Mga Kawikaan 1

1 Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:

2 Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;

3 Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;

4 Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:

5 Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:

6 Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.

7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni’t ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.

8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:

9 Sapagka’t sila’y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.

10 Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.

11 Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo’y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo’y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;

12 Sila’y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;

13 Tayo’y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;

14 Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:

15 Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:

16 Sapagka’t ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila’y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.

17 Sapagka’t walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:

18 At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.

19 Ganyan ang mga lakad ng bawa’t sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.

20 Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako;

21 Siya’y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita:

22 Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman?

23 Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.

24 Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;

25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:

26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;

27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.

28 Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:

29 Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.

30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:

31 Kaya’t sila’y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.

32 Sapagka’t papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.

33 Nguni’t ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.

Mga Kawikaan 2

1 Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;

2 Na anopa’t iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;

3 Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;

4 Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.

5 Kung magkagayo’y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.

6 Sapagka’t ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:

7 Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya’y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;

8 Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.

9 Kung magkagayo’y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa’t mabuting landas.

10 Sapagka’t karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;

11 Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:

12 Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;

13 Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;

14 Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,

15 Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:

16 Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga’y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;

17 Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:

18 Sapagka’t ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:

19 Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:

20 Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.

21 Sapagka’t ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.

22 Nguni’t ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.

Mga Kawikaan 3

1 Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:

2 Sapagka’t karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.

3 Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:

4 Sa gayo’y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.

5 Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:

6 Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

7 Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:

8 Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.

9 Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani:

10 Sa gayo’y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.

11 Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:

12 Sapagka’t sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.

14 Sapagka’t ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.

15 Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya,

16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.

17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan.

18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa’t isa na nangamamalagi sa kaniya.

19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.

20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.

21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;

22 Sa gayo’y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.

23 Kung magkagayo’y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.

24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.

25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:

26 Sapagka’t ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.

27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.

28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.

29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa’t tumatahang tiwasay sa siping mo.

30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.

31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.

32 Sapagka’t ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid.

33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni’t pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid.

34 Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni’t binibigyan niya ng biyaya ang mababa.

35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni’t kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.

Mga Kawikaan 4

1 Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan:

2 Sapagka’t bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.

3 Sapagka’t ako’y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.

4 At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka:

5 Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig:

6 Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya.

7 Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya’t kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.

8 Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya.

9 Siya’y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo.

10 Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.

11 Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran.

12 Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod.

13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka’t siya’y iyong buhay.

14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.

15 Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka.

16 Sapagka’t hindi sila nangatutulog, malibang sila’y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila’y makapagpabuwal.

17 Sapagka’t sila’y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan.

18 Nguni’t ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.

19 Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.

20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi.

21 Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso.

22 Sapagka’t buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan.

23 Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka’t dinadaluyan ng buhay,

24 Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.

25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo.

26 Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad.

27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.

Mga Kawikaan 5

1 Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa:

2 Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman.

3 Sapagka’t ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis:

4 Nguni’t ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.

5 Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol;

6 Na anopa’t hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.

7 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig.

8 Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay:

9 Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik:

10 Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid;

11 At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw,

12 At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway:

13 Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!

14 Ako’y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.

15 Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon.

16 Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan?

17 Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo.

18 Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.

19 Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig.

20 Sapagka’t bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala?

21 Sapagka’t ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.

22 Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya’y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan.

23 Siya’y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.

Mga Kawikaan 6

1 Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala,

2 Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.

3 Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.

4 Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata.

5 Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag.

6 Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka:

7 Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno,

8 Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani.

9 Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?

10 Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:

11 Sa gayo’y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata.

12 Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig;

13 Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri;

14 Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya’y laging kumakatha ng kasamaan; siya’y naghahasik ng pagtatalo.

15 Kaya’t darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan.

16 May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya:

17 Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo;

18 Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan;

19 Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.

20 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina:

21 Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg.

22 Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo.

23 Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:

24 Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala.

25 Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata.

26 Sapagka’t dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.

27 Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?

28 O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso?

29 Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan.

30 Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya’y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya’y gutom:

31 Nguni’t kung siya’y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.

32 Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.

33 Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi.

34 Sapagka’t ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti.

35 Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.

Mga Kawikaan 7

1 Anak ko ingatan mo ang aking mga salita, at impukin mo sa iyo ang aking mga utos.

2 Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka; at ang aking kautusan na parang itim ng iyong mata.

3 Itali mo sa iyong mga daliri; ikintal mo sa iyong puso.

4 Sabihin mo sa karunungan, Ikaw ay aking kapatid na babae; at tawagin mong iyong kamaganak na babae ang unawa:

5 Upang kanilang maingatan ka sa babaing masama; sa babaing di kilala na nagtatabil ng kaniyang mga salita.

6 Sapagka’t sa dungawan ng aking bahay tumitingin ako sa aking solihia;

7 At ako’y tumingin sa mga musmos, ako’y nagmasid sa mga may kabataan, sa may kabataang walang bait,

8 Na dumaraan sa lansangan na malapit sa kaniyang sulok, at siya’y yumaon sa daan na patungo sa kaniyang bahay;

9 Sa pagtatakip silim, sa kinagabihan ng araw, sa kalahatian ng gabi, at sa kadiliman.

10 At, narito, doo’y nasalubong niya ang isang babae na nakagayak ng tila isang patutot, at tuso sa puso.

11 Siya’y madaldal at matigas ang ulo; ang kaniyang mga paa ay hindi nagsisitahan sa kaniyang bahay:

12 Ngayo’y nasa mga lansangan siya, mamaya’y nasa mga luwal na dako siya, at nagaabang sa bawa’t sulok,

13 Sa gayo’y hinahawakan niya siya at hinahagkan siya, at may mukhang walang hiya na nagsasabi siya sa kaniya:

14 Mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay sa akin; sa araw na ito ay tinupad ko ang aking mga panata.

15 Kaya’t lumabas ako upang salubungin ka, hinanap kong masikap ang iyong mukha, at nasumpungan kita.

16 Aking inilatag ang aking higaan na may mga coltsong may burda, na yari sa guhitguhit na kayong lana sa Egipto.

17 At aking pinabanguhan ang aking higaan ng mira, mga oleo, at sinamomo.

18 Parito ka, tayo’y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.

19 Sapagka’t ang lalake ay wala sa bahay, siya’y naglakbay sa malayo:

20 Siya’y nagdala ng supot ng salapi; siya’y uuwi sa bahay sa kabilugan ng buwan.

21 Kaniyang pinasusuko siya ng karamihan ng kaniyang mga matamis na salita, hinihila niya siya ng katabilan ng kaniyang mga labi.

22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kaniya, gaya ng toro na naparoroon sa patayan, O gaya ng sa mga tanikala sa sawayan sa mangmang;

23 Hanggang sa lagpasan ng isang palaso ang kaniyang atay; gaya ng ibong nagmamadali sa bitag, at hindi nakakaalam na yao’y sa kaniyang buhay.

24 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at makinig kayo ng mga salita ng aking bibig.

25 Huwag humilig ang iyong puso sa kaniyang mga lakad, huwag kang lumiko sa kaniyang mga landas.

26 Sapagka’t kaniyang inihiga ang maraming may sugat: Oo, lahat niyang pinatay ay isang makapangyarihang hukbo.

27 Ang kaniyang bahay ay daang patungo sa Sheol. Pababa sa mga silid ng kamatayan.

Mga Kawikaan 8

1 Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?

2 Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya’y tumatayo;

3 Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya’y humihiyaw ng malakas:

4 Sa inyo, Oh mga lalake, ako’y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.

5 Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso.

6 Kayo’y mangakinig, sapagka’t magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay,

7 Sapagka’t ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi.

8 Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila.

9 Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

10 Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto.

11 Sapagka’t ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.

12 Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.

13 Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim.

14 Payo ay akin at magaling na kaalaman: ako’y kaunawaan; ako’y may kapangyarihan,

15 Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.

16 Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, at ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga’y lahat ng mga hukom sa lupa.

17 Aking iniibig sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na masikap sa akin ay masusumpungan ako.

18 Mga kayamanan at karangalan ay nasa akin; Oo, lumalaging mga kayamanan at katuwiran.

19 Ang bunga ko ay maigi kay sa ginto, oo, kay sa dalisay na ginto; at ang pakinabang sa akin kay sa piling pilak.

20 Ako’y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan:

21 Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman.

22 Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.

23 Ako’y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.

24 Ako’y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.

25 Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako’y nailabas:

26 Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.

27 Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya’y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:

28 Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:

29 Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:

30 Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;

31 Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.

32 Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka’t mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.

33 Mangakinig kayo ng turo, at kayo’y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan.

34 Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.

35 Sapagka’t sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon.

36 Nguni’t siyang nagkakasala laban sa akin ay nagliligaw ng kaniyang sariling kaluluwa; silang lahat na nangagtatanim sa akin ay nagsisiibig ng kamatayan.

Mga Kawikaan 9

1 Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay, kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:

2 Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak; kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.

3 Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae; siya’y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:

4 Kung sinoma’y musmos, pumasok dito: tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:

5 Kayo’y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay, at magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.

6 Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo’y mabuhay; at kayo’y magsilakad sa daan ng kaunawaan.

7 Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.

8 Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.

9 Turuan mo ang pantas, at siya’y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya’y lalago sa pagkatuto.

10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.

11 Sapagka’t sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.

12 Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili: at kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa ang magpapasan.

13 Ang hangal na babae ay madaldal; siya’y musmos at walang nalalaman.

14 At siya’y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay, sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,

15 Upang tawagin ang nangagdadaan, na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:

16 Sinomang musmos ay pumasok dito: at tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:

17 Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.

18 Nguni’t hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon; na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.

Mga Kawikaan 10

1 Mga kawikaan ni Salomon. Ang pantas na anak ay nakapagpapasaya sa ama: nguni’t ang mangmang na anak ay pasan ng kaniyang ina.

2 Mga kayamanan ng kasamaan ay hindi napapakinabangan: nguni’t ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.

3 Hindi titiisin ng Panginoon na magutom ang kaluluwa ng matuwid: nguni’t kaniyang itinatakuwil ang nasa ng masama.

4 Siya’y nagiging dukha na gumagawa ng kamay na walang kasipagan: nguni’t yumayaman ang kamay ng masipag.

5 Siyang nagtitipon sa taginit ay pantas na anak: nguni’t siyang natutulog sa pagaani ay anak na kahiyahiya.

6 Mga pagpapala ay nangasa ulo ng matuwid: nguni’t tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.

7 Ang alaala sa ganap ay pinagpapala: nguni’t ang pangalan ng masama ay mapaparam.

8 Ang pantas sa puso ay tatanggap ng mga utos: nguni’t ang madaldal na musmos ay mabubuwal.

9 Siyang lumalakad ng matuwid ay lumalakad na tiwasay: nguni’t siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikilala.

10 Siyang kumikindat ng mata ay nagpapapanglaw: nguni’t ang madaldal na musmos ay mabubuwal.

11 Ang bibig ng matuwid, ay bukal ng kabuhayan: nguni’t tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.

12 Ang pagtatanim ay humihila ng mga kaalitan: nguni’t tinatakpan ng pagibig ang lahat ng pagsalangsang.

13 Nasusumpungan sa mga labi ng mabait ang karunungan: nguni’t ang pamalo ay sa likod ng walang unawa.

14 Ang mga pantas ay nagiimbak ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mangmang ay kasalukuyang ikapapahamak.

15 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan: ang kapahamakan ng dukha ay ang kanilang karalitaan.

16 Ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay; ang bunga ng dukha ay sa pagkakasala.

17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng saway: nguni’t siyang nagpapabaya ng saway ay nagkakamali.

18 Siyang nagkukubli ng mga pagtatanim ay sa mga magdarayang labi; at siyang nagpaparatang ay mangmang.

19 Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalangsang: nguni’t siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.

20 Ang dila ng matuwid ay parang piling pilak: ang puso ng masama ay kaunti ang halaga.

21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami: nguni’t ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pagunawa.

22 Ang pagpapala ng Panginoon, ay nagpapayaman, at hindi niya idinadagdag ang kapanglawan.

23 Isang paglilibang sa mangmang ang paggawa ng kasamaan: at gayon ang karunungan sa taong naguunawa.

24 Ang takot ng masama ay darating sa kaniya: at ang nasa ng matuwid ay ipagkakaloob.

25 Pagka ang ipoipo ay dumadaan ay nawawala ang masama: nguni’t ang matuwid ay walang hanggang patibayan.

26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at kung paano ang usok sa mata, gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.

27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapalaon ng mga kaarawan: nguni’t ang mga taon ng masama ay mangangaunti.

28 Ang pagasa ng matuwid ay magiging kasayahan: nguni’t ang pagasa ng masama ay mawawala.

29 Ang daan ng Panginoon ay katibayan sa matuwid; nguni’t kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.

30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailan man: nguni’t ang masama ay hindi tatahan sa lupain.

31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan: nguni’t ang magdarayang dila ay ihihiwalay.

32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakalulugod: nguni’t ang bibig ng masama ay nagsasalita ng karayaan.