Ezekiel 42

1 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa looban sa labas ng bahay, sa daan na dakong hilagaan: at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako, at siyang nasa tapat ng bahay sa dakong hilagaan.

2 Sa harapan ng isang daang siko ang haba, ay nandoon ang pintuang hilagaan, at ang luwang ay limang pung siko.

3 Sa tapat ng dalawang pung siko na ukol sa lalong loob na looban, at sa tapat ng lapag na ukol sa looban sa labas ng bahay, ay galeria sa tapat ng galeria na tatlong grado.

4 At sa harap ng mga silid ay may isang lakaran na sangpung siko ang luwang sa loob, isang daanang may isang siko; at ang mga pintuan ay sa dakong hilagaan.

5 Ang lalong mataas ngang silid ay siyang lalong maikli; sapagka’t ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito, ng higit kay sa lalong mababa at sa pinaka gitna sa bahay.

6 Sapagka’t tatlong grado, at walang mga haligi na gaya ng mga haligi ng mga looban: kaya’t ang pinakamataas ay lalong munti kay sa pinakamababa at kay sa pinaka gitna mula sa lupa.

7 At ang pader na nasa labas sa tabi ng mga silid, sa dako ng looban sa labas ng bahay sa harap ng mga silid, ang haba niyao’y limang pung siko.

8 Sapagka’t ang haba ng mga silid na nasa looban sa labas ay limang pung siko: at, narito, ang harapan ng templo ay may isang daang siko.

9 At nasa ilalim ng mga silid na ito ang pasukan sa dakong silanganan, sa pagpasok na mula sa looban sa labas.

10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silanganan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng bahay, may mga silid.

11 At ang daan sa harap ng mga yaon ay gaya ng anyo ng daan sa mga silid na nangasa dakong hilagaan; ayon sa haba ay gayon ang luwang: ang lahat ng labasan ng mga yaon ay ayon sa mga anyo ng mga yaon, at ayon sa mga pintuan ng mga yaon.

12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nangasa dakong timugan ay may isang pintuan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa pader sa dakong silanganan, sa papasok sa mga yaon.

13 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ang silid na hilagaan at ang silid na timugan na nasa harap ng bukod na dako, mga itinalagang silid, na pagkakanan ng mga kabanalbanalang bagay ng mga saserdote na malapit sa Panginoon: doon nila ilalapag ang mga kabanalbanalang bagay, at ang handog na harina, at ang handog dahil sa kasalanan, at ang handog dahil sa pagkakasala; sapagka’t ang dako ay banal.

14 Pagka ang mga saserdote ay nagsisipasok, hindi nga sila magsisilabas sa banal na dako na papasok sa looban sa labas, kundi doon nila ilalapag ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa; sapagka’t mga banal: at sila’y mangagsusuot ng mga ibang kasuutan, at magsisilapit sa ukol sa bayan.

15 Nang matapos nga niyang masukat ang lalong loob ng bahay, inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan, at sinukat sa palibot.

16 Sinukat niya sa dakong silanganan ng panukat na tambo, na limang daang tambo, ng panukat na tambo sa palibot.

17 Sinukat niya sa dakong hilagaan, na limang daang tambo ng panukat na tambo sa palibot.

18 Sinukat niya sa dakong timugan, na limang daang tambo ng panukat na tambo.

19 Siya’y pumihit sa dakong kalunuran, at sinukat ng limang daang tambo ng panukat na tambo.

20 Sinukat niya sa apat na sulok: may pader sa palibot, ang haba’y limang daan, at ang luwang ay limang daan, upang igawa ng pagkakahiwalay ang banal at ang karaniwan.

Ezekiel 43

1 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, sa makatuwid baga’y sa pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.

2 At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nanggagaling sa dakong silanganan: at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig; at ang lupa ay nagningning sa kaniyang kaluwalhatian.

3 At ayon sa anyo ng pangitain na aking nakita, ayon sa pangitain na nakita ko nang ako’y pumaroon upang gibain ang bayan; at ang mga pangitain ay gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng ilog Chebar: at ako’y nasubasob.

4 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.

5 At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa lalong loob na looban; at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

6 At aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay; at isang lalake ay tumayo sa siping ko.

7 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang dako ng aking luklukan, at dako ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailan man. At hindi na lalapastanganin pa ng sangbahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagpapatutot, at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari sa kanilang mga mataas na dako;

8 Sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang haligi ng pintuan sa tabi ng aking haligi ng pintuan, at wala kundi pader sa pagitan ko at nila; at kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa: kaya’t aking pinugnaw sila sa aking galit.

9 Iwan nga nila ang kanilang pagpapatutot, at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako’y tatahan sa gitna nila magpakailan man.

10 Ikaw, anak ng tao, ituro mo ang bahay sa sangbahayan ni Israel, upang sila’y mangapahiya sa kanilang mga kasamaan; at sukatin nila ang anyo.

11 At kung sila’y mangapahiya sa lahat nilang ginawa, ipakilala mo sa kanila ang anyo ng bahay, at ang pagka-anyo niyaon, at ang mga labasan niyaon, at ang mga pasukan niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at lahat ng kautusan niyaon; at iyong isulat yaon sa kanilang paningin; upang kanilang maingatan ang buong anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at kanilang isagawa.

12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay; ang taluktok ng bundok sa buong hangganan niyaon sa palibot ay magiging kabanalbanalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.

13 At ito ang mga sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko na pinakasukat ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyaon sa palibot ay isang dangkal; at ito ang magiging patungan ng dambana.

14 At mula sa patungan sa lupa sa lalong mababang grado ay malalagay na dalawang siko, at ang luwang ay isang siko; at mula sa lalong mababang grado hanggang sa lalong mataas na grado ay malalagay na apat na siko, at ang luwang ay isang siko.

15 At ang lalong mataas na dambana ay magiging apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay magkakaroon ng apat na sungay.

16 At ang apuyan ng dambana ay magkakaroon ng labing dalawang siko ang haba at labing dalawa ang luwang, parisukat sa apat na tagiliran niyaon.

17 At ang patungan niyaon ay magkakaroon ng labing apat na siko ang haba at labing apat na siko ang luwang sa apat na tagiliran niyaon; at ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko; at ang patungan niyaon ay magiging isang siko sa palibot; at ang mga baytang niyaon ay paharap sa dakong silanganan.

18 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang mga alituntunin tungkol sa dambana sa kaarawan na kanilang gagawin, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na susunugin, at upang pagwisikan ng dugo.

19 Iyong ibibigay sa mga saserdote na mga Levita na sa angkan ni Sadoc na malapit sa akin, upang magsipangasiwa sa akin, sabi ng Panginoong Dios, ang isang guyang baka na pinakahandog dahil sa kasalanan.

20 At kukuha ka ng dugo niyaon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyaon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin yaon at tutubusin ito.

21 Iyo rin namang kukunin ang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at susunugin mo sa takdang dako ng bahay, sa labas ng santuario.

22 At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalake na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan; at kanilang lilinisin ang dambana gaya ng kanilang pagkalilis sa pamamagitan ng guyang toro.

23 Pagka ikaw ay nakatapos ng paglilinis, maghahandog ka ng isang guyang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.

24 At iyong ilalapit ang mga yaon sa harap ng Panginoon, at hahagisan ng asin ang mga yaon ng mga saserdote, at kanilang ihahandog na pinakahandog na susunugin sa Panginoon.

25 Pitong araw na maghahanda ka sa bawa’t araw ng isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan: maghahanda rin sila ng guyang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.

26 Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon nila itatalaga.

27 At pagka kanilang naganap ang mga kaarawan, mangyayari na sa ikawalong araw, at sa haharapin, maghahandog ang mga saserdote ng inyong mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 44

1 Nang magkagayo’y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito’y nasara.

2 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka’t pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya’t ito’y masasara.

3 Tungkol sa prinsipe, siya’y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya’y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.

4 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako’y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.

5 At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa’t labasan sa santuario.

6 At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga’y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,

7 Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga’y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.

8 At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo’y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.

9 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.

10 Nguni’t ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.

11 Gayon ma’y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila’y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.

12 Sapagka’t kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya’t itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.

13 At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.

14 Gayon ma’y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.

15 Nguni’t ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila’y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila’y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:

16 Sila’y magsisipasok sa aking santuario, at sila’y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.

17 At mangyayari, na pagka sila’y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila’y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.

18 Sila’y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.

19 At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.

20 Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.

21 Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila’y magsisipasok sa lalong loob na looban.

22 Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila’y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.

23 At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.

24 At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.

25 At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni’t sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.

26 At pagkatapos na siya’y malinis, sila’y bibilang sa kaniya ng pitong araw.

27 At sa kaarawan na siya’y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya’y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.

28 At sila’y mangagkakaroon ng mana; ako’y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako’y kanilang pag-aari.

29 Sila’y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa’t bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.

30 At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa’t bagay, at lahat na alay na bawa’t bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.

31 Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.

Ezekiel 45

1 Bukod dito’y pagka inyong hahatiin sa pamamagitan ng sapalaran ang lupain na pinakamana, mangaghahandog kayo ng alay sa Panginoon, isang banal na bahagi ng lupain; ang haba ay magkakaroon ng habang dalawang pu’t limang libong tambo, at ang luwang ay magiging sangpung libo: ito’y magiging banal sa lahat ng hangganan niyaon sa palibot.

2 Dito’y magkakaroon ukol sa dakong banal ng limang daan ang haba at limang daang luwang, parisukat sa palibot; limang pung siko sa pagitan niyaon sa palibot.

3 At sa sukat na ito iyong susukatin, na ang haba ay dalawang pu’t limang libo, at ang luwang ay sangpung libo: at doo’y malalagay ang santuario, na pinakabanal.

4 Siyang banal na bahagi ng lupain; ito’y para sa mga saserdote, na mga tagapangasiwa ng santuario, na nagsisilapit upang magsipangasiwa sa Panginoon; at ito’y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay, at banal na dakong kalalagyan ng santuario.

5 At dalawang pu’t limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang ay magiging sa mga Levita, na mga tagapangasiwa ng bahay, na pinaka pag-aari sa kanilang sarili, na dalawang pung silid.

6 At inyong itatakda ang pag-aari ng bayan na limang libo ang luwang, at dalawang pu’t limang libo ang haba, sa tabi ng alay na banal na bahagi: magiging ukol sa buong sangbahayan ni Israel.

7 Magkakaroon naman para sa prinsipe ng bahagi sa isang dako at sa kabilang dako sa banal na alay at sa pag-aari ng bayan, sa harap ng banal na alay at sa harap ng pag-aari ng bayan, sa dakong kalunuran na gawing kalunuran, at sa dakong silanganan na gawing silanganan; at ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kalunuran hanggang sa hangganang silanganan.

8 Sa lupaing ito’y magiging kaniya na pinakaari sa Israel: at hindi na pipighatiin pa ng aking mga prinsipe ang aking bayan; kundi ibibigay nila ang lupain sa sangbahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi.

9 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Magkasiya ito sa inyo, Oh mga prinsipe ng Israel: iwan ninyo ang pangdadahas at pagsamsam, at magsagawa kayo ng kahatulan at ng kaganapan; alisin ninyo ang inyong atang sa aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.

10 Kayo’y magkakaroon ng mga ganap na timbangan; at ganap na efa, at ganap na bath.

11 Ang efa at ang bath ay magiging iisang takalan, upang ang bath ay maglaman ng ikasangpung bahagi ng isang homer, at ang efa ay ikasangpung bahagi ng isang homer: ang takal niyaon ay magiging ayon sa homer.

12 At ang siklo ay magiging dalawang pung gera: dalawangpung siklo, lima at dalawang pung siklo, labing limang siklo ay siyang magiging maneh ninyo.

13 Ito ang alay na inyong ihahandog: ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang homer ng trigo; at inyong ibibigay ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang homer ng cebada;

14 At ang takdang bahagi ng langis, ng bath ng langis, ang ikasangpung bahagi ng bath mula sa isang kor, na sangpung bath, o isang homer (sapagka’t sangpung bath ay isang homer);

15 At isang batang tupa sa kawan, mula sa dalawang daan, na mula sa matabang pastulan ng Israel; na pinakahandog na harina, at pinakahandog na susunugin, at pinakahandog tungkol sa kapayapaan, upang ipangtubos sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

16 Buong bayan ng lupain ay magbibigay ng alay na ito sa prinsipe sa Israel.

17 At magiging tungkulin ng prinsipe na magbigay ng mga handog na susunugin, at ng mga handog na harina, at ng mga inuming handog, sa mga kapistahan, at sa mga bagong buwan, at sa mga sabbath, sa lahat ng takdang kapistahan ng sangbahayan ni Israel: siya’y maghahanda ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na harina, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ipangtubos sa sangbahayan ni Israel.

18 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa unang buwan, sa unang araw ng buwan, kukuha ka ng guyang toro na walang kapintasan; at iyong lilinisin ang santuario.

19 At ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa mga haligi ng pintuan ng bahay, at sa apat na sulok ng patungang dambana, at sa mga haligi ng pintuang-daan ng lalong loob na looban.

20 At gayon ang iyong gagawin sa ikapitong araw ng buwan para sa bawa’t nagkakamali, at sa bawa’t walang malay: gayon ninyo lilinisin ang bahay.

21 Sa unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, magdidiwang kayo ng paskua, isang kapistahan na pitong araw; tinapay na walang levadura ang kakanin.

22 At sa araw na yaon ay maghahanda ang prinsipe para sa kaniya at sa buong bayan ng lupain ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan.

23 At sa pitong araw ng kapistahan ay ipaghahanda niya ng handog na susunugin ang Panginoon, pitong toro at pitong tupa na walang kapintasan sa araw-araw na pitong araw; at isang kambing araw-araw na pinakahandog dahil sa kasalanan.

24 At siya’y maghahanda ng handog na harina, ng isang efa sa isang toro, at ng isang efa sa isang lalaking tupa, at isang hin ng langis sa isang efa.

25 Sa ikapitong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, sa kapistahan, kaniyang gagawin ang gaya ng pitong araw; ayon sa handog dahil sa kasalanan, ayon sa handog na susunugin, at ayon sa handog na harina, at ayon sa langis.

Ezekiel 46

1 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni’t sa sabbath ay bubuksan, at sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.

2 At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya’y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo’y lalabas siya; nguni’t ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.

3 At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.

4 At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;

5 At ang handog na harina ay isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.

6 At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:

7 At siya’y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.

8 At pagka ang prinsipe ay papasok, siya’y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.

9 Nguni’t pagka ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.

10 At ang prinsipe, pagka sila’y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila’y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.

11 At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.

12 At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo’y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.

13 At ikaw ay maghahanda ng isang batang tupa ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog na susunugin sa Panginoon araw-araw: tuwing umaga ay maghahanda ka.

14 At iyong ihahandang handog na harina na kasama niyaon tuwing umaga, ang ikaanim na bahagi ng isang efa, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang mainam na harina; isang handog na harina na lagi sa Panginoon: na pinakalaging alituntunin.

15 Ganito nila ihahanda ang batang tupa at ang handog na harina, at ang langis, tuwing umaga, na pinakahandog na susunuging lagi.

16 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kung ang prinsipe ay magbigay ng kaloob sa kanino man sa kaniyang mga anak, ay magiging kaniyang mana, mauukol sa kaniyang mga anak; siyang kanilang pag-aari na pinakamana.

17 Nguni’t kung ibigay niya ang kaniyang mana na pinakakaloob sa isa sa kaniyang mga alipin, magiging kaniya sa taon ng kalayaan; kung magkagayo’y mababalik sa prinsipe; nguni’t tungkol sa kaniyang mana, magiging sa kaniyang mga anak.

18 Bukod dito’y hindi kukuha ang prinsipe ng mana ng bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari; siya’y magbibigay ng mana sa kaniyang mga anak na mula sa kaniyang sariling pag-aari, upang ang aking bayan ay huwag mangalat bawa’t isa sa kaniyang pag-aari.

19 Nang magkagayo’y dinala niya ako sa pasukan, na nasa tabi ng pintuang-daan, sa loob ng mga banal na silid na ukol sa mga saserdote, na nakaharap sa hilagaan: at, narito, may isang dako sa lalong loob na bahagi na dakong kalunuran.

20 At sinabi niya sa akin, Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga saserdote ng handog sa pagkakasala at ng handog dahil sa kasalanan, na siyang kanilang pagiihawan ng handog na harina; upang huwag nilang mailabas sa lalong labas na looban, upang banalin ang bayan.

21 Nang magkagayo’y inilabas niya ako sa labas ng looban ng bahay at pinaraan niya ako sa apat na sulok ng looban; at, narito, sa bawa’t sulok ng looban ay may isang looban.

22 Sa apat na sulok ng looban ay may mga looban na nababakod, apat na pung siko ang haba at tatlong pu ang luwang: ang apat na ito sa mga sulok ay may isang sukat.

23 At may isang pader sa palibot ng mga yaon, sa palibot ng apat, at may ginawang pakuluang mga dako sa ilalim ng mga pader sa palibot.

24 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ito ang mga dako na pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng hain ng bayan.

Ezekiel 47

1 At ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka’t ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.

2 Nang magkagayo’y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo’y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.

3 Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya’y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.

4 Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.

5 Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka’t ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.

6 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo’y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.

7 Nang ako nga’y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.

8 Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.

9 At mangyayari, na bawa’t likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka’t ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa’t may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.

10 At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.

11 Nguni’t ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.

12 At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka’t ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.

14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka’t aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.

15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;

16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.

17 At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.

18 At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.

19 At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.

20 At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.

21 Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.

22 At mangyayari na inyong hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila’y magiging sa inyo’y gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila’y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.

23 At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.

Ezekiel 48

1 Ang mga ito nga ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilagaan, sa tabi ng daan ng Hethlon hanggang sa pasukan sa Hamath, Hasar-enan, sa hangganan ng Damasco, na dakong hilagaan sa gawing yaon ng Hamath; (at mga magkakaroon ng mga dakong silanganan at kalunuran), ang Dan, isang bahagi.

2 At sa tabi ng hangganan ng Dan, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Aser, isang bahagi.

3 At sa tabi ng hangganan ng Aser, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Nephtali, isang bahagi.

4 At sa tabi ng hangganan ng Nephtali, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Manases, isang bahagi.

5 At sa tabi ng hangganan ng Manases, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ephraim, isang bahagi.

6 At sa tabi ng hangganan ng Ephraim, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ruben, isang bahagi.

7 At sa tabi ng hangganan ng Ruben, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Juda, isang bahagi.

8 At sa tabi ng hangganan ng Juda, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, malalagay ang alay na inyong ihahandog, dalawang pu’t limang libong tambo ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran; at ang santuario ay malalagay sa gitna niyaon.

9 Ang alay na inyong ihahandog sa Panginoon ay magiging dalawang pu’t limang libong tambo ang haba, at sangpung libo ang luwang.

10 At magiging sa mga ito, sa makatuwid baga’y sa mga saserdote, ang banal na alay; sa dakong hilagaan ay dalawang pu’t limang libo ang haba, at sa dakong kalunuran ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong timugan ay dalawang pu’t limang libo ang haba: at ang santuario ng Panginoon ay maglalagay sa gitna niyaon.

11 Ito’y magiging sa mga saserdote na mga pinapaging banal sa mga anak ni Sadoc, na nagsisiganap ng katungkulan sa akin na hindi nangagpakaligaw nang mangagpakaligaw ang mga anak ni Israel, na gaya ng mga Levita na nangagpakaligaw.

12 At sa kanila’y magiging alay na mula sa alay ng lupain, bagay na kabanalbanalan sa tabi ng hangganan ng mga Levita.

13 At ayon sa hangganan ng mga saserdote, ang mga Levita ay mangagkakaroon ng dalawang pu’t limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang: ang buong haba ay magiging dalawang pu’t limang libo, at ang luwang ay sangpung libo.

14 At hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit man, o ipagkakaloob sa iba man ang mga unang bunga ng lupain; sapagka’t ito’y banal sa Panginoon.

15 At ang limang libo na naiwan sa naluwangan, sa tapat ng dalawang pu’t limang libo, magiging sa karaniwang kagamitan na ukol sa bayan, sa tahanan at sa mga nayon; at ang bayan ay malalagay sa gitna niyaon.

16 At ang mga ito ang magiging mga sukat niyaon: sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong timugan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daan.

17 At ang bayan ay magkakaroon ng mga nayon: sa dakong hilagaan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong timugan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong silanganan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong kalunuran ay dalawang daan at limang pu.

18 At ang labis sa haba, na nauukol sa banal na alay, magiging sangpung libo sa dakong silanganan, at sangpung libo sa dakong kalunuran; at magiging ukol sa banal na alay; at ang bunga niyaon ay magiging pinakapagkain sa nagsisigawa sa bayan.

19 At tatamnan nilang nagsisigawa sa bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel.

20 Buong alay ay magiging dalawang pu’t limang libong tambo at dalawang pu’t limang libo: inyong ihahandog na parisukat ang banal na alay, sangpu ng pag-aari ng bayan.

21 At ang labis ay magiging sa prinsipe, sa isang dako at sa kabilang dako ng banal na alay at sa pag-aari ng bayan; sa tapat ng dalawang pu’t limang libo sa alay sa dako ng silanganang hangganan, at sa dakong kalunuran sa tapat ng dalawang pu’t limang libo sa dako ng kalunurang hangganan, na ukol sa mga bahagi, magiging sa prinsipe: at ang banal na alay at ang santuario ng bahay ay malalagay sa gitna niyaon.

22 Bukod dito’y mula sa pag-aari ng mga Levita, at mula sa pag-aari ng bayan na nasa gitna ng sa prinsipe, sa pagitan ng hangganan ng Juda at ng hangganan ng Benjamin, magiging sa prinsipe.

23 At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Benjamin, isang bahagi.

24 At sa tabi ng hangganan ng Benjamin, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Simeon, isang bahagi.

25 At sa tabi ng hangganan ng Simeon, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Issachar, isang bahagi.

26 At sa tabi ng hangganan ng Issachar, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Zabulon, isang bahagi.

27 At sa tabi ng hangganan ng Zabulon mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Gad, isang bahagi.

28 At sa tabi ng hangganan ng Gad, sa dakong timugan na gawing timugan, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat.

29 Ito ang lupain na inyong babahagihin sa sapalaran sa mga lipi ng Israel na pinakamana, at ang mga ito ang kanilang mga iba’t ibang bahagi, sabi ng Panginoong Dios.

30 At ang mga ito ang mga labasan sa bayan: Sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat;

31 At ang mga pintuang-daan ng bayan ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel, tatlong pintuang-daan sa dakong hilagaan: ang pintuang-daan ng Ruben, isa; ang pintuang-daan ng Juda, isa; ang pintuang-daan ng Levi, isa.

32 At sa dakong silanganan ay apat na libo at limang-daang tambo, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Jose, isa; ang pintuang-daan ng Benjamin, isa; ang pintuang-daan ng Dan, isa:

33 At sa dakong timugan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Simeon, isa; ang pintuang-daan ng Issachar, isa; ang pintuang-daan ng Zabulon, isa:

34 Sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daang tambo, na may kanilang tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Gad, isa; ang pintuang-daan ng Aser, isa; ang pintuang-daan ng Nephtali, isa.

35 Magkakaroon ng labing walong libong tambo ang sukat sa palibot: at ang magiging pangalan ng bayan mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.

Mga Panaghoy 1

1 Ano’t nakaupong magisa ang bayan na puno ng mga tao! Siya’y naging parang isang bao, na naging dakila sa gitna ng mga bansa! Siya na naging prinsesa sa gitna ng mga lalawigan, ay naging mamumuwis!

2 Siya’y umiiyak na lubha sa gabi, at ang mga luha niya ay dumadaloy sa kaniyang mga pisngi; sa lahat ng mangingibig sa kaniya ay walang umaliw sa kaniya: ginawan siya ng kataksilan ng lahat ng kaniyang mga kaibigan; sila’y naging kaniyang mga kaaway.

3 Ang Juda ay pumasok sa pagkabihag dahil sa pagdadalamhati, at sa kabigatan ng paglilingkod; siya’y tumatahan sa gitna ng mga bansa, siya’y walang masumpungang kapahingahan; inabot siya ng lahat na manghahabol sa kaniya sa mga gipit.

4 Ang mga daan ng Sion ay nangagluluksa, sapagka’t walang pumaparoon sa takdang kapulungan; lahat niyang pintuang-bayan ay giba, ang mga saserdote niya’y nangagbubuntong-hininga: ang mga dalaga niya ay nangagdadalamhati, at siya’y nasa kahapisan.

5 Ang kaniyang mga kalaban ay naging pangulo, ang kaniyang mga kaaway ay nagsiginhawa; sapagka’t pinagdalamhati siya ng Panginoon dahil sa karamihan ng kaniyang mga pagsalangsang: ang kaniyang mga batang anak ay pumasok sa pagkabihag sa harap ng kalaban.

6 At nawala ang buong kamahalan ng anak na babae ng Sion: ang kaniyang mga prinsipe ay naging parang mga usa na hindi makasumpong ng pastulan, at nagsiyaong walang lakas sa harap ng manghahabol.

7 Naaalaala ng Jerusalem sa kaarawan ng kaniyang pagdadalamhati at ng kaniyang mga karalitaan ang lahat niyang naging maligayang bagay ng mga kaarawan nang una: nang mahulog ang kaniyang bayan sa kamay ng kalaban, at walang sumaklolo sa kaniya, nakita siya ng mga kalaban, tinuya nila ang kaniyang mga pagkasira.

8 Ang Jerusalem ay lubhang nagkasala; kaya’t siya’y naging parang maruming bagay; lahat ng nangagparangal sa kaniya ay humahamak sa kaniya, sapagka’t kanilang nakita ang kaniyang kahubaran: Oo, siya’y nagbubuntong-hininga, at tumatalikod.

9 Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniyang mga laylayan; hindi niya naalaala ang kaniyang huling wakas; kaya’t siya’y nababa ng katakataka; siya’y walang mangaaliw; masdan mo, Oh Panginoon, ang aking pagdadalamhati; sapagka’t ang kaaway ay nagmalaki.

10 Iginawad ng kalaban ang kaniyang kamay sa lahat niyang maligayang bagay; sapagka’t nakita niya na ang mga bansa ay pumasok sa kaniyang santuario, yaong mga inutusan mo na huwag magsipasok sa iyong kapisanan.

11 Buong bayan niya ay nagbubuntong-hininga, sila’y nagsisihanap ng tinapay; ibinigay nila ang kanilang mga maligayang bagay na kapalit ng pagkain upang paginhawahin ang kaluluwa. Iyong tingnan, Oh Panginoon, at masdan mo; sapagka’t ako’y naging hamak.

12 Wala bagang anoman sa inyo, sa inyong lahat na nagsisipagdaan? Inyong masdan, at inyong tingnan kung may anomang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan, na nagawa sa akin, na idinalamhati sa akin ng Panginoon sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit.

13 Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy sa aking mga buto, at mga pinananaigan; kaniyang ipinagladlad ng silo ang aking mga paa, kaniyang ibinalik ako: kaniyang ipinahamak ako at pinapanglupaypay buong araw.

14 Pamatok ng aking mga pagsalangsang ay hinigpit ng kaniyang kamay; mga nagkalakiplakip, nagsiabot sa aking leeg; kaniyang pinanglupaypay ang aking kalakasan: ibinigay ako ng Panginoon sa kanilang mga kamay, laban sa mga hindi ko matatayuan.

15 Iniuwi ng Panginoon sa wala ang lahat na aking mga makapangyarihang lalake sa gitna ko; siya’y tumawag ng isang takdang kapulungan laban sa akin upang pagwaraywarayin ang aking mga binata: niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas ang anak na dalaga ng Juda.

16 Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako; ang mata ko, ang mata ko ay dinadaluyan ng luha; sapagka’t ang mangaaliw na marapat magpaginhawa ng aking kaluluwa ay malayo sa akin: ang mga anak ko ay napahamak, sapagka’t nanaig ang kaaway.

17 Iginawad ng Sion ang kaniyang mga kamay; walang umaliw sa kaniya; nagutos ang Panginoon tungkol sa Jacob, na silang nangasa palibot niya ay magiging kaniyang mga kalaban: ang Jerusalem ay parang maruming bagay sa gitna nila.

18 Ang Panginoon ay matuwid; sapagka’t ako’y nanghimagsik laban sa kaniyang utos: inyong pakinggan, isinasamo ko sa inyo, ninyong lahat na bayan, at inyong masdan ang aking kapanglawan: ang aking mga dalaga at ang aking mga binata ay pumasok sa pagkabihag.

19 Aking tinawagan ang mga mangingibig sa akin, nguni’t dinaya nila: nalagot ang hininga ng aking mga saserdote at ng aking mga matanda sa bayan, habang nagsisihanap sila ng pagkain upang paginhawahin ang kanilang kaluluwa.

20 Masdan mo, Oh Panginoon; sapagka’t ako’y nasa kapanglawan; ang aking puso ay namamanglaw; ang aking puso ay nagugulumihanan; sapagka’t ako’y lubhang nanghimagsik: sa labas ay tabak ang lumalansag, sa loob ay may parang kamatayan.

21 Nabalitaan nila na ako’y nagbubuntong-hininga; walang umaliw sa akin; Lahat ng aking mga kaaway ay nangakarinig ng aking kabagabagan; sila’y nangatuwa na iyong ginawa: iyong pararatingin ang araw na iyong itinanyag, at sila’y magiging gaya ko.

22 Magsidating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harap mo; at gawin mo sa kanila, ang gaya ng ginawa mo sa akin dahil sa lahat kong mga pagsalangsang: sapagka’t ang aking mga buntong-hininga ay marami, at ang aking puso ay nanglulupaypay.

Mga Panaghoy 2

1 Ano’t tinakpan ng Panginoon ang anak na babae ng Sion ng alapaap sa kaniyang galit! Kaniyang inihagis mula sa langit hanggang sa lupa ang kagandahan ng Israel, at hindi inalaala ang kaniyang tungtungan ng paa sa kaarawan ng kaniyang galit.

2 Nilamon ng Panginoon ang lahat na tahanan ng Jacob, at siya’y hindi naawa: Kanyang ibinagsak sa kaniyang poot ang mga katibayan ng anak na babae ng Juda; kaniyang inilugmok ang mga yaon sa lupa: kaniyang ipinahamak ang kaharian at ang mga prinsipe niyaon.

3 Kaniyang inihiwalay sa pamamagitan ng mabangis na galit ang buong sungay ng Israel; kaniyang iniurong ang kaniyang kanang kamay sa harap ng kaaway: at kaniyang sinilaban ang Jacob na parang maalab na apoy, na namumugnaw sa palibot.

4 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog na parang kaaway, kaniyang iniyamba ang kaniyang kanan na parang kalaban, at pinatay ang lahat na maligaya sa mata: sa tolda ng anak na babae ng Sion ay kaniyang ibinuhos ang kaniyang kapusukan na parang apoy.

5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kaniyang nilamon ang Israel; kaniyang nilamon ang lahat niyang palacio, kaniyang iginiba ang kaniyang mga katibayan; at kaniyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy.

6 At kaniyang inalis na may karahasan ang tabernakulo niya na gaya ng nasa halamanan; kaniyang sinira ang kaniyang mga dako ng kapulungan: ipinalimot ng Panginoon ang takdang kapulungan at sabbath sa Sion, at hinamak sa pagiinit ng kaniyang galit ang hari at ang saserdote.

7 Iniwasak ng Panginoon ang kaniyang dambana, kaniyang kinayamutan ang kaniyang santuario; kaniyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kaniyang mga palacio: sila’y nangagingay sa bahay ng Panginoon, na parang kaarawan ng takdang kapulungan.

8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion; kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba: at kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; nanganglulupaypay kapuwa.

9 Ang kaniyang mga pintuang-bayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang: ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na hindi kinaroroonan ng kautusan; Oo, ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.

10 Ang mga matanda ng anak na babae ng Sion ay nangauupo sa lupa, sila’y nagsisitahimik; sila’y nangagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; sila’y nangagbigkis ng kayong magaspang: itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata, namamanglaw ang aking puso, ako’y lubhang nahahapis, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan, dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nanganglulupaypay sa mga lansangan ng bayan.

12 Kanilang sinasabi sa kanilang mga ina, saan nandoon ang trigo at alak? Pagka sila’y nanganglulupaypay na parang sugatan sa mga lansangan sa bayan, pagka ang kanilang kaluluwa ay nanglulupaypay sa kandungan ng kanilang mga ina.

13 Ano ang aking patototohanan sa iyo? sa ano kita iwawangis, Oh anak na babae ng Jerusalem? Ano ang ihahalintulad ko sa iyo, upang maaliw kita, Oh anak na dalaga ng Sion? Sapagka’t ang iyong sira ay malaking parang dagat: sinong makapagpapagaling sa iyo?

14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo ng mga pangitain na walang kabuluhan at kamangmangan; at hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan, upang bawiin ang iyong pagkabihag, kundi nakarinig para sa iyo ng mga hulang walang kabuluhan at mga kadahilanan ng pagkatapon.

15 Lahat na nangagdaraan ay ipinapakpak ang kanilang kamay sa iyo; sila’y nagsisisutsot at iginagalaw ang kanilang ulo sa anak na babae ng Jerusalem, na sinasabi, Ito baga ang bayan na tinatawag ng mga tao Ang kasakdalan ng kagandahan, Ang kagalakan ng buong lupa?

16 Ibinukang maluwang ng lahat mong kaaway ang kanilang bibig laban sa iyo: sila’y nagsisisutsot at nagsisipagngalit ng ngipin; kanilang sinasabi, Aming nilamon siya; tunay na ito ang kaarawan na aming hinihintay; aming nasumpungan, aming nakita.

17 Ginawa ng Panginoon ang kaniyang ipinasiya; kaniyang tinupad ang kaniyang salita na kaniyang iniutos nang mga kaarawan nang una; kaniyang ibinagsak, at hindi naawa: at kaniyang pinapagkatuwa sa iyo ang kaaway; kaniyang pinataas ang sungay ng iyong mga kalaban.

18 Ang kanilang puso ay nagsisidaing sa Panginoon: Oh kuta ng anak na babae ng Sion, dumaloy ang mga luha na parang ilog araw at gabi; huwag kang magpahinga; huwag maglikat ang itim ng iyong mata.

19 Bumangon ka, humiyaw ka sa gabi, sa pasimula ng mga pagpupuyat; ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig sa harap ng mukha ng Panginoon: igawad mo ang iyong mga kamay sa kaniya dahil sa buhay ng iyong mga batang anak, na nanglulupaypay sa gutom sa dulo ng lahat na lansangan.

20 Tingnan mo, Oh Panginoon, at masdan mo, kung kanino mo ginawa ang ganito! Kakanin baga ng mga babae ang kanilang ipinanganak, ang mga anak na kinakalong sa mga kamay? Papatayin baga ang saserdote at ang propeta sa santuario ng Panginoon?

21 Ang binata at ang matanda ay humihiga sa lupa sa mga lansangan; ang aking mga dalaga at ang aking mga binata ay nangabuwal sa tabak: iyong pinatay sila sa kaarawan ng iyong galit; iyong pinatay at hindi ka naawa.

22 Tinawag mo, gaya ng sa kaarawan ng takdang kapulungan, ang aking mga kakilabutan ay sa bawa’t dako; at walang nakatanan, o nalabi sa kaarawan ng galit ng Panginoon: yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.

Mga Panaghoy 3

1 Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.

2 Ako’y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.

3 Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli’t muli buong araw.

4 Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.

5 Ako’y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.

6 Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.

7 Kaniyang binakuran ako na anopa’t ako’y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.

8 Oo, pagka ako’y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.

9 Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.

10 Siya’y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.

11 Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako’y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;

12 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.

13 Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.

14 Ako’y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.

15 Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.

16 Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.

17 At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako’y nakalimot ng kaginhawahan.

18 At aking sinabi, Ang lakas ko’y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.

19 Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.

20 Ang kaluluwa ko’y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.

21 Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya’t may pagasa ako.

22 Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka’t ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.

23 Ang mga yao’y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.

24 Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya’t ako’y aasa sa kaniya.

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.

26 Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.

27 Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.

28 Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka’t kaniyang iniatang sa kaniya.

29 Sumubsob siya sa alabok, kung gayo’y magkakaroon siya ng pagasa.

30 Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.

31 Sapagka’t ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.

32 Sapagka’t bagaman siya’y nagpapapanglaw, gayon ma’y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.

33 Sapagka’t siya’y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.

34 Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.

35 Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,

36 Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.

37 Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?

38 Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama’t mabuti?

39 Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?

40 Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.

41 Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.

42 Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.

43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.

44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa’t hindi makadaan ang anomang panalangin.

45 Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.

46 Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.

47 Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.

48 Ang mata ko’y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.

49 Ang mata ko’y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.

50 Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.

51 Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.

52 Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.

53 Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.

54 Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako’y nahiwalay.

55 Ako’y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.

56 Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.

57 Ikaw ay lumapit sa araw na ako’y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.

58 Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.

59 Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.

60 Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.

61 Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,

62 Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.

63 Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.

64 Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

65 Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.

66 Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.