Isaias 7

1 At nangyari, nang mga kaarawan ni Achaz na anak ni Jotham, anak ni Uzzias, na hari sa Juda, na si Rezin na hari sa Siria, at si Peca na anak ni Remalias, hari sa Israel, ay nagsiahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon; nguni’t hindi nanganaig laban doon.

2 At nasaysay sa sangbahayan ni David, na sinasabi, Ang Siria ay nalakip sa Ephraim. At ang puso niya’y nakilos, at ang puso ng kaniyang bayan na gaya ng mga punong kahoy sa gubat na kinilos ng hangin.

3 Nang magkagayo’y sinabi ng Panginoon kay Isaias, Lumabas ka na iyong salubungin si Achaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng nagpapaputi ng kayo;

4 At sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay magingat, at tumahimik ka; huwag kang matakot, o manglupaypay man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.

5 Dahil sa ang Siria ay pumayo ng masama laban sa iyo, ang Ephraim din naman, at ang anak ni Remalias, na nagsasabi,

6 Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating bagabagin, at ating papasukin sila, at tayo’y maglagay ng hari sa gitna niyaon, sa makatuwid baga’y ang anak ni Tabeel:

7 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Hindi matatayo o mangyayari man.

8 Sapagka’t ang pangulo ng Siria ay ang Damasco, at ang pangulo ng Damasco ay ang Rezin: at sa loob ng anim na pu’t limang taon ay magkakawatakwatak ang Ephraim, upang huwag maging bayan:

9 At ang pangulo ng Ephraim ay ang Samaria, at ang pangulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung kayo’y hindi maniniwala, tunay na hindi kayo mangatatatag.

10 At ang Panginoon ay nagsalita uli kay Achaz, na nagsasabi,

11 Humingi ka sa ganang iyo ng tanda na mula sa Panginoon mong Dios; humingi ka maging sa kalaliman, o sa kaitaasan sa itaas.

12 Nguni’t sinabi ni Achaz, Hindi ako hihingi, ni tutuksuhin ko man ang Panginoon.

13 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon, Oh sangbahayan ni David; maliit na bagay ba sa inyo ang mamagod sa mga tao na inyong papagurin rin ang aking Dios?

14 Kaya’t ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.

15 Siya’y kakain ng mantekilla at pulot, pagka siya’y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.

16 Sapagka’t bago maalaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, pababayaan ang lupain ng dalawang haring iyong kinayayamutan.

17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, at sa iyong bayan, at sa sangbahayan ng iyong magulang ng mga araw na hindi nangyari mula ng araw na humiwalay ang Ephraim sa Juda; sa makatuwid baga’y ang hari sa Asiria.

18 At mangyayari sa araw na yaon, na susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahulihulihang bahagi ng mga ilog ng Egipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.

19 At sila’y magsisidating, at silang lahat ay mangagpapahinga sa mga gibang libis, at sa mga bitak ng malalaking bato, at sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.

20 Sa araw na yaon ay aahitin ng Panginoon ang ulo at ang balahibo ng mga paa, ng pangahit na inupahan, ang nangasa bahagi ng dako roon ng Ilog, ang hari sa Asiria: at aalisin din ang balbas.

21 At mangyayari sa araw na yaon, na ang isang tao ay magaalaga ng guyang baka, at ng dalawang tupa;

22 At mangyayari, na dahil sa kasaganaan ng gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng mantekilla: sapagka’t ang bawa’t isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng mantekilla at pulot.

23 At mangyayari sa araw na yaon, na ang bawa’t dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.

24 Paroroon ang isa na may mga pana at may busog; sapagka’t ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.

25 At ang lahat ng burol na hinukay ng azarol, hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; kundi magiging pagalaan sa mga baka, at yurakan ng mga tupa.

Isaias 8

1 At sinabi ng Panginoon sa akin, Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng panulat ng tao, Kay Maher-salalhash-baz;

2 At magdadala ako ng mga tapat na saksi upang mangagpaalaala, si Urias na saserdote, at si Zacarias na anak ni Jeberechias.

3 At ako’y naparoon sa propetisa; at siya’y naglihi, at nanganak ng isang lalake. Nang magkagayo’y sinabi ng Panginoon sa akin, Tawagin mo ang kaniyang pangalan na Maher-salalhash-baz.

4 Sapagka’t bago ang anak ay matutong dumaing ng, Ama ko, at: Ina ko, ang mga kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay dadalahin sa harap ng hari ng Asiria.

5 At nagsalita pa ang Panginoon uli sa akin, na nagsasabi,

6 Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na nagsisiagos na marahan, at siya’y nagagalak kay Rezin at sa anak ni Remalias;

7 Ngayon nga, narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, sa makatuwid baga’y ang hari sa Asiria at ang buo niyang kaluwalhatian: at siya’y aahon sa lahat niyang bangbang, at aapaw sa buo niyang baybayin:

8 At magpapatuloy sa dako ng loob ng Juda; aapaw at lalampas; aabot hanggang sa leeg; at ang laganap ng kaniyang mga pakpak ay siyang magpupuno ng kaluwangan ng iyong lupain, Oh Emmanuel.

9 Kayo’y magsamasama, Oh mga bayan, at kayo’y mangagkakawatakwatak; at kayo’y mangakinig, kayong lahat na taga malayong lupain: mangagbigkis kayo, at kayo’y mangagkakawatakwatak; kayo’y mangagbigkis, at kayo’y mangagkakawatakwatak.

10 Mangagsanggunian kayo, at yao’y mauuwi sa wala; mangagsalita kayo ng salita at hindi matatayo: sapagka’t ang Dios ay sumasaamin.

11 Sapagka’t ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12 Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.

13 Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong aariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.

14 At siya’y magiging pinakasantuario; nguni’t pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

15 At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.

16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.

17 At aking hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking hahanapin siya.

18 Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga pinakatanda at pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.

19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay?

20 Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.

21 At sila’y magsisidaan doon, na nahihirapan at gutom: at mangyayari, na pagka sila’y mangagugutom, sila’y mangagagalit, at magsisisumpa alangalang sa kanilang hari at sa kanilang Dios, at ititingala nila ang kanilang mga mukha:

22 At sila’y titingin sa lupa, at, narito, kahirapan at kadiliman, ulap ng kahapisan, at sa salimuot na kadiliman ay itataboy sila.

Isaias 9

1 Gayon man ay hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni’t sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa.

2 Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag.

3 Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila’y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam.

4 Sapagka’t ang pamatok na kaniyang pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng Madian.

5 Sapagka’t ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy.

6 Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

7 Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

8 Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel,

9 At malalaman ng buong bayan ng Ephraim, at ng nananahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo,

10 Ang mga laryo ay nangahulog, nguni’t aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni’t aming papalitan ng mga cedro.

11 Kaya’t itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit;

12 Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

13 Gayon ma’y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.

14 Kaya’t puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo’t buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw.

15 Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot.

16 Sapagka’t silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak.

17 Kaya’t ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka’t bawa’t isa ay marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa’t bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

18 Sapagka’t ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.

19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid.

20 At isa’y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, at hindi sila mabubusog: sila’y magsisikain bawa’t isa ng laman ng kaniyang sariling bisig:

21 Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

Isaias 10

1 Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan:

2 Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila!

3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo’y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian?

4 Sila’y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

5 Hoy, taga Asiria, na pamalo ng aking galit, siyang tungkod na kasangkapan ng aking pag-iinit.

6 Aking susuguin siya laban sa maruming bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay pagbibilinan ko siya, upang manamsam, at upang manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.

7 Gayon ma’y hindi niya inaakalang gayon, o iniisip mang gayon ng kaniyang puso; kundi ang nasa kaniyang puso ay manggiba, at manglipol ng mga bansa na hindi kakaunti.

8 Sapagka’t kaniyang sinasabi, Hindi baga ang aking mga pangulo ay hari silang lahat?

9 Hindi baga ang calno ay gaya ng Carchemis? hindi ba ang Hamath ay gaya ng Arphad? hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?

10 Kung paanong nakasumpong ang aking kamay ng mga kaharian ng mga diosdiosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mga higit ng dami kay sa Jerusalem at sa Samaria;

11 Hindi ko baga gagawing gayon sa Jerusalem at sa kaniyang mga diosdiosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kaniyang mga diosdiosan?

12 Kaya’t mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.

13 Sapagka’t kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka’t ako’y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:

14 At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako’y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.

15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.

16 Kaya’t pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.

17 At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.

18 At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.

19 At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.

20 At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.

21 Isang nalabi ay manunumbalik, sa makatuwid baga’y ang nalabi sa Jacob, sa makapangyarihang Dios.

22 Sapagka’t bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran.

23 Sapagka’t ang kagibaan, at ang ipinasiya, gagawin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, sa gitna ng buong lupa.

24 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Oh bayan kong tumatahan sa Sion, huwag kang matakot sa taga Asiria: bagaman ikaw ay sinaktan niya ng pamalo at nagtaas ng kaniyang tungkod laban sa iyo, ayon sa paraan ng Egipto.

25 Sapagka’t sangdali pa, at ang pagkagalit ay magaganap, at ang aking galit, sa kanilang ikamamatay.

26 At ibabangon ng Panginoon ng mga hukbo, ang kasakunaan laban sa kaniya, na gaya ng pagpatay sa Madian sa bato ng Oreb: at ang kaniyang panghampas ay malalagay sa dagat, at kaniyang itataas ng ayon sa paraan ng Egipto.

27 At mangyayari sa araw na yaon, na ang atang niya ay mahihiwalay sa iyong balikat, at ang kaniyang ipinasan sa iyong leeg, at ang ipinasan ay malalagpak dahil sa pinahiran.

28 Siya’y dumating sa Ajad, siya’y nagdaan sa Migron; sa Michmas inilalapag niya ang kaniyang mga daladalahan:

29 Sila’y nangagdaraan sa landas; sila’y nagsituloy na nangagpahinga sa Geba: ang Rama ay nanginginig; ang Gabaa ni Saul ay tumakas.

30 Humiyaw kang malakas ng iyong tinig, Oh anak na babae ng Galim! duminig ka, Oh Lais! Oh ikaw na kaawaawang Anathoth!

31 Madmena ay palaboy; ang mga nananahan sa Gebim ay nagtitipon upang magsitakas.

32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob: kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa bundok ng anak na babae ng Sion, na burol ng Jerusalem.

33 Narito, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, na kakilakilabot ang mga sanga: at ang mga mataas sa anyo ay ibubuwal, at ang mapagmataas ay ibababa.

34 At kaniyang puputulin ang mga siitan ng gubat sa pamamagitan ng bakal, at ang Libano ay mawawasak sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.

Isaias 11

1 At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:

2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;

3 At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:

4 Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.

5 At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.

6 At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.

7 At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.

8 At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.

9 Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka’t ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

10 At mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.

11 At mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa Patros, at mula sa Cus, at mula sa Elam, at mula sa Sinar, at mula sa Amath, at mula sa mga pulo ng dagat.

12 At siya’y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.

13 Ang inggit naman ng Ephraim ay maaalis, at ang mga lumiligalig ng Juda ay mahihiwalay: ang Ephraim ay hindi maiinggit sa Juda, at ang Juda ay hindi liligalig sa Ephraim.

14 At sila’y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.

15 At lubos na sisirain ng Panginoon ang look ng dagat ng Egipto; at iwawaswas ang kaniyang kamay sa Ilog ng kaniyang malakas na hangin, at papagpipituhing batis, at palalakarin ang mga tao na hindi basa ang mga paa.

16 At magkakaroon ng isang lansangan sa nalabi sa kaniyang bayan, na malalabi, mula sa Asiria; gaya ng nagkaroon sa Israel ng araw na siya’y umahon mula sa lupain ng Egipto.

Isaias 12

1 At sa araw na yaon ay iyong sasabihin, Ako’y pasasalamat sa iyo, Oh Panginoon; sapagka’t bagaman ikaw ay nagalit sa akin ang iyong galit ay napawi, at iyong inaaliw ako.

2 Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako’y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka’t ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya’y naging aking kaligtasan.

3 Kaya’t kayo’y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

4 At sa araw na yao’y inyong sasabihin, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon, kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan, ipahayag ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bayan, sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay marangal.

5 Magsiawit kayo sa Panginoon; sapagka’t siya’y gumawa ng mga marilag na bagay: ipaalam ito sa buong lupa.

6 Humiyaw ka ng malakas at sumigaw ka, ikaw na nananahan sa Sion: sapagka’t dakila ang Banal ng Israel sa gitna mo.

Isaias 13

1 Ang hula tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

2 Kayo’y mangaglagay ng isang watawa’t sa bundok, na walang punong kahoy, mangaglakas kayo ng tinig sa kanila, inyong senyasan ng kamay, upang sila’y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.

3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga, oo, aking tinawag ang aking mga makapangyarihang lalake dahil sa aking galit, sa makatuwid baga’y ang nangagagalak sa aking kamahalan.

4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, gaya ng malaking bayan: ang ingay ng kagulo ng mga kaharian ng mga bansa na nagpipisan! pinipisan ng Panginoon ng mga hukbo ang hukbo ukol sa pagbabaka.

5 Sila’y nangagmumula sa malayong lupain, mula sa kaduluduluhang bahagi ng langit, sa makatuwid baga’y ang Panginoon, at ang mga almas ng kaniyang galit, upang gibain ang buong lupain.

6 Magsiangal kayo; sapagka’t ang araw ng Panginoon ay malapit na; darating na pinaka paggiba na mula sa Makapangyarihan sa lahat.

7 Kaya’t lahat ng kamay ay manghihina, at bawa’t puso ng tao ay manglulumo:

8 At sila’y manglulupaypay; mga pagdaramdam at mga kapanglawan ay dadanasin nila; sila’y mangaghihirap na gaya ng babae sa pagdaramdam: mangagkakatigilan; ang kanilang mga mukha ay magiging parang liyab.

9 Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.

10 Sapagka’t ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.

11 At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.

12 At aking gagawin ang isang lalake ay maging mahalaga kay sa dalisay na ginto, ang tao na higit kay sa dalisay na ginto ng Ophir.

13 Kaya’t aking panginginigin ang mga langit, at ang lupa ay yayanigin mula sa kinaroroonan sa poot ng Panginoon ng mga hukbo, at sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit,

14 At mangyayari, na kung paano ang usang hinahabol, at kung paano ang mga tupa na walang pumisan, ay magsisibalik sila bawa’t isa sa kaniyang sariling bayan, at tatakas bawa’t isa sa kaniyang sariling lupain.

15 Bawa’t masusumpungan ay palalagpasan; at bawa’t nahuli ay mabubuwal sa tabak.

16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin sa harap ng kanilang mga mata; ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay dadahasin.

17 Narito, aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila, na hindi magpapakundangan sa pilak, at tungkol sa ginto, hindi nila kaluluguran.

18 At pagluluraylurayin ng kanilang mga busog ang mga binata; at sila’y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata; ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.

19 At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Dios ang Sodoma at Gomorra.

20 Hindi matatahanan kailan man, ni di tatahanan sa buong panahon: ni di magtatayo roon ang taga Arabia ng tolda; ni di pahihigain doon ng mga pastor ang kanilang kawan.

21 Kundi mga maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon; at ang kanilang mga bahay ay mangapupuno ng mga hayop na nagsisiungal; at mga avestruz ay magsisitahan doon, at ang mga lalaking kambing ay magluluksuhan roon.

22 At ang mga lobo ay magsisihiyaw sa kanilang mga moog, at ang mga chakal sa mga maligayang palasio: at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit, at ang kanilang mga kaarawan ay hindi magtatagal.

Isaias 14

1 Sapagka’t ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at kaniyang pipiliin pa ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain: at ang taga ibang lupa ay lalakip sa kanila, at sila’y masasanib sa sangbahayan ni Jacob.

2 At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako: at aariin sila ng sangbahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon, na mga pinakaaliping lalake at babae: at kanilang bibihagin sila, na nagsibihag sa kanila; at mangagpupuno sila sa mga mamimighati sa kanila.

3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,

4 Na iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! ang bayang ginto ay naglikat!

5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang cetro ng mga pinuno;

6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.

7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila’y biglang nagsisiawit.

8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.

9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga’y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.

10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba’y naging gaya namin?

11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.

12 Ano’t nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!

13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako’y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako’y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan:

14 Ako’y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako’y magiging gaya ng Kataastaasan.

15 Gayon ma’y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.

16 Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;

17 Na ginawang gaya ng ilang ang sanglibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpakawala ng kaniyang mga bilanggo upang magsiuwi?

18 Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa’t isa’y sa kaniyang sariling bahay.

19 Nguni’t ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng hukay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.

20 Ikaw ay hindi malalakip sa kanila sa libingan, sapagka’t iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi lalagi magpakailan man.

21 Mangaghanda kayo na pumatay sa kanilang mga anak dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang; upang sila’y huwag magsibangon, at ariin ang lupain, at punuin ang ibabaw ng lupa ng mga bayan.

22 At ako’y babangon laban sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ihihiwalay ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak, sabi ng Panginoon.

23 Akin namang gagawing pinakaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

24 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsabi, Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon mananayo:

25 Na aking lalansagin ang taga Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo’y mahihiwalay ang kaniyang atang sa kanila, at ang ipinasan niya ay mahihiwalay sa kanilang balikat.

26 Ito ang panukala na aking pinanukala sa buong lupa: at ito ang kamay na umunat sa lahat ng mga bansa.

27 Sapagka’t pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong?

28 Nagkaroon ng hulang ito nang taong mamatay ang haring Achaz.

29 Ikaw ay huwag magalak, ikaw na buong Filistia, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo: sapagka’t sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kaniyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.

30 At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang mapagkailangan ay mahihigang tiwasay: at aking papatayin ng gutom ang iyong angkan, at ang nalabi sa iyo ay papatayin.

31 Ikaw ay umungal, Oh pintuang-bayan; ikaw ay humiyaw, Oh bayan; ikaw ay napugnaw, Oh ikaw na buong Filistia; sapagka’t lumalabas ang usok na mula sa hilagaan, at walang malalabi sa kaniyang mga takdang panahon.

32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? Na itinayo ng Panginoon ang Sion, at doon nanganganlong ang nagdadalamhati sa kaniyang bayan.

Isaias 15

1 Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka’t sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka’t sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.

2 Siya’y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa’t balbas ay gupit.

3 Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa’t isa, na umiiyak ng di kawasa.

4 At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya’t ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.

5 Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka’t sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka’t sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.

6 Sapagka’t ang tubig ng Nimrim ay natuyo, sapagka’t ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay.

7 Kaya’t ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce.

8 Sapagka’t ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa Beer-elim.

9 Sapagka’t ang tubig ng Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka’t magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.

Isaias 16

1 Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.

2 Sapagka’t mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon.

3 Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.

4 Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka’t ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.

5 At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa’y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.

6 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya’y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.

7 Kaya’t aangal ang Moab dahil sa Moab, bawa’t isa’y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.

8 Sapagka’t ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila’y nagsisapit hanggang sa Jazer, sila’y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila’y nagsitawid sa dagat.

9 Kaya’t iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka’t sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.

10 At ang kasayahan ay naalis, at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.

11 Kaya’t ang aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.

12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya’y napagod sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.

13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab sa panahong nakaraan.

14 Nguni’t ngayo’y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.