Hoseas 8

1 Ilagay mo ang pakakak sa iyong bibig. Gaya ng isang aguila dumarating siya laban sa bahay ng Panginoon, sapagka’t kanilang sinuway ang aking tipan, at nagsisalangsang laban sa aking kautusan.

2 Sila’y magsisidaing sa akin, Dios ko, kaming Israel ay nangakakakilala sa iyo.

3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti: hahabulin siya ng kaaway.

4 Sila’y nangaglagay ng mga hari, nguni’t hindi sa pamamagitan ko; sila’y nangaglagay ng mga prinsipe, at hindi ko nalaman: sa kanilang pilak at kanilang ginto ay nagsigawa sila ng diosdiosan, upang sila’y mangahiwalay.

5 Kaniyang inihiwalay ang iyong guya, Oh Samaria; ang aking galit ay nagaalab laban sa kanila: hanggang kailan sila ay magiging mga musmos.

6 Sapagka’t mula sa Israel nanggaling ito; ito’y ginawa ng manggagawa, at ito’y hindi Dios; oo, ang guya ng Samaria ay magkakaputolputol.

7 Sapagka’t sila’y nangagsasabog ng hangin, at sila’y magsisiani ng ipoipo: siya’y walang nakatayong trigo; ang uhay ay hindi maglalaman ng harina; at kung maglaman, ay lalamunin ng mga taga ibang lupa.

8 Ang Israel ay nalamon: ngayo’y nasa gitna siya ng mga bansa na parang sisidlang hindi kinalulugdan.

9 Sapagka’t sila’y nagsiahon sa Asiria, na parang isang mailap na asno na nagiisa: ang Ephraim ay umupa ng mga mangingibig.

10 Oo, bagaman sila’y umuupa sa gitna ng mga bansa, akin nga silang pipisanin ngayon; at sila’y mangagtitigil na kaunting panahon ng pagpapahid ng langis sa hari at mga prinsipe.

11 Sapagka’t ang Ephraim, ay nagparami ng mga dambana upang magkasala, ang mga dambana ay naging sa kaniyang ipagkakasala.

12 Sinulat ko para sa kaniya ang sangpung libong bagay ng aking kautusan; kanilang inaring parang katuwang bagay.

13 Tungkol sa mga hain na mga handog sa akin, sila’y nangaghahain ng karne, at kinakain nila; nguni’t ang mga yaon ay hindi tinatanggap ng Panginoon; ngayo’y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan; sila’y mangababalik sa Egipto.

14 Sapagka’t nilimot ng Israel ang May-lalang sa kaniya, at nagtayo ng mga palacio; at nagparami ang Juda ng mga bayang nakukutaan; nguni’t magsusugo ako ng apoy sa kaniyang mga bayan, at susupukin ang mga kuta niyaon.

Hoseas 9

1 Huwag kang magalak, Oh Israel sa katuwaan, na gaya ng mga bayan; sapagka’t ikaw ay nagpatutot na humihiwalay sa iyong Dios; iyong inibig ang upa sa bawa’t giikan.

2 Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila, at ang bagong alak ay magkukulang sa kaniya.

3 Sila’y hindi magsisitahan sa lupain ng Panginoon; kundi ang Ephraim ay babalik sa Egipto, at sila’y magsisikain ng maruming pagkain sa Asiria.

4 Hindi nila ipagbubuhos ng alak ang Panginoon, ni makalulugod man sa kaniya: ang kanilang mga hain ay magiging sa kanila’y parang tinapay ng nangagluksa; lahat ng magsikain niyaon ay mangapapahamak; sapagka’t ang kanilang tinapay ay parang sa kanilang ipagkakagana; hindi papasok sa bahay ng Panginoon.

5 Ano ang inyong gagawin sa kaarawan ng takdang kapulungan, at sa kaarawan ng kapistahan ng Panginoon?

6 Sapagka’t, narito, sila’y nagsialis sa kagibaan, gayon ma’y pipisanin sila ng Egipto, sila’y ililibing ng Memphis; ang kanilang maligayang mga bagay na pilak ay aariin ng dawag; mga tinik ang sasa kanilang mga tolda.

7 Ang mga kaarawan ng pagdalaw ay dumating, ang mga kaarawan ng kagantihan ay dumating; malalaman ng Israel: ang propeta ay mangmang, ang lalake na may espiritu ay ulol, dahil sa karamihan ng iyong kasamaan, at sapagka’t ang poot ay malaki.

8 Ang Ephraim ay bantay na kasama ng aking Dios: tungkol sa propeta, ay silo ng manghuhuli sa lahat ng kaniyang lansangan, at pagkakaalit ay nasa bahay ng kaniyang Dios.

9 Sila’y nangagpapahamak na mainam, na gaya ng mga kaarawan ng Gabaa: kaniyang aalalahanin ang kanilang kasamaan, kaniyang dadalawin ang kanilang mga kasalanan.

10 Aking nasumpungan ang Israel na parang ubas sa ilang; aking nakita ang inyong mga magulang na parang unang bunga sa puno ng higos sa kaniyang unang kapanahunan: nguni’t sila’y nagsiparoon kay Baalpeor, at nangagsitalaga sa mahalay na bagay, at naging kasuklamsuklam na gaya ng kanilang iniibig.

11 Tungkol sa Ephraim, ang kanilang kaluwalhatian ay lilipad na parang ibon; mawawalan ng panganganak, at walang magdadalang tao, at walang paglilihi.

12 Bagaman kanilang pinalalaki ang kanilang mga anak, gayon ma’y aking babawaan sila, na walang tao; oo, sa aba nila pagka ako’y humiwalay sa kanila!

13 Ang Ephraim, gaya ng aking makita ang Tiro, ay natatanim sa isang masayang dako: nguni’t ilalabas ng Ephraim ang kaniyang mga anak sa tagapatay.

14 Bigyan mo sila, Oh Panginoon-anong iyong ibibigay? bigyan mo sila ng mga bahay-batang maaagasan at mga tuyong suso.

15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal; sapagka’t doo’y kinapootan ko sila; dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa, akin silang palalayasin sa aking bahay; hindi ko na sila iibigin; lahat nilang prinsipe ay mapagsalangsang.

16 Ang Ephraim ay nasaktan, ang kaniyang ugat ay natuyo, sila’y hindi mangagbubunga: oo, bagaman sila’y nanganak, gayon ma’y aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang bahay-bata.

17 Itatakuwil sila ng aking Dios, sapagka’t hindi nila dininig siya; at sila’y magiging mga gala sa gitna ng mga bansa.

Hoseas 10

1 Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga: ayon sa karamihan ng kaniyang bunga kaniyang pinarami ang kaniyang mga dambana; ayon sa kabutihan ng kaniyang lupain ay nagsigawa sila ng mga mainam na haligi.

2 Ang kanilang puso ay nahati; ngayo’y mangasusumpungan silang salarin: kaniyang ibabagsak ang kanilang mga dambana, kaniyang sasamsamin ang kanilang mga haligi.

3 Walang pagsalang ngayo’y kanilang sasabihin, Kami ay walang hari; sapagka’t kami ay hindi nangatatakot sa Panginoon; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa atin?

4 Sila’y nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita, na nagsisisumpa ng di totoo sa paggawa ng mga tipan: kaya’t ang kahatulan ay lumilitaw na parang ajenjo sa mga bungkal sa parang.

5 Ang mga nananahan sa Samaria ay malalagay sa pangingilabot dahil sa mga guya ng Beth-aven; sapagka’t ang bayan niyaon ay mananangis doon, at ang mga saserdote niyaon na nangagagalak doon, dahil sa kaluwalhatian niyaon, sapagka’t nawala roon.

6 Dadalhin din naman sa Asiria na pinakakaloob sa haring Jareb: ang Ephraim ay tatanggap ng kahihiyan, at ang Israel ay mapapahiya sa kaniyang sariling payo.

7 Tungkol sa Samaria, ang kaniyang hari ay nahiwalay, na parang bula sa tubig.

8 Ang mataas na dako naman ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay masisira: ang mga tinik at ang mga dawag ay sisibol sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.

9 Oh Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga kaarawan ng Gabaa: doon sila nagsitayo; ang pagbabaka laban sa mga anak ng kasamaan ay hindi aabot sa kanila sa Gabaa.

10 Pagka siya kong nasa, ay aking parurusahan sila; at ang mga bayan ay magpipisan laban sa kanila, pagka sila’y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.

11 At ang Ephraim ay isang dumalagang baka na tinuturuan, na maibigin sa pagiik ng trigo; nguni’t aking pinararaan ang pamatok sa kaniyang magandang leeg: ako’y maglalagay ng isang mananakay sa Ephraim; magaararo ang Juda, dudurugin ng Jacob ang kaniyang mga bugal.

12 Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katuwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan; bungkalin ninyo ang inyong pinabayaang bukiran; sapagka’t panahon na hanapin ang Panginoon, hanggang sa siya’y dumating, at magdala ng katuwiran sa inyo.

13 Kayo’y nangaghasik ng kasamaan, kayo’y nagsiani ng kasalanan; kayo’y nagsikain ng bunga ng kabulaanan; sapagka’t ikaw ay tumiwala sa iyong lakad, sa karamihan ng iyong makapangyarihang lalake.

14 Kaya’t babangon ang isang kagulo sa iyong mga bayan, at lahat ng iyong mga katibayan ay magigiba, na gaya ni Salman na gumiba sa Beth-arbel sa kaarawan ng pagbabaka: ang ina ay pinaglurayluray na kasama ng kaniyang mga anak.

15 Gayon ang gagawin ng Beth-el sa inyo dahil sa inyong malaking kasamaan: sa pagbubukang liwayway, ang hari ng Israel ay lubos na mahihiwalay.

Hoseas 11

1 Nang bata pa ang Israel, aking minahal siya, at tinawag kong aking anak mula sa Egipto.

2 Lalo silang tinawag ng mga propeta, ay lalo naman silang nagsihiwalay sa kanila: sila’y nangaghahain sa mga Baal, at nangagsusunug ng mga kamangyan sa mga larawang inanyuan.

3 Gayon ma’y aking tinuruan ang Ephraim na lumakad; aking kinalong sila sa aking mga bisig; nguni’t hindi nila kinilala na aking pinagaling sila.

4 Akin silang pinatnubayan ng mga tali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig; at ako’y naging sa kanila’y parang nagaalis ng paningkaw sa kanilang mga panga; at ako’y naglagay ng pagkain sa harap nila.

5 Sila’y hindi babalik sa lupain ng Egipto; kundi ang taga Asiria ay magiging kanilang hari, sapagka’t sila’y nagsisitangging manumbalik sa akin.

6 At ang tabak ay lalagak sa kanilang mga bayan, at susupukin ang kanilang mga halang, at lalamunin sila, dahil sa kanilang sariling mga payo.

7 At ang aking bayan ay mahilig ng pagtalikod sa akin: bagaman kanilang tinatawag siya na nasa itaas, walang lubos na magtataas sa kaniya.

8 Paanong pababayaan kita, Ephraim? paanong itatakuwil kita, Israel? paanong gagawin kitang parang Adma? paanong ilalagay kitang parang Zeboim? ang aking puso ay nabagbag sa loob ko, ang aking mga habag ay nangagalab.

9 Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka’t ako’y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.

10 Sila’y magsisilakad ng ayon sa Panginoon, na siyang uungal, na parang leon; sapagka’t siya’y uungal, at ang mga anak ay magsisidating na nanginginig na mula sa kalunuran.

11 Sila’y darating na nanginginig na parang ibon na mula sa Egipto, at parang kalapati na mula sa lupain ng Asiria; at aking patatahanin sila sa kanilang mga bahay, sabi ng Panginoon.

12 Kinukulong ako ng Ephraim ng kabulaanan sa palibot, at ng sangbahayan ni Israel sa pamamagitan ng daya; nguni’t ang Juda’y nagpupuno pang kasama ng Dios, at tapat na kasama ng Banal.

Hoseas 12

1 Ang Ephraim ay kumakain ng hangin, at sumusunod sa hanging silanganan: siya’y laging nagpaparami ng mga kabulaanan at kasiraan; at sila’y nakikipagtipan sa Asiria, at ang langis ay dinadala sa Egipto.

2 Ang Panginoon ay may pakikipagkaalit din sa Juda, at parurusahan niya ang Jacob ayon sa kaniyang mga lakad; ayon sa kaniyang mga gawa ay gagantihan niya siya.

3 Sa bahay-bata ay kaniyang hinawakan sa sakong ang kaniyang kapatid; at sa kaniyang kabinataan ay nagtaglay ng kapangyarihan ng Dios:

4 Oo, siya’y nagtaglay ng kapangyarihan sa anghel, at nanaig: siya’y tumangis, at namanhik sa kaniya: nasumpungan niya siya sa Beth-el, at doo’y nakipagsalitaan siya sa atin.

5 Sa makatuwid baga’y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo; ang Panginoon ay kaniyang alaala.

6 Kaya’t magbalik-loob ka sa iyong Dios magingat ka ng kaawaan at ng kahatulan, at hintayin mong lagi ang iyong Dios.

7 Mangangalakal siya na may timbangang magdaraya sa kaniyang kamay: maibigin ng pagpighati.

8 At sinabi ng Ephraim, Tunay na ako’y naging mayaman, ako’y nakasumpong ng kayamanan; sa lahat ng aking gawin, walang masusumpungan sila sa akin na kasamaan,

9 Nguni’t ako ang Panginoon mong Dios mula sa lupain ng Egipto, akin pa kitang patatahanin uli sa mga tolda, gaya sa mga kaarawan ng takdang kapistahan.

10 Ako rin naman ay nagsalita sa mga propeta, at ako’y nagparami ng mga pangitain; at sa pangangasiwa ng mga propeta ay gumamit ako ng mga talinhaga.

11 Ang Galaad baga’y kasamaan? sila’y pawang walang kabuluhan; sa Gilgal ay nangaghahain sila ng mga toro; oo, ang kanilang dambana ay parang mga bunton sa mga bungkal ng bukid.

12 At si Jacob ay tumakas na napatungo sa parang ng Aram, at naglingkod si Israel dahil sa isang asawa, at dahil sa isang asawa ay nagalaga ng mga tupa.

13 At sa pamamagitan ng isang propeta ay isinampa ng Panginoon ang Israel mula sa Egipto, at sa pamamagitan ng isang propeta, siya’y naingatan.

14 Ang Ephraim ay namungkahi ng di kawasang galit: kaya’t ang kaniyang dugo ay maiiwan sa kaniya, at ibabalik ng kaniyang Panginoon sa kaniya ang kakutyaan sa kaniya.

Hoseas 13

1 Nang magsalita ang Ephraim, ay nagkaroon ng panginginig; siya’y nagpapakalaki sa kaniyang sarili sa Israel; nguni’t nang siya’y magkasala tungkol kay Baal ay namatay siya.

2 At ngayo’y nangagkasala sila ng higit at higit, at nagsigawa sila ng mga larawang binubo sa kanilang pilak, mga diosdiosan na ayon sa kanilang unawa, lahat ng yaon ay gawa ng manggagawa: sinasabi nila tungkol sa mga yaon; Magsihalik sa mga guya ang mga tao na nangaghahain.

3 Kaya’t sila’y magiging parang ulap sa umaga, at parang hamog na nawawalang maaga, na gaya ng dayami na tinatangay ng ipoipo mula sa giikan, at parang usok na lumalabas sa Chimenea:

4 Gayon ma’y ako ang Panginoon mong Dios mula sa lupain ng Egipto; at wala kang makikilalang Dios kundi ako, at liban sa akin ay walang tagapagligtas.

5 Nakilala kita sa ilang, sa lupain ng malaking katuyuan.

6 Ayon sa pastulan sa kanila, gayon sila nangabusog; sila’y nangabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki: kaya’t kinalimutan nila ako.

7 Kaya’t ako’y magiging parang leon sa kanila; parang leopardo na ako’y magbabantay sa tabi ng daan;

8 Aking sasalubungin sila na gaya ng oso na ninakawan ng kaniyang mga anak, at aking babakahin ang lamak ng kanilang puso; at doo’y lalamunin ko sila ng gaya ng leon; lalapain sila ng mabangis na hayop.

9 Siyang iyong kapahamakan Oh Israel, na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.

10 Saan nandoon ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong bayan? at ang iyong mga hukom, na iyong pinagsasabihan, Bigyan mo ako ng hari at mga prinsipe?

11 Aking binigyan ka ng hari sa aking kagalitan, at inalis ko siya sa aking poot.

12 Ang kasamaan ng Ephraim ay nababalot; ang kaniyang kasalanan ay nabubunton.

13 Ang mga kapanglawan ng nagdaramdam na babae ay dadanasin niya: siya’y hindi pantas na anak; sapagka’t panahon na hindi sana siya marapat maghirap sa pagwawaksi ng mga yaon.

14 Aking tutubusin sila mula sa kapangyarihan ng Sheol; aking tutubusin sila mula sa kamatayan. Oh kamatayan, saan nandoon ang iyong mga salot? Oh Sheol, saan nandoon ang iyong kasiraan? pagsisisi ay malilingid sa aking mga mata.

15 Bagaman siya’y mabunga sa kaniyang mga kapatid, isang hanging silanganan ay darating, ang hinga ng Panginoon ay umiilanglang mula sa ilang; at ang kaniyang tipunan ng tubig ay magiging tuyo, at ang kaniyang bukal ay matutuyo: kaniyang sasamsamin ang kayamanan ng lahat na maligayang kasangkapan.

16 Tataglayin ng Samaria ang kaniyang sala; sapagka’t siya’y nanghimagsik laban sa kaniyang Dios: sila’y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin at ang kanilang mga nagdadalang tao ay paluluwain ang bituka.

Hoseas 14

1 Oh Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Dios; sapagka’t ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.

2 Magpahayag kayo na may pagsisisi, at magsipanumbalik kayo sa Panginoon: sabihin ninyo sa kaniya, Alisin mo ang boong kasamaan, at tanggapin mo ang mabuti: sa gayo’y aming ilalagak na parang mga toro ang handog ng aming mga labi.

3 Hindi kami ililigtas ng Asiria; kami ay hindi sasakay sa mga kabayo; ni magsasabi pa man kami sa gawa ng aming mga kamay, Kayo’y aming mga dios; sapagka’t dahil sa iyo’y nakakasumpong ng kaawaan ang ulila.

4 Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, akin silang iibiging may kalayaan; sapagka’t ang aking galit ay humiwalay sa kaniya.

5 Ako’y magiging parang hamog sa Israel: siya’y bubukang parang lila, at kakalat ang kaniyang ugat na parang Libano.

6 Ang kaniyang mga sanga ay magsisiyabong, at ang kaniyang kagandahan ay magiging parang puno ng olibo, at ang kaniyang bango ay parang Libano.

7 Silang nagsisitahan sa kaniyang lilim ay manunumbalik; sila’y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas: at ang amoy ay magiging gaya ng alak ng Libano.

8 Sasabihin ng Ephraim, Ano pa ang aking gagawin sa mga dios-diosan? Ako’y sasagot, at aking hahalatain siya: ako’y parang sariwang abeto; mula sa akin ay nasusumpungan ang iyong bunga.

9 Sino ang pantas, at siya’y makakaunawa ng mga bagay na ito? at mabait, at kaniyang mangalalaman? sapagka’t ang mga daan ng Panginoon ay matutuwid, at lalakaran ng mga ganap; nguni’t kabubuwalan ng mga mananalangsang.

Daniel 1

1 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Joacim na hari sa Juda, ay dumating sa Jerusalem si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kinubkob niya yaon.

2 At ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay si Joacim na hari sa Juda, sangpu ng bahagi ng mga kasangkapan ng bahay ng Dios; at ang mga yao’y dinala niya sa lupain ng Sinar sa bahay ng kaniyang dios: at ipinasok niya ang mga kasangkapan sa silid ng kayamanan ng kaniyang dios.

3 At ang hari ay nagsalita kay Aspenaz, na puno ng kaniyang mga bating, na siya’y magdala ng ilan sa mga anak ni Israel, sa makatuwid baga’y sa lahing hari at sa mga mahal na tao;

4 Mga binatang walang kapintasan, kundi may mabubuting bikas, at matatalino sa lahat na karunungan, at bihasa sa kaalaman, at nakakaunawa ng dunong, at may ganyang kakayahan na makatayo sa palacio ng hari; at kaniyang tuturuan sila ng turo at wika ng mga Caldeo.

5 At ipinagtakda ng hari sila ng bahagi sa araw sa pagkain ng hari, at sa alak na kaniyang iniinom, at sila’y kakandilihin na tatlong taon; upang sa wakas niyao’y mangakatayo sila sa harap ng hari.

6 Na sa mga ito nga, sa mga anak ni Juda, si Daniel, si Ananias, si Misael, at si Azarias.

7 At pinanganlan sila ng pangulo ng mga bating: kay Daniel ang ipinangalan ay Beltsasar, at kay Ananias ay Sadrach; at kay Misael ay Mesach; at kay Azarias ay Abed-nego.

8 Nguni’t pinasiyahan ni Daniel sa kaniyang puso na siya’y hindi magpapakahamak sa pagkain ng hari, o sa alak man na kaniyang iniinom: kaya’t kaniyang hiniling sa pangulo ng mga bating na siya’y huwag mapahamak.

9 Si Daniel nga ay pinasumpong ng Dios, ng lingap at habag sa paningin ng pangulo ng mga bating.

10 At sinabi ng pangulo ng mga bating kay Daniel, Ako’y natatakot sa aking panginoong hari, na nagtakda ng inyong pagkain at ng inyong inumin: sapagka’t bakit niya makikita na ang inyong mga mukha ay maputla kay sa mga binata na inyong mga kasinggulang? isasapanganib nga ninyo ang aking ulo sa hari.

11 Nang magkagayo’y sinabi ni Daniel sa katiwala na inihalal ng pangulo ng mga bating kay Daniel, kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias:

12 Ipinamamanhik ko sa iyo, na subukin mo ang iyong mga lingkod, na sangpung araw; at bigyan kami ng mga gulay na makain, at tubig na mainom.

13 Kung magkagayo’y masdan mo ang aming mga mukha sa harap mo, at ang mukha ng mga binata na nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod.

14 Sa gayo’y dininig niya sila sa bagay na ito, at sinubok niya sila na sangpung araw.

15 At sa katapusan ng sangpung araw ay napakitang lalong maganda ang kanilang mga mukha, at sila’y lalong mataba sa laman kay sa lahat na binata na nagsisikain ng pagkain ng hari.

16 Sa gayo’y inalis ng katiwala ang kanilang pagkain, at ang alak na kanilang inumin, at binigyan sila ng mga gulay.

17 Tungkol nga sa apat na binatang ito, pinagkalooban sila ng Dios ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan: at si Daniel ay may pagkaunawa sa lahat na pangitain at mga panaginip.

18 At sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok nga sila ng pangulo ng mga bating sa harap ni Nabucodonosor.

19 At ang hari ay nakipagsalitaan sa kanila; at sa kanilang lahat ay walang nasumpungang gaya ni Daniel, ni Ananias, ni Misael, at ni Azarias: kaya’t sila’y nanganatili sa harap ng hari.

20 At sa bawa’t bagay ng karunungan at unawa, na inusisa ng hari sa kanila, nasumpungan niya silang makasangpung mainam kay sa lahat ng mahiko at mga enkantador na nangasa kaniyang buong kaharian.

21 At si Daniel ay namalagi hanggang sa unang taon ng haring Ciro.

Daniel 2

1 At nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor ay nanaginip si Nabucodonosor ng mga panaginip; at ang kaniyang espiritu ay nabagabag, at siya’y napukaw sa pagkakatulog.

2 Nang magkagayo’y ipinatawag ng hari ang mga mahiko, at ang mga enkantador, at ang mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang saysayin sa hari ang kaniyang mga panaginip. Sa gayo’y nagsipasok sila at sila’y nagsiharap sa hari.

3 At sinabi ng hari sa kanila, Ako’y nanaginip ng isang panaginip, at ang aking Espiritu ay nabagabag upang maalaman ang panaginip.

4 Nang magkagayo’y nagsalita ang mga Caldeo sa hari sa wikang Siria, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man: saysayin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.

5 Ang hari ay sumagot, at nagsabi sa mga Caldeo, Ang bagay ay nawala sa akin: kung di ninyo ipaliliwanag sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo’y pagpuputolputulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing dumihan.

6 Nguni’t kung inyong ipaliwanag ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo’y magsisitanggap sa akin ng mga kaloob at mga kagantihan at dakilang karangalan: kaya’t ipaliwanag ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon.

7 Sila’y nagsisagot na ikalawa, at nangagsabi, Saysayin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.

8 Ang hari ay sumagot, at nagsabi. Tunay na talastas ko na ibig ninyong magdahilan, sapagka’t inyong nalalaman na nawala sa akin ang bagay.

9 Nguni’t kung di ninyo ipaliwanag sa akin ang panaginip, iisang kautusan lamang mayroon sa inyo; sapagka’t kayo’y nangaghanda ng pagbubulaan at mga hamak na salita sa harap ko, hanggang sa ang panahon ay magbago: kaya’t saysayin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko na inyong maipaliliwanag sa akin ang kahulugan niyaon.

10 Ang mga Caldeo ay nagsisagot sa harap ng hari, at nangagsabi, Walang tao sa ibabaw ng lupa na makapagpapaaninaw ng bagay ng hari, palibhasa’y walang hari, panginoon, o pinuno man, na nagtanong ng ganyang bagay sa kanino mang mahiko, enkantador, o Caldeo.

11 At isang mahirap na bagay ang inuusisa ng hari, at walang ibang makapagpapaaninaw sa harap ng hari, liban ang mga dios, na ang tahanan ay hindi kasama ng tao.

12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at totoong nagalab sa galit, at nagutos na lipulin ang lahat na pantas na tao sa Babilonia.

13 Sa gayo’y itinanyag ang pasiya, at ang mga pantas na tao ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kaniyang mga kasama upang patayin.

14 Nang magkagayo’y nagbalik ng sagot si Daniel na may payo at kabaitan kay Arioch na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas na tao sa Babilonia;

15 Siya’y sumagot, at nagsabi kay Arioch na punong kawal ng hari, Bakit ang pasiya ay totoong madalian mula sa hari? Nang magkagayo’y ipinatalastas ni Arioch ang bagay kay Daniel.

16 At si Daniel ay pumasok, at humiling sa hari na takdaan siya ng panahon, at kaniyang ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

17 Nang magkagayo’y naparoon si Daniel sa kaniyang bahay, at ipinaalam ang bagay kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias, na kaniyang mga kasama:

18 Upang sila’y magsipagnais ng kaawaan sa Dios ng langit tungkol sa lihim na ito; upang si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay hindi mangamatay na kasama ng ibang mga pantas na tao sa Babilonia.

19 Nang magkagayo’y nahayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo’y pinuri ni Daniel ang Dios sa langit.

20 Si Daniel ay sumagot, at nagsabi, Purihin ang pangalan ng Dios magpakailan man: sapagka’t ang karunungan at kapangyarihan ay kaniya.

21 At kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan; siya’y nagaalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya’y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa makakaalam ng unawa;

22 Siya’y naghahayag ng malalim at lihim na mga bagay; kaniyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay tumatahang kasama niya.

23 Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka’t iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.

24 Kaya’t pinasok ni Daniel si Arioch na siyang inihalal ng hari na lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; siya’y naparoon, at nagsabi sa kaniya ng ganito, Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

25 Nang magkagayo’y dinalang madali ni Arioch si Daniel sa harap ng hari, at nagsabing ganito sa kaniya, Ako’y nakasumpong ng isang lalake sa mga anak ng nangabihag sa Juda, na magpapaaninaw sa hari ng kahulugan.

26 Ang hari ay sumagot, at nagsabi kay Daniel, na ang pangalan ay Beltsasar, Maipaaaninaw mo baga sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon?

27 Si Daniel ay sumagot sa harap ng hari, at nagsabi, Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipaaaninaw sa hari kahit ng mga pantas na tao, ng mga enkantador, ng mga mahiko man, o ng mga manghuhula man.

28 Nguni’t may isang Dios sa langit na naghahayag ng mga lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip, at ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito:

29 Tungkol sa iyo, Oh hari, ang iyong mga pagiisip ay dumating sa iyo sa iyong higaan, kung ano ang mangyayari sa panahong darating; at siya na naghahayag ng mga lihim ay ipinaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari.

30 Nguni’t tungkol sa akin ang lihim na ito ay hindi nahayag sa akin ng dahil sa anomang karunungan na tinamo kong higit kay sa sinomang may buhay, kundi upang maipaaninaw sa hari ang kahulugan at upang iyong maalaman ang mga pagiisip ng iyong puso.

31 Ikaw, Oh hari, nakakita, at narito, ang isang malaking larawan. Ang larawang ito na makapangyarihan, at ang kaniyang kakinangan ay mainam, ay tumayo sa harap mo; at ang anyo niyao’y kakilakilabot.

32 Tungkol sa larawang ito, ang kaniyang ulo ay dalisay na ginto, ang kaniyang dibdib at ang kaniyang mga bisig ay pilak, ang kaniyang tiyan at ang kaniyang mga hita ay tanso,

33 Ang kaniyang mga binti ay bakal, ang kaniyang mga paa’y isang bahagi ay bakal, at isang bahagi ay putik na luto.

34 Iyong tinitingnan hanggang sa may natibag na isang bato, hindi ng mga kamay, na tumama sa larawan sa kaniyang mga paang bakal at putik na luto, at mga yao’y binasag.

35 Nang magkagayo’y ang bakal, ang putik na luto, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkaputolputol na magkakasama, at naging parang dayami sa mga giikan sa tagaraw; at tinangay ng hangin na walang dakong kasumpungan sa mga yaon: at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.

36 Ito ang panaginip; at aming sasaysayin ang kahulugan niyaon sa harap ng hari.

37 Ikaw, Oh hari, ay hari ng mga hari, na pinagbigyan ng Dios sa langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan, at ng kaluwalhatian;

38 At alin mang tinatahanan ng mga anak ng mga tao, ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid ay ibinigay sa iyong kamay, at pinapagpuno ka sa kanilang lahat: ikaw ang ulo na ginto.

39 At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang ikatlong kaharian na tanso na magpupuno sa buong lupa.

40 At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal, palibhasa’y ang bakal ay nakadudurog at nakapagpapasuko ng lahat na bagay; at kung paanong dinidikdik ng bakal ang lahat ng ito, siya’y magkakaputolputol at madidikdik.

41 At yamang iyong nakita na ang mga paa at mga daliri, ang isang bahagi ay putik na luto ng magpapalyok, at ang isang bahagi ay bakal, ay magiging kahariang hati; nguni’t magkakaroon yaon ng kalakasan ng bakal, yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahalo sa putik na luto.

42 At kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay putik, magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay, at isang bahagi ay marupok.

43 At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila’y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni’t hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik.

44 At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao’y lalagi magpakailan man.

45 Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao’y tapat.

46 Nang magkagayo’y ang haring Nabucodonosor ay nagpatirapa, at sumamba kay Daniel, at nagutos na sila’y maghandog ng alay at ng may masarap na amoy sa kaniya.

47 Ang hari ay sumagot kay Daniel, at nagsabi, Sa katotohanan ang inyong Dios ay Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga lihim, yamang ikaw ay nakapaghayag ng lihim na ito.

48 Nang magkagayo’y pinadakila ng hari si Daniel, at binigyan siya ng maraming dakilang kaloob, at pinapagpuno siya sa buong lalawigan ng Babilonia, at pinapaging pangulo ng mga tagapamahala sa lahat na pantas sa Babilonia.

49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kaniyang inihalal, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; nguni’t si Daniel ay nasa pintuang-daan ng hari.

Daniel 3

1 Si Nabucodonosor na hari ay gumawa ng isang larawang ginto na ang taas ay anim na pung siko, at ang luwang niyao’y anim na siko: kaniyang itinayo sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia.

2 Nang magkagayo’y nagsugo si Nabucodonosor na hari upang pisanin ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno, at ang lahat na pinuno sa mga lalawigan upang magsiparoon sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

3 Nang magkagayo’y ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno at lahat ng pinuno sa mga lalawigan, ay nagpisan sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari; at sila’y nagsitayo sa harap ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor.

4 Nang magkagayo’y ang tagapagtanyag ay sumigaw ng malakas, Sa inyo’y iniuutos, Oh mga bayan, mga bansa, at mga wika,

5 Na sa anomang oras na inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, kayo’y mangagpatirapa at magsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari;

6 At sinoman na hindi magpatirapa at sumamba sa oras na yaon ay ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

7 Kaya’t sa oras na yaon, pagkarinig ng buong bayan ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, at ng lahat na sarisaring panugtog, lahat na bayan, mga bansa, at mga wika, ay nangagpatirapa at nagsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

8 Dahil dito sa oras na yaon ay nagsilapit ang ilang taga Caldea, at nagsumbong laban sa mga Judio.

9 Sila’y nagsisagot, at nangagsabi kay Nabucodonosor na hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

10 Ikaw, Oh hari, nagpasiya, na bawa’t tao na makarinig ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, ay magpapatirapa, at sasamba sa larawang ginto.

11 At sinomang hindi magpatirapa at sumamba, ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

12 May ilang Judio na iyong inihalal sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia na si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego; ang mga lalaking ito, Oh hari, ay hindi ka pinakundanganan: sila’y hindi nangaglilingkod sa iyong mga dios, ni nagsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

13 Nang magkagayo’y sa poot at pusok ni Nabucodonosor, ay nagutos na dalhin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego. Kanila ngang dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari.

14 Si Nabucodonosor ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Sinasadya nga ba ninyo, Oh Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na kayo’y hindi mangaglilingkod sa aking dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na aking itinayo?

15 Kung kayo nga’y magsihanda sa panahong inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, na mangagpatirapa at magsisamba sa larawan na aking ginawa, mabuti: nguni’t kung kayo’y hindi magsisamba, kayo’y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas; at sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?

16 Si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Oh Nabucodonosor, kami ay walang kailangan na magsisagot sa iyo sa bagay na ito.

17 Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

18 Nguni’t kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

19 Nang magkagayo’y napuspos ng kapusukan si Nabucodonosor, at ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego: kaya’t siya’y nagsalita, at nagutos na kanilang paiinitin ang hurno ng makapito na higit kay sa dating pagiinit.

20 At kaniyang inutusan ang ilang malakas na lalake na nangasa kaniyang hukbo na gapusin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, at sila’y ihagis sa mabangis na hurnong nagniningas.

21 Nang magkagayo’y ang mga lalaking ito’y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may kanilang ibang mga kasuutan, at sila’y inihagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

22 Sapagka’t ang utos ng hari ay madalian, at ang hurno ay totoong mainit, napatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking yaon na nagsibuhat kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego.

23 At ang tatlong lalaking ito, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsibagsak na nagagapos sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

24 Nang magkagayo’y si Nabucodonosor na hari ay nagtaka, at tumindig na madali: siya’y nagsalita at nagsabi sa kaniyang mga kasangguni, Di baga ang ating inihagis ay tatlong gapos na lalake sa gitna ng apoy? Sila’y nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Totoo, Oh hari.

25 Siya’y sumagot, at nagsabi, Narito, aking nakikita ay apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy, at sila’y walang paso; at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng isang anak ng mga dios.

26 Nang magkagayo’y lumapit si Nabucodonosor sa bunganga ng mabangis na hurnong nagniningas: siya’y nagsalita, at nagsabi, Sadrach, Mesach, at Abed-nego, kayong mga lingkod ng Kataastaasang Dios, kayo’y magsilabas at magsiparito. Nang magkagayo’y si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsilabas mula sa gitna ng apoy.

27 At ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, at ang mga kasangguni ng hari na nangagkakapisan ay nakakita sa mga lalaking ito, na ang apoy ay hindi tumalab sa kanilang mga katawan, ni ang mga buhok man ng kanilang mga ulo ay nasunog, ni ang kanila mang mga suot ay nabago, ni nagamoy apoy man sila.

28 Si Nabucodonosor ay nagsalita at nagsabi, Purihin ang Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, na nagsugo ng kaniyang anghel, at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagsitiwala sa kaniya, at binago ang salita ng hari, at ibinigay ang kanilang mga katawan, upang sila’y hindi maglingkod ni sumamba sa kanino mang dios, liban sa kanilang sariling Dios.

29 Kaya’t nagpapasiya ako, na bawa’t bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anomang kapulaan laban sa Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, pagpuputolputulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing dumihan: sapagka’t walang ibang dios na makapagliligtas ng ganitong paraan.

30 Nang magkagayo’y pinaginhawa ng hari si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa lalawigan ng Babilonia.