Mga Kawikaan 31

1 Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.

2 Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?

3 Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.

4 Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?

5 Baka sila’y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.

6 Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.

7 Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.

8 Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.

9 Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.

10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka’t ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.

11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya’y hindi kukulangin ng pakinabang.

12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.

13 Siya’y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.

14 Siya’y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.

15 Siya’y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.

16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.

17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.

18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.

19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.

20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.

21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka’t ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.

22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.

23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya’y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.

24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.

25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.

26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.

27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.

28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:

29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni’t ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.

30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni’t ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya’y pupurihin.

31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.

Mga Awit 1

1 Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

2 Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

3 At siya’y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama’y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

4 Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

5 Kaya’t ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

6 Sapagka’t nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni’t ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Mga Awit 2

1 Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?

2 Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:

3 Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.

4 Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

5 Kung magkagayo’y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:

6 Gayon ma’y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.

7 Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.

8 Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.

9 Sila’y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.

10 Ngayon nga’y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.

11 Kayo’y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.

12 Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo’y mangapahamak sa daan, sapagka’t ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.

Mga Awit 3

1 Panginoon, ano’t ang aking mga kaaway ay nagsisidami! Marami sila na nagsisibangon laban sa akin.

2 Marami ang nagsasabi sa aking kaluluwa: walang tulong sa kaniya ang Dios. (Selah)

3 Nguni’t ikaw, Oh Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko: aking kaluwalhatian; at siyang tagapagtaas ng aking ulo.

4 Ako’y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon, at sinasagot niya ako mula sa kaniyang banal na bundok. (Selah)

5 Ako’y nahiga, at natulog; ako’y nagising; sapagka’t inaalalayan ako ng Panginoon.

6 Ako’y hindi matatakot sa sangpung libo ng bayan, na nagsihanda laban sa akin sa buong palibot.

7 Bumangon ka, Oh Panginoon; iligtas mo ako, Oh aking Dios: sapagka’t iyong sinampal ang lahat ng aking mga kaaway; iyong binungal ang mga ngipin ng masasama.

8 Pagliligtas ay ukol sa Panginoon: sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Mga Awit 4

1 Sagutin mo ako, pagka tumatawag ako, Oh Dios ng aking katuwiran; inilagay mo ako sa kaluwagan, nang ako’y nasa kagipitan: maawa ka sa akin, at dinggin mo ang aking dalangin.

2 Oh kayong mga anak ng tao, hanggang kailan magiging kasiraang puri ang aking kaluwalhatian? Gaano katagal iibigin ninyo ang walang kabuluhan, at hahanap sa kabulaanan? (Selah)

3 Nguni’t talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako’y tumawag sa kaniya.

4 Kayo’y magsipanginig, at huwag mangagkasala: mangagbulaybulay kayo ng inyong puso sa inyong higaan, at kayo’y magsitahimik.

5 Mangaghandog kayo ng mga hain ng katuwiran, at ilagak ninyo ang inyong tiwala sa Panginoon.

6 Marami ang mangagsasabi, sinong magpapakita sa amin ng mabuti? Panginoon, pasilangin mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin.

7 Ikaw ay naglagay ng kasayahan sa aking puso, ng higit kay sa kanilang tinatangkilik nang ang kanilang butil, at kanilang alak ay magsidami.

8 Payapa akong hihiga at gayon din matutulog: sapagka’t ikaw, Panginoon, pinatatahan mo akong mag-isa sa katiwasayan.

Mga Awit 5

1 Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

2 Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka’t sa iyo’y dumadalangin ako.

3 Oh Panginoon, sa kinaumagaha’y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

4 Sapagka’t ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

5 Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

6 Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

7 Nguni’t sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.

8 Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

9 Sapagka’t walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila’y nanganunuya ng kanilang dila.

10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka’t sila’y nanganghimagsik laban sa iyo,

11 Nguni’t iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka’t iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.

12 Sapagka’t iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.

Mga Awit 6

1 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit, ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

2 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka’t ako’y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka’t ang aking mga buto ay nagsisipangalog.

3 Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam: at ikaw, Oh Panginoon, hanggang kailan?

4 Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa: iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.

5 Sapagka’t sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?

6 Ako’y pagal ng aking pagdaing; gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan; Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.

7 Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan; tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.

8 Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan: sapagka’t narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.

9 Narinig ng Panginoon ang aking pananaing; tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.

10 Lahat ng kaaway ko’y mapapahiya, at mababagabag na mainam: sila’y magsisibalik, sila’y mangapapahiyang kagyat.

Mga Awit 7

1 Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:

2 Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.

3 Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;

4 Kung ako’y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)

5 Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)

6 Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.

7 At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila’y pihitan mong nasa mataas ka.

8 Ang panginoo’y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.

9 Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni’t itatag mo ang matuwid; sapagka’t sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.

10 Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.

11 Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.

12 Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.

13 Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.

14 Narito, siya’y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya’y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.

15 Siya’y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.

16 Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.

17 Ako’y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.

Mga Awit 8

1 Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa! na siyang naglagay ng inyong kaluwalhatian sa mga langit.

2 Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong itinatag ang kalakasan, dahil sa iyong mga kaaway, upang iyong patahimikin ang kaaway at ang manghihiganti.

3 Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;

4 Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

5 Sapagka’t iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.

6 Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay; iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa:

7 Lahat na tupa at baka, Oo, at ang mga hayop sa parang;

8 Ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.

9 Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Mga Awit 9

1 Ako’y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso; aking ipakikilala ang lahat na iyong kagilagilalas na mga gawa.

2 Ako’y magpapakasaya at magpapakagalak sa iyo: ako’y aawit ng pagpuri sa iyong pangalan, Oh ikaw na kataastaasan.

3 Pagka ang aking mga kaaway ay magsisibalik, sila’y matitisod at malilipol sa iyong harapan.

4 Sapagka’t iyong inalalayan ang aking matuwid at ang aking usap; ikaw ay nauupo sa luklukan na humahatol na may katuwiran.

5 Iyong sinaway ang mga bansa, iyong nilipol ang masama, iyong pinawi ang kanilang pangalan magpakailan man.

6 Ang kaaway ay dumating sa wakas, sila’y lipol magpakailan man; at ang mga siyudad na iyong dinaig, ang tanging alaala sa kanila ay napawi.

7 Nguni’t ang Panginoon ay nauupong hari magpakailan man: inihanda niya ang kaniyang luklukan para sa kahatulan.

8 At hahatulan niya sa katuwiran ang sanglibutan, siya’y mangangasiwa ng karampatang kahatulan sa mga tao.

9 Ang Panginoon naman ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan;

10 At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka’t ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.

11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, na nagsisitahan sa Sion: ipahayag ninyo sa gitna ng bayan ang kaniyang mga gawa.

12 Sapagka’t siyang nagsisiyasat ng dugo ay umaalaala sa kanila: hindi niya kinalilimutan ang daing ng dukha.

13 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; masdan mo ang kadalamhatian na aking tinitiis sa kanila na mangagtatanim sa akin, ikaw na nagtataas sa akin mula sa mga pintuan ng kamatayan;

14 Upang aking maipakilala ang iyong buong kapurihan: sa mga pintuang-bayan ng anak na babae ng Sion, ako’y magagalak sa iyong pagliligtas.

15 Ang mga bansa ay nangahulog sa balon na kanilang ginawa: sa silo na kanilang ikinubli ay kanilang sariling paa ang nahuli.

16 Ang Panginoon ay napakilala, siya’y naglapat ng kahatulan: ang masama ay nasilo sa mga gawa ng kaniyang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)

17 Ang masama ay mauuwi sa Sheol, pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Dios.

18 Sapagka’t ang mapagkailangan ay hindi laging malilimutan, ni ang pagasa ng dukha ay mapapawi magpakailan man.

19 Bumangon ka, Oh Panginoon; huwag manaig ang tao: mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin.

20 Ilagay mo sila sa katakutan Oh, Panginoon: ipakilala mo sa mga bansa na sila’y mga tao lamang. (Selah)