Mga Awit 20

1 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan; itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;

2 Saklolohan ka mula sa santuario, at palakasin ka mula sa Sion;

3 Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog, at tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)

4 Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso, at tuparin ang lahat ng iyong payo.

5 Kami ay magtatagumpay sa iyong pagliligtas, at sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat: ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.

6 Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang kaniyang pinahiran ng langis; sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.

7 Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo: nguni’t babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.

8 Sila’y nangakasubsob at buwal: nguni’t kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.

9 Magligtas ka, Panginoon: sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.

Mga Awit 21

1 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon; at sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!

2 Ibinigay mo sa kaniya ang nais ng kaniyang puso, at hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)

3 Sapagka’t iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan: iyong pinuputungan ng isang putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.

4 Siya’y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.

5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas: karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.

6 Sapagka’t ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man: iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.

7 Sapagka’t ang hari ay tumitiwala sa Panginoon, at sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay hindi siya makikilos.

8 Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway: masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.

9 Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit. Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot, at susupukin sila ng apoy.

10 Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa, at ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.

11 Sapagka’t sila’y nagakala ng kasamaan laban sa iyo: sila’y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.

12 Sapagka’t iyong patatalikurin sila, ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.

13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo’y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Awit 22

1 Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng aking pagangal?

2 Oh Dios ko, ako’y humihiyaw sa araw, nguni’t hindi ka sumasagot: at sa gabi, at hindi ako tahimik.

3 Nguni’t ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga pagpuri ng Israel.

4 Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo: sila’y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.

5 Sila’y nagsidaing sa iyo at nangaligtas: sila’y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.

6 Nguni’t ako’y uod at hindi tao; duwahagi sa mga tao, at hinamak ng bayan.

7 Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako: inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,

8 Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya: iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:

9 Nguni’t ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata: Pinatiwala mo ako nang ako’y nasa mga suso ng aking ina.

10 Ako’y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata: ikaw ay aking Dios mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.

11 Huwag mo akong layuan; sapagka’t kabagabagan ay malapit; sapagka’t walang tumulong.

12 Niligid ako ng maraming toro; mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.

13 Sila’y magbubuka sa akin ng kanilang bibig, na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.

14 Ako’y nabuhos na parang tubig, at lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad: ang aking puso ay parang pagkit; natutunaw ito sa loob ko.

15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga; at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala; at dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.

16 Sapagka’t niligid ako ng mga aso: kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.

17 Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako:

18 Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.

19 Nguni’t huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.

20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.

21 Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.

22 Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.

23 Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.

24 Sapagka’t hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya’y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.

25 Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.

26 Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.

27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.

28 Sapagka’t ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.

29 Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba: silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya, sa makatuwid baga’y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.

30 Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya, sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,

31 Sila’y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran, sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.

Mga Awit 23

1 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.

2 Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,

3 Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.

4 Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka’t ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.

5 Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.

6 Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako’y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.

Mga Awit 24

1 Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

2 Sapagka’t itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

3 Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

4 Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.

5 Siya’y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

6 Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya, na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga’y Jacob. (Selah)

7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; at kayo’y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoong malakas at makapangyarihan, ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.

9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Mga Awit 25

1 Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.

2 Oh Dios ko sa iyo’y tumiwala ako, huwag nawa akong mapahiya; huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.

3 Oo, walang naghihintay sa iyo na mapapahiya; sila’y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,

4 Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.

5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka’t ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo’y naghihintay ako buong araw.

6 Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob; sapagka’t magpakailan man mula ng una.

7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang: ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.

8 Mabuti at matuwid ang Panginoon: kaya’t tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.

9 Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan: at ituturo niya sa maamo ang daan niya.

10 Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.

11 Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka’t malaki.

12 Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.

13 Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.

14 Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.

15 Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka’t huhugutin niya ang aking mga paa sa silo.

16 Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka’t ako’y nag-iisa at nagdadalamhati.

17 Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.

18 Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.

19 Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka’t sila’y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.

20 Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka’t nanganganlong ako sa iyo.

21 Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran, sapagka’t hinihintay kita.

22 Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan.

Mga Awit 26

1 Iyong hatulan ako Oh Panginoon, sapagka’t ako’y lumakad sa aking pagtatapat: ako naman ay tumiwala sa Panginoon, na walang bulay-bulay.

2 Siyasatin mo ako, Oh Panginoon, at iyong subukin ako; subukin mo ang aking puso at ang aking isip.

3 Sapagka’t ang iyong kagandahang-loob ay nasa harap ng aking mga mata: at ako’y lumakad sa iyong katotohanan.

4 Hindi ako naupo na kasama ng mga walang kabuluhang tao; ni papasok man ako na kasama ng mga mapagpakunwari.

5 Aking pinagtataniman ang kapisanan ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako uupo na kaumpok ng masama.

6 Aking huhugasan ang aking mga kamay sa pagkawalang sala; sa gayo’y aking lilibirin ang iyong dambana, Oh Panginoon:

7 Upang aking maiparinig ang tinig ng pagpapasalamat, at maisaysay ang lahat na iyong kagilagilalas na gawa.

8 Panginoon, aking iniibig ang tahanan ng iyong bahay, at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.

9 Huwag mong isama ang aking kaluluwa sa mga makasalanan, ni ang aking buhay man sa mga mabagsik na tao:

10 Na ang mga kamay ay kinaroroonan ng kasamaan, at ang kanilang kanan ay puno ng mga suhol.

11 Nguni’t tungkol sa akin ay lalakad ako sa aking pagtatapat: iyong tubusin ako, at mahabag ka sa akin.

12 Ang aking paa ay nakatayo sa isang panatag na dako: sa mga kapisanan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Mga Awit 27

1 Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?

2 Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan upang kanin ang aking laman, ang aking mga kaaway at aking mga kaalit, sila’y nangatisod at nangarapa.

3 Bagaman ang isang hukbo ay humantong laban sa akin, hindi matatakot ang aking puso: bagaman magbangon ang pagdidigma laban sa akin, gayon ma’y titiwala rin ako.

4 Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako’y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo.

5 Sapagka’t sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

6 At ngayo’y matataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako’y maghahandog sa kaniyang tabernakulo ng mga hain ng kagalakan; ako’y aawit, oo, ako’y aawit ng mga pagpuri sa Panginoon.

7 Dinggin mo, Oh Panginoon, pagka ako’y sumisigaw ng aking tinig: maawa ka rin sa akin, at sagutin mo ako.

8 Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko.

9 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; huwag mong ihiwalay ang iyong lingkod ng dahil sa galit: ikaw ay naging aking saklolo; huwag mo akong itakuwil, o pabayaan man, Oh Dios ng aking kaligtasan.

10 Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayon ma’y dadamputin ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon: at patnubayan mo ako sa patag na landas, dahil sa aking mga kaaway.

12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway: sapagka’t mga sinungaling na saksi ay nagsibangon laban sa akin, at ang nagsisihinga ng kabagsikan.

13 Ako sana’y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay.

14 Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.

Mga Awit 28

1 Sa iyo, Oh Panginoon, tatawag ako; bato ko, huwag kang magpakabingi sa akin: baka kung ikaw ay tumahimik sa akin, ako’y maging gaya nila na bumaba sa hukay.

2 Dinggin mo ang tinig ng aking mga pananaing, pagka ako’y dumadaing sa iyo, pagka aking iginagawad ang aking mga kamay sa dako ng banal na sanggunian sa iyo.

3 Huwag mo akong agawin na kasama ng mga masama, at ng mga manggagawa ng kasamaan; na nangagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapuwa, Nguni’t kasamaan ay nasa kanilang mga puso.

4 Bigyan mo sila ng ayon sa kanilang gawa, at ng ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain: gantihin mo sila ng ayon sa kilos ng kanilang mga kamay. Bayaran mo sila ng ukol sa kanila,

5 Sapagka’t ayaw nilang pakundanganan ang mga gawa ng Panginoon, ni ang kilos man ng kaniyang mga kamay, kaniyang ibabagsak sila, at hindi sila itatayo.

6 Purihin ang Panginoon, sapagka’t dininig niya ang tinig ng aking mga pananaing.

7 Ang Panginoon ay aking kalakasan at aking kalasag; ang aking puso ay tumiwala sa kaniya, at ako’y nasaklolohan: kaya’t ang aking puso ay nagagalak na mainam; at aking pupurihin siya ng aking awit.

8 Ang Panginoon ay kanilang kalakasan, at siya’y kuta ng kaligtasan sa kaniyang pinahiran ng langis.

9 Iligtas mo ang iyong bayan, at pagpalain mo ang iyong pamana: naging pastor ka rin naman nila, at alalayan mo sila magpakailan man.

Mga Awit 29

1 Mangagbigay kayo sa Panginoon, Oh kayong mga anak ng makapangyarihan, mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

2 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: inyong sambahin ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan.

3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tubig: ang Dios ng kaluwalhatian ay kumukulog, sa makatuwid baga’y ang Panginoon sa ibabaw ng maraming tubig.

4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan; ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kamahalan.

5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga cedro; Oo, pinagpuputolputol ng Panginoon ang mga cedro ng Libano.

6 Kaniya namang pinalulukso na gaya ng guya: ang Libano at Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

7 Humahawi ng liyab ng apoy ang tinig ng Panginoon.

8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang: niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kades.

9 Pinapanganganak ng tinig ng Panginoon ang mga usa, at hinuhubdan ang mga gubat: at sa kaniyang templo ay nagsasabi ang bawa’t bagay: kaluwalhatian.

10 Ang Panginoon ay naupo sa baha na parang Hari; Oo, ang Panginoon ay nauupong parang Hari magpakailan man.

11 Ang Panginoon ay magbibigay ng kalakasan sa kaniyang bayan; pagpapalain ng Panginoon ang kaniyang bayan ng kapayapaan.