Isaias 47

1 Ikaw ay bumaba, at umupo sa alabok, Oh anak na dalaga ng Babilonia; lumagmak ka sa lupa na walang luklukan, Oh anak na babae ng mga Caldeo: sapagka’t hindi ka na tatawaging maselang at mahinhin.

2 Ikaw ay kumuha ng gilingang mga bato, at gumiling ka ng harina; magalis ka ng iyong lambong, maghubad ka ng balabal, maglitaw ka ng binti, tumawid ka sa mga ilog.

3 Ang iyong kahubaran ay malilitaw, oo, ang iyong kahihiyan ay makikita, ako’y manghihiganti, at hindi tatangi ng tao.

4 Ang aming Manunubos, ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang pangalan niya, ang Banal ng Israel.

5 Maupo kang tahimik, at masok ka sa kadiliman, Oh anak na babae ng mga Caldeo: sapagka’t hindi ka na tatawagin. Ang mahal na babae ng mga kaharian.

6 Ako’y napoot sa aking bayan, aking dinumhan ang aking mana, at ibinigay ko sa iyong kamay: hindi mo pinagpakitaan sila ng kaawaan; sa may katandaan ay pinabigat mong mainam ang iyong atang.

7 At iyong sinabi, Ako’y magiging mahal na babae magpakailan man: na anopa’t hindi mo ginunita ang mga bagay na ito sa iyong kalooban, o inalaala mo man ang huling wakas nito.

8 Ngayon nga’y dinggin mo ito, ikaw na hinati sa mga kalayawan, na tumatahang matiwasay, na nagsasabi sa kaniyang puso, Ako nga, at walang iba liban sa akin; hindi ako uupong gaya ng babaing bao, o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak:

9 Nguni’t ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo sa isang sangdali, sa isang araw, ang pagkawala ng mga anak at pagkabao; sa kanilang karamihan ay darating sa iyo, sa karamihan ng iyong panggagaway, at sa totoong kasaganaan ng iyong mga enkanto.

10 Sapagka’t ikaw ay tumiwala sa iyong kasamaan; iyong sinabi, Walang nakakakita sa akin; ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman, nagpaligaw sa iyo: at iyong sinabi sa iyong puso, Ako nga, at walang iba liban sa akin.

11 Kaya’t ang kasamaan ay darating sa iyo; hindi mo malalaman ang bukang liwayway niyaon: at kasakunaan ay sasapit sa iyo; hindi mo maaalis: at kagibaan ay darating sa iyong bigla, na hindi mo nalalaman.

12 Tumayo ka ngayon sa iyong mga enkanto, at sa karamihan ng iyong panggagaway, na iyong ginawa mula sa iyong kabataan: marahil makikinabang ka, marahil mananaig ka.

13 Ikaw ay yamot sa karamihan ng iyong mga payo: magsitayo ngayon ang nanganghuhula sa pamamagitan ng langit, at ng mga bituin, ang mga mangingilala ng tungkol sa buwan, at siyang magligtas sa iyo sa mga bagay na mangyayari sa iyo.

14 Narito, sila’y magiging gaya ng pinagputulan ng trigo; susunugin sila ng apoy; sila’y hindi makaliligtas sa bangis ng liyab: hindi babaga na mapagpapainitan, o magiging apoy na mauupuan sa harap.

15 Ganito mangyayari ang mga bagay sa iyo, na iyong ginawa: silang nangalakal sa iyo mula sa iyong kabinataan ay lalaboy bawa’t isa ng kaniyang sariling lakad; walang magliligtas sa iyo.

Isaias 48

1 Iyong dinggin ito, Oh sangbahayan ni Jacob, na tinatawag sa pangalan ng Israel, at nagsilabas sa bukal ng Juda; na nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon, at nagsibanggit ng Dios ng Israel, nguni’t hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.

2 (Sapagka’t sila’y tinatawag ayon sa bayang banal, at nagsitiwala sa Dios ng Israel; ang Panginoon ng mga hukbo ang kaniyang pangalan):

3 Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una; oo, yao’y lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala: biglang ginawa ko, at nangyari.

4 Sapagka’t nakilala ko, na ikaw ay mapagmatigas, at ang iyong leeg ay parang litid na bakal, at ang iyong noo ay parang tanso:

5 Kaya’t aking ipinahayag sa iyo mula nang una; bago nangyari ay ipinakilala ko sa iyo: baka iyong sabihin, Mga ginawa ng aking diosdiosan, at ang aking larawang inanyuan, at ang aking larawang binubo, nagutos sa kanila.

6 Iyong narinig; tingnan mong lahat ito; at kayo, hindi ba ninyo ipahahayag? Ako’y nagpakita sa iyo ng mga bagong bagay mula sa panahong ito, sa makatuwid baga’y mga kubling bagay na hindi mo naalaman.

7 Mga nalikha ngayon, at hindi mula nang una; at bago dumating ang araw na ito ay hindi mo nangarinig; baka iyong sabihin, Narito, aking nangaalaman.

8 Oo, hindi mo narinig; oo, hindi mo naalaman; oo, mula nang una ay hindi nabuksan ang iyong pakinig: sapagka’t talastas ko na ikaw ay gumawa na totoong may kataksilan, at tinawag na mananalangsang mula sa bahay-bata.

9 Dahil sa aking pangalan ay aking iuurong ang aking galit, at dahil sa kapurihan ko ay aking ititigil, upang huwag kitang ihiwalay.

10 Narito dinalisay kita, nguni’t hindi parang pilak; pinili kita sa hurno ng kadalamhatian.

11 Dahil din sa akin, dahil din sa akin, aking gagawin yaon; sapagka’t, bakit lalapastanganin ang aking pangalan? at ang kaluwalhatian ko ay hindi ko ibinigay sa iba.

12 Inyong dinggin ako, Oh Jacob, at Israel na tinawag ko: Ako nga; ako ang una, ako rin ang huli.

13 Oo, ang aking kamay ay siyang naglagay ng patibayan ng lupa, at ang aking kanan ay siyang nagladlad ng langit: pagka ako’y tumatawag sa kanila, sila’y nagsisitayong magkakasama.

14 Kayo’y magpipisan, kayong lahat, at inyong dinggin; sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Siyang iniibig ng Panginoon ay kaniyang tutuparin ang kaniyang kaligayahan sa Babilonia, at bubuhatin niya ang kaniyang kamay sa mga Caldeo.

15 Ako, ako nga’y nagsalita; oo, aking tinawag siya; aking dinala siya; at kaniyang pagiginhawahin ang kaniyang lakad.

16 Kayo’y magsilapit sa akin, inyong dinggin ito; mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim; mula nang panahon na nangyari ito, nandoon nga ako: at ngayo’y sinugo ako ng Panginoong Dios, at nang kaniyang Espiritu.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng inyong Manunubos, ng Banal ng Israel, Ako ang Panginoon mong Dios, na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat na lakaran.

18 Oh kung dininig mo ang aking mga utos! ang iyo ngang kapayapaan ay naging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat:

19 Ang iyo namang lahi ay naging parang buhangin at ang suwi ng iyong tiyan ay parang mga butil niyaon: ang kaniyang pangalan ay hindi mahihiwalay o magigiba man sa harap ko.

20 Kayo’y magsilabas sa Babilonia, inyong takasan ang mga Caldeo; kayo’y mangagpahayag na may tinig ng awitan, inyong saysayin ito, itanyag ninyo hanggang sa wakas ng lupa: inyong sabihin, Tinubos ng Panginoon ang Jacob na kaniyang lingkod.

21 At sila’y hindi nangauhaw nang pinapatnubayan niya sila sa mga ilang; kaniyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila; kaniyang ginuwangan din naman ang bato, at ang tubig ay bumukal.

22 Walang kapayapaan sa masama, sabi ng Panginoon.

Isaias 49

1 Kayo’y magsipakinig sa akin, Oh mga pulo; at inyong pakinggan, ninyong mga bayan, sa malayo: tinawag ako ng Panginoon mula sa bahay-bata; mula sa bahay-bata ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan:

2 At kaniyang ginawa ang aking bibig na parang matalas na tabak; sa lilim ng kaniyang kamay ay ikinubli niya ako: at ginawa niya akong makinang na pana; sa kaniyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako:

3 At sinabi niya sa akin, Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.

4 Nguni’t aking sinabi, Ako’y gumawang walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayon ma’y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios.

5 At ngayo’y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka’t ako’y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)

6 Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.

7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila’y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.

8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa kalugodlugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: at aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana;

9 Na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo’y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila’y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.

10 Sila’y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka’t siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga’y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.

11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.

12 Narito, ang mga ito’y manggagaling sa malayo; at, narito, ang mga ito ay mula sa hilagaan, at mula sa kalunuran; at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.

13 Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo’y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka’t inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.

14 Nguni’t sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.

15 Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito’y makalilimot, nguni’t hindi kita kalilimutan.

16 Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.

17 Ang iyong mga anak ay mangagmamadali; ang mga manghahamak sa iyo at ang sumisira sa iyo ay aalis sa iyo.

18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo: lahat ng mga ito ay nagpipipisan, at naparirito sa iyo. Buhay ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay mabibihisan ng lahat ng mga yaon, na parang pinakagayak, at mabibigkisan ka ng mga yaon na parang isang kasintahang babae.

19 Sapagka’t tungkol sa iyong mga sira at sa iyong mga gibang dako at sa iyong lupain na nawasak, tunay na ikaw ngayon ay magiging totoong napakakipot sa mga mananahan, at silang nagsisisakmal sa iyo ay mangalalayo.

20 Ang mga anak ng inyong kapanglawan ay mangagsasabi pa sa iyong mga pakinig, Ang dako ay totoong makipot sa ganang akin: bigyan mo ako ng dako upang aking matahanan.

21 Kung magkagayo’y sasabihin mo sa iyong sarili, Sinong nanganak ng mga ito sa akin, dangang nawalan ako ng aking mga anak, at ako’y nagiisa, tapon, at lumalaboy na paroo’t parito? at sinong nagpalaki ng mga ito? Narito, ako’y naiwang magisa; mga ito, saan nangandoon?

22 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking ikakaway ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at sila’y kakalong ng iyong mga anak na lalake sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.

23 At mga hari ang magiging iyong mga taga kandiling ama, at ang kanilang mga reina, ay iyong mga taga kandiling ina: sila’y magsisiyukod sa iyo ng kanilang mga mukha sa lupa, at hihimuran ang alabok ng inyong mga paa: at iyong makikilala, na ako ang Panginoon, at ang nangaghihintay sa akin ay hindi mangapapahiya.

24 Makukuha baga ang huli sa makapangyarihan, o maliligtas ang mga talagang nabihag?

25 Nguni’t ganito ang sabi ng Panginoon, Pati ng mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakilakilabot ay maliligtas; sapagka’t ako’y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang iyong mga anak.

26 At aking pakakanin silang nagsisipighati sa iyo ng kanilang sariling laman; at sila’y mangalalango ng kanilang sariling dugo, na gaya ng matamis na alak: at makikilala ng lahat ng tao, na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas, at iyong Manunubos, na Makapangyarihan ng Jacob.

Isaias 50

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Saan nandoon ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kaniya? o sa kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay naipagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsalangsang ay nahiwalay ang inyong ina.

2 Bakit, nang ako’y parito, ay walang tao? nang ako’y tumawag, ay walang sumagot? naging maiksi na baga ang aking kamay na hindi makatubos? o wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking pinapaging ilang ang mga ilog: ang kanilang isda ay bumabaho, sapagka’t walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw.

3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit at aking ginagawang kayong magaspang ang kaniyang takip.

4 Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay. Siya’y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.

5 Binuksan ng Panginoong Dios ang aking pakinig, at ako’y hindi naging mapanghimagsik, o tumalikod man.

6 Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.

7 Sapagka’t tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya’t hindi ako nalito: kaya’t inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.

8 Siya’y malapit na nagpapatotoo sa akin; sinong makikipaglaban sa akin? tayo’y magsitayong magkakasama: sino ang aking kaaway? bayaang lumapit siya sa akin.

9 Narito, tutulungan ako ng Panginoong Dios; sino siya na hahatol sa akin? narito, silang lahat ay mangalulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga.

10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kaniyang lingkod? Siyang lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag, tumiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa sa kaniyang Dios.

11 Narito, kayong lahat na nangagsusulsol ng apoy, na kumukubkob ng mga sulo: magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong pinagalab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay; kayo’y hihiga sa kapanglawan.

Isaias 51

1 Kayo’y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.

2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka’t nang siya’y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.

3 Sapagka’t inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.

4 Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: sapagka’t isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong pinakaliwanag sa mga bayan.

5 Ang katuwiran ko ay malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.

6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka’t ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni’t ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.

7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.

8 Sapagka’t sila’y lalamunin ng tanga na parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni’t ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali’t saling lahi.

9 Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh bisig ng Panginoon; gumising ka na gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa buwaya?

10 Hindi baga ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng natubos?

11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila’y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.

12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;

13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya’y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?

14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.

15 Sapagka’t ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao’y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.

17 Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.

18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.

19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?

20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila’y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila’y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.

21 Kaya’t pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni’t hindi ng alak:

22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:

23 At aking ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.

Isaias 52

1 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka’t mula ngayo’y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.

2 Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.

3 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo’y naipagbili sa wala; at kayo’y matutubos ng walang salapi.

4 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan.

5 Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw,

6 Kaya’t makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya’t matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga.

7 Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!

8 Ang tinig ng iyong mga bantay! sila’y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka’t sila’y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion.

9 Kayo’y magbiglang magalak, kayo’y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka’t inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem.

10 Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios.

11 Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya; kayo’y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.

12 Sapagka’t kayo’y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka’t ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod.

13 Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya’y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas.

14 Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao),

15 Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka’t ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa.

Isaias 53

1 Sinong naniwala sa aming balita? at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

2 Sapagka’t siya’y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya.

3 Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na siya’y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya.

4 Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma’y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati.

5 Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

6 Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa’t isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.

7 Siya’y napighati, gayon man nang siya’y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma’y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.

8 Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala siya: at tungkol sa kaniyang lahi, sino sa kanila ang gumunita na siya’y nahiwalay sa lupain ng buhay? dahil sa pagsalangsang ng aking bayan ay nasaktan siya.

9 At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kaniyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anomang karayaan sa kaniyang bibig.

10 Gayon ma’y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya; inilagay niya siya sa pagdaramdam: pagka iyong gagawin ang kaniyang kaluluwa na pinakahandog dahil sa kasalanan, makikita niya ang kaniyang lahi, pahahabain niya ang kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ng Panginoon ay lalago sa kaniyang kamay.

11 Siya’y makakakita ng pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masisiyahan: sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay aariing ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang mga kasamaan.

12 Kaya’t hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at kaniyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas; sapagka’t kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga mananalangsang: gayon ma’y dinala niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalangsang.

Isaias 54

1 Umawit ka, Oh baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay magbiglang umawit, at humiyaw ng malakas, ikaw na hindi nagdamdam ng panganganak: sapagka’t higit ang mga anak ng binawaan kay sa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.

2 Iyong palakhin ang dako ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos.

3 Sapagka’t ikaw ay lalago sa kanan at sa kaliwa; at ang iyong lahi ay magaari ng mga bansa, at patatahanan ang mga gibang bayan.

4 Huwag kang matakot; sapagka’t ikaw ay hindi mapapahiya: o malilito ka man; sapagka’t hindi ka malalagay sa kahihiyan: sapagka’t iyong kalilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at ang pula sa iyong pagkabao ay hindi mo maaalaala pa.

5 Sapagka’t ang May-lalang sa iyo ay iyong asawa; ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan: at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos, ang Dios ng buong lupa tatawagin siya.

6 Sapagka’t tinawag ka ng Panginoon na parang asawang kinalimutan namamanglaw sa kalooban, parang asawa ng kabataan, pagka siya’y itinatakuwil, sabi ng iyong Dios.

7 Sa sangdaling-sangdali ay kinalimutan kita; nguni’t pipisanin kita sa pamamagitan ng mga malaking kaawaan.

8 Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; nguni’t kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.

9 Sapagka’t ito ay parang tubig ng panahon ni Noe sa akin; sapagka’t kung paanong ako’y sumumpa, na ang tubig ng panahon ni Noe ay hindi na aahon pa sa lupa, gayon ako’y sumumpa na hindi ako magiinit sa iyo, o sasaway sa iyo.

10 Sapagka’t ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni’t ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.

11 Oh ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magandang mga kulay, at ilalapag ko ang iyong mga patibayan na may mga zafiro.

12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga dungawan, at mga karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at mga mahahalagang bato ang iyong lahat na hangganan.

13 At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.

14 Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka’t yao’y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka’t hindi lalapit sa iyo.

15 Narito, sila’y magkakapisan, nguni’t hindi sa pamamagitan ko: sinomang magpipisan laban sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo.

16 Narito, aking nilalang ang panday na humihihip sa mga baga, at naglalabas ng kasangkapan para sa kaniyang gawa; at aking nilalang ang manglilipol upang manglipol.

17 Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at bawa’t dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.

Isaias 55

1 Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig at siyang walang salapi; magsiparito kayo, kayo’y magsibili, at magsikain; oo, kayo’y magsiparito, kayo’y magsibili ng alak at gatas ng walang salapi at walang bayad.

2 Ano’t kayo’y nangaggugugol ng salapi sa hindi pagkain? at ng inyong gawa sa hindi nakabubusog? inyong pakinggan ako, at magsikain kayo ng mabuti, at mangalugod kayo sa katabaan.

3 Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa akin; kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay: at ako’y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, sa makatuwid baga’y ng tunay na mga kaawaan ni David.

4 Narito, ibinigay ko siya na pinakasaksi sa mga bayan, na patnubay at tagapagutos sa mga bayan.

5 Narito, ikaw ay tatawag ng bansa na hindi mo nakikilala; at bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo, dahil sa Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel; sapagka’t kaniyang niluwalhati ka.

6 Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit:

7 Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.

8 Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

9 Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.

10 Sapagka’t kung paanong ang ulan ay lumalagpak at ang niebe ay mula sa langit, at hindi bumabalik doon, kundi dinidilig ang lupa, at pinasisibulan at pinatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain;

11 Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko: hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng kinalulugdan ko, at giginhawa sa bagay na aking pinagsuguan.

12 Sapagka’t kayo’y magsisilabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan: ang mga bundok at ang mga burol ay magsisibulas ng pagawit sa harap ninyo, at ipapakpak ng lahat na punong kahoy sa parang ang kanilang mga kamay.

13 Kahalili ng tinik ay tutubo ang puno ng abeto; at kahalili ng dawag ay tutubo ang arayan: at sa Panginoon ay magiging pinaka pangalan, pinaka walang hanggang tanda na hindi mapaparam.

Isaias 56

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo’y mangagingat ng kahatulan, at magsigawa ng katuwiran; sapagka’t ang aking pagliligtas ay malapit nang darating, at ang aking katuwiran ay mahahayag.

2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin, at nagiingat ng kaniyang kamay sa paggawa ng anomang kasamaan.

3 At huwag ding magsalita ang taga ibang lupa, na nalakip sa Panginoon, na magsasabi, Tunay na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kaniyang bayan; at huwag ding magsabi ang bating, Narito, ako’y punong kahoy na tuyo.

4 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakalulugod sa akin, at nagiingat ng aking tipan:

5 Sila’y bibigyan ko sa aking bahay at sa loob ng aking mga kuta, ng alaala at pangalan na maigi kay sa mga anak na lalake at babae; aking bibigyan sila ng walang hanggang pangalan, na hindi mapaparam.

6 Gayon din ang mga taga ibang lupa, na nakikilakip sa Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang maging kaniyang mga lingkod, bawa’t nangingilin ng sabbath upang huwag lapastangin, at nagiingat ng aking tipan;

7 Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka’t ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.

8 Ang Panginoong Dios na pumipisan ng mga itinapon sa Israel ay nagsasabi, Magpipisan pa ako ng mga iba sa kaniya, bukod sa kaniyang sarili na nangapisan.

9 Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo’y magsiparitong lumamon, oo, kayong lahat na mga hayop sa gubat.

10 Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila’y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip.

11 Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila’y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila’y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa’t isa’y sa kaniyang pakinabang.

12 Kayo’y magsiparito, sabi nila, ako’y magdadala ng alak, at magpatid-uhaw tayo sa matapang na inumin; at bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakilang araw, na walang kapantay.