Isaias 37

1 At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.

3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka’t ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak.

4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya’t ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa nalabi na naiwan.

5 Sa gayo’y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias.

6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.

7 Narito, ako’y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at siya’y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.

8 Sa gayo’y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka’t nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.

9 At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya’y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya’y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,

10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao’y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?

12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?

13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?

14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.

15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,

16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.

17 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buhay na Dios.

18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.

19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka’t sila’y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya’t kanilang sinira.

20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.

21 Nang magkagayo’y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.

22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.

23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.

24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako’y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.

25 Ako’y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.

26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo’y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.

27 Kaya’t ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila’y nanganglupaypay at nangatulig; sila’y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.

28 Nguni’t talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.

29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya’t ilalagay ko ang aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.

30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo’y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at sa ikatlong taon ay kayo’y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.

31 At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.

32 Sapagka’t sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

33 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, Siya’y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o mahahagis ang bunton laban diyan.

34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.

35 Sapagka’t aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.

36 At ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu’t limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.

37 Sa gayo’y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,

38 At nangyari, nang siya’y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila’y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Isaias 38

1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka’t ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.

2 Nang magkagayo’y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,

3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako’y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.

4 Nang magkagayo’y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,

5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.

6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang ito.

7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,

8 Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo’y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.

9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya’y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.

10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol: Ako’y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.

11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay: Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.

12 Ang tirahan ko’y inaalis, at dinadala na gaya ng tolda ng pastor: Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

13 Ako’y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako; Ako’y tumangis na parang kalapati: ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; Oh Panginoon, ako’y napipighati, ikaw nawa’y maging tangulan sa akin.

15 Anong aking sasabihin? siya’y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa: Ako’y yayaong marahan lahat kong taon, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.

16 Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao; At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa: Kaya’t pagalingin mo ako, at ako’y iyong buhayin.

17 Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap: Nguni’t ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan; Sapagka’t iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.

18 Sapagka’t hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.

19 Ang buhay, ang buhay, siya’y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito: Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.

20 Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako: Kaya’t aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad, Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.

21 Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya’y gagaling.

22 Sinabi rin ni Ezechias, Ano ang tanda na ako’y sasampa sa bahay ng Panginoon?

Isaias 39

1 Nang panahong yaon si Merodachbaladan na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at isang kaloob kay Ezechias: sapagka’t nabalitaan niya na siya’y nagkasakit, at gumaling.

2 At si Ezechias ay natuwa sa kanila, at ipinakita sa kanila ang bahay ng kaniyang mahalagang bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga especia, at ang mahalagang langis, at ang buong bahay na kaniyang sakbatan, at lahat na nandoon sa kaniyang mga kayamanan: walang bagay sa kaniyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Ezechias sa kanila.

3 Nang magkagayo’y dumating si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinabi ng mga lalaking ito? at saan nanggaling na nagsiparito sila sa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila’y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, sa Babilonia.

4 Nang magkagayo’y sinabi niya, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias, Lahat ng nangasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay sa aking mga kayamanan na hindi ko ipinakita sa kanila.

5 Nang magkagayo’y sinabi ni Isaias kay Ezechias, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo.

6 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang mga tinangkilik ng iyong mga magulang hanggang sa kaarawang ito, dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

7 At sa iyong mga anak na magmumula sa iyo, na ipanganganak sa iyo, ay kanilang dadalhin; at sila’y magiging mga bating sa bahay ng hari sa Babilonia.

8 Nang magkagayo’y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi bukod dito, Sapagka’t magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan.

Isaias 40

1 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.

2 Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan ninyo siya, na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka’t siya’y tumanggap sa kamay ng Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan.

3 Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.

4 Bawa’t libis ay mataas, at bawa’t bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag:

5 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao, sapagka’t sinalita ng bibig ng Panginoon,

6 Ang tinig ng isang nagsasabi, Ikaw ay dumaing. At sinabi ng isa, Ano ang aking idadaing? Lahat ng laman ay damo, at ang buong kagandahan niyaon ay parang bulaklak ng parang.

7 Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, sapagka’t ang hinga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang bayan ay damo.

8 Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni’t ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.

9 Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!

10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.

12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ng mga burol sa timbangan?

13 Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?

14 Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?

15 Narito, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, inaari na parang munting alabok sa timbangan: narito, kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay.

16 At ang Libano ay hindi sukat upang sunugin, ni ang mga hayop niyaon ay sukat na pinakahandog na susunugin.

17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap niya; nangabilang sa kaniya na kulang kay sa wala, at walang kabuluhan.

18 Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?

19 Ang larawang inanyuan na binubo ng mangbububo, at binabalot ng ginto ng platero, at binubuan ng mga pilak na kuwintas.

20 Siyang napakadukha sa gayong alay ay pumipili ng isang punong kahoy na hindi malalapok; siya’y humahanap sa ganang kaniya ng isang bihasang manggagawa upang ihandang larawang inanyuan, na hindi makikilos.

21 Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa?

22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;

23 Na iniuuwi sa wala ang mga pangulo; siyang umaaring tila walang kabuluhan sa mga hukom sa lupa.

24 Oo, sila’y hindi nangatanim; oo, sila’y hindi nangahasik; oo, ang kanilang puno ay hindi nagugat sa lupa: bukod dito’y humihihip siya sa kanila, at sila’y nangatutuyo, at tinatangay sila ng ipoipo na gaya ng dayami.

25 Kanino nga ninyo itutulad ako, upang makaparis ako niya? sabi ng Banal.

26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.

27 Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko?

28 Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.

29 Siya’y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.

30 Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal:

31 Nguni’t silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad, at hindi manganghihina.

Isaias 41

1 Magsitahimik kayo sa harap ko, Oh mga pulo; at mangagbagong lakas ang mga bayan: magsilapit sila; saka mangagsalita sila; tayo’y magsilapit na magkakasama sa kahatulan.

2 Sinong nagbangon ng isa na mula sa silanganan, na kaniyang tinawag sa katuwiran sa kaniyang paanan? siya’y nagbigay ng mga bansa sa harap niya, at pinagpuno niya siya sa mga hari; kaniyang ibinibigay sila na parang alabok sa kaniyang tabak, na parang pinaspas na dayami sa kaniyang busog.

3 Kaniyang hinahabol sila, at nagpatuloy na tiwasay, sa makatuwid baga’y sa daan na hindi niya dinaanan ng kaniyang mga paa.

4 Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali’t saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,

5 Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila’y nagsilapit, at nagsiparito.

6 Sila’y tumutulong bawa’t isa sa kaniyang kapuwa; at bawa’t isa’y nagsasabi sa kaniyang kapatid, Ikaw ay magpakatapang.

7 Sa gayo’y pinalalakas ang loob ng anluwagi ang panday-ginto, at ng pumapatag ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, Mabuti, at kaniyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.

8 Nguni’t ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan;

9 Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;

10 Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

11 Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.

12 Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga’y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.

13 Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.

14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.

15 Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

16 Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.

17 Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

18 Ako’y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.

19 Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:

20 Upang sila’y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.

21 Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.

22 Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.

23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo’y mga dios; oo, kayo’y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.

24 Narito, kayo’y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.

25 May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya’y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya’y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.

26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya’y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.

27 Ako’y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako’y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.

28 At pagka ako’y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako’y tumatanong sa kanila.

29 Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.

Isaias 42

1 Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya’y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

2 Siya’y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.

3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya’y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.

4 Siya’y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.

5 Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:

6 Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa;

7 Upang magdilat ng mga bulag na mata, upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.

8 Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

9 Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.

10 Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,

11 Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.

12 Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.

13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya’y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya’y hihiyaw, oo, siya’y hihiyaw ng malakas; siya’y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.

14 Ako’y tumahimik ng malaon; ako’y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo’y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako’y manggigiba at mananakmal na paminsan.

15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.

16 At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.

17 Sila’y mangapapaurong, sila’y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo’y aming mga dios.

18 Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo’y mangakakita.

19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?

20 Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, nguni’t hindi mo binubulay; ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni’t hindi niya dininig.

21 Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.

22 Nguni’t ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila’y nangakubli sa mga bilangguan: sila’y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.

23 Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?

24 Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.

25 Kaya’t ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, gayon ma’y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma’y hindi siya naglagak ng kalooban.

Isaias 43

1 Nguni’t ngayo’y ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, Oh Jacob, at naganyo sa iyo, Oh Israel, Ikaw ay huwag matakot, sapagka’t tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.

2 Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, ako’y sasaiyo; at sa mga ilog ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo.

3 Sapagka’t ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal ng Israel, ang Tagapagligtas sa iyo; aking ibinigay na pinakatubos sa iyo ang Egipto, ang Etiopia at ang Seba.

4 Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya’t magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay.

5 Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

6 Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;

7 Bawa’t tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.

8 Iyong ilabas ang bulag na bayan na may mga mata, at ang bingi may mga tainga.

9 Mapisan ang lahat na bansa, at magpulong ang mga bayan: sino sa gitna nila ang makapagpapahayag nito, at makapagpapakita sa amin ng mga dating bagay? dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila’y mapatotohanan: o dinggin nila, at magsabi, Katotohanan nga.

10 Kayo’y aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga; walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.

11 Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at liban sa akin ay walang tagapagligtas.

12 Ako’y nagpahayag, at ako’y nagligtas, at ako’y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.

13 Oo, mula nang magkaroon ng araw ay ako nga; at walang sinomang makapagliligtas sa aking kamay: ako’y gagawa, at sinong pipigil?

14 Ganito ang sabi ng Panginoon, na inyong Manunubos, na Banal ng Israel, Dahil sa inyo ay nagsugo ako sa Babilonia, at aking ibababa silang lahat na parang mga palaboy, sa makatuwid baga’y ang mga Caldeo, sa mga sasakyang dagat ng kaniyang kagalakan.

15 Ako ang Panginoon, na inyong Banal, ang Maylalang ng Israel, na inyong Hari.

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, na gumagawa ng daan sa dagat, ng landas sa mga malawak na tubig;

17 Na pinalabas ang karo at kabayo, ang hukbo at ang kapangyarihan (sila’y nangahihigang magkakasama, sila’y hindi na magsisibangon; sila’y nangamamatay na parang timsim):

18 Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay, o bulayin man ang mga bagay ng una.

19 Narito, ako’y gagawa ng bagong bagay; ngayon yao’y lalabas; hindi baga ninyo malalaman yaon? gagawa rin ako ng daan sa lupang masukal, at mga ilog sa ilang.

20 Pararangalan ako ng mga hayop sa parang, ng mga chakal at ng mga avestruz: sapagka’t ako’y nagbibigay ng tubig sa lupaing masukal, at ng mga ilog sa ilang, upang painumin ang aking bayan, na aking pinili,

21 Ang bayan, na aking inanyuan para sa aking sarili, upang kanilang maihayag ang aking kapurihan.

22 Gayon ma’y hindi ka tumawag sa akin, Oh Jacob; kundi ikaw ay nayamot sa akin, Oh Israel.

23 Hindi mo dinala sa akin ang mga tupa’t kambing na iyong mga pinakahandog na susunugin; o pinarangalan mo man ako ng iyong mga hain. Hindi kita pinapaglingkod ng mga handog, o niyamot man kita ng kamangyan.

24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi, o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga hain: kundi pinapaglingkod mo ako ng iyong mga kasalanan, iyong niyamot ako ng iyong mga kasamaan.

25 Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

26 Ipaalaala mo ako; tayo’y kapuwa magkatuwiranan: ilabas mo ang iyong usap, upang ikaw ay mapatotohanan.

27 Ang iyong pangunang ama ay nagkasala, at ang iyong mga tagapagpaaninaw ay nagsisalangsang laban sa akin.

28 Kaya’t aking dudumhan ang mga pangulo ng santuario, at gagawin kong sumpa ang Jacob, at isang kadustaan ang Israel.

Isaias 44

1 Gayon ma’y dinggin mo ngayon, Oh Jacob na aking lingkod, at Israel, na aking pinili:

2 Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, at nagbigay anyo sa iyo mula sa bahay-bata, na siyang tutulong sa iyo; Ikaw ay huwag matakot, Oh Jacob na aking lingkod; at ikaw Jeshurun, na aking pinili.

3 Sapagka’t ipagbubuhos ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyong lahi, at ang aking pagpapala sa iyong suwi:

4 At sila’y sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga sauce sa tabi ng mga batis.

5 Sasabihin ng isa, Ako’y sa Panginoon; at magpapangalan ang iba ng pangalang Jacob; at magsusulat ang iba ng kaniyang kamay ng sa Panginoon, at magpapamagat ng pangalan ng Israel.

6 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, Ako ang una, at ako ang huli; at liban sa akin ay walang Dios.

7 At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag, at magaayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.

8 Kayo’y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako’y walang nakikilalang iba.

9 Silang nangagbibigay anyo sa larawang inanyuan ay walang kabuluhan silang lahat; at ang kanilang mga bagay na kinaluluguran ay hindi mapapakinabangan: at ang kanilang sariling mga saksi ay hindi nangakakakita, o nangakakaalam man: upang sila’y mangapahiya.

10 Sino ang naganyo sa isang dios, o bumubo ng larawang inanyuan na di pakikinabangan sa anoman?

11 Narito, lahat niyang kasama ay mangapapahiya; at ang mga manggagawa ay sa mga tao: mapisan sila, magsitayo sila; sila’y mangatatakot, sila’y mangahihiyang magkakasama.

12 Ang panday bakal ay gumagawa ng palakol, at gumagawa sa mga baga, at inaanyuan yaon sa pamamagitan ng mga pamukpok, at ginagawa yaon ng kaniyang malakas na bisig: oo, siya’y gutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya’y hindi umiinom ng tubig, at pata.

13 Naguunat ang anluwagi ng isang pising panukat; kaniyang tinatandaan ng lapis; kaniyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam, at kaniyang tinatandaan ng mga kompas, at inaanyuan ng ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang tumahan sa bahay.

14 Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga cedro, at kumukuha ng puno ng roble at ng encina, at pinatitibay sa ganang kaniyang sarili ang isa sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat: siya’y nagtatanim ng puno ng abeto, at yao’y kinakandili ng ulan.

15 Kung magkagayo’y ilalaan sa tao upang ipanggatong; at kumukuha siya niyaon, at nagpapainit; oo, kaniyang pinaliliyaban yaon, at ipinagluluto ng tinapay: oo, kaniyang ginagawang isang dios, at sinasamba; ginagawa niyang larawang inanyuan, at pinagpapatirapaan.

16 Kaniyang iginagatong ang bahagi niyaon sa apoy; ang bahagi niyaon ay ikinakain niya ng karne; siya’y nagiihaw ng iihawin, at nabubusog: oo, siya’y nagpapainit, at nagsasabi, Aha, ako’y naiinitan, aking nakita ang apoy:

17 At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, sa makatuwid baga’y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at dinadalanginan, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagka’t ikaw ay aking dios.

18 Hindi sila mangakakaalam, o nagsisigunita man: sapagka’t ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila’y huwag mangakakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang mangakaunawa.

19 At walang nagpapaalaala o mayroon mang kaalaman, o unawa upang magsabi, Aking iginatong ang bahagi niyaon sa apoy; oo, ako naman ay nagluto ng tinapay sa mga baga niyaon; ako’y nagihaw ng karne at kinain ko: at gagawin ko baga ang nalabi niyaon na pinaka kasuklamsuklam? magpapatirapa baga ako sa puno ng isang punong kahoy?

20 Siya’y kumain ng abo: iniligaw siya ng nadayang puso, at hindi niya mailigtas ang kaniyang kaluluwa, o makapagsabi, Wala bagang kabulaanan sa aking kanang kamay?

21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, Oh Jacob, at Israel; sapagka’t ikaw ay aking lingkod: aking inanyuan ka; ikaw ay aking lingkod: Oh Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.

22 Aking pinawi na parang masinsing ulap ang iyong mga pagsalangsang, at, parang alapaap, ang iyong mga kasalanan: manumbalik ka sa akin; sapagka’t tinubos kita.

23 Magsiawit, Oh kayong mga langit, sapagka’t nilikha ng Panginoon; kayo’y magsihiyaw, mga lalong mababang bahagi ng lupa: kayo’y magbiglang magsiawit, kayong mga bundok, Oh gubat, at bawa’t punong kahoy na nandiyan: sapagka’t tinubos ng Panginoon ang Jacob, at magpapakaluwalhati sa Israel.

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng iyong Manunubos, at niyang naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa;

25 Na sumisira ng mga tanda ng mga sinungaling, at nagpapaging ulol sa mga manghuhula; na nagpapaurong sa mga pantas, at nagpapaging kamangmangan ng kanilang kaalaman;

26 Na nagpapatatag ng salita ng kaniyang lingkod, at nagsasagawa ng payo ng kaniyang mga sugo; na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, Siya’y tatahan; at tungkol sa mga bayan ng Juda, Mangatatayo, at aking ibabangon ang mga sirang dako niyaon:

27 Na nagsasabi sa kalaliman, Ikaw ay matuyo, at aking tutuyuin ang iyong mga ilog;

28 Na nagsasabi tungkol kay Ciro, Siya’y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya’y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.

Isaias 45

1 Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;

2 Ako’y magpapauna sa iyo, at, papatagin ko ang mga bakobakong dako: aking pagwawaraywarayin ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal:

3 At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, sa makatuwid baga’y ang Dios ng Israel.

4 Dahil sa Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili tinawag kita sa iyong pangalan: aking pinamagatan ka, bagaman hindi mo nakilala ako.

5 Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay walang Dios. Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo ako nakilala.

6 Upang kanilang maalaman mula sa sikatan ng araw, at mula sa kalunuran, na walang iba liban sa akin: ako ang Panginoon, at walang iba.

7 Aking inilalagay ang liwanag, at nililikha ko ang kadiliman; ako’y gumagawa ng kapayapaan, at lumilikha ako ng kasamaan; ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat na bagay na ito.

8 Maghulog, oh kayong mga langit mula sa itaas, at ang alapaap ay pumatak ng katuwiran: bumuka ang lupa, upang maglabas siya ng kaligtasan, at ang katuwiran ay lumabas na kasama niyaon; akong Panginoon ang lumikha.

9 Sa aba niya, na nakikipagpunyagi sa May-lalang sa kaniya! isang bibinga sa gitna ng mga bibinga sa lupa! Magsasabi baga ang putik sa nagbibigay anyo sa kaniya, Anong ginagawa mo? o ang iyong gawa, Siya’y walang mga kamay?

10 Sa aba niya na nagsasabi sa ama, Ano ang naging anak mo? o sa babae, Ano ang ipinagdamdam mo?

11 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Banal ng Israel, at ng May-lalang sa kaniya, Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating; tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, magutos kayo sa akin.

12 Aking ginawa ang lupa, at nilalang ko ang tao rito: ako, sa makatuwid baga’y ang aking mga kamay, nagladlad ng langit, at sa lahat ng natatanaw roon ay nagutos ako.

13 Aking ibinangon siya sa katuwiran, at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad; kaniyang itatayo ang aking bayan, at kaniyang palalayain ang aking mga natapon, hindi sa halaga o sa kagantihan man, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

14 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang yari ng Egipto, at ang kalakal ng Etiopia, at ang mga Sabeo, sa mga taong matatangkad, ay magsisiparito sa iyo, at sila’y magiging iyo; sila’y magsisisunod sa iyo, sila’y magsisidaang may tanikala; at sila’y mangagpapatirapa sa iyo, sila’y magsisipamanhik sa iyo, na mangagsasabi, Tunay na ang Dios ay nasa iyo; at walang ibang Dios.

15 Katotohanang ikaw ay Dios na nagkukubli, Oh Dios ng Israel, na Tagapagligtas.

16 Sila’y mangapapahiya, oo, mangalilito silang lahat; sila’y magsisipasok sa pagkalito na magkakasama na mga manggagawa ng mga diosdiosan.

17 Nguni’t ang Israel ay ililigtas ng Panginoon ng walang hanggang kaligtasan: kayo’y hindi mangapapahiya o mangalilito man magpakailan man.

18 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon na lumikha ng langit, na siyang Dios na nag-anyo sa lupa at gumawa niyaon, na kaniyang itinatag, at hindi niya nilikha na sira, na kaniyang inanyuan upang tahanan: ako ang Panginoon; at wala nang iba.

19 Ako’y hindi nagsalita ng lihim, sa dako ng lupain ng kadiliman; hindi ako nagsabi sa lahi ni Jacob, Hanapin ninyo ako ng walang kabuluhan: akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran, ako’y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

20 Kayo’y mangagpipisan at magsiparito; magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakatanan sa mga bansa: sila’y walang kaalaman na nangagdadala ng kahoy ng kanilang larawang inanyuan, at nagsisidalangin sa dios na hindi makapagliligtas.

21 Kayo’y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.

22 Kayo’y magsitingin sa akin, at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t ako’y Dios, at walang iba liban sa akin.

23 Ako’y sumumpa ng aking sarili, ang salita ay nakabitaw sa aking bibig sa katuwiran, at hindi babalik, na sa akin ay luluhod ang bawa’t tuhod, bawa’t dila ay susumpa.

24 Sa Panginoon lamang, sasabihin ng isa tungkol sa akin, ang katuwiran at kalakasan: sa makatuwid baga’y sa kaniya magsisiparoon ang mga tao, at ang lahat na nagiinit laban sa kaniya ay mangapapahiya.

25 Sa Panginoon ay aariing ganap ang buong lahi ng Israel, at luluwalhati.

Isaias 46

1 Si Bel ay nagpapatirapa, sa Nebo ay yumuyukod; ang kanilang mga diosdiosan ay pasan sa ibabaw ng mga hayop, at sa ibabaw ng mga baka: ang mga bagay na inyong daladalang inilibot ay mabigat na pasan sa pagod na hayop.

2 Sila’y yumuyukod, sila’y nangagpapatirapang magkakasama; hindi nila maiwasan ang pasan, kundi sila ma’y napapasok sa pagkabihag.

3 Inyong dinggin ako, Oh sangbahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sangbahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa tiyan, na dala mula sa bahay-bata:

4 At hanggang sa katandaan ay ako nga, at hanggang sa magka uban ay dadalhin kita; aking ginawa, at aking dadalhin; oo, aking dadalhin, at aking ililigtas.

5 Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?

6 Sila’y dumudukot ng maraming ginto sa supot, at tumitimbang ng pilak sa timbangan, sila’y nagsisiupa ng panday-ginto, at kaniyang ginagawang dios; sila’y nangagpapatirapa, oo, sila’y nagsisisamba.

7 Pinapasan nila siya sa balikat, dinadala nila siya, at inilalagay siya sa kaniyang dako, at siya’y nakatayo; mula sa kaniyang dako ay hindi siya makikilos: oo, may dadaing sa kaniya, gayon ma’y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kaniya sa kaniyang kabagabagan.

8 Inyong alalahanin ito, at mangagpakalalake kayo: isaisip ninyo uli, Oh ninyong mga mananalangsang.

9 Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka’t ako’y Dios, at walang iba liban sa akin; ako’y Dios, at walang gaya ko;

10 Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan:

11 Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

12 Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:

13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.