Ezekiel 22

1 Bukod dito’y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 At Ikaw, anak ng tao, hahatulan mo baga, hahatulan mo baga ang bayang mabagsik? ipakilala mo nga sa kaniya ang lahat niyang kasuklamsuklam.

3 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bayang nagbububo ng dugo sa gitna niya, na ang kaniyang panahon ay darating, at gumagawa ng mga diosdiosan laban sa kaniyang sarili, upang mapahamak siya!

4 Ikaw ay naging salarin dahil sa iyong dugo na iyong ibinubo, at ikaw ay napahamak sa iyong mga diosdiosan na iyong ginawa; at iyong pinalapit ang iyong mga kaarawan, at ikaw ay dumating hanggang sa iyong mga taon; kaya’t ginawa kitang isang kapulaan sa mga bansa, at isang katuyaan sa lahat na lupain.

5 Yaong mga malapit, at yaong mga malayo, ay magsisituya sa iyo, ikaw na napahamak at puno ng kagulo.

6 Narito, ang mga prinsipe sa Israel, na bawa’t isa’y ayon sa kaniyang kapangyarihan, napasa iyo upang magbubo ng dugo.

7 Sa iyo’y kanilang niwalang kabuluhan ang ama’t ina; sa gitna mo ay pinahirapan nila ang taga ibang lupa; sa iyo’y kanilang pinighati ang ulila at ang babaing bao.

8 Iyong hinamak ang aking mga banal na bagay, at iyong nilapastangan ang aking mga sabbath.

9 Mga maninirang puri ay napasa iyo upang magbubo ng dugo: at sa iyo’y nagsikain sila sa mga bundok: sa gitna mo ay nagkasala sila ng kahalayan.

10 Sa iyo’y kanilang inilitaw ang kahubaran ng kanilang mga magulang; sa iyo’y pinapakumbaba niya siya na marumi sa kaniyang pagkahiwalay.

11 At ang isa’y gumawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kaniyang kapuwa; at ang isa’y gumawa ng kahalayhalay sa kaniyang manugang na babae; at sa iyo’y sinipingan ng isa ang kaniyang kapatid na babae na anak ng kaniyang ama.

12 Sa iyo ay nagsitanggap sila ng suhol upang magbubo ng dugo; ikaw ay kumuha ng patubo’t pakinabang, at ikaw ay nakinabang ng malabis sa iyong kapuwa sa pamamagitan ng pagpighati, at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong Dios.

13 Narito nga, aking ipinakpak ang aking kamay dahil sa iyong masamang pakinabang na iyong ginawa, at sa iyong dugo na iyong ibinubo sa gitna mo.

14 Makapagmamatigas baga ang iyong puso, o makapagmamalakas baga ang iyong mga kamay sa mga araw na parurusahan kita? Akong Panginoon ang nagsalita, at gagawa niyaon.

15 At aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pananabugin kita sa mga lupain; at aking papawiin ang iyong karumihan sa gitna mo.

16 At ikaw ay malalapastangan sa iyong sarili, sa paningin ng mga bansa; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

17 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

18 Anak ng tao, ang sangbahayan ni Israel ay naging dumi ng bakal sa akin: silang lahat ay tanso at lata at bakal at tingga, sa gitna ng hurno; sila ay naging dumi ng pilak.

19 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka’t kayong lahat ay naging dumi ng bakal, kaya’t narito, aking pipisanin kayo sa gitna ng Jerusalem.

20 Kung paanong kanilang pinipisan ang pilak at ang tanso at ang bakal at ang tingga at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ng apoy, upang tunawin; gayon ko kayo pipisanin sa aking galit at sa aking kapusukan, at aking ilalapag kayo roon, at pupugnawin ko kayo.

21 Oo, aking pipisanin kayo, at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo’y mangapupugnaw sa gitna niyaon.

22 Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa gitna ng hurno, gayon kayo mangatutunaw sa gitna niyaon; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagbububos ng aking kapusukan sa inyo.

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

24 Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, o naulanan man sa kaarawan ng pagkagalit.

25 May panghihimagsik ng kaniyang mga propeta sa gitna niyaon, gaya ng leong umuungal na umaagaw ng huli: sila’y nanganakmal ng mga tao; sila’y nagsikuha ng kayamanan at ng mga mahalagang bagay; pinarami nila ang kanilang babaing bao sa gitna niyaon,

26 Ang mga saserdote niyaon ay nagsigawa ng pangdadahas sa aking kautusan, at nilapastangan ang aking mga banal na bagay: sila’y hindi nangaglagay ng pagkakaiba sa banal at sa karaniwan, o kanila mang pinapagmunimuni ang mga tao sa marumi at sa malinis, at ikinubli ang kanilang mga mata sa aking mga sabbath, at ako’y nalapastangan sa gitna nila.

27 Ang mga prinsipe sa gitna niyaon ay parang mga lobo na nangangagaw ng huli, upang mangagbubo ng dugo, at upang magpahamak ng mga tao, upang sila’y mangagkaroon ng mahalay na pakinabang.

28 At itinapal ng mga propeta niyaon ang masamang argamasa para sa kanila, na nakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kabulaanan sa kanila, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, dangang hindi sinalita ng Panginoon.

29 Ang bayan ng lupain ay gumawa ng pagpighati, at nagnakaw; oo, kanilang pinagdalamhati ang dukha at mapagkailangan, at pinighati ng wala sa katuwiran ang taga ibang lupa.

30 At ako’y humanap ng lalake sa gitna nila, na makakagawa ng bakod, at makatatayo sa sira sa harap ko dahil sa lupain, upang huwag kong ipahamak; nguni’t wala akong nasumpungan.

31 Kaya’t aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking sinupok sila ng apoy ng aking poot: ang kanilang sariling lakad ay aking pinarating sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 23

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin na nagsasabi:

2 Anak ng tao, may dalawang babae, na mga anak na babae ng isang ina:

3 At sila’y nagpatutot sa Egipto; sila’y nagpatutot sa kanilang kadalagahan: doo’y nangahigpit ang kanilang mga dibdib, at doo’y nangahipo ang mga suso ng kanilang pagkadalaga.

4 At ang mga pangalan nila ay Ohola ang matanda, at Oholiba ang kapatid niya: at sila’y naging akin at nanganak ng mga lalake at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, Samaria ay Ohola, at Jerusalem ay Oholiba.

5 At si Ohola ay nagpatutot nang siya’y akin; at siya’y suminta sa mga mangingibig sa kaniya, sa mga taga Asiria na kaniyang mga kalapit bayan.

6 Na nananamit ng kulay asul, ang mga tagapamahala at ang mga pinuno, silang lahat na binatang makisig, mga mangangabayo na nangakasakay sa mga kabayo.

7 At ipinagkaloob niya sa kanila ang kaniyang pakikiapid, sa mga pinaka piling lalake sa Asiria sa kanilang lahat; at sa sino man na inibig niya, sa lahat nilang diosdiosan, ay nadumhan siya.

8 Ni hindi man niya iniwan ang kaniyang mga pagpapatutot mula sa mga kaarawan ng Egipto, sapagka’t sa kaniyang kadalagahan, sila’y sumisiping sa kaniya, at nangahipo nila ang mga suso ng kaniyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang pagpapatutot sa kaniya.

9 Kaya’t ibinigay ko siya sa kamay ng mga mangingibig sa kaniya, sa kamay ng mga taga Asiria, na siya niyang mga inibig.

10 Ang mga ito ang nangaglitaw ng kaniyang kahubaran; kinuha nila ang kaniyang mga anak na lalake at babae; at siya’y pinatay nila ng tabak: at siya’y naging kakutyaan sa mga babae; sapagka’t sila’y naglapat ng mga kahatulan sa kaniya.

11 At nakita ito ng kaniyang kapatid na si Oholiba, gayon ma’y siya’y higit na napahamak sa kaniyang pagibig kay sa kaniya, at sa kaniyang mga pagpapatutot na higit kay sa mga pagpapatutot ng kaniyang kapatid.

12 Siya’y umibig sa mga taga Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno, sa kaniyang mga kalapit bayan, na nararamtan ng mga pinakamahusay, sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, silang lahat ay mga binatang makisig.

13 At aking nakita na siya’y nadumhan; na sila kapuwa ay nagisang daan.

14 At kaniyang pinalago ang kaniyang mga pagpapatutot; sapagka’t siya’y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga panig, na mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan ng bermillon,

15 Na nangabibigkisan sa kanilang mga balakang, na mga may lumilipad na turbante sa kanilang mga ulo, silang lahat ay parang mga prinsipe ayon sa wangis ng mga taga Babilonia sa Caldea, na lupain na kanilang kinapanganakan.

16 At pagkakita niya sa kanila ay inibig niya agad sila, at nagsugo ng mga sugo sa kanila sa Caldea.

17 At sinipingan siya ng mga taga Babilonia sa higaan ng pagibig, at kanilang dinumhan siya ng kanilang pagpapatutot, at siya’y nahawa sa kanila, at ang kaniyang kalooban ay tinabangan sa kanila.

18 Sa gayo’y inilitaw niya ang kaniyang mga pagpapatutot, at inilitaw niya ang kaniyang kahubaran: nang magkagayo’y tinabangan ang aking kalooban sa kaniya, na gaya ng pagkatabang ng aking kalooban sa kaniyang kapatid.

19 Gayon ma’y kaniyang pinarami ang kaniyang mga pakikiapid, na inalaala ang mga kaarawan ng kaniyang kadalagahan, na kaniyang ipinagpatutot sa lupain ng Egipto,

20 At siya’y umibig sa mga nagsisiagulo sa kaniya, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang lumalabas sa mga kabayo.

21 Ganito mo inalaala ang kahalayan ng iyong kadalagahan, sa pagkahipo ng iyong mga suso ng mga taga Egipto dahil sa mga suso ng iyong kadalagahan.

22 Kaya, Oh Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Narito, aking ibabangon ang mga mangingibig sa iyo laban sa iyo, na siyang pinagsawaan ng iyong kalooban, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako:

23 Ang mga taga Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, at ang Soa, at ang Coa, at lahat ng taga Asiria na kasama nila; na mga binatang makisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga prinsipe, at mga lalaking bantog, silang lahat ay nagsisisakay sa mga kabayo.

24 At sila’y magsisiparitong laban sa iyo na ma’y mga almas, mga karo, at mga kariton, at may kapulungan ng mga tao; sila’y magsisilagay laban sa iyo sa palibot na may longki, at kalasag at turbante; at aking ipauubaya ang kahatulan sa kanila, at sila’y magsisihatol sa iyo ayon sa kanilang mga kahatulan.

25 At aking ilalagak ang aking paninibugho laban sa iyo, at sila’y magsisigawa sa iyo sa kapusukan; kanilang pipingusin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga; at ang nalabi sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak: kanilang kukunin ang iyong mga anak na lalake at babae; at ang nalabi sa iyo ay susupukin sa apoy,

26 Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at dadalhin ang iyong mga magandang hiyas.

27 Ganito ko patitigilin sa iyo ang iyong kahalayan, at ang iyong pagpapatutot na dinala mula sa lupain ng Egipto: na anopa’t hindi mo ididilat ang iyong mga mata sa kanila, o aalalahanin mo pa man ang Egipto kailan man.

28 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga ipinagtatanim mo, sa kamay ng mga pinagsawaan ng iyong kalooban;

29 At hahatulan ka nila na may pagtatanim, at aalisin ang lahat ng iyong kayamanan, at iiwan kang hubad at hubo: at ang sala mong pagpapatutot ay malilitaw, ang iyong kahalayan at gayon din ang iyong mga pagpapatutot.

30 Ang mga bagay na ito ay gagawin sa iyo, sapagka’t ikaw ay nagpatutot sa mga bansa, at sapagka’t ikaw ay nadumhan sa kanilang mga diosdiosan.

31 Ikaw ay lumakad sa lakad ng iyong kapatid; kaya’t ibibigay ko ang kaniyang saro sa iyong kamay.

32 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw ay iinom sa saro ng iyong kapatid, na malalim at malaki: ikaw ay tatawanan na pinakatuya at pinaka kadustaan; maraming laman.

33 Ikaw ay lubhang malalasing at mamamanglaw, sa pamamagitan ng sarong katigilan at kapahamakan, sa pamamagitan ng saro ng iyong kapatid na Samaria.

34 Iyo ngang iinumin at tutunggain, at iyong hahaluin ang labo niyaon, at sasaktan ang iyong dibdib; sapagka’t aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios.

35 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t ako’y iyong nilimot, at tinalikdan mo ako, taglayin mo nga rin ang iyong kahalayan at ang iyong mga pakikiapid.

36 Sinabi ng Panginoon sa akin bukod dito: Anak ng tao: hahatulan mo baga si Ohola at si Oholiba? ipakilala mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam.

37 Sapagka’t sila’y nagkasala ng pangangalunya, at dugo ay nasa kanilang mga kamay; at sa kanilang mga diosdiosan ay nagsisamba; at kanila namang pinaraan sa apoy upang masupok ang kanilang mga anak, na kanilang ipinanganak sa akin.

38 Bukod dito’y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuario sa araw ding yaon, at nilapastangan ang aking mga sabbath.

39 Sapagka’t nang kanilang patayin ang kanilang mga anak para sa kanilang mga diosdiosan, nagsiparoon nga sila nang araw ding yaon sa aking santuario upang lapastanganin; at, narito, ganito ang kanilang ginawa sa gitna ng aking bahay.

40 At bukod dito ay inyong ipinasundo ang mga taong nangagmumula sa malayo, na siyang mga ipinasundo sa sugo, at, narito, sila’y nagsisidating; na siyang dahil ng iyong ipinaligo, at ipinagkulay mo ng iyong mga mata, at pinaggayakan mo ng mga gayak;

41 At naupo ka sa isang mainam na higaan, na may dulang na nakahanda sa harap niyaon, na siya mong pinaglapagan ng aking kamangyan at aking langis.

42 At ang tinig ng pulutong na tiwasay ay nasa kaniya: at nadala na kasama ng mga lalake sa mga karaniwan ang mga manglalasing na mula sa ilang; at sila’y nangaglagay ng mga pulsera sa mga kamay nila, at mga magandang putong sa kanilang mga ulo.

43 Nang magkagayo’y sinabi ko sa kaniya na tumanda sa mga pangangalunya, Ngayon mangakikiapid pa sila sa kaniya, at siya sa kanila.

44 At sinipingan nila siya, na parang sumiping sa isang patutot: gayon nila sinipingan si Ohola at si Oholiba, na malibog na mga babae.

45 At mga matuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan sa mangangalunya, at ng kahatulan sa mga babae na nagbubo ng dugo; sapagka’t sila’y mangangalunya, at dugo ang nasa kanilang mga kamay.

46 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ako’y magsasampa ng isang kapulungan laban sa kanila, at ibibigay ko sila upang ligaliging paroo’t parito at samsaman.

47 At babatuhin sila ng kapulungan, ng mga bato, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalake at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay.

48 Ganito ko patitigilin ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat na babae ay maturuan na huwag magsigawa ng ayon sa inyong mga kahalayan.

49 At gagantihin nila ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong dadanasin ang mga kasalanan tungkol sa inyong mga diosdiosan, at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios.

Ezekiel 24

1 Muli, nang ikasiyam na taon, nang ikasangpung araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, isulat mo ang pangalan ng kaarawan, ang kaarawan ding ito: ang hari sa Babilonia ay nagpakalapit sa Jerusalem sa kaarawan ding ito.

3 At ipagsabi mo ng isang talinhaga ang mapanghimagsik na sangbahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Magsalang ka ng kaldera, isalang mo, at buhusan mo rin naman ng tubig:

4 Pisanin mo ang mga putol niyaon doon, lahat ng mabuting putol, ang hita, at ang balikat; punuin mo ng mga piling buto.

5 Kumuha ka ng pinili sa kawan, at ibunton mo ang mga buto sa ilalim niyaon: pakuluan mong mabuti; oo, lutuin mo ang mga buto sa loob niyaon.

6 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mabagsik na bayan, ng kaldera na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! ilabas mo na putolputol; walang sapalaran na ginawa roon.

7 Sapagka’t ang dugo niya ay nasa gitna niya; kaniyang inilagay sa luwal na bato; hindi niya ibinuhos sa lupa, na tabunan ng alabok.

8 Upang pukawin ang kapusukan ng manghihiganti, inilagay ko ang kaniyang dugo sa luwal na bato, upang huwag matakpan.

9 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Sa aba ng mabagsik na bayan! akin ding palalakihin ang bunton.

10 Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, palaputin ang sabaw, at sunugin ang mga buto.

11 Kung magkagayo’y ipatong mong walang laman sa mga baga niyaon, upang uminit, at ang tanso niyao’y masunog, at ng ang dumi niyaon ay matunaw roon, upang mapugnaw ang kalawang niyaon.

12 Siya’y nagpakapagod sa paggawa; gayon ma’y ang maraming kalawang ay hindi naaalis; ang kalawang niyaon ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.

13 Nasa iyong karumihan ang kahalayan: sapagka’t ikaw ay aking nilinis at hindi ka nalinis, hindi ka na malilinis pa sa iyong karumihan, hanggang sa aking malubos ang aking kapusukan sa iyo.

14 Akong Panginoon ang nagsalita: mangyayari, at aking gagawin; hindi ako magbabalik-loob, ni magpapatawad man, ni magsisisi man; ayon sa iyong mga lakad, at ayon sa iyong mga gawa, kanilang hahatulan ka, sabi ng Panginoong Dios.

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na nagsasabi,

16 Anak ng tao, narito, aalisin ko sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang nasa ng iyong mga mata: gayon ma’y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.

17 Magbuntong-hininga ka, nguni’t huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay; itali mo ang pugong mo sa ulo, at isuot mo ang iyong mga panyapak sa iyong mga paa, at huwag mong takpan ang iyong mga labi, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.

18 Sa gayo’y nagsalita ako sa bayan nang kinaumagahan; at sa kinahapunan ay namatay ang aking asawa; at aking ginawa nang kinaumagahan ang gaya ng iniutos sa akin.

19 At sinabi ng bayan sa akin, Hindi mo baga sasaysayin sa amin kung anong mga bagay ito sa amin, na ikaw ay gumagawa ng ganyan?

20 Nang magkagayo’y sinabi ko sa kanila, Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

21 Salitain mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuario, na kapalaluan ng inyong kapangyarihan, na nasa ng inyong mga mata, at kinahihinayangan ng inyong kalooban, at ang inyong mga anak na lalake at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak.

22 At inyong gagawin ang aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga labi, o kakain man ng tinapay ng mga tao.

23 At ang inyong turbante ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga panyapak sa inyong mga paa: kayo’y hindi tatangis o iiyak man; kundi kayo’y manganglulupaypay sa inyong mga kasamaan, at mangagdadaingang isa’t isa.

24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin: pagka ito’y nangyari ay inyo ngang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

25 At ikaw, anak ng tao, hindi baga mangyayari sa araw na aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kagalakan ng kanilang kaluwalhatian, ang nasa ng kanilang mga mata, at ang kanilang pinaglalagakan ng kanilang puso, ang kanilang mga anak na lalake at babae,

26 Na sa araw na yaon ang makatatanan ay paroroon sa iyo, upang iparinig sa iyo ng iyong mga pakinig?

27 Sa araw na yaon ay mabubuka ang iyong bibig sa kaniya na nakatanan, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa: gayon magiging isang tanda ka sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 25

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha sa mga anak ni Ammon, at manghula ka laban sa kanila:

3 At sabihin mo sa mga anak ni Ammon, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Dios: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka’t iyong sinabi, Aha, laban sa aking santuario, nang malapastangan; at laban sa lupain ng Israel, nang masira; at laban sa sangbahayan ni Juda, nang sila’y pumasok sa pagkabihag:

4 Kaya’t narito, aking ibibigay ka sa mga anak ng silanganan na pinakaari, at kanilang itatayo ang kanilang mga kampamento sa iyo, at magsisigawa ng kanilang mga tahanan sa iyo; kanilang kakanin ang iyong bunga ng kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.

5 At aking gagawin ang Raba na pinaka silungan ng mga kamello, at ang mga anak ni Ammon na pinakapahingahang dako ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

6 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t pumakpak ka ng iyong mga kamay, at tumadyak ka ng mga paa, at nagalak ka ng buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel;

7 Kaya’t narito, aking iniunat ang aking kamay sa iyo, at ibibigay kita na pinakasamsam sa mga bansa; at ihihiwalay kita sa mga bayan, at ipalilipol kita sa mga lupain: aking ibubuwal ka; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

8 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t ang Moab at ang Seir ay nagsasabi, Narito, ang sangbahayan ni Juda ay gaya ng lahat na bansa;

9 Kaya’t, narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan, mula sa kaniyang mga bayan na nangasa kaniyang mga hangganan, na kaluwalhatian ng lupain, ang Beth-jesimoth, ang Baal-meon, at ang Chiriathaim.

10 Hanggang sa mga anak ng silanganan, upang magsiparoon laban sa mga anak ni Ammon; at aking ibibigay sa kanila na pinakaari, upang ang mga anak ni Ammon ay huwag ng mangaalaala sa gitna ng mga bansa:

11 At ako’y maglalapat ng kahatulan sa Moab: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

12 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka’t ang Edom ay gumawa ng laban sa sangbahayan ni Juda sa panghihiganti, at nagalit na mainam, at nanghiganti sa kanila;

13 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking iuunat ang aking kamay laban sa Edom, at aking ihihiwalay ang tao at hayop doon; at aking gagawing sira mula sa Teman; hanggang sa Dedan nga ay mabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak.

14 At aking isasagawa ang aking panghihiganti sa Edom, sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel; at kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking kapusukan; at kanilang malalaman ang aking panghihiganti, sabi ng Panginoong Dios.

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t ang mga Filisteo ay gumawa ng panghihiganti, at nanghiganti na may kapootan ng loob upang magpahamak ng pakikipagkaalit na magpakailan man;

16 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking iuunat ang aking kamay sa mga Filisteo, at aking ihihiwalay ang mga Ceretheo, at ipapahamak ko ang labi sa baybayin ng dagat.

17 At ako’y gagawa ng malaking panghihiganti sa kanila na may malupit na mga pagsaway; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking isinagawa ang aking panghihiganti sa kanila.

Ezekiel 26

1 At nangyari, nang ikalabing isang taon, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, sapagka’t ang Tiro ay nagsabi laban sa Jerusalem, Aha, siya na naging pintuan ng mga bayan ay sira; siya’y nabalik sa akin: ako’y mapupuno ngayong siya’y sira:

3 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako’y laban sa iyo, Oh Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagpapasampa ng dagat ng kaniyang mga alon.

4 At kanilang gigibain ang mga kuta ng Tiro, at ibabagsak ang kaniyang mga moog: akin din namang papalisin sa kaniya ang kaniyang alabok, at gagawin ko siyang hubad na bato.

5 Siya’y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat: sapagka’t ako ang nagsalita sabi ng Panginoong Dios; at siya’y magiging samsam sa mga bansa.

6 At ang kaniyang mga anak na babae na nangasa parang ay papatayin ng tabak: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

7 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking dadalhin sa Tiro si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na hari ng mga hari, mula sa hilagaan, na may mga kabayo, at may mga karo, at may mga nangangabayo, at isang pulutong, at maraming tao.

8 Kaniyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa parang; at siya’y gagawa ng mga katibayan laban sa iyo, at magtitindig ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng longki laban sa iyo.

9 At kaniyang ilalagay ang kaniyang mga pangsaksak laban sa iyong mga kuta, at sa pamamagitan ng kaniyang mga palakol ay kaniyang ibabagsak ang iyong mga moog.

10 Dahil sa kasaganaan ng kaniyang mga kabayo, tatakpan ka ng kaniyang alabok: ang iyong mga kuta ay uuga sa hugong ng mga mangangabayo, at ng mga kariton, at ng mga karo, pagka siya’y papasok sa iyong mga pintuang-bayan, na gaya ng pagpasok ng tao sa isang bayan na pinamutasan.

11 Tutungtungan ng mga paa ng kaniyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan; at ang mga haligi ng iyong lakas ay mabubuwal sa lupa.

12 At sila’y magsisisamsam ng iyong mga kayamanan, at lolooban ang iyong kalakal; at kanilang ibabagsak ang iyong mga kuta, at gigibain ang iyong mga masayang bahay; at ilalagay ang iyong mga bato, at ang iyong kahoy at ang iyong alabok sa gitna ng tubig.

13 At aking patitigilin ang tinig ng iyong mga awit; at ang tunog ng iyong mga alpa ay hindi na maririnig.

14 At gagawin kitang hubad na bato: ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na matatayo; sapagka’t akong Panginoon ang nagsalita, sabi ng Panginoong Dios.

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa Tiro; Hindi baga mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, pagka ang nasugatan ay dumadaing, pagka may patayan sa gitna mo?

16 Kung magkagayo’y lahat na prinsipe sa dagat ay magsisibaba mula sa kanilang mga luklukan, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubuin ang kanilang mga damit na may burda: sila’y dadatnan ng panginginig; sila’y magsisiupo sa lupa, at manginginig sa tuwituwina, at mangatitigilan sa iyo.

17 At pananaghuyan ka nila, at magsasabi sa iyo, Ano’t nagiba ka, na tinatahanan ng mga taong dagat, na bantog na bayan na malakas sa dagat, siya at ang mga mananahan sa kaniya, na nagpapangilabot sa lahat na nagsisitahan sa kaniya!

18 Ang mga pulo nga ay mayayanig sa kaarawan ng iyong pagbagsak; oo, ang mga pulo na nangasa dagat ay manganglulupaypay sa iyong pagyaon.

19 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka ikaw ay aking gagawing sirang bayan, na parang mga bayan na hindi tinatahanan, pagka tatabunan kita ng kalaliman, at tatakpan ka ng maraming tubig;

20 Ibababa nga kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patatahanin kita sa mga malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong sira nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay huwag tahanan; at ako’y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng buhay.

21 Gagawin kitang kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay: bagaman ikaw ay hanapin ay hindi ka na masusumpungan pa uli, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 27

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

2 At ikaw, anak ng tao, panaghuyan mo ang Tiro;

3 At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako’y sakdal sa kagandahan.

4 Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.

5 Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa Senir: sila’y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.

6 Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa mga pulo ng Chittim.

7 Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo’y isang watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng Elisah ang iyong kulandong.

8 Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.

9 Ang mga matanda sa Gebal at ang mga pantas niyao’y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.

10 Ang Persia, ang Lud, at ang Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.

11 Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, ang Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

14 Ang sangbahayan ni Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.

15 Ang mga tao sa Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.

16 Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila’y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.

17 Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila’y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng balsamo.

18 Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.

20 Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.

21 Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito’y naging mga mangangalakal mo sila.

22 Ang mga mangangalakal sa Seba at sa Raama, mga naging mangangalakal mo; kanilang ipinapalit sa iyong mga kalakal ang mga pinakamainam na especia, at lahat na mahalagang bato, at ang ginto.

23 Ang Haran at ang Canneh at ang Eden, na mga mangangalakal sa Seba, ang Assur at ang Chilmad ay naging mga mangangalakal mo.

24 Ang mga ito ang iyong mga mangangalakal sa mga piling kalakal sa mga balutan ng mga yaring asul at may burda, at sa mga baul na may mainam na hiyas, natatalian ng mga sintas, at yaring cedro, na ilan sa iyong mga kalakal.

25 Ang mga sasakyan sa Tarsis ay iyong mga pulutong sa iyong kalakal: at ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat.

26 Dinala ka ng iyong mga manggagaod sa malawak na dagat: binagbag ka ng hanging silanganan sa kalagitnaan ng dagat.

27 Ang iyong kayamanan, at ang iyong mga kalakal, ang iyong tinda, at ang iyong mga manggagaod, at ang iyong mga tagaugit, ang iyong mga tagapagpasak, at ang nagsisipamahala ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong lalaking mangdidigma na nangasa iyo, sangpu ng iyong lahat na pulutong na nangasa gitna mo, mangalulubog sa kalagitnaan ng dagat sa kaarawan ng iyong pagkasira.

28 Sa lakas ng hiyaw ng iyong mga tagaugit, ang mga nayon ay mangayayanig.

29 At lahat na nagsisihawak ng gaod, ang mga tao sa sasakyan, at lahat ng tagaugit sa dagat, ay magsisibaba sa kanilang mga sasakyan; sila’y magsisitayo sa ibabaw ng lupain,

30 At iparirinig ang kanilang tinig sa iyo, at hihiyaw ng kalagimlagim, at mangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, sila’y magsisigumon sa mga abo:

31 At mangagpapakakalbo dahil sa iyo, at mangagbibigkis ng kayong magaspang, at kanilang iiyakan ka ng kapanglawpanglaw sa kalooban, na may mapanglaw na pananangis.

32 At sa kanilang pagtangis ay pananaghuyan ka nila, at tatangisan ka, na sasabihin, Sino ang gaya ng Tiro na gaya niya na nadala sa katahimikan sa gitna ng dagat?

33 Pagka ang iyong mga kalakal ay inilalabas sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at ng iyong mga kalakal.

34 Sa panahon na ikaw ay bagbag sa tabi ng mga dagat sa kalaliman ng tubig, ang iyong kalakal at ang iyong buong pulutong ay lumubog sa gitna mo.

35 Lahat ng mananahan sa mga pulo ay nangatitigilan dahil sa iyo, at ang kanilang mga hari ay nangatakot ng di kawasa, sila’y nangamanglaw sa kanilang mukha.

36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay naging kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay pa.

Ezekiel 28

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t ang iyong puso ay nagmataas, at iyong sinabi, Ako’y dios, ako’y nauupo sa upuan ng Dios, sa gitna ng mga dagat; gayon man ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios;

3 Narito, ikaw ay lalong marunong kay Daniel; walang lihim na malilihim sa iyo;

4 Sa pamamagitan ng iyong karunungan, at ng iyong unawa, nagkaroon ka ng mga kayamanan, at nagkaroon ka ng ginto at pilak sa iyong mga ingatang-yaman;

5 Sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan at ng iyong pangangalakal ay napalago mo ang iyong mga kayamanan, at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan;

6 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios,

7 Kaya’t narito, ako’y magdadala ng mga taga ibang lupa sa iyo, na kakilakilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang dudumhan ang iyong kaningningan.

8 Kanilang ibababa ka sa hukay; at ikaw ay mamamatay ng kamatayan niyaong nangapatay sa kalagitnaan ng mga dagat.

9 Sabihin mo pa kaya sa harap niya na pumapatay sa iyo, Ako’y Dios? nguni’t ikaw ay tao, at hindi Dios, sa kamay niya na sumusugat sa iyo.

10 Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay ng mga hindi tuli sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: sapagka’t ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong Dios.

11 Bukod dito’y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

12 Anak ng tao, panaghuyan mo ang hari sa Tiro, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, iyong tinatatakan ang kabuoan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.

13 Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda.

14 Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa’t ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga.

15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.

16 Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay kanilang pinuno ang gitna mo ng pangdadahas, at ikaw ay nagkasala: kaya’t inihagis kitang parang dumi mula sa bundok ng Dios; at ipinahamak kita, Oh tumatakip na kerubin, mula sa gitna ng mga batong mahalaga.

17 Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan: aking inihagis ka sa lupa; aking inilagay ka sa harap ng mga hari, upang kanilang masdan ka.

18 Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuario: kaya’t ako’y naglabas ng apoy sa gitna mo; sinupok ka, at pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat na nanganonood sa iyo.

19 Silang lahat na nangakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, mangatitigilan dahil sa iyo: ikaw ay naging kakilakilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.

20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha sa Sidon, at manghula ka laban doon,

22 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y laban sa iyo, Oh Sidon; at ako’y luluwalhati sa gitna mo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako’y naglapat ng kahatulan sa kaniya, at aariing banal sa kaniya.

23 Sapagka’t ako’y magpaparating sa kaniya ng salot at dugo sa kaniyang mga lansangan; at ang mga may sugat ay mangabubuwal sa gitna niya, sa pamamagitan ng tabak, na nakaumang sa kaniya sa lahat ng dako; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

24 At hindi na magkakaroon pa ng dawag na nakakasalubsob sa sangbahayan ni Israel, o ng tinik mang mapangpahirap sa alin man sa nangasa palibot niya, na nagwalang kabuluhan sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

25 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka aking napisan ang sangbahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at ako’y aariing banal sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga’y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na kay Jacob.

26 At sila’y magsisitahang tiwasay roon, oo, sila’y mangagtatayo ng mga bahay, at mag-uubasan, at tatahang tiwasay, pagka ako’y nakapaglapat ng mga kahatulan sa lahat na nangagwawalang kabuluhan sa palibot nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios.

Ezekiel 29

1 Nang ikasangpung taon, nang ikasangpung buwan, nang ikalabing dalawang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari sa Egipto, at manghula ka laban sa kaniya, at laban sa buong Egipto;

3 Iyong salitain, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y lalaban sa iyo, Faraong hari sa Egipto, na malaking buwaya na nahihiga sa gitna ng kaniyang mga ilog, na nagsabi: Ang ilog ko ay aking sarili, at aking ginawa sa ganang aking sarili.

4 At kakawitan kita ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at isasampa kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat na isda ng iyong mga ilog na magsisidikit sa iyong mga kaliskis.

5 At ikaw ay aking iiwan tapon sa ilang, ikaw at ang lahat na isda ng iyong mga ilog: ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang; ikaw ay hindi pipisanin, o pupulutin man; aking ibinigay kang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid.

6 At lahat ng nananahan sa Egipto ay makakaalam na ako ang Panginoon, sapagka’t sila’y naging tukod na tambo sa sangbahayan ni Israel.

7 Nang kanilang pigilan ka sa iyong kamay, iyong binali, at iyong nilabnot ang kanilang mga balikat; at nang sila’y sumandal sa iyo, iyong binalian, at iyong pinapanghina ang kanilang mga balakang.

8 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, pagdadalhan kita ng tabak sa iyo, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.

9 At ang lupain ng Egipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka’t kaniyang sinabi, Ang ilog ay akin, at aking ginawa;

10 Kaya’t, narito, ako’y laban sa iyo, at laban sa iyong mga ilog, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Egipto, mula sa moog ng Seveneh hanggang sa hangganan ng Etiopia.

11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop ay daraan doon, o tatahanan man siyang apat na pung taon.

12 At aking gagawing sira ang lupain ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.

13 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;

14 At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila’y magiging doo’y isang mababang kaharian.

15 Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.

16 At hindi na magiging pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

17 At nangyari, nang ikadalawang pu’t pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

18 Anak ng tao, pinapaglilingkod ng mabigat ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma’y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.

19 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.

20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka’t sila’y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.

21 Sa araw na yao’y aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 30

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manambitan kayo: Sa aba ng araw na yaon!

3 Sapagka’t ang kaarawan ay malapit na, sa makatuwid baga’y ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na; magiging kaarawan ng pagaalapaap; panahon ng mga bansa.

4 At isang tabak ay darating sa Egipto, at kahirapan ay sasa Etiopia, pagka ang mga patay ay mangabubuwal sa Egipto; at dadalhin nila ang kaniyang karamihan, at ang kaniyang mga patibayan ay mangawawasak.

5 Ang Etiopia, at ang Phut, at ang Lud, at ang buong halohalong bayan, at ang Chub, at ang mga anak ng lupain na nangasa pagkakasundo, mangabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.

6 Ganito ang sabi ng Panginoon: Sila namang nagsialalay sa Egipto ay mangabubuwal; at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay mabababa: mula sa moog ng Seveneh ay mangabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak, sabi ng Panginoong Dios.

7 At sila’y magiging sira sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan ay ibibilang sa mga bayan na giba.

8 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako’y nagsulsol ng apoy sa Egipto, at lahat niyang katulong ay nangalipol.

9 Sa araw na yaon ay magsisilabas ang mga sugo mula sa harap ko sa mga sasakyan upang takutin ang mga walang bahalang taga Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila gaya sa kaarawan ng Egipto; sapagka’t narito, dumarating.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin namang paglilikatin ang karamihan ng Egipto, sa pamamagitan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.

11 Siya at ang kaniyang bayan na kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa, ay ipapasok upang gibain ang lupain; at kanilang hahawakan ang kanilang mga tabak laban sa Egipto, at pupunuin ng mga patay ang lupain.

12 At aking tutuyuin ang mga ilog, at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng mga masamang tao; at aking sisirain ang lupain, at lahat na nandoon, sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: akong Panginoon ang nagsalita.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin din namang sisirain ang mga diosdiosan, at aking paglilikatin ang mga larawan sa Memphis; at hindi na magkakaroon pa ng prinsipe sa lupain ng Egipto; at ako’y maglalagay ng katakutan sa lupain ng Egipto.

14 At aking sisirain ang Patros, at ako’y magsisilab ng apoy sa Zoan, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa No.

15 At aking ibubugso ang aking kapusukan sa Sin, na katibayan ng Egipto; at aking ihihiwalay ang karamihan ng mga taga No.

16 At ako’y magsusulsol ng apoy sa Egipto: ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian, at ang No ay magigiba: at ang Memphis ay magkakaroon ng mga kaaway sa kaarawan.

17 Ang mga binata sa Aven at sa Pi-beseth ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga ito ay magsisipasok sa pagkabihag.

18 Sa Tafnes nama’y magdidilim ang araw, pagka aking inalis roon ang mga atang ng Egipto, at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay maglilikat doon: tungkol sa kaniya, ay tatakpan siya ng alapaap, at ang kaniyang mga anak na babae ay magsisipasok sa pagkabihag.

19 Ganito maglalapat ako ng mga kahatulan sa Egipto; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

20 At nangyari nang ikalabing isang taon nang unang buwan, nang ikapitong araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21 Anak ng tao, aking binali ang kamay ni Faraon na hari sa Egipto; at, narito, hindi natalian, upang lapatan ng mga gamot, na lagyan ng isang tapal upang talian, upang humawak na matibay ng tabak.

22 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y laban kay Faraon na hari sa Egipto, at aking babaliin ang kaniyang mga bisig, ang malakas na bisig, at yaon na nabali; at aking palalagpakin ang tabak mula sa kaniyang kamay.

23 At aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain.

24 At aking palalakasin ang mga bisig ng hari sa Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kaniyang kamay; nguni’t aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya’y dadaing sa harap niyaon ng mga daing ng taong nasugatan ng ikamamatay.

25 At aking aalalayan ang mga bisig ng hari sa Babilonia; at ang mga bisig ni Faraon ay bababa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking ilalagay ang aking tabak sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang iuunat sa lupain ng Egipto.

26 At aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 31

1 At nangyari nang ikalabing isang taon, nang ikatlong buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon, na hari sa Egipto, at sa kaniyang karamihan: Sino ang iyong kawangis sa iyong kalakhan?

3 Narito, ang taga Asiria ay isang cedro sa Libano, na may magandang mga sanga, at may mayabong na lilim, at may mataas na kataasan; at ang kaniyang dulo ay nasa gitna ng mga mayabong na sanga.

4 Kinakandili siya ng tubig, pinalalaki siya ng kalaliman: ang kaniyang mga ilog ay nagsisiagos sa palibot ng kaniyang kinatatamnan; at kaniyang pinaaagos ang kaniyang mga bangbang ng tubig sa lahat ng punong kahoy sa parang.

5 Kaya’t ang kaniyang kataasan ay nataas ng higit kay sa lahat na punong kahoy sa parang; at ang kaniyang mga sanga ay nagsidami, at ang kaniyang mga sanga ay nagsihaba dahil sa karamihan ng tubig, nang kaniyang pabugsuan.

6 Lahat ng ibon sa himpapawid ay nagsigawa ng kanilang mga pugad sa kaniyang mga sanga; at sa ilalim ng kaniyang mga sanga ay nagsipanganak ang lahat ng mga hayop sa parang; at sa kaniyang lilim ay nagsitahan ang lahat na malaking bansa.

7 Ganito siya gumanda sa kaniyang kalakhan, sa kahabaan ng kaniyang mga sanga: sapagka’t ang kaniyang ugat ay nasa siping ng maraming tubig.

8 Ang mga cedro sa halamanan ng Dios hindi makapantay sa kaniya; ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga, at ang mga puno ng kastano ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga, o may anomang punong kahoy sa halamanan ng Dios na kagaya niya sa kaniyang kagandahan.

9 Pinaganda ko siya sa karamihan ng kaniyang mga sanga, na anopa’t lahat ng punong kahoy sa Eden, na nangasa halamanan ng Dios, nanaghili sa kaniya.

10 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t ikaw ay nataas sa kataasan, at inilagay niya ang kaniyang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, at ang kaniyang puso ay nagmataas sa kaniyang pagkataas;

11 Aking ibibigay nga siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa; walang pagsalang siya’y susugpuin: aking pinalayas siya dahil sa kaniyang kasamaan.

12 At inihiwalay siya at iniwan siya, ng mga taga ibang lupa, ng kakilakilabot sa mga bansa: sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay nangalaglag ang kaniyang mga sanga, at ang kaniyang mga sanga ay nangabali sa siping ng lahat ng mga ilog ng lupain; at bumaba ang lahat ng tao sa lupa mula sa kaniyang lilim at iniwan siya.

13 Sa kaniyang guho ay magsisitahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay mangapapa sa kaniyang mga sanga;

14 Upang walang magmataas sa kanilang kataasan sa lahat na punong kahoy sa siping ng tubig, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, o ang kanila mang mga makapangyarihan ay magsitayo sa kanilang pagkataas, sa makatuwid baga’y yaong lahat na nagsisiinom ng tubig: sapagka’t silang lahat ay nangabigay sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga anak ng tao, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na siya’y bumaba sa Sheol ay nagpatangis ako: aking tinakpan ang kalaliman dahil sa kaniya, at pinigil ko ang mga ilog niya; at ang mga malaking ilog ay nagsitigil; at aking pinapanangis sa kaniya ang Libano, at ang lahat na punong kahoy sa parang ay nanglupaypay dahil sa kaniya.

16 Aking niyanig ang mga bansa sa hugong ng kaniyang pagkabuwal, nang aking ihagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat na punong kahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Libano, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay nangaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.

17 Sila rin nama’y nagsibaba sa Sheol na kasama niya sa kanila na nangapatay ng tabak; oo, silang pinakakamay niya na nagsisitahan sa kaniyang lilim sa gitna ng mga bansa.

18 Sino ang gaya mong ganito sa kaluwalhatian at sa kalakhan sa gitna ng mga punong kahoy sa Eden? gayon ma’y mabababa ka na kasama ng mga punong kahoy sa Eden, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa: ikaw ay malalagay sa gitna ng mga di tuli, na kasama nila na nangapatay ng tabak. Ito’y si Faraon at ang buo niyang karamihan, sabi ng Panginoong Dios.