Lucas 9

1 At tinipon niya ang labingdalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonio, at upang magpagaling ng mga sakit.

2 At sila’y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Dios, at magpagaling ng mga may sakit.

3 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagdala ng anoman sa inyong paglalakad, kahit tungkod, kahit supot ng ulam, kahit tinapay, kahit salapi; at kahit magkaroon ng dalawang tunika.

4 At sa anomang bahay na inyong pasukin, doon kayo mangatira, at buhat doo’y magsialis kayo.

5 At ang lahat na di magsitanggap sa inyo sa bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok sa inyong mga paa, na pinaka patotoo laban sa kanila.

6 At sila’y nagsialis, at nagsiparoon sa lahat ng mga nayon, na ipinangangaral ang evangelio, at nagpapagaling saa’t saan man.

7 Nabalitaan nga ni Herodes na tetrarka ang lahat na ginawa; at siya’y totoong natitilihan, sapagka’t sinasabi ng ilan, na si Juan ay muling ibinangon sa mga patay;

8 At ng ilan, na si Elias ay lumitaw; at ng mga iba, na isa sa mga datihang propeta ay muling ibinangon.

9 At sinabi ni Herodes, Pinugutan ko ng ulo si Juan: datapuwa’t sino nga ito, na tungkol sa kaniya’y nababalitaan ko ang gayong bagay? At pinagsisikapan niyang siya’y makita.

10 At nang magsibalik ang mga apostol, ay isinaysay nila sa kaniya kung anong mga bagay ang kanilang ginawa. At sila’y isinama niya, at lumigpit na bukod sa isang bayan na tinatawag na Betsaida.

11 Datapuwa’t nang maalaman ng mga karamihan ay nagsisunod sa kaniya: at sila’y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin.

12 At nagpasimulang kumiling ang araw; at nagsilapit ang labingdalawa, at nangagsabi sa kaniya, Paalisin mo ang karamihan, upang sila’y magsiparoon sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibotlibot, at mangakapanuluyan, at mangakakuha ng pagkain: sapagka’t tayo’y nangarito sa isang ilang na dako.

13 Datapuwa’t sinabi niya sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila, Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami’y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito.

14 Sapagka’t sila’y may limang libong lalake. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Paupuin ninyo sila ng pulupulutong, na may tiglilimangpu bawa’t isa.

15 At gayon ang ginawa nila, at pinaupo silang lahat.

16 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa harap ng karamihan.

17 At sila’y nagsikain, at nangabusog ang lahat: at ang lumabis sa kanila na mga pinagputolputol ay pinulot na labingdalawang bakol.

18 At nangyari, nang siya’y nananalangin ng bukod, na ang mga alagad ay kasama niya: at tinanong niya sila, na sinasabi, Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?

19 At pagsagot nila’y nangagsabi, Si Juan Bautista; datapuwa’t sinasabi ng mga iba, Si Elias; at sinasabi ng mga iba na isa sa mga datihang propeta ay muling nagbangon.

20 At sinabi niya sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At pagsagot ni Pedro, ay nagsabi, Ang Cristo ng Dios.

21 Datapuwa’t ipinagbilin niya, at ipinagutos sa kanila na huwag sabihin ito sa kanino mang tao;

22 Na sinasabi, Kinakailangang magbata ng maraming mga bagay ang Anak ng tao, at itakuwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.

23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

24 Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.

25 Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili?

26 Sapagka’t ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27 Datapuwa’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa mangakita nila ang kaharian ng Dios.

28 At nangyari, nang makaraan ang may mga walong araw pagkatapos ng mga pananalitang ito, na isinama niya si Pedro at si Juan at si Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.

29 At samantalang siya’y nananalangin, ay nagbago ang anyo ng kaniyang mukha, at ang kaniyang damit ay pumuti, at nakasisilaw.

30 At narito, dalawang lalake ay nakikipagusap sa kaniya, na ang mga ito’y si Moises at si Elias;

31 Na napakitang may kaluwalhatian, at nangaguusapan ng tungkol sa kaniyang pagkamatay na malapit niyang ganapin sa Jerusalem.

32 Si Pedro nga at ang kaniyang mga kasamahan ay nangagaantok: datapuwa’t nang sila’y mangagising na totoo ay nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nangakatayong kasama niya.

33 At nangyari, samantalang sila’y nagsisihiwalay sa kaniya, ay sinabi ni Pedro kay Jesus, Guro, mabuti sa atin ang tayo’y dumito: at magsigawa tayo ng tatlong dampa; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias: na hindi nalalaman ang kaniyang sinasabi.

34 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay dumating ang isang alapaap, at sila’y naliliman: at sila’y nangatakot nang sila’y mangapasok sa alapaap.

35 At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan.

36 At nang dumating ang tinig, si Jesus ay nasumpungang nagiisa. At sila’y di nagsisiimik, at nang mga araw na yao’y hindi nila sinabi kanino mang tao ang alin man sa mga bagay na kanilang nakita.

37 At nangyari nang kinabukasan, nang pagbaba nila mula sa bundok, ay sinalubong siya ng lubhang maraming tao.

38 At narito, isang lalake sa karamihan, ay sumigaw na nagsasabi, Guro, ipinamamanhik ko sa iyo na iyong tingnan ang aking anak na lalake; sapagka’t siya’y aking bugtong na anak;

39 At narito, inaalihan siya ng isang espiritu, at siya’y biglang nagsisigaw; at siya’y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya’y hiwalayan, na siya’y totoong pinasasakitan.

40 At ipinamanhik ko sa iyong mga alagad na palabasin siya; at hindi nila magawa.

41 At sumagot si Jesus at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan makikisama ako sa inyo at magtitiis sa inyo? dalhin mo rito ang anak mo.

42 At samantalang siya’y lumalapit, ay ibinuwal siya ng demonio, at pinapangatal na mainam. Datapuwa’t pinagwikaan ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, at pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kaniyang ama.

43 At nangagtaka silang lahat sa karangalan ng Dios. Datapuwa’t samantalang ang lahat ay nagsisipanggilalas sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,

44 Manuot sa inyong mga tainga ang mga salitang ito: sapagka’t ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.

45 Datapuwa’t hindi nila napaguunawa ang sabing ito, at sa kanila’y nalilingid, upang ito’y huwag mapagunawa; at nangatatakot silang magsipagtanong sa kaniya ng tungkol sa sabing ito.

46 At nagkaroon ng isang pagmamatuwiran sa gitna nila kung sino kaya sa kanila ang pinakadakila.

47 Datapuwa’t pagkaunawa ni Jesus sa pangangatuwiran ng kanilang puso, ay kumuha siya ng isang maliit na bata, at inilagay sa kaniyang siping,

48 At sinabi sa kanila, Ang sinomang tumanggap sa maliit na batang ito sa pangalan ko, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin: sapagka’t ang pinaka maliit sa inyong lahat, ay siyang dakila.

49 At sumagot si Juan at sinabi, Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonio sa pangalan mo; at aming pinagbawalan siya, sapagka’t siya’y hindi sumasama sa atin.

50 Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka’t ang hindi laban sa inyo, ay sumasa inyo.

51 At nangyari, nang nalalapit na ang mga kaarawan na siya’y tatanggapin sa itaas, ay pinapanatili niyang harap ang kaniyang mukha upang pumaroon sa Jerusalem,

52 At nagsugo ng mga sugo sa unahan ng kaniyang mukha: at nagsiyaon sila, at nagsipasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang siya’y ipaghanda.

53 At hindi nila siya tinanggap, sapagka’t ang mukha niya’y anyong patungo sa Jerusalem.

54 At nang makita ito ng mga alagad niyang si Santiago at si Juan, ay nangagsabi, Panginoon, ibig mo bagang magpababa tayo ng apoy mula sa langit, at sila’y pugnawin?

55 Datapuwa’t, lumingon siya, at sila’y pinagwikaan.

56 At sila’y nagsiparoon sa ibang nayon.

57 At paglakad nila sa daan ay may nagsabi sa kaniya, Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

58 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.

59 At sinabi niya sa iba, Sumunod ka sa akin. Datapuwa’t siya’y nagsabi, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.

60 Datapuwa’t sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa’t yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios.

61 At ang iba nama’y nagsabi, Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa’t pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko.

62 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios.

Lucas 10

1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila’y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa’t bayan at dako na kaniyang paroroonan.

2 At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana’y marami ang aanihin, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa: kaya’t idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.

3 Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.

4 Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.

5 At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.

6 At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa’y mananatili sa kaniya: datapuwa’t kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.

7 At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka’t ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay.

8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo’y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo:

9 At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios.

10 Datapuwa’t sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin,

11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma’y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios.

12 Sinasabi ko sa inyo, Sa araw na yaon ay higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma kay sa bayang yaon.

13 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Betsaida! sapagka’t kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihang ginawa sa inyo, ay maluwat na dising nangagsisi, na nangauupong may kayong magaspang at abo.

14 Datapuwa’t sa paghuhukom, higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon, kay sa inyo.

15 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka hanggang sa langit? ikaw ay ibaba hanggang sa Hades.

16 Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki’y nagsugo.

17 At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.

18 At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.

19 Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa’y hindi kayo maaano.

20 Gayon ma’y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.

21 Nang oras ding yaon siya’y nagalak sa Espiritu Santo, at sinabi, Ako’y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka’t gayon ang nakalulugod sa iyong paningin.

22 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.

23 At paglingon sa mga alagad, ay sinabi niya ng bukod, Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita:

24 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig, at hindi nila nangarinig.

25 At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya’y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?

26 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo?

27 At pagsagot niya’y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

28 At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka.

29 Datapuwa’t siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao?

30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao’y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya’y sumamsam at sa kaniya’y humampas, at nagsialis na siya’y iniwang halos patay na.

31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi.

32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.

33 Datapuwa’t ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya’y makita niya, ay nagdalang habag,

34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya’y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya’y inalagaan.

35 At nang kinabukasa’y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.

36 Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?

37 At sinabi niya, Ang nagkaawanggawa sa kaniya. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.

38 Sa pagyaon nga nila sa kanilang lakad, ay pumasok siya sa isang nayon: at isang babaing nagngangalang Marta, ay tinanggap siya sa kaniyang bahay.

39 At siya’y may isang kapatid na tinatawag na Maria, na naupo rin naman sa mga paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita.

40 Nguni’t si Marta ay naliligalig sa maraming paglilingkod; at siya’y lumapit sa kaniya, at sinabi, Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako’y tulungan niya.

41 Datapuwa’t sumagot ang Panginoon, at sinabi sa kaniya, Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay:

42 Datapuwa’t isang bagay ang kinakailangan: sapagka’t pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.

Lucas 11

1 At nangyari, nang siya’y nananalangin sa isang dako, nang siya’y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad.

2 At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo’y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo.

3 Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin.

4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka’t aming pinatawad naman ang bawa’t may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso.

5 At sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya’y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;

6 Sapagka’t dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya;

7 At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo?

8 Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya’y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya’y kaibigan niya, gayon ma’y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya’y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya.

9 At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.

10 Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

11 At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas?

12 O kung siya’y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan?

13 Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya?

14 At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan.

15 Datapuwa’t sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

16 At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya’y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.

17 Datapuwa’t siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila’y sinabi, Ang bawa’t kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba.

18 At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka’t sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio.

19 At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom.

20 Nguni’t kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.

21 Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib.

22 Datapuwa’t kung siya’y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya’y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya.

23 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

24 Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko.

25 At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan.

26 Kung magkagayo’y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila’y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una.

27 At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo’y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.

28 Datapuwa’t sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito’y ginaganap.

29 At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito’y isang masamang lahi: siya’y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas.

30 Sapagka’t kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito.

31 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila’y hahatulan: sapagka’t siya’y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.

32 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagka’t sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.

33 Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw.

34 Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa’t kung ito’y may sakit, ang katawan mo nama’y puspos ng kadiliman.

35 Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman.

36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito’y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning.

37 Samantala ngang siya’y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya’y pumasok, at naupo sa dulang.

38 At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya’y hindi muna naghugas bago mananghali.

39 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa’t ang loob ninyo’y puno ng panglulupig at kasamaan.

40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?

41 Datapuwa’t ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo.

42 Datapuwa’t sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka’t nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa’t gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa’t dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon.

43 Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka’t inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.

44 Sa aba ninyo! sapagka’t kayo’y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila.

45 At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan.

46 At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka’t inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan.

47 Sa aba ninyo! sapagka’t inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao’y pinatay ng inyong mga magulang.

48 Kayo nga’y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka’t pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan.

49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin;

50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan;

51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito’y hihingin sa lahing ito.

52 Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka’t inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.

53 At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay;

54 Na siya’y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.

Lucas 12

1 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa’t nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito’y pagpapaimbabaw nga.

2 Datapuwa’t walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.

3 Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

4 At sinasabi ko sa inyo mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.

5 Datapuwa’t ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.

6 Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.

7 Datapuwa’t maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo’y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

8 At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Dios:

9 Datapuwa’t ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.

10 Ang bawa’t magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni’t ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 At pagka kayo’y dadalhin sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:

12 Sapagka’t ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.

13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.

14 Datapuwa’t sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?

15 At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo’y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka’t ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.

16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:

17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka’t wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?

18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.

19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.

20 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?

21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.

22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.

23 Sapagka’t ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.

24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila’y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!

25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma’y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

28 Nguni’t kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo’y mapagalinlangang pagiisip.

30 Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa’t talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.

31 Gayon ma’y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.

32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo’y ibigay ang kaharian.

33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo’y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo’y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.

34 Sapagka’t kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.

35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan;

36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya’y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya’y dumating at tumuktok, pagdaka’y mabuksan nila siya.

37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya’y magbibigkis sa sarili, at sila’y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila’y paglilingkuran niya.

38 At kung siya’y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.

39 Datapuwa’t talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya’y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.

40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.

41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman?

42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila’y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan?

43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya.

44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya’y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.

45 Datapuwa’t kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing;

46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya’y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat.

47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami;

48 Datapuwa’t ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.

49 Ako’y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?

50 Datapuwa’t ako’y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito’y maganap?

51 Inaakala baga ninyo na ako’y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:

52 Sapagka’t mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

53 Sila’y mangagkakabahabahagi, ang ama’y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina’y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.

54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.

55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito’y nangyayari.

56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa’t bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?

57 At bakit naman hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung alin ang matuwid?

58 Sapagka’t samantalang pumaparoon ka sa hukom na kasama mo ang iyong kaalit, ay sikapin mo sa daan na makaligtas ka sa kaniya; baka sakaling kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal at ipasok ka ng punong kawal sa bilangguan.

59 Sinasabi ko sa iyo, Hindi ka lalabas doon sa anomang paraan, hanggang sa mabayaran mo ang katapustapusang lepta.

Lucas 13

1 Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito’y inihalo ni Pilato sa mga hain nila.

2 At siya’y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila’y nangagbata ng mga bagay na ito?

3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa’t, malibang kayo’y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.

4 O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila’y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem?

5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa’t, malibang kayo’y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.

6 At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya’y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan.

7 At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?

8 At pagsagot niya’y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba:

9 At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa’t kung hindi, ay puputulin mo.

10 At siya’y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath.

11 At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan.

12 At nang siya’y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit.

13 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya’y naunat, at niluwalhati niya ang Dios.

14 At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka’t si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao’y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo’y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath.

15 Datapuwa’t sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa’t isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito’y inilalabas upang painumin?

16 At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito, sa loob ng labingwalong taon, hindi baga dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath?

17 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay nangapahiya ang lahat ng kaniyang mga kaalit: at nangagagalak ang buong karamihan dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.

18 Sinabi nga niya, Sa ano tulad ang kaharian ng Dios? at sa ano ko itutulad?

19 Tulad sa isang butil ng mostasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kaniyang sariling halamanan; at ito’y sumibol, at naging isang punong kahoy; at humapon sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.

20 At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios?

21 Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito’y nalebadurahang lahat.

22 At siya’y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem.

23 At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila,

24 Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka’t sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.

25 Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya’y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo’y taga saan;

26 Kung magkagayo’y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;

27 At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo’y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.

28 Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo’y palabasin.

29 At sila’y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios.

30 At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.

31 Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka’t ibig kang patayin ni Herodes.

32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako’y magiging sakdal sa ikatlong araw.

33 Gayon ma’y kailangang ako’y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka’t hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.

34 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!

35 Narito, sa inyo’y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.

Lucas 14

1 At nangyari, sa pagpasok niya sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo nang isang sabbath upang kumain ng tinapay, at inaabangan nila siya.

2 At narito, sa kaniyang harapan ay may isang lalaking namamaga.

3 At pagsagot ni Jesus, ay nagsalita sa mga tagapagtanggol ng kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, Matuwid baga o hindi na magpagaling sa sabbath?

4 Datapuwa’t sila’y di nagsiimik. At siya’y tinangnan niya, at siya’y pinagaling, at siya’y pinayaon.

5 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo ang kung magkaroon ng isang asno o isang bakang lalake na mahulog sa hukay, at pagdaka’y hindi kukunin kahit araw ng sabbath?

6 At di na muling nakasagot sila sa kaniya sa mga bagay na ito.

7 At nagsalita siya ng isang talinghaga sa mga inanyayahan, nang mamasdan niya na kanilang pinipili ang mga pangulong luklukan; na nagsasabi sa kanila,

8 Pagka inaanyayahan ka ninomang tao sa kasalan, huwag kang uupo sa pangulong luklukan; baka mayroon siyang anyayahang lalong marangal na tao kay sa iyo,

9 At lumapit yaong naganyaya sa iyo at sa kaniya, at sabihin sa iyo, Bigyan mong puwang ang taong ito; at kung magkagayo’y magpapasimula kang mapahiya na mapalagay ka sa dakong kababababaan.

10 Kundi pagka inaanyayahan ka, ay pumaroon ka at umupo ka sa dakong kababababaan; upang kung dumating ang naganyaya sa iyo, ay sa iyo’y sabihin niya, Kaibigan pumaroon ka pa sa lalong mataas: kung magkagayo’y magkakaroon ka ng kaluwalhatian sa harap ng lahat na mga kasalo mong nangakaupo sa dulang.

11 Sapagka’t ang bawa’t nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas.

12 At sinabi rin naman niya sa naganyaya sa kaniya, Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, ay huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, ni ang iyong mga kapatid, ni ang iyong mga kamaganak, ni ang mayayamang kapitbahay; baka ikaw naman ang kanilang muling anyayahan, at gantihan ka.

13 Datapuwa’t kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag,

14 At magiging mapalad ka; sapagka’t wala silang sukat ikaganti sa iyo: sapagka’t gagantihin sa iyo sa pagkabuhay na maguli ng mga ganap.

15 At nang marinig ito ng isa sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay sinabi sa kaniya, Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios.

16 Datapuwa’t sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan:

17 At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka’t ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.

18 At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya’y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.

19 At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila’y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.

20 At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon.

21 At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay.

22 At sinabi ng alipin, panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma’y maluwag pa.

23 At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay.

24 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan.

25 Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya’y lumingon at sa kanila’y sinabi,

26 Kung ang sinomang tao’y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko.

27 Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 Sapagka’t alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?

29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya’y libakin,

30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin.

31 O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo?

32 O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo.

33 Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko.

34 Mabuti nga ang asin: datapuwa’t kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat?

35 Walang kabuluhang maging sa lupa kahit sa tapunan man ng dumi: itinatapon sa labas. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.

Lucas 15

1 Nagsisilapit nga sa kaniya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan upang makinig sa kaniya.

2 At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulongbulungan, na nangagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila.

3 At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi,

4 Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?

5 At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.

6 At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala.

7 Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu’t siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi.

8 O aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito’y masumpungan niya?

9 At pagka nasumpungan niya, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang isang putol na nawala sa akin.

10 Gayon din, sinasabi ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Dios, dahil sa isang makasalanang nagsisisi.

11 At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake:

12 At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay.

13 At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo’y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.

14 At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya’y nagpasimulang mangailangan.

15 At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy.

16 At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya.

17 Datapuwa’t nang siya’y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito’y namamatay ng gutom?

18 Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin:

19 Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.

20 At siya’y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa’t samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan.

21 At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo.

22 Datapuwa’t sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa:

23 At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo’y magsikain, at mangagkatuwa:

24 Sapagka’t patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya’y nawala, at nasumpungan. At sila’y nangagpasimulang mangagkatuwa.

25 Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya’y dumating at malapit sa bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan.

26 At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon.

27 At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya’y tinanggap niya na ligtas at magaling.

28 Datapuwa’t nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya’y namanhik sa kaniya.

29 Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang kita’y pinaglilingkuran, at kailan ma’y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma’y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan:

30 Datapuwa’t nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya.

31 At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin.

32 Datapuwa’t karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka’t patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.

Lucas 16

1 At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito’y isinumbong sa kaniya na siya’y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari.

2 At tinawag niya siya, at sa kaniya’y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka’t hindi ka na maaaring maging katiwala pa.

3 At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa’y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako.

4 Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay.

5 At pagtawag niya sa bawa’t isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon?

6 At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu.

7 Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu.

8 At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka’t siya’y gumawang may katalinuhan: sapagka’t ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw.

9 At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo’y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo.

10 Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.

11 Kung kayo nga’y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?

12 At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo’y magbibigay ng sa inyong sarili.

13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka’t kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya’y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

14 At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya’y tinutuya nila.

15 At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa’t nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka’t ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios.

16 Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo’y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa’t tao ay pumapasok doon na nagpipilit.

17 Nguni’t lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan.

18 Ang bawa’t lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.

19 Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya’y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana:

20 At isang pulubi na ang pangala’y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan,

21 At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat.

22 At nangyari, na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing.

23 At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan.

24 At siya’y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka’t naghihirap ako sa alab na ito.

25 Datapuwa’t sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa’t ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan.

26 At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin.

27 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama;

28 Sapagka’t ako’y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila’y patotohanan niya, baka pati sila’y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa.

29 Datapuwa’t sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila’y pakinggan nila.

30 At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa’t kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila’y mangagsisisi.

31 At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa’y magbangon sa mga patay.

Lucas 17

1 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad Hindi mangyayari na di dumating ang mga kadahilanan ng pagkakatisod; datapuwa’t sa aba niyaong pinanggalingan.

2 Mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato, at siya’y ihagis sa dagat, kay sa siya’y magpatisod sa isa sa maliliit na ito.

3 Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya’y magsisi, patawarin mo siya.

4 At kung siya’y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.

5 At sinabi ng mga apostol sa Panginoon, Dagdagan mo ang pananampalataya namin.

6 At sinabi ng Panginoon, Kung mangagkaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, Mabunot ka, at matanim ka sa dagat; at kayo’y tatalimahin.

7 Datapuwa’t sino sa inyo, ang may isang aliping nagaararo o nagaalaga ng mga tupa, na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain;

8 At hindi sasabihin sa kaniya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako’y makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom?

9 Nagpapasalamat baga siya sa alipin sapagka’t ginawa ang iniutos sa kaniya?

10 Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo’y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin.

11 At nangyari, na samantalang sila’y napapatungo sa Jerusalem, na siya’y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea.

12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo:

13 At sila’y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin.

14 At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo’y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila’y nagsisiparoon, ay nangalinis sila.

15 At isa sa kanila, nang makita niyang siya’y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;

16 At siya’y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: at siya’y isang Samaritano.

17 At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa’t saan nangaroon ang siyam?

18 Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa?

19 At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.

20 At palibhasa’y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita:

21 Ni sasabihin man nila, Naririto! o Naririyan! sapagka’t narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.

22 At sinabi niya sa mga alagad, Darating ang mga araw, na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita.

23 At sasabihin nila sa inyo, Naririyan! Naririto! huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisisunod man sa kanila:

24 Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan.

25 Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.

26 At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.

27 Sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nangagaasawa, at sila’y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.

28 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nagsisibili, sila’y nangagbibili, sila’y nangagtatanim, sila’y nangagtatayo ng bahay.

29 Datapuwa’t nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat:

30 Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.

31 Sa araw na yaon, ang mapapasa bubungan, at nasa bahay ng kaniyang mga pag-aari, ay huwag silang manaog upang kunin: at ang nasa bukid ay gayon din, huwag siyang umuwi.

32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.

33 Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa’t ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.

34 Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan.

35 Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa, at ang isa’y iiwan.

36 Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan.

37 At pagsagot nila ay sinabi sa kaniya, Saan, Panginoon? At sinabi niya sa kanila, Kung saan naroon ang bangkay ay doon din naman magkakatipon ang mga uwak.

Lucas 18

1 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila’y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;

2 Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan:

3 At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya’y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit.

4 At may ilang panahon na siya’y tumatanggi: datapuwa’t pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao:

5 Gayon man, sapagka’t nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito.

6 At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom.

7 At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya’y may pagpapahinuhod sa kanila?

8 Sinasabi ko sa inyo, na sila’y madaling igaganti niya. Gayon ma’y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?

9 At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila’y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba:

10 May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa’y Fariseo, at ang isa’y maniningil ng buwis.

11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito.

12 Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.

13 Datapuwa’t ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.

14 Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka’t ang bawa’t nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.

15 At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa’t nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila’y sinaway nila.

16 Datapuwa’t pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

18 At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?

19 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang.

20 Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.

21 At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.

22 At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

23 Datapuwa’t nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya’y namanglaw na lubha; sapagka’t siya’y totoong mayaman.

24 At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!

25 Sapagka’t magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios.

26 At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas?

27 Datapuwa’t sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.

28 At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo.

29 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios,

30 Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay.

31 At isinama niya ng bukod ang labingdalawa, at sa kanila’y sinabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta ay mangagaganap sa Anak ng tao.

32 Sapagka’t siya’y ibibigay sa mga Gentil, at siya’y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan.

33 At kanilang papaluin at papatayin siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon siya.

34 At wala silang napagunawa sa mga bagay na ito; at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi.

35 At nangyari, na nang nalalapit na sila sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos:

36 At pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon.

37 At sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret.

38 At siya’y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.

39 At siya’y sinaway ng nangasa unahan, upang siya’y tumahimik: datapuwa’t siya’y lalong nagsisigaw, Ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.

40 At si Jesus ay tumigil, at ipinagutos na dalhin siya sa kaniya: at nang mailapit siya, ay itinanong niya sa kaniya,

41 Anong ibig mo na sa iyo’y gawin ko? At sinabi niya, Panginoon, na tanggapin ko ang aking paningin.

42 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo.

43 At pagdaka’y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.