Mateo 9

1 At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan.

2 At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.

3 At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito’y namumusong.

4 At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?

5 Sapagka’t alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?

6 Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao’y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.

7 At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.

8 Datapuwa’t nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

9 At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi’y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya’y nagtindig, at sumunod sa kaniya.

10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.

11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?

12 Datapuwa’t nang ito’y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

13 Datapuwa’t magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka’t hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.

14 Nang magkagayo’y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa’t hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?

15 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa’t darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo’y mangagaayuno sila.

16 At sinoma’y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka’t ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.

17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.

18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya’y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa’t halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya’y mabubuhay.

19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.

20 At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit:

21 Sapagka’t sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.

22 Datapuwa’t paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.

23 At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,

24 Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka’t hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.

25 Datapuwa’t nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.

26 At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.

27 At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

28 At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.

29 Nang magkagayo’y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.

30 At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma’y huwag makaalam nito.

31 Datapuwa’t sila’y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.

32 At samantalang sila’y nagsisialis, narito, sa kaniya’y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonio.

33 At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma’y hindi nakita sa Israel ang ganito.

34 Datapuwa’t sinabi ng mga Fariseo, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

35 At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

36 Datapuwa’t nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag siya sa kanila, sapagka’t pawang nangahahapis at nangangalat, na gaya ng mga tupa na walang pastor.

37 Nang magkagayo’y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Katotohana’y ang aanihin ay marami, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa.

38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.

Mateo 10

1 At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang labingdalawang alagad, at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu, upang mapalabas nila, at upang kanilang mapagaling ang lahat ng sarisaring sakit at ang lahat ng sarisaring karamdaman.

2 Ang mga pangalan nga ng labingdalawang apostol ay ito: Ang una’y si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan;

3 Si Felipe, at si Bartolome; si Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo;

4 Si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na siya ring sa kaniya’y nagkanulo.

5 Ang labingdalawang ito’y sinugo ni Jesus, at sila’y pinagbilinan, na sinasabi, Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Gentil, at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria:

6 Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.

7 At samantalang kayo’y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.

8 Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.

9 Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso sa inyong mga supot:

10 Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika, kahit mga pangyapak, o tungkod: sapagka’t ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang pagkain.

11 At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat; at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo’y magsialis.

12 At pagpasok ninyo sa bahay, ay batiin ninyo ito.

13 At kung karapatdapat ang bahay, ay dumoon ang inyong kapayapaan: datapuwa’t kung hindi karapatdapat, ay mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.

14 At sinomang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pagalis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.

15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon.

16 Narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati.

17 Datapuwa’t mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagka’t kayo’y ibibigay nila sa mga Sanedrin at kayo’y hahampasin sa kanilang mga sinagoga;

18 Oo at kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Gentil.

19 Datapuwa’t pagka kayo’y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin: sapagka’t sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin.

20 Sapagka’t hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo’y magsasalita.

21 At ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak: at mangaghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at sila’y ipapapatay.

22 At kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.

23 Datapuwa’t pagka kayo’y pinagusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan: sapagka’t sa katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao.

24 Hindi mataas ang alagad sa kaniyang guro, ni hindi rin mataas ang alila sa kaniyang panginoon.

25 Sukat na sa alagad ang maging katulad ng kaniyang guro, at sa alila ang maging katulad ng kaniyang panginoon. Kung pinanganlan nilang Beelzebub ang panginoon ng sangbahayan, gaano pa kaya ang mga kasangbahay niya!

26 Huwag nga ninyo silang katakutan: sapagka’t walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag; at natatago na hindi malalaman.

27 Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.

28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.

29 Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila’y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama:

30 Datapuwa’t maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.

31 Huwag nga kayong mangatakot: kayo’y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

32 Kaya’t ang bawa’t kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

33 Datapuwa’t sinomang sa aki’y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

34 Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

35 Sapagka’t ako’y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae:

36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

37 Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

38 At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.

39 Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.

40 Ang tumatanggap sa inyo ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid.

42 At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.

Mateo 11

1 At nangyari, na nang matapos nang masabi ni Jesus ang kaniyang mga utos sa kaniyang labingdalawang alagad, ay umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila.

2 Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

3 At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

4 At sumagot si Jesus at sa kanila’y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita:

5 Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.

6 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.

7 At samantalang ang mga ito’y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin?

8 Datapuwa’t ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari.

9 Datapuwa’t ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta.

10 Ito yaong tungkol sa kaniya’y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.

11 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya.

12 At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.

13 Sapagka’t ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula.

14 At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya’y si Elias na paririto.

15 Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.

16 Datapuwa’t sa ano ko itutulad ang lahing ito? Tulad sa mga batang nangakaupo sa mga pamilihan, na sinisigawan ang kanilang mga kasama.

17 At sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisisayaw; nagsipanambitan kami, at hindi kayo nangahapis.

18 Sapagka’t naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya’y mayroong demonio.

19 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, Narito, ang isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay inaaring-ganap ng kaniyang mga gawa.

20 Nang magkagayo’y kaniyang pinasimulang sumbatan ang mga bayan na pinaggagawan niya ng lalong marami sa kaniyang mga gawang makapangyarihan, sapagka’t hindi sila nangagsisi.

21 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Bethsaida! sapagka’t kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihan na ginawa sa inyo, malaon na dising nangagsisi na may mga damit na magaspang at abo.

22 Nguni’t sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom, kay sa inyo.

23 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka baga hanggang sa langit? ibababa ka hanggang sa Hades: sapagka’t kung sa Sodoma sana ginawa ang mga makapangyarihang gawang sa iyo’y ginawa, ay nanatili sana siya hanggang sa araw na ito.

24 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma sa araw ng paghuhukom, kay sa iyo.

25 Nang panahong yaon ay sumagot si Jesus at sinabi, Ako’y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol:

26 Oo nga, Ama, sapagka’t gayon ang nakalugod sa iyong paningin.

27 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma’y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma’y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.

28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

30 Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.

Mateo 12

1 Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.

2 Datapuwa’t pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath.

3 Datapuwa’t sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya’y nagutom, at ang mga kasamahan niya;

4 Kung paanong siya’y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang?

5 O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?

6 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo.

7 Datapuwa’t kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.

8 Sapagka’t ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

9 At siya’y umalis doon at pumasok sa sinagoga nila:

10 At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya’y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya’y kanilang maisumbong.

11 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?

12 Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya’t matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.

13 Nang magkagayo’y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa.

14 Datapuwa’t nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya’y maipapupuksa nila.

15 At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya’y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat,

16 At ipinagbilin niya sa kanila, na siya’y huwag nilang ihayag:

17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,

18 Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.

19 Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan.

20 Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom.

21 At aasa sa kaniyang pangalan ang mga Gentil.

22 Nang magkagayo’y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa’t ang pipi ay nagsalita at nakakita.

23 At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David?

24 Datapuwa’t nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito’y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.

25 At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa’t kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa’t bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.

26 At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?

27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila’y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom.

28 Nguni’t kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.

29 O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo’y masasamsaman niya ang kaniyang bahay.

30 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

31 Kaya’t sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa’t ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.

32 At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa’t ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.

33 O pabutihin ninyo ang punong kahoy, at mabuti ang bunga niyaon; o pasamain ninyo ang punong kahoy, at masama ang bunga niyaon: sapagka’t ang punong kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga.

34 Kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo na masasama, ay makapagsasalita ng mabubuting bagay? sapagka’t sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.

35 Ang mabuting tao sa kaniyang mabuting kayamanan ay kumukuha ng mabubuting bagay: at ang masamang tao sa kaniyang masamang kayamanan ay kumukuha ng masasamang bagay.

36 At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.

37 Sapagka’t sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.

38 Nang magkagayo’y nagsisagot sa kaniya ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, na nangagsasabi, Guro, ibig namin makakita ng isang tanda sa iyo.

39 Datapuwa’t siya’y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas:

40 Sapagka’t kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.

41 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagka’t sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.

42 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagka’t siya’y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.

43 Datapuwa’t ang karumaldumal na espiritu, kung siya’y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong.

44 Kung magkagayo’y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan.

45 Kung magkagayo’y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila’y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. Gayon din ang mangyayari sa masamang lahing ito.

46 Samantalang siya’y nagsasalita pa sa mga karamihan, narito, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay nangakatayo sa labas, at ibig nilang siya’y makausap.

47 At may nagsabi sa kaniya, Narito, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nangakatayo sa labas, na ibig nilang makausap ka.

48 Nguni’t siya’y sumagot at sinabi sa nagsabi sa kaniya, Sino ang aking ina? at sino-sino ang aking mga kapatid?

49 At iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Narito, ang aking ina at ang aking mga kapatid!

50 Sapagka’t sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at ina.

Mateo 13

1 Nang araw na yaon ay lumabas si Jesus sa bahay, at naupo sa tabi ng dagat.

2 At nakisama sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa’t lumulan siya sa isang daong, at naupo; at ang buong karamihan ay nangakatayo sa baybayin.

3 At pinagsalitaan niya sila ng maraming mga bagay sa mga talinghaga, na sinasabi, Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik.

4 At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila;

5 At ang mga iba’y nangahulog sa mga batuhan, na doo’y walang sapat na lupa: at pagdaka’y sumibol, sapagka’t hindi malalim ang lupa:

6 At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.

7 At ang mga iba’y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon.

8 At ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila’y tigisang daan, at ang ila’y tigaanim na pu, at ang ila’y tigtatatlongpu.

9 At ang may mga pakinig, ay makinig.

10 At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga?

11 At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo’y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa’t hindi ipinagkaloob sa kanila.

12 Sapagka’t sinomang mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng sagana: nguni’t sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

13 Kaya’t sila’y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka’t nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.

14 At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa’y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa’y hindi ninyo mamamalas:

15 Sapagka’t kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila’y aking pagalingin.

16 Datapuwa’t mapapalad ang inyong mga mata, sapagka’t nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka’t nangakakarinig.

17 Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.

18 Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik.

19 Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito’y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.

20 At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka’y tinatanggap ito ng buong galak;

21 Gayon ma’y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka’y natitisod siya.

22 At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni’t ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao’y nagiging walang bunga.

23 At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila’y tigisang daan, ang ila’y tigaanim na pu, at ang ila’y tigtatatlongpu.

24 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid:

25 Datapuwa’t samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis.

26 Datapuwa’t nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo.

27 At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo?

28 At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga’y magsiparoon at ang mga yao’y pagtipunin?

29 Datapuwa’t sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo.

30 Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.

31 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid:

32 Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa’t nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa’t nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.

33 Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito’y nalebadurahang lahat.

34 Lahat ng mga bagay na ito’y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap:

35 Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga; Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan.

36 Nang magkagayon ay iniwan niya ang mga karamihan, at pumasok sa bahay: at sa kaniya’y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid.

37 At siya’y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao;

38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama;

39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.

40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan.

41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan,

42 At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

43 Kung magkagayo’y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig.

44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka’y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon.

45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas:

46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.

47 Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda:

48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa’t itinapon ang masasama.

49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

50 At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo.

52 At sinabi niya sa kanila, Kaya’t ang bawa’t eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.

53 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, ay umalis siya doon.

54 At pagdating sa kaniyang sariling lupain, ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa’t sila’y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa?

55 Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? at Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kaniyang mga kapatid?

56 At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi baga silang lahat ay nanga sa atin? Saan nga kumuha ang taong ito ng lahat ng ganitong mga bagay?

57 At siya’y kinatisuran nila. Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

58 At siya’y hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.

Mateo 14

1 Nang panahong yao’y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus,

2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito’y si Juan Bautista; siya’y muling nagbangon sa mga patay; kaya’t ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.

3 Sapagka’t hinuli ni Herodes si Juan, at siya’y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid.

4 Sapagka’t sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya.

5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka’t siya’y kanilang ibinibilang na propeta.

6 Datapuwa’t nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes.

7 Dahil dito’y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya’y ibibigay ang anomang hingin niya.

8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

9 At namanglaw ang hari; datapuwa’t dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya;

10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.

11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina.

12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila’y nagsialis at isinaysay kay Jesus.

13 Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan.

14 At siya’y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila’y mga may sakit.

15 At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila’y magsiparoon sa mga nayon, at sila’y mangakabili ng kanilang makakain.

16 Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila’y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain.

17 At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda.

18 At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin.

19 At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila’y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

20 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno.

21 At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata.

22 At pagdaka’y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan.

23 At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya’y nagiisa doon.

24 Datapuwa’t ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka’t pasalungat sa hangin.

25 At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila’y nagsisigaw dahil sa takot.

27 Datapuwa’t pagdaka’y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.

28 At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

29 At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus.

30 Datapuwa’t pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya’y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako.

31 At pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya’y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?

32 At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin.

33 At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios.

34 At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret.

35 At nang siya’y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya’y dinala ang lahat ng mga may sakit;

36 At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.

Mateo 15

1 Nang magkagayo’y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,

2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali’t-saling sabi ng matatanda? sapagka’t hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.

3 At siya’y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo’y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali’t-saling sabi?

4 Sapagka’t sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.

5 Datapuwa’t sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:

6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali’t-saling sabi.

7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,

8 Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa akin.

9 Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.

10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila’y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.

11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.

12 Nang magkagayo’y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya’y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?

13 Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Ang bawa’t halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.

14 Pabayaan ninyo sila: sila’y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.

15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.

16 At sinabi niya, Kayo baga nama’y wala pa ring pagiisip?

17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?

18 Datapuwa’t ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.

19 Sapagka’t sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:

20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa’t ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.

21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.

22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.

23 Datapuwa’t siya’y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya’y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka’t nagsisisigaw siya sa ating hulihan.

24 Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.

25 Datapuwa’t lumapit siya at siya’y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.

26 At siya’y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

27 Datapuwa’t sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka’t ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.

28 Nang magkagayo’y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.

29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.

30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila’y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila’y pinagaling niya:

31 Ano pa’t nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.

32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka’t tatlong araw nang sila’y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila’y paalising nangagaayuno, baka sila’y manganglupaypay sa daan.

33 At sa kaniya’y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.

35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;

36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya’y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.

37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.

38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.

39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.

Mateo 16

1 At nagsilapit ang mga Fariseo at mga Saduceo, na tinutukso siya na sa kaniya’y nagsisihiling na sila’y pagpakitaan ng isang tanda na mula sa langit.

2 Datapuwa’t siya’y sumagot at sa kanila’y sinabi, Sa kinahapunan, ay sinasabi ninyo, Bubuti ang panahon: sapagka’t ang langit ay mapula.

3 At sa umaga, Ngayo’y uunos: sapagka’t mapula at makulimlim ang langit. Kayo’y marurunong magsikilala ng anyo ng langit; datapuwa’t hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon.

4 Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda, kundi ng tanda ni Jonas. At sila’y iniwan niya, at yumaon.

5 At nagsidating ang mga alagad sa kabilang ibayo at nangakalimot na mangagdala ng tinapay.

6 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayo’y mangagingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.

7 At sila’y nangagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nagsasabi, Hindi tayo nangakapagbaon ng tinapay.

8 At nang matalastas ni Jesus ay sinabi, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya, bakit kayo’y nangagbubulaybulay sa inyong sarili, sapagka’t wala kayong tinapay?

9 Hindi pa baga ninyo natatalastas, at hindi ninyo naaalaala ang limang tinapay sa limang libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

10 Ni yaong pitong tinapay sa apat na libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

11 Ano’t hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo’y tungkol sa tinapay? Datapuwa’t kayo’y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

12 Nang magkagayo’y kanilang natalastas na sa kanila’y hindi ipinagutos na sila’y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

13 Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?

14 At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta.

15 Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako?

16 At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.

17 At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.

18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

20 Nang magkagayo’y ipinagbilin niya sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo.

21 Mula ng panahong yao’y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya’y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.

22 At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya’y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.

23 Datapuwa’t lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka’t hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.

24 Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

25 Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.

26 Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?

27 Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa.

28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.

Mateo 17

1 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila’y dinalang bukod sa isang mataas na bundok:

2 At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit.

3 At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya.

4 At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo’y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.

5 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.

6 At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot.

7 At lumapit si Jesus at sila’y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot.

8 At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang.

9 At habang sila’y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay.

10 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?

11 At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay:

12 Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila.

13 Nang magkagayo’y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila’y sinasabi niya.

14 At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya’y lumuhod, at nagsasabi,

15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka’t siya’y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka’t madalas na siya’y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig.

16 At siya’y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling.

17 At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.

18 At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata’y gumaling mula nang oras ding yaon.

19 Nang magkagayo’y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon?

20 At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat; at sa inyo’y hindi may pangyayari.

21 Datapuwa’t ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.

22 At samantalang sila’y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao;

23 At siya’y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya’y muling ibabangon. At sila’y lubhang nangamanglaw,

24 At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo?

25 Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba?

26 At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo’y hindi nangagbabayad ang mga anak.

27 Datapuwa’t, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.

Mateo 18

1 Nang oras na yaon ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nangagsasabi, Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?

2 At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,

3 At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

4 Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

5 At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap:

6 Datapuwa’t sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y ilubog sa kalaliman ng dagat.

7 Sa aba ng sanglibutan dahil sa mga kadahilanan ng pagkatisod! sapagka’t kinakailangang dumating ang mga kadahilanan; datapuwa’t sa aba ng taong yaong panggalingan ng kadahilanan!

8 At kung ang kamay mo o ang paa mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay, kay sa may dalawang kamay o dalawang paa na ibulid ka sa apoy na walang hanggan.

9 At kung ang mata mo ang makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kay sa may dalawang mata na ibulid ka sa apoy ng impierno.

10 Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng aking Ama na nasa langit.

11 Sapagka’t ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala.

12 Ano ang akala ninyo? kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyam na pu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw?

13 At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyam na pu’t siyam na hindi nangaligaw.

14 Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid.

16 Datapuwa’t kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa’t salita.

17 At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.

18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

19 Muling sinasabi ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng aking Ama na nasa langit.

20 Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.

21 Nang magkagayo’y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? hanggang sa makapito?

22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.

23 Kaya’t ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin.

24 At nang siya’y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya’y may utang na sangpung libong talento.

25 Datapuwa’t palibhasa’y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya’y ipagbili, at ang kaniyang asawa’t mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad.

26 Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat.

27 At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang.

28 Datapuwa’t lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya’y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo.

29 Kaya’t nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko.

30 At siya’y ayaw: at yumaon at siya’y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang.

31 Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.

32 Nang magkagayo’y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya’y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka’t ipinamanhik mo sa akin:

33 Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?

34 At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya’y magbayad ng lahat ng utang.

35 Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa’t isa ang kaniyang kapatid.