Marcos 15

1 At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato.

2 At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi.

3 At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote.

4 At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo.

5 Datapuwa’t si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa’t nanggilalas si Pilato.

6 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya.

7 At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik.

8 At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila’y gawin ang gaya ng sa kanila’y laging ginagawa.

9 At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

10 Sapagka’t natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote.

11 Datapuwa’t inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila.

12 At sumagot na muli si Pilato at sa kanila’y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio?

13 At sila’y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus.

14 At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa’t sila’y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus.

15 At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya’y mahampas niya, upang siya’y ipako sa krus.

16 At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong.

17 At siya’y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya.

18 At nagpasimula silang siya’y batiin, Aba, Hari ng mga Judio!

19 At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya’y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya’y sinamba.

20 At nang siya’y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya’y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus.

21 At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.

22 At siya’y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo.

23 At siya’y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa’t hindi niya tinanggap.

24 At siya’y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa’t isa.

25 At ikatlo na ang oras, at siya’y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO.

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa.

28 At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya’y ibinilang sa mga suwail.

29 At siya’y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo,

30 Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus.

31 Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya’y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako.

33 At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam.

34 At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?

35 At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias.

36 At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya’y ibaba.

37 At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga.

38 At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba.

39 At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios.

40 At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao’y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome;

41 Na, nang siya’y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya’y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem.

42 At nang kinahapunan, sapagka’t noo’y Paghahanda, sa makatuwid baga’y ang araw na nauuna sa sabbath,

43 Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus.

44 At nanggilalas si Pilato kung siya’y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay.

45 At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.

46 At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan.

47 At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.

Marcos 16

1 At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila’y magsiparoon at siya’y pahiran.

2 At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.

3 At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?

4 At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka’t yao’y totoong malaki.

5 At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila’y nangagitla.

6 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya’y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!

7 Datapuwa’t magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya’y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.

8 At sila’y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka’t sila’y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka’t sila’y nangatatakot.

9 Nang siya nga’y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya’y pitong demonio ang pinalabas niya.

10 Siya’y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila’y nangahahapis at nagsisitangis.

11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya’y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.

12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila’y nangaglalakad na patungo sa bukid.

13 At sila’y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila’y hindi rin sila nagsipaniwala.

14 At pagkatapos siya’y napakita sa labingisa samantalang sila’y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka’t hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya’y magbangon.

15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;

18 Sila’y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila’y magsisigaling.

19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila’y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.

20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.

Mateo 1

1 Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

2 Naging anak ni Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid;

3 At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram;

4 At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon;

5 At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse.

6 At naging anak ni Jesse ang haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias;

7 At naging anak ni Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa;

8 At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias;

9 At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias;

10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias;

11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng pagkadalang-bihag sa Babilonia.

12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel;

13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor;

14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud;

15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;

16 At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo.

17 Sa makatuwid ang lahat ng mga salit-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na salit-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali’t-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali’t-saling lahi.

18 Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya’y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa’y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

20 Datapuwa’t samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

21 At siya’y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y JESUS; sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

23 Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.

24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa;

25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.

Mateo 2

1 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,

2 Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin.

3 Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.

4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.

5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka’t ganito ang pagkasulat ng propeta,

6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka’t mula sa iyo’y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.

7 Nang magkagayo’y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.

8 At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo’y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama’y makaparoon at siya’y aking sambahin.

9 At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.

10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.

11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto at kamangyan at mira.

12 At palibhasa’y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka’t hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya’y puksain.

14 At siya’y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;

15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.

16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya’y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.

17 Nang magkagayo’y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi,

18 Isang tinig ay narinig sa Rama, Pananangis at kalagimlagim na iyak, Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak; At ayaw na siyang maaliw, sapagka’t sila’y wala na.

19 Nguni’t pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,

20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagka’t nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.

21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.

22 Datapuwa’t nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa’y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng Galilea,

23 At siya’y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya’y tatawaging Nazareno.

Mateo 3

1 At nang mga araw na yaon ay dumating si Juan Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,

2 Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.

3 Sapagka’t ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

4 Si Juan nga ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.

5 Nang magkagayo’y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;

6 At sila’y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.

7 Datapuwa’t nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo’y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating?

8 Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi:

9 At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.

10 At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa’t punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.

11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi: datapuwa’t ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: siya ang sa inyo’y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy:

12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, datapuwa’t ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay.

13 Nang magkagayo’y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya’y bautismuhan niya.

14 Datapuwa’t ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako’y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?

15 Nguni’t pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo’y pinayagan niya siya.

16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;

17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.

Mateo 4

1 Nang magkagayo’y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang siya’y tuksuhin ng diablo.

2 At nang siya’y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya.

3 At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.

4 Datapuwa’t siya’y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios.

5 Nang magkagayo’y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo,

6 At sa kaniya’y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka’t nasusulat, Siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

7 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

8 Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila;

9 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.

10 Nang magkagayo’y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka’t nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.

11 Nang magkagayo’y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya’y pinaglingkuran.

12 Nang marinig nga niya na si Juan ay dinakip, ay umuwi siya sa Galilea;

13 At pagkaiwan sa Nazaret, ay naparoon siya at tumahan sa Capernaum, na nasa tabi ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali:

14 Upang maganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias na nagsasabi,

15 Ang lupa ni Zabulon at ang lupa ni Neftali, Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan, Galilea ng mga Gentil,

16 Ang bayang nalulugmok sa kadiliman, ay Nakakita ng dakilang ilaw, At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, ay Lumiwanag sa kanila ang ilaw.

17 Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.

18 At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka’t sila’y mga mamamalakaya.

19 At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

20 At pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

21 At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila’y kaniyang tinawag.

22 At pagdaka’y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya.

23 At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

24 At lumaganap ang pagkabantog niya sa buong Siria: at kanilang dinadala sa kaniya ang lahat ng mga may karamdaman, at ang mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at ang mga inaalihan ng mga demonio, at ang mga himatayin, at ang mga lumpo: at sila’y pinagagaling niya.

25 At sinundan siya ng lubhang karamihang tao mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa dakong ibayo ng Jordan.

Mateo 5

1 At pagkakita sa mga karamihan, ay umahon siya sa bundok: at pagkaupo niya, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad:

2 At binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi,

3 Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.

4 Mapapalad ang nangahahapis: sapagka’t sila’y aaliwin.

5 Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.

6 Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin.

7 Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka’t sila’y kahahabagan.

8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios.

9 Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka’t sila’y tatawaging mga anak ng Dios.

10 Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.

11 Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.

12 Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.

13 Kayo ang asin ng lupa: nguni’t kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.

14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.

15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.

16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.

17 Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.

18 Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

19 Kaya’t ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa’t ang sinomang gumanap at ituro, ito’y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

20 Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

21 Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan:

22 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.

23 Kaya’t kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo’y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo,

24 Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.

25 Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan.

26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.

27 Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya:

28 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.

29 At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka’t may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno.

30 At kung ang kanan mong kamay ay nakapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: sapagka’t may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mapasa impierno.

31 Sinabi rin naman, Ang sinomang lalake na ihiwalay na ang kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay:

32 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya’y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.

33 Bukod sa rito’y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo sa Panginoon ang iyong mga sumpa:

34 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong ipanumpa ang anoman; kahit ang langit, sapagka’t siyang luklukan ng Dios;

35 Kahit ang lupa, sapagka’t siyang tungtungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagka’t siyang bayan ng dakilang Hari.

36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipanumpa, sapagka’t hindi ka makagagawa ng isang buhok na maputi o maitim.

37 Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama.

38 Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:

39 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.

40 At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.

41 At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang sa iyo’y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo’y nangungutang.

43 Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway:

44 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig;

45 Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka’t pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.

46 Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?

48 Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.

Mateo 6

1 Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.

2 Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila’y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

3 Datapuwa’t pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:

4 Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

5 At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka’t iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila’y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

6 Datapuwa’t ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

7 At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka’t iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

8 Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka’t talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.

9 Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.

12 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

13 At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka’t iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

14 Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan.

15 Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.

16 Bukod dito, pagka kayo’y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka’t kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila’y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

17 Datapuwa’t ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha;

18 Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka.

19 Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

20 Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

21 Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.

22 Ang ilawan ng katawan ay ang mata: kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag.

23 Datapuwa’t kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman. Kaya’t kung ang ilaw na sumasa iyo ay kadiliman, gaano kaya kalaki ang kadiliman!

24 Sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka’t kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya’y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

25 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit?

26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila’y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?

27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man:

29 Gayon ma’y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

30 Nguni’t kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?

32 Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 Kaya’t huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka’t ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.

Mateo 7

1 Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.

2 Sapagka’t sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

3 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni’t hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

4 O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata?

5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.

6 Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo’y lapain.

7 Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan:

8 Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

9 O anong tao sa inyo, ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;

10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?

11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka’t ito ang sa kautusan at ang mga propeta.

13 Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok.

14 Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.

16 Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?

17 Gayon din naman ang bawa’t mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa’t ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama.

18 Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti.

19 Bawa’t punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

20 Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.

21 Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

23 At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

24 Kaya’t ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:

25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka’t natatayo sa ibabaw ng bato.

26 At ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:

27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.

28 At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral:

29 Sapagka’t sila’y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.

Mateo 8

1 At nang siya’y bumaba mula sa bundok, ay sinundan siya ng lubhang maraming tao.

2 At narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya’y sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.

3 At iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya’y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka’y nalinis ang kaniyang ketong.

4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ingatan mong huwag sabihin kanino man; kundi humayo ka, pakita ka sa saserdote, at ihandog mo ang alay na ipinagutos ni Moises, na bilang patotoo sa kanila.

5 At pagpasok niya sa Capernaum, ay lumapit sa kaniya ang isang senturion, na sa kaniya’y namanhik,

6 At nagsasabi, Panginoon, ang aking alila ay nararatay sa bahay, lumpo, at lubhang nahihirapan.

7 At sinabi niya sa kaniya, Paroroon ako, at siya’y aking pagagalingin.

8 At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa’t sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila.

9 Sapagka’t ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya’y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya’y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.

10 At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.

11 At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit:

12 Datapuwa’t ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

13 At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo’y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon.

14 At nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat.

15 At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya’y nagbangon, at naglingkod sa kaniya.

16 At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit:

17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman.

18 Nang makita nga ni Jesus ang lubhang maraming tao sa palibot niya, ay ipinagutos niyang tumawid sa kabilang ibayo.

19 At lumapit ang isang eskriba, at sa kaniya’y nagsabi, Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.

20 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.

21 At ang isa naman sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.

22 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Jesus, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay.

23 At pagkalulan niya sa isang daong, ay sinundan siya ng kaniyang mga alagad.

24 At narito, bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa’t inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa’t siya’y natutulog.

25 At nagsilapit sila sa kaniya, at siya’y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami’y mangamamatay.

26 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo’y nangatatakot, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya? Nang magkagayo’y nagbangon siya, at sinaway ang mga hangin at ang dagat; at humusay na totoo ang panahon.

27 At ang mga tao ay nangagtaka, na sinasabi, Anong tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya?

28 At nang siya’y makarating sa kabilang ibayo sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonio na nagsisilabas sa mga libingan, na totoong mababangis, na ano pa’t sinoma’y walang makapagdaan sa daang yaon.

29 At narito, sila’y nagsisigaw, na nangagsasabi, Anong aming ipakikialam sa iyo, ikaw na Anak ng Dios? naparito ka baga upang kami’y iyong pahirapan bago dumating ang kapanahunan?

30 Sa malayo sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain.

31 At namanhik sa kaniya ang mga demonio, na nangagsasabi, Kung kami’y palalayasin mo, ay paparoonin mo kami sa kawan ng mga baboy.

32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo. At sila’y nagsilabas, at nagsipasok sa mga baboy: at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay nangapadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, at nangamatay sa tubig.

33 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at nagsitungo sa bayan, at sinabi ang lahat ng mga nangyari, at ang kinahinatnan ng mga inalihan ng mga demonio.

34 At narito, lumabas ang buong bayan upang sumalubong kay Jesus: at pagkakita nila sa kaniya, ay pinamanhikan siyang umalis sa kanilang mga hangganan.