Malakias 1

1 Ang hula na salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.

2 Inibig ko kayo, sabi ng Panginoon. Gayon ma’y inyong sinasabi, Sa ano mo kami inibig? Hindi baga si Esau ay kapatid ni Jacob? sabi ng Panginoon: gayon ma’y inibig ko si Jacob;

3 Nguni’t si Esau ay aking kinapootan, at ginawa ko ang kaniyang mga bundok na isang kasiraan, at ibinigay ko ang kaniyang mana sa mga chakal sa ilang.

4 Yamang sabi ng Edom, Tayo’y nangabagsak, nguni’t mangagbabalik tayo, at ating itatayo ang mga wasak na dako; ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sila’y mangagtatayo, nguni’t aking ibabagsak; at tatawagin sila ng mga tao, Ang hangganan ng kasamaan, at Ang bayang kinagalitan ng Panginoon magpakailan man.

5 At makikita ng inyong mga mata, at inyong sasabihin, Dakilain ang Panginoon sa dako roon ng hangganan ng Israel.

6 Iginagalang ng anak ang kaniyang ama, at ng alila ang kaniyang panginoon: kung ako nga’y ama, saan nandoon ang aking dangal? at kung ako’y panginoon, saan nandoon ang takot sa akin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, Oh mga saserdote, na nagsisihamak ng aking pangalan. At inyong sinasabi, Sa ano namin hinamak ang iyong pangalan?

7 Kayo’y nangaghahandog ng karumaldumal na hain sa aking dambana. At inyong sinasabi, Sa ano namin nilapastangan ka? Sa inyong sinasabi, ang dulang ng Panginoon ay hamak.

8 At pagka kayo’y nangaghahandog ng bulag na pinakahain, di kasamaan! at pagka kayo’y nangaghahandog ng pilay at may sakit, di kasamaan! Iharap mo nga sa iyong tagapamahala; kalulugdan ka baga niya? o tatanggapin baga niya ang iyong pagkatao? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

9 At ngayo’y isinasamo ko sa inyo, inyong dalanginin ang lingap ng Dios, upang pagbiyayaan niya tayo; ito’y nangyari sa inyong mga paraan: tatanggapin baga niya ang pagkatao ng sinoman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

10 Oh kung mayroon sana sa inyo na magsara ng mga pinto, upang huwag ninyong mangapaningasan ang apoy sa aking dambana ng walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ni tatanggap man ako ng handog sa inyong kamay.

11 Sapagka’t mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa’t dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka’t ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Nguni’t inyong nilapastangan na inyong sinasabi, Ang dulang ng Panginoon ay nadumhan, at ang laman niyaon, sa makatuwid baga’y ang hain doon ay hamak.

13 Inyong sinasabi rin naman, Narito, nakayayamot! at inyong nginusuan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at inyong iniharap ang nakuha sa dahas, at ang pilay, at ang may sakit; ganito ninyo dinadala ang handog: tatanggapin ko baga ito sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.

14 Nguni’t sumpain ang magdaraya na mayroon sa kaniyang kawan na isang lalake, at nananata, at naghahain sa Panginoon ng marungis na bagay; sapagka’t ako’y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kakilakilabot sa gitna ng mga Gentil.

Malakias 2

1 At ngayon, Oh kayong mga saserdote, ang utos na ito’y sa inyo.

2 Kung hindi ninyo didinggin, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso upang bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, magpapasapit nga ako ng sumpa sa inyo, at aking susumpain ang inyong kapalaran; oo, akin na silang sinumpa, sapagka’t hindi ninyo inilagak sa inyong puso.

3 Narito, aking sisirain ang inyong binhi, at magsasabog ako ng dumi sa harap ng inyong mga mukha, sa makatuwid baga’y ng dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo’y pawang ilalabas na kasama niyaon.

4 At inyong malalaman na aking ipinasugo ang utos na ito sa inyo, upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

5 Ang aking tipan ay buhay at kapayapaan sa kaniya; at aking mga ibinigay sa kaniya upang siya’y matakot; at siya’y natakot sa akin, at siya’y nagpakababa sa aking pangalan.

6 Ang kautusan tungkol sa katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at ang kalikuan ay hindi nasumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo sa kasamaan ang marami.

7 Sapagka’t ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka’t siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.

8 Nguni’t kayo’y nagsilihis sa daan; inyong itinisod ang marami sa kautusan; inyong sinira ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

9 Kaya’t kayo’y ginawa ko namang hamak at pinakamababa sa harap ng buong bayan, ayon sa hindi ninyo pagkaingat ng aking mga daan, kundi tumangi kayo ng mga pagkatao sa kautusan.

10 Wala baga tayong lahat na isang ama? hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa’t isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mga magulang?

11 Ang Juda’y gumawa ng paglililo, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagka’t nilapastangan ng Juda ang santuario ng Panginoon, na kaniyang iniibig, at nagasawa sa anak na babae ng ibang dios.

12 Ihihiwalay ng Panginoon ang taong gumawa nito, ang gumigising at ang sumasagot, mula sa mga tolda ng Jacob, at ang naghahandog ng handog sa Panginoon ng mga hukbo.

13 At ito’y muli ninyong ginagawa: inyong tinatakpan ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng tangis, at ng buntong hininga, na anopa’t hindi na niya nililingap ang handog ni tinatanggap man sa inyong kamay na may lugod.

14 Gayon ma’y inyong sinasabi, Bakit? Sapagka’t ang Panginoon ay naging saksi sa iyo at sa asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng paglililo, bagaman siya’y iyong kasama, at siyang asawa ng iyong tipan.

15 At di baga siya’y gumawa ng isa, bagaman siya’y may labis na Espiritu? At bakit isa? Kaniyang hinanap ang lahing maka Dios. Kaya’t ingatan ninyo ang inyong kalooban, at huwag nang manglilo laban sa asawa ng kaniyang kabataan.

16 Sapagka’t aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, at siya na nagtatakip ng kaniyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo: kaya’t ingatan ninyo ang inyong kalooban na huwag kayong magsalita na may paglililo.

17 Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayon ma’y inyong sinasabi, Sa ano namin niyamot siya? Na inyong sinasabi, Bawa’t gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at kaniyang kinalulugdan sila; o saan nandoon ang Dios ng kahatulan.

Malakias 3

1 Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya’y maghahanda, ng daan sa harap ko: at ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya’y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

2 Nguni’t sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka siya’y pakikita? sapagka’t siya’y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi:

3 At siya’y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at kaniyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kaniyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila’y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog sa katuwiran.

4 Kung magkagayo’y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugodlugod sa Panginoon, gaya ng mga araw nang una, at gaya ng mga taon nang una.

5 At aking lalapitan kayo sa kahatulan; at ako’y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban doon sa nagsisipighati sa mangaaraw sa kaniyang mga kaupahan, sa babaing bao, at sa ulila, at sa nagliligaw sa taga ibang lupa mula sa kaniyang matuwid, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

6 Sapagka’t ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya’t kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.

7 Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo’y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni’t inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?

8 Nanakawan baga ng tao ang Dios? gayon ma’y ninanakaw ninyo ako. Nguni’t inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog.

9 Kayo’y nangagsumpa ng sumpa sapagka’t inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga’y nitong buong bansa.

10 Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.

11 At aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

12 At tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad: sapagka’t kayo’y magiging maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

13 Ang inyong mga salita ay naging lapastangan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayon ma’y inyong sinasabi, Sa ano kami nangagsalita ng laban sa iyo?

14 Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo’y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?

15 At ngayo’y ating tinatawag ang palalo na mapalad, oo, silang nagsisigawa ng kasamaan ay nangagtayo; oo, kanilang tinutukso ang Dios, at tumatakas.

16 Nang magkagayo’y silang nangatatakot sa Panginoon ay nagsangusapan: at pinakinggan ng Panginoon, at dininig, at isang aklat ng alaala ay nasulat sa harap niya, para sa kanila na nangatakot sa Panginoon, at gumunita ng kaniyang pangalan.

17 At sila’y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na aking gawin, sa makatuwid baga’y isang tanging kayamanan; at akin silang kaaawaan, na gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.

18 Kung magkagayo’y manunumbalik kayo at makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Dios at yaong hindi naglilingkod sa kaniya.

Malakias 4

1 Sapagka’t, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anopa’t hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.

2 Nguni’t sa inyo na nangatatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak; at kayo’y magsisilabas, at magsisiluksong parang guya mula sa silungan.

3 At inyong yayapakan ang masasama; sapagka’t sila’y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa kaarawan na aking gawin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

4 Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga’y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.

5 Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.

6 At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.

Zacarias 1

1 Nang ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi,

2 Ang Panginoo’y totoong naghinanakit sa inyong mga magulang.

3 Kaya’t sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako’y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

4 Huwag kayong maging gaya ng inyong mga magulang, na siyang mga pinagsabihan ng mga unang propeta, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo ngayon na mula sa inyong mga masamang lakad, at sa inyong mga masamang gawain: nguni’t hindi nila dininig, o pinakinggan man ako, sabi ng Panginoon.

5 Ang inyong mga magulang, saan nangandoon sila? at ang mga propeta, nangabubuhay baga sila ng magpakailan man?

6 Nguni’t ang aking mga salita at ang aking mga palatuntunan, na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi baga nagsiabot sa inyong mga magulang? at sila’y nanumbalik at nangagsabi, Kung paano ang inisip na gawin ng Panginoon ng mga hukbo sa amin, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.

7 Nang ikadalawang pu’t apat na araw ng ikalabing isang buwan, na siyang buwan ng Sebath, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi,

8 Aking nakita sa gabi, at, narito, ang isang lalaking nakasakay sa isang mapulang kabayo, at siya’y tumayo sa mga puno ng mirto, na nasa pinakamababa; at sa likuran niya’y may mga kabayong mapula, alazan, at maputi.

9 Nang magkagayo’y sinabi, Oh Panginoon ko, ano ang mga ito? At ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipakikita sa iyo kung ano-ano ang mga ito.

10 At ang lalake na nakatayo sa mga puno ng mirto ay sumagot at nagsabi, Ang mga ito yaong mga sinugo ng Panginoon na magsilibot sa lupa.

11 At sila’y nagsisagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa mga puno ng mirto, at nagsabi, Aming nilibot ang lupa, at, narito, ang buong lupa ay tahimik, at tiwasay.

12 Nang magkagayo’y ang anghel ng Panginoon ay sumagot at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan mawawalan ka ng habag sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, laban sa iyong mga kinagalitan nitong pitong pung taon?

13 At ang Panginoo’y sumagot sa anghel na nakikipagusap sa akin ng mga mabuting salita, ng mga salitang pangaliw.

14 Sa gayo’y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin. Ikaw ay humiyaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako’y naninibugho sa Jerusalem at sa Sion ng malaking paninibugho.

15 At ako’y totoong naghihinanakit sa mga bansa na mga tiwasay; sapagka’t ako’y naghinanakit ng kaunti, at sila’y nagsitulong ng pagbubungad ng kadalamhatian.

16 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, Ako’y nagbalik sa Jerusalem na may taglay na mga pagkahabag; ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at isang pising panukat ay mauunat sa ibabaw ng Jerusalem.

17 Humiyaw ka pa uli, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at pipiliin pa ang Jerusalem.

18 At aking itinanaw ang aking mga mata, at aking nakita, at, narito, ang apat na sungay.

19 At aking sinabi sa anghel na nakikipagusap sa akin, Ano ang mga ito? At siya’y sumagot sa akin, Ito ang mga sungay sa nagpangalat sa Juda, sa Israel, at sa Jerusalem.

20 At ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.

21 Nang magkagayo’y sinabi ko, Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito? At siya’y nagsalita na nagsabi, Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda, na anopa’t walang lalake na nagtaas ng kaniyang ulo; nguni’t ang mga ito’y naparito upang takutin sila, upang ihulog ang mga sungay ng mga bansa, na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang pangalatin.

Zacarias 2

1 At aking itinanaw ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, ang isang lalake na may panukat na pisi sa kaniyang kamay.

2 Nang magkagayo’y sinabi ko, Saan ka paroroon? At sinabi niya sa akin, Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung gaano ang luwang, at kung gaano ang haba.

3 At, narito, ang anghel na nakikipagusap sa akin ay umalis, at ibang anghel ay lumabas na sumalubong sa kaniya,

4 At sinabi sa kaniya, Tumakbo ka, iyong salitain sa binatang ito, na sabihin, Ang Jerusalem ay tatahanan na parang mga nayon na walang mga kuta, dahil sa karamihan ng mga tao at hayop doon.

5 Sapagka’t ako, sabi ng Panginoon, ay magiging sa kaniya’y isang kutang apoy sa palibot, at ako’y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.

6 Oy, oy, magsitakas kayo mula sa lupain ng hilagaan, sabi ng Panginoon; sapagka’t kayo’y aking pinangalat na parang apat na hangin sa himpapawid, sabi ng Panginoon.

7 Oy Sion, tumanan ka, ikaw na tumatahan na kasama ng anak na babae ng Babilonia.

8 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo niya ako sa mga bansa na nanamsam sa inyo; sapagka’t ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng kaniyang mata.

9 Sapagka’t narito, aking ikukumpas ang aking kamay sa kanila, at sila’y magiging samsam niyaong nangaglilingkod sa kanila; at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.

10 Ikaw ay umawit at magalak, Oh anak na babae ng Sion; sapagka’t narito, ako’y naparirito, at ako’y tatahan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.

11 At maraming bansa ay magpipisan sa Panginoon sa araw na yaon, at magiging aking bayan; at ako’y tatahan sa gitna mo, at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa iyo.

12 At mamanahin ng Panginoon ang Juda na pinaka bahagi niya sa banal na lupain at pipiliin pa ang Jerusalem.

13 Tumahimik ang lahat na tao, sa harap ng Panginoon; sapagka’t siya’y gumising na sa kaniyang banal na tahanan.

Zacarias 3

1 At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kaniyang kaaway.

2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito’y isang dupong na naagaw sa apoy?

3 Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.

4 At siya’y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kaniya. At sa kaniya’y kaniyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.

5 At aking sinabi, Suutan siya nila ng isang magandang mitra sa kaniyang ulo. Sa gayo’y sinuutan siya ng magandang mitra sa kaniyang ulo, at sinuutan siya ng mga kasuutan; at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa siping.

6 At ang anghel ng Panginoon ay tumutol kay Josue, na nagsabi,

7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong iingatan ang aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang aking bayan, at iyo ring iingatan ang aking mga looban, at bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.

8 Dinggin mo ngayon, Oh Josue, na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo; sapagka’t sila’y mga taong pinaka tanda: sapagka’t narito, aking ilalabas ang aking lingkod na Sanga.

9 Sapagka’t, narito, ang bato na aking inilagay sa harap ni Josue; sa ibabaw ng isang bato ay may pitong mata: narito, aking iuukit ang ukit niyaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing yaon sa isang araw.

10 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, tatawagin ng bawa’t isa sa inyo ang kaniyang kapuwa sa lilim ng puno ng ubas, at sa lilim ng puno ng igos.

Zacarias 4

1 At ang anghel na nakipagusap sa akin ay bumalik, at ginising ako, na gaya ng tao na nagigising sa kaniyang pagkakatulog.

2 At sinabi niya sa akin, Ano ang iyong nakikita? At aking sinabi, Ako’y tumingin, at, narito, isang kandelero na taganas na ginto, na may taza sa ibabaw niyaon, at ang pitong ilawan niyaon sa ibabaw; may pitong tubo sa bawa’t isa sa mga ilawan na nasa ibabaw niyaon;

3 At may dalawang puno ng olibo sa siping niyaon, isa sa dakong kanan ng taza, at ang isa’y sa dakong kaliwa niyaon.

4 At ako’y sumagot at nagsalita sa anghel na nakikipagusap sa akin, na aking sinabi, Anong mga bagay ito, panginoon ko?

5 Nang magkagayo’y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay sumagot na nagsabi sa akin, Hindi mo baga nalalaman kung ano ang mga ito? At aking sinabi, Hindi, panginoon ko.

6 Nang magkagayo’y siya’y sumagot at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Ito ang salita ng Panginoon kay Zorobabel, na sinasabi, Hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

7 Sino ka, Oh malaking bundok? sa harap ni Zorobabel ay magiging kapatagan ka; at kaniyang ilalabas ang pangulong bato na may hiyawan, Biyaya, biyaya sa kaniya.

8 Bukod dito’y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

9 Ang mga kamay ni Zorobabel ay siyang naglagay ng mga tatagang-baon ng bahay na ito; ang kaniyang mga kamay ay siya ring tatapos; at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo.

10 Sapagka’t sinong nagsihamak sa araw ng maliliit na bagay? sapagka’t ang pitong ito ay mangagagalak, at makikita nila ang pabatong tingga sa kamay ni Zorobabel; ang mga ito’y mga mata ng Panginoon, na nangagpaparoo’t parito sa buong lupa.

11 Nang magkagayo’y sumagot ako, at nagsabi sa kaniya, Ano itong dalawang puno ng olibo sa dakong kanan kandelero, at sa dakong kaliwa?

12 At ako’y sumagot na ikalawa, at nagsabi sa kaniya: Ano ang dalawang sangang olibong ito na nasa siping ng dalawang gintong padaluyan, na dinadaluyan ng langis na ginintuan?

13 At siya’y sumagot sa akin, at nagsabi, Hindi mo baga nalalaman kung ano ang mga ito? At aking sinabi, Hindi, panginoon ko.

14 Nang magkagayo’y sinabi niya, Ito ang dalawang anak na pinahiran ng langis, na nakatayo sa siping ng Panginoon ng buong lupa.

Zacarias 5

1 Nang magkagayo’y itinanaw ko uli ang aking mga mata, at aking nakita, at, narito, isang lumilipad na balumbon.

2 At sinabi niya sa akin, Ano ang iyong nakikita? At ako’y sumagot, Aking nakikita’y isang lumilipad na balumbon; ang haba niyaon ay dalawang pung siko, at ang luwang niyaon ay sangpung siko.

3 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ito ang sumpa na lumalabas sa ibabaw ng buong lupain: sapagka’t ang bawa’t nagnanakaw ay mahihiwalay sa isang dako ayon doon; at bawa’t manunumpa ay mahihiwalay sa kabilang dako ayon doon.

4 Aking ilalabas yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at papasok sa bahay ng magnanakaw, at sa bahay niyaong nanunumpa ng kasinungalingan sa pangalan ko; at tatahan sa gitna ng bahay niya, at pupugnawin sangpu ng mga kahoy niyaon at mga bato niyaon.

5 Nang magkagayo’y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay lumabas, at nagsabi sa akin, itanaw mo ngayon ang iyong mga mata, at tingnan mo kung ano ito na lumalabas.

6 At aking sinabi, Ano yaon? At kaniyang sinabi, Ito ang efa na lumalabas. Sinabi niya bukod dito, Ito ang kawangis nila sa buong lupain.

7 (At, narito, itinaas ang isang talentong tingga); at ito’y isang babae na nauupo sa gitna ng efa.

8 At kaniyang sinabi, Ito ang kasamaan; at kaniyang inihagis sa loob ng gitna ng efa: at kaniyang inihagis ang panimbang na tingga sa bunganga niyaon.

9 Nang magkagayo’y itinanaw ko ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, lumabas ang dalawang babae, at may dalang hangin sa kanilang mga pakpak; sila nga’y may mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng tagak: at kanilang itinaas ang efa sa pagitan ng lupa at ng langit.

10 Nang magkagayo’y sinabi ko sa anghel na nakikipagusap sa akin, Saan dinadala ng mga ito ang efa?

11 At sinabi niya sa akin, Upang ipagtayo siya ng bahay sa lupain ng Shinar: at pagka nahanda na, siya’y malalagay roon sa kaniyang sariling dako.

Zacarias 6

1 At itinanaw ko uli ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, lumabas ang apat na karo mula sa pagitan ng dalawang bundok; at ang mga bundok ay mga bundok na tanso.

2 Sa unang karo ay may mga kabayong mapula; at sa ikalawang karo ay mga kabayong maitim;

3 At sa ikatlong karo ay may mga kabayong maputi; at sa ikaapat na karo ay mga kabayong kulay abo.

4 Nang magkagayo’y ako’y sumagot at sinabi ko sa anghel na nakikipagusap sa akin, Ano ang mga ito, panginoon ko?

5 At ang anghel ay sumagot at nagsabi sa akin, Ito ang apat na hangin sa himpapawid, na lumalabas na pinakasugo mula sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.

6 Ang karo na kinasisingkawan ng mga kabayong maitim ay lumalabas sa dakong lupaing hilagaan; at ang sa mga maputi ay lumabas na kasunod ng mga yaon; at ang mga kulay abo ay nagsilabas sa dakong lupaing timugan.

7 At ang mga malakas ay nagsilabas, at nangagpumilit na yumaon upang malibot ang lupa: at kaniyang sinabi, Kayo’y magsiyaon at magparoo’t parito sa buong lupa. Sa gayo’y sila’y nangagparoo’t parito sa buong lupa.

8 Nang magkagayo’y hiniyawan niya ako, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Narito, silang nagsiparito sa dakong lupaing hilagaan ay nagpatahimik sa aking diwa sa lupaing hilagaan.

9 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

10 Kumuha ka sa nangabihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedaia; at yumaon ka sa araw ding yaon, at pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias, na nagsibalik mula sa Babilonia;

11 Oo, kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong mga putong, at mga iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadac, na pangulong saserdote.

12 At salitain mo sa kaniya, na sabihin, Ganito ang salita ng Panginoon ng mga hukbo, na nagsasabi, Narito, ang lalake na ang pangala’y Sanga: at siya’y sisibol sa kaniyang dako; at itatayo niya ang templo ng Panginoon;

13 Sa makatuwid baga’y kaniyang itatayo ang templo ng Panginoon; at siya’y magtataglay ng kaluwalhatian, at mauupo at magpupuno sa kaniyang luklukan; at siya’y magiging saserdote sa kaniyang luklukan: at ang payo ng kapayapaan ay mapapasa pagitan nila kapuwa.

14 At ang mga putong ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kay Helem, at kay Tobias, at kay Jedaia, at kay Hen na anak ni Sefanias.

15 At silang nangasa malayo ay magsisiparito at mangagtatayo sa loob ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo. At ito’y mangyayari kung inyong tatalimahing masikap ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.