Isaias 27

1 Sa araw na yaon ay parurusahan ng Panginoon, ng kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak ang leviatan na maliksing ahas, at ang leviatan na lumilikaw na ahas, at kaniyang papatayin ang buwaya na nasa dagat.

2 Sa araw na yaon: Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang ubasang pinagkunan ng alak.

3 Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi’t araw.

4 Kagalitan ay hindi sumasa akin: kung makipagbaka sana ang mga dawag at mga tinik laban sa akin! akin yaong yayapakan, aking susunuging magkakasama.

5 O manghawak sana siya sa aking lakas, upang siya’y makipagpayapaan sa akin; oo, makipagpayapaan siya sa akin.

6 Sa mga araw na darating ay maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.

7 Sinaktan baga niya siya na gaya ng pagsakit niya sa mga yaon, na nanakit sa kaniya? o pinatay siya ng ayon sa pagpatay nila, na napatay niya?

8 Sa sukat, pagka iyong pinayayaon siya, ikaw ay nakikipagtalo sa kaniya; kaniyang binago siya ng kaniyang pagispis na hihip sa kaarawan ng silanganang hangin.

9 Kaya’t sa pamamagitan nito ay malilinis ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pagaalis ng kaniyang kasalanan: pagka kaniyang ginagawa ang mga bato ng dambana na gaya ng mga malambot na batong naluluray upang ang mga Asera at ang mga Iarawang araw ay hindi na matatayo.

10 Sapagka’t ang bayang nakukutaan ay nagiisa, isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang: doon manginginain ang guya, at doon hihiga, at kakainin ang mga sanga niyaon.

11 Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, babaliin; paroroonan ng mga babae at igagatong sa apoy: sapagka’t bayan na walang unawa; kaya’t ang gumawa sa kanila ay hindi magdadalang habag sa kanila, at ang naganyo sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.

12 At mangyayari sa araw na yaon, na lalagasin ng Panginoon ang bunga niyaon mula sa agos ng ilog hanggang sa batis ng Egipto, at kayo’y mapipisang isa isa, Oh kayong mga anak ni Israel.

13 At mangyayari sa araw na yaon, na ang malaking pakakak ay hihipan; at silang nangapapahamak sa lupain ng Asiria ay magsisiparito, at silang mga tapon sa lupain ng Egipto; at sila’y magsisisamba sa Panginoon sa banal na bundok ng Jerusalem.

Isaias 28

1 Sa aba ng putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim, at ng lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis nila na nadaig ng alak!

2 Narito, ang Panginoon ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo parang bagyo ng granizo, na manggigibang bagyo, parang unos ng bumubugsong tubig na bumabaha, ay ibubuwal niya sa lupa sa pamamagitan ng malakas na kamay.

3 Ang putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim ay mayayapakan ng paa:

4 At ang lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis, magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtaginit; na kung nakikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang kamay pa, kinakain na niya.

5 Sa araw na yaon ay magiging putong ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo, at pinakadiadema ng kagandahan, sa nalabi sa kaniyang bayan;

6 At pinaka diwa ng kahatulan sa kaniya na nauupo sa kahatulan, at pinakalakas sa kanila na umuurong sa pakikipagbaka hanggang sa pintuang-daan.

7 Gayon man ang mga ito ay gumigiray dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila’y nangasakmal ng alak, sila’y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila’y nangamamali sa pangitain, sila’y nangatitisod sa paghatol.

8 Sapagka’t lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa’t walang dakong malinis.

9 Kanino siya magtuturo ng kaalaman? at kanino niya ipatatalastas ang balita? silang nangalayo sa gatas, at nangahiwalay sa suso?

10 Sapagka’t utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito’y kaunti, doo’y kaunti.

11 Hindi, kundi sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba’t ibang wika ay sasalitain niya sa bayang ito.

12 Na kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon ma’y hindi nila pinakinggan.

13 Kaya’t ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila’y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito’y kaunti, doo’y kaunti; upang sila’y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.

14 Kaya’t iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem:

15 Sapagka’t inyong sinabi, Tayo’y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka’t ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo,

16 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.

17 At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.

18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga’y ipapahamak niyaon.

19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka’t tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas.

20 Sapagka’t ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya.

21 Sapagka’t ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya’y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.

22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka’t ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.

23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.

24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa.

25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at ang espelta sa hangganan niyaon?

26 Sapagka’t itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:

27 Sapagka’t ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo.

28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka’t hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling.

29 Gayon ma’y ito’y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.

Isaias 29

1 Hoy Ariel, Ariel, na bayang hinantungan ni David! magdagdag kayo ng taon sa taon; magdiwang sila ng mga kapistahan:

2 Akin ngang pahihirapan ang Ariel, at magsisitangis at mananaghoy: at siya’y magiging gaya ng Ariel sa akin.

3 At ako’y magtatayo ng kampamento laban sa iyo sa palibot, at kukubkubin kita ng mga kuta, at ako’y magbabangon ng mga pangkubkob laban sa iyo.

4 At ikaw ay mabababa, at magsasalita mula sa lupa, at ang iyong salita ay magiging mababa na mula sa alabok: at ang iyong tinig ay magiging gaya ng isang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, mula sa lupa, at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.

5 Nguni’t ang karamihan ng iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok, at ang karamihan ng mga kakilakilabot ay gaya ng ipang inililipad ng hangin: oo, magiging sa biglang sandali.

6 Siya’y dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kulog, at ng lindol, at ng malaking kaingay, ng ipoipo at bagyo, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy.

7 At ang karamihan ng lahat na bansa na nagsisilaban sa Ariel, lahat na nagsisilaban sa kaniya at sa kaniyang kuta, at ang nagpapahirap sa kaniya, ay magiging gaya ng panaginip na isang pangitain sa gabi.

8 At mangyayari, na gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip, at, narito, siya’y kumakain; nguni’t siya’y nagigising, at ang kaniyang kaluluwa ay walang anoman: o gaya ng kung ang isang uhaw ay nananaginip, at, narito, siya’y umiinom; nguni’t siya’y nagigising, at, narito, siya’y malata, at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw: gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat na bansa, na nagsisilaban sa bundok ng Sion.

9 Kayo’y mangatigilan at manganggilalas; kayo’y mangalugod at mangabulag: sila’y lango, nguni’t hindi sa alak; sila’y gumigiray, nguni’t hindi sa matapang na alak.

10 Sapagka’t inihulog ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog, at ipinikit ang inyong mga mata, na mga propeta; at ang iyong mga pangulo, na mga tagakita, ay kaniyang tinakpan.

11 At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo’y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka’t natatatakan;

12 At ang aklat ay nabigay sa kaniya na hindi marunong, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Ako’y hindi marunong bumasa.

13 At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni’t inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:

14 Dahil dito narito, pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha: at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.

15 Sa aba nila, na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid sa Panginoon ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, Sinong nakakakita sa atin? at sinong nakakakilala sa atin?

16 Kayo’y nangagbabaligtad ng mga bagay! Maibibilang bagang putik ang magpapalyok; upang sabihin ng bagay na yari sa may-gawa sa kaniya, Hindi niya ginawa ako; o sabihin ng bagay na may anyo tungkol sa naganyo, Siya’y walang unawa?

17 Hindi baga sangdaling-sangdali na lamang, at ang Libano ay magiging mainam na bukid, at ang mainam na bukid ay magiging pinakagubat?

18 At sa araw na yaon ay makikinig ang pipi ng mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa kalabuan at sa kadiliman.

19 At mananagana naman sa kanilang kagalakan sa Panginoon, ang maamo, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.

20 Sapagka’t ang kakilakilabot ay nauwi sa wala, at ang mangduduwahagi ay naglilikat, at ang lahat na nagbabanta ng kasamaan ay nangahiwalay:

21 Yaong nakapagkasala sa tao sa isang usapin, at naglalagay ng silo doon sa sumasaway sa pintuang-bayan, at nagliligaw sa ganap na tao sa pamamagitan ng walang kabuluhan.

22 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sangbahayan ni Jacob, Si Jacob nga ay hindi mapapahiya o mamumula pa man ang kaniyang mukha.

23 Nguni’t pagka kaniyang nakikita ang kaniyang mga anak, ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya, ay kanilang aariing banal ang aking pangalan; oo, kanilang aariing banal ang Banal ni Jacob, at magsisitayong may takot sa Dios ng Israel.

24 Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.

Isaias 30

1 Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, na nagsisisangguni, nguni’t hindi sa akin; at nangagaalay ng alay, nguni’t hindi sa aking Espiritu, upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan:

2 Ang nagsisilakad na nagsisilusong sa Egipto, at hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!

3 Kaya’t ang lakas ni Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.

4 Sapagka’t ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.

5 Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.

6 Ang hula tungkol sa mga hayop ng Timugan. Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.

7 Sapagka’t ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya’t aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.

8 Ngayo’y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.

9 Sapagka’t mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:

10 Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:

11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.

12 Kaya’t ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka’t inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:

13 Kaya’t ang kasamaang ito ay magiging sa inyo’y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.

14 At yao’y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.

15 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.

16 Kundi inyong sinabi, Hindi, sapagka’t kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo’y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya’t silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.

17 Isang libo ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo’y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at gaya ng isang watawat sa isang burol.

18 At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya’y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya’t mabubunyi siya, na siya’y magdadalang habag sa inyo: sapagka’t ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.

19 Sapagka’t ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya’y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.

20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:

21 At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo’y pumipihit sa kanan, at pagka kayo’y pumipihit sa kaliwa.

22 At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.

23 At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

24 Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.

25 At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.

26 Bukod dito’y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.

27 Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:

28 At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.

29 Kayo’y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel.

30 At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,

31 Sapagka’t sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo.

32 At bawa’t hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,

33 Sapagka’t ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.

Isaias 31

1 Sa aba nila na nagsisilusong sa Egipto na humihinging tulong, at nagsisiasa sa mga kabayo; at nagsisitiwala sa mga karo, sapagka’t marami, at sa mga mangangabayo, sapagka’t mga totoong napakalakas; nguni’t hindi sila nagsisitiwala sa Banal ng Israel, o hinahanap man ang Panginoon!

2 Gayon ma’y siya’y pantas, at magdadala ng kasamaan, at hindi iuurong ang kaniyang mga salita, kundi babangon laban sa bahay ng mga manggagawa ng kasamaan, at laban sa tulong nila na nagsisigawa ng kasamaan.

3 Ang mga Egipcio nga ay mga tao, at hindi Dios; at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi diwa: at pagka iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, siyang tumutulong ay matitisod, at gayon din siyang tinutulungan ay mabubuwal, at silang lahat ay mangalilipol na magkakasama.

4 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Kung paano na ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kaniyang huli, pagka ang karamihan ng mga pastor ay nagpipisan laban sa kaniya, na hindi siya matatakot sa kanilang tinig, o maduduwag man dahil sa ingay nila: gayon bababa ang Panginoon ng mga hukbo sa bundok ng Sion, at sa burol niyaon upang makipaglaban.

5 Gaya ng mga ibong nagsisilipad gayon aampunin ng Panginoon ng mga hukbo ang Jerusalem; yao’y kaniyang aampunin at ililigtas, siya’y daraan at iingatan niya,

6 Kayo’y manumbalik sa kaniya na inyong pinanghimagsikan lubha, Oh mga anak ni Israel.

7 Sapagka’t sa araw na yaon ay itatapon ng bawa’t tao ang kaniyang mga diosdiosang pilak, at ang kaniyang mga diosdiosang ginto, na ginawa ng inyong sariling mga kamay, sa ganang inyo ay naging kasalanan,

8 Kung magkagayo’y mabubuwal ang taga Asiria sa pamamagitan ng tabak, na hindi sa tao: at ang tabak, na hindi sa mga tao, lalamon sa kaniya: at kaniyang tatakasan ang tabak, at ang kaniyang mga binata ay magiging mamumuwis.

9 At ang kaniyang malaking bato ay lalagpasan, dahil sa kakilabutan, at ang kaniyang mga pangulo ay masisindak sa watawat, sabi ng Panginoon, na ang kaniyang apoy ay nasa Sion, at ang kaniyang hurno ay nasa Jerusalem.

Isaias 32

1 Narito, isang hari ay maghahari sa katuwiran, at mga pangulo ay magpupuno sa kahatulan.

2 At isang lalake ay magiging gaya ng isang kublihang dako sa hangin, at kanlungan sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa tuyong dako, gaya ng lilim ng malaking bato sa kinapapagurang lupain.

3 At ang mga mata nila na nangakakakita ay hindi manganlalabo, at ang mga tainga nila na nangakikinig ay mangakikinig.

4 Ang puso naman ng walang bahala ay makakaunawa ng kaalaman, at ang dila ng mga utal ay mangahahanda upang mangagsalita ng malinaw.

5 Ang taong mangmang ay hindi na tatawagin pang dakila o ang magdaraya man ay sasabihing magandang-loob.

6 Sapagka’t ang taong mangmang ay magsasalita ng kasamaan, at ang kaniyang puso ay gagawa ng kasalanan, upang magsanay ng paglapastangan, at magsalita ng kamalian laban sa Panginoon, upang alisan ng makakain ang taong gutom, at upang papagkulangin ang inumin ng uhaw.

7 Ang mga kasangkapan din naman ng magdaraya ay masama: siya’y kumakatha ng mga masamang katha upang ibuwal ang mga maamo sa pamamagitan ng mga sinungaling na salita, pagka nga ang mapagkailangan ay nagsasalita ng matuwid.

8 Nguni’t ang mapagbiyaya ay kumakatha ng mga bagay na pagbibiyaya; at sa mga bagay na pagbibiyaya ay mananatili siya.

9 Kayo’y magsibangon, kayong mga babaing tiwasay, at dinggin ninyo ang tinig ko; ninyong mga walang bahalang anak na babae, pakinggan ninyo ang aking pananalita.

10 Sapagka’t sa mga araw na sa dako pa roon ng isang taon ay mangababagabag kayo, kayong mga walang bahalang babae: sapagka’t ang ani ng ubas ay magkukulang, ang pagaani ay hindi darating.

11 Kayo’y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay; kayo’y mangabagabag, kayong mga walang bahala; kayo’y magsipaghubo, at kayo’y magsipaghubad, at mangagbigkis kayo ng kayong magaspang sa inyong mga balakang.

12 Sila’y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang, dahil sa mabungang puno ng ubas.

13 Sa lupain ng aking bayan ay tutubo ang mga tinik at mga dawag; oo, sa lahat na bahay na kagalakan sa masayang bayan:

14 Sapagka’t ang bahay-hari ay mapapabayaan; ang mataong bayan ay magiging ilang; ang burol at ang bantayang moog ay magiging mga pinaka yungib magpakailan man, kagalakan ng mga mailap na asno, pastulan ng mga kawan;

15 Hanggang sa mabuhos sa atin ang Espiritu na mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang bukid, at ang mabungang bukid ay mabilang na pinakagubat.

16 Kung magkagayo’y tatahan ang kahatulan sa ilang, at ang katuwiran ay titira sa mabungang bukid.

17 At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.

18 At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan, at sa mga tiwasay na tahanan, at sa mga tahimik na dako na pahingahan.

19 Nguni’t lalagpak ang granizo, sa ikasisira ng gubat; at ang bayan ay lubos na mawawasak.

20 Mapapalad kayo na nangaghahasik sa siping ng lahat na tubig, na nangagpapalakad ng mga paa ng baka at ng asno.

Isaias 33

1 Sa aba mo na sumasamsam, at ikaw ay hindi nasamsaman; at gumagawa na may kataksilan, at sila’y hindi gumawang may kataksilan sa iyo! Pagka ikaw ay naglikat ng pagsamsam, ikaw ay sasamsaman; at pagka ikaw ay nakatapos ng paggawang may kataksilan, sila’y gagawang may kataksilan sa iyo.

2 Oh Panginoon, magmahabagin ka sa amin; aming hinintay ka: ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan naman sa panahon ng kabagabagan.

3 Sa ingay ng kagulo ay nagsisitakas ang mga bayan; sa pagbangon mo ay nagsisipangalat ang mga bansa.

4 At ang iyong samsam ay pipisanin na gaya ng pagpisan ng uod: kung paanong ang mga balang ay nagsisilukso ay gayon luluksuhan ng mga tao.

5 Ang Panginoon ay nahayag; sapagka’t siya’y tumatahan sa mataas: kaniyang pinuno ang Sion ng kahatulan at katuwiran.

6 At magkakaroon ng kapanatagan sa iyong mga panahon, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman: ang pagkatakot sa Panginoon ay kaniyang kayamanan.

7 Narito, ang kanilang mga matapang ay nagsisihiyaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay nagsisiiyak na mainam.

8 Ang mga lansangan ay sira, ang palalakad na tao ay naglilikat: kaniyang sinira ang tipan, kaniyang hinamak ang mga bayan, hindi niya pinakukundanganan ang kapuwa tao.

9 Ang lupain ay nananangis at nahahapis: ang Libano ay nahihiya at natutuyo: ang Saron ay gaya ng isang ilang; at ang Basan at ang Carmel ay napapaspas ang kanilang mga dahon.

10 Ngayo’y babangon ako, sabi ng Panginoon; ngayo’y magpapakataas ako; ngayo’y magpapakadakila ako.

11 Kayo’y mangaglilihi ng ipa, kayo’y manganganak ng dayami: ang inyong hinga ay apoy na pupugnaw sa inyo.

12 At ang mga bayan ay magiging gaya ng pagluluto ng apog: gaya ng mga putol na mga tinik, na mga nasusunog sa apoy.

13 Pakinggan ninyo, ninyong nangasa malayo, kung ano ang aking ginawa; at kilalanin ninyo, na nangasa malapit, ang aking kapangyarihan.

14 Ang mga makasalanan sa Sion ay nangatatakot; nanginginig ang mga masasama. Sino sa atin ang tatahan sa mamumugnaw na apoy? Sino sa atin ang tatahan sa walang hanggang ningas?

15 Siyang lumalakad ng matuwid, at nagsasalita ng matuwid; siyang humahamak ng pakinabang sa mga kapighatian, na iniuurong ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng mga suhol, na nagtatakip ng kaniyang mga tainga ng pagdinig ng tungkol sa dugo, at ipinipikit ang kaniyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;

16 Siya’y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.

17 Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan: sila’y tatanaw sa isang lupaing malawak.

18 Ang inyong puso ay gugunita ng kakilabutan: saan nandoon siya na bumibilang, saan nandoon siya na tumitimbang ng buwis? saan nandoon siya na bumibilang ng mga moog?

19 Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan, ang bayan na may malalim na pananalita na hindi mo matatalastas, na may ibang wika na hindi mo mauunawa.

20 Tumingin ka sa Sion, ang bayan ng ating mga takdang kapistahan: makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem na tahimik na tahanan, isang tabernakulo na hindi makikilos, ang mga tulos niyao’y hindi mangabubunot kailan man, o mapapatid man ang alin man sa mga tali niyaon.

21 Kundi doon ay sasa atin ang Panginoon sa kamahalan, na dako ng mga maluwang na ilog at batis; na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod, o daraanan man ng magilas na sasakyang dagat.

22 Sapagka’t ang Panginoon ay ating hukom, ang Panginoon ay ating tagapaglagda ng kautusan, ang Panginoon ay ating hari; kaniyang ililigtas tayo.

23 Ang iyong mga tali ay nangakalag: hindi nila mapatibay ang kanilang palo, hindi nila mailadlad ang layag: ang huli nga na malaking samsam ay binahagi; ang pilay ay kumuha ng huli.

24 At ang mamamayan ay hindi magsasabi, Ako’y may sakit: ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasamaan.

Isaias 34

1 Kayo’y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanglibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito.

2 Sapagka’t ang Panginoon ay may galit laban sa lahat na bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan.

3 Ang kanilang patay naman ay matatapon, at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw, at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.

4 At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid: at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos.

5 Sapagka’t ang aking tabak ay nalango sa langit: narito, yao’y bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan.

6 Ang tabak ng Panginoon ay napuno ng dugo, tumaba ng katabaan, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa: sapagka’t may hain sa Panginoon sa Bosra, at may malaking patayan sa lupain ng Edom.

7 At ang mga mailap na baka ay magsisibabang kasama nila at ang mga baka na kasama ng mga toro, at ang kanilang lupain ay malalango ng dugo, at ang kanilang alabok ay tataba ng katabaan.

8 Sapagka’t kaarawan ng panghihiganti ng Panginoon, na taon ng kagantihan sa pagaaway sa Sion.

9 At ang mga batis niya ay magiging sahing, at ang alabok niya ay azufre, at ang lupain niya ay magiging nagniningas na sahing.

10 Hindi mapapatay sa gabi o sa araw man; ang usok niyaon ay iilanglang magpakailan man: sa buong panahon ay malalagay na sira; walang daraan doon magpakailankailan man.

11 Kundi aariin ng ibong pelikano at ng hayop na erizo; at ang kuwago at ang uwak ay magsisitahan doon: at kaniyang iuunat doon ang panukat na pising panglito, at ang pabatong pangpawala ng tao.

12 Kanilang tatawagin ang mga mahal na tao niyaon sa kaharian, nguni’t mawawalan doon; at lahat niyang mga pangulo ay magiging parang wala.

13 At mga tinikan ay tutubo sa kaniyang mga palacio, mga kilitis at mga lipay ay sa mga kuta niyaon: at magiging tahanan ng mga chakal, looban ng mga avestruz.

14 At ang mga mailap na hayop sa ilang ay makikipagsalubong doon sa mga lobo, at ang lalaking kambing ay hihiyaw sa kaniyang kasama; oo, ang malaking kuwago ay tatahan doon, at makakasumpong siya ng dakong pahingahan.

15 Doon maglulungga ang maliksing ahas, at mangingitlog, at mangapipisa, at aampunin sa ilalim ng kaniyang lilim; oo, doon magpipisan ang mga lawin, bawa’t isa’y kasama ng kaniyang kasamahan.

16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka’t iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.

17 At kaniyang pinagsapalaran, at binahagi ng kaniyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat: kanilang aariin magpakailan man, sa sali’t saling lahi ay tatahan sila roon.

Isaias 35

1 Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya; at ang ilang ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.

2 Mamumulaklak ng sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Libano ay mapaparoon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron: kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang karilagan ng ating Dios.

3 Inyong palakasin ang mga mahinang kamay, at patatagin ang mga mahinang tuhod.

4 Inyong sabihin sa kanila na matatakuting puso, Kayo’y mangagpakatapang, huwag kayong mangatakot: narito, ang inyong Dios ay pariritong may panghihiganti, may kagantihan ng Dios; siya’y paririto at ililigtas kayo.

5 Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.

6 Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit: sapagka’t sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa ilang.

7 At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig; sa tahanan ng mga chakal, na kanilang hinihiligan, magkakaroon ng damo pati ng mga tambo at mga yantok.

8 At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan, at tatawagin Ang daan ng kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; kundi magiging sa kaniyang bayan: ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangaliligaw roon.

9 Hindi magkakaroon ng leon doon, o sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop, hindi mangasusumpungan doon; kundi ang nangatubos ay lalakad doon.

10 At ang pinagtutubos ng Panginoon ay mangagbabalik, at magsisiparoong nagaawitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo: sila’y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kapanglawan at ang pagbubuntong-hininga ay mapaparam.

Isaias 36

1 Nangyari nga nang ikalabing apat na taon ng haring Ezechias, na umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.

2 At sinugo ng hari sa Asiria si Rabsaces sa Jerusalem mula sa Lachis sa haring Ezechias, na may malaking hukbo. At siya’y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng lalong mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng parang ng tagapagpaputi.

3 Nang magkagayo’y nilabas siya ni Eliacim na anak ni Hilcias, na katiwala sa bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.

4 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa itong iyong tinitiwalaan?

5 Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan: ngayo’y kanino ka tumitiwala na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?

6 Narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na tambong lapok, sa makatuwid baga’y sa Egipto, na kung ang sinoman ay sumandal, ay bubutas sa kaniyang kamay, at tatasakan: nagiging gayon si Faraong hari sa Egipto sa lahat na nagsisitiwala sa kaniya.

7 Nguni’t kung iyong sabihin sa akin, Kami ay nagsisitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi baga siya’y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo’y magsisisamba sa harap ng dambanang ito?

8 Ngayon nga isinasamo ko sa iyo, na magbigay ka ng mga sanla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mananakay sa mga yaon.

9 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, at ilalagak mo ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at dahil sa mga mangangabayo?

10 At ako baga’y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.

11 Nang magkagayo’y sinabi ni Eliacim, at ni Sebna at ni Joah kay Rabsaces, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Siria: sapagka’t aming naiintindihan: at huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.

12 Nguni’t sinabi ni Rabsaces, Sinugo baga ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito? di baga niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang kumain ng kanilang sariling dumi, at upang uminom ng kanilang tubig na kasama ninyo?

13 Nang magkagayo’y tumayo si Rabsaces, at humiyaw ng malakas na tinig sa wikang Judio, at nagsabi: Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

14 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong padaya kay Ezechias; sapagka’t hindi niya maililigtas kayo:

15 O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

16 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka’t ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa’t isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa’t isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa’t isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:

17 Hanggang sa ako’y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18 Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

19 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sephar-vaim? iniligtas baga nila ang Samaria sa aking kamay?

20 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

21 Nguni’t sila’y nagsitahimik, at hindi nagsisagot sa kaniya ng kahit isang salita: sapagka’t iniutos nga ng hari na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

22 Nang magkagayo’y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.