sa akin;

31 Upang ako’y maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugodlugod sa mga banal;

32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ako’y makarating sa inyo na may kagalakan, at ako’y makipamahinga sa inyo.

33 Ngayon ang Dios ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Mga Taga-Roma 16

1 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia na nasa Cencrea:

2 Upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka’t siya nama’y naging katulong ng marami, at ng aking sarili naman.

3 Batiin ninyo si Prisca at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,

4 Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila’y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil:

5 At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo.

6 Batiin ninyo si Maria, na lubhang nagpagal sa inyo.

7 Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamaganak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo, na siyang mga bantog sa mga apostol, na sila nama’y nangauna sa akin kay Cristo.

8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.

9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.

10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Aristobulo.

11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamaganak. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Narciso, yaong nangasa Panginoon.

12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na nangagpapagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na lubhang nagpagal sa Panginoon.

13 Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kaniyang ina at akin.

14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.

15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.

16 Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.

17 Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo’y magsilayo sa kanila.

18 Sapagka’t ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.

19 Sapagka’t ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya’t nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa’t ibig ko na kayo’y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan.

20 At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo.

21 Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa; at ni Lucio at ni Jason at ni Sosipatro, na aking mga kamaganak.

22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23 Binabati kayo ni Gayo na pinanunuluyanan ko, at ng buong iglesia. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng bayan, at ng kapatid na si Cuarto.

24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.

25 At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo’y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.

26 Datapuwa’t nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya:

27 Sa iisang Dios na marunong, sa pamamagitan ni Jesucristo, na sumasa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

Mga Gawa 1

1 Ang unang kasaysayan na ginawa ko, Oh Teofilo, ay tungkol sa lahat na pinasimulang ginawa at itinuro ni Jesus,

2 Hanggang sa araw na tanggapin siya sa kaitaasan, pagkatapos na makapagbigay siya ng mga utos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga apostol na kaniyang hinirang;

3 Na sa kanila nama’y napakita rin siyang buhay, sa pamamagitan ng maraming mga katunayan, pagkatapos na siya’y makapaghirap, na napakikita sa kanila sa loob ng apat na pung araw, at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios:

4 At, palibhasa’y nakikipagpulong sa kanila, ay ipinagutos niya sa kanila na huwag silang magsialis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama, na sinabi niyang narinig ninyo sa akin:

5 Sapagka’t tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa’t kayo’y babautismuhan sa Espiritu Santo na di na malalaunan pa.

6 Tinanong nga siya nila nang sila’y nangagkakatipon, na nangagsasabi, Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito?

7 At sinabi niya sa kanila, Hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon, na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.

8 Datapuwa’t tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.

9 At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya’y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya’y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin.

10 At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya’y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit;

11 Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.

12 Nang magkagayon ay nangagbalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olivo, na malapit sa Jerusalem, na isang araw ng sabbath lakarin.

13 At nang sila’y magsipasok sa bayan, ay nagsiakyat sila sa silid sa itaas, na kinatitirahan nila; ni Pedro at ni Juan at ni Santiago at ni Andres, ni Felipe at ni Tomas, ni Bartolome at ni Mateo, ni Santiago na anak ni Alfeo, at ni Simong Masikap, at ni Judas na anak ni Santiago.

14 Ang lahat ng mga ito’y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati ng mga kapatid niya.

15 At nang mga araw na ito’y nagtindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid, at nagsabi (at nangagkakatipon ang karamihang mga tao, na may isang daa’t dalawangpu),

16 Mga kapatid, kinakailangang matupad ang kasulatan, na nang una ay sinalita ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang pumatnugot sa nagsihuli kay Jesus.

17 Sapagka’t siya’y ibinilang sa atin, at siya’y tumanggap ng kaniyang bahagi sa ministeriong ito.

18 Kumuha nga ang taong ito ng isang parang sa pamamagitan ng ganti sa kaniyang katampalasanan; at sa pagpapatihulog ng patiwarik, ay pumutok siya sa gitna, at sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan.

19 At ito’y nahayag sa lahat ng mga nagsisitahan sa Jerusalem; ano pa’t tinawag ang parang na yaon sa kanilang wika na Aceldama, sa makatuwid baga’y, Ang parang ng Dugo.)

20 Sapagka’t nasusulat sa aklat ng Mga Awit, Bayaang mawalan nawa ng tao ang kaniyang tahanan, At huwag bayaang manahan doon ang sinoman; at, Bayaang kunin ng iba ang kaniyang katungkulan.

21 Sa mga taong ito nga na nangakisama sa atin sa buong panahon na ang Panginoong si Jesus ay pumapasok at lumalabas sa atin,

22 Magmula sa pagbautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya’y tanggapin sa itaas mula sa atin, ay nararapat na ang isa sa mga ito’y maging saksi na kasama natin sa kaniyang pagkabuhay na maguli.

23 At kanilang ibinukod ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na pinamagatang Justo, at si Matias.

24 At sila’y nagsipanalangin, at nagsipagsabi, Ikaw, Panginoon, na nakatataho ng mga puso ng lahat ng mga tao, ay ipakilala mo kung alin sa dalawang ito ang iyong hinirang,

25 Upang tanggapin ang katungkulan sa ministeriong ito at pagkaapostol na kinahulugan ni Judas, upang siya’y makaparoon sa kaniyang sariling kalalagyan.

26 At sila’y pinagsapalaran nila; at nagkapalad si Matias; at siya’y ibinilang sa labingisang apostol.

Mga Gawa 2

1 At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako.

2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan.

3 At sa kanila’y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa’t isa sa kanila.

4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.

5 May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa’t bansa sa ilalim ng langit.

6 At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka’t sa kanila’y narinig ng bawa’t isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika.

7 At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito?

8 At bakit nga naririnig ng bawa’t isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan?

9 Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,

10 Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio,

11 Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios.

12 At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito?

13 Datapuwa’t ang mga iba’y nanganglilibak na nangagsabi, Sila’y puno ng bagong alak.

14 Datapuwa’t pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila’y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita.

15 Sapagka’t ang mga ito’y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo’y oras na ikatlo lamang ng araw;

16 Datapuwa’t ito’y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel:

17 At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip:

18 Oo’t sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila.

19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok:

20 Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi:

21 At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas.

22 Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo;

23 Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Dios, kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay:

24 Na siya’y binuhay na maguli ng Dios, pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan: sapagka’t hindi maaari na siya’y mapigilan nito.

25 Sapagka’t sinasabi ni David tungkol sa kaniya, Nakita kong lagi ang Panginoon sa aking harapan; Sapagka’t siya’y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong makilos:

26 Dahil dito’y nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; Pati naman ang aking laman ay mananahan sa pagasa:

27 Sapagka’t hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades, Ni titiisin man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.

28 Ipinakilala mo sa akin ang mga daan ng buhay; Pupuspusin mo ako ng kagalakan sa harap ng iyong mukha.

29 Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya’y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito.

30 Palibhasa nga’y isang propeta, at sa pagkaalam na may panunumpang isinumpa ng Dios sa kaniya, na sa bunga ng kaniyang baywang ay iluluklok niya ang isa sa kaniyang luklukan;

31 Palibhasa’y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na maguli ng Cristo, na siya’y hindi pinabayaan sa Hades, ni ang kaniya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan.

32 Ang Jesus na ito’y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito’y mga saksi kaming lahat.

33 Palibhasa nga’y pinarangal ng kanang kamay ng Dios, at tinanggap na sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ay ibinuhos niya ito, na inyong nakikita at naririnig.

34 Sapagka’t hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa’t siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko,

35 Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.

36 Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.

37 Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?

38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

39 Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

40 At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito.

41 Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa.

42 At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.

43 At ang takot ay dumating sa bawa’t kaluluwa: at ginawa ang maraming kababalaghan at tanda sa pamamagitan ng mga apostol.

44 At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan;

45 At ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at kayamanan, at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawa’t isa.

46 At araw-araw sila’y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso.

47 Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.

Mga Gawa 3

1 Si Pedro at si Juan nga ay nagsisipanhik sa templo nang oras ng pananalangin, na ikasiyam.

2 At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya’y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa nagsisipasok sa templo;

3 Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos.

4 At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami.

5 At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay.

6 Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, lumakad ka.

7 At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinindig: at pagdaka’y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong.

8 At paglukso, siya’y tumayo, at nagpasimulang lumakad; at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios.

9 At nakita ng buong bayang siya’y lumalakad, at nagpupuri sa Dios:

10 At nangakilala nila na siya nga ang nauupo at nagpapalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila’y nangapuspos ng panggigilalas at pamamangha sa nangyari sa kaniya.

11 At samantalang siya’y nakahawak kay Pedro at kay Juan, ay nagsitakbong samasama sa kanila ang buong bayan sa tinatawag na portiko ni Salomon na lubhang nanggigilalas.

12 At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo’y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya?

13 Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya’y pawalan.

14 Datapuwa’t inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito, at inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan ay pinalakas ng kaniyang pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: oo, ang pananampalataya na sa pamamagitan niya’y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.

17 At ngayon, mga kapatid, nalalaman ko na inyong ginawa yaon sa di pagkaalam, gaya ng ginawa rin naman ng inyong mga pinuno.

18 Datapuwa’t ginanap ang mga bagay na ipinagpaunang ibinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng mga propeta, na ang kaniyang Cristo ay magbabata.

19 Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon;

20 At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus:

21 Na siya’y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una.

22 Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo’y sasalitain niya.

23 At mangyayari, na ang bawa’t kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.

24 Oo at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod, sa dami ng mga nagsipagsalita, sila naman ay nagsipagsaysay rin tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipang ginawa ng Dios sa inyong mga magulang, na sinasabi kay Abraham, At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.

26 Sa inyo una-una, nang maitindig na ng Dios ang kaniyang Lingkod, ay sinugo niya upang kayo’y pagpalain, sa pagtalikod ng bawa’t isa sa inyo sa inyong mga katampalasanan.

Mga Gawa 4

1 At nang sila’y nangagsasalita pa sa bayan, ay nagsilapit sa kanila ang mga saserdote, at ang puno sa templo, at ang mga Saduceo,

2 Palibhasa’y totoong nangabagabag sapagka’t tinuruan nila ang bayan, at ibinalita sa pangalan ni Jesus ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

3 At sila’y kanilang sinunggaban at kanilang ibinilanggo hanggang sa kinabukasan: sapagka’t noon nga’y gabi na.

4 Datapuwa’t marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya; at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo.

5 At nangyari nang kinabukasan, na nangagkatipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga eskriba;

6 At si Anas, na dakilang saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at ang lahat ng kalipian ng dakilang saserdote.

7 At nang kanilang mailagay na sila sa gitna nila, ay sila’y tinanong, Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ginawa ninyo ito?

8 Nang magkagayo’y si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo, ay nagsabi sa kanila, Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda,

9 Kung kami sa araw na ito’y sinisiyasat tungkol sa mabuting gawa na ginawa sa isang taong may-sakit, na kung sa anong paraan gumaling ito;

10 Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.

11 Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.

12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.

13 Nang makita nga nila ang katapangan ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila’y mga taong walang pinagaralan at mga mangmang, ay nangagtaka sila; at nangapagkilala nila, na sila’y nangakasama ni Jesus.

14 At nang mangakita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila, ay wala silang maitutol.

15 Datapuwa’t nang sila’y mangautusan na nilang magsilabas sa pulong, ay nangagsangusapan,

16 Na nangagsasabi, Anong gagawin natin sa mga taong ito? sapagka’t tunay na ginawa sa pamamagitan nila ang himalang hayag sa lahat ng nangananahan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila.

17 Gayon ma’y upang huwag nang lalong kumalat sa bayan, atin silang balaan, na buhat ngayo’y huwag na silang mangagsalita pa sa sinomang tao sa pangalang ito.

18 At sila’y tinawag nila, at binalaan sila, na sa anomang paraan ay huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus.

19 Datapuwa’t si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan:

20 Sapagka’t hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig.

21 At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa’y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila’y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka’t niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa.

22 Sapagka’t may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.

23 At nang sila’y mangapakawalan na, ay nagsiparoon sa kanilang mga kasamahan, at iniulat ang lahat ng sa kanila’y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatanda.

24 At sila, nang kanilang marinig ito, ay nangagkaisang itaas nila ang kanilang tinig sa Dios, at nangagsabi, Oh Panginoon, ikaw na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nangasa mga yaon:

25 Na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, ay sinabi mo, Bakit nangagalit ang mga Gentil, At nagsipaghaka ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?

26 Nagsitayong handa ang mga hari sa lupa, At ang mga pinuno ay nangagpisanpisan, Laban sa Panginoon, at laban sa kaniyang Pinahiran.

27 Sapagka’t sa katotohanan sa bayang ito’y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan,

28 Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari.

29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga bala: at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na salitain ang iyong salita ng buong katapangan,

30 Samantalang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling; at upang mangyari nawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pangalan ng iyong banal na si Jesus.

31 At nang sila’y makapanalangin na, ay nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios.

32 At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma’y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.

33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat.

34 Sapagka’t walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa’y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili,

35 At ang mga ito’y inilagay sa mga paanan ng mga apostol: at ipinamamahagi sa bawa’t isa, ayon sa kinakailangan ng sinoman.

36 At si Jose, na pinamagatang Bernabe ng mga apostol (na kung liliwanagin ay Anak ng pangangaral), isang Levita, tubo sa Chipre,

37 Na may isang bukid, ay ipinagbili ito, at dinala ang salapi at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.

Mga Gawa 5

1 Datapuwa’t isang lalake na tinatawag na Ananias, na kasama ng kaniyang asawang si Safira, ay nagbili ng isang pag-aari,

2 At inilingid ang isang bahagi ng halaga, na nalalaman din ito ng kaniyang asawa, at dinala ang isang bahagi, at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.

3 Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa?

4 Nang yao’y nananatili pa, hindi baga yao’y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano’t inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios.

5 At nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito ay nahandusay at nalagot ang hininga: at sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nangakarinig nito.

6 At nagsitindig ang mga kabinataan at siya’y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.

7 At may tatlong oras ang nakaraan, nang ang kaniyang asawa, na di nalalaman ang nangyari, ay pumasok.

8 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayon ang lupa. At sinabi niya, Oo, sa gayon.

9 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Pedro, Bakit kayo’y nagkasundo upang tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? narito, nangasa pintuan ang mga paa ng mga nagsipaglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.

10 At pagdaka’y nahandusay sa paanan niya ang babae, at nalagot ang hininga: at nagsipasok ang mga kabinataan at nasumpungan siyang patay, at siya’y kanilang inilabas at inilibing siya sa siping ng kaniyang asawa.

11 At sinidlan ng malaking takot ang buong iglesia, at ang lahat ng nangakarinig ng mga bagay na ito.

12 At sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao: at nangaroon silang lahat na nangagkakaisa sa portiko ni Salomon.

13 Datapuwa’t sinoman sa mga iba ay hindi nangangahas na makisama sa kanila: bagaman sila’y pinapupurihan ng bayan;

14 At ang mga nagsisisampalataya ay lalo pang nangaparagdag sa Panginoon, ang mga karamihang lalake at babae:

15 Na ano pa’t dinala nila sa mga lansangan ang mga may-sakit, at inilagay sa mga higaan at mga hiligan, upang, pagdaan ni Pedro, ay maliliman man lamang ng anino niya ang sinoman sa kanila.

16 At nangagkatipon din naman ang karamihang mula sa mga bayang nangasa palibotlibot ng Jerusalem, na nangagdadala ng mga may-sakit, at ng mga pinahihirapan ng mga karumaldumal na espiritu: at sila’y pawang pinagaling.

17 Datapuwa’t nagtindig ang dakilang saserdote, at ang lahat ng kasama niya (na siyang sekta ng mga Saduceo), at sila’y nangapuspos ng kainggitan,

18 At kanilang sinunggaban ang mga apostol, at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.

19 Datapuwa’t nang gabi na ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, at sila’y inilabas, at sinabi,

20 Magsihayo kayo, at magsitayo kayo sa templo, at sabihin ninyo sa bayan ang lahat ng mga salita ng Buhay na ito.

21 At nang marinig nila ito, ay nagsipasok sila sa templo nang magbubukang liwayway, at nangagturo. Datapuwa’t dumating ang dakilang saserdote, at ang mga kasamahan niya, at pinulong ang sanedrin, at ang buong senado sa mga anak ni Israel, at nagpautos sa bilangguan upang sila’y dalhin doon.

22 Datapuwa’t ang mga punong kawal na nagsiparoon ay hindi sila nangasumpungan sa bilangguan; at sila’y nangagbalik, at nangagbigay alam,

23 Na sinasabi, Aming naratnang totoong mabuti ang pagkalapat ng bilangguan, at nangakatayo sa mga pintuan ang mga bantay: datapuwa’t ng aming mabuksan, wala kaming nasumpungang sinoman sa loob.

24 Nang marinig nga ang mga salitang ito ng puno sa templo, at ng mga pangulong saserdote, ay nangalitong totoo tungkol sa mga ito kung ano ang magiging wakas niyaon.

25 At may dumating na isa at nagsabi sa kanila, Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nangakatayo sa templo at nangagtuturo sa bayan.

26 Nang magkagayo’y naparoon ang pangulo na kasama ang mga punong kawal, at sila’y dinalang hindi sa pilitan: sapagka’t nangatatakot sa bayan, baka sila’y batuhin.

27 At nang kanilang mangadala sila, ay kanilang iniharap sa Sanedrin. At tinanong sila ng dakilang saserdote,

28 Na sinasabi: Ibinala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito: at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito.

29 Datapuwa’t nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.

30 Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy.

31 Siya’y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Principe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.

32 At kami’y mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Espiritu Santo, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa kaniya.

33 Datapuwa’t sila, nang kanilang marinig ito, ay nangasugatan sa puso, at nangagpasiyang sila’y patayin.

34 Datapuwa’t nagtindig sa Sanedrin ang isang Fariseo, na nagngangalang Gamaliel, doktor sa kautusan, na pinapupurihan ng buong bayan, at nagutos na ilabas na sandali ang mga tao.

35 At sinabi niya sa kanila, Kayong mga lalaking taga Israel, ay mangagingat kayo sa inyong sarili tungkol sa mga taong ito, kung ano ang inyong gagawin.

36 Sapagka’t bago pa ng mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya’y dakila; at sa kaniya’y nakisama ang may apat na raang tao ang bilang: na siya’y pinatay; at ang lahat ng sa kaniya’y nagsisunod, ay pawang nagsipangalat at nangawalang kabuluhan.

37 Pagkatapos ng taong ito ay lumitaw si Judas na taga Galilea nang mga araw ng pagpapasulat, at nakahila siya ng marami sa bayan: siya’y nalipol rin; at ang lahat ng sa kaniya’y nagsisunod ay pawang nagsipangalat.

38 At ngayo’y sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangakialam sa mga taong ito, at pabayaan ninyo sila: sapagka’t kung ang pasiyang ito, o ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak:

39 Datapuwa’t kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak; baka pa kayo’y mangasumpungan na nangakikihamok laban sa Dios.

40 At sila’y nagsisangayon sa kaniya: at pagkatawag nila sa mga apostol, ay pinalo nila at ibinala sa kanila na huwag silang mangagsalita sa pangalan ni Jesus, at sila’y pinawalan.

41 Sila nga’y nagsialis sa harapan ng Sanedrin, na nangatutuwang sila’y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Pangalan.

42 At sa araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Cristo.

Mga Gawa 6

1 Nang mga araw ngang ito, nang dumadami ang bilang ng mga alagad, ay nagkaroon ng bulongbulungan ang mga Greco-Judio laban sa mga Hebreo, sapagka’t ang kanilang mga babaing bao ay pinababayaan sa pamamahagi sa araw-araw.

2 At tinawag ng labingdalawa ang karamihang mga alagad, at sinabi, Hindi marapat na aming pabayaan ang salita ng Dios, at mangaglingkod sa mga dulang.

3 Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake na may mabuting katunayan, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito.

4 Datapuwa’t magsisipanatili kaming matibay sa pananalangin, at sa ministerio ng salita.

5 At minagaling ng buong karamihan ang pananalitang ito: at kanilang inihalal si Esteban, taong puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, at si Felipe, at si Procoro, at si Nicanor, at si Timon, at si Parmenas, at si Nicolas na taga Antioquia na naging Judio;

6 Na siyang iniharap nila sa mga apostol: at nang sila’y mangakapanalangin na, ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon.

7 At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.

8 At si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.

9 Datapuwa’t nagsitindig ang ilan sa nangasa sinagoga, na tinatawag na sinagoga ng mga Libertino, at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga Cilicia, at taga Asia, na nangakipagtalo kay Esteban.

10 At hindi sila makalaban sa karunungan at sa Espiritu na kaniyang ipinangungusap.

11 Nang magkagayo’y nagsisuhol sila sa mga lalake, na nangagsabi, Narinig naming siya’y nagsalita ng mga salitang kapusungan laban kay Moises at sa Dios.

12 At kanilang ginulo ang bayan, at ang mga matanda, at ang mga eskriba, at kanilang dinaluhong, at sinunggaban si Esteban, at dinala siya sa Sanedrin,

13 At nangagharap ng mga saksing sinungaling, na nangagsabi, Ang taong ito’y hindi naglilikat ng pagsasalita ng mga salitang laban dito sa dakong banal, at sa kautusan:

14 Sapagka’t narinig naming kaniyang sinabi, na itong si Jesus na taga Nazaret ay iwawasak ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises.

15 At ang lahat ng nangakaupo sa Sanedrin, na nagsisititig sa kaniya, ay kanilang nakita ang kaniyang mukha na katulad ng mukha ng isang anghel.

Mga Gawa 7

1 At sinabi ng dakilang saserdote, Tunay baga ang mga bagay na ito?

2 At sinabi niya, Mga kapatid na lalake at mga magulang, mangakinig kayo: Ang Dios ng kaluwalhatia’y napakita sa ating amang si Abraham, nang siya’y nasa Mesapotamia, bago siya tumahan sa Haran,

3 At sinabi sa kaniya, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong kamaganakan, at pumaroon ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.

4 Nang magkagayo’y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo, at tumahan sa Haran: at buhat doon, pagkamatay ng kaniyang ama, ay inilipat siya ng Dios sa lupaing ito, na inyong tinatahanan ngayon:

5 At hindi siya pinamanahan ng anoman doon, kahit mayapakan ng kaniyang paa: at siya’y nangakong yao’y ibibigay na pinakaari sa kaniya, at sa kaniyang binhi pagkatapos niya, nang wala pa siyang anak.

6 At ganito ang sinalita ng Dios, na ang kaniyang binhi ay makikipamayan sa ibang lupain, at kanilang dadalhin sila sa pagkaalipin, at sila’y pahihirapang apat na raang taon.

7 At ang bansang sa kanila’y aalipin ay aking hahatulan, sabi ng Dios: at pagkatapos nito’y magsisialis sila, at paglilingkuran nila ako sa dakong ito.

8 At ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli: at sa ganito’y naging anak ni Abraham si Isaac, at ito’y tinuli nang ikawalong araw; at naging anak ni Isaac si Jacob, at naging mga anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.

9 At ang mga patriarka sa udyok ng kainggitan kay Jose, ay ipinagbili siya, upang dalhin sa Egipto; at ang Dios ay sumasa kaniya,

10 At siya’y iniligtas sa lahat ng kaniyang kapighatian, at siya’y binigyan ng ikalulugod at karunungan sa harapan ni Faraon na hari sa Egipto; at siya’y ginawang gobernador sa Egipto at sa buong bahay niya.

11 Dumating nga ang kagutom sa buong Egipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kapighatian: at walang nasumpungang pagkain ang ating mga magulang.

12 Datapuwa’t nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, ay sinugo niyang una ang ating mga magulang.

13 At sa ikalawa’y napakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid; at nahayag kay Faraon ang lahi ni Jose.

14 At nagsugo si Jose, at pinaparoon sa kaniya si Jacob, na kaniyang ama, at ang lahat niyang kamaganakan, na pitongpu’t limang tao.

15 At lumusong si Jacob sa Egipto; at namatay siya, at ang ating mga magulang.

16 At sila’y inilipat sa Siquem, at inilagay sila sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor sa Siquem, sa halaga ng pilak.

17 Datapuwa’t nang nalalapit na ang panahon ng pangako, na ginawa ng Dios kay Abraham, ang bayan ay kumapal at dumami sa Egipto,

18 Hanggang sa lumitaw ang ibang hari sa Egipto na hindi nakakikilala kay Jose.

19 Ito rin ay gumamit ng lalang sa ating lahi, at pinahirapan ang ating mga magulang, na ipinatapon ang kani-kanilang mga sanggol upang huwag mangabuhay.

20 Nang panahong yaon, ay ipinanganak si Moises, at siya’y totoong maganda; at siya’y inalagaang tatlong buwan sa bahay ng kaniyang ama:

21 At nang siya’y matapon, ay pinulot siya ng anak na babae ni Faraon, at siya’y inalagaang gaya ng sariling anak niya.

22 At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.

23 Datapuwa’t nang siya’y magaapat na pung taong gulang na, ay tumugtog sa kaniyang puso na dalawin ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Israel.

24 At nang makita niya ang isa sa kanila na inaalipusta, ay kaniyang ipinagsanggalang siya, at ipinaghiganti ang pinipighati, at pinatay ang Egipcio:

25 At ang isip niya’y napagunawa ng kaniyang mga kapatid na ibinigay ng Dios sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamay niya: datapuwa’t hindi nila napagunawa.

26 At nang kinabukasan ay napakita siya sa kanila samantalang sila’y nagaaway, at sila’y ibig sana niyang payapain, na sinasabi, mga Ginoo, kayo’y magkapatid; bakit kayo’y nagaalipustaan?

27 Datapuwa’t itinulak siya ng umalipusta sa kaniyang kapuwa tao, na sinasabi, Sino ang naglagay sa iyo na puno at hukom sa amin?

28 Ibig mo bagang ako’y patayin mo, na gaya ng pagkapatay mo kahapon sa Egipcio?

29 At sa salitang ito’y tumakas si Moises, at nakipamayan sa lupain ng Midian, na doo’y nagkaanak siya ng dalawang lalake.

30 At nang maganap ang apat na pung taon, ay napakita sa kaniya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punong kahoy.

31 At nang makita ito ni Moises, ay nanggilalas sa tanawin; at nang siya’y lumapit upang pagmasdan, ay dumating ang isang tinig ng Panginoon,

32 Ako ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob. At si Moises ay nanginig at hindi nangahas tumingin.

33 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Alisin mo ang mga pangyapak sa iyong mga paa: sapagka’t ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.

34 Totoong nakita ko ang kapighatian ng aking bayang nasa Egipto, at narinig ko ang kanilang hibik, at ako’y bumaba upang sila’y iligtas: at ngayo’y halika, susuguin kita sa Egipto.

35 Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, Sino ang sa iyo’y naglagay na puno at hukom? ay siyang sinugo ng Dios na maging puno at tagapagligtas sa pamamagitan ng kamay ng anghel na sa kaniya’y napakita sa mababang punong kahoy.

36 Pinatnugutan sila ng taong ito, pagkagawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Egipto, at sa dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apat na pung taon.

37 Ito’y yaong Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, Palilitawin ng Dios sa inyo ang isang propeta na gaya ko, mula sa inyong mga kapatid.

38 Ito’y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin:

39 Sa kaniya’y ayaw magsitalima ang ating mga magulang, kundi siya’y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso’y nangagbalik sa Egipto,

40 Na sinasabi kay Aaron, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka’t tungkol dito kay Moises, na naglabas sa amin sa lupain ng Egipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya.

41 At nagsigawa sila nang mga araw na yaon ng isang guyang baka, at nagsipaghandog ng hain sa diosdiosang yaon, at nangatuwa sa mga gawa ng kanilang mga kamay.

42 Datapuwa’t tumalikod ang Dios, at sila’y pinabayaang magsisamba sa hukbo ng langit; gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta, Hinandugan baga ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga hain Na apat na pung taon sa ilang, Oh angkan ni Israel?

43 At dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc, At ang bituin ng dios Refan, Ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin: At dadalhin ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.

44 Sumaating mga magulang sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kaniyang gawin yaon alinsunod sa anyong kaniyang nakita.

45 Na yao’y ipinasok din ng ating mga magulang sa kapanahunang ukol, na kasama ni Josue nang sila’y magsipasok sa inaari ng mga bansa, na pinalayas ng Dios sa harapan ng ating magulang, hanggang sa mga araw ni David;

46 Na nakasumpong ng biyaya sa paningin ng Dios, at huminging makasumpong ng isang tahanang ukol sa Dios ni Jacob.

47 Datapuwa’t iginawa siya ni Salomon ng isang bahay.

48 Bagama’t ang Kataastaasa’y hindi tumatahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,

49 Ang langit ay ang aking luklukan, At ang lupa ang tungtungan ng aking mga paa: Anong anyo ng bahay ang itatayo ninyo sa akin? sabi ng Panginoon: O anong dako ang aking pahingahan?

50 Hindi baga ginawa ng aking kamay ang lahat ng mga bagay na ito?

51 Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso’t mga tainga, kayo’y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.

52 Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya’y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao;

53 Kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap.

54 Nang marinig nga nila ang mga bagay na ito, ay nangasugatan sila sa puso, at siya’y pinagngalitan nila ng kanilang mga ngipin.

55 Datapuwa’t siya, palibhasa’y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios,

56 At nagsabi, Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Dios.

57 Datapuwa’t sila’y nagsigawan ng malakas na tinig, at nangagtakip ng kanilang mga tainga, at nangagkaisang siya’y dinaluhong;

58 At siya’y kanilang itinapon sa labas ng bayan, at binato: at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa mga paanan ng isang binata na nagngangalang Saulo.

59 At kanilang pinagbatuhanan si Esteban, na tumatawag sa Panginoon at nagsasabi, Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.

60 At siya’y nanikluhod, at sumigaw ng malakas na tinig, Panginoon, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito. At pagkasabi niya nito, ay nakatulog siya.