Jeremias 49

1 Tungkol sa mga anak ni Ammon. Ganito ang sabi ng Panginoon. Wala bagang mga anak ang Israel? wala ba siyang tagapagmana? bakit nga minamana ni Malcam ang Gad, at tumatahan ang kaniyang bayan sa mga bayan niyaon?

2 Kaya’t, narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking iparirinig ang kaingay ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ng Ammon; at magiging isang gibang bunton, at ang kaniyang mga anak na babae ay masusunog ng apoy: kung magkagayo’y mga aariin ng Israel ang nagari sa kaniya, sabi ng Panginoon.

3 Tumangis ka, Oh Hesbon, sapagka’t ang Hai ay nasamsaman; magsiiyak kayo, kayong mga anak na babae ng Rabba, kayo’y mangagbigkis ng kayong magaspang: kayo’y magsitaghoy, at magsitakbong paroo’t parito sa gitna ng mga bakuran; sapagka’t si Malcam ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.

4 Bakit ka nagpapakaluwalhati sa mga libis, ikaw na mainam na libis, Oh tumatalikod na anak na babae? na tumiwala sa kaniyang mga kayamanan, na kaniyang sinasabi, Sinong paririto sa akin?

5 Narito, sisidlan kita ng takot, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, mula sa lahat na nangasa buong palibot mo; at kayo’y mangatataboy bawa’t isa na patuloy, at walang magiipon sa kanila na nagsisitakas.

6 Nguni’t pagkatapos ay aking ibabalik na muli ang mga anak ni Ammon mula sa pagkabihag, sabi ng Panginoon.

7 Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan?

8 Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo’y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka’t aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya.

9 Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan?

10 Nguni’t aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya’y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya’y wala na rin.

11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao.

12 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga’y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka.

13 Sapagka’t ako’y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira.

14 Ako’y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo’y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka.

15 Sapagka’t, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao.

16 Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.

17 At ang Edom ay magiging katigilan: bawa’t nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon.

18 Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.

19 Narito, siya’y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka’t bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka’t sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko?

20 Kaya’t inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga’y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila.

21 Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula.

22 Narito, siya’y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

23 Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka’t sila’y nangakarinig ng mga masamang balita, sila’y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik.

24 Ang Damasco ay humihina, siya’y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam.

25 Ano’t hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan?

26 Kaya’t ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

27 At ako’y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.

28 Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.

29 Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!

30 Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka’t kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.

31 Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa.

32 At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon.

33 At ang Hasor ay magiging tahanang dako ng mga chakal, sira magpakailan man: walang taong tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.

34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa Elam sa pagpapasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, na nagsasabi,

35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking babaliin ang busog ng Elam, ang pinakapangulo ng kaniyang kapangyarihan.

36 At sa Elam ay dadalhin ko ang apat na hangin na mula sa apat na sulok ng langit, at aking pangangalatin sila sa lahat ng hanging yaon; at walang bansang hindi kararatingan ng mga tapon na mula sa Elam.

37 At aking panglulupaypayin ang Elam sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa harap ng nagsisiusig ng kanilang buhay; at ako’y magdadala ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga’y ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon; at aking ipahahabol sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.

38 At aking ilalagay ang aking luklukan sa Elam, at aking lilipulin mula roon ang hari at mga prinsipe, sabi ng Panginoon.

39 At mangyayari sa mga huling araw, na aking ibabalik ang pagkabihag ng Elam, sabi ng Panginoon.

Jeremias 50

1 Ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Babilonia, tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.

2 Inyong ipahayag sa gitna ng mga bansa, at inyong itanyag, at mangagtaas kayo ng watawat; inyong itanyag, at huwag ninyong ikubli: inyong sabihin, Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Merodach ay nanglulupaypay; ang kaniyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kaniyang mga diosdiosan ay nanganglupaypay.

3 Sapagka’t mula sa hilagaan ay sumasampa ang isang bansa laban sa kaniya, na sisira ng kaniyang lupain, at walang tatahan doon: sila’y nagsitakas, sila’y nagsiyaon, ang tao at gayon din ang hayop.

4 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel ay magsisidating, sila, at ang mga anak ni Juda na magkakasama: sila’y magsisiyaon ng kanilang lakad na nagsisiiyak, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Dios.

5 Kanilang ipagtatanong ang daan ng Sion, na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa dakong yaon, na magsasabi, Magsiparito kayo, at lumakip kayo sa Panginoon sa walang hanggang tipan na hindi malilimutan.

6 Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila’y inilihis sa mga bundok; sila’y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.

7 Sinasakmal sila ng lahat na nangakakasumpong sa kanila; at sinabi ng kanilang mga kaaway, Kami ay walang kasalanan, sapagka’t sila’y nangagkasala laban sa Panginoon, na tatahanan ng kahatulan, sa makatuwid baga’y sa Panginoon, na pagasa ng kanilang mga magulang.

8 Magsitakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at kayo’y magsilabas mula sa lupain ng mga Caldeo, at kayo’y maging gaya ng mga kambing na lalake sa harap ng mga kawan.

9 Sapagka’t, narito, aking patatayuin at pasasampahin laban sa Babilonia ang isang kapulungan ng mga dakilang bansa na mula sa hilagaang lupain; at sila’y magsisihanay laban sa kaniya; mula diya’y sasakupin siya; ang kanilang mga pana ay magiging gaya sa isang magilas na makapangyarihan; walang babalik na di may kabuluhan.

10 At ang Caldea ay magiging samsam: lahat na nagsisisamsam sa kaniya ay mangabubusog, sabi ng Panginoon.

11 Sapagka’t kayo ay masasaya, sapagka’t kayo’y nangagagalak, Oh kayong nagsisisamsam ng aking mana, sapagka’t kayo’y malilikot na parang babaing guyang baka, na yumayapak ng trigo, at humahalinghing na parang mga malakas na kabayo;

12 Ang inyong ina ay mapapahiyang lubha; siyang nanganak sa inyo ay malilito: narito, siya’y magiging pinakahuli sa mga bansa, isang gubatan, isang tuyong lupain, isang ilang.

13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi tatahanan, kundi magiging lubos na sira: bawa’t magdaan sa Babilonia ay matitigilan, at susutsot dahil sa kaniyang lahat na pagkasalot.

14 Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka’t siya’y nagkasala laban sa Panginoon.

15 Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya’y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka’t siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.

16 Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa’t isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa’t isa sa kaniyang sariling lupain.

17 Ang Israel ay parang nakalat na tupa; itinaboy siya ng mga leon: ang unang sumakmal sa kaniya ay ang hari sa Asiria; at si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay siyang huling bumali ng kaniyang mga buto.

18 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang kaniyang lupain, gaya ng aking pagkaparusa sa hari sa Asiria.

19 At aking dadalhin uli ang Israel sa kaniyang pastulan, at siya’y sasabsab sa Carmel at sa Basan, at ang kaniyang kalooban ay masisiyahan sa mga burol ng Ephraim at sa Galaad.

20 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ng Israel ay mauusig, at hindi magkakaroon ng anoman; at ang mga kasalanan ng Juda, at hindi sila masusumpungan: sapagka’t aking patatawarin sila na aking iniiwan na pinakalabi.

21 Sumampa ka laban sa lupain ng Merathaim, laban doon, at laban sa mga nananahan sa Pekod: pumatay ka at manglipol na lubos na manunod sa kanila, sabi ng Panginoon, at iyong gawin ang ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo.

22 Ang hugong ng pagbabaka ay nasa lupain, at ang malaking kapahamakan.

23 Ano’t naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano’t ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!

24 Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan at nahuli rin, sapagka’t ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon.

25 Binuksan ng Panginoon ang kaniyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng kaniyang pagkagalit; sapagka’t ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay may gawang gagawin sa lupain ng mga Caldeo.

26 Magsiparoon kayo laban sa kaniya, mula sa kahulihulihang hangganan; inyong buksan ang kaniyang mga kamalig; inyong ihagis na parang mga bunton, at siya’y inyong siraing lubos; huwag maiwanan siya ng anoman.

27 Inyong patayin ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa patayan: sa aba nila! sapagka’t ang kanilang araw ay dumating, ang araw ng pagdalaw sa kanila.

28 Inyong dinggin ang tinig nila na nagsisitakas at nagsisitahan mula sa lupain ng Babilonia, upang maghayag sa Sion ng kagantihan ng Panginoon nating Dios, ng kagantihan ng kaniyang templo.

29 Inyong pisanin ang mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na nangagaakma ng busog; magsitayo kayo laban sa kaniya sa palibot; huwag bayaang mangakatanan: inyong gantihin siya ayon sa kaniyang gawa; ayon sa lahat niyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya; sapagka’t siya’y naging palalo laban sa Panginoon, laban sa Banal ng Israel.

30 Kaya’t mabubuwal ang kaniyang mga binata sa kaniyang mga lansangan, at ang lahat niyang lalaking mangdidigma ay madadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.

31 Narito, ako’y laban sa iyo, Oh ikaw na palalo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo; sapagka’t ang iyong kaarawan ay dumating, ang panahon na dadalawin kita.

32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako’y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.

33 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.

34 Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan: kaniyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.

35 Ang tabak ay nasa mga Caldeo, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan sa Babilonia, at sa kaniyang mga prinsipe, at sa kaniyang mga pantas.

36 Ang tabak ay nasa mga hambog, at sila’y mangahahangal, ang tabak ay nasa kaniyang mga makapangyarihan, at sila’y manganglulupaypay.

37 Ang tabak ay nasa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo, at sa buong bayang halohalo na nasa gitna niya; at sila’y magiging parang mga babae; isang tabak ay nasa kaniyang mga kayamanan, at mangananakaw;

38 Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo; sapagka’t lupain ng mga larawang inanyuan, at sila’y mga ulol dahil sa mga diosdiosan.

39 Kaya’t ang mga mabangis na hayop sa ilang sangpu ng mga lobo ay magsisitahan doon, at ang avestruz ay tatahan doon: at hindi na matatahanan kailan pa man; ni matatahanan sa sali’t saling lahi.

40 Kung paanong sinira ng Dios ang Sodoma at Gomorra at ang mga kalapit bayan ng mga yaon, sabi ng Panginoon, gayon hindi tatahan doon ang sinoman, o tatahan man doon ang sinomang anak ng tao.

41 Narito, isang bayan ay dumarating na mula sa hilagaan; at isang malaking bansa, at maraming hari ay mangahihikayat mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa.

42 Kanilang iniaakma ang busog at ang sibat; sila’y mababagsik, at walang awa; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila’y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa’t isa ay humahanay na parang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo, Oh anak na babae ng Babilonia.

43 Nabalitaan ng hari sa Babilonia ang kabantugan nila, at ang kaniyang mga kamay ay nanghihina: pagdadalamhati ay humawak sa kaniya, at paghihirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.

44 Narito, ang kaaway ay sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: nguni’t bigla kong palalayasin sila sa kaniya; at ang mapili, siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka’t sinong gaya ko? at sinong magtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na tatayo sa harap ko?

45 Kaya’t inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinayo laban sa Babilonia; at ang kaniyang mga pasiyang ipinasiya niya, laban sa lupain ng mga Caldeo: Tunay na kanilang itataboy ang mga maliit sa kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan pati sila.

46 Sa ingay ng pagsakop sa Babilonia, ay nayayanig ang lupa, at ang hiyaw ay naririnig sa mga bansa.

Jeremias 51

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako’y magbabangon laban sa Babilonia, at laban sa nagsisitahan sa Lebcamai, ng manggigibang hangin.

2 At ako’y magsusugo sa Babilonia ng mga taga ibang lupa na papalisin siya; at kanilang wawalaan ang kaniyang lupain: sapagka’t sa kaarawan ng kabagabagan ay magiging laban sila sa kaniya sa palibot.

3 Laban sa kaniya na umaakma ay iakma ng mangbubusog ang kaniyang busog, at sa kaniya na nagmamataas sa kaniyang sapyaw: at huwag ninyong patawarin ang kaniyang mga binata; inyong lipuling lubos ang buo niyang hukbo.

4 At sila’y mangabubuwal na patay sa lupain ng mga Caldeo, at napalagpasan sa kaniyang mga lansangan.

5 Sapagka’t ang Israel ay hindi pinababayaan, o ang Juda man, ng kaniyang Dios, ng Panginoon ng mga hukbo; bagaman ang kanilang lupain ay puno ng sala laban sa Banal ng Israel.

6 Tumakas ka na mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawa’t tao ang kaniyang buhay; huwag kayong mangahiwalay ng dahil sa kaniyang kasamaan: sapagka’t panahon ng panghihiganti ng Panginoon; siya’y maglalapat sa kaniya ng kagantihan.

7 Ang Babilonia ay naging gintong tasa sa kamay ng Panginoon, na lumango sa buong lupa: ang mga bansa ay nagsiinom ng kaniyang alak; kaya’t ang mga bansa ay nangaulol.

8 Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak: inyong tangisan siya, ikuha ninyo ng balsamo ang kaniyang sakit, baka sakaling siya’y mapagaling.

9 Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia, nguni’t siya’y hindi napagaling: pabayaan siya, at yumaon bawa’t isa sa atin sa kanikaniyang sariling lupain; sapagka’t ang kaniyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at nataas hanggang sa mga alapaap.

10 Inilabas ng Panginoon ang ating katuwiran: magsiparito kayo, at ating ipahayag sa Sion, ang gawa ng Panginoon nating Dios.

11 Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga Medo; sapagka’t ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, upang sirain: sapagka’t siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo.

12 Mangagtaas kayo ng watawat laban sa mga kuta ng Babilonia, inyong patibayin ang bantayan, inyong lagyan ng mga bantay, kayo’y mangaghanda ng mga pangbakay: sapagka’t ang Panginoon ay nagpanukala at gumawa rin naman ng kaniyang sinalita tungkol sa mga nananahan sa Babilonia.

13 Oh ikaw na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong kasakiman.

14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang sarili, na sinasabi, Tunay na pupunuin kita ng mga tao, na parang balang; at sila’y mangaglalakas ng hiyaw laban sa iyo.

15 Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay iniladlad niya ang langit.

16 Paglalakas niya ng kaniyang tinig, nagkaroon ng kagulo ng tubig sa langit, at kaniyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga wakas ng lupa: kaniyang iginawa ng mga kidlat ang ulan, at inilabas ang hangin mula sa kaniyang mga imbakan.

17 Bawa’t tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa’t panday ginto ay nalagay sa kahihiyan dahil sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka’t ang kaniyang larawang binubo ay kasinungalingan, at walang hinga sa mga yaon.

18 Ang mga yaon ay walang kabuluhan, isang gawa ng karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon ay mangalilipol.

19 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka’t siya ang naganyo sa lahat ng bagay; at ang Israel ay lipi ng kaniyang mana: ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.

20 Ikaw ay aking pangbakang palakol at mga almas na pangdigma: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga bansa; at sa pamamagitan mo ay sisira ako ng mga kaharian;

21 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang kabayo at ang kaniyang sakay;

22 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang karo at ang nakasakay roon; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang lalake at ang babae; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang matanda at ang bata: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang binata at ang dalaga;

23 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang pastor at ang kaniyang kawan; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mangbubukid at ang kaniyang tuwang na mga baka; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.

24 At aking ilalapat sa Babilonia at sa lahat na nananahan sa Caldea ang buo nilang kasamaan na kanilang ginawa sa Sion sa inyong paningin, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ako’y laban sa iyo, Oh mapangpahamak na bundok, sabi ng Panginoon, na gumigiba ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay sa iyo, at pagugulungin kita mula sa malaking bato, at gagawin kitang bundok na sunog.

26 At hindi ka nila kukunan ng bato na panulok, o ng bato man na mga patibayan; kundi ikaw ay magiging sira magpakailan man, sabi ng Panginoon.

27 Mangagtaas kayo ng watawat sa lupain, inyong hipan ang pakakak sa gitna ng mga bansa, magsihanda ang mga bansa laban sa kaniya, pisanin laban sa kaniya ang mga kaharian ng Ararat, ng Minmi, at ng Aschenaz: mangaghalal ng puno laban sa kaniya; pasampahin ang mga kabayo ng parang mga uod.

28 Magsihanda laban sa kaniya ang mga bansa, ang mga hari ng mga Medo, ang mga gobernador niyaon, at ang lahat na kinatawan niyaon, at ang buong lupain na kaniyang sakop.

29 At ang lupain ay manginginig at nasa paghihirap; sapagka’t ang mga pasiya ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananayo, upang sirain ang lupain ng Babilonia, na nawalan ng mananahan.

30 Ang mga makapangyarihan ng Babilonia ay nagsisiurong sa pakikipaglaban, sila’y nanatili sa kanilang mga katibayan; ang kanilang kapangyarihan ay nanglulupaypay; sila’y naging parang mga babae: ang kaniyang mga tahanang dako ay sinilaban; ang kaniyang mga halang ay nabali.

31 Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari sa Babilonia, na ang kaniyang bayan ay nasakop sa lahat ng sulok:

32 At ang mga tawiran ay nangasapol, at ang mga tambo ay nangasunog ng apoy, at ang mga lalaking mangdidigma ay nangatakot.

33 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan ng panahong yaon ng niyayapakan; sangdali na lamang, at ang panahon ng pagaani ay darating sa kaniya.

34 Nilamon ako ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, kaniyang pinisa ako, kaniyang ginawa akong sisidlan na walang laman, ako’y sinakmal niyang parang buwaya, kaniyang binusog ang kaniyang tiyan ng aking mga masarap na pagkain; kaniyang itinakuwil ako.

35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.

36 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.

37 At ang Babilonia ay magiging mga bunton, tahanang dako sa mga chakal, katigilan, at kasutsutan, na mawawalan ng mananahan.

38 Sila’y magsisiangal na magkakasama na parang mga batang leon; sila’y magsisiangal na parang mga anak ng leon.

39 Pagka sila’y nag-init, aking gagawin ang kanilang kapistahan, at akin silang lalanguhin, upang sila’y mangagalak, at patutulugin ng walang hanggang pagtulog, at huwag mangagising, sabi ng Panginoon.

40 Aking ibababa sila na parang mga kordero sa patayan, mga lalaking tupa na kasama ng mga kambing na lalake.

41 Ano’t nasakop ang Sesach! at ang kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano’t ang Babilonia ay naging kagibaan sa gitna ng mga bansa!

42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya’y natakpan ng karamihan ng mga alon niyaon.

43 Ang kaniyang mga bayan ay nasira, tuyong lupain at ilang, lupain na walang taong tumatahan, o dinaraanan man ng sinomang anak ng tao.

44 At ako’y maglalapat ng kahatulan kay Bel sa Babilonia, at aking ilalabas sa kaniyang bibig ang kaniyang nasakmal; at ang mga bansa ay hindi na bubugsong magkakasama pa sa kaniya: oo, ang kuta ng Babilonia ay mababagsak.

45 Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawa’t isa sa mabangis na galit ng Panginoon.

46 At huwag manganglupaypay ang inyong puso, o mangatakot man kayo sa balita na maririnig sa lupain; sapagka’t ang balita ay darating na isang taon, at pagkatapos niyaon ay darating sa ibang taon ang isang balita, at ang pangdadahas sa lupain, pinuno laban sa pinuno.

47 Kaya’t narito, ang mga araw ay dumarating, na ako’y maglalapat ng kahatulan sa mga larawang inanyuan sa Babilonia; at ang kaniyang buong lupain ay mapapahiya; at ang lahat ng mapapatay sa kaniya ay mangabubulagta sa gitna niya.

48 Kung magkagayo’y ang langit at ang lupa, at lahat na nandoon, magsisiawit dahil sa Babilonia sa kagalakan; sapagka’t ang mga manglilipol ay darating sa kaniya mula sa hilagaan, sabi ng Panginoon.

49 Kung paanong ibinuwal ng Babilonia ang namatay sa Israel, gayon mabubuwal sa Babilonia ang namatay sa buong lupain.

50 Kayong nangakatanan sa tabak, magsiyaon kayo, huwag kayong magsitigil; inyong alalahanin ang Panginoon sa malayo, at pasukin ang inyong pagiisip ng Jerusalem.

51 Kami ay nangapahiya, sapagka’t kami ay nangakarinig ng kakutyaan; kalituhan ay tumakip sa aming mga mukha: sapagka’t ang mga taga ibang lupa ay pumasok sa mga santuario ng bahay ng Panginoon.

52 Kaya’t narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako’y maglalapat ng kahatulan sa kaniyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay dadaing ang nasugatan.

53 Bagaman ang Babilonia ay umilanglang hanggang sa langit, at bagaman kaniyang patibayin ang kataasan ng kaniyang kalakasan, gayon ma’y darating sa kaniya ang mga manglilipol na mula sa akin, sabi ng Panginoon.

54 Ang ingay ng hiyaw na mula sa Babilonia, at ng malaking paglipol na mula sa lupain ng mga Caldeo!

55 Sapagka’t ang Panginoon ay nananamsam sa Babilonia, at nanglilipol doon ang dakilang tinig; at ang mga alon ng mga yaon ay nagsisihugong na parang maraming tubig; ang hugong ng kanilang kaingay ay lumabas:

56 Sapagka’t ang manglilipol ay dumating doon, sa Babilonia, at ang mga makapangyarihang lalake niyaon ay nangahuli, ang kanilang mga busog ay nagkaputolputol: sapagka’t ang Panginoon ay Dios ng mga kagantihan, siya’y tunay na magbabayad.

57 At aking lalanguhin ang kaniyang mga prinsipe at ang kaniyang mga pantas, ang kaniyang mga gobernador at ang kaniyang mga kinatawan, at ang kaniyang mga makapangyarihan; at siya’y matutulog ng walang hanggang pagtulog, at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang makapal na kuta ng Babilonia ay lubos na magigiba, at ang kaniyang mga mataas na pintuang-bayan ay masusunog ng apoy; at ang mga tao ay magpapagal sa walang kabuluhan, at ang mga bansa sa apoy; at sila’y mangapapagod.

59 Ang salita na iniutos ni Jeremias na propeta kay Seraias na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, ng siya’y pumaroon sa Babilonia na kasama ni Sedechias na hari sa Juda, nang ikaapat na taon ng kaniyang paghahari. Si Seraias nga ay punong bating.

60 At sinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat na kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat na salitang ito na nasusulat tungkol sa Babilonia.

61 At sinabi ni Jeremias kay Seraias, Pagdating mo sa Babilonia, iyo ngang tingnan na iyong basahin ang lahat na mga salitang ito,

62 At iyong sabihin, Oh Panginoon, ikaw ay nagsalita tungkol sa dakong ito, upang iyong ihiwalay, upang walang tumahan doon, maging tao o hayop man, kundi masisira magpakailan man.

63 At mangyayari, pagkatapos mong bumasa ng aklat na ito, na iyong tatalian ng bato, at ihahagis mo sa gitna ng Eufrates:

64 At iyong sasabihin, Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi lilitaw uli dahil sa kasamaan na aking dadalhin sa kaniya; at sila’y mapapagod. Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Jeremias 52

1 Si Sedechias ay dalawang pu’t isang taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga Libna.

2 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joacim.

3 Sapagka’t dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari yaon sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang napalayas sila sa kaniyang harapan. At si Sedechias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.

4 At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari, nang ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay dumating, siya at ang kaniyang buong hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at sila’y nangagtayo ng mga katibayan laban doon sa palibot.

5 Sa gayo’y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedechias.

6 Nang ikaapat na buwan nang ikasiyam na araw ng buwan, ang kagutom ay mahigpit sa bayan na anopa’t walang tinapay para sa bayan ng lupain.

7 Nang magkagayo’y nagkasira sa kuta ng bayan, at lahat ng lalaking mangdidigma ay nagsitakas, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa tabi ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay naging laban sa bayan sa palibot); at sila’y nagsiyaon sa daan ng Araba.

8 Nguni’t hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nangalat na napahiwalay sa kaniya.

9 Nang magkagayo’y kanilang hinuli ang hari, at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath; at siya’y nilapatan niya ng kahatulan.

10 At pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa harap ng kaniyang mga mata: kaniyang pinatay rin ang lahat na prinsipe ng Juda sa Ribla.

11 At kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias; at ginapos siya ng tanikalang tanso ng hari sa Babilonia, at dinala siya sa Babilonia, at inilagay siya sa bilangguan hanggang sa araw ng kaniyang pagkamatay.

12 Nang ikalimang buwan nga sa ikasangpung araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, dumating sa loob ng Jerusalem si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, na tumayo sa harap ng hari sa Babilonia.

13 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at lahat ng mga bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga’y bawa’t malaking bahay, sinunog niya ng apoy.

14 At ang buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng kapitan ng bantay, nagbagsak ng lahat ng kuta sa Jerusalem sa palibot.

15 Nang magkagayo’y dinalang bihag ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, at yaong mga takas, na nagsitakas sa hari sa Babilonia, at ang nalabi sa karamihan.

16 Nguni’t nagiwan si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, sa mga dukha sa lupain upang maging mga manguubasan at mga mangbubukid.

17 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, ang mga tungtungan, at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, pinagputolputol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat na tanso ng mga yaon sa Babilonia.

18 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga mankok, at ang mga kuchara, at lahat na sisidlan na tanso, na kanilang ipinangangasiwa, dinala nila.

19 At ang mga saro, at ang mga apuyan, at ang mga mankok, at ang mga palayok, at ang mga kandelero, at ang mga kuchara, at ang mga tasa, ang ginto sa ginto, at ang pilak sa pilak, dinala ng kapitan ng bantay.

20 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang labing dalawang torong tanso na nangasa ilalim ng mga tungtungan, na ginawa ng haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng sisidlang ito ay walang timbang.

21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labing walong siko; at isang pisi na labing dalawang siko ay naililibid doon; at ang kapal niyao’y apat na daliri: may guwang.

22 At isang kapitel na tanso ay nasa ibabaw niyaon; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot, taganas na tanso: at ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.

23 At mayroong siyam na pu’t anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isang daan na yaring nilambat sa palibot.

24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraias na pangulong saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

25 At sa bayan ay kinuha niya ang isang oficial na inilagay niya sa mga lalaking mangdidigma; at pitong lalake sa kanila na nangakakita ng mukha ng hari, na nasumpungan sa bayan; at ang kalihim ng kapitan ng hukbo, na pumipisan ng bayan ng lupain, at anim na pung katao sa bayan ng lupain, na nangasumpungan sa gitna ng bayan.

26 At dinala sila ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

27 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at ipinapatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Gayon nadalang bihag ang Juda, mula sa kaniyang lupain.

28 Ito ang bayan na dinalang bihag ni Nabucodonosor nang ikapitong taon, tatlong libo at dalawang pu’t tatlong Judio:

29 Nang ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor ay nagdala siya ng bihag na mula sa Jerusalem na walong daan at tatlong pu’t dalawang tao:

30 Nang ikadalawang pu’t tatlong taon ni Nabucodonosor ay nagdala ng bihag sa mga Judio si Nabuzaradan na kapitan ng bantay na pitong daan at apat na pu’t limang tao: lahat na tao ay apat na libo at anim na raan.

31 At nangyari, nang ikatatlong pu’t pitong taon ng pagkabihag kay Joacim na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawang pu’t limang araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang unang taon ng kaniyang paghahari, nagtaas ng ulo ni Joacim na hari sa Juda, at inilabas niya siya sa bilangguan;

32 At siya’y nagsalitang may kagandahang-loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan na lalong mataas kay sa luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

33 At kaniyang binago ang kaniyang mga damit na pagkabihag. At si Joacim ay laging kumain ng tinapay sa harap niya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

34 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari sa Babilonia, bawa’t araw isang bahagi ng pagkain hanggang sa kaarawan ng kaniyang kamatayan, lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

Isaias 1

1 Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga kaarawan ni Uzias, ni Jotham, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda.

2 Dinggin mo, Oh langit, at pakinggan mo, Oh lupa, sapagka’t sinalita ng Panginoon: Ako’y nagalaga at nagpalaki ng mga bata, at sila’y nanganghimagsik laban sa akin.

3 Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kaniyang panginoon: nguni’t ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita.

4 Ah bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila’y nangapalayo na nagsiurong.

5 Bakit kayo’y hahampasin pa, na kayo’y manganghimagsik ng higit at higit? ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay.

6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang kagalingan; kundi mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat: hindi nangatikom, o nangatalian man, o nangapahiran man ng langis.

7 Ang inyong lupain ay giba; ang inyong mga bayan ay sunog ng apoy; ang inyong lupain ay nilalamon ng mga taga ibang lupa sa inyong harapan, at giba, na gaya ng iniwasak ng mga taga ibang lupa.

8 At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob.

9 Kung hindi nagiwan sa atin ng napakakaunting labi ang Panginoon ng mga hukbo, naging gaya sana tayo ng Sodoma, naging gaya sana tayo ng Gomorra.

10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Dios, kayong bayan ng Gomorra.

11 Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? sabi ng Panginoon: ako’y puno ng mga handog na susunugin na mga lalaking tupa, at ng mataba sa mga hayop na pinataba; at ako’y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, o ng mga kordero o ng mga kambing na lalake.

12 Nang kayo’y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban?

13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; kamangyan ay karumaldumal sa akin; ang bagong buwan, at ang sabbath, ang tawag ng mga kapulungan, hindi ako makapagtitiis ng kasamaan at ng takdang pulong.

14 Ipinagdaramdam ng aking puso ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga takdang kapistahan: mga kabagabagan sa akin; ako’y pata ng pagdadala ng mga yaon.

15 At pagka inyong iginagawad ang inyong mga kamay, aking ikukubli ang aking mga mata sa inyo: oo, pagka kayo’y nagsisidalangin ng marami, hindi ko kayo didinggin: ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.

16 Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan:

17 Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao.

18 Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa,

19 Kung kayo’y magkusa at mangagmasunurin, kayo’y magsisikain ng buti ng lupain:

20 Nguni’t kung kayo’y magsitanggi at manganghimagsik, kayo’y lilipulin ng tabak: sapagka’t sinalita ng bibig ng Panginoon.

21 Ano’t ang tapat na bayan ay naging tila patutot! noong una siya’y puspos ng kahatulan! katuwiran ay tumatahan sa kaniya, nguni’t ngayo’y mga mamamatay tao.

22 Ang iyong pilak ay naging dumi, ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.

23 Ang iyong mga pangulo ay mapanghimagsik, at mga kasama ng mga tulisan; bawa’t isa’y umiibig ng mga suhol, at naghahangad ng mga kabayaran: hindi nila hinahatulan ang ulila, o pinararating man sa kanila ang usap ng babaing bao.

24 Kaya’t sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ng Makapangyarihan ng Israel, Ah kukuhang sulit ako sa aking mga kaalit, at manghihiganti ako sa aking mga kaaway.

25 At aking ibabalik ang aking kamay sa iyo, at aking lilinising lubos ang naging dumi mo, at aalisin ko ang iyong lahat na tingga:

26 At aking papananauliin ang iyong mga hukom na gaya ng una, at ang iyong mga kasangguni na gaya ng pasimula: pagkatapos ay tatawagin ka, Ang bayan ng katuwiran, ang tapat na bayan.

27 Ang Sion ay tutubusin ng kahatulan, at ng katuwiran ang kaniyang mga nahikayat.

28 Nguni’t ang pagkalipol ng mga mananalangsang at ng mga makasalanan ay magkakapisan, at silang nagtatakuwil sa Panginoon ay mangalilipol.

29 Sapagka’t kanilang ikahihiya ang mga encina na inyong ninasa, at kayo’y mangalilito dahil sa mga halamanan na inyong pinili.

30 Sapagka’t kayo’y magiging parang encina na ang dahon ay nalalanta, at parang halamanan na walang tubig.

31 At ang malakas ay magiging parang taling estopa, at ang kaniyang gawa ay parang alipato; at kapuwa sila magliliyab, at walang papatay sa apoy.

Isaias 2

1 Ang salita na naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.

2 At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.

3 At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo’y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka’t mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.

4 At siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.

5 Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo’y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.

6 Sapagka’t iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka’t sila’y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at mga enkantador gaya ng mga Filisteo, at sila’y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa.

7 Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo.

8 Ang kanila namang lupain ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.

9 At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya’t huwag mong patawarin sila.

10 Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan.

11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.

12 Sapagka’t magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao’y mabababa:

13 At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan;

14 At sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas;

15 At sa bawa’t matayog na moog, at sa bawa’t kutang nababakod:

16 At sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay.

17 At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.

18 At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos.

19 At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya’y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

20 Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki;

21 Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya’y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

22 Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka’t sa ano pahahalagahan siya?

Isaias 3

1 Sapagka’t, narito, ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay nagaalis sa Jerusalem at sa Juda ng alalay at tungkod, ng buong alalay na tinapay at ng buong alalay na tubig;

2 Ng makapangyarihang lalake, at ng lalaking mangdidigma; ng hukom, at ng propeta, at ng manghuhula, at ng matanda;

3 Ng kapitan ng lilimang puin, at ng marangal na tao, at ng tagapayo, at ng bihasang manggagawa, at ng matalinong mangeenkanto.

4 At mga bata ang ilalagay kong maging kanilang mga pangulo, at mga sanggol ang magpupuno sa kanila.

5 At ang bayan ay mapipighati, bawa’t isa’y ng iba, at bawa’t isa’y ng kaniyang kapuwa: ang bata ay magpapalalo laban sa matanda at ang hamak laban sa marangal.

6 Pagka ang lalake ay hahawak sa kaniyang kapatid sa bahay ng kaniyang ama, na magsasabi: Ikaw ay may damit, ikaw ay maging aming pinuno, at ang pagkabagsak ito ay mapasa ilalim ng iyong kamay:

7 Sa araw na yaon ay manglalakas siya ng kaniyang tinig, na magsasabi, Hindi ako magiging tagapagpagaling; sapagka’t sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man; huwag ninyo akong gawing pinuno ng bayan.

8 Sapagka’t ang Jerusalem ay giba, at ang Juda ay bagsak: sapagka’t ang kanilang dila at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon, upang mungkahiin ang mga mata niyang maluwalhati.

9 Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila; at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma, hindi nila ikinukubli. Sa aba ng kanilang kaluluwa! sapagka’t sila’y nagsiganti ng kasamaan sa kanilang sarili.

10 Sabihin ninyo sa matuwid, na ikabubuti niya: sapagka’t sila’y magsisikain ng bunga ng kanilang mga gawa.

11 Sa aba ng masama! ikasasama niya: sapagka’t ang kagantihan sa kaniyang mga kamay ay mabibigay sa kaniya.

12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang mga mamimighati sa kanila, at mga babae ang mangagpupuno sa kanila. Oh bayan ko, silang nagsisipatnubay sa iyo, mangagliligaw sa iyo, at sisira ng daan ng iyong mga landas.

13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang, at tumayo upang humatol sa mga bayan.

14 Ang Panginoon ay hahatol sa mga matanda ng kaniyang bayan, at sa mga pangulo niyaon; Kayo ang nagkainan sa ubasan: ang samsam sa dukha ay nasa inyong mga bahay;

15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinidikdik ang aking bayan, at inyong ginigiling ang mukha ng dukha? sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

16 Bukod dito’y sinabi ng Panginoon, Sapagka’t ang mga anak na babae ng Sion ay mga mapagmataas, at nagsisilakad na mga may kapalaluan at mga matang nakairap, na nagsisilakad at nagsisikendeng habang nagsisiyaon, at nagpapakalatis ng kanilang mga paa:

17 Kaya’t papaglalangibin ng Panginoon ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Sion, at huhubdan ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.

18 Sa araw na yaon ay aalisin ng Panginoon ang kagayakan ng kanilang mga hiyas ng paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan;

19 Ang mga hikaw, at ang mga pulsera, at ang mga lambong na pangmukha;

20 Ang mga laso ng buhok, at ang mga kuwintas sa bukong-bukong, at ang mga pamigkis, at ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga amuleto;

21 Ang mga singsing, at ang mga hiyas na pang-ilong;

22 Ang mga damit na pamista, at ang mga balabal, at ang mga panleeg, at ang mga supot;

23 Ang mga maliit na salamin, at ang mainam na kayong lino, at ang mga turbante, at ang mga lambong.

24 At mangyayari na sa halip na mga mainam na especia ay kabulukan; at sa halip na pamigkis ay panali; at sa halip na buhok na ayos ay kakalbuhan; at sa halip na pamigkis na mainam ay pamigkis na kayong magaspang; hero sa halip ng kagandahan.

25 Ang iyong mga lalake ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang iyong mga makapangyarihan ay sa pakikipagdigma.

26 At ang kaniyang mga pintuang-bayan ay tataghoy at magsisitangis; at siya’y magiging giba at guho sa lupa.

Isaias 4

1 At pitong babae ay magsisihawak sa isang lalake sa araw na yaon, na mangagsasabi, Kami ay magsisikain ng aming sariling tinapay, at mangagsusuot ng aming sariling kasuutan: tawagin lamang kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kadustaan.

2 Sa araw na yaon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay magiging magaling at mainam sa kanilang mga taga Israel na nangakatanan.

3 At mangyayari, na siyang naiwan sa Sion, at siyang nalabi sa Jerusalem, tatawaging banal, sa makatuwid baga’y bawa’t nasusulat sa mga nabubuhay sa Jerusalem:

4 Pagka huhugasan ng Panginoon ang karumhan ng mga anak na babae ng Sion, at lilinisin ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng bisa ng kahatulan, at sa pamamagitan ng bisa ng pagniningas.

5 At ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong tahanan ng bundok ng Sion, at sa itaas ng kaniyang mga kapulungan ng isang ulap at usok sa araw, at ng liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi: sapagka’t sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang kubong na kayo.

6 At magkakaroon ng kanlungan upang maging lilim sa kaarawan laban sa init, at upang maging kanlungan at kublihan sa bagyo at sa ulan.

Isaias 5

1 Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol:

2 At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.

3 At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.

4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano’t nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?

5 At ngayo’y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:

6 At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.

7 Sapagka’t ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya’y naghihintay ng kahatulan, nguni’t narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni’t narito, daing.

8 Sa aba nila, na nangaguugpong ng bahay sa bahay, na nangaglalagay ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan ng pagitan, at kayo’y magsisitahang magisa sa gitna ng lupain!

9 Sa aking mga pakinig ay sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sa katotohana’y maraming bahay ang magigiba, malalaki at magaganda, na walang mananahan.

10 Sapagka’t sangpung acre ng ubasan ay mangagbubunga ng isang bath, at isang homer na binhi ay magbubunga ng isang epa.

11 Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga, upang sila’y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa magalab ang alak sa kanila!

12 At ang alpa at ang viola, ang pandareta at ang plauta, at ang alak, ay nangasa kanilang mga kapistahan: nguni’t hindi nila pinakundanganan ang gawa ng Panginoon, o ginunita man nila ang gawa ng kaniyang mga kamay.

13 Kaya’t ang aking bayan ay nasok sa pagkabihag, sa kasalatan sa kaalaman: at ang kanilang mararangal na tao ay nangagugutom, at ang kanilang karamihan ay nangahahandusay sa uhaw.

14 Kaya’t pinalaki ng Sheol ang kaniyang nasa, at ibinuka ang kaniyang bibig ng walang sukat: at ang kanilang kaluwalhatian, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.

15 At ang taong hamak ay pinayuyukod, at ang makapangyarihang tao ay pinapagpapakumbaba, at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba:

16 Nguni’t ang Panginoon ng mga hukbo ay nabunyi sa kahatulan, at ang Dios na Banal ay inaring banal sa katuwiran.

17 Kung magkagayo’y sasabsab ang mga kordero na gaya sa kanilang sabsaban, at ang mga sirang dako ng matataba ay kakanin ng mga palaboy.

18 Sa aba nila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng walang kabuluhan, at ng kasalanan na tila panali ng kariton:

19 Na nagsasabi, Magmaliksi siya, madaliin niya ang kaniyang gawa upang aming makita: at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang aming maalaman!

20 Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!

21 Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at mabait sa kanilang sariling paningin!

22 Sa aba nila na malakas uminom ng alak, at mga taong malakas sa paghahalo ng matapang na inumin:

23 Na nagsisiaring ganap sa masama dahil sa suhol, at inaalis ang katuwiran sa matuwid!

24 Kaya’t kung paanong ang liyab ng apoy ay pumupugnaw ng pinagputulan ng trigo, at kung paanong ang tuyong damo ay nasusupok sa alab, gayon magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay iilanglang na gaya ng alabok: sapagka’t kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

25 Kaya’t nagalab ang galit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at iniunat niya ang kaniyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga burol ay nanginig, at ang kanilang mga bangkay ay naging dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kaniyang galit, kundi laging nakaunat ang kaniyang kamay.

26 At siya’y magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo, at susutsutan sila mula sa wakas ng lupa: at, narito, sila’y darating na lubhang nagmamadali:

27 Walang mapapagod o matitisod man sa kanila; walang iidlip o matutulog man; ni hindi man kakalagin ang pamigkis ng kanilang mga balakang, o mapapatid man ang mga panali ng kanilang mga panyapak:

28 Na ang kanilang mga pana ay hasa, at lahat nilang busog ay nangakaakma; ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay maibibilang na parang pingkiang bato, at ang kanilang mga gulong ay parang ipoipo:

29 Ang kanilang angal ay magiging gaya ng sa leon, sila’y magsisiangal na gaya ng mga batang leon: oo, sila’y magsisiangal, at magsisipangal ng huli, at tatangayin, at walang magliligtas.

30 At ang mga yao’y magsisiangal laban sa kanila sa araw na yaon na gaya ng hugong ng dagat: at kung tingnan ang lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay magdidilim sa mga ulap niyaon.

Isaias 6

1 Noong taong mamatay ang haring Uzzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian.

2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa’t isa’y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.

3 At nagsisigawang isa’t isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.

4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.

5 Nang magkagayo’y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka’t ako’y napahamak; sapagka’t ako’y lalaking may maruming mga labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka’t nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.

6 Nang magkagayo’y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit mula sa dambana:

7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.

8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo’y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.

9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, inyong naririnig nga, nguni’t hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni’t hindi ninyo namamalas.

10 Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata; at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling.

11 Nang magkagayo’y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya’y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba,

12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.

13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.