Joel 1

1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel.

2 Dinggin ninyo ito, ninyong mga matanda, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na mananahan sa lupain. Nagkaroon baga nito sa inyong mga kaarawan o sa mga kaarawan ng inyong mga magulang?

3 Saysayin ninyo sa inyong mga anak, at saysayin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na lahi.

4 Ang iniwan ng tipaklong, ay kinain ng balang; at ang iniwan ng balang ay kinain ng uod; at ang iniwan ng uod ay kinain ng kuliglig.

5 Magsibangon kayo, kayong mga manglalasing, at magsiiyak kayo; at manambitan kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak; sapagka’t nahiwalay sa inyong bibig.

6 Sapagka’t isang bansa ay sumampa sa aking lupain, malakas at walang bilang; ang kaniyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon, at siya’y may bagang ng malaking leon.

7 Kaniyang iniwasak ang aking puno ng ubas, at ibinagsak ang aking puno ng igos: kaniyang tinalupang malinis at inihagis; ang mga sanga niyao’y naging maputi.

8 Managhoy ka na parang babaing nabibigkisan ng kayong magaspang dahil sa asawa ng kaniyang kabataan.

9 Ang handog na harina at ang inuming handog ay nahiwalay sa bahay ng Panginoon; ang mga saserdote, ang mga tagapangasiwa ng Panginoon, ay nangananangis.

10 Ang bukid ay sira, ang lupain ay nahahapis; sapagka’t ang trigo ay sira, ang bagong alak ay tuyo, ang langis ay kulang.

11 Mangahiya kayo, Oh kayong mga mangbubukid, manambitan kayo, Oh kayong mga maguubas, dahil sa trigo at dahil sa cebada; sapagka’t ang pagaani sa bukid ay nawala.

12 Ang puno ng ubas ay natuyo, at ang puno ng higos ay nalalanta; ang puno ng granada, ang puno ng palma ay gayon din at ang puno ng manzanas, lahat ng punong kahoy sa parang ay tuyo; sapagka’t ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao.

13 Mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, at magsipanaghoy kayong mga saserdote; manambitan kayo, kayong mga tagapangasiwa ng dambana; halikayo, magsihiga kayo magdamag sa kayong magaspang, kayong mga tagapangasiwa ng aking Dios: sapagka’t ang handog na harina at ang inuming handog ay nahiwalay sa bahay ng inyong Dios.

14 Mangaghayag kayo ng ayuno, magsitawag kayo ng isang takdang kapulungan, inyong pisanin ang mga matanda at ang lahat na mananahan sa lupain sa bahay ng Panginoon ninyong Dios, at magsidaing kayo sa Panginoon.

15 Sa aba ng araw na yaon! sapagka’t ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, at darating na parang kagibaan na mula sa Makapangyarihan sa lahat.

16 Hindi baga ang pagkain ay nahiwalay sa ating mga mata, oo, ang kagalakan at ang kasayahan ay nahiwalay sa bahay ng ating Dios?

17 Ang mga binhi ay nangabubulok sa kanilang bugal; ang mga kamalig ay nangakahandusay na sira, ang mga imbakan ay bagsak; sapagka’t ang trigo ay natuyo.

18 Ganyan na lamang ang ungal ng mga hayop! ang mga kawan ng mga hayop ay natitigilan, sapagka’t wala silang pastulan; oo, ang mga kawan ng tupa ay nangapahamak.

19 Oh Panginoon, sa iyo’y dumadaing ako: sapagka’t sinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng liyab ang lahat na punong kahoy sa parang.

20 Oo, ang mga hayop sa bukid ay nagsisihingal sa iyo; sapagka’t ang mga batis ng tubig ay nangatuyo, at sinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.

Joel 2

1 Hipan ninyo ang pakakak sa Sion, at mangagpatunog kayo ng hudyat sa aking banal na bundok; manginig ang lahat na mananahan sa lupain: sapagka’t ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagka’t malapit na;

2 Araw ng kadiliman at ng pagkukulimlim, araw ng mga ulap at ng pagsasalimuot ng dilim, gaya ng liwayway na namumukadkad sa mga bundok; isang malaking bayan at matibay; hindi nagkaroon kailan man ng gaya niyaon, ni magkakaroon pa man pagkatapos ng mga yaon, hanggang sa mga taon ng maraming sali’t saling lahi.

3 Isang apoy ang sumusupok sa harap nila; at sa likuran nila’y isang liyab ang sumusunog: ang lupain ay parang halamanan sa Eden sa harap nila, at sa likuran nila’y isang sirang ilang; oo, at walang nakatanan sa kanila.

4 Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo.

5 Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka.

6 Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla.

7 Sila’y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila’y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila’y nagsisilakad bawa’t isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay.

8 Ni nagtutulakan mang isa’y isa; sila’y lumalakad bawa’t isa sa kanikaniyang landas; at sila’y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag.

9 Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila’y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.

10 Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap:

11 At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka’t ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka’t malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka’t ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan?

12 Gayon ma’y ngayon, sabi ng Panginoon, magsipanumbalik kayo sa akin ng inyong buong puso, na may pagaayuno, at may pananangis, at may pananambitan:

13 At papagdalamhatiin ninyo ang inyong puso, at hindi ang mga damit ang inyong hapakin, at kayo’y magsipanumbalik sa Panginoon ninyong Dios; sapagka’t siya’y maawain at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi siya sa kasamaan.

14 Sinong nakakaalam kung siya’y hindi magbabalik-loob, at magsisisi, at magiiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na harina, at ng inuming handog sa Panginoon ninyong Dios?

15 Hipan ninyo ang pakakak sa Sion: magsipangilin kayo ng isang ayuno, magsitawag kayo ng isang takdang kapulungan;

16 Tipunin ninyo ang bayan, banalin ang kapisanan, pisanin ang mga matanda, tipunin ang mga bata, at yaong mga pasusuhin; lumabas ang bagong kasal na lalake sa kaniyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kaniyang silid.

17 Manangis ang mga saserdote, ang mga tagapangasiwa ng Panginoon, sa pagitan ng portiko at ng dambana, at kanilang sabihin, Maawa ka sa iyong bayan, Oh Panginoon, at huwag mong ibigay ang iyong bayan sa kakutyaan, na ang mga bansa baga’y magpuno sa kanila: bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan, Saan nandoon ang kanilang Dios?

18 Noong ang Panginoon ay naging masikap sa kanilang lupain, at nahabag sa kaniyang bayan.

19 At ang Panginoon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang bayan, Narito, ako’y magdadala sa inyo ng trigo, at alak, at langis, at inyong kabubusugan; at hindi ko na gagawin pa kayo na kakutyaan sa gitna ng mga bansa;

20 Kundi aking ihihiwalay na malayo sa inyo ang hukbo sa hilagaan, at aking itataboy siya sa isang lupaing basal at sira, ang kaniyang unaha’y sa dagat silanganan, at ang kaniyang pinakahuling bahagi ay sa dagat kanluran; at ang kaniyang baho ay aalingasaw, at ang masamang amoy ay iilanglang, sapagka’t siya’y gumawa ng mga malaking bagay.

21 Huwag kang matakot, Oh lupain, ikaw ay matuwa at magalak; sapagka’t ang Panginoon ay gumawa ng dakilang mga bagay.

22 Huwag kayong mangatakot, kayong mga hayop sa parang; sapagka’t ang mga pastulan sa ilang ay lumalago, sapagka’t ang punong kahoy ay nagbubunga, ang puno ng higos at ang puno ng ubas ay nagbubunga.

23 Kayo nga’y mangatuwa, kayong mga anak ng Sion, at mangagalak sa Panginoon ninyong Dios; sapagka’t kaniyang ibinibigay sa inyo ang maagang ulan sa tapat na sukat, at kaniyang pinalalagpak ang ulan dahil sa inyo, ang maagang ulan at ang huling ulan, sa unang buwan.

24 At ang mga lapag ay mangapupuno ng trigo, at ang mga kamalig ay aapawan ng alak at langis.

25 At aking isasauli sa inyo ang mga taon na kinain ng balang, ng uod, at ng kuliglig, at ng tipaklong na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo sa gitna ninyo.

26 At kayo’y magsisikaing sagana, at mangabubusog, at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Dios, na gumawa ng kababalaghan sa inyo; at ang aking bayan ay hindi mapapahiya kailan man.

27 At inyong malalaman na ako’y nasa gitna ng Israel, at ako ang Panginoon ninyong Dios, at wala nang iba; at ang aking bayan ay hindi mapapahiya magpakailan man.

28 At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain:

29 At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu.

30 At ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok.

31 Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.

32 At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagka’t sa bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinabi ng Panginoon, at sa nangalabi ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.

Joel 3

1 Sapagka’t, narito, sa mga kaarawang yaon, at sa panahong yaon, pagka aking ibabalik ang mangabihag sa Juda at Jerusalem.

2 Aking pipisanin ang lahat na bansa, at aking ibababa sila sa libis ni Josaphat; at ako’y makikipagtanggol sa kanila roon dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, na kanilang pinangalat sa mga bansa, at binahagi ang aking lupain,

3 At kanilang pinagsapalaran ang aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalake dahil sa isang patutot, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, upang sila’y mangakainom.

4 Oo, at ano kayo sa akin. Oh Tiro, at Sidon, at buong lupain ng Filistia? gagantihin baga ninyo ako? at kung ako’y inyong gantihin, maliksi at madali na aking ibabalik ang inyong kagantihan sa inyong sariling ulo.

5 Yamang inyong kinuha ang aking pilak at aking ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mainam at maligayang mga bagay,

6 At ipinagbili ang mga anak ng Juda at ang mga anak ng Jerusalem ay inyong ipinagbili sa mga anak ng mga taga Grecia, upang inyong mailayo sa kanilang hangganan;

7 Narito, aking pasisiglahin sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking ibabalik ang inyong kagantihan sa inyong sariling ulo;

8 At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalake at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at ipagbibili nila sila sa mga tao sa Seba, sa isang bansang malayo: sapagka’t sinalita ng Panginoon.

9 Itanyag ninyo ito sa mga bansa: mangaghanda kayo ng digma; pasiglahin ninyo ang mga malakas na lalake; magsilapit ang lahat na lalaking mangdidigma, sila’y magsisampa.

10 Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit: magsabi ang mahina, Ako’y malakas.

11 Mangagmadali kayo, at magsiparito kayong lahat na bansa sa palibot, at magpipisan kayo: iyong pababain doon ang iyong mga makapangyarihan, Oh Panginoon.

12 Magpakasigla ang mga bansa, at magsisampa sa libis ni Josaphat; sapagka’t doo’y uupo ako upang hatulan ang lahat na bansa sa palibot.

13 Gamitin ninyo ang karit; sapagka’t ang aanihin ay hinog na: kayo’y magsiparito, at magsiyapak; sapagka’t ang alilisan ng alak ay puno, ang kamalig ng alak ay inaapawan; sapagka’t ang kanilang kasamaan ay malaki.

14 Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya! sapagka’t ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na sa libis ng pasiya.

15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang kislap.

16 At ang Panginoo’y aangal mula sa Sion, at palalakasin ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang langit at ang lupa ay mangayayanig: nguni’t ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel.

17 Sa gayo’y inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios, na tumatahan sa Sion, na aking banal na bundok: kung magkagayo’y magiging banal ang Jerusalem, at hindi na daraan pa sa kaniya ang mga taga ibang lupa.

18 At mangyayari sa araw na yaon, na ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay aagusan ng gatas, at ang lahat na batis ng Juda ay aagusan ng mga tubig; at isang bukal ay babalong sa bahay ng Panginoon, at didiligin ang libis ng Sittim.

19 Ang Egipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagka’t sila’y nagbubo ng walang salang dugo sa kanilang lupain.

20 Nguni’t ang Juda’y tatahan magpakailan man, at ang Jerusalem ay sa sali’t saling lahi.

21 At aking lilinisin ang kanilang dugo na hindi ko nilinis: sapagka’t ang Panginoon ay tumatahan sa Sion.

Hoseas 1

1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Oseas na anak ni Beeri, nang mga kaarawan ni Uzias, ni Jotam, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda, at nang mga kaarawan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari sa Israel.

2 Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Oseas, sinabi ng Panginoon kay Oseas, Yumaon ka, magasawa ka sa isang patutot at mga anak sa patutot; sapagka’t ang lupain ay gumagawa ng malaking pagpapatutot, na humihiwalay sa Panginoon.

3 Sa gayo’y yumaon siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim; at siya’y naglihi, at nanganak sa kaniya ng isang lalake.

4 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Tawagin mo ang kaniyang pangalang Jezreel; sapagka’t sangdali pa at aking igaganti ang dugo ng Jezreel sa sangbahayan ni Jehu, at aking papaglilikatin ang kaharian ng sangbahayan ni Israel.

5 At mangyayari sa araw na yaon, na aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel.

6 At siya’y naglihi uli, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Tawagin mo ang kaniyang pangalang Lo-ruhama; sapagka’t hindi na ako magdadalang habag sa sangbahayan ni Israel, na sa anoman ay hindi ko patatawarin sila.

7 Nguni’t ako’y maaawa sa sangbahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng Panginoon nilang Dios, at hindi ko ililigtas sila sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng pagbabaka, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo.

8 Nang maihiwalay nga niya sa suso ni Lo-ruhama, siya’y naglihi, at nanganak ng isang lalake.

9 At sinabi ng Panginoon, Tawagin mo ang kaniyang pangalang Loammi; sapagka’t kayo’y hindi aking bayan, at ako’y hindi magiging inyong Dios.

10 Gayon ma’y ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi matatakal, o mabibilang man; at mangyayari, na sa dakong pagsabihan sa kanila, Kayo’y hindi aking bayan, sasabihin sa kanila, Kayo’y mga anak ng buhay na Dios.

11 At ang mga anak ni Juda, at ang mga anak ni Israel ay mapipisan, at sila’y mangaghahalal sa kanilang sarili ng isang pangulo, at sila’y magsisisampa mula sa lupain; sapagka’t magiging dakila ang kaarawan ng Jezreel.

Hoseas 2

1 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama.

2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; sapagka’t siya’y hindi ko asawa, ni ako man ay kaniyang asawa; at alisin niya ang kaniyang pagpapatutot sa kaniyang mukha, at ang kaniyang mga pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso;

3 Baka siya’y aking hubaran, at aking ilagay siya na gaya ng araw na siya’y ipanganak, at gawin ko siyang parang isang ilang, at ilagay ko siyang parang isang tuyong lupa, at patayin ko siya sa uhaw;

4 Oo, sa kaniyang mga anak ay hindi ako magdadalang habag; sapagka’t sila’y mga anak sa patutot.

5 Sapagka’t ang kanilang ina ay nagpatutot; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya; sapagka’t kaniyang sinabi, Ako’y susunod sa mga mangingibig sa akin, na nangagbibigay sa akin ng aking tinapay at ng aking tubig, ng aking lana at ng aking lino, ng langis ko at ng inumin ko.

6 Kaya’t, narito, aking babakuran ng mga tinik ang iyong daan, at ako’y gagawa ng bakod laban sa kaniya, na hindi niya, masusumpungan ang kaniyang mga landas.

7 At siya’y susunod sa mga mangingibig sa kaniya, nguni’t hindi niya sila aabutan; at hahanapin niya sila, nguni’t hindi niya sila masusumpungan; kung magkagayo’y sasabihin niya, Ako’y yayaon at babalik sa aking unang asawa; sapagka’t naging mabuti sa akin kay sa ngayon.

8 Sapagka’t hindi niya naalaman na ako ang nagbigay sa kaniya ng trigo, at ng alak, at ng langis, at nagpaparami sa kaniya ng pilak at ginto, na kanilang ginamit kay Baal.

9 Kaya’t aking babawiin ang aking trigo sa panahon niyaon, at ang aking alak sa panahon niyaon, at aking aalisin ang aking lana at ang aking lino na sana’y tatakip sa kaniyang kahubaran.

10 At ngayo’y aking ililitaw ang kaniyang kahalayan sa paningin ng mga mangingibig sa kaniya, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.

11 Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.

12 At aking iwawasak ang kaniyang mga puno ng ubas, at ang kaniyang mga puno ng higos, na siya niyang sinasabi, Ang mga ito ang aking kaupahan na ibinigay sa akin ng mga mangingibig sa akin; at ang mga yao’y aking gagawing isang gubat, at kakanin ng mga hayop sa parang.

13 At aking dadalawin sa kaniya ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya’y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.

14 Kaya’t, narito, akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang may pagaliw.

15 At ibibigay ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan mula roon, at ang libis ng Achor na pinakapintuan ng pagasa; at siya’y sasagot doon, gaya ng mga kaarawan ng kaniyang kabataan, at gaya ng araw na siya’y sumampa mula sa lupain ng Egipto.

16 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na tatawagin mo akong Ishi, at hindi mo na ako tatawaging Baali.

17 Sapagka’t aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kaniyang bibig, at siya’y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.

18 At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing tiwasay.

19 At ako’y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.

20 Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.

21 At mangyayari sa araw na yaon, na ako’y sasagot, sabi ng Panginoon, ako’y sasagot sa langit, at sila’y magsisisagot sa lupa;

22 At ang lupa’y sasagot sa trigo, at sa alak, at sa langis; at sila’y magsisisagot sa Jezreel.

23 At aking itatatag siya para sa akin sa lupa; at ako’y magdadalang habag sa kaniya na hindi nagtamo ng kahabagan; at aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, Ikaw ay aking bayan; at siya’y magsasabi, Ikaw ay aking Dios.

Hoseas 3

1 At sinabi ng Panginoon sa akin, Yumaon ka pa, suminta ka sa isang babae na minamahal ng kaniyang kaibigan, at mangangalunya, sa makatuwid baga’y ng gaya ng pagibig ng Panginoon sa mga anak ni Israel, bagaman sila’y nagsisipihit sa ibang mga dios, at nangakakagusto ng mga binilong pasas.

2 Sa gayo’y binili ko siya para sa akin ng labing limang putol na pilak, at ng isang homer na cebada, at ng kalahating homer na cebada;

3 At sinabi ko sa kaniya, Ikaw ay mapapa sa akin na maraming araw; ikaw ay hindi magpapatutot, at ikaw ay hindi na magiging asawa pa ng ibang lalake; kaya’t ako naman ay sasa iyo.

4 Sapagka’t ang mga anak ni Israel ay magsisitahang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, at walang hain, at walang haligi, at walang efod o mga teraf:

5 Pagkatapos ay manunumbalik ang mga anak ni Israel, at hahanapin ang Panginoon nilang Dios, at si David na kanilang hari, at magsisiparitong may takot sa Panginoon at sa kaniyang kabutihan sa mga huling araw.

Hoseas 4

1 Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga anak ni Israel; sapagka’t ang Panginoon ay may pakikipagkaalit sa mga mananahan sa lupain, sapagka’t walang katotohanan, ni kaawaan man, ni kaalaman man tungkol sa Dios sa lupain.

2 Wala kundi pagsumpa at kawalan ng pagtatapat, at pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya; sila’y nagsisidaluhong, at nagkakabubuan ng dugo.

3 Kaya’t ang lupain ay tatangis, at bawa’t tumatahan doon ay manglulupaypay, kasama ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid; oo, ang mga isda rin naman sa dagat ay mangahuhuli.

4 Gayon ma’y huwag makipaglaban ang sinoman, o sumuway man ang sinoman; sapagka’t ang iyong bayan ay gaya ng nakikipaglaban sa saserdote.

5 At ikaw ay matitisod sa araw, at ang propeta naman ay matitisod na kasama mo sa gabi; at aking papatayin ang iyong ina.

6 Ang aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman: sapagka’t ikaw ay nagtakuwil ng kaalaman, akin namang itatakuwil ka, upang ikaw ay huwag maging saserdote ko: yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Dios, akin namang kalilimutan ang iyong mga anak.

7 Kung paanong sila’y nagsidami, gayon sila nangagkasala laban sa akin: aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian.

8 Sila’y nagsisikain sa kasalanan ng aking bayan, at inilalagak ang kanilang puso sa kanilang kasamaan.

9 At mangyayari, na kung paano ang bayan, gayon ang saserdote, at akin silang parurusahan dahil sa kanilang mga lakad, at aking gagantihin sa kanila ang kanilang mga gawa.

10 At sila’y magsisikain, at hindi mangabubusog; sila’y magpapatutot, at hindi dadami; sapagka’t sila’y nangagwalang bahala sa Panginoon.

11 Ang pagpapatutot at ang alak at bagong alak ay nagaalis ng kaalaman.

12 Ang aking bayan ay humingi ng payo sa kanilang tungkod, at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila; sapagka’t ang pagpapatutot ay nagligaw sa kanila, at sila’y nagpatutot, na nagsisihiwalay sa kanilang Dios.

13 Sila’y nangaghahain sa mga taluktok ng mga bundok, at nangagsusunog ng kamangyan sa mga burol, sa ilalim ng mga encina at ng mga alamo at ng mga roble, sapagka’t ang lilim ng mga yaon ay mabuti: kaya’t ang inyong mga anak na babae ay nagpatutot, at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.

14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae pagka sila’y nagpatutot ni ang inyong mga manugang na babae man pagka sila’y nangangalunya; sapagka’t ang mga lalake sa kanilang sarili ay nagsisiyaon kasama ng mga patutot, at sila’y nangaghahain na kasama ng mga patutot: at ang bayan na hindi nakakaalam ay nawawasak.

15 Bagaman ikaw, Oh Israel, ay nagpapatutot, gayon ma’y huwag ipagkasala ng Juda: at huwag kayong magsiparoon sa Gilgal, ni magsisampa man kayo sa Bethaven, ni magsisumpa man, Buhay ang Panginoon.

16 Sapagka’t ang Israel ay nagpakatigas ng ulo, gaya ng isang matigas na ulo na guyang babae: ngayo’y pakakanin sila ng Panginoon na parang batang tupa sa isang malaking dako.

17 Ang Ephraim ay nalalakip sa mga diosdiosan; pabayaan siya.

18 Ang kanilang inumin ay naging maasim; sila’y nagpapatutot na palagi; iniibig na mabuti ng kaniyang mga puno ang kahihiyan.

19 Tinangay siya ng hangin sa kaniyang mga pakpak; at sila’y mangapapahiya dahil sa kanilang mga hain.

Hoseas 5

1 Dinggin ninyo ito, Oh ninyong mga saserdote, at inyong pakinggan ninyong sangbahayan ni Israel, at inyong ulinigin, Oh sangbahayan ng hari, sapagka’t sa inyo’y nauukol ang kahatulan; sapagka’t kayo’y naging isang silo sa Mizpa, at isang panghuli na nalagay sa Tabor.

2 At ang mga nagsipanghimagsik ay nangagpakapahamak na mainam; nguni’t ako’y mananaway sa kanilang lahat.

3 Aking kilala ang Ephraim, at ang Israel na hindi lingid sa akin; sapagka’t ngayon, Oh Ephraim, ikaw ay nagpatutot, ang Israel ay napahamak.

4 Hindi sila titiisin ng kanilang mga gawain na manumbalik sa kanilang Dios; sapagka’t ang pagpapatutot ay nasa loob nila, at hindi nila nakikilala ang Panginoon.

5 At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: kaya’t ang Israel at ang Ephraim ay mangatitisod sa kanilang kasamaan; ang Juda’y matitisod ding kasama nila.

6 Sila’y magsisiyaong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan upang hanapin ang Panginoon; nguni’t hindi nila masusumpungan siya: Siya’y umurong sa kanila.

7 Sila’y nagsigawa ng paglililo laban sa Panginoon; sapagka’t sila’y naganak ng ibang mga anak: lalamunin nga sila ng bagong buwan sangpu ng kanilang mga parang.

8 Hipan ninyo ang korneta sa Gabaa, at ang pakakak sa Rama: kayo’y magsitugtog ng hudyat sa Beth-aven; sa likuran mo, Oh Benjamin.

9 Ang Ephraim ay magiging kasiraan sa kaarawan ng pagsaway: sa gitna ng mga lipi ng Israel ay aking ipinakilala ang tunay na mangyayari.

10 Ang mga prinsipe sa Juda ay gaya ng nagsisibago ng lindero: aking ibubuhos ang aking galit sa kanila na parang tubig.

11 Ang Ephraim ay napighati, siya’y nadikdik sa kahatulan; sapagka’t siya’y nasisiyahang lumakad ng ayon sa utos ng tao.

12 Kaya’t ako’y sa Ephraim na parang tanga, at sa sangbahayan ni Juda na parang kabulukan.

13 Nang makita ng Ephraim ang kaniyang sakit, at nang makita ni Juda ang kaniyang sugat, naparoon nga ang Ephraim sa Asiria, at nagsugo sa haring Jareb: nguni’t hindi niya mapagagaling kayo, ni kaniyang mapagagaling man kayo sa inyong sugat.

14 Sapagka’t ako’y magiging parang leon sa Ephraim, at parang isang batang leon sa sangbahayan ni Juda, Ako, sa makatuwid baga’y ako, ay aagaw at aalis; ako’y magaalis, at walang magliligtas.

15 Ako’y yayaon at babalik sa aking dako, hanggang sa kanilang kilalanin ang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha: sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.

Hoseas 6

1 Magsiparito kayo, at tayo’y manumbalik sa Panginoon; sapagka’t siya’y lumapa, at pagagalingin niya tayo; siya’y nanakit, at kaniyang tatapalan tayo.

2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muling bubuhayin niya tayo: sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, at tayo’y mangabubuhay sa harap niya.

3 At ating kilalanin, tayo’y magpatuloy upang makilala ang Panginoon: ang kaniyang paglabas ay tunay na parang umaga; at siya’y paririto sa atin na parang ulan, na parang huling ulan na dumidilig ng lupa.

4 Oh Ephraim, ano ang gagawin ko sa iyo? Oh Juda, ano ang gagawin ko sa iyo? sapagka’t ang inyong kabutihan ay parang ulap sa umaga, at parang hamog na lumalabas na maaga.

5 Kaya’t aking pinutol sila sa pamamagitan ng mga propeta; aking pinatay sila ng mga salita ng aking bibig; at ang iyong mga kahatulan ay parang liwanag na lumalabas.

6 Sapagka’t ako’y nagnanasa ng kaawaan, at hindi hain; at ng pagkakilala sa Dios higit kay sa mga handog na susunugin.

7 Nguni’t sila gaya ni Adan ay sumalangsang sa tipan: doo’y nagsigawa silang may paglililo laban sa akin.

8 Ang Galaad ay bayang gumagawa ng kasamaan; tigmak sa dugo.

9 At kung paanong ang mga pulutong ng mga tulisan na nagsisiabang sa isang tao, ay gayon ang pulutong ng mga saserdote na nagsisipatay sa daan na dakong Sichem; Oo, sila’y gumawa ng kahalayan.

10 Sa sangbahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay: doo’y nagpatutot ang Ephraim, ang Israel ay napahamak.

11 Sa iyo man, Oh Juda, may takdang paggapas, pagka aking ibabalik ang nangabihag sa aking bayan.

Hoseas 7

1 Nang aking pagagalingin ang Israel, ang kasamaan nga ng Ephraim ay lumitaw, at ang kasamaan ng Samaria; sapagka’t sila’y nagsinungaling; at ang magnanakaw ay pumapasok, at ang pulutong ng mga tulisan ay nananamsam sa labas.

2 At hindi nila ginugunita sa kanilang mga puso na aking inaalaala ang lahat nilang kasamaan: ngayo’y kinukulong sila sa palibot ng kanilang sariling mga gawa; sila’y nangasa harap ko.

3 Kanilang pinasasaya ng kanilang kasamaan ang hari, at ng kanilang pagsisinungaling ang mga prinsipe.

4 Silang lahat ay mga mangangalunya; sila’y parang hurnong iniinit ng magtitinapay; siya’y tumitigil na magsulong ng apoy, mula sa paggawa ng masa hanggang sa umaasim.

5 Nang kaarawan ng ating hari ang mga prinsipe ay nagpakasakit sa pamamagitan ng tapang ng alak; kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa mga mangduduwahagi.

6 Sapagka’t kanilang inihanda ang kanilang puso na parang hurno, samantalang sila’y nangagaabang: ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag; sa kinaumagaha’y nagniningas na parang liyab na apoy.

7 Silang lahat ay nangagiinit na parang hurno, at nilalamon ang kanilang mga hukom; lahat nilang hari ay nangabuwal: wala sa kanila na tumawag sa akin.

8 Ang Ephraim, nakikisalamuha sa mga bayan; ang Ephraim ay isang tinapay na hindi binalik.

9 Nilamon ng mga taga ibang lupa ang kaniyang yaman, at hindi niya nalalaman: oo, mga uban ay nasasabog sa kaniya, at hindi niya nalalaman.

10 At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: gayon ma’y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Dios, ni hinanap man siya nila, dahil sa lahat na ito.

11 At ang Ephraim ay parang isang mangmang na kalapati, na walang unawa sila’y nagsitawag sa Egipto, sila’y nagsiparoon sa Asiria.

12 Pagka sila’y magsisiyaon, ay aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila; akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid; aking parurusahan sila, gaya ng narinig sa kanilang kapisanan.

13 Sa aba nila! sapagka’t sila’y nagsilayas sa akin; kagibaa’y suma kanila! sapagka’t sila’y nagsisalangsang laban sa akin: bagaman sila’y aking tinubos, gayon ma’y nangagsalita ng kasinungalingan sila laban sa akin.

14 At sila’y hindi nagsidaing sa akin ng kanilang puso, kundi sila’y nagsiangal sa kanilang mga higaan: sila’y nagpupulong dahil sa trigo at alak; sila’y nanganghimagsik laban sa akin.

15 Bagaman aking tinuruan at pinalakas ang kanilang mga bisig, gayon ma’y nangagisip sila ng kalikuan laban sa akin.

16 Sila’y nanganunumbalik, nguni’t hindi sa kaniya na nasa kaitaasan: sila’y parang magdarayang busog: ang kanilang mga prinsipe ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak dahil sa poot ng kanilang dila: ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Egipto.