Juan 20

1 Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakita ang bato na naalis na sa libingan.

2 Tumakbo nga siya, at naparoon kay Simon Pedro, at sa isang alagad na iniibig ni Jesus, at sa kanila’y sinabi, Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.

3 Umalis nga si Pedro, at ang isang alagad, at nagsitungo sa libingan.

4 At sila’y kapuwa tumakbong magkasama: at ang isang alagad ay tumakbong matulin kay sa kay Pedro, at dumating na una sa libingan;

5 At nang kaniyang tunghan at tingnan ang loob, ay nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino; gayon ma’y hindi siya pumasok sa loob.

6 Dumating naman nga si Simon Pedro, na sumusunod sa kaniya, at pumasok sa libingan; at nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino,

7 At ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay hindi kasamang nakalatag ng mga kayong lino, kundi bukod na natitiklop sa isang tabi.

8 Nang magkagayo’y pumasok din naman nga ang isang alagad, na unang dumating sa libingan, at siya’y nakakita at sumampalataya.

9 Sapagka’t hindi pa nila napaguunawa ang kasulatan, na kinakailangang siya’y muling magbangon sa mga patay.

10 Kaya’t ang mga alagad ay muling nagsitungo sa kanikanilang sariling tahanan.

11 Nguni’t si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak: sa gayon, samantalang siya’y umiiyak, siya’y yumuko at tumingin sa loob ng libingan;

12 At nakita niya ang dalawang anghel na nararamtan na nangakaupo, ang isa’y sa ulunan, at ang isa’y sa paanan, ng kinalalagyan ng bangkay ni Jesus.

13 At sinabi nila sa kaniya, Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka’t kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.

14 Pagkasabi niya ng gayon, siya’y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.

15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.

16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.

17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni’t pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.

18 Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, Nakita ko ang Panginoon; at kung paanong sinabi niya sa kaniya ang mga bagay na ito.

19 Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila’y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

20 At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga’y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon.

21 Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.

22 At nang masabi niya ito, sila’y hiningahan niya, at sa kanila’y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo:

23 Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.

24 Nguni’t si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si Jesus.

25 Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni’t sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.

26 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

27 Nang magkagayo’y sinabi niya kay Tomas, idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.

28 Sumagot si Tomas, at sa kaniya’y sinabi, Panginoon ko at Dios ko.

29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.

30 Gumawa rin nga si Jesus ng iba’t ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:

31 Nguni’t ang mga ito ay nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.

Juan 21

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya’y napakita sa ganitong paraan.

2 Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad.

3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, Kami man ay magsisisama sa iyo. Sila’y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman.

4 Nguni’t nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma’y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus.

5 Sa kanila nga’y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala.

6 At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.

7 Yaong alagad nga na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, Ang Panginoon nga. Kaya’t pagkarinig nga ni Simon Pedro na yao’y ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kaniyang tunika (sapagka’t siya’y hubo’t hubad), at tumalon sa dagat.

8 Datapuwa’t ang ibang mga alagad ay nagsilapit sa maliit na daong (sapagka’t sila’y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi may mga dalawangdaang siko), na hinihila ang lambat na puno ng mga isda.

9 Kaya’t nang sila’y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila doon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.

10 Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayon.

11 Umahon nga si Simon Pedro, at hinila ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, na isang daan at limangpu at tatlo, at sa ganoong karami ay hindi napunit ang lambat.

12 Sinabi sa kanila ni Jesus, Magsiparito kayo at mangagpawing gutom. At sinoman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya’y tanungin, Sino ka? sa pagkaalam na yaon ang Panginoon.

13 Lumapit si Jesus, at dinampot ang tinapay, at sa kanila’y ibinigay, at gayon din ang isda.

14 Ito’y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya’y magbangon sa mga patay.

15 Kaya’t nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero.

16 Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa.

17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka’t sa kaniya’y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni’t pagtanda mo’y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.

19 Ito nga’y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

20 Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo’y magkakanulo?

21 Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito?

22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya’y manatili hanggang sa ako’y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.

23 Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma’y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya’y manatili hanggang sa ako’y pumarito, ay ano nga sa iyo?

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat ng mga bagay na ito; at nalalaman namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

25 At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.

Lucas 1

1 Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,

2 Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita,

3 Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo;

4 Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.

5 Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala’y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala’y Elisabet.

6 At sila’y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.

7 At wala silang anak, sapagka’t baog si Elisabet, at sila’y kapuwa may pataw ng maraming taon.

8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,

9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan.

10 At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan.

11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan.

12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot.

13 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka’t dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.

14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.

15 Sapagka’t siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya’y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya’y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.

17 At siya’y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.

18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka’t ako’y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.

19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako’y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako’y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.

20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka’t hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.

21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.

22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya’y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya’y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.

23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya’y umuwi sa kaniyang bahay.

24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya’y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,

25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako’y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.

26 Nang ikaanim na buwan nga’y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala’y Nazaret,

27 Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala’y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.

28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.

29 Datapuwa’t siya’y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.

30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka’t nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

31 At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.

32 Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:

33 At siya’y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.

34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako’y hindi nakakakilala ng lalake?

35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.

36 At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati’y tinatawag na baog.

37 Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.

38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.

39 At nang mga araw na ito’y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;

40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.

41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;

42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.

43 At ano’t nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin?

44 Sapagka’t ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.

45 At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka’t matutupad ang mga bagay na sa kaniya’y sinabi ng Panginoon.

46 At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,

47 At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.

48 Sapagka’t nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka’t, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.

49 Sapagka’t ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.

50 At ang kaniyang awa ay sa mga lahi’t lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.

51 Siya’y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.

52 Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.

53 Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.

54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa

55 (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.

56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.

57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya’y nanganak ng isang lalake.

58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila’y nangakigalak sa kaniya.

59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya’y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.

60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya’y Juan.

61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.

62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.

63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.

64 At pagdaka’y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila’y nakalag, at siya’y nagsalita, na pinupuri ang Dios.

65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.

66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka’t ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.

67 At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,

68 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka’t kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,

69 At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin

70 (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),

71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;

72 Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;

73 Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,

74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,

75 Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.

76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka’t magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;

77 Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,

78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,

79 Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.

80 At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.

Lucas 2

1 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.

2 Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila’y mangatala, bawa’t isa sa kaniyang sariling bayan.

4 At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi’y Bet-lehem, sapagka’t siya’y sa angkan at sa lahi ni David;

5 Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.

6 At nangyari, samantalang sila’y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.

9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.

10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:

11 Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

12 At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.

13 At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:

14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.

15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay alam sa atin ng Panginoon.

16 At sila’y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.

17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.

18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.

19 Datapuwa’t iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.

20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.

21 At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.

22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon

23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa’t lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),

24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.

25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito’y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.

26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 At siya’y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya’y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,

28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,

29 Ngayo’y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,

30 Sapagka’t nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,

31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;

32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.

33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;

34 At sila’y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang:

35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.

36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya’y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,

37 At siya’y bao nang walongpu’t apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.

38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya’y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem.

39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.

40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.

41 At nagsisiparoon taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng paskua.

42 At nang siya’y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;

43 At nang kanilang maganap na ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;

44 Nguni’t sa pagaakala nilang siya’y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;

45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.

46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila’y pinakikinggan, at sila’y tinatanong:

47 At ang lahat ng sa kaniya’y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.

48 At nang siya’y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.

49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.

50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila’y sinabi.

51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila: at iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.

52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.

Lucas 3

1 Nang ikalabinglimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo’y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at tetrarka sa Galilea si Herodes, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilinia,

2 Nang kasalukuyang mga pangulong saserdote si Anas at si Caifas, ay dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang.

3 At siya’y napasa buong lupain sa palibotlibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan;

4 Gaya ng nasusulat sa aklat ng salita ng propeta Isaias, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

5 Lahat ng libis ay tatambakan, At pababain ang bawa’t bundok at burol; At ang liko ay matutuwid, At ang mga daang bakobako ay mangapapatag;

6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Dios.

7 Sinasabi nga niya sa mga karamihang nagsisilabas upang mangagpabautismo sa kaniya, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo’y nagudyok upang tumakas sa galit na darating?

8 Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi, at huwag mangagpasimulang mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang siya naming ama; sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na makapagpapabangon ang Dios ng mga anak ni Abraham maging sa mga batong ito.

9 At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa’t punong kahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

10 At tinanong siya ng karamihan, na nangagsasabi, Ano ngang dapat namin gawin?

11 At sinagot niya at sinabi sa kanila, Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala; at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.

12 At dumating naman ang mga maniningil ng buwis upang mangagpabautismo, at sinabi nila sa kaniya, Guro, anong dapat naming gawin?

13 At sinabi niya sa kanila, Huwag na kayong sumingil pa ng higit kay sa utos sa inyo.

14 At tinanong naman siya ng mga kawal, na nangagsasabi, At kami, anong dapat naming gawin? At sa kanila’y sinabi niya, Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo.

15 At samantalang ang mga tao’y nagsisipaghintay at pinagbubulaybulay ng lahat sa kanilang puso ang tungkol kay Juan, kung siya kaya ang Cristo;

16 Ay sumagot si Juan na sinasabi sa kanilang lahat, Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig; datapuwa’t dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin; ako’y hindi karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak: kayo’y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy:

17 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, upang linising lubos ang kaniyang giikan, at tipunin ang trigo sa kaniyang bangan; datapuwa’t susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.

18 Sa mga iba pang maraming pangaral ay ipinangangaral nga niya sa bayan ang mabuting balita;

19 Datapuwa’t si Herodes na tetrarka, palibhasa’y pinagwikaan niya dahil kay Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,

20 Ay naparagdag naman ito sa lahat, na kinulong niya si Juan sa bilangguan.

21 Nangyari nga, nang mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit,

22 At bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo na may anyong katawan, tulad sa isang kalapati, at nanggaling ang isang tinig sa langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod.

23 At si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo ay may gulang na tatlongpung taon, na anak (ayon sa sinasapantaha) ni Jose, ni Eli,

24 Ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Jane, ni Jose,

25 Ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nage,

26 Ni Maat, ni Matatias, ni Semei, ni Jose, ni Juda,

27 Ni Joana, ni Resa, ni Zorobabel, ni Seatiel, ni Neri,

28 Ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmodam, ni Er,

29 Ni Jesus, ni Eliezer, ni Jorim, ni Mata, ni Levi,

30 Ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonan, ni Eliaquim,

31 Ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David,

32 Ni Jesse, ni Obed, ni Booz, ni Salmon, ni Naason,

33 Ni Aminadab, ni Aram, ni Esrom, ni Fares, ni Juda,

34 Ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Tare, ni Nacor,

35 Ni Serug, ni Regan, ni Paleg, ni Heber, ni Selah,

36 Ni Cainan, ni Arfaxjad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec,

37 Ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan,

38 Ni Enos, ni Set, ni Adam, ng Dios.

Lucas 4

1 At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang,

2 Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya.

3 At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.

4 At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.

5 At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan.

6 At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo’y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka’t ito’y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig.

7 Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.

8 At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.

9 At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba:

10 Sapagka’t nasusulat, Siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan:

11 At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

12 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

13 At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon.

14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.

15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.

16 At siya’y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya’y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.

17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,

18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka’t ako’y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako’y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,

19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.

20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.

21 At siya’y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.

22 At siya’y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose?

23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain.

24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa.

25 Datapuwa’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan;

26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao.

27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila’y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro.

28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito;

29 At sila’y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya’y maibulid nila ng patiwarik.

30 Datapuwa’t pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.

31 At siya’y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At sila’y tinuruan niya sa araw ng sabbath:

32 At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka’t may kapamahalaan ang kaniyang salita.

33 At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonio; at siya’y sumigaw ng malakas na tinig,

34 Ah! anong mayroon kami sa iyo, Jesus, ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami’y iyong puksain? nakikilala ko ikaw kung sino ka, ang Banal ng Dios.

35 At sinaway siya ni Jesus, na sinasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang siya’y mailugmok ng demonio sa gitna, ay lumabas siya sa kaniya, na hindi siya sinaktan.

36 At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa’t isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka’t siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.

37 At kumakalat ang alingawngaw tungkol sa kaniya sa lahat ng dako sa palibotlibot ng lupaing yaon.

38 At siya’y nagtindig sa sinagoga, at pumasok sa bahay ni Simon. At nilalagnat na mainam ang biyanang babae ni Simon, at siya’y kanilang ipinamanhik sa kaniya.

39 At tinunghan niya siya, at sinaway ang lagnat; at inibsan siya: at siya’y nagtindig pagdaka at naglingkod sa kanila.

40 At nang lumulubog na ang araw, ang lahat na may mga sakit ng sarisaring karamdaman ay dinala sa kaniya; at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawa’t isa sa kanila, at sila’y pinagaling.

41 At nagsilabas din sa marami ang mga demonio na nagsisisigaw, na nagsasabi, Ikaw ang anak ng Dios. At sinasaway sila, na di niya sila tinutulutang mangagsalita, sapagka’t naalaman nilang siya ang Cristo.

42 At nang araw na, ay lumabas siya at naparoon sa isang ilang na dako: at hinahanap siya ng mga karamihan, at nagsiparoon sa kaniya, at pinagpipilitang pigilin siya, upang huwag siyang humiwalay sa kanila.

43 Datapuwa’t sinabi niya sa kanila, Dapat namang ipangaral ko sa mga ibang bayan ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios: sapagka’t sa ganito ay sinugo ako.

44 At siya’y nangangaral sa mga sinagoga ng Galilea.

Lucas 5

1 Nangyari nga, na samantalang siya’y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya’y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret;

2 At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa’t nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat.

3 At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya’y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong.

4 At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya.

5 At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa’t sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.

6 At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat;

7 At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila’y tulungan. At sila’y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa’t sila’y nagpasimulang lulubog.

8 Datapuwa’t nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka’t ako’y taong makasalanan, Oh Panginoon.

9 Sapagka’t siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli:

10 At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.

11 At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya.

12 At nangyari, samantalang siya’y nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako.

13 At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya’y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka’y nilisan siya ng ketong.

14 At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila.

15 Datapuwa’t lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit.

16 Datapuwa’t siya’y lumigpit sa mga ilang, at nananalangin.

17 At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya’y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa’t nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling.

18 At narito, dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila.

19 At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya’y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.

20 At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan.

21 At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang?

22 Datapuwa’t si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso?

23 Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?

24 Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.

25 At pagdaka’y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios.

26 At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka.

27 At pagkatapos ng mga bagay na ito, siya’y umalis, at nakita ang isang maniningil ng buwis, na nagngangalang Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

28 At iniwan niya ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya.

29 At siya’y ipinagpiging ng malaki ni Levi sa kaniyang bahay: at lubhang maraming maniningil ng buwis at mga iba pa na nangakasalo nila sa dulang.

30 At nangagbulongbulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit kayo’y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?

31 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit.

32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.

33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa’t ang mga iyo’y nagsisikain at nagsisiinom.

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila?

35 Datapuwa’t darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo’y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon.

36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa’y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago.

37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa’y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat.

38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat.

39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka’t sasabihin niya, Mabuti ang laon.

Lucas 6

1 Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.

2 Datapuwa’t sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?

3 At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya’y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;

4 Kung paanong siya’y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?

5 At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

6 At nangyari nang ibang sabbath, na siya’y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo’y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.

7 At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya’y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya’y maisakdal.

8 Datapuwa’t nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya’y nagtindig at tumayo.

9 At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?

10 At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.

11 Datapuwa’t sila’y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.

12 At nangyari nang mga araw na ito, na siya’y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.

13 At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:

14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.

15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,

16 At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;

17 At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;

18 Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.

19 At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya’y mahipo; sapagka’t lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.

20 At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka’t inyo ang kaharian ng Dios.

21 Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka’t kayo’y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka’t kayo’y magsisitawa.

22 Mapapalad kayo kung kayo’y kapootan ng mga tao, at kung kayo’y ihiwalay nila, at kayo’y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.

23 Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka’t narito, ang ganti sa inyo’y malaki sa langit; sapagka’t sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.

24 Datapuwa’t sa aba ninyong mayayaman! sapagka’t tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.

25 Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka’t kayo’y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka’t kayo’y magsisitaghoy at magsisitangis.

26 Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka’t sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.

27 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,

28 Pagpalain ninyo ang sa inyo’y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo’y lumalait.

29 Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo’y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.

30 Bigyan mo ang bawa’t sa iyo’y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.

31 At kung ano ang ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.

32 At kung kayo’y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka’t ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.

33 At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka’t ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.

34 At kung kayo’y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.

35 Datapuwa’t ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo’y magiging ganti, at kayo’y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka’t siya’y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.

36 Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.

37 At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo’y palalayain:

38 Mangagbigay kayo, at kayo’y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka’t sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.

39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?

40 Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa’t ang bawa’t isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.

41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa’t hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.

43 Sapagka’t walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.

44 Sapagka’t bawa’t punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka’t ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.

45 Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao’y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka’t sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.

46 At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?

47 Ang bawa’t lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:

48 Siya’y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka’t natitirik na mabuti.

49 Datapuwa’t ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka’y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.

Lucas 7

1 Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum.

2 At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay.

3 At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.

4 At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito;

5 Sapagka’t iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.

6 At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya’y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka’t di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan:

7 Dahil dito’y hindi ko inakalang ako’y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa’t sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin.

8 Sapagka’t ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya’y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya’y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.

9 At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man.

10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin.

11 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya’y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao.

12 At nang siya nga’y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya’y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan.

13 At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya’y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis.

14 At siya’y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.

15 At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya’y ibinigay niya sa kaniyang ina.

16 At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan.

17 At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain.

18 At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito.

19 At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

20 At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

21 Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag.

22 At sumagot siya at sa kanila’y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.

23 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.

24 At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin?

25 Datapuwa’t ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari.

26 Datapuwa’t ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.

27 Ito yaong tungkol sa kaniya’y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.

28 Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma’y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya.

29 At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan.

30 Datapuwa’t pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya.

31 Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad?

32 Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa’t isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis.

33 Sapagka’t naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya’y may isang demonio.

34 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!

35 At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak.

36 At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya’y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang.

37 At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya’y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento,

38 At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito’y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento.

39 Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya’y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya’y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya’y humihipo, na siya’y makasalanan.

40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako’y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo.

41 Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa’y may utang na limang daang denario, at ang isa’y limangpu.

42 Nang sila’y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?

43 Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo.

44 At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa’t dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok.

45 Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa’t siya, buhat nang ako’y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa.

46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa’t pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa.

47 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka’t siya ay umibig ng malaki: datapuwa’t sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.

48 At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.

49 At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan?

50 At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.

Lucas 8

1 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya’y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,

2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya’y pitong demonio ang nagsilabas,

3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.

4 At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa’t bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:

5 Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito’y kinain ng mga ibon sa langit.

6 At ang iba’y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka’t walang halumigmig.

7 At ang iba’y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao’y ininis.

8 At ang iba’y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.

9 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito.

10 At sinabi niya, Sa inyo’y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa’t sa mga iba’y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.

11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios.

12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo’y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.

13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito’y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho’y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.

14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila’y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.

15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.

16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw.

17 Sapagka’t walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag.

18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka’t sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.

19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila’y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao.

20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka.

21 Datapuwa’t siya’y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa.

22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya’y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila’y nagsitulak.

23 Datapuwa’t samantalang sila’y nangaglalayag, siya’y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila’y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban.

24 At sila’y nangagsilapit sa kaniya at siya’y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo’y mangamamatay. At siya’y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon.

25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa’y nangatakot sila’y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya’y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya’y tinatalima nila?

26 At sila’y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.

27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 At nang makita niya si Jesus, siya’y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.

29 Sapagka’t ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka’t madalas siyang inaalihan: at siya’y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya’y itinataboy ng demonio sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka’t maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.

31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.

32 Doon nga’y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila’y magsipasok sa mga yaon. At sila’y pinahintulutan niya.

33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.

34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.

35 At sila’y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila’y nangatakot.

36 At sa kanila’y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.

37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya’y umalis sa kanila, sapagka’t sila’y napipigilan ng malaking takot: at siya’y lumulan sa daong, at nagbalik.

38 Datapuwa’t namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya’y ipagsama niya: datapuwa’t siya’y pinaalis niya, na sinasabi,

39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya’y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya’y ginawa ni Jesus.

40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka’t hinihintay siya nilang lahat.

41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya’y isang pinuno sa sinagoga: at siya’y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;

42 Sapagka’t siya’y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya’y naghihingalo. Datapuwa’t samantalang siya’y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.

43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma’y walang makapagpagaling sa kaniya,

44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka’y naampat ang kaniyang agas.

45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.

46 Datapuwa’t sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka’t naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.

47 At nang makita ng babae na siya’y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya’y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.

48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.

49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.

50 Datapuwa’t nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya’y gagaling.

51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.

52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa’t sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka’t siya’y hindi patay, kundi natutulog.

53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya’y patay na.

54 Datapuwa’t tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.

55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya’y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya’y bigyan ng pagkain.

56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa’t ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.