Mga Kawikaan 11

1 Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.

2 Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni’t nasa mababa ang karunungan.

3 Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni’t ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.

4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni’t ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.

5 Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni’t mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.

6 Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni’t silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.

7 Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.

8 Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.

9 Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni’t sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.

10 Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.

11 Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni’t napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.

12 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni’t ang taong naguunawa ay tumatahimik.

13 Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni’t ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.

14 Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni’t sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.

15 Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni’t siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.

16 Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.

17 Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni’t ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.

18 Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni’t ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.

19 Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.

20 Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.

21 Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni’t ang binhi ng matuwid ay maliligtas.

22 Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.

23 Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni’t ang hintay ng masama ay poot.

24 May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni’t nauuwi lamang sa pangangailangan.

25 Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.

26 Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni’t kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.

27 Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni’t siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.

28 Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni’t ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.

29 Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.

30 Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.

31 Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!

Mga Kawikaan 12

1 Sinomang umiibig ng kasawayan ay umiibig ng kaalaman: nguni’t siyang nagtatanim sa kasawayan ay hangal.

2 Ang mabuting tao ay magtatamo ng lingap ng Panginoon: nguni’t kaniyang parurusahan ang taong may masasamang katha.

3 Ang tao ay hindi matatag sa pamamagitan ng kasamaan: nguni’t ang ugat ng matuwid ay hindi makikilos.

4 Ang mabait na babae ay putong sa kaniyang asawa: nguni’t siyang nakahihiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.

5 Ang mga pagiisip ng matuwid ay ganap: nguni’t ang mga payo ng masama ay magdaraya.

6 Ang mga salita ng masama ay mga bakay sa dugo: nguni’t ililigtas sila ng bibig ng matuwid.

7 Ang masama ay inilulugmok at nawawala: nguni’t ang sangbahayan ng matuwid ay tatayo.

8 Pupurihin ang tao ayon sa kaniyang karunungan: nguni’t ang masama sa puso ay hahamakin.

9 Maigi siyang pinahahalagahan ng kaunti, at may alipin, kay sa nagmamapuri, at kinukulang ng tinapay.

10 Ang matuwid ay nagpapakundangan sa buhay ng kaniyang hayop: nguni’t ang mga kaawaan ng masama ay mabagsik.

11 Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni’t siyang sumusunod sa taong walang kabuluhan ay walang unawa.

12 Ninanasa ng masama ang lambat ng mga masamang tao: nguni’t ang ugat ng matuwid ay nagbubunga.

13 Nasa pagsalangsang ng mga labi ang silo sa mga masamang tao: nguni’t ang matuwid ay lalabas sa kabagabagan.

14 Ang tao ay masisiyahan ng buti sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao ay babayaran sa kaniya.

15 Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni’t siyang pantas ay nakikinig sa payo.

16 Ang yamot ng mangmang ay agad nakikilala: nguni’t ang mabait na tao ay nagtatakip ng kahihiyan.

17 Ang nagbabadya ng katotohanan ay nagpapakilala ng katuwiran, nguni’t ang sinungaling sa saksi ay nagdadaya.

18 May nagsasalitang madalas na parang saliwan ng tabak: nguni’t ang dila ng pantas ay kagalingan.

19 Ang labi ng katotohanan ay matatatag kailan man. Nguni’t ang sinungaling na dila ay sa sangdali lamang.

20 Pagdaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan: nguni’t sa mga tagapayo ng kapayapaan ay kagalakan.

21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid: nguni’t ang masama ay mapupuno ng kasamaan.

22 Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.

23 Ang taong mabait ay nagkukubli ng kaalaman: nguni’t ang puso ng mga mangmang ay nagtatanyag ng kamangmangan.

24 Ang kamay ng masipag ay magpupuno: nguni’t ang tamad ay malalagay sa pagatag.

25 Ang kabigatan sa puso ng tao ay nagpapahukot; nguni’t ang mabuting salita ay nagpapasaya.

26 Ang matuwid ay patnubay sa kaniyang kapuwa: nguni’t ang lakad ng masama ay nakapagpapaligaw.

27 Ang tamad ay hindi nagiihaw ng kahit kaniyang napapangasuhan; nguni’t ang mahalagang pag-aari ng tao ay sa mga masisipag.

28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay; at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.

Mga Kawikaan 13

1 Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama: nguni’t hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway.

2 Ang tao ay kakain ng mabuti ayon sa bunga ng kaniyang bibig: nguni’t ang magdaraya ay kakain ng karahasan,

3 Siyang nagiingat ng kaniyang bibig, nagiingat ng kaniyang buhay: nguni’t siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi ay magkakaroon ng kapahamakan.

4 Ang tamad ay nagnanasa, at walang anoman: nguni’t ang kaluluwa ng masipag ay tataba.

5 Ang matuwid ay nagtatanim sa pagsisinungaling: nguni’t ang masama ay kasuklamsuklam, at napapahiya.

6 Bumabantay ang katuwiran sa matuwid na lakad; nguni’t inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan.

7 May nagpapakayaman, gayon ma’y walang anoman: may nagpapakadukha, gayon ma’y may malaking kayamanan.

8 Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan: nguni’t ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.

9 Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak: nguni’t ang ilawan ng masama ay papatayin.

10 Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang: nguni’t ang karunungan ay nangasa nangaturuang maigi.

11 Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay huhupa: nguni’t siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.

12 Ang pagasa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso: nguni’t pagka ang nasa ay dumarating ay punong kahoy ng buhay.

13 Sinomang humamak sa salita ay nagdadala ng kapahamakan sa sarili: nguni’t siyang natatakot sa utos ay gagantihin.

14 Ang kautusan ng pantas ay bukal ng buhay, upang lumayo sa mga silo ng kamatayan.

15 Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay lingap: nguni’t ang lakad ng mananalangsang ay mahirap.

16 Bawa’t mabait na tao ay gumagawang may kaalaman: nguni’t ang mangmang ay nagkakalat ng kamangmangan.

17 Ang masamang sugo ay nahuhulog sa kasamaan: nguni’t ang tapat na sugo ay kagalingan.

18 Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakuwil ng saway: nguni’t siyang nakikinig ng saway ay magkakapuri.

19 Ang nasa na natupad ay matamis sa kaluluwa: nguni’t kasuklamsuklam sa mga mangmang na humiwalay sa kasamaan.

20 Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas; nguni’t ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.

21 Ang kasamaan ay humahabol sa mga makasalanan; nguni’t ang matuwid ay gagantihan ng mabuti.

22 Ang mabuti ay nagiiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak; at ang kayamanan ng makasalanan ay nalalagay na ukol sa matuwid.

23 Maraming pagkain ang nasa pagsasaka ng dukha: nguni’t may napapahamak dahil sa kawalan ng kaganapan.

24 Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak: nguni’t siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan.

25 Ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa; nguni’t ang tiyan ng masama ay mangangailangan.

Mga Kawikaan 14

1 Bawa’t pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay: nguni’t binubunot ng mangmang, ng kaniyang sariling mga kamay.

2 Siyang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot sa Panginoon: nguni’t siyang suwail sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa kaniya.

3 Sa bibig ng mangmang ay may tungkod ng kapalaluan: nguni’t ang mga labi ng pantas ay mangagiingat ng mga yaon.

4 Kung saan walang baka, ang bangan ay malinis: nguni’t ang karamihan ng bunga ay nasa kalakasan ng baka.

5 Ang tapat na saksi ay hindi magbubulaan: nguni’t ang sinungaling na saksi ay nagbabadya ng mga kasinungalingan.

6 Ang manglilibak ay humahanap ng karunungan at walang nasusumpungan: nguni’t ang kaalaman ay madali sa kaniya na naguunawa.

7 Paroon ka sa harapan ng taong mangmang, at hindi mo mamamalas sa kaniya ang mga labi ng kaalaman:

8 Ang karunungan ng mabait ay makaunawa ng kaniyang lakad: nguni’t ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan.

9 Ang mangmang ay tumutuya sa sala: nguni’t sa matuwid ay may mabuting kalooban.

10 Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan; at ang tagaibang lupa ay hindi nakikialam ng kaniyang kagalakan.

11 Ang bahay ng masama ay mababagsak: nguni’t ang tolda ng matuwid ay mamumukadkad.

12 May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.

13 Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.

14 Ang tumatalikod ng kaniyang puso ay mabubusog ng kaniyang sariling mga lakad: at masisiyahang loob ang taong mabuti.

15 Pinaniniwalaan ng musmos ang bawa’t salita: nguni’t ang mabait ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.

16 Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: nguni’t ang mangmang ay nagpapakilalang palalo, at timawa.

17 Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan: at ang taong may masamang katha ay ipagtatanim.

18 Ang musmos ay nagmamana ng kamangmangan: nguni’t ang mabait ay puputungan ng kaalaman.

19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti; at ang masama ay sa mga pintuang-daan ng matuwid.

20 Ipinagtatanim ang dukha maging ng kaniyang kapuwa: nguni’t ang mayaman ay maraming kaibigan.

21 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala: nguni’t siyang naaawa sa dukha ay mapalad siya.

22 Hindi ba sila nagkakamali na kumakatha ng kasamaan? Nguni’t kaawaan at katotohanan ay sasa kanila na nagsisikatha ng mabuti.

23 Sa lahat ng gawain ay may pakinabang: nguni’t ang tabil ng mga labi ay naghahatid sa karalitaan.

24 Ang putong ng mga pantas ay ang kanilang mga kayamanan: nguni’t ang kamangmangan ng mga mangmang ay kamangmangan lamang.

25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni’t siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.

26 Sa pagkatakot sa Panginoon ay may matibay na pagkakatiwala: at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng dakong kanlungan.

27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan.

28 Nasa karamihan ng bayan ang kaluwalhatian ng hari: nguni’t na sa pangangailangan ng bayan ang kapahamakan ng pangulo.

29 Siyang makupad sa pagkagalit ay may dakilang paguunawa: nguni’t siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.

30 Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan: nguni’t ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.

31 Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya. Nguni’t siyang naaawa sa mapagkailangan ay nagpaparangal sa kaniya.

32 Ang masama ay manahagis sa kaniyang masamang gawa: nguni’t ang matuwid ay may kanlungan sa kaniyang kamatayan.

33 Karunungan ay nagpapahinga sa puso niya na may paguunawa: nguni’t ang nasa loob ng mga mangmang ay nalalaman.

34 Ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa: nguni’t ang kasalanan ay kakutyaan sa alinmang bayan.

35 Ang lingap ng hari ay sa lingkod na gumagawa na may kapantasan: nguni’t ang kaniyang poot ay magiging laban sa nakahihiya.

Mga Kawikaan 15

1 Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni’t ang mabigat na salita ay humihila ng galit.

2 Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.

3 Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa’t dako, na nagbabantay sa masama at sa mabuti.

4 Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay: nguni’t ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.

5 Hinahamak ng mangmang ang saway ng kaniyang ama: nguni’t siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.

6 Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan: nguni’t sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.

7 Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman: nguni’t ang puso ng mangmang ay hindi gayon.

8 Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.

9 Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.

10 May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.

11 Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon: gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!

12 Ayaw ang manglilibak na siya’y sawayin. Siya’y hindi paroroon sa pantas.

13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni’t sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.

14 Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.

15 Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni’t siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.

16 Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon, kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.

17 Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig, kay sa matabang baka at may pagtataniman.

18 Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo: nguni’t siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.

19 Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag: nguni’t ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.

20 Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni’t hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.

21 Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni’t pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.

22 Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala: nguni’t sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.

23 Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!

24 Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.

25 Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni’t kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.

26 Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni’t ang mga maligayang salita ay dalisay.

27 Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan: nguni’t siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.

28 Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot: nguni’t ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.

29 Ang Panginoon ay malayo sa masama: nguni’t kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.

30 Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso: at ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.

31 Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas.

32 Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni’t siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.

33 Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.

Mga Kawikaan 16

1 Ang mga paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni’t ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon.

2 Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni’t tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa.

3 Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag.

4 Ginawa ng Panginoon ang bawa’t bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan.

5 Bawa’t palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.

6 Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan.

7 Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway.

8 Maigi ang kaunti na may katuwiran kay sa malalaking pakinabang na walang kaganapan.

9 Ang puso ng tao ay kumakatha ng kaniyang lakad: nguni’t ang Panginoon ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.

10 Banal na hatol ay nasa mga labi ng hari: at kaniyang bibig ay hindi sasalangsang sa kahatulan.

11 Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa.

12 Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka’t ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.

13 Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid.

14 Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni’t papayapain ng pantas.

15 Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan.

16 Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak.

17 Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa.

18 Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.

19 Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo.

20 Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.

21 Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.

22 Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni’t ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan.

23 Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.

24 Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.

25 May daan na tila matuwid sa tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.

26 Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka’t kinasasabikan ng kaniyang bibig.

27 Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy.

28 Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.

29 Ang taong marahas ay dumadaya sa kaniyang kapuwa, at pinapatnubayan niya siya sa daang hindi mabuti.

30 Ikinikindat ang kaniyang mga mata, upang kumatha ng mga magdarayang bagay: siyang nangangagat labi ay nagpapangyari sa kasamaan.

31 Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran.

32 Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.

33 Ginagawa ang pagsasapalaran sa kandungan; nguni’t ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon.

Mga Kawikaan 17

1 Maigi ang isang tuyong subo at may katahimikan, kay sa bahay na may laging pistahan na may kaalitan.

2 Ang lingkod na gumagawang may kapantasan ay nagpupuno sa anak na nakahihiya, at siya’y makakabahagi sa mana ng magkakapatid.

3 Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni’t sinusubok ng Panginoon ang mga puso.

4 Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.

5 Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya: at ang natutuwa sa kasakunaan ay walang pagsalang parurusahan.

6 Ang mga anak ng mga anak ay putong ng mga matatandang tao; at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang.

7 Ang marilag na pananalita ay hindi nagiging mabuti sa mangmang: lalo na ang magdarayang mga labi, sa isang pangulo.

8 Ang suhol ay parang mahalagang bato sa mga mata ng nagtatamo: saan man pumihit ay gumiginhawa.

9 Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni’t ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.

10 Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang.

11 Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya’t isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya.

12 Masalubong ang tao ng oso na nanakawan ng kaniyang mga anak, maigi kay sa mangmang sa kaniyang kamangmangan.

13 Sinomang gumaganti ng kasamaan sa mabuti, kasamaan ay hindi hihiwalay sa kaniyang bahay.

14 Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig: kaya’t iwan ninyo ang pagtatalo, bago maginit sa pagkakaalit.

15 Siya na umaaring ganap sa masama, at siya na nagpaparusa sa matuwid, kapuwa sila kasuklamsuklam sa Panginoon.

16 Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa?

17 Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.

18 Ang taong walang unawa ay nakikikamay, at nagiging mananagot sa harapan ng kaniyang kapuwa.

19 Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa pagkakaalit: ang nagtataas ng kaniyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.

20 Siyang may magdarayang puso ay hindi nakakasumpong ng mabuti: at siyang may suwail na dila ay nahuhulog sa karalitaan.

21 Ang nanganganak ng mangmang ay sa kaniyang kapanglawan: at ang ama ng mangmang ay walang kagalakan.

22 Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni’t ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.

23 Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa sinapupunan, upang ipahamak ang daan ng kahatulan.

24 Karunungan ay nasa harap ng mukha ng naguunawa: nguni’t ang mga mata ng mangmang ay nasa mga wakas ng lupa.

25 Ang mangmang na anak ay hirap sa kaniyang ama, at kapaitan sa nanganak sa kaniya.

26 Parusahan naman ang matuwid ay hindi mabuti, ni saktan man ang mahal na tao dahil sa kanilang katuwiran.

27 Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman: at siyang may diwang malamig ay taong naguunawa.

28 Ang mangmang man, pagka siya’y tumatahimik, ay nabibilang na pantas: pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait.

Mga Kawikaan 18

1 Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa, at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.

2 Ang mangmang ay walang kaluguran sa paguunawa, kundi maihayag lamang ang kaniyang puso.

3 Pagka ang masama ay dumarating, dumarating din naman ang paghamak, at kasama ng kutya ang pagkaduwahagi.

4 Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig; ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.

5 Igalang ang pagkatao ng masama ay hindi mabuti, ni iligaw man ang matuwid sa kahatulan.

6 Ang mga labi ng mangmang ay nanasok sa pagkakaalit, at tinatawag ng kaniyang bibig ang mga hampas.

7 Ang bibig ng mangmang ay kaniyang kapahamakan, at ang kaniyang mga labi ay silo ng kaniyang kaluluwa.

8 Ang mga salita ng mga mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa pinakaloob ng tiyan.

9 Siya mang walang bahala sa kaniyang gawain ay kapatid siya ng maninira.

10 Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.

11 Ang yaman ng mayamang tao ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling isip,

12 Bago ang pagkapahamak ay pagmamalaki ng puso ng tao, at bago ang karangalan ang pagpapakumbaba.

13 Ang sumasagot bago makinig, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.

14 Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; nguni’t ang bagbag na diwa sinong nakapagdadala?

15 Ang puso ng mabait ay nagtatamo ng kaalaman; at ang pakinig ng pantas ay humahanap ng kaalaman.

16 Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kaniya, at dinadala siya sa harap ng mga dakilang tao.

17 Ang nakikipaglaban ng kaniyang usap na una ay tila ganap; nguni’t dumarating ang kaniyang kapuwa at sinisiyasat siya.

18 Ang pagsasapalaran ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at naghihiwalay sa gitna ng mga makapangyarihan.

19 Ang kapatid na nasaktan sa kalooban ay mahirap mabawi kay sa matibay na bayan: at ang gayong mga pagtatalo ay parang mga halang ng isang kastilyo.

20 Ang tiyan ng tao ay mabubusog ng bunga ng kaniyang bibig; sa bunga ng kaniyang mga labi ay masisiyahan siya.

21 Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.

22 Sinomang lalaking nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo ng lingap ng Panginoon.

23 Ang dukha ay gumagamit ng mga pamanhik: nguni’t ang mayaman ay sumasagot na may kagilasan.

24 Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni’t may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.

Mga Kawikaan 19

1 Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kay sa suwail sa kaniyang mga labi at mangmang.

2 Gayon din ang kaluluwa na walang kaalaman ay hindi mabuti; at siyang nagmamadali ng kaniyang mga paa ay nagkakasala.

3 Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.

4 Ang kayamanan ay nagdadagdag ng maraming kaibigan: nguni’t ang dukha ay hiwalay sa kaniyang kaibigan.

5 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatahan.

6 Marami ang mamamanhik ng lingap sa magandang-loob: at bawa’t tao ay kaibigan ng nagbibigay ng mga kaloob.

7 Ipinagtatanim siya ng lahat ng kapatid ng dukha: gaano pa nga kaya ang ilalayo sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan! Kaniyang hinahabol sila ng mga salita, nguni’t wala na sila.

8 Siyang nagiimpok ng karunungan ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa: siyang nagiingat ng pagunawa ay makakasumpong ng mabuti.

9 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagbabadya ng mga kasinungalingan ay mamamatay.

10 Maayos na pamumuhay ay hindi magaling sa mangmang; lalo na sa alipin na magpuno sa mga pangulo.

11 Ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit. At kaniyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang.

12 Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon; nguni’t ang kaniyang lingap ay parang hamog sa damo.

13 Ang mangmang na anak ay kapanglawan ng kaniyang ama: at ang mga pakikipagtalo ng asawa ay walang likat na tulo.

14 Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni’t ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.

15 Katamaran ay nagbabaon sa mahimbing na pagkakatulog; at ang tamad na kaluluwa ay magugutom.

16 Ang nagiingat ng utos ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa: nguni’t ang walang babala sa kaniyang mga lakad ay mamamatay.

17 Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.

18 Parusahan mo ang iyong anak, dangang may pagasa; at huwag mong ilagak ang iyong puso sa kaniyang ikapapahamak.

19 Ang taong may malaking poot ay magtataglay ng parusa: sapagka’t kung iyong iligtas iyong marapat na gawin uli.

20 Makinig ka ng payo, at tumanggap ka ng turo, upang ikaw ay maging pantas sa iyong huling wakas.

21 May maraming katha sa puso ng tao; nguni’t ang payo ng Panginoon, ay siyang tatayo.

22 Yaong nakagagawa sa isang tao upang siya’y maging kanaisnais ay ang kaniyang kagandahang-loob: at ang isang dukha ay maigi kay sa isang sinungaling.

23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay patungo sa kabuhayan; at ang nagtatangkilik noon ay tatahang may kasiyahan: hindi siya dadalawin ng kasamaan.

24 Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan, at hindi na magsusubo pa sa kaniyang bibig uli.

25 Iyong saktan ang manglilibak, at ang musmos ay magaaral ng kabaitan: at iyong sawayin ang naguunawa, at siya’y makakaunawa ng kaalaman.

26 Ang sumasamsam sa kaniyang ama, at nagpapalayas sa kaniyang ina, ay anak na nakakahiya at nagdadala ng kakutyaan.

27 Magtigil ka, anak ko, sa pakikinig ng aral na nagliligaw lamang mula sa mga salita ng kaalaman.

28 Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa kahatulan: at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.

29 Ang mga kahatulan ay nahahanda sa mga manglilibak, at ang mga hampas ay sa mga likod ng mga mangmang.

Mga Kawikaan 20

1 Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo; at sinomang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.

2 Ang kakilabutan ng hari ay parang ungal ng leon: ang namumungkahi sa kaniya sa galit ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling buhay.

3 Karangalan sa tao ang magingat sa pakikipagkaalit: nguni’t bawa’t mangmang ay magiging palaaway.

4 Ang tamad ay hindi magaararo dahil sa tagginaw; kaya’t siya’y magpapalimos sa pagaani, at wala anoman.

5 Payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig; nguni’t iibigin ng taong naguunawa.

6 Maraming tao ay magtatanyag bawa’t isa ng kaniyang sariling kagandahang-loob: nguni’t sinong makakasumpong sa taong tapat?

7 Ang ganap na tao na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, mapapalad ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.

8 Ang hari na nauupo sa luklukan ng kahatulan pinananabog ng kaniyang mga mata ang lahat na kasamaan.

9 Sinong makapagsasabi, nilinis ko ang aking puso, ako’y dalisay sa aking kasalanan?

10 Mga iba’t ibang panimbang, at mga iba’t ibang takalan, kapuwa mga karumaldumal sa Panginoon.

11 Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis, at kung magiging matuwid.

12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata, kapuwa ginawa ng Panginoon.

13 Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka ka madukha; idilat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.

14 Walang halaga, walang halaga, sabi ng mamimili: nguni’t pagka nakalayo siya, naghahambog nga.

15 May ginto, at saganang mga rubi: nguni’t ang mga labi ng kaalaman ay mahalagang hiyas.

16 Kunin mo ang kaniyang suot na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sanla ang nananagot sa mga di kilala.

17 Tinapay ng kasinungalingan ay matamis sa tao: nguni’t pagkatapos ay mabubusog ang kaniyang bibig ng batong lapok.

18 Bawa’t panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.

19 Ang yumayaong mapaghatid-dumapit ay naghahayag ng mga lihim: kaya’t huwag kang makisalamuha sa kaniya na nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi.

20 Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.

21 Ang mana ay matatamong madali sa pasimula; nguni’t ang wakas niyao’y hindi pagpapalain.

22 Huwag mong sabihin, ako’y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.

23 Mga iba’t ibang panimbang ay karumaldumal sa Panginoon; at ang sinungaling na timbangan ay hindi mabuti.

24 Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon; paano ngang mauunawa ng tao ang kaniyang lakad?

25 Silo nga sa tao ang magsabi ng walang pakundangan, banal nga, at magsiyasat pagkatapos ng mga panata.

26 Ang pantas na hari ay nagpapapanabog ng masama. At dinadala sa kanila ang gulong na panggiik.

27 Ang diwa ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.

28 Kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapalagi sa hari: at ang kaniyang luklukan ay inaalalayan ng kagandahang-loob.

29 Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan: at ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.

30 Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan: at ang mga hampas ay dinaramdam sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.