Ezekiel 2

1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito.

4 At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios.

5 At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka’t sila’y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.

6 At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila’y mapanghimagsik na sangbahayan.

7 At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka’t sila’y totoong mapanghimagsik.

8 Nguni’t ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo.

9 At nang ako’y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon;

10 At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.

Ezekiel 3

1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, kanin mo ang iyong nasusumpungan; kanin mo ang balumbong ito, at ikaw ay yumaon, magsalita ka sa sangbahayan ni Israel.

2 Sa gayo’y ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang balumbon.

3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, pakanin mo ang iyong tiyan, at busugin mo ang iyong bituka ng balumbong ito na aking ibinibigay sa iyo. Nang magkagayo’y kinain ko, at sa aking bibig ay naging parang pulot sa katamisan.

4 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, yumaon ka, paroon ka sa sangbahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.

5 Sapagka’t ikaw ay hindi sinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sangbahayan ni Israel;

6 Hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo nauunawa. Tunay na kung suguin kita sa mga yaon, didinggin ka ng mga yaon.

7 Nguni’t hindi ka didinggin ng sangbahayan ni Israel; sapagka’t hindi nila ako didinggin: sapagka’t ang buong sangbahayan ni Israel ay may matigas na ulo, at may mapagmatigas na loob.

8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at pinatigas ko ang iyong ulo laban sa kanilang mga ulo.

9 Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kay sa pingkiang bato ang iyong ulo: huwag mo silang katakutan, o manglupaypay man sa kanilang tingin, bagaman sila’y mapanghimagsik na sangbahayan.

10 Bukod dito’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at dinggin mo ng iyong mga pakinig.

11 At yumaon ka, pumaroon ka sa mga bihag, na mga anak ng iyong bayan at magsalita ka sa kanila, at saysayin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila.

12 Nang magkagayo’y itinaas ako ng Espiritu, at aking narinig sa likuran ko ang tinig ng malaking hugong, na nagsasabi; Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kaniyang dako.

13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay na nagkakadagisdisan, at ang hugong ng mga gulong sa siping nila, sa makatuwid baga’y ang ingay ng malaking hugong.

14 Sa gayo’y itinaas ako ng Espiritu, at ako’y dinala; at ako’y yumaong namamanglaw, sa pagiinit ng aking kalooban; at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.

15 Nang magkagayo’y naparoon ako sa mga bihag sa Tel-abib, na nagsisitahan sa pangpang ng ilog Chebar, at sa kanikanilang kinatatahanan; at ako’y umupo roong natitigilan sa gitna nila na pitong araw.

16 At nangyari, sa katapusan ng pitong araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

17 Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sangbahayan ni Israel: kaya’t pakinggan mo ang salita sa aking bibig, at ipanguna mo sa kanila sa ganang akin.

18 Pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at hindi mo pinagpaunahan siya, o nagsasalita ka man upang hikayatin ang masama mula sa kaniyang masamang lakad, upang iligtas ang kaniyang buhay; ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni’t ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.

19 Gayon ma’y kung iyong pagpaunahan ang masama, at siya’y hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan, o sa kaniyang masamang lakad man, siya’y mamamatay sa kaniyang kasamaan; nguni’t iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.

20 Muli, pagka ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at ako’y naglalagay ng katitisuran sa harap niya, siya’y mamamatay; sapagka’t hindi mo siya pinagpaunahan, siya’y mamamatay sa kaniyang kasalanan, at ang kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin; nguni’t ang kaniyang dugo ay aking sisiyasatin sa iyong kamay.

21 Gayon ma’y kung iyong pinagpaunahan ang taong matuwid, upang ang matuwid ay huwag magkasala, at siya’y hindi nagkakasala, siya’y walang pagsalang mabubuhay, sapagka’t siya’y nahikayat; at iyong iniligtas ang iyong kaluluwa.

22 At ang kamay ng Panginoon ay sumasa akin, at sinabi niya sa akin, Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo’y makikipagusap ako sa iyo.

23 Nang magkagayo’y bumangon ako, at ako’y lumabas sa kapatagan; at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay dumoon, na gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar; at ako’y napasubasob.

24 Nang magkagayo’y suma akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa; at siya’y nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi sa akin, Yumaon ka, magsara ka sa loob ng iyong bahay.

25 Nguni’t ikaw, anak ng tao, narito, sila’y mangaglalagay ng mga lubid sa iyo, at itatali sa iyo, at ikaw ay hindi lalabas sa gitna nila.

26 At aking paninikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at huwag maging mananaway sa kanila: sapagka’t sila’y mapanghimagsik na sangbahayan.

27 Nguni’t pag ako’y makikipagsalitaan sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Siyang nakikinig ay makinig; at ang nagtatakuwil ay magtakuwil: sapagka’t sila’y mapanghimagsik na sangbahayan.

Ezekiel 4

1 Ikaw naman, anak ng tao, kumuha ka ng isang losa, at ilagay mo sa harap mo, at gumuhit ka sa ibabaw ng isang bayan, sa makatuwid baga’y ng Jerusalem.

2 At kubkubin mo, at magtayo ka ng mga katibayan sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon; maglagay ka rin ng mga kampamento sa tapat noon; at magumang ka ng mga pangsaksak sa tapat noon sa palibot.

3 At magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo na pinakakutang bakal sa pagitan mo at ng bayan: at iharap mo ang iyong mukha sa dako niyaon, at makukubkob, at iyong kukubkubin. Ito ang magiging tanda sa sangbahayan ni Israel.

4 Bukod dito’y humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel doon; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga roon, magdadanas ka ng kanilang kasamaan.

5 Sapagka’t aking itinakda ang mga taon ng kanilang kasamaan upang maging sa iyo’y isang bilang ng mga araw, sa makatuwid baga’y tatlong daan at siyam na pung araw: gayon mo dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel.

6 At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa’t araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo.

7 At iyong ihaharap ang iyong mukha sa pagkubkob ng Jerusalem na may lilis kang manggas; at ikaw ay manghuhula laban doon.

8 At, narito, ipinaglalagay kita ng lubid, at ikaw ay huwag magpapalikoliko mula sa isang dako hanggang sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga kaarawan ng iyong pagkubkob.

9 Magdala ka rin ng trigo, at ng cebada, at ng habas, at ng lentejas, at ng mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga sa iyong tagiliran, sa makatuwid baga’y tatlong daan at siyam na pung araw, iyong kakanin yaon.

10 At ang iyong pagkain na iyong kakanin ay magiging ayon sa timbang, dalawang pung siklo isang araw: araw-araw ay iyong kakanin.

11 At ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin: araw-araw ikaw ay iinom.

12 At iyong kakaning parang mga munting tinapay na cebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.

13 At sinabi ng Panginoon, Ganito kakanin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.

14 Nang magkagayo’y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, ang aking kaluluwa ay hindi nadumhan, sapagka’t mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay hindi ako kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.

15 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo’y dumi ng baka na kahalili ng dumi ng tao, at iyong ihahanda ang iyong tinapay sa ibabaw niyaon.

16 Bukod dito’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, narito, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem: at sila’y magsisikain ng tinapay ayon sa timbang, at may pagkatakot; at magsisiinom sila ng tubig ayon sa takal, at manglulupaypay:

17 Upang sila’y mangailangan ng tinapay at tubig, at manglupaypay na magkakasama, at manganlata sa kanilang kasamaan.

Ezekiel 5

1 At ikaw, anak ng tao, magdala ka ng matalas na tabak; na parang pangahit ng manggugupit ang iyong dadalhin, at iyong pararaanin sa iyong ulo at sa iyong balbas: kung magkagayo’y kumuha ka ng timbangang panimbang, at bahagihin mo ang buhok.

2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng bayan, pagka ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at susugatan mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong pangangalatin sa hangin, at ako’y magbubunot ng tabak sa likuran nila.

3 At kukuha ka sa mga yaon ng kaunti sa bilang, at ipagtatali mo sa iyong mga tunika.

4 At sa mga ito’y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy; siyang panggagalingan ng apoy sa buong sangbahayan ni Israel.

5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ito ay Jerusalem; inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at mga lupain ay nangasa palibot niya.

6 At siya’y nanghimagsik laban sa aking mga kahatulan sa paggawa ng kasamaan na higit kay sa ginawa ng mga bansa, at laban sa aking mga palatuntunan na higit kay sa mga lupain na nangasa palibot niya; sapagka’t kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at tungkol sa aking mga palatuntunan, hindi nila nilakaran.

7 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka’t kayo’y manggugulo na higit kay sa mga bansa na nangasa palibot ninyo, at hindi nagsilakad sa aking mga palatuntunan, o iningatan man ang aking mga kahatulan, o nagsigawa man ng ayon sa mga ayos sa mga bansa na nangasa palibot ninyo;

8 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga’y ako, ay laban sa iyo; at ako’y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.

9 At aking gagawin sa iyo ang hindi ko ginawa, at hindi ko na gagawin pa ang kaparis, dahil sa iyong lahat na kasuklamsuklam.

10 Kaya’t kakanin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakanin ng mga anak ang kanilang mga magulang; at ako’y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang buong nalabi sa iyo ay aking pangangalatin sa lahat ng dako.

11 Kaya’t buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala, na sapagka’t iyong nilapastangan ang aking santuario ng lahat mong kasuklamsuklam na bagay, at ng lahat mong karumaldumal, kaya’t akin namang babawasan ka; ni hindi magpapatawad ang aking mata, at ako nama’y hindi mahahabag.

12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng kagutom ay mauubos sila sa gitna mo; at ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo; at ang ikatlong bahagi ay aking pangangalatin sa lahat ng dako, at magbubunot ako ng tabak sa likuran.

13 Ganito magaganap ang aking galit, at aking lulubusin ang aking kapusukan sa kanila, at ako’y maaaliw: at kanilang malalaman na akong Panginoon ay nagsalita sa aking pagsisikap, pagka aking naganap ang aking kapusukan sa kanila.

14 Bukod dito’y gagawin kitang kasiraan at kapulaan, sa gitna ng mga bansa na nangasa palibot mo, sa paningin ng lahat na nagsisidaan.

15 Sa gayo’y magiging kadustaan at kapulaan, aral at katigilan sa mga bansang nangasa palibot mo, pagka ako’y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa kapusukan, at sa mababagsik na pagsaway (akong Panginoon ang nagsalita);

16 Pagka ako’y magpapasapit sa kanila ng mga masamang pana ng kagutom na ikasisira nila, na siyang aking pasasapitin upang sirain kayo. At aking palalalain ang kagutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay;

17 At ako’y magpapasapit sa inyo ng kagutom at mga masamang hayop, at kanilang aalisan ka ng anak; at salot at dugo ay daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo; ako ang Panginoon na nagsalita.

Ezekiel 6

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay manghula tungkol sa mga yaon.

3 At magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ang salita ng Panginoong Dios. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga bundok at sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako sa makatuwid baga’y ako, magpaparating ng tabak sa inyo, at aking sisirain ang inyong mga mataas na dako.

4 At ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga larawang araw ay mababasag; at aking ibubulagta ang inyong mga patay na tao sa harap ng inyong mga diosdiosan.

5 At aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harap ng kanilang mga diosdiosan; at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana.

6 Sa lahat ng inyong mga tahanang dako ay mawawasak ang mga bayan, at ang mga mataas na dako ay mangasisira; upang ang inyong mga dambana ay mangawasak at mangagiba, at ang inyong mga diosdiosan ay mangabasag at mangaglikat, at ang inyong mga larawang araw ay mangabagsak, at ang inyong mga gawa ay mangawawala.

7 At ang mga patay ay mangabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

8 Gayon ma’y magiiwan ako ng nalabi, upang magkaroon sa inyo ng ilan na nakatanan sa tabak sa gitna ng mga bansa, pagka kayo’y mangangalat sa mga lupain.

9 At silang nangakatanan sa inyo ay aalalahanin ako sa gitna ng mga bansa na pagdadalhan sa kanilang bihag, kung paanong ako’y nakipagkasira sa kanilang masamang kalooban na humiwalay sa akin, at sa kanilang mga mata, na yumaong sumamba sa kanilang mga diosdiosan; at sila’y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam.

10 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon: hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan na aking gagawin ang kasamaang ito sa kanila.

11 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Saktan mo ng iyong kamay, at sikaran mo ng iyong paa, at iyong sabihin, Sa aba nila! dahil sa lahat na masamang kasuklamsuklam ng sangbahayan ni Israel; sapagka’t sila’y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot.

12 Ang malayo ay mamamatay sa salot; at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang malabi at makubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng kagutom: ganito ko gaganapin ang aking kapusukan sa kanila.

13 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka ang kanilang mga patay na tao ay mangalalagay sa gitna ng kanilang mga diosdiosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawa’t mataas na burol, sa lahat na taluktok ng mga bundok, at sa ilalim ng bawa’t sariwang punong kahoy, at sa ilalim ng bawa’t mayabong na encina, na kanilang pinaghandugan ng masarap na amoy sa lahat nilang diosdiosan.

14 At aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang lupa, mula sa ilang hanggang sa Diblah, sa lahat nilang tahanan; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 7

1 Bukod dito’y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng Israel, May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain.

3 Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

4 At hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating.

6 Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito’y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating.

7 Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok.

8 Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

9 At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.

10 Narito, ang kaarawan, narito, dumarating; ang hatol sa iyo ay ipinasiya; ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay namuko.

11 Pangdadahas ay bumangon na naging pamalo ng kasamaan; walang malalabi sa kanila, o sa kanilang karamihan man, o sa kanilang kayamanan man: at hindi magkakaroon ng kahit karangalan sa kanila.

12 Ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay nalalapit: huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang manininda: sapagka’t ang poot ay nasa lahat ng karamihan niyaon.

13 Sapagka’t hindi na pagbabalikan ng manininda ang ipinagbili, bagaman sila’y buhay pa: sapagka’t ang pangitain ay tungkol sa buong karamihan niyaon, walang babalik; at sinoman ay hindi magpapakalakas pa sa kasamaan ng kaniyang buhay.

14 Nagsihihip sila ng pakakak, at nagsihanda; nguni’t walang naparoroon sa pagbabaka; sapagka’t ang aking poot ay nasa buong karamihan niyaon.

15 Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.

16 Nguni’t silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan, at mangapapasa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis, silang lahat ay nagsisitangis, bawa’t isa’y dahil sa kaniyang kasamaan.

17 Lahat ng kamay ay manghihina, at lahat ng tuhod ay manglalata na gaya ng tubig.

18 Sila’y mangagbibigkis din naman ng kayong magaspang, at pangingilabot ay sasa kanila; at kahihiyan ay sasa lahat ng mukha, at pagkakalbo sa lahat nilang ulo.

19 Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay; ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng poot ng Panginoon: hindi nila maaaliw ang kanilang mga kaluluwa, o mabubusog man ang kanilang mga tiyan; sapagka’t naging katitisuran ng kanilang kasamaan.

20 Tungkol sa ganda ng kaniyang gayak, inilagay niya sa kamahalan; nguni’t kanilang ginawang mga larawan ang kanilang mga kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay: kaya’t ginawa ko sa kanila na parang maruming bagay.

21 At aking ibibigay sa mga kamay ng mga taga ibang lupa na pinakahuli, at sa mga masama sa lupa na pinakasamsam; at kanilang lalapastanganin.

22 Ang aking mukha ay aking itatalikod naman sa kanila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako: at mga magnanakaw ay magsisipasok doon, at lalapastangan.

23 Gumawa ka ng tanikala; sapagka’t ang lupain ay puno ng mga sala sa pagbububo ng dugo, at ang bayan ay puno ng pangdadahas.

24 Kaya’t aking dadalhin ang mga pinakamasama ng mga bansa, at aariin nila ang kanilang mga bahay: akin namang patitigilin ang kapalaluan ng malakas, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.

25 Kagibaan ay dumarating; at sila’y magsisihanap ng kapayapaan, at wala doon.

26 Kapanglawan at kapanglawan ay darating, at balita at balita ay darating; at sila’y magsisihanap ng pangitain ng propeta; nguni’t ang kautusa’y mawawala sa saserdote, at ang payo’y mawawala sa mga matanda.

27 Ang hari ay tatangis, at ang prinsipe ay mananamit ng kapahamakan, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay mababagbag: aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kaugalian ay hahatulan ko sila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 8

1 At nangyari nang ikaanim na taon, nang ikaanim na buwan, nang ikalima ng buwan, ako’y nakaupo sa aking bahay, at ang mga matanda sa Juda ay nangakaupo sa harap ko, na ang kamay ng Panginoong Dios ay dumating sa akin doon.

2 Nang magkagayo’y tumingin ako, at, narito, may isang anyo na parang apoy; mula sa anyo ng kaniyang mga balakang at paibaba, ay apoy; at mula sa kaniyang mga balakang at paitaas, parang anyo ng kinang, na parang metal na nagbabaga.

3 At kaniyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo; at itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa pangitain na mula sa Dios sa Jerusalem, sa pintuan ng pintuang-daan ng pinakaloob na looban na nakaharap sa dakong hilagaan; na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na namumungkahi sa paninibugho.

4 At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nandoon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.

5 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata ngayon sa daan na dakong hilagaan. Sa gayo’y itiningin ko ang aking mga mata sa daan na dakong hilagaan, at narito, nasa dakong hilagaan ng pintuang-daan ng dambana ang larawang ito ng panibugho sa pasukan.

6 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga ang kanilang ginagawa? ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa ng sangbahayan ni Israel dito, upang ako’y lumayo sa aking santuario? Nguni’t iyo muling makikita pa ang ibang mga malalaking kasuklamsuklam.

7 At dinala niya ako sa pintuan ng looban; at nang ako’y tumingin, narito, ang isang butas sa pader.

8 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, humukay ka ngayon sa pader: at nang ako’y humukay sa pader, narito, ang isang pintuan.

9 At sinabi niya sa akin, Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang mga masamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.

10 Sa gayo’y pumasok ako at nakita ko; at narito, ang bawa’t anyo ng nagsisiusad na mga bagay, at kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diosdiosan ng sangbahayan ni Israel, na nakaguhit sa pader sa palibot.

11 At nagsitayo sa harap nila ang pitong pung lalake sa mga matanda ng sangbahayan ni Israel; at sa gitna nila ay tumayo si Jaazanias na anak ni Saphan, bawa’t lalake ay may kaniyang pangsuub sa kaniyang kamay; at ang amoy ng usok ng kamangyan ay napailanglang.

12 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakikita mo baga kung anong ginagawa ng mga matanda ng sangbahayan ni Israel sa kadiliman, bawa’t isa’y sa kaniyang mga silid na nilarawanan? sapagka’t kanilang sinasabi, Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan ng Panginoon ang lupa.

13 Sinabi rin niya sa akin, Iyong muling makikita pa ang mga ibang malaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.

14 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa pintuan ng pintuang-daan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilagaan; at, narito, doo’y nangaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.

15 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? iyo pa muling makikita ang lalong malaking mga kasuklamsuklam kay sa mga ito.

16 At dinala niya ako sa pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at, narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon sa pagitan ng malaking pintuan at ng dambana, ay may dalawang pu’t limang lalake, na sila’y nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silanganan.

17 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Nakita mo baga ito, Oh anak ng tao? Magaan bagang bagay sa sangbahayan ni Juda, na sila’y nagsisigawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito? sapagka’t kanilang pinuno ng karahasan ang lupa, at sila’y nangagbalik uli upang mungkahiin ako sa galit: at, narito, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.

18 Kaya’t akin namang gagawin sa kapusukan; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: at bagaman sila’y nagsisidaing sa aking pakinig ng malakas na tinig, gayon ma’y hindi ko sila didinggin.

Ezekiel 9

1 Nang magkagayo’y sumigaw siya sa aking pakinig ng malakas na tinig, na nagsasabi, Magsilapit yaong mga may katungkulan sa bayan, na bawa’t isa’y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay.

2 At narito, anim na lalake ay nagsipanggaling sa daan ng mataas na pintuang-daan, na nalalagay sa dako ng hilagaan, na bawa’t isa’y may kaniyang pangpatay na almas sa kaniyang kamay; at isang lalake ay nasa gitna nila na nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran. At sila’y nagsipasok, at nagsitayo sa siping ng tansong dambana.

3 At ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay umilanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan, hanggang sa pintuan ng bahay: at kaniyang tinawag ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran.

4 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Pumaroon ka sa gitna ng bayan, sa gitna ng Jerusalem, at maglagay ka ng mga tanda sa mga noo ng mga taong nangagbubuntong-hininga at nagsidaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa sa gitna niyaon.

5 At sa mga iba ay sinabi niya sa aking pakinig, Magsiparoon kayo sa bayan na magsisunod sa kaniya, at manakit kayo: huwag magpatawad ang inyong mata, o kayo man ay mahabag;

6 Lipulin ninyong lubos ang matanda, ang binata at ang dalaga, at ang mga bata at ang mga babae; nguni’t huwag lumapit sa sinomang lalake na tinandaan; at inyong pasimulan sa aking santuario. Nang magkagayo’y kanilang pinasimulan sa mga matandang lalake na nangasa harap ng bahay.

7 At sinabi niya sa kanila, Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga looban: magsilabas kayo. At sila’y nagsilabas, at nanakit sa bayan.

8 At nangyari, habang sila’y nananakit, at ako’y naiwan, na ako’y nasubasob, at sumigaw ako, at aking sinabi, Ah Panginoong Dios! iyo bagang lilipulin ang buong nalabi sa Israel, sa iyong pagbubugso ng iyong kapusukan sa Jerusalem?

9 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel at ni Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay puno ng dugo, at ang bayan ay puno ng kasuwailan: sapagka’t kanilang sinasabi, Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon.

10 At tungkol sa akin naman, ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako, kundi aking ipadadanas ang kanilang lakad sa kanilang ulo.

11 At, narito, ang lalaking nakapanamit ng kayong lino, na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran, nagbalita ng bagay; na sinabi, Aking ginawa na gaya ng iniutos mo sa akin.

Ezekiel 10

1 Nang magkagayo’y tumingin ako, at, narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin, may nakita na parang isang batong zafiro, na parang isang luklukan.

2 At siya’y nagsalita sa lalake na nakapanamit ng kayong lino, at kaniyang sinabi, Pumasok ka sa pagitan ng nagsisiikot na mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at punuin mo kapuwa ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa bayan. At sa aking paningin ay pumasok siya.

3 Ang mga kerubin nga ay nagsitayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalake ay pumasok; at pinuno ng ulap ang pinakaloob na looban.

4 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa kerubin, at tumayo sa itaas ng pintuan ng bahay; at ang bahay ay napuno ng ulap, at ang looban ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.

5 At ang pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa looban sa labas, na gaya ng tinig ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, pagka siya’y nagsasalita.

6 At nangyari, nang kaniyang utusan ang lalake na nakapanamit ng kayong lino, na sabihin, Kumuha ka ng apoy sa loob ng nagsisiikot na mga gulong mula sa pagitan ng mga kerubin, na siya’y pumasok, at tumayo sa tabi ng isang gulong.

7 At iniunat ng kerubin ang kaniyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, at kumuha niyaon, at inilagay sa mga kamay ng nakapanamit ng kayong lino, na siyang kumuha at lumabas.

8 At lumitaw sa gitna ng mga kerubin ang anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

9 At ako’y tumingin, at narito, apat na gulong ay nangasa tabi ng mga kerubin, isang gulong ay nasa tabi ng isang kerubin, at ang ibang gulong ay nasa tabi ng ibang kerubin; at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berila.

10 At tungkol sa kanilang anyo, silang apat ay may isang pagkakawangis, na para bagang isang gulong na napasa loob ng isang gulong.

11 Pagka nagsisiyaon, ay nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon, kundi ang kinahaharapan ng ulo ay siyang sinusundan nila: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon.

12 At ang kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay puno ng mga mata sa palibot, sa makatuwid baga’y ang mga gulong na tinatangkilik ng apat.

13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sa aking pakinig, ang nagsisiikot na mga gulong.

14 At bawa’t isa’y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, at ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, at ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang aguila.

15 At ang mga kerubin ay napaitaas: ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar.

16 At nang magsiyaon ang mga kerubin, ang mga gulong ay nagsiyaong kasiping nila: at nang itaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang paitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi nagsihiwalay sa siping nila.

17 Pagka sila’y nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka sila’y nangapaiitaas, ang mga ito’y nangapaiitaas na kasama nila: sapagka’t ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga yaon.

18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at lumagay sa ibabaw ng mga kerubin.

19 At itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at nangapaitaas mula sa lupa sa aking paningin, nang sila’y magsilabas, at ang mga gulong ay sa siping nila: at sila’y nagsitayo sa pintuan ng pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.

20 Ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Dios ng Israel sa pangpang ng ilog Chebar; at naalaman ko na sila’y mga kerubin.

21 Bawa’t isa’y may apat na mukha, at bawa’t isa’y may apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.

22 At tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ay mga mukha na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar, ang kanilang mga anyo at sila rin; sila’y yumaon bawa’t isa na patuloy.

Ezekiel 11

1 Bukod dito’y itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silanganan: at narito, nasa pinto ng pintuang-daan ang dalawang pu’t limang lalake; at nakita ko sa gitna nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaias, na mga prinsipe ng bayan.

2 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang mga lalake na nagsisikatha ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa bayang ito;

3 Na nagsasabi, Hindi malapit ang panahon ng pagtatayo ng mga bahay; ang bayang ito ang caldera, at tayo ang karne.

4 Kaya’t manghula ka laban sa kanila, manghula ka, Oh anak ng tao.

5 At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, Salitain mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ganito ang inyong sinabi, Oh sangbahayan ni Israel; sapagka’t nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong pag-iisip.

6 Inyong pinarami ang inyong pinatay sa bayang ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.

7 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang inyong mga patay na inyong ibinulagta sa gitna nito, ay karne, at ang bayang ito ay siyang caldera: nguni’t kayo’y ilalabas sa gitna nito.

8 Kayo’y nangatakot sa tabak; at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.

9 At aking ilalabas kayo sa gitna nito, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga taga ibang lupa, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa inyo.

10 Kayo’y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

11 Ang bayang ito ay hindi magiging inyong caldera, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito, aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel;

12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon: sapagka’t kayo’y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o inyo mang isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi kayo’y nagsigawa ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nangasa palibot ninyo.

13 At nangyari, nang ako’y nanghuhula, na si Pelatias na anak ni Benaias ay namatay. Nang magkagayo’y nasubasob ako, at ako’y sumigaw ng malakas, at aking sinabi, Ah Panginoong Dios! gagawa ka baga ng lubos na wakas sa nalabi sa Israel?

14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

15 Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, sa makatuwid baga’y ang iyong mga kapatid, na mga lalake sa iyong kamaganakan, at ang buong sangbahayan ni Israel, silang lahat, siyang mga pinagsabihan ng mga nananahan sa Jerusalem. Magsilayo kayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito na pinakaari.

16 Kaya’t iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Bagaman sila’y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman aking pinangalat sila sa gitna ng mga lupain, gayon ma’y ako’y magiging pinaka santuario sa kanila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang kapaparunan.

17 Kaya’t iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking pipisanin kayo mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.

18 At sila’y magsisiparoon, at kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na bagay niyaon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyaon, mula roon.

19 At aking bibigyan sila ng isang puso, at aking lalagyan ng bagong diwa ang loob ninyo; at aking aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman;

20 Upang sila’y magsilakad sa aking mga palatuntunan, at ganapin ang aking mga kahatulan at isagawa: at sila’y magiging aking bayan, at ako’y magiging kanilang Dios.

21 Nguni’t tungkol sa kanila na ang puso ay nagsisunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking pararatingin ang kanilang lakad sa kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Dios.

22 Nang magkagayo’y itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay nangasa siping nila; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga yaon.

23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa pinakaloob ng bayan, lumagay sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silanganan ng bayan.

24 At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa Caldea sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, sa kanila na mga bihag. Sa gayo’y ang pangitain na aking nakita ay napaitaas mula sa akin.

25 Nang magkagayo’y sinalita ko sa kanila na mga bihag ang lahat na bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.