Jeremias 39

1 At nangyari nang masakop ang Jerusalem, (nang ikasiyam na taon ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikasangpung buwan, dumating si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang kaniyang buong hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob;

2 Nang ikalabing isang taon ni Sedechias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, isang sira ay nagawa sa bayan),

3 Na ang lahat ng mga prinsipe ng hari sa Babilonia, ay nagsipasok, at nagsiupo sa gitnang pintuang-bayan, si Nergal-sarezer, si Samgar-nebo, si Sarsechim, si Rabsaris, si Nergal-sarezer, si Rab-mag, sangpu ng nalabi sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia.

4 At nangyari, na nang makita sila ni Sedechias na hari, sa Juda at ng lahat na lalaking mangdidigma, ay nagsitakas nga sila, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng halamanan ng hari, sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta; at siya’y lumabas sa daan ng Araba.

5 Nguni’t hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico: at nang kanilang mahuli siya, isinampa nila siya kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath, at kaniyang nilapatan siya ng kahatulan.

6 Nang magkagayo’y pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata; pinatay rin ng hari sa Babilonia ang lahat na mahal na tao sa Juda.

7 Bukod dito’y kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias, at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia.

8 At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem.

9 Nang magkagayo’y dinalang bihag sa Babilonia ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, gayon din ang nagsilipat na nagsikampi sa kaniya, at ang nalabi sa bayan na naiwan.

10 Nguni’t iniwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, na walang tinatangkilik sa lupain ng Juda, at binigyan sila ng mga ubasan at ng mga bukid sa panahon ding yaon.

11 Si Nabucodonosor nga na hari sa Babilonia ay nagbilin kay Nabuzaradan na kapitan ng bantay ng tungkol kay Jeremias, na sinasabi;

12 Kunin mo siya, at ingatan mo siyang mabuti, at huwag mo siyang saktan; kundi gawin mo sa kaniya ang kaniyang sasabihin sa iyo.

13 Sa gayo’y nagsugo si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at si Nabusazban, si Rab-saris, at si Nergal-sareser, si Rab-mag, at lahat ng punong oficial ng hari sa Babilonia;

14 Sila’y nangagsugo, at kinuha si Jeremias sa looban ng bantay, at kanilang ipinagbilin siya kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na kaniyang iuwi siya. Sa gayo’y tumahan siya sa gitna ng bayan.

15 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, samantalang siya’y nakukulong sa looban ng bantay, na nagsasabi,

16 Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Ebed-melec na taga Etiopia, na magsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang aking salita sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at mangatutupad sa harap mo sa araw na yaon.

17 Nguni’t ililigtas kita sa araw na yaon, sabi ng Panginoon; at hindi ka mabibigay sa kamay ng mga lalake na iyong kinatatakutan.

18 Sapagka’t tunay na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi ang iyong buhay ay magiging pinakasamsam sa iyo; sapagka’t iyong inilagak ang iyong tiwala sa akin, sabi ng Panginoon.

Jeremias 40

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na mapayaon siya mula sa Rama ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, nang dalhin siya na siya’y natatanikalaan sa gitna ng lahat na bihag sa Jerusalem at sa Juda, na nadalang bihag sa Babilonia.

2 At kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at nagsabi sa kaniya, Ang Panginoon mong Dios ay nagbadya ng kasamaang ito sa dakong ito;

3 At pinapangyari, at ginawa ng Panginoon ayon sa kaniyang sinalita: sapagka’t kayo’y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima ng kaniyang tinig, kaya’t ang bagay na ito ay dumating sa inyo.

4 At ngayon, narito, aking kinakalagan ka sa araw na ito ng mga tanikala na nangasa iyong kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halina, at lilingapin kitang mabuti; nguni’t kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia, tanggihan mo; narito, ang buong lupain ay nasa harap mo, kung saan inaakala mong mabuti at marapat sa iyo na pumaroon, doon ka pumaroon.

5 Samantala ngang hindi pa siya bumabalik. Bumalik ka nga, sabi niya, kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia sa mga bayan ng Juda, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan, o pumaroon ka kung saan mo inaakalang mabuting pumaroon. Sa gayo’y binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob, at pinayaon siya.

6 Nang magkagayo’y naparoon si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan na naiwan sa lupain.

7 Nang mabalitaan nga ng lahat ng kapitan sa mga kawal na nangasa mga parang, sa makatuwid baga’y nila, at ng kanilang mga lalake na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia si Gedalias na anak ni Ahicam sa lupain, at ipinagbilin sa kaniya ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain, yaong hindi nangadalang bihag sa Babilonia;

8 Nagsiparoon nga sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid baga’y si Ismael na anak ni Nethanias at si Johanan at si Jonathan na mga anak ni Carea, at si Seraias na anak ni Tanhumeth, at ang mga anak ni Ephi na Netophatita, at si Jezanias na anak ng Maachatita, sila, at ang kanilang mga lalake.

9 At si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga lalake, na sinasabi, Huwag kayong mangatakot na magsipaglingkod sa mga Caldeo; kayo’y magsitahan sa lupain, at magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.

10 Tungkol sa akin, narito, ako’y tatahan sa Mizpa, upang tumayo sa harap ng mga Caldeo, na paririto sa atin: nguni’t kayo, mangagpisan kayo ng alak at ng mga bunga sa taginit at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo’y magsitahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.

11 Gayon din nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nangasa Moab, at sa gitna ng mga anak ni Ammon, at sa Edom, at ng nangasa lahat ng lupain, na ang hari sa Babilonia ay nagiwan ng labi sa Juda, at inilagay niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan:

12 Lahat ng Judio nga ay nagsibalik na mula sa lahat ng dakong kinatabuyan sa kanila, at naparoon sa lupain ng Juda kay Gedalias, sa Mizpa, at nagpisan ng alak at ng mga bunga sa taginit na totoong marami.

13 Bukod dito’y si Johanan na anak ni Carea, at lahat na kapitan ng mga kawal na nangasa mga parang, ay nagsiparoon kay Gedalias sa Mizpa,

14 At nangagsabi sa kaniya, Nalalaman mo baga na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Nethanias upang kunin ang iyong buhay? Nguni’t si Gedalias na anak ni Ahicam ay hindi naniwala.

15 Nang magkagayo’y si Johanan na anak ni Carea ay nagsalita ng lihim kay Gedalias sa Mizpa, na sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na payaunin mo ako, at aking papatayin si Ismael na anak ni Nethanias, at walang lalaking makakaalam: bakit niya kikitilin ang iyong buhay, upang ang lahat na Judio na napipisan sa iyo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?

16 Nguni’t sinabi ni Gedalias na anak ni Ahicam kay Johanan na anak ni Carea, Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagka’t ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Israel.

Jeremias 41

1 Nangyari nga, nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nethanias, na anak ni Elisama, na lahing hari, at isa sa mga punong oficial ng hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay nagsiparoon kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa; at doo’y magkasama silang nagsikain ng tinapay sa Mizpa.

2 Nang magkagayo’y tumindig si Ismael na anak ni Nethanias, at ang sangpung lalake na kasama niya, at sinugatan ng tabak, si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, at pinatay siya, na ginawang tagapamahala sa lupain ng hari sa Babilonia.

3 Pinatay rin naman ni Ismael ang lahat na Judio na kasama niya, na kasama ni Gedalias, sa Mizpa, at ang mga Caldeo na nangasumpungan doon, sa makatuwid baga’y ang mga lalaking mangdidigma.

4 At nangyari, nang ikalawang araw, pagkatapos na kaniyang mapatay si Gedalias, at wala pang lalaking nakakaalam,

5 Na nagsiparoon ang mga lalake na mula sa Sichem, mula sa Silo, at mula sa Samaria, sa makatuwid baga’y walong pung lalake, na may mga ahit na balbas at may mga hapak na kasuutan, at may mga kudlit, may mga alay at mga kamangyan sa kanilang kamay, upang dalhin sa bahay ng Panginoon.

6 At si Ismael na anak ni Nethanias ay lumabas na mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak siya habang lumalakad: at nangyari, pagkasalubong niya sa kanila, sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo kay Gedalias na anak ni Ahicam.

7 At nangyari, na nang sila’y pumasok sa gitna ng bayan, na pinatay sila ni Ismael na anak ni Nethanias at inihagis sila sa hukay, niya at ng mga lalake na kasama niya.

8 Nguni’t sangpung lalake ay nangasumpungan sa kanila na nangagsabi kay Ismael, Huwag mo kaming patayin; sapagka’t kami ay may mga kayamanan na kubli sa parang, na trigo, at cebada, at langis, at pulot. Sa gayo’y nagpigil siya, at hindi niya pinatay sila sa gitna ng kanilang mga kapatid.

9 Ang hukay nga na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kaniyang pinatay, sa siping ni Gedalias, (siya ring ginawa ni Asa na hari dahil sa takot kay Baasa na hari sa Israel), pinuno ni Ismael na anak ni Nethanias ng nangapatay.

10 Nang magkagayo’y dinalang bihag ni Ismael ang lahat na nangalabi sa bayan na nangasa Mizpa, sa makatuwid baga’y ang mga anak na babae ng hari, at ang buong bayan na nalabi sa Mizpa, na siyang mga ibinilin ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahicam; sila’y dinalang bihag ni Ismael na anak ni Nethanias, at nagpatuloy na yumaon sa mga anak ni Ammon.

11 Nguni’t nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, ang buong kasamaan na ginawa ni Ismael na anak ni Nethanias,

12 Ipinagsama nga nila ang lahat na lalake, at sila’y nagsiyaong lumaban kay Ismael na anak ni Nethanias, at nasumpungan nila siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gabaon.

13 Nangyari nga, nang makita ng buong bayan na kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng kapitan sa mga kawal na kasama niya, sila nga’y nangatuwa.

14 Sa gayo’y ang buong bayan na dinalang bihag ni Ismael na mula sa Mizpa, ay pumihit at bumalik, at naparoon kay Johanan na anak ni Carea.

15 Nguni’t si Ismael na anak ni Nethanias ay tumanan mula kay Johanan na kasama ng walong lalake, at naparoon sa mga anak ni Ammon.

16 Nang magkagayo’y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng kapitan sa mga kawal na kasama niya, ang lahat na nalabi sa bayan na kaniyang nabawi kay Ismael na anak ni Nethanias, mula sa Mizpa, pagkatapos na kaniyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahicam, sa makatuwid ang mga lalaking magdidigma, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga bating, na kaniyang mga ibinalik mula sa Gabaon;

17 At sila’y nagsiyaon at nagsitahan sa Geruth chimham, na malapit sa Bethlehem upang pumaroong masok sa Egipto.

18 Dahil sa mga Caldeo; sapagka’t sila’y nangatakot sa kanila, sapagka’t pinatay ni Ismael na anak ni Nethanias si Gedalias na anak ni Ahicam, na ginawang tagapamahala sa lupain ng hari sa Babilonia.

Jeremias 42

1 Nang magkagayo’y ang lahat na kapitan sa mga kawal, at si Johanan na anak ni Carea, at si Jezanias na anak ni Osaia, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, ay nagsilapit,

2 At nangagsabi kay Jeremias na propeta, Isinasamo namin sa iyo, na tanggapin ang aming pamanhik sa harap mo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Dios, sa makatuwid baga’y ang lahat na nalabing ito (sapagka’t kaming naiwan ay kaunti sa karamihan, gaya ng namamasdan ng iyong mga mata sa amin),

3 Upang ipakita sa amin ng Panginoon mong Dios ang daan na aming marapat na lakaran, at ang bagay na marapat naming gawin.

4 Nang magkagayo’y sinabi ni Jeremias na propeta sa kanila, Aking narinig kayo; narito, aking idadalangin kayo sa Panginoon ninyong Dios ayon sa inyong mga salita; at mangyayari, na anomang bagay na isasagot ng Panginoon sa inyo; aking ipahahayag sa inyo; hindi ako maglilihim sa inyo.

5 Nang magkagayo’y sinabi nila kay Jeremias, Ang Panginoon ay maging tunay at tapat na saksi sa gitna natin, kung hindi nga namin gawin ang ayon sa buong salita na ipasusugo sa iyo ng Panginoon mong Dios sa amin.

6 Maging mabuti, o maging masama, aming tatalimahin ang tinig ng Panginoon nating Dios, na siya naming pinagsusuguan sa iyo; upang ikabuti namin, pagka aming tinatalima ang tinig ng Panginoon nating Dios.

7 At nangyari, pagkatapos ng sangpung araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.

8 Nang magkagayo’y tinawag niya si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan,

9 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang iharap ang inyong pamanhik sa harap niya:

10 Kung kayo’y magsisitahan pa sa lupaing ito, akin ngang itatayo kayo, at hindi ko kayo itutulak, at itatatag kayo, at hindi ko kayo paaalisin; sapagka’t aking pinagsisihan ang kasamaang nagawa ko sa inyo.

11 Huwag kayong mangatakot sa hari sa Babilonia na inyong kinatatakutan; huwag kayong mangatakot sa kaniya, sabi ng Panginoon, sapagka’t ako’y sumasainyo upang iligtas ko kayo, at alisin kayo sa kaniyang kamay.

12 At pagpapakitaan ko kayo ng kaawaan, upang kaawaan niya kayo, at upang pabalikin kayo sa inyong sariling lupain.

13 Nguni’t kung inyong sabihin, Kami ay hindi magsisitahan sa lupaing ito; na anopa’t hindi ninyo talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios,

14 Na nagsasabi, Hindi; kundi magsisiparoon kami sa lupain ng Egipto, na hindi namin kakikitaan ng digma, o kariringgan man ng tunog ng pakakak, o kagugutuman ng tinapay: at doon kami magsisitahan:

15 Inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh nalabi sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Kung inyong lubos na ihaharap ang inyong mukha na pumasok sa Egipto, at magsiparoon upang mangibang bayan doon;

16 Mangyayari nga na ang tabak na inyong kinatatakutan, ay aabot sa inyo roon sa lupain ng Egipto, at ang kagutom na inyong kinatatakutan, ay susunod sa inyong mahigpit doon sa Egipto; at doon kayo mangamamatay.

17 Gayon ang mangyayari sa lahat ng tao na maghaharap ng kanilang mukha na magsiparoon sa Egipto, upang mangibang bayan doon; sila’y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom at ng salot: at walang maiiwan sa kanila o makatatanan man sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.

18 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Kung paanong ang aking galit at ang aking kapusukan ay nabugso sa mga nananahan sa Jerusalem, gayon mabubugso ang aking kapusukan sa inyo, pagka kayo’y pumasok sa Egipto: at kayo’y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan: at hindi na ninyo makikita ang dakong ito.

19 Ang Panginoon ay nagsalita tungkol sa inyo, Oh nalabi sa Juda, Huwag kayong pumasok sa Egipto: talastasin ninyong tunay na ako’y nagpapatotoo sa inyo sa araw na ito.

20 Sapagka’t dinaya ninyo ang inyong sarili; sapagka’t inyong sinugo ako sa Panginoon ninyong Dios, na inyong sinasabi, Idalangin mo kami sa Panginoon nating Dios: at ayon sa lahat na sasabihin ng Panginoon nating Dios ay gayon mo ipahayag sa amin, at aming gagawin.

21 At aking ipinahayag sa inyo sa araw na ito; nguni’t hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios sa anomang bagay na kaniyang ipinasugo sa akin sa inyo.

22 Ngayon nga’y talastasin ninyong tunay na kayo’y mangapapatay ng tabak, ng kagutom, at ng salot, sa dakong inyong pagnasaang parunan na mangibang bayan.

Jeremias 43

1 At nangyari, na nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salita ng Panginoon nilang Dios, na ipinasugo sa kaniya ng Panginoon nilang Dios sa kanila, sa makatuwid ang lahat ng mga salitang ito;

2 Nagsalita nga kay Jeremias si Azarias na anak ni Osaias, at si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na palalong lalake, na nangagsasabi, Ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan: hindi ka sinugo ng Panginoon nating Dios, na magsabi, Kayo’y huwag magsisiparoon sa Egipto na mangibang bayan doon;

3 Kundi hinikayat ka ni Baruch na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang maipapatay nila kami, at mangadala kaming bihag sa Babilonia.

4 Sa gayo’y si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal, at ang buong bayan, ay hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon na tumahan sa lupain ng Juda.

5 Kundi kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat na kapitan sa mga kawal ang buong nalabi sa Juda na nagbalik na mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan nila na mangibang bayan sa lupain ng Juda;

6 Ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga anak na babae ng hari, at bawa’t tao na naiwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay na kasama ni Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, at si Jeremias na propeta, at si Baruch na anak ni Nerias:

7 At sila’y nagsipasok sa lupain ng Egipto; sapagka’t hindi nila tinalima ang tinig ng Panginoon: at sila’y nagsiparoon hanggang sa Taphnes.

8 Nang magkagayo’y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Taphnes, na nagsasabi,

9 Magtangan ka ng mga malaking bato sa iyong kamay, at iyong kublihan ng argamasa sa nalaladrillohan, na nasa pasukan ng bahay ni Faraon, sa Taphnes sa paningin ng mga tao sa Juda;

10 At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako’y magsusugo at kukunin ko si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking ilalagay ang kaniyang luklukan sa mga batong ito na aking ikinubli; at kaniyang ilaladlad ang kaniyang pabillong hari sa mga yaon.

11 At siya’y paririto, at kaniyang sasaktan ang lupain ng Egipto; na yaong sa pagkamatay ay mabibigay sa kamatayan, at yaong sa pagkabihag ay sa pagkabihag, at yaong sa tabak ay sa tabak.

12 At ako’y magsisilab ng apoy sa mga bahay ng mga dios ng Egipto; at kaniyang mga susunugin, at sila’y dadalhing bihag: at kaniyang aariin ang lupain ng Egipto na parang pastor na nagaari ng kaniyang kasuutan; at siya’y lalabas na payapa mula riyan.

13 Kaniya ring babaliin ang mga haligi ng Beth-semes na nasa lupain ng Egipto; at ang mga bahay ng mga dios ng Egipto ay susunugin ng apoy.

Jeremias 44

1 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat na Judio na nagsitahan sa lupain ng Egipto sa Migdol, at sa Taphnes, at sa Memphis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,

2 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Inyong nakita ang buong kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda; at, narito, sa araw na ito, sila’y kagibaan, at walang taong tumatahan doon,

3 Dahil sa kanilang kasamaan na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sa kanilang pagsusunog ng kamangyan, at sa paglilingkod sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, kahit nila, o ninyo man, o ng inyong mga magulang man.

4 Gayon ma’y sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, na nagsasabi, Oh huwag ninyong gawin ang kasuklamsuklam na bagay na ito na aking kinapopootan.

5 Nguni’t hindi sila nakinig, o ikiniling man nila ang kanilang pakinig na magsihiwalay sa kanilang kasamaan, na huwag mangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios.

6 Kaya’t ang aking kapusukan at ang aking galit ay nabuhos, at nagalab sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at mga sira at giba, gaya sa araw na ito.

7 Kaya’t ngayo’y ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Bakit kayo’y nagsigawa nitong malaking kasamaan laban sa inyong sariling mga kaluluwa, upang maghiwalay sa inyo ng lalake at babae, ng sanggol at pasusuhin, sa gitna ng Juda, upang huwag maiwanan kayo ng anomang labi;

8 Sa inyong pagkamungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nangagsusunog kayo ng kamangyan sa ibang mga dios sa lupain ng Egipto, na inyong kinaparoonan na mangibang bayan; upang kayo’y maging kasumpaan at kadustaan sa gitna ng lahat na bansa sa lupa?

9 Inyo bagang kinalimutan ang kasamaan ng inyong mga magulang, at ang kasamaan ng mga hari sa Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawa, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawa, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?

10 Sila’y hindi nagpakababa hanggang sa araw na ito, o nangatakot man sila, o nagsilakad man sila ng ayon sa aking kautusan, o sa aking mga palatuntunan man, na aking inilagay sa harap ninyo at sa harap ng inyong mga magulang.

11 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking itititig ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, sa makatuwid baga’y upang ihiwalay ang buong Juda.

12 At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagtitig ng kanilang mga mukha na pumasok sa lupain ng Egipto upang mangibang bayan doon, at silang lahat ay mangalipol; sa lupain ng Egipto ay mangabubuwal sila; sila’y lilipulin ng tabak, at ng kagutom; sila’y mangamamatay mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom; at sila’y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan.

13 Sapagka’t aking parurusahan silang nagsisitahan sa lupain ng Egipto, gaya ng aking pagkaparusa sa Jerusalem sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot;

14 Na anopa’t wala sa nalabi sa Juda na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makatatanan o maiiwan man, upang makabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang pagbalikan upang tahanan: sapagka’t walang magsisibalik liban sa mga makatatanan.

15 Nang magkagayo’y lahat ng lalake na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at ang lahat na babae na nangakatayo, isang malaking kapulungan, sa makatuwid baga’y ang buong bayan na tumahan sa lupain ng Egipto, sa Pathros, ay sumagot kay Jeremias, na nagsasabi,

16 Tungkol sa salita na iyong sinalita sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin didinggin.

17 Kundi aming tunay na isasagawa ang bawa’t salita na lumabas sa aming bibig, upang ipagsunog ng kamangyan ang reina ng langit, at ipagbuhos siya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin, at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga prinsipe sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagka’t noon ay nagkaroon kami ng saganang pagkain, at kami ay nagsisibuti, at hindi nakakita ng kasamaan.

18 Nguni’t mula nang aming iwan ang pagsusunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay nangailangan ng lahat na bagay, at kami ay nangalipol ng tabak at ng kagutom.

19 At nang kami ay magsunog ng kamangyan sa reina ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog iginawa baga namin siya ng munting tinapay upang sambahin siya, at ipinagbuhos baga namin siya ng mga inuming handog, na wala ang aming mga asawa?

20 Nang magkagayo’y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalake, at sa mga babae sa buong bayan na nagbigay sa kaniya ng sagot na yaon, na nagsasabi,

21 Ang kamangyan na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo, at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari at ng inyong mga prinsipe, at ng bayan ng lupain, hindi baga inalaala ng Panginoon, at hindi baga pumasok sa kaniyang pagiisip?

22 Na anopa’t ang Panginoon ay hindi nakapagpigil ng maluwat, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa, at dahil sa mga kasuklamsuklam na inyong ginawa; kaya’t ang inyong lupain ay naging sira, at katigilan, at kasumpaan, na walang mananahan gaya sa araw na ito.

23 Sapagka’t kayo’y nangagsunog ng kamangyan, at sapagka’t kayo’y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon, o nagsilakad man sa kaniyang kautusan, o sa kaniyang palatuntunan man, o sa kaniyang mga patotoo man; dahil dito ang kasamaang ito ay nangyari sa inyo, gaya sa araw na ito.

24 Bukod dito ay sinabi ni Jeremias sa buong bayan, at sa lahat ng mga babae, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda, na nasa lupain ng Egipto:

25 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Kayo at ang inyong mga asawa ay kapuwa nangagsalita ng inyong mga bibig, at ginanap ng inyong mga kamay, na nagsasabi, Tunay na aming tutuparin ang aming mga panata na aming ipinanata, na magsunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos ng mga inuming handog siya: inyo ngang isagawa ang inyong mga panata, at inyong tuparin ang inyong mga panata.

26 Kaya’t inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda na tumatahan sa lupain ng Egipto. Narito, ako’y sumumpa ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa buong lupain ng Egipto, na sabihin, Buhay ang Panginoong Dios.

27 Narito, aking binabantayan sila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at lahat ng tao ng Juda na nangasa lupain ng Egipto ay mangalilipol sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom, hanggang sa umabot sila sa kawakasan.

28 At ang mga makatatanan sa tabak ay mangagbabalik sa lupain ng Juda na mula sa lupain ng Egipto, na kaunti sa bilang; at ang buong nalabi sa Juda, na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makakaalam kung kaninong salita ang mananayo, kung akin, o kanila.

29 At ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan kayo sa dakong ito, upang inyong makilala na ang aking salita ay tunay na tatayo laban sa inyo sa ikasasama:

30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay si Faraon Hophra na hari sa Egipto sa kamay ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kaniyang buhay; gaya ng pagkabigay ko kay Sedechias na hari sa Juda sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na kaniyang kaaway, at umuusig ng kaniyang buhay.

Jeremias 45

1 Ang salita na sinalita ni Jeremias na propeta kay Baruch na anak ni Nerias, nang sulatin niya ang mga salitang ito sa isang aklat sa bibig ni Jeremias, nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, hari sa Juda na nagsasabi:

2 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa iyo, Oh Baruch:

3 Iyong sinabi, Sa aba ko ngayon! sapagka’t ang Panginoon ay nagdagdag ng kapanglawan sa aking sakit; ako’y pagod sa kaaangal, at wala akong kapahingahan.

4 Ganito ang sasabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, na ang aking itinayo ay aking ibabagsak, at ang aking itinanim ay aking bubunutin; at ito’y sa buong lupain.

5 At ikaw baga ay humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili? huwag mong hanapin; sapagka’t, narito, ako’y magdadala ng kasamaan sa lahat ng tao, sabi ng Panginoon; nguni’t ang iyong buhay ay ibibigay ko sa iyo na pinakahuli sa lahat ng dakong iyong kapaparoonan.

Jeremias 46

1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.

2 Tungkol sa Egipto: tungkol sa hukbo ni Faraon Nechao na hari sa Egipto, na nasa tabi ng ilog ng Eufrates sa Carchemis na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda.

3 Inyong iayos ang pansalag at kalasag, at kayo’y magsilapit sa pagbabaka.

4 Singkawan ninyo ang mga kabayo, at kayo’y magsisakay, kayong mga nangangabayo, at magsitayo kayong mga turbante; pakintabin ninyo ang mga sibat, at mangagsuot kayo ng sapyaw.

5 Bakit ko nakita? sila’y nanganglulupaypay at nagsisibalik; at ang kanilang mga makapangyarihan ay buwal, at nagsisitakas na maliksi, at hindi nagsisilingon: kakilabutan ay nasa bawa’t dako, sabi ng Panginoon.

6 Huwag tumakas ang maliksi, o tumanan man ang makapangyarihan; sa hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates ay nangatisod sila at nangabuwal.

7 Sino itong bumabangon na parang Nilo na ang mga tubig ay nagiinalong parang mga ilog?

8 Ang Egipto ay bumabangong parang Nilo, at ang tubig ay nagiinalong parang mga ilog: at kaniyang sinasabi, Ako’y babangon, aking tatakpan ang lupa; aking ipapahamak ang bayan at ang mga mananahan doon.

9 Kayo’y magsisampa, kayong mga kabayo; at kayo’y magsihagibis, kayong mga karo; at magsilabas ang mga lalaking makapangyarihan: ang Cus at ang Phut, na humahawak ng kalasag; at ang mga Ludio, na nagsisihawak at nangagaakma ng busog.

10 Sapagka’t ang araw na yaon ay sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, araw ng panghihiganti, upang maipanghiganti niya siya sa kaniyang mga kaaway: at ang tabak ay lalamon at mabubusog, at magpapakalango sa dugo nila: sapagka’t ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, may hain sa lupaing hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates.

11 Sumampa ka sa Galaad, at kumuha ka ng balsamo, Oh anak na dalaga ng Egipto: sa walang kabuluhan gumagamit ka ng maraming gamot; hindi ka na gagaling.

12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan, at ang lupa ay puno ng iyong hiyaw, sapagka’t ang makapangyarihan ay natisod laban sa makapangyarihan, sila’y nangabuwal kapuwa na magkasama.

13 Ang salita na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, kung paanong si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay darating, at sasaktan ang lupain ng Egipto.

14 Ipahayag ninyo sa Egipto, at inyong ihayag sa Migdol, at inyong ihayag sa Memphis, at sa Taphnes: sabihin ninyo, Tumayo ka, at humanda ka; sapagka’t ang tabak ay nanakmal sa palibot mo.

15 Bakit ang iyong mga malakas ay napaalis? sila’y hindi nagsitayo, sapagka’t itinaboy ng Panginoon.

16 Kaniyang itinisod ang marami, oo, sila’y nangabuwal na patongpatong, at kanilang sinabi, Bumangon ka, at magsiparoon tayo uli sa ating sariling bayan, at sa lupain na kinapanganakan sa atin, mula sa mapagpighating tabak.

17 Sila’y nagsihiyaw roon, Si Faraong hari sa Egipto ay isang hugong lamang; kaniyang pinaraan ang takdang panahon.

18 Buhay ako, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo, tunay na kung paano ang Tabor sa gitna ng mga bundok, at kung paano ang Carmel sa tabi ng dagat, gayon siya darating.

19 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka’t ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.

20 Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni’t pagkasirang mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.

21 Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka’t sila man ay nagsibalik, sila’y nagsitakas na magkakasama, sila’y hindi nagsitayo: sapagka’t ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.

22 Ang hugong niyaon ay yayaong parang ahas; sapagka’t sila’y magsisiyaong kasama ng hukbo, at magsisiparoong laban sa kaniya na mga may palakol, na parang mga mamumutol ng kahoy.

23 Kanilang puputulin ang kaniyang gubat, sabi ng Panginoon, bagaman mahirap pasukin; sapagka’t sila’y higit kay sa mga balang, at walang bilang.

24 Ang anak na babae ng Egipto ay malalagay sa kahihiyan; siya’y mabibigay sa kamay ng bayan ng hilagaan.

25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan si Amon na taga No, at si Faraon, at ang Egipto, sangpu ng kaniyang mga dios at ng kaniyang mga hari; maging si Faraon, at silang nagsisitiwala sa kaniya:

26 At aking ibibigay sila sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang mga buhay, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kaniyang mga lingkod; at pagkatapos ay tatahanan na gaya ng mga araw nang una, sabi ng Panginoon.

27 Nguni’t huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, ni manglupaypay ka, Oh Israel: sapagka’t narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong lahi ay mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.

28 Huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon, sapagka’t ako’y sumasaiyo: sapagka’t ako’y gagawa ng lubos na kawakasan sa lahat ng bansa na aking pinagtabuyan sa iyo; nguni’t hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo, kundi sasawayin kita ng kahatulan, at hindi kita iiwan sa anomang paraan ng walang kaparusahan.

Jeremias 47

1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinaktan ni Faraon ang Gaza.

2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, tubig ay umaahon mula sa hilagaan, at magiging baha, at aapawan ang lupain at ang lahat na nangaroon, ang bayan at ang nagsisitahan doon; at ang mga tao ay magsisihiyaw, at lahat ng mananahan sa lupain ay magsisitangis.

3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kaniyang mga malakas, sa hagibis ng kaniyang mga karo, sa hugong ng kaniyang mga gulong, hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil sa kahinaan ng mga kamay;

4 Dahil sa araw na dumarating upang lipulin ang lahat ng Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon, ang bawa’t manunulongan na nalabi: sapagka’t lilipulin ng Panginoon ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng Caphtor.

5 Kakalbuhan ay dumating sa Gaza; Ascalon ay napahamak, at ang nalabi sa kanilang libis: hanggang kailan magkukudlit ka?

6 Oh ikaw na tabak ng Panginoon, hanggang kailan di ka tatahimik? pumasok ka sa iyong kalooban; ikaw ay magpahinga, at tumahimik.

7 Paanong ikaw ay matatahimik dangang binigyan ka ng Panginoon ng bilin? laban sa Ascalon, at laban sa baybayin ng dagat ay doon niya itinakda.

Jeremias 48

1 Tungkol sa Moab. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Sa aba ng Nebo! sapagka’t nalagay na sira; Chiriathaim ay nalagay sa kahihiyan, nasakop; ang Misgab ay nalagay sa kahihiyan at nabagsak.

2 Ang kapurihan ng Moab ay nawala; sa Hesbon ay nagsisikatha sila ng kasamaan laban sa kaniya: Magsiparito kayo, at ihiwalay natin siya sa pagkabansa. Ikaw, naman, Oh Madmena, madadala sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak.

3 Ang hugong ng hiyaw mula sa Horonaim, pananamsam at malaking kapahamakan!

4 Ang Moab ay sira; ang kaniyang mga bata ay nagpadinig ng kanilang hibik.

5 Sapagka’t sa ahunan sa Luhith ay magsisiahon sila na may laging pagiyak; sapagka’t kanilang narinig sa lusungan sa Horonaim ang kapanglawan ng hiyaw ng pagkapahamak.

6 Magsitakas kayo, inyong iligtas ang inyong mga buhay, at kayo’y maging parang kugon sa ilang.

7 Sapagka’t yamang ikaw ay tumiwala sa iyong mga gawa at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay makukuha: at si Chemos ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.

8 At ang manglilipol ay darating sa bawa’t bayan, at walang bayan na makatatanan; ang libis naman ay nawawala, at ang kapatagan ay masisira; gaya ng sinalita ng Panginoon.

9 Mangagbigay kayo ng mga pakpak sa Moab, upang siya’y makalipad makalabas: at ang kaniyang mga bayan ay masisira, na walang sinomang tatahan doon.

10 Sumpain nawa siya na gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon; at sumpain siya na naguurong ng kaniyang tabak sa dugo.

11 Ang Moab na tiwasay mula sa kaniyang kabataan, at siya’y nagpahinga sa kaniyang mga latak, at hindi napagsalinsalin sa sisidlan at sisidlan, o pumasok man siya sa pagkabihag: kaya’t ang kaniyang lasa ay nananatili sa kaniya, at ang kaniyang bango ay hindi nababago.

12 Kaya’t narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking susuguin sa kanila ang mga mangbubuhos, at siya’y ibubuhos nila; at kanilang tutuyuin ang kaniyang mga sisidlan, at babasagin ang kanilang mga sisidlang lupa.

13 At ang Moab ay mapapahiya dahil kay Chemos, gaya ng sangbahayan ni Israel na napahiya dahil sa Beth-el na kanilang tiwala.

14 Bakit ninyo sinasabi, Kami ay mga makapangyarihang lalake, at mga matapang na lalake na mangdidigma?

15 Ang Moab ay nalalagay na sira, at ang kaniyang mga bayan ay mga sinampa, at ang kaniyang mga piling binata ay nagsibaba sa patayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

16 Ang kasakunaan ng Moab ay malapit nang darating, at ang kaniyang pagdadalamhati ay nagmamadali.

17 Kayong lahat na nangasa palibot niya, panaghuyan ninyo siya, at ninyong lahat na nangakakakilala ng kaniyang pangalan; inyong sabihin, Bakit ang matibay na tukod ay nabali, ang magandang tungkod!

18 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Dibon, bumaba ka na mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo kang uhaw; sapagka’t ang manglilipol ng Moab ay sumampa laban sa iyo, kaniyang giniba ang iyong mga katibayan.

19 Oh nananahan sa Aroer, tumayo ka sa tabi ng daan, at manubok ka: itanong mo sa kaniya na tumatakas, at sa kaniya na tumatanan; iyong sabihin; Ano ang nangyari?

20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagka’t nagiba: kayo ay magsitangis at magsihiyaw; saysayin ninyo sa Arnon, na ang Moab ay nasira.

21 At ang kahatulan ay dumating sa lupaing patag, sa Holon, at sa Jahzah, at sa Mephaath,

22 At sa Dibon, at sa Nebo, at sa Beth-diblathaim,

23 At sa Chiriathaim, at sa Beth-gamul, at sa Beth-meon;

24 At sa Cherioth, at sa Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo o malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay nahiwalay, at ang kaniyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 Languhin ninyo siya; sapagka’t siya’y nagmalaki laban sa Panginoon: at ang Moab ay gugumon sa kaniyang suka, at siya man ay magiging kakutyaan.

27 Sapagka’t hindi baga naging kakutyaan ang Israel sa iyo? hindi baga siya nasumpungan sa gitna ng mga magnanakaw? sapagka’t kung paanong kadalas sinasalita mo siya, gayon naguuga ka ng ulo.

28 Oh kayong mga nananahan sa Moab, inyong iwan ang mga bayan, at kayo’y magsitahan sa malaking bato; at maging gaya ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng guwang.

29 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya’y totoong palalo; ang kaniyang pagmamataas, at ang kaniyang pagpapalalo, at ang kaniyang kahambugan, at ang pagmamatigas ng kaniyang puso.

30 Talastas ko ang kaniyang poot ay walang mangyayari; sabi ng Panginoon, ang kaniyang paghahambog ay walang nangyari.

31 Kaya’t aking tatangisan ang Moab; oo, ako’y hihiyaw dahil sa buong Moab: dahil sa mga tao ng Kir-heres ay magsisitangis sila.

32 Tatangis ako ng higit kay sa pagtangis ng Jazer dahil sa iyo, Oh puno ng ubas ng Sibma: ang iyong mga sanga ay nagsisidaan ng dagat, nagsisiabot hanggang sa dagat ng Jazer: sa iyong mga bungang taginit at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol.

33 At ang kasayahan at kagalakan ay naalis, sa mainam na bukid at sa lupain ng Moab; at aking pinatigil ang alak sa mga alilisan: walang yayapak na may hiyawan; ang paghihiyawan ay hindi magiging paghihiyawan.

34 Mula sa hiniyawan ng Hesbon hanggang sa Eleale, hanggang sa Jajaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya: sapagka’t ang tubig ng Nimrim man ay masisira.

35 Bukod dito ay aking papaglilikatin sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang mga dios.

36 Kaya’t ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya’t ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.

37 Sapagka’t bawa’t ulo ay kalbo, at bawa’t balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa’t saan man; sapagka’t aking binasag ang Moab na parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.

39 Ano’t nabagsak! ano’t tumatangis! ano’t ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.

40 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, siya’y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.

41 Ang Cherioth ay nasakop, at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

42 Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka’t siya’y nagmalaki laban sa Panginoon.

43 Pagkatakot, at hukay, at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.

44 Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka’t dadalhin ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.

45 Silang nagsisitakas ay nagsisitayong walang lakas sa ilalim ng Hesbon; sapagka’t ang apoy ay lumabas sa Hesbon, at ang alab mula sa gitna ng Sihon, at pinugnaw ang tagiliran ng Moab, at ang bao ng ulo ng mga manggugulo.

46 Sa aba mo, Oh Moab! ang bayan ni Chemos ay nawala; sapagka’t ang iyong mga anak na lalake ay nadalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay nasok sa pagkabihag.

47 Gayon ma’y ibabalik ko uli ang Moab na mula sa pagkabihag sa mga huling araw, sabi ng Panginoon. Hanggang dito ang kahatulan sa Moab.