Ezekiel 32

1 At nangyari, nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing dalawang buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:

2 Anak ng tao, panaghuyan mo si Faraong hari sa Egipto, at sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay kawangis ng isang batang leon sa mga bansa; gayon man ikaw ay parang malaking hayop sa mga dagat; at ikaw ay sumagupa sa iyong mga ilog, at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig, at dinumhan mo ang kanilang mga ilog.

3 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo na kasama ng isang pulutong ng maraming tao; at iaahon ka nila sa aking lambat.

4 At iiwan kita sa lupain, ihahagis kita sa luwal na parang, at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.

5 At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok, at pupunuin ko ang mga libis ng iyong kataasan.

6 Akin namang didiligin ng iyong dugo ang lupain na iyong nilalanguyan, hanggang sa mga bundok; at ang mga daan ng tubig ay mapupuno.

7 At pagka ikaw ay aking nautas, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang mga bituin niyaon; aking tatakpan ng alapaap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.

8 Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong Dios.

9 Akin namang papaghihirapin ang puso ng maraming bayan, pagka aking dadalhin ang iyong kagibaan sa gitna ng mga bansa, sa mga lupain na hindi mo nakilala.

10 Oo, aking papanggigilalasin ang maraming bayan sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, pagka aking ikinumpas ang aking tabak sa harap nila; at sila’y manginginig tuwituwina, bawa’t tao dahil sa kaniyang sariling buhay sa kaarawan ng iyong pagkabuwal.

11 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang tabak ng hari sa Babilonia ay darating sa iyo.

12 Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking ipabubuwal ang iyong karamihan; kakilakilabot sa mga bansa silang lahat: at kanilang wawalaing halaga ang kapalaluan ng Egipto, at ang buong karamihan niyao’y malilipol.

13 Akin din namang lilipuling lahat ang mga hayop niyaon mula sa siping ng maraming tubig; at hindi na lalabukawin pa man ng paa ng tao, o ang kuko man ng mga hayop ay magsisilabukaw sa mga yaon.

14 Kung magkagayo’y aking palilinawin ang kanilang tubig, at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Dios.

15 Pagka aking gagawin ang lupain ng Egipto na sira at giba, na lupaing iniwan ng lahat na nangandoon, pagka aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.

16 Ito nga ang panaghoy na kanilang itataghoy; na itataghoy ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Egipto, at sa lahat na kaniyang karamihan ay itataghoy nila, sabi ng Panginoong Dios.

17 Nangyari rin nang ikalabing dalawang taon, nang ikalabing limang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi,

18 Anak ng tao, taghuyan mo ang karamihan ng Egipto, at ibaba mo sila, sa makatuwid baga’y siya, at ang mga anak na babae ng mga bantog na bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

19 Sinong iyong dinadaig sa kagandahan? bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di tuli.

20 Sila’y mangabubuwal sa gitna nila na nangapatay ng tabak: siya’y nabigay sa tabak: ilabas mo siya at ang lahat niyang karamihan.

21 Ang malakas sa gitna ng makapangyarihan ay magsasalita sa kaniya na mula sa gitna ng Sheol na kasama ng nagsitulong sa kaniya: sila’y nagsibaba, sila’y nangakatigil, sa makatuwid baga’y ang mga hindi tuli, na nangapatay ng tabak.

22 Ang Assur ay nandoon at ang buo niyang pulutong; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya: silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak;

23 Na ang mga libingan ay nangalalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kaniyang pulutong ay nasa palibot ng kaniyang libingan; silang lahat na nangapatay, na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nakapangingilabot sa lupain ng buhay.

24 Nandoon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kaniyang libingan; silang lahat na nangapatay na nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na nakapagpangilabot sila sa lupain ng buhay, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.

25 Inilagay nila ang kaniyang higaan sa gitna ng mga patay na kasama ng buong karamihan niya; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya; silang lahat na di tuli na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka’t nakapagpangilabot sila sa lupain ng buhay, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay: siya’y nalagay sa gitna niyaong nangapatay.

26 Nandoon ang Mesech, ang Tubal, at ang buo niyang karamihan; ang mga libingan niya ay nangasa palibot niya; silang lahat na hindi tuli, na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka’t sila’y nakapagpangilabot sa lupain ng buhay.

27 At sila’y hindi mangahihiga na kasama ng makapangyarihan na nangabuwal sa mga di tuli, na nagsibaba sa Sheol na may kanilang mga almas na pangdigma, at nangaglagay ng kanilang mga tabak sa ilalim ng kanilang mga ulo, at ang kanilang mga kasamaan ay nangasa kanilang mga buto; sapagka’t sila ang kakilabutan ng makapangyarihan sa lupain ng buhay.

28 Nguni’t ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di tuli, at ikaw ay mahihiga na kasama nila na nangapatay sa pamamagitan ng tabak.

29 Nandoon ang Edom, ang kaniyang mga hari at lahat niyang prinsipe, na sa kanilang kapangyarihan ay nangahiga na kasama ng nangapatay ng tabak: sila’y mangahihiga na kasama ng mga di tuli, at niyaong nagsibaba sa hukay.

30 Nandoon ang mga prinsipe sa hilagaan, silang lahat, at lahat ng mga taga Sidon, na nagsibabang kasama ng nangapatay; sa kakilabutan na kanilang ipinangilabot ng kanilang kapangyarihan sila’y nangapahiya; at sila’y nangahihigang hindi tuli na kasama ng nangapapatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.

31 Makikita sila ni Faraon, at maaaliw sa lahat niyang karamihan, sa makatuwid baga’y ni Faraon at ng buo niyang hukbo, na nangapatay ng tabak, sabi ng Panginoong Dios.

32 Sapagka’t inilagay ko ang kaniyang kakilabutan sa lupain ng buhay; at siya’y ihihiga sa gitna ng mga di tuli, na kasama ng nangapatay ng tabak, si Faraon at ang buong karamihan niya, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 33

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, salitain mo sa mga anak ng iyong bayan, at sabihin mo sa kanila, Pagka aking dinala ang tabak sa lupain, kung ang bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalake sa gitna nila, at ilagay na pinakabantay nila;

3 Kung, pagkakita niya ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan;

4 Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo.

5 Narinig niya ang tunog ng pakakak, at hindi pinansin; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya; sapagka’t kung siya’y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay.

6 Nguni’t kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya’y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, nguni’t ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.

7 Sa gayo’y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya’t dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin.

8 Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni’t ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay.

9 Gayon ma’y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni’t iniligtas mo ang iyong kaluluwa.

10 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang inyong sinasalita, na sinasabi, Ang aming pagsalangsang, at ang aming mga kasalanan ay nangasa amin, at aming pinanglulupaypayan; paano ngang kami ay mangabubuhay?

11 Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka’t bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel?

12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan, Ang katuwiran ng matuwid ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa kaarawan ng kaniyang pagsalangsang; at tungkol sa kasamaan ng masama, hindi niya kabubuwalan sa araw na kaniyang hiwalayan ang kaniyang kasamaan; ni ikabubuhay man ng matuwid ang kaniyang katuwiran sa araw na siya’y magkasala.

13 Pagka aking sasabihin sa matuwid na siya’y walang pagsalang mabubuhay; kung siya’y tumiwala sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, anoman sa kaniyang mga matuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa doon siya mamamatay.

14 Muli, pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid;

15 Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan, siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay.

16 Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na aalalahanin laban sa kaniya; kaniyang ginawa ang tapat at matuwid; siya’y walang pagsalang mabubuhay.

17 Gayon ma’y sinabi ng mga anak ng iyong bayan, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid: nguni’t tungkol sa kanila, ay hindi matuwid ang kanilang lakad.

18 Pagka iniwan ng matuwid ang kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, kaniyang ikamamatay yaon.

19 At kung hiwalayan ng masama ang kaniyang kasamaan, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ikabubuhay yaon.

20 Gayon ma’y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, aking hahatulan kayo bawa’t isa, ayon sa kaniyang mga lakad.

21 At nangyari, nang ikalabing dalawang taon ng ating pagkabihag, nang ikasangpung buwan; nang ikalimang araw ng buwan, na isa na nakatanan mula sa Jerusalem ay naparoon sa akin, na nagsasabi, Ang bayan ay nasaktan.

22 Ang kamay nga ng Panginoon ay sumaakin nang kinahapunan, bago dumating ang nakatanan; at ibinuka niya ang aking bibig, hanggang sa siya’y dumating sa akin nang kinaumagahan; at ang aking bibig ay nabuka at hindi na ako pipi.

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

24 Anak ng tao, ang nagsisitahan sa mga gibang dakong yaon ng lupain ng Israel, ay nangagsasalita, na sinasabi, Si Abraham ay iisa, at kaniyang minana ang lupain: nguni’t tayo’y marami; ang lupain ay ibinigay sa ating pinakamana.

25 Kaya’t sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo’y nagsisikain ng may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diosdiosan, at nagbububo ng dugo: at inyo bagang aariin ang lupain?

26 Kayo’y nagsisitayo sa inyong tabak, kayo’y nagsisigawa ng kasuklamsuklam, at nanirang puri bawa’t isa sa inyo ng asawa ng kaniyang kapuwa: at inyo bagang aariin ang lupain?

27 Sabihin mong ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Buhay ako, walang pagsalang silang nangasa mga ibang dako ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa luwal na parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin, at silang nangasa mga katibayan at sa mga yungib ay mangamamatay sa salot.

28 At aking gagawing sira ang lupain at katigilan; at ang kahambugan ng kaniyang lakas ay maglilikat; at ang mga bundok ng Israel ay mangasisira, na walang dadaan.

29 Kung magkagayo’y malalaman nila na ako ang Panginoon, pagka aking ginawang sira at katigilan ang lupain, dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na kanilang nagawa.

30 At tungkol sa iyo, anak ng tao, pinagsasalitaanan ka pa ng mga anak ng iyong bayan sa siping ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, at nangagsasalitaan na bawa’t isa’y sa kaniyang kapatid, na sinasabi, Pumarito ka, isinasamo ko sa iyo, at dinggin mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon.

31 At dumating sa iyo na wari ang bayan ay dumarating, at sila’y nagsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinidinig ang iyong mga salita, nguni’t hindi nila ginagawa; sapagka’t sila’y nangagsasalita ng malaking pagibig ng kanilang bibig, nguni’t ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang.

32 At, narito, ikaw ay parang masayang awit sa kanila na may maligayang tinig, at nakatutugtog na mabuti sa panugtog; sapagka’t kanilang naririnig ang iyong mga salita, nguni’t hindi nila ginagawa.

33 At pagka ito’y nangyari, (narito, nangyayari,) kanila ngang malalaman na isang propeta ay napasa gitna nila.

Ezekiel 34

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, manghula ka laban sa mga pastor ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila, sa mga pastor, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa?

3 Kayo’y nagsisikain ng gatas, at kayo’y nangananamit sa inyo ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba; nguni’t hindi ninyo pinakakain ang mga tupa.

4 Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan.

5 At sila’y nangalat dahil sa walang pastor, at sila’y naging pagkain sa lahat ng hayop sa parang, at sila’y nangalat.

6 Ang aking mga tupa ay nagsisilaboy sa lahat ng bundok, at sa lahat na mataas na burol: oo, ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa; at walang magsiyasat o humanap sa kanila.

7 Kaya’t kayong mga pastor, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:

8 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala na dahil sa ang aking mga tupa ay naging samsam, at ang aking mga tupa ay naging pagkain sa lahat na hayop sa parang, sapagka’t walang pastor, o hinanap man ng aking mga pastor ang aking mga tupa, kundi ang mga pastor ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa;

9 Kaya’t, Oh kayong mga pastor, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako’y laban sa mga pastor; at aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin ng pagpapakain ng mga tupa; at hindi na naman pakakanin ng mga pastor ang kanilang sarili; at aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang bibig, upang huwag maging pagkain sa kanila.

11 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga’y ako, sisiyasat ng aking mga tupa, at aking hahanapin sila.

12 Kung paanong hinanap ng pastor ang kaniyang kawan sa kaarawan na siya’y nasa gitna ng kaniyang mga tupa na nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa maulap at madilim na araw.

13 At aking ilalabas sila sa mga bayan, at pipisanin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain; at pasasabsabin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga daan ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain.

14 Aking pakakanin sila sa mabuting pastulan; at sa mga mataas na bundok ng kataasan ng Israel ay malalagay ang kanilang kulungan: doon mangahihiga sila sa mabuting kulungan; at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel.

15 Ako ay magiging kanilang pastor ng aking mga tupa at aking pahihigain sila, sabi ng Panginoong Dios.

16 Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit: nguni’t aking lilipulin ang mataba at malakas; aking pakakanin sila sa katuwiran.

17 At tungkol sa inyo, Oh aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y humahatol sa gitna ng hayop at hayop, sa gitna ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalake.

18 Inaakala baga ninyong munting bagay sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, nguni’t inyong marapat yapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? at uminom sa malinaw na tubig, nguni’t inyong marapat lampisawin ng inyong mga paa ang nalabi?

19 At tungkol sa aking mga tupa, kanilang kinakain ang inyong niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang iniinom ang nilampisaw ng inyong mga paa.

20 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa kanila: Narito, ako, sa makatuwid baga’y ako, ay hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa.

21 Sapagka’t inyong itinulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinuwag ng inyong mga sungay ang lahat na may sakit, hanggang sa inyong napangalat sila;

22 Kaya’t aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging samsam; at ako’y hahatol sa tupa at tupa.

23 At ako’y maglalagay ng isang pastor sa kanila, at kaniyang papastulin sila sa makatuwid baga’y ang aking lingkod na si David; kaniyang papastulin sila, at siya’y magiging kanilang pastor,

24 At akong Panginoon ay magiging kanilang Dios, at ang aking lingkod na si David ay prinsipe sa kanila; akong Panginoon ang nagsalita.

25 At ako’y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking papawiin ang mga masamang hayop sa lupain; at sila’y magsisitahang tiwasay sa ilang, at mangatutulog sa mga gubat.

26 At aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng aking burol; at aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.

27 At ang punong kahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa’y magsisibol ng halaman niya, at sila’y matitiwasay sa kanilang lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binali ang tali ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga pinaglilingkuran nila.

28 At sila’y hindi na magiging pinakahuli sa mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila’y magsisitahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.

29 At aking pagkakalooban sila ng mga pananim na ikababantog, at sila’y hindi na mangalilipol pa ng kagutom sa lupain, o magtataglay pa man ng kahihiyan sa mga bansa.

30 At kanilang malalaman na akong Panginoon nilang Dios ay sumasa kanila, at sila na sangbahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.

31 At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 35

1 Bukod dito’y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha sa bundok ng Seir, at manghula ka laban doon,

3 At sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y laban sa iyo, Oh bundok ng Seir, at aking iniunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at katigilan.

4 Aking ilalagay na giba ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging sira; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

5 Sapagka’t ikaw ay nagkaroon ng laging pakikipagkaalit, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kasakunaan, sa kapanahunan ng parusang pinaka wakas;

6 Kaya’t buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, aking itatalaga ka sa dugo, at ang dugo ay hahabol sa iyo: yamang hindi mo kinapootan ang dugo, kaya’t matatalaga ka sa dugo.

7 Ganito ko gagawin ang bundok ng Seir na isang katigilan at kasiraan; at aking ihihiwalay sa kaniya siya na nagdaraan at siyang nagbabalik.

8 At aking pupunuin ang kaniyang mga bundok ng kaniyang mga nangapatay: sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga daan ng tubig ay mangabubuwal sila na nangapatay ng tabak.

9 Ikaw ay gagawin kong pangpalaging kasiraan, at ang iyong mga bayan ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

10 Sapagka’t iyong sinabi, Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin; bagaman kinaroroonan ng Panginoon:

11 Kaya’t buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, aking gagawin ayon sa iyong galit, at ayon sa iyong pananaghili na iyong ipinakilala sa iyong pagtatanim laban sa kanila: at ako’y pakikilala sa gitna nila pagka aking hahatulan ka.

12 At iyong malalaman na akong Panginoon ay nakarinig ng lahat mong panunungayaw na iyong sinalita laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, Nangalagay na sira ang mga yaon, nangabigay sa atin upang lamunin.

13 At kayo’y nangagmalaki laban sa akin ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin: aking narinig yaon.

14 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka ang buong lupa ay nagagalak, akin gagawin kang sira.

15 Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sangbahayan ni Israel, dahil sa sira, gayon ang gagawin ko sa iyo: ikaw ay magiging sira, Oh bundok ng Seir, at buong Edom, oo, lahat ng ito; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 36

1 At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

2 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: sapagka’t sinabi ng kaaway sa inyo, Aha! at, Ang dating mga mataas na dako ay aming pag-aari;

3 Kaya’t manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t, sa makatuwid baga’y sapagka’t kanilang ginawang sira kayo, at nadaig kayo sa lahat ng dako, upang kayo’y maging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo’y nabanggit ng mga labi ng mga mangdadaldal, at masamang ulat ng bayan;

4 Kaya’t kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Dios: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga bundok at sa mga burol, sa mga daan ng tubig at sa mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayan na nangapabayaan, na mga naging samsam at kakutyaan na nalabi sa mga bansa na nangasa palibot;

5 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Tunay na sa silakbo ng aking paninibugho ay nagsalita ako laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom, na nagtakda ng aking lupain sa kanilang sarili na pag-aari na may kagalakan ng buo nilang puso, na may sama ng loob, upang ihagis na pinakasamsam.

6 Kaya’t manghula ka tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok at sa mga burol, sa mga daan ng tubig at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y nagsalita sa aking paninibugho at sa aking kapusukan, sapagka’t inyong tinaglay ang kahihiyan ng mga bansa.

7 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking itinaas ang aking kamay, na aking sinasabi, Tunay na ang mga bansa na nangasa palibot ninyo, mangagtataglay sila ng malaking kahihiyan.

8 Nguni’t, kayo, Oh mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagka’t sila’y malapit nang dumating.

9 Sapagka’t, narito, ako’y sa inyo, at ako’y babalik sa inyo, at kayo’y mabubukid at mahahasikan;

10 At ako’y magpaparami ng mga tao sa inyo, buong sangbahayan ni Israel, sa makatuwid baga’y siyang lahat; at ang mga bayan ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay mangatatayo;

11 At ako’y magpaparami sa inyo ng tao at hayop; at sila’y magsisidami at mangagkakaanak: at aking patatahanin kayo ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng magaling kay sa una: at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, sa makatuwid baga’y ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi mo na sila wawalaan ng mga anak.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka’t kanilang sinasabi sa iyo, Ikaw na lupain ay manglalamon nga ng mga tao, at naging mapagpahirap sa iyong bansa;

14 Kaya’t hindi ka na manglalamon pa ng mga tao o papatay pa man sa iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios;

15 O iparirinig ko pa man sa iyo ang kahihiyan ng mga bansa, o magtataglay ka pa man ng kakutyaan ng mga bayan, o ititisod mo pa man ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios.

16 Bukod dito’y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,

17 Anak ng tao, nang tumatahan ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang inihawa ng kanilang lakad at ng kanilang mga gawa: ang kanilang lakad sa harap ko ay naging parang karumihan ng babae sa kaniyang kapanahunan.

18 Kaya’t aking ibinugso ang aking kapusukan sa kanila dahil sa dugo na kanilang ibinubo sa lupain, at dahil sa kanilang nilapastangan ng kanilang mga diosdiosan;

19 At aking pinangalat sila sa mga bansa, at sila’y nagsipanabog sa mga lupain: ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga gawa ay hinatulan ko sila.

20 At nang sila’y dumating sa mga bansa, na kanilang pinaroonan, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan; sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, Ang mga ito ay bayan ng Panginoon, at nagsilabas sa kaniyang lupain.

21 Nguni’t iginalang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sangbahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinaroonan.

22 Kaya’t sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Hindi ko ginawa ito dahil sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, kundi dahil sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinaroonan.

23 At aking babanalin ang aking dakilang pangalan, na nalapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila; at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Dios, pagka ako’y aariing banal sa inyo sa harap ng kanilang mga mata.

24 Sapagka’t aking kukunin kayo sa mga bansa, at pipisanin ko kayo na mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25 At ako’y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo’y magiging malinis: sa buo ninyong karumihan, at sa lahat ninyong mga diosdiosan, lilinisin ko kayo.

26 Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

28 At kayo’y magsisitahan sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang; at kayo’y magiging aking bayan, at ako’y magiging inyong Dios.

29 At lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan: at aking patutubuin ang trigo, at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng kagutom sa inyo.

30 At aking pararamihin ang bunga ng punong kahoy, at ang ani sa bukid, upang huwag na kayong tumanggap pa ng kadustaan ng kagutom sa mga bansa.

31 Kung magkagayo’y inyong maaalaala ang inyong mga masamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti; at kayo’y mayayamot sa inyong sarili sa inyong paninging sarili, dahil sa inyong mga kasamaan at dahil sa inyong mga kasuklamsuklam.

32 Hindi dahil sa inyo ginagawa ko ito, sabi ng Panginoong Dios, tantuin ninyo: kayo’y mangahiya at mangalito dahil sa inyong mga lakad, Oh sangbahayan ni Israel.

33 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasamaan, aking patatahanan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay mangatatayo.

34 At ang lupain na naging sira ay mabubukid, na naging sira sa paningin ng lahat na nangagdaraan.

35 At kanilang sasabihin, Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira at giba at wasak na mga bayan ay nakukutaan at tinatahanan.

36 Kung magkagayo’y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira: akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

37 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bukod dito pa’y pagsasanggunian ako ng sangbahayan ni Israel, upang gawin sa kanila; ako’y magpaparami sa kanila ng tao na parang kawan.

38 Kung paano ang kawan na panghain, kung paano ang kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 37

1 Ang kamay ng Panginoon ay sumasa akin, at kaniyang dinala ako sa Espiritu ng Panginoon, at inilagay niya ako sa gitna ng libis; at yao’y puno ng mga buto.

2 At pinaraan niya ako sa tabi ng mga yaon sa palibot: at, narito, may totoong marami sa luwal na libis; at, narito, mga totoong tuyo.

3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, maaari bagang mabuhay ang mga butong ito? At ako’y sumagot, Oh Panginoong Dios; ikaw ang nakakaalam.

4 Muling sinabi niya sa akin, Manghula ka sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, Oh kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga butong ito: Narito, aking papapasukin ang hinga sa inyo, at kayo’y mangabubuhay.

6 At lalagyan ko kayo ng mga litid, at babalutin ko kayo ng laman, at tatakpan ko kayo ng balat, at lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo’y mangabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

7 Sa gayo’y nanghula ako ng gaya ng iniutos sa akin: at habang ako’y nanghuhula, may naghinugong, at, narito, isang lindol; at ang mga buto ay nangagkalapit, buto sa kaniyang buto.

8 At ako’y tumingin, at, narito, may mga litid sa mga yaon, at laman ay lumitaw sa mga yaon at ang balat ay tumakip sa mga yaon sa ibabaw; nguni’t walang hininga sa kanila.

9 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Manghula ka sa hangin, manghula ka, anak ng tao, at sabihin mo sa hangin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manggaling ka sa apat na hangin, Oh hinga, at humihip ka sa mga patay na ito, upang sila’y mangabuhay.

10 Sa gayo’y nanghula ako ng gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila’y nangabuhay, at nagsitayo ng kanilang mga paa, isang totoong malaking pulutong.

11 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sangbahayan ni Israel: narito, kanilang sinasabi, Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pagasa ay nawala; tayo’y lubos na nahiwalay.

12 Kaya’t manghula ka, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko; at aking dadalhin kayo sa lupain ng Israel.

13 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binuksan ang inyong libingan, at aking pinasampa kayo na mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko.

14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo’y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

16 At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod, at sulatan mo sa ibabaw, Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kaniyang mga kasama: saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: Sa Jose, na siyang tungkod ng Ephraim, at sa buong sangbahayan ni Israel na kaniyang mga kasama:

17 At iyong papagugnayugnayin sa ganang iyo na maging isang tungkod, upang maging isa sa iyong kamay.

18 At pagka ang mga anak ng iyong bayan ay mangagsasalita sa iyo, na mangagsasabi, Hindi mo baga ipakikilala sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?

19 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang tungkod ng Jose, na nasa kamay ng Ephraim, at ang mga lipi ng Israel na kaniyang mga kasama: at akin silang isasama roon, sa tungkod ng Juda, at gagawin ko silang isang tungkod, at sila’y magiging isa sa aking kamay.

20 At ang tungkod na iyong sinusulatan ay hahawakan mo sa harap ng kanilang mga mata.

21 At sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa, na kanilang pinaroonan, at pipisanin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain:

22 At gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang magiging hari sa kanilang lahat; at hindi na sila magiging dalawang bansa, o mahahati pa man sila sa dalawang kaharian;

23 At hindi na naman mapapahamak pa sila ng dahil sa kanilang mga diosdiosan, o sa kanila mang mga kasuklamsuklam na bagay, o sa anoman sa kanilang mga pagsalangsang; kundi aking ililigtas sila mula sa lahat nilang tahanang dako, na kanilang pinagkasalanan, at lilinisin ko sila: sa gayo’y magiging bayan ko sila, at ako’y magiging kanilang Dios.

24 At ang aking lingkod na si David ay magiging hari sa kanila; at silang lahat ay magkakaroon ng isang pastor; magsisilakad din naman sila ng ayon sa aking mga kahatulan, at susundin ang aking mga palatuntunan, at isasagawa.

25 At sila’y magsisitahan sa lupain na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod, na tinahanan ng inyong mga magulang; at sila’y magsisitahan doon, sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, magpakailan man: at si David na aking lingkod ay magiging kanilang prinsipe magpakailan man.

26 Bukod dito’y makikipagtipan ako ng tipan ng kapayapaan sa kanila; magiging tipan na walang hanggan sa kanila; at aking ilalagay sila, at pararamihin sila at itatatag ko ang aking santuario sa gitna nila magpakailan man.

27 Ang aking tabernakulo naman ay mapapasa gitna nila; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan.

28 At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, pagka ang aking santuario ay mapapasa gitna nila magpakailan man.

Ezekiel 38

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal, at manghula ka laban sa kaniya,

3 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y laban sa iyo, Oh Gog, na pangulo sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal:

4 At aking ipipihit ka sa palibot, at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga, at ilalabas kita, at ang iyong buong kawal, mga kabayo at mga mangangabayo, na nasusuutan silang lahat ng buong kasakbatan, na malaking pulutong na may longki at kalasag, silang lahat ay nangagtatangan ng mga tabak:

5 Ang Persia, ang Cus, at ang Phut ay kasama nila; silang lahat na may kalasag at turbante;

6 Ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang sangbahayan ni Togarma sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan, at lahat niyang mga pulutong; maraming bayan na kasama mo.

7 Humanda ka, oo, humanda ka, ikaw, at ang lahat ng iyong mga pulutong na napisan ko sa iyo, at maging bantay ka sa kanila.

8 Pagkatapos ng maraming araw ay dadalawin ka: sa mga huling taon ay papasok ka sa lupain na ibinalik na mula sa paghabol ng tabak na napisan mula sa maraming bayan, sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba; nguni’t nalabas sa mga bayan, at sila’y magsisitahang tiwasay, silang lahat.

9 At ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo, ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Mangyayari sa araw na yaon, na mga bagay ay darating sa iyong pagiisip, at ikaw ay magpapanukala ng masamang panukala:

11 At iyong sasabihin, Ako’y sasampa sa lupaing may mga nayong walang kuta; sasampahin ko sila na nasa katahimikan, na nagsisitahang tiwasay, silang lahat na nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang-bayan man;

12 Upang kumuha ng samsam, at upang kumuha ng huli; upang ibalik ang iyong kamay laban sa mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at laban sa bayan na napisan mula sa mga bansa, na nagtangkilik ng mga hayop at mga pag-aari, na nagsisitahan sa gitna ng lupa.

13 Ang Seba, at ang Dedan, at ang mga mangangalakal sa Tarsis, sangpu ng lahat ng batang leon niyaon, ay magsasabi sa iyo, Naparito ka baga upang kumuha ng samsam? pinisan mo baga ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam? upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga pag-aari, upang kumuha ng malaking samsam?

14 Kaya’t, anak ng tao, ikaw ay manghula, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na ang aking bayang Israel ay tatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman?

15 At ikaw ay darating na mula sa iyong dako, mula sa mga kahulihulihang bahagi ng hilagaan, ikaw, at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nangakasakay sa mga kabayo, malaking pulutong at makapangyarihang hukbo;

16 At ikaw ay sasampa laban sa aking bayang Israel, na parang ulap na tatakip sa lupain: mangyayari sa mga huling araw, na dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, pagka ako’y aariing banal sa iyo, Oh Gog, sa harap ng kanilang mga mata.

17 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw baga yaong aking sinalita nang una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsipanghula nang mga araw na yaon, ng tungkol sa malaong panahon, na aking dadalhin ka laban sa kanila?

18 At mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, na ang aking kapusukan ay sasampa sa aking mga butas ng ilong.

19 Sapagka’t sa aking paninibugho at sa sigalbo ng aking poot ay nagsalita ako, Tunay na sa araw na yaon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel;

20 Na anopa’t ang mga isda sa dagat, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa parang, at lahat na nagsisiusad na bagay na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nangasa ibabaw ng lupa, magsisipanginig sa aking harapan, at ang mga bundok ay mangaguguho at ang mga matarik na dako ay mangabababa, at bawa’t kuta ay mangababagsak sa lupa.

21 At aking tatawagin sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kaniya, sabi ng Panginoong Dios: ang tabak ng bawa’t lalake ay magiging laban sa kaniyang kapatid.

22 At ako’y makikipaglaban sa kaniya sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at pauulanan ko siya, at ang kaniyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya, ng napakalakas na ulan, at ng mga malaking granizo, ng apoy, at ng azufre.

23 At ako’y pakikitang dakila at banal, at ako’y pakikilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 39

1 At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako’y laban sa iyo, Oh Gog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal:

2 At aking ipipihit ka sa palibot, at ihahatid kita, at pasasampahin kita mula sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel;

3 At aking sisirain ang iyong busog sa iyong kaliwa, at aking ihuhulog ang iyong pana sa iyong kanan.

4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo: aking ibibigay ka sa mga mangdadagit na ibong sarisari, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.

5 Ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang: sapagka’t aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios.

6 At ako’y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa kanilang nagsisitahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

7 At ang aking banal na pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang aking banal na pangalan: at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang banal sa Israel.

8 Narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios; ito ang araw na aking sinalita.

9 At silang nagsisitahan sa mga bayan ng Israel ay magsisilabas, at sisilaban ng mga apoy ang mga almas, at susunugin ang mga kalasag at gayon din ang mga longki, ang mga busog at ang mga pana, at ang mga tungkod, at ang mga sibat, at mga sisilaban nilang pitong taon;

10 Na anopa’t sila’y hindi magsisikuha ng kahoy sa parang, o magsisiputol man ng anoman sa mga gubat; sapagka’t kanilang sisilaban ang mga almas; at kanilang sasamsaman yaong nagsisamsam sa kanila, at nanakawan yaong nangagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

11 At mangyayari sa araw na yaon, na ako’y magbibigay kay Gog ng dakong pinakalibangan sa Israel, ang libis nila na nagsisidaang patungo sa silanganan ng dagat: at paglilikatan nilang daanan; at doon nila ililibing si Gog at ang buo niyang karamihan; at kanilang tatawagin ito: Ang libis ng Hamon-gog.

12 At pitong buwan na mangaglilibing ang sangbahayan ni Israel, upang kanilang linisin ang lupain.

13 Oo, sila’y mangaglilibing ng buong bayan ng lupain; at magiging sa kanila’y kabantugan, sa araw na ako’y luluwalhati, sabi ng Panginoong Dios.

14 At sila’y mangaghahalal ng mga lalaking magkakatungkulang palagi, na mangagdaraan sa lupain at, kasama nilang nangagdaraan, silang nangaglilibing ng nalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin: pagkatapos ng pitong buwan ay mangagsisihanap sila.

15 At silang nangagdaraan sa lupain ay mangagdaraan; at pagka ang sinoman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan nga niya ng tanda, hanggang sa mailibing ng mga manglilibing sa libis ng Hamon-gog.

16 At Hamonah ang magiging pangalan ng bayan. Ganito nila lilinisin ang lupain.

17 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Salitain mo sa sarisaring ibon, at sa lahat na hayop sa parang, Magpupulong kayo, at kayo’y magsiparito; magpipisan kayo sa lahat ng dako sa aking hain na aking inihahain sa inyo, sa malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, upang kayo’y mangakakain ng laman at mangakainom ng dugo.

18 Kayo’y magsisikain ng laman ng makapangyarihan, at magsisiinom ng dugo ng mga prinsipe sa lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, at ng mga kambing, ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.

19 At kayo’y magsisikain ng taba hanggang sa kayo’y mangabusog, at magsisiinom ng dugo hanggang sa kayo’y mangalango, sa aking hain na aking inihain sa inyo.

20 At kayo’y mangabubusog sa aking dulang ng mga kabayo at mga karo, ng mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na lalaking mangdidigma, sabi ng Panginoong Dios.

21 At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila.

22 Sa gayo’y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin.

23 At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka’t sila’y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo’y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

24 Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

25 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ngayo’y aking ibabalik ang Jacob na mula sa pagkabihag, at maaawa ako sa buong sangbahayan ni Israel; at ako’y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.

26 At sila’y mangagtataglay ng kanilang kahihiyan, at ng kanilang lahat na pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa akin, pagka sila’y magsisitahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;

27 Pagka sila’y aking nadala uli na mula sa mga bayan, at nangapisan na mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at ako’y inaaring banal sa kanila sa paningin ng maraming bansa.

28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios, sa pagpapapasok ko sa kanila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at sa pagpipisan ko sa kanila sa kanilang sariling lupain; at hindi ako magiiwan sa kanila ng sino pa man doon;

29 Ni hindi ko na naman ikukubli pa ang aking mukha sa kanila; sapagka’t binuhusan ko ng aking Espiritu ang sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 40

1 Nang ikadalawang pu’t limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasangpung araw ng buwan, nang ikalabing apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masaktan nang kaarawang yaon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin, at dinala niya ako roon.

2 Sa mga pangitain na mula sa Dios ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at inilagay ako sa totoong mataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang bayan sa timugan.

3 At dinala niya ako roon; at, narito, may isang lalake na ang anyo ay parang anyo ng tanso, na may pising lino sa kaniyang kamay, at isang panukat na tambo; at siya’y natayo sa pintuang-bayan.

4 At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka’t sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.

5 At, narito; isang kuta sa dakong labas ng bahay sa palibot, at sa kamay ng lalake ay isang panukat na tambo na may anim na siko ang haba, na tigisang siko at isang dangkal ang luwang ng bawa’t isa: sa gayo’y kaniyang sinukat ang luwang ng bahay, na isang tambo; at ang taas, isang tambo.

6 Nang magkagayo’y naparoon siya sa pintuang-daan, na nakaharap sa dakong silanganan, at sumampa sa mga baytang niyaon: at kaniyang sinukat ang pasukan sa pintuang-daan, isang tambo ang luwang; at ang kabilang pasukan, isang tambo ang luwang.

7 At bawa’t silid ng bahay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan sa pintuang-daan sa tabi ng portiko sa pintuang-daan sa dako ng bahay ay isang tambo.

8 Kaniya rin namang sinukat ang portiko sa pintuang-daan sa dakong bahay, isang tambo.

9 Nang magkagayo’y sinukat niya ang portiko sa pintuang-daan, walong siko; at ang mga haligi niyaon, dalawang siko; at ang portiko sa pintuang-daan ay nasa dako ng bahay.

10 At ang mga silid ng bantay ng pintuang-daan sa dakong silanganan ay tatlo sa dakong ito, at tatlo sa dakong yaon; ang tatlo ay iisang sukat: at ang mga haligi ng pintuan ay iisang sukat sa dakong ito, at sa dakong yaon.

11 At kaniyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sangpung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labing tatlong siko;

12 At ang pagitan sa harap ng mga silid ng bantay, isang siko sa dakong ito, at ang isang pagitan, isang siko sa dakong yaon; at ang mga silid ng bantay, anim na siko sa dakong ito, at anim na siko sa dakong yaon;

13 At kaniyang sinukat ang pintuang-daan mula sa bubungan ng isang silid ng bantayan hanggang sa bubungan ng kabila, may luwang na dalawang pu’t limang siko; pintuan sa tapat ng pintuan.

14 Gumawa naman siya ng mga haligi ng pintuan, na anim na pung siko; at ang looban ay hanggang sa haligi, ang pintuang-daan ay sa palibot.

15 At mula sa harap ng pintuang-daan sa pasukan hanggang sa harap ng pinakaloob na portiko sa pintuang-daan ay limang pung siko.

16 At may makikipot na dungawan sa mga silid ng bantay, at sa mga haligi ng mga yaon sa loob ng pintuang-daan sa palibot, at gayon din sa mga hubog; at ang mga dungawan ay nangasa palibot sa dakong loob; at sa bawa’t haligi ay may mga puno ng palma.

17 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa loob ng looban sa labas; at, narito, may mga silid at may isang lapag na ginawa sa palibot ng looban: tatlong pung silid ang nasa lapag.

18 At ang lapag ay nasa tabi ng mga pintuang-daan, ayon sa haba ng mga pintuang-daan, sa makatuwid baga’y ang lalong mababang lapag.

19 Nang magkagayo’y kaniyang sinukat ang luwang mula sa harap ng lalong mababang pintuang-daan hanggang sa harap ng pinakaloob na looban sa may labas, na isang daang siko, sa dakong silanganan at gayon din sa dakong hilagaan.

20 At ang pintuang-daan ng looban sa labas na nakaharap sa dakong hilagaan, kaniyang sinukat ang haba niyaon at ang luwang niyaon.

21 At ang mga silid ng bantay niyaon ay tatlo sa dakong ito at tatlo sa dakong yaon; at ang mga haligi niyaon at ang mga hubog niyaon ay ayon sa sukat ng unang pintuang-daan: ang haba niyaon ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu’t limang siko.

22 At ang mga dungawan niyaon, at ang mga hubog niyaon, at ang mga puno ng palma niyaon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinampa ng pitong baytang; at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap nila.

23 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa tapat ng kabilang pintuang-daan, sa dakong hilagaan at gayon din sa dakong silanganan; at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan na isang daang siko.

24 At dinala niya ako sa dakong timugan; at, narito, ang isang pintuang-daan sa dakong timugan: at kaniyang sinukat ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon ayon sa mga sukat na ito.

25 At may mga dungawan doon at sa mga hubog niyaon sa palibot, gaya ng mga dungawang yaon: ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu’t limang siko.

26 At may pitong baytang na sampahan, at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap ng mga yaon; at may mga puno ng palma; sa dakong ito, at isa sa dakong yaon, sa mga haligi niyaon.

27 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa dakong timugan: at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan sa dakong timugan na isang daang siko.

28 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito;

29 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu’t limang siko ang luwang.

30 At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu’t limang siko ang haba, at limang siko ang luwang.

31 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

32 At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito.

33 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu’t limang siko ang luwang.

34 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

35 At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito;

36 Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu’t limang siko.

37 At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

38 At isang silid na may pintuan ay nasa tabi ng mga haligi sa mga pintuang-daan; doon sila naghugas ng handog na susunugin.

39 At sa portiko ng pintuang-daan ay may dalawang dulang sa dakong ito, at dalawang dulang sa dakong yaon, upang patayin doon ang handog na susunugin, at ang handog dahil sa kasalanan at ang handog dahil sa pagkakasala.

40 At sa isang dako sa labas na gaya ng kung sasampa sa pasukan ng pintuang-daan sa dakong hilagaan ay may dalawang dulang; at sa kabilang dako, na ukol sa portiko ng pintuang-daan, ay may dalawang dulang.

41 Apat na dulang sa dakong ito, at apat na dulang sa dakong yaon sa tabi ng pintuang-daan; walong dulang ang kanilang pinagpatayan ng mga hain.

42 At may apat na dulang na ukol sa handog na susunugin, na batong tinabas, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglapagan ng mga kasangkapan na kanilang ipinagpatay sa handog na susunugin at sa hain.

43 At ang mga pangipit na may isang lapad ng kamay ang haba, ay natitibayan sa loob sa palibot; at nasa ibabaw ng mga dulang ang laman na alay.

44 At sa labas ng lalong loob na pintuang-daan ay may mga silid na ukol sa mga mangaawit sa lalong loob na looban, na nasa tabi ng pintuang-daang hilagaan; at mga nakaharap sa timugan; isa sa dako ng silanganang daan na nahaharap sa dakong hilagaan.

45 At kaniyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa dakong timugan, ay sa mga saserdote, sa mga namamahala sa bahay;

46 At ang silid na nakaharap sa dakong hilagaan ay sa mga saserdote, na mga namamahala sa dambana: ang mga ito ay mga anak ni Sadoc, na sa mga anak ni Levi ay nagsilapit sa Panginoon upang magsipangasiwa sa kaniya.

47 At sinukat niya ang looban na isang daang siko ang haba, at isang daang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harap ng bahay.

48 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa portiko ng bahay, at sinukat niya ang bawa’t haligi ng portiko na limang siko sa dakong ito, at limang siko sa dakong yaon: at ang luwang ng pintuang-daan ay tatlong siko sa dakong ito, at tatlong siko sa dakong yaon.

49 Ang haba ng portiko ay dalawang pung siko, at ang luwang ay labing isang siko: kahit sa pamamagitan ng mga baytang na kanilang sinampahan: at may mga haligi, isa sa dakong ito, at isa sa dakong yaon.

Ezekiel 41

1 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi, na anim na siko ang luwang sa isang dako, at anim na siko ang luwang sa kabilang dako, na siyang luwang ng tabernakulo.

2 At ang luwang ng pasukan ay sangpung siko; at ang mga tagiliran ng pasukan ay limang siko sa isang dako, at limang siko sa kabilang dako: at sinukat niya ang haba niyaon na apat na pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko.

3 Nang magkagayo’y pumasok siya sa loob, at sinukat ang bawa’t haligi sa pasukan, na dalawang siko; at ang pasukan ay anim na siko; at ang luwang ng pasukan, pitong siko.

4 At sinukat niya ang haba niyaon, dalawang pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko, sa harap ng templo: at sinabi niya sa akin, Ito ang kabanalbanalang dako.

5 Nang magkagayo’y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko; at ang luwang ng bawa’t tagilirang silid apat na siko, sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.

6 At ang mga tagilirang silid ay tatlong grado, patongpatong at tatlong pu sa ayos; at nangakakapit sa pader na nauukol sa bahay na nasa tagilirang silid sa palibot upang mangakapit doon, at huwag makapit sa pader ng bahay.

7 At ang mga tagilirang silid ay lalong maluwang habang lumiligid sa bahay na paitaas ng paitaas; sapagka’t ang gilid ng bahay ay paitaas ng paitaas sa palibot ng bahay: kaya’t ang luwang ng bahay ay patuloy na paitaas; at sa gayo’y ang isa ay napaiitaas mula sa pinakamababang silid, hanggang sa pinakamataas sa pamamagitan ng gitna na silid.

8 Aking nakita naman na ang bahay ay may nakatayong tungtungan sa palibot: ang mga patibayan ng mga tagilirang silid ay buong tambo na anim na malaking siko ang haba.

9 Ang kapal ng pader, na nasa mga tagilirang silid, sa dakong labas, ay limang siko: at ang naiwan ay dako ng mga tagilirang silid na ukol sa bahay.

10 At ang pagitan ng mga silid ay may luwang na dalawang pung siko sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.

11 At ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay sa dakong naiwan, isang pintuan sa dakong hilagaan, at isang pintuan sa dakong timugan: at ang luwang ng dakong naiwan ay limang siko sa palibot.

12 At ang bahay na nasa harapan ng bukod na dako sa tagilirang dakong kalunuran ay pitong pung siko ang luwang; at ang pader ng bahay ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyaon ay siyam na pung siko.

13 Sa gayo’y sinukat niya ang bahay, na isang daang siko ang haba; at ang bukod na dako, at ang bahay, sangpu ng pader niyaon, isang daang siko ang haba;

14 Ang luwang naman ng harapan ng bahay, at ng bukod na dako sa dakong silanganan, isang daang siko.

15 At sinukat niya ang haba ng bahay sa harap ng bukod na dako na nasa likuran niyaon, at ang mga galeria niyaon sa isang dako, at sa kabilang dako, isang daang siko; at ang lalong loob na templo at ang mga portiko ng looban;

16 Ang mga pasukan, at ang mga nasasarang dungawan, at ang mga galeria sa palibot sa tatlong grado, sa tapat ng pasukan, nakikisamihan ng tabla sa palibot, at mula sa lapag hanggang sa mga dungawan (natatakpan nga ang mga dungawan),

17 Sa pagitan ng itaas ng pintuan, sa lalong loob ng bahay, at sa labas, at ang buong pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.

18 At ang pader ay niyaring may mga kerubin at may mga puno ng palma; at isang puno ng palma ay sa pagitan ng kerubin at kerubin, at bawa’t kerubin ay may dalawang mukha;

19 Na anopa’t may mukha ng isang tao sa dako ng puno ng palma sa isang dako, at mukha ng batang leon sa dako ng puno ng palma sa kabilang dako. Ganito ang pagkayari sa buong bahay sa palibot:

20 Mula sa lapag hanggang sa itaas ng pintuan ay may mga kerubin at mga puno ng palma na yari; ganito ang pader ng templo.

21 Tungkol sa templo, ang mga haligi ng pintuan ay parisukat; at tungkol sa harapan ng santuario, ang anyo niyao’y gaya ng anyo ng templo.

22 Ang dambana ay kahoy, na tatlong siko ang taas, at ang haba niyao’y dalawang siko; at ang mga sulok niyaon at ang haba niyaon, at ang mga pader niyaon, ay kahoy: at sinabi niya sa akin, Ito ang dulang na nasa harap ng Panginoon.

23 At ang templo, at ang santuario ay may dalawang pintuan.

24 At ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto, dalawang pinto sa isang pintuan, at dalawang pinto sa kabila.

25 At mga niyari sa mga yaon, sa mga pintuan ng templo, mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng niyari sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harap ng portiko sa labas.

26 At may nangasasarang dungawan at mga puno ng palma sa isang dako at sa kabilang dako, sa mga tagiliran ng portiko: ganito ang mga tagilirang silid ng bahay, at ang mga pasukan.