Lucas 19

1 At siya’y pumasok at nagdaan sa Jerico.

2 At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya’y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya’y mayaman.

3 At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka’t siya’y pandak.

4 At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka’t siya’y magdaraan sa daang yaon.

5 At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya’y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka’t ngayo’y kinakailangang ako’y tumuloy sa bahay mo.

6 At siya’y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa.

7 At nang makita nila ito, ay nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya’y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.

8 At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali’t nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat.

9 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka’t siya’y anak din naman ni Abraham.

10 Sapagka’t ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.

11 At samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, ay dinugtungan niya at sinalita ang isang talinghaga, sapagka’t siya’y malapit na sa Jerusalem, at sapagka’t kanilang inakala na pagdaka’y mahahayag ang kaharian ng Dios.

12 Sinabi nga niya, Isang mahal na tao ay naparoon sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian na ukol sa kaniyang sarili, at magbalik.

13 At tinawag niya ang sangpu sa kaniyang mga alipin at binigyan sila ng sangpung mina, at sinabi sa kanila, Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako’y dumating.

14 Datapuwa’t kinapopootan siya ng kaniyang mga mamamayan, at ipinahabol siya sa isang sugo, na nagsasabi, Ayaw kami na ang taong ito’y maghari pa sa amin.

15 At nangyari, na nang siya’y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.

16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa.

17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka’t nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan.

18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina.

19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan.

20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo:

21 Dahil sa ako’y natakot sa iyo, sapagka’t ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.

22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako’y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik;

23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo?

24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina.

25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya’y mayroong sangpung mina.

26 Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa’t mayroon; datapuwa’t ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

27 Datapuwa’t itong aking mga kaaway, na ayaw na ako’y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.

28 At nang masabi niyang gayon, ay nagpatuloy siya sa unahan, na umahon sa Jerusalem.

29 At nangyari, na nang siya’y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olivo, ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,

30 Na sinasabi, Magsiyaon kayo sa inyong lakad sa katapat na nayon; sa pagpasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakatali na batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao: kalagin ninyo siya, at dalhin ninyo siya rito.

31 At kung may sinomang tumanong sa inyo, Bakit ninyo kinakalag iyan? ganito ang inyong sasabihin, Kinakailangan siya ng Panginoon.

32 At nagsiparoon ang mga sugo at nasumpungan ng ayon sa sinabi niya sa kanila.

33 At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga mayari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno?

34 At sinabi nila, Kinakailangan siya ng Panginoon.

35 At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon.

36 At samantalang siya’y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.

37 At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita.

38 Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan.

39 At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.

40 At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato’y sisigaw.

41 At nang malapit na siya, nakita niya ang bayan, at ito’y kaniyang tinangisan,

42 Na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapuwa’t ngayo’y pawang nangatatago sa iyong mga mata.

43 Sapagka’t darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabikabila,

44 At ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo’y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato; sapagka’t hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo’y pagdalaw.

45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nangagbibili,

46 Na sinasabi sa kanila, Nasusulat nga, At ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan: datapuwa’t ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

47 At nagtuturo siya arawaraw sa templo. Datapuwa’t ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang mga taong pangunahin sa bayan ay nangagsisikap na siya’y patayin:

48 At di nila masumpungan kung ano ang kanilang magagawa; sapagka’t natitigilan ang buong bayan sa pakikinig sa kaniya.

Lucas 20

1 At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda;

2 At sila’y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?

3 At siya’y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin:

4 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?

5 At sila’y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?

6 Datapuwa’t kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka’t sila’y nanganiniwala na si Juan ay propeta.

7 At sila’y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.

8 At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

9 At siya’y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.

10 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya’y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa’t hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.

11 At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama’y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.

12 At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.

13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya’y igagalang nila.

14 Datapuwa’t nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.

15 At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?

16 Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari.

17 Datapuwa’t kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali. Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok?

18 Ang bawa’t mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa’t sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok.

19 At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila’y nangatatakot sa bayan: sapagka’t nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila.

20 At siya’y inaabangan nila, at sila’y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya’y mahuli sa kaniyang salita, na siya’y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador.

21 At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios.

22 Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?

23 Datapuwa’t napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila,

24 Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.

25 At sinabi niya sa kanila, Kung gayo’y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios.

26 At sila’y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila’y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik.

27 At may lumapit sa kaniyang ilan sa mga Saduceo, na nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli;

28 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, isinulat sa amin ni Moises, na kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, na may asawa, at siya’y walang anak, ay kunin ng kaniyang kapatid ang asawa, at bigyang anak ang kaniyang kapatid.

29 Mayroon ngang pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak;

30 At ang pangalawa:

31 At ang pangatlo’y nagasawa sa bao; at gayon din ang pito naman ay hindi nagiwan ng mga anak, at nangamatay.

32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.

33 Sa pagkabuhay na maguli nga, kanino sa kanila magiging asawa kaya ang babaing yaon? sapagka’t siya’y naging asawa ng pito.

34 At sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisipagasawa ang mga anak ng sanglibutang ito, at pinapagaasawa:

35 Datapuwa’t ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin:

36 Sapagka’t hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka’t kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila’y mga anak ng Dios, palibhasa’y mga anak ng pagkabuhay na maguli.

37 Datapuwa’t tungkol sa pagbabangon ng mga patay, ay ipinakilala rin naman ni Moises sa Mababang punong kahoy, nang tinawag niya ang Panginoon na Dios ni Abraham, at Dios ni Isaac, at Dios ni Jacob.

38 Siya nga’y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka’t nangabubuhay sa kaniya ang lahat.

39 At pagsagot ng ilan sa mga eskriba, ay nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo.

40 Sapagka’t hindi na nga sila nangahas tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong.

41 At kaniyang sinabi sa kanila, Paanong sinasabi nila na ang Cristo ay anak ni David?

42 Sapagka’t si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan,

43 Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.

44 Dahil dito tinatawag siyang Panginoon ni David, at paanong siya’y anak niya?

45 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na naririnig ng buong bayan,

46 Mangagingat kayo sa mga eskriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila’y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan;

47 Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagpakunwaring banal ay nanalangin ng mahaba: ang mga ito’y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.

Lucas 21

1 At siya’y tumunghay, at nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabangyaman.

2 At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo’y naghuhulog ng dalawang lepta.

3 At sinabi niya, Sa katotohana’y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat.

4 Sapagka’t ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila’y labis; datapuwa’t siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.

5 At samantalang sinasalita ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito’y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi,

6 Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak.

7 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?

8 At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: sapagka’t marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.

9 At pagka kayo’y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka’t kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa’t hindi pa malapit ang wakas.

10 Nang magkagayo’y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian;

11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

12 Datapuwa’t bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin kayo, at paguusigin kayo, na kayo’y ibibigay sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, na kayo’y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13 Ito’y magiging patotoo sa inyo.

14 Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot:

15 Sapagka’t bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.

16 Datapuwa’t kayo’y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17 At kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18 At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo.

19 Sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.

20 Datapuwa’t pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na.

21 Kung magkagayo’y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.

22 Sapagka’t ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.

23 Sa aba ng mga nagdadalangtao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka’t magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.

24 At sila’y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

25 At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa’y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong;

26 Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka’t mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

27 At kung magkagayo’y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Datapuwa’t kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka’t malapit na ang pagkatubos ninyo.

29 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga: Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong kahoy:

30 Pagka nangagdadahon na sila, ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong sarili na malapit na ang tagaraw.

31 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa’t ang aking mga salita ay hindi lilipas.

34 Datapuwa’t mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo:

35 Sapagka’t gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa.

36 Datapuwa’t mangagpuyat kayo sa bawa’t panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.

37 At araw-araw ay nagtuturo siya sa templo; at lumalabas gabi-gabi at tumatahan sa bundok na tinatawag na Olivo.

38 At ang buong bayan ay maagang pumaparoon sa kaniya sa templo, upang makinig sa kaniya.

Lucas 22

1 Malapit na nga ang pista ng mga tinapay na walang lebadura, na tinatawag na Paskua.

2 At pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong kanilang maipapapatay siya; sapagka’t nangatatakot sila sa bayan.

3 At pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labingdalawa.

4 At siya’y umalis, at nakipagusap sa mga pangulong saserdote at mga punong kawal kung paanong maibibigay niya siya sa kanila.

5 At sila’y nangagalak, at pinagkasunduang bigyan siya ng salapi.

6 At pumayag siya, at humanap ng ukol na panahon upang kaniyang maibigay siya sa kanila, nang hindi kaharap ang karamihan.

7 At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua.

8 At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo’y magsikain.

9 At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda?

10 At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan.

11 At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?

12 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda.

13 At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.

14 At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya.

15 At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap:

16 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, Ito’y hindi ko kakanin, hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Dios.

17 At siya’y tumanggap ng isang saro, at nang siya’y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin:

18 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios.

19 At siya’y dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

20 Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.

21 Datapuwa’t narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang.

22 Sapagka’t ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa’t sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya!

23 At sila’y nagpasimulang nangagtanungan sa isa’t isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.

24 At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila.

25 At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila’y tinatawag na mga Tagapagpala.

26 Datapuwa’t sa inyo’y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod.

27 Sapagka’t alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa’t ako’y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.

28 Datapuwa’t kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin;

29 At kayo’y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama,

30 Upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo’y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel.

31 Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:

32 Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.

33 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.

34 At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako’y hindi mo nakikilala.

35 At sinabi niya sa kanila, Nang kayo’y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi.

36 At sinabi niya sa kanila, Nguni’t ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak.

37 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka’t ang nauukol sa akin ay may katuparan.

38 At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na.

39 At siya’y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad.

40 At nang siya’y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.

41 At siya’y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya’y nanikluhod at nanalangin,

42 Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.

43 At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.

44 At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.

45 At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis,

46 At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.

47 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya’y lumapit kay Jesus upang ito’y hagkan.

48 Datapuwa’t sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?

49 At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak?

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya.

51 Datapuwa’t sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito’y pinagaling.

52 At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo’y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang ako’y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa’t ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman.

54 At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa’t sa malayo’y sumusunod si Pedro.

55 At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila.

56 At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya’y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya.

57 Datapuwa’t siya’y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala.

58 At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Lalake, ako’y hindi.

59 At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito’y kasama rin niya; sapagka’t siya’y Galileo.

60 Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya’y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.

61 At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.

62 At siya’y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.

63 At nililibak si Jesus, at siya’y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay.

64 At siya’y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo’y humampas?

65 At sinabi nila ang ibang maraming bagay laban sa kaniya, na siya’y inaalimura.

66 At nang araw na, ay nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga pangulong saserdote, at gayon din ang mga eskriba, at dinala siya sa kanilang Sanedrin, na sinasabi,

67 Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mo sa amin. Datapuwa’t sinabi niya sa kanila, Kung sabihin ko sa inyo, ay hindi ninyo ako paniniwalaan:

68 At kung kayo’y aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot.

69 Datapuwa’t magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Dios.

70 At sinabi nilang lahat, Kung gayo’y ikaw baga ang Anak ng Dios? At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagsasabi na ako nga.

71 At sinabi nila, Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka’t tayo rin ang nangakarinig sa kaniyang sariling bibig.

Lucas 23

1 At nagsitindig ang buong kapulungan nila, at dinala siya sa harap ni Pilato.

2 At nangagpasimula silang isumbong siya, na sinasabi, Nasumpungan namin ang taong ito na pinasasama ang aming bansa, at ipinagbabawal na bumuwis kay Cesar, at sinasabi na siya rin nga ang Cristo, ang hari.

3 At tinanong siya ni Pilato, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sumagot siya at sinabi, Ikaw ang nagsasabi.

4 At sinabi ni Pilato sa mga pangulong saserdote at sa mga karamihan, Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito.

5 Datapuwa’t sila’y lalong nangagpipilit na sinasabi, Ginugulo niya ang bayan, na nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.

6 Datapuwa’t nang ito’y marinig ni Pilato, ay itinanong niya kung ang taong yaon ay Galileo.

7 At nang maunawa na siya’y nasasakop ni Herodes, ay ipinadala niya siya kay Herodes, na nang mga araw na yaon ay nasa Jerusalem din naman.

8 Nang makita nga ni Herodes si Jesus, ay nagalak siyang lubha: sapagka’t malaon nang hinahangad niya na makita siya, sapagka’t siya’y nakabalita tungkol sa kaniya; at siya’y naghihintay na makakita ng ilang himalang gawa niya.

9 At tinanong niya siya ng maraming salita; datapuwa’t siya’y hindi sumagot ng anoman.

10 At ang mga pangulong saserdote at mga eskriba ay nagsitindig, na isinusumbong siyang mainam.

11 At si Herodes na kasama ang kaniyang mga kawal ay inalimura siya, at siya’y nilibak, at sinuutan siya ng maringal na damit, at ipinabalik siya kay Pilato.

12 At nang araw ding yaon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato: sapagka’t dating sila’y nagkakagalit.

13 At tinipon ni Pilato ang mga pangulong saserdote, at ang mga pinuno at ang bayan,

14 At sinabi sa kanila, Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nagpapasama sa bayan: at narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, ay wala akong nasumpungang anomang sala sa taong ito, tungkol sa mga bagay na isinusumbong ninyo laban sa kaniya;

15 Wala, kahit si Herodes man; sapagka’t siya’y ipinabalik niyang muli sa atin; at narito, walang anomang karapatdapat sa kamatayan na ginawa niya.

16 Siya nga’y aking parurusahan, at siya’y pawawalan.

17 Kinakailangan nga niyang sa kanila’y magpakawala ng isang bilanggo sa kapistahan.

18 Datapuwa’t silang lahat ay nagsisigawang paminsan, na nangagsabi, Alisin mo ang taong ito, at pawalan mo sa amin si Barrabas:

19 Isa na ibinilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa sa bayan, at sa pagpatay.

20 At si Pilato’y nagsalitang muli sa kanila, sa pagnanais na pawalan si Jesus;

21 Datapuwa’t sila’y nagsigawan, na sinasabi, Ipako sa krus, ipako siya sa krus.

22 At kaniyang sinabi sa kanila, na bilang ikatlo, Bakit, anong masama ang ginawa ng taong ito? Wala akong nasumpungang anomang kadahilanang ipatay sa kaniya: parurusahan ko nga siya, at siya’y pawawalan.

23 Datapuwa’t pinipilit nilang hingin sa malalakas na tinig, na siya’y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.

24 At hinatulan ni Pilato na gawin ang kanilang hinihingi,

25 At pinawalan niya yaong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, na siyang kanilang hiningi; datapuwa’t ibinigay si Jesus sa kalooban nila.

26 At nang siya’y kanilang dalhin ay kanilang pinigil ang isang Simong taga Cirene, na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kaniya ang krus, upang dalhin sa likuran ni Jesus.

27 At siya’y sinusundan ng isang makapal na karamihan sa bayan, at ng mga babaing nagiiyakan at nananambitan dahil sa kaniya.

28 Datapuwa’t paglingon sa kanila ni Jesus ay sinabi, Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong sarili, at ang inyong mga anak.

29 Sapagka’t narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyang kailan ma’y hindi nangagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailan man ay hindi nangagpapasuso.

30 Kung magkagayon ay magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, mangahulog kayo sa ibabaw namin; at sa mga burol, Takpan ninyo kami.

31 Sapagka’t kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punong kahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?

32 At dinala rin naman na kasama niya, ang dalawang tampalasan, upang patayin.

33 At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang ipinako roon siya sa krus, at ang mga tampalasan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

34 At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan.

35 At nakatayong nanonood ang bayan. At tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Cristo ng Dios, ang hinirang niya.

36 At nililibak rin naman siya ng mga kawal, na nagsisilapit sa kaniya, na dinudulutan siya ng suka,

37 At sinabi, Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.

38 At mayroon naman sa itaas niya na isang pamagat, ITO’Y ANG HARI NG MGA JUDIO.

39 At siya’y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? iligtas mo ang iyong sarili at kami.

40 Datapuwa’t sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya’y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan?

41 At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka’t tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa’t ang taong ito’y hindi gumagawa ng anomang masama.

42 At sinabi niya, Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.

43 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.

44 At nang may oras na ikaanim na, ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa, hanggang sa oras na ikasiyam,

45 At nagdilim ang araw: at nahapak sa gitna ang tabing ng templo.

46 At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.

47 At nang makita ng senturion ang nangyari, ay niluwalhati niya ang Dios na nagsasabi, Tunay na ito’y isang taong matuwid.

48 At ang lahat ng mga karamihang nangagkatipon sa panonood nito, pagkakita nila sa mga bagay na nangyari ay nangagsiuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.

49 At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kaniya’y nagsisunod buhat sa Galilea, at nangasa malayo na pinagmamasdan ang mga bagay na ito.

50 At narito ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasangguni, isang lalaking mabuti at matuwid:

51 (Siya’y hindi umayon sa kanilang payo at gawa), isang lalaking taga Arimatea, bayan ng mga Judio, na naghihintay ng kaharian ng Dios;

52 Ang taong ito’y naparoon kay Pilato: at hiningi ang bangkay ni Jesus.

53 At ito’y ibinababa niya, at binalot ng isang kayong lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo’y wala pang nalilibing.

54 At noo’y araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang sabbath.

55 At ang mga babae, na nagsisama sa kaniya mula sa Galilea, ay nagsisunod, at tiningnan ang libingan, at kung paano ang pagkalagay ng kaniyang bangkay.

56 At sila’y nagsiuwi, at nangaghanda ng mga pabango at mga unguento. At nang araw ng sabbath sila’y nangagpahinga ayon sa utos.

Lucas 24

1 Datapuwa’t nang unang araw ng sanglinggo pagkaumagang-umaga, ay nagsiparoon sila sa libingan, na may dalang mga pabango na kanilang inihanda.

2 At nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.

3 At sila’y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.

4 At nangyari, na samantalang sila’y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit:

5 At nang sila’y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa ay sinabi nila sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?

6 Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya’y nasa Galilea pa,

7 Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.

8 At naalaala nila ang kaniyang mga salita,

9 At nagsibalik mula sa libingan, at ibinalita ang lahat ng mga bagay na ito sa labingisa, at sa lahat ng mga iba pa.

10 Sila nga’y si Maria Magdalena, si Juana, at si Mariang ina ni Santiago: at iba pang mga babaing kasama nila ang nangagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol.

11 At ang mga salitang ito’y inakala nilang walang kabuluhan; at hindi nila pinaniwalaan.

12 Datapuwa’t nagtindig si Pedro, at tumakbo sa libingan; at nang siya’y tumungo pagtingin niya sa loob, ay nakita niya ang mga kayong lino na nangasa isang tabi; at umuwi siya sa kaniyang bahay na nanggigilalas sa nangyaring yaon.

13 At narito, dalawa sa kanila ay naparoroon nang araw ding yaon sa isang nayong ngala’y Emaus, na may anim na pung estadio ang layo sa Jerusalem.

14 At kanilang pinaguusapan ang lahat ng mga bagay na nangyari.

15 At nangyari, na samantalang sila’y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila.

16 Datapuwa’t sa mga mata nila’y may nakatatakip upang siya’y huwag nilang makilala.

17 At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila’y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha.

18 At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga’y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo’y nangyari nang mga araw na ito?

19 At sinabi niya sa kanila, Anong mga bagay? At sinabi nila sa kaniya, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan:

20 At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya’y ipako sa krus.

21 Datapuwa’t hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel. Oo at bukod sa lahat ng mga ito ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod sa rito iba sa mga babaing kasamahan namin na nagsiparoong maaga sa libingan, ay nakapagtaka sa amin;

23 At nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila nama’y nakakita ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya’y buhay.

24 At nagsiparoon sa libingan ang ilang kasama namin, at nasumpungan nila alinsunod sa sinabi ng mga babae: datapuwa’t siya’y hindi nila nakita.

25 At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta!

26 Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.

28 At sila’y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo.

29 At siya’y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka’t gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 At nangyari, nang siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.

31 At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya’y nakilala nila; at siya’y nawala sa kanilang mga paningin.

32 At sila-sila’y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?

33 At sila’y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at ang kanilang mga kasama.

34 Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon,

35 At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya’y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.

36 At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila’y nagsabi, Kapayapaa’y suma inyo.

37 Datapuwa’t sila’y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo’y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.

40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.

41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?

42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.

43 At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.

44 At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako’y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.

45 Nang magkagayo’y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;

46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;

47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.

48 Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa’t magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.

50 At kaniyang dinala sila sa labas hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila’y binasbasan.

51 At nangyari, na samantalang sila’y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.

52 At siya’y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem na may malaking galak:

53 At palaging sila’y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.

Marcos 1

1 Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.

2 Ayon sa pagkasulat kay Isaias na propeta, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan;

3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas;

4 Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

5 At nilalabas siya ng buong lupain ng Judea, at nilang lahat na mga taga Jerusalem; at sila’y binabautismuhan niya sa ilog ng Jordan, na nangagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

6 At si Juan ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.

7 At siya’y nangangaral, na nagsasabi, Sumusunod sa hulihan ko ang lalong makapangyarihan kay sa akin; hindi ako karapatdapat yumukod at kumalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak.

8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig; datapuwa’t kayo’y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.

9 At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya’y binautismuhan ni Juan sa Jordan.

10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya:

11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.

12 At pagdaka’y itinaboy siya ng Espiritu sa ilang.

13 At siya’y nasa ilang na apat na pung araw na tinutukso ni Satanas; at kasama siya ng mga ganid; at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

14 Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral ang evangelio ng Dios,

15 At sinasabi, Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Dios: kayo’y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio.

16 At pagdaraan sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita niya si Simon at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat; sapagka’t sila’y mga mamamalakaya.

17 At sinabi sa kanila ni Jesus, Magsisunod kayo sa aking hulihan, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

18 At pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

19 At paglakad sa dako pa roon ng kaunti, ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, na sila rin naman ay nangasa daong na hinahayuma ang mga lambat.

20 At pagdaka’y kaniyang tinawag sila: at kanilang iniwan sa daong ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ng mga aliping upahan, at nagsisunod sa kaniya.

21 At nagsipasok sila sa Capernaum; at pagdaka’y pumasok siya sa sinagoga nang araw ng sabbath at nagtuturo.

22 At nangagtaka sila sa kaniyang aral: sapagka’t sila’y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng mga eskriba.

23 At pagdaka’y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya’y sumigaw,

24 Na nagsasabi, Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami’y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios.

25 At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.

26 At ang karumaldumal na espiritu, nang mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya.

27 At silang lahat ay nangagtaka, ano pa’t sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya’y tinatalima nila.

28 At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea.

29 At paglabas nila sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan.

30 Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka’y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya:

31 At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya’y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya’y naglingkod sa kanila.

32 At nang kinagabihan, paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio.

33 At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan.

34 At nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka’t siya’y kanilang kilala.

35 At nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo’y nanalangin.

36 At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya;

37 At siya’y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat.

38 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako’y makapangaral din naman doon; sapagka’t sa ganitong dahilan ako’y naparito.

39 At siya’y pumasok sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio.

40 At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya’y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.

41 At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya’y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka.

42 At pagdaka’y nawalan siya ng ketong, at siya’y nalinis.

43 At siya’y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka,

44 At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.

45 Datapuwa’t siya’y umalis, at pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa’t hindi na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.

Marcos 2

1 At nang siya’y pumasok uli sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, ay nahayag na siya’y nasa bahay.

2 At maraming nagkatipon, ano pa’t hindi na magkasiya, kahit sa pintuan man: at sa kanila’y sinaysay niya ang salita.

3 At sila’y nagsidating, na may dalang isang lalaking lumpo sa kaniya, na usong ng apat.

4 At nang hindi sila mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan, ay kanilang binakbak ang bubungan ng kaniyang kinaroroonan: at nang yao’y kanilang masira, ay inihugos nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.

5 At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.

6 Nguni’t mayroon doong nangakaupong ilan sa mga eskriba, at nangagbubulaybulay sa kanilang mga puso,

7 Bakit nagsasalita ang taong ito ng ganito? siya’y namumusong: sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi isa, ang Dios lamang?

8 At pagkaunawa ni Jesus, sa kaniyang espiritu na sila’y nangagbubulaybulay sa kanilang sarili, pagdaka’y sinabi sa kanila, Bakit binubulaybulay ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga puso?

9 Alin baga ang lalong magaang sabihin sa lumpo, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?

10 Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo),

11 Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.

12 At nagtindig siya, at pagdaka’y binuhat ang higaan, at yumaon sa harap nilang lahat; ano pa’t nangagtaka silang lahat, at niluwalhati nila ang Dios, na nangagsabi, Kailan ma’y hindi tayo nakakita ng ganito.

13 At muling lumabas at naparoon siya sa tabi ng dagat; at lumapit sa kaniya ang buong karamihan, at sila’y kaniyang tinuruan.

14 At sa kaniyang pagdaraan, ay nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At nagtindig siya at sumunod sa kaniya.

15 At nangyari, na siya’y nakaupo sa pagkain sa kaniyang bahay, at maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad: sapagka’t sila’y marami, at sila’y nagsisunod sa kaniya.

16 At nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo, na siya’y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, ay nagsipagsabi sa kaniyang mga alagad, Ano ito na siya’y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?

17 At nang ito’y marinig ni Jesus, ay sinabi niya sa kanila, Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit: hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.

18 At nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo: at sila’y nagsilapit at sinabi sa kaniya, Bakit nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, datapuwa’t hindi nangagaayuno ang iyong mga alagad?

19 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila? samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila, ay hindi sila mangakapagaayuno.

20 Datapuwa’t darating ang mga araw, na aalisin sa kanila ang kasintahang-lalake, at kung magkagayo’y mangagaayuno sila sa araw na yaon.

21 Walang taong nagtatagpi ng matibay na kayo sa damit na luma: sa ibang paraan ang itinagpi ay binabatak ang tinagpian, sa makatuwid baga’y ang bago sa luma, at lalong lumalala ang punit.

22 At walang taong nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma; sa ibang paraan ay pinupunit ng alak ang mga balat at nabububo ang alak at nasisira ang mga balat: kundi ang alak na bago ay isinisilid sa mga bagong balat.

23 At nangyari, na nagdaraan siya sa mga bukiran ng trigo nang araw ng sabbath; at ang mga alagad niya, samantalang nagsisilakad, ay nagpasimulang nagsikitil ng mga uhay.

24 At sinabi sa kaniya ng mga Fariseo, Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng sabbath ang hindi matuwid?

25 At sinabi niya sa kanila, Kailan man baga’y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya’y mangailangan, at magutom, siya, at ang kaniyang mga kasamahan?

26 Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Dios nang panahon ng dakilang saserdoteng si Abiatar, at kumain siya ng tinapay na itinalaga, na hindi matuwid kanin maliban na sa mga saserdote lamang, at binigyan pa rin niya ang kaniyang mga kasamahan?

27 At sinabi niya sa kanila, Ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath:

28 Kaya’t ang Anak ng tao ay panginoon din naman ng sabbath.

Marcos 3

1 At siya’y muling pumasok sa sinagoga; at doo’y may isang lalake na tuyo ang kaniyang kamay.

2 At siya’y inaabangan nila kung pagagalingin siya sa araw ng sabbath; upang siya’y maisakdal nila.

3 At sinabi sa lalaking tuyo ang kamay, Magtindig ka.

4 At sinabi niya sa kanila, Katuwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng sabbath, o ang gumawa ng masama? magligtas ng isang buhay, o pumatay? Datapuwa’t sila’y hindi nagsiimik.

5 At nang siya’y lumingap sa kanila sa palibotlibot na may galit, sapagka’t ikinalungkot niya ang katigasan ng kanilang puso, ay sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya: at gumaling ang kaniyang kamay.

6 At nagsilabas ang mga Fariseo, at pagdaka’y nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kaniya, kung paanong siya’y maipapupuksa nila.

7 At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea,

8 At mula sa Jerusalem, at mula sa Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya.

9 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya’y kanilang siksikin:

10 Sapagka’t siya’y nakapagpagaling sa marami; ano pa’t sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya’y mahipo nila.

11 At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios.

12 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit na siya’y huwag nilang ihayag.

13 At siya’y umahon sa bundok, at tinawag niya ang balang kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa kaniya.

14 At naghalal siya ng labingdalawa, upang sila’y makisama sa kaniya, at upang sila’y suguin niyang magsipangaral,

15 At magkaroon ng kapamahalaang magpalayas ng mga demonio:

16 At si Simon ay kaniyang pinamagatang Pedro;

17 At si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago; at sila’y pinamagatan niyang Boanerges, na sa makatuwid baga’y mga Anak ng kulog:

18 At si Andres, at si Felipe, at si Bartolome, at si Mateo, at si Tomas, at si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo, at si Simon ang Cananeo,

19 At si Judas Iscariote, na siya ring nagkanulo sa kaniya. At pumasok siya sa isang bahay.

20 At muling nagkatipon ang karamihan, ano pa’t sila’y hindi man lamang makakain ng tinapay.

21 At nang mabalitaan yaon ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya’y hulihin: sapagka’t kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait.

22 At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

23 At sila’y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas?

24 At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon.

25 At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon.

26 At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas.

27 Datapuwa’t walang makapapasok sa bahay ng malakas na tao, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo’y masasamsaman ang kaniyang bahay.

28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ipatatawad ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa mga anak ng mga tao, at ang mga kapusungan nila kailan ma’t sila’y mangagsasalita ng kapusungan:

29 Datapuwa’t sinomang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailan man, kundi may kasalanan ng isang kasalanang walang hanggan:

30 Sapagka’t sinabi nila, Siya’y may isang karumaldumal na espiritu.

31 At dumating nga ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid; at, palibhasa’y nangakatayo sila sa labas, ay nangagpasugo sila sa kaniya, na siya’y tinatawag.

32 At nangakaupo ang isang karamihan sa palibot niya; at sinabi nila sa kaniya, Narito, nangasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka.

33 At sinagot niya sila, at sinabi, Sino ang aking ina at aking mga kapatid?

34 At paglingap niya sa nangakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, Narito, ang aking ina at aking mga kapatid!

35 Sapagka’t sinomang gumaganap ng kalooban ng Dios, ito’y ang aking kapatid na lalake, at aking kapatid na babae, at ina.

Marcos 4

1 At siya’y muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagpipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa’t siya’y lumulan sa isang daong, at siya’y naupo sa dagat; at ang buong karamihan ay nasa lupa sa tabi ng dagat.

2 At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa mga talinghaga, at sinabi sa kanila sa kaniyang pagtuturo,

3 Pakinggan ninyo: Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik:

4 At nangyari, sa kaniyang paghahasik, na ang ilang binhi ay nangahulog sa tabi ng daan, at nagsidating ang mga ibon at kinain ito.

5 At ang mga iba’y nangahulog sa batuhan, na doo’y walang maraming lupa; at pagdaka’y sumibol, sapagka’t hindi malalim ang lupa:

6 At nang sumikat ang araw, ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.

7 At ang mga iba’y nangahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga pananim, at ito’y hindi nangamunga.

8 At ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at nangamunga, na nagsitaas at nagsilago; at may namunga ng tigtatatlongpu, at tiganim na pu, at tigisang daan.

9 At sinabi niya, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.

10 At nang siya’y magisa na, ang nangasa palibot niya na kasama ang labingdalawa ay nangagtanong sa kaniya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa’t sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga:

12 Upang kung magsitingin sila’y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila’y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila’y mangagbalikloob, at patawarin sila.

13 At sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nalalaman ang talinghagang ito? at paanong malalaman ninyo ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 At ang mga ito’y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka’y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila.

16 At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka’y nagsisitanggap na may galak;

17 At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya’t pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka’y nangatisod sila.

18 At ang mga iba’y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito’y yaong nangakinig ng salita,

19 At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito’y nagiging walang bunga.

20 At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.

21 At sinabi niya sa kanila, Dinadala baga ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi baga upang ilagay sa talagang lalagayan ng ilaw?

22 Sapagka’t walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao’y upang mapasa liwanag.

23 Kung ang sinoman ay may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.

24 At sinabi niya sa kanila, Ingatan ninyo kung ano ang inyong pinakikinggan: sa panukat na inyong isinusukat ay kayo’y susukatin; at higit pa ang sa inyo’y ibibigay.

25 Sapagka’t ang mayroon, ay bibigyan pa; at ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya.

26 At sinabi niya, Ganyan ang kaharian ng Dios, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa;

27 At natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano.

28 Sa kaniyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una’y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.

29 Datapuwa’t pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit agad ang panggapas, sapagka’t dumating na ang pagaani.

30 At kaniyang sinabi, Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Dios? o sa anong talinghaga isasaysay natin ito?

31 Ito’y tulad sa butil ng binhi ng mostasa, na pagkahasik sa lupa, bagama’t siyang lalong pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nangasa lupa,

32 Gayon ma’y pagkatanim, ay tumataas, at lumalaki ng higit kay sa lahat ng mga gulay, at nagsasanga ng malalabay; ano pa’t ang mga ibon sa langit ay mangakasisilong sa kaniyang lilim.

33 At sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ay sinasaysay niya sa kanila ang salita, ayon sa makakaya ng kanilang pakinig;

34 At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa’t sa kaniyang sariling mga alagad ay bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay.

35 At nang araw ding yaon, nang gabi na, ay sinabi niya sa kanila, Tumawid tayo sa kabilang ibayo.

36 At pagkaiwan sa karamihan, ay kanilang dinala siya sa daong, ayon sa kaniyang kalagayan. At mayroon siyang kasamang ibang mga daong.

37 At nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa’t ang daong ay halos natitigib.

38 At siya’y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya’y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?

39 At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon,

40 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?

41 At sila’y nangatakot na lubha, at sila-sila’y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?