Juan 10

1 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw.

2 Datapuwa’t ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa.

3 Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila’y inihahatid sa labas.

4 Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka’t nakikilala nila ang kaniyang tinig.

5 At sa iba’y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka’t hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.

6 Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa’t hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila’y sinasalita.

7 Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.

8 Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa’t hindi sila dininig ng mga tupa.

9 Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.

10 Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.

11 Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.

12 Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat:

13 Siya’y tumatakas sapagka’t siya’y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.

14 Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako,

15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.

16 At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

17 Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.

18 Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama.

19 At muling nagkaroon ng isang pagbabahabahagi sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito.

20 At sinasabi ng marami sa kanila, Mayroon siyang demonio, at siya’y nauulol; bakit ninyo siya pinakikinggan?

21 Sinasabi ng mga iba, Hindi sa inaalihan ng demonio ang mga sabing ito. Maaari bagang ang demonio ay makapagpadilat ng mga mata ng bulag?

22 At niyao’y kapistahan ng pagtatalaga sa Jerusalem:

23 Noo’y tagginaw; at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Salomon.

24 Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya’y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin.

25 Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin.

26 Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.

27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin:

28 At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

29 Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.

30 Ako at ang Ama ay iisa.

31 Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya’y batuhin.

32 Sinagot sila ni Jesus, Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?

33 Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka’t ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios.

34 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo’y mga dios?

35 Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan),

36 Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka’t sinasabi ko, Ako ang anak ng Dios?

37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan.

38 Datapuwa’t kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako’y nasa Ama.

39 Muling pinagsikapan nilang siya’y hulihin: at siya’y tumakas sa kanilang mga kamay.

40 At siya’y muling naparoon sa dako pa roon ng Jordan sa dako nang una’y pinagbautismuhan ni Juan; at siya’y tumira doon.

41 At marami ang mga nagsiparoon sa kaniya; at kanilang sinabi, Katotohanang si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni’t lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.

42 At marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya roon.

Juan 11

1 Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga Betania, na nayon ni Maria at ni Marta na kaniyang kapatid.

2 At ito’y yaong si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit.

3 Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit.

4 Nguni’t pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito’y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.

5 Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro.

6 Nang mabalitaan nga niya na siya’y may-sakit, siya’y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya.

7 Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea.

8 Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo’y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?

9 Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao’y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka’t nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.

10 Nguni’t ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka’t walang ilaw sa kaniya.

11 Ang mga bagay na ito’y sinalita niya: at pagkatapos nito’y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni’t ako’y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.

12 Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya’y natutulog, ay siya’y gagaling.

13 Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa’t sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.

14 Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.

15 At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako’y wala roon, upang kayo’y magsipaniwala; gayon ma’y tayo na sa kaniya.

16 Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo’y magsiparoon din naman, upang tayo’y mangamatay na kasama niya.

17 Kaya’t nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya’y nalilibing.

18 Ang Betania nga’y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio;

19 At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila’y aliwin tungkol sa kanilang kapatid.

20 Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni’t si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay.

21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana’y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay.

22 At ngayon man nama’y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios.

23 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid.

24 Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya’y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw.

25 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya;

26 At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?

27 Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.

28 At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka.

29 At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya.

30 (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.)

31 Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya’y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo’y tumangis.

32 Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana’y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid.

33 Nang makita nga ni Jesus na siya’y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan,

34 At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo.

35 Tumangis si Jesus.

36 Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya!

37 Datapuwa’t ang ilan sa kanila’y nagsipagsabi, Hindi baga magagawa ng taong ito, na nagpadilat ng mga mata ng bulag, na ang taong ito naman ay huwag mamatay?

38 Si Jesus nga sa muling pagkalagim sa kaniyang sarili ay naparoon sa libingan. Yaon nga’y isang yungib, at mayroong isang batong nakatakip sa ibabaw noon.

39 Sinabi ni Jesus, Alisin ninyo ang bato. Si Marta, na kapatid niyaong namatay, ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka’t may apat na araw nang siya’y namamatay.

40 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios?

41 Kaya’t inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, na ako’y iyong dininig.

42 At nalalaman ko na ako’y lagi mong dinirinig: nguni’t ito’y sinabi ko dahil sa karamihang nasa palibot, upang sila’y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.

43 At nang masabi niya ang gayon, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka.

44 Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing; at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya’y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.

45 Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya.

46 Datapuwa’t ang ilan sa kanila ay nagsiparoon sa mga Fariseo, at sinaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.

47 Ang mga pangulong saserdote nga at ang mga Fariseo ay nangagpulong, at nagsipagsabi, Ano ang ginagawa natin? sapagka’t ang taong ito’y gumagawa ng maraming tanda.

48 Kung siya’y ating pabayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya: at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating kinaroroonan at gayon din naman ang ating bansa.

49 Nguni’t ang isa sa kanila na si Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon, ay nagsabi sa kanila, Kayo’y walang nalalamang anoman.

50 Ni inyong niwawari na sa inyo’y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak.

51 Ito nga’y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa;

52 At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat.

53 Kaya’t mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya.

54 Si Jesus ay hindi na naglalakad ng hayag sa gitna ng mga Judio, kundi naparoon doon sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim; at siya’y nanahanan doong kasama ng mga alagad.

55 Ang paskua nga ng mga Judio ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, upang magsipaglinis.

56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa’t isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista?

57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao’y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.

Juan 12

1 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.

2 Kaya’t iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa’t si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya.

3 Si Maria nga’y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.

4 Datapuwa’t si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya’y magkakanulo, ay nagsabi,

5 Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha?

6 Ito’y sinabi nga niya, hindi sapagka’t ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka’t siya’y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.

7 Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.

8 Sapagka’t ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni’t ako’y hindi laging nasa inyo.

9 Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya’y naroroon: at sila’y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay.

10 Datapuwa’t nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro;

11 Sapagka’t dahil sa kaniya’y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus.

12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,

13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga’y ang Hari ng Israel.

14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,

15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.

16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni’t nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.

17 Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya’y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.

18 Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka’t nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.

19 Ang mga Fariseo nga’y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo’y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.

20 Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba:

21 Ang mga ito nga’y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.

22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.

23 At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.

24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni’t kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.

25 Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.

26 Kung ang sinomang tao’y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao’y maglingkod sa akin, ay siya’y pararangalan ng Ama.

27 Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni’t dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.

28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.

29 Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.

30 Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito’y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.

31 Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.

32 At ako, kung ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.

33 Datapuwa’t ito’y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.

34 Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?

35 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo’y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.

36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo’y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito’y sinalita ni Jesus, at siya’y umalis at nagtago sa kanila.

37 Nguni’t bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma’y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya:

38 Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

39 Dahil dito’y hindi sila makapaniwala, sapagka’t muling sinabi ni Isaias,

40 Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila’y mapagaling ko.

41 Ang mga bagay na ito’y sinabi ni Isaias, sapagka’t nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya’y nagsalita ng tungkol sa kaniya.

42 Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa’t dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila’y mapalayas sa sinagoga:

43 Sapagka’t iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.

44 At si Jesus ay sumigaw at nagsabi, Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.

45 At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.

46 Ako’y naparito na isang ilaw sa sanglibutan, upang ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.

47 At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan.

48 Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw.

49 Sapagka’t ako’y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.

50 At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.

Juan 13

1 Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.

2 At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya.

3 Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya’y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon,

4 Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya’y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili.

5 Nang magkagayo’y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya’y nakabigkis.

6 Sa gayo’y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon, huhugasan mo baga ang aking mga paa?

7 Sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Ang ginagawa ko’y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa’t mauunawa mo pagkatapos.

8 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man. Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.

9 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.

10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka’t malinis nang lubos: at kayo’y malilinis na, nguni’t hindi ang lahat.

11 Sapagka’t nalalaman niya ang sa kaniya’y magkakanulo; kaya’t sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis.

12 Kaya’t nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka’t ako nga.

14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.

15 Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya.

17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.

18 Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni’t upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.

19 Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari, kayo’y magsisampalataya na ako nga.

20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

21 Nang masabing gayon ni Jesus, siya’y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.

22 Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita.

23 Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus.

24 Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya.

25 Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon?

26 Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya’t nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.

27 At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya. Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali.

28 Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito.

29 Sapagka’t iniisip ng ilan, na sapagka’t si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha.

30 Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo’y gabi na.

31 Nang siya nga’y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya:

32 At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka’y luluwalhatiin siya niya.

33 Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako’y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.

34 Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.

35 Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.

36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni’t pagkatapos ay makasusunod ka.

37 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo.

38 Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga’y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.

Juan 14

1 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin.

2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.

3 At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.

4 At kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan.

5 Sinabi sa kaniya ni Tomas, Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon; paano ngang malalaman namin ang daan?

6 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

7 Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita.

8 Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.

9 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?

10 Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11 Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.

12 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

13 At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak.

14 Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.

15 Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

16 At ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man,

17 Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo.

19 Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni’t inyong makikita ako: sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.

20 Sa araw na yao’y makikilala ninyong ako’y nasa aking Ama, at kayo’y nasa akin, at ako’y nasa inyo.

21 Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya.

22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, ano’t mangyayari na sa amin ka magpapakahayag, at hindi sa sanglibutan?

23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya’y iibigin ng aking Ama, at kami’y pasasa kaniya, at siya’y gagawin naming aming tahanan.

24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 Ang mga bagay na ito’y sinalita ko sa inyo, samantalang ako’y tumatahang kasama pa ninyo.

26 Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.

27 Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.

28 Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y mangagagalak, dahil sa ako’y pasasa Ama: sapagka’t ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.

29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito’y mangyari, ay magsisampalataya kayo.

30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagka’t dumarating ang prinsipe ng sanglibutan: at siya’y walang anoman sa akin;

31 Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa kautusang ibinigay sa akin ng Ama, ay gayon din ang aking ginagawa. Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.

Juan 15

1 Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka.

2 Ang bawa’t sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa’t sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga.

3 Kayo’y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo’y aking sinalita.

4 Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.

5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

6 Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.

7 Kung kayo’y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.

8 Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad.

9 Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig.

10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig.

11 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.

12 Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.

13 Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.

14 Kayo’y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.

15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka’t hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon: nguni’t tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo.

16 Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo.

17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo’y mangagibigan sa isa’t isa.

18 Kung kayo’y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo.

19 Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.

20 Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo’y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.

21 Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagka’t hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.

22 Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa’t ngayo’y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan.

23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama.

24 Kung ako sana’y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinomang iba, ay hindi sana sila nangagkaroon ng kasalanan: datapuwa’t ngayon ay kanilang nangakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.

25 Nguni’t nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako’y kinapootan nila na walang kadahilanan.

26 Datapuwa’t pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin:

27 At kayo naman ay magpapatotoo, sapagka’t kayo’y nangakasama ko buhat pa nang una.

Juan 16

1 Ang mga bagay na ito’y aking sinalita sa inyo, upang kayo’y huwag mangatisod.

2 Kayo’y palalayasin nila sa mga sinagoga: oo, dumarating ang oras, na ang sinomang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios.

3 At ang mga bagay na ito’y gagawin nila, sapagka’t hindi nila nakikilala ang Ama, ni ako man.

4 Datapuwa’t ang mga bagay na ito’y sinalita ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi ko sa inyo. At ang mga bagay na ito’y hindi ko sinabi sa inyo buhat pa nang una, sapagka’t ako’y sumasa inyo.

5 Datapuwa’t ngayong ako’y paroroon sa nagsugo sa akin; at sinoman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, Saan ka paroroon?

6 Nguni’t sapagka’t sinalita ko ang mga bagay na ito sa inyo, ay napuno ng kalumbayan ang inyong puso.

7 Gayon ma’y sinasalita ko sa inyo ang katotohanan: Nararapat sa inyo na ako’y yumaon; sapagka’t kung hindi ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni’t kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.

8 At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol:

9 Tungkol sa kasalanan, sapagka’t hindi sila nagsisampalataya sa akin;

10 Tungkol sa katuwiran, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita;

11 Tungkol sa paghatol, sapagka’t ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na.

12 Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis.

13 Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.

14 Luluwalhatiin niya ako: sapagka’t kukuha siya sa nasa akin, at sa inyo’y ipahahayag.

15 Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin: kaya sinabi ko, na siya’y kukuha sa nasa akin, at sa inyo’y ipahahayag.

16 Sangdali na lamang, at ako’y hindi na ninyo makikita; at muling sandali pa, at ako’y inyong makikita.

17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako’y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako’y inyong makikita: at, Sapagka’t ako’y paroroon sa Ama?

18 Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya.

19 Natalastas ni Jesus na sa kaniya’y ibig nilang itanong, at sa kanila’y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako’y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako’y inyong makikita?

20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo’y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa’t ang sanglibutan ay magagalak: kayo’y mangalulumbay, datapuwa’t ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.

21 Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka’t dumating ang kaniyang oras: nguni’t pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan.

22 At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni’t muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.

23 At sa araw na yaon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anomang tanong. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo’y hihingi ng anoman sa Ama, ay ibibigay niya sa inyo sa aking pangalan.

24 Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihinging anoman sa pangalan ko: kayo’y magsihingi, at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.

25 Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito sa malalabong pananalita: darating ang oras, na hindi ko na kayo pagsasalitaan sa malalabong pananalita, kundi maliwanag na sa inyo’y sasaysayin ko ang tungkol sa Ama.

26 Sa araw na yao’y magsisihingi kayo sa aking pangalan: at sa inyo’y hindi ko sinasabi, na kayo’y idadalangin ko sa Ama;

27 Sapagka’t ang Ama rin ang umiibig sa inyo, sapagka’t ako’y inyong inibig, at kayo’y nagsisampalataya na ako’y nagbuhat sa Ama.

28 Nagbuhat ako sa Ama, at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at ako’y paroroon sa Ama.

29 Sinasabi ng kaniyang mga alagad, Narito, ngayo’y nagsasalita kang malinaw, at wala kang sinasalitang anomang malabong pananalita.

30 Ngayon ay nakikilala namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi nangangailangan na tanungin ka ng sinoman: dahil dito’y nagsisisampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Dios.

31 Sinagot sila ni Jesus, Ngayon baga’y nagsisisampalataya kayo?

32 Narito, ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo’y mangangalat, ang bawa’t tao sa kanikaniyang sarili, at ako’y iiwan ninyong magisa: at gayon ma’y hindi ako nagiisa, sapagka’t ang Ama ay sumasa akin.

33 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.

Juan 17

1 Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:

2 Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.

3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.

4 Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.

5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.

6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita.

7 Ngayon ay nangakilala nila na ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo ay mula sa iyo:

8 Sapagka’t ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.

9 Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka’t sila’y iyo:

10 At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: at ako’y lumuluwalhati sa kanila.

11 At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako’y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin.

12 Samantalang ako’y sumasa kanila, ay iningatan ko sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin: at sila’y binantayan ko, at isa man sa kanila’y walang napahamak, kundi ang anak ng kapahamakan; upang matupad ang kasulatan.

13 Nguni’t ngayon ay napaririyan ako sa iyo; at sinasalita ko ang mga bagay na ito sa sanglibutan, upang sila’y mangagtamo ng aking kagalakang ganap sa kanila rin.

14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka’t hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

15 Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

16 Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

17 Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan.

18 Kung paanong ako’y iyong sinugo sa sanglibutan, sila’y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.

19 At dahil sa kanila’y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan.

20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

21 Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo.

22 At ang kaluwalhatiang sa aki’y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa;

23 Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila’y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.

24 Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka’t ako’y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

25 Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni’t nakikilala kita; at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin;

26 At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila.

Juan 18

1 Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, siya’y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo’y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad.

2 Si Judas nga rin naman, na sa kaniya’y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka’t madalas na si Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon.

3 Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.

4 Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila’y sinabi, Sino ang inyong hinahanap?

5 Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya’y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila.

6 Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa.

7 Muli ngang sila’y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret.

8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.

9 Upang matupad ang salitang sinalita niya, Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa.

10 Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.

11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?

12 Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya’y ginapos.

13 At siya’y dinala muna kay Anas; sapagka’t siya’y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.

14 Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao’y mamatay dahil sa bayan.

15 At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;

16 Nguni’t si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya’t ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.

17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako’y hindi.

18 Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka’t maginaw; at sila’y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.

19 Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo.

20 Sinagot siya ni Jesus, Ako’y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako’y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.

21 Bakit ako’y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.

22 At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote?

23 Sinagot siya ni Jesus, Kung ako’y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa’t kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?

24 Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote.

25 Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya’y kumaila, at sinabi, Ako’y hindi.

26 Ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na kamaganak niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga, ay nagsabi, Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama niya sa halamanan?

27 Muli ngang kumaila si Pedro: at pagdaka’y tumilaok ang manok.

28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao’y maaga pa; at sila’y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, upang sila’y mangyaring makakain ng kordero ng paskua.

29 Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito?

30 Sila’y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito’y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.

31 Sa kanila nga’y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya’y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio’y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao:

32 Upang matupad ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.

33 Si Pilato nga’y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya’y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?

34 Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?

35 Si Pilato ay sumagot, Ako baga’y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo’y nagdala sa akin: anong ginawa mo?

36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako’y huwag maibigay sa mga Judio: nguni’t ngayo’y ang aking kaharian ay hindi rito.

37 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.

38 Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan? At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila’y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

39 Nguni’t kayo’y may ugali, na pawalan sa inyo ang isa sa paskua: ibig nga baga ninyong sa inyo’y pawalan ko ang Hari ng mga Judio?

40 Sila nga’y nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang taong ito, kundi si Barrabas. Si Barrabas nga’y isang tulisan.

Juan 19

1 Nang magkagayon nga’y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya’y hinampas.

2 At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya’y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube;

3 At sila’y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya’y kanilang pinagsuntukanan.

4 At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila’y sinabi, Narito, siya’y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

5 Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila’y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao!

6 Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila’y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka’t ako’y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.

7 Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, Kami’y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka’t siya’y nagpapanggap na Anak ng Dios.

8 Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, ay lalong sinidlan siya ng takot;

9 At siya’y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni’t hindi siya sinagot ni Jesus.

10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako’y may kapangyarihang sa iyo’y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo’y magpako sa krus?

11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito’y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya’t ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.

12 Dahil dito’y pinagsisikapan ni Pilato na siya’y pawalan: nguni’t ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: ang bawa’t isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.

13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, ay inilabas niya si Jesus, at siya’y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa’t sa Hebreo ay Gabbatha.

14 Noon nga’y Paghahanda ng paskua: at noo’y magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari!

15 Sila nga’y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar.

16 Nang magkagayon nga’y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus.

17 Kinuha nga nila si Jesus: at siya’y lumabas, na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota:

18 Na doo’y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa’t tagiliran, at si Jesus sa gitna.

19 At sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.

20 Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka’t ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito’y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego.

21 Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio.

22 Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko.

23 Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa’t kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran.

25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa’t nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak!

27 Nang magkagayo’y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.

29 Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya’t naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig.

30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

31 Ang mga Judio nga, sapagka’t noo’y Paghahanda, upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka’t dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila’y mangaalis doon.

32 Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya:

33 Nguni’t nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya’y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita:

34 Gayon ma’y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka’y lumabas ang dugo at tubig.

35 At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya’y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya.

36 Sapagka’t ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto niya’y hindi mababali.

37 At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan.

38 At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jose na taga Arimatea, palibhasa’y alagad ni Jesus, bagama’t lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay.

39 At naparoon naman si Nicodemo, yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong mirra at mga aloe, na may mga isang daang libra.

40 Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

41 Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana’y may isang bagong libingan na kailan ma’y hindi pa napaglalagyan ng sinoman.

42 Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka’t malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.