Mga Hebreo 8

1 Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit,

2 Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

3 Sapagka’t ang bawa’t dakilang saserdote ay inilagay upang maghandog ng mga kaloob at ng mga hain naman: sa ganito’y kinakailangan din namang siya’y magkaroon ng anomang ihahandog.

4 Kung siya nga’y nasa lupa ay hindi siya saserdote sa anomang paraan, palibhasa’y mayroon nang nagsisipaghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan;

5 Na nangaglilingkod sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan, gaya naman ni Moises na pinagsabihan ng Dios nang malapit ng gawin niya ang tabernakulo: sapagka’t sinabi niya, Ingatan mo na iyong gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa iyo sa bundok.

6 Datapuwa’t ngayo’y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa’y siya nama’y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako.

7 Sapagka’t kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.

8 Sapagka’t sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako’y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda.

9 Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila’y aking tangnan sa kamay, upang sila’y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka’t sila’y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon.

10 Sapagka’t ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito. At ako’y magiging Dios nila, At sila’y magiging bayan ko:

11 At hindi magtuturo ang bawa’t isa sa kaniyang kababayan, At ang bawa’t isa sa kaniyang kapatid, na sasabihing, Kilalanin mo ang Panginoon: Sapagka’t ako’y makikilala ng lahat, Mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa kanila.

12 Sapagka’t ako’y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.

13 Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa’t ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.

Mga Hebreo 9

1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito.

2 Sapagka’t inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal.

3 At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanalbanalan;

4 Na may isang gintong dambana ng kamangyan at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan;

5 At sa ibabaw nito ay ang mga querubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ng awa; na ang mga bagay na ito ay hindi natin mapaguusapan ngayon ng isa isa.

6 At sa ganitong pagkahanda ng mga bagay na ito, sa unang tabernakulo ay palaging nagsisipasok ang mga saserdote, na tinutupad ang mga katungkulan;

7 Datapuwa’t sa ikalawa ay pumapasok na nagiisa ang dakilang saserdote, minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na inihahandog na patungkol sa kaniyang sarili, at sa mga kamalian ng bayan:

8 Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo;

9 Na yao’y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba,

10 Palibhasa’y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).

11 Nguni’t pagdating ni Cristo na dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, sa makatuwid baga’y hindi sa paglalang na ito,

12 At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan.

13 Sapagka’t kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman:

14 Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?

15 At dahil dito’y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan.

16 Sapagka’t kung saan mayroong tipan doo’y kinakailangan ang kamatayan ng gumawa niyaon.

17 Sapagka’t ang isang tipan ay may kabuluhan kung mamatay ang gumawa: sa ibang paraa’y walang anomang kabuluhan samantalang nabubuhay ang gumawa.

18 Kaya’t ang una mang tipan ay hindi itinalaga ng walang dugo.

19 Sapagka’t nang salitain ni Moises ang bawa’t utos sa buong bayan ayon sa kautusan, ay kumuha siya ng dugo ng mga bulong baka at ng mga kambing, na may tubig at balahibong mapula ng tupa at isopo, at winisikan ang aklat at gayon din ang buong bayan,

20 Na sinasabi, Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Dios tungkol sa inyo.

21 Gayon din ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapan sa pangangasiwa ay pinagwiwisikan niya ng dugo sa gayon ding paraan.

22 At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.

23 Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni’t ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito.

24 Sapagka’t hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin:

25 At siya’y hindi rin naman kailangang ihandog na madalas pa ang kaniyang sarili, na gaya ng dakilang saserdote na pumapasok sa dakong banal taon-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili;

26 Sa ibang paraan ay kailangan na siya’y magbatang madalas mula nang itatag ang sanglibutan: datapuwa’t ngayon ay minsan siya’y nahayag sa katapusan ng mga panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkahandog ng kaniyang sarili.

27 At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;

28 Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa’y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.

Mga Hebreo 10

1 Sapagka’t ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon.

2 Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka’t ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan.

3 Nguni’t sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon.

4 Sapagka’t di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan.

5 Kaya’t pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni’t isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;

6 Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod.

7 Nang magkagayo’y sinabi ko, Narito, ako’y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.

8 Sa itaas ay sinasabi, Mga hain at mga handog at mga handog na susunuging buo at mga haing patungkol sa kasalanan ay hindi mo ibig, at di mo rin kinalulugdan (mga bagay na inihahandog ayon sa kautusan),

9 Saka sinabi niya, Narito, ako’y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa.

10 Sa kaloobang yaon tayo’y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.

11 At katotohanang ang bawa’t saserdote na araw-araw ay nangangasiwa ng patayo at naghahandog na madalas ng gayon ding mga hain, na hindi makaalis kailan pa man ng mga kasalanan:

12 Nguni’t siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios;

13 Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa.

14 Sapagka’t sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal.

15 At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka’t pagkasabi niya na,

16 Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip;

17 At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.

18 At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan.

19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga’y sa kaniyang laman;

21 At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios;

22 Tayo’y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig,

23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka’t tapat ang nangako:

24 At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;

25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

26 Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan,

27 Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.

28 Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa:

29 Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?

30 Sapagka’t ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan.

31 Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay.

32 Datapuwa’t alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo’y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata;

33 Na una una ay naging isang katawatawa dahil sa mga pagkasiphayo at gayon din sa mga kahirapan; at sa ikalawa, ay naging kasama niyaong mga inaring gayon.

34 Sapagka’t kayo’y nangahabag sa mga may tanikala, at tinanggap ninyo ng buong galak ang pagkaagaw ng inyong pag-aari, palibhasa’y inyong nalalamang mayroon kayo sa inyong sarili ng isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal.

35 Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala.

36 Sapagka’t kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.

37 Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.

38 Nguni’t ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.

39 Nguni’t tayo’y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.

Mga Hebreo 11

1 Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.

2 Sapagka’t sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan.

3 Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa’t ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.

4 Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito’y sinaksihan sa kaniyang siya’y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa.

5 Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka’t siya’y inilipat ng Dios: sapagka’t bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya’y naging kalugodlugod sa Dios:

6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.

7 Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.

8 Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya’y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.

9 Sa pananampalataya siya’y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya:

10 Sapagka’t inaasahan niya ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.

11 Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa’y inari niyang tapat ang nangako:

12 Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat.

13 Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni’t kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila’y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.

14 Sapagka’t ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili.

15 At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik.

16 Nguni’t ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga’y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka’t kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.

17 Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak;

18 Sa makatuwid baga’y yaong pinagsabihan, Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi:

19 Na inisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang maguli ng Dios; mula diyan din naman ay muli siyang tinanggap sa isang halimbawa.

20 Sa pananampalataya’y binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau, tungkol sa mga bagay na darating.

21 Sa pananampalataya, si Jacob ng mamatay na ay binasbasan niya ang bawa’t isa sa mga anak ni Jose; at sumambang nakatangan sa puno ng kaniyang tungkod.

22 Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto.

23 Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka’t kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.

24 Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya’y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;

25 Na pinili pa ang siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;

26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka’t ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.

27 Sa pananampalataya’y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka’t nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.

28 Sa pananampalataya’y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin.

29 Sa pananampalataya’y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.

30 Sa pananampalataya’y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.

31 Sa pananampalataya’y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.

32 At ano pa ang aking sasabihin? sapagka’t kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta:

33 Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya’y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,

34 Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.

35 Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba’y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli:

36 At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman:

37 Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan;

38 (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.

39 At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,

40 Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.

Mga Hebreo 12

1 Kaya’t yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,

2 Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.

3 Sapagka’t dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo’y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa.

4 Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan:

5 At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya;

6 Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak.

7 Na dahil sa ito’y parusa kayo’y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka’t alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?

8 Datapuwa’t kung kayo’y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo’y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.

9 Bukod dito, tayo’y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo’y parusahan, at sila’y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo’y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo’y mabubuhay?

10 Sapagka’t katotohanang tayo’y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni’t siya’y sa kapakinabangan natin, upang tayo’y makabahagi ng kaniyang kabanalan.

11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma’y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.

12 Kaya’t itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;

13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling.

14 Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon:

15 Na pakaingatan na baka ang sinoma’y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo’y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito’y mahawa ang marami;

16 Baka magkaroon ng sinomang mapakiapid, o mapaglapastangan, gaya ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay.

17 Sapagka’t nalalaman ninyo na bagama’t pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya’y itinakuwil; sapagka’t wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama’t pinagsisikapan niyang mapilit na lumuluha.

18 Sapagka’t hindi kayo nagsilapit sa bundok na nahihipo, at nagliliyab sa apoy, at sa kapusikitan, at sa kadiliman, at sa unos,

19 At tunog ng pakakak, at tinig ng mga salita; na ang nakarinig ng tinig na ito ay nagsipamanhik na huwag nang sa kanila’y salitain pa ang anomang salita;

20 Sapagka’t hindi matiis ang iniuutos, Kahit ang isang hayop kung tumungtong sa bundok ay babatuhin;

21 At totoong kakilakilabot ang napanood, ano pa’t sinabi ni Moises, Ako’y totoong nasisindak at nanginginig:

22 Datapuwa’t nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel,

23 Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal,

24 At kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at dugong pangwisik na nagsasalita ng lalong mabuti kay sa dugo ni Abel.

25 Pagingatan ninyong kayo’y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka’t kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit:

26 Na ang tinig na yaon ay nagpayanig noon ng lupa: datapuwa’t ngayo’y nangako siya, na nagsasabi, Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ng langit.

27 At itong salita, Minsan pang, ay pinakakahuluganan ang pagaalis niyaong mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang mamalagi ang mga hindi niyanig.

28 Kaya’t pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios:

29 Sapagka’t ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.

Mga Hebreo 13

1 Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.

2 Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka’t sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel.

3 Alalahanin ninyo ang mga may tanikala, gaya ng kayo’y nangagagapos na kasama nila; ang mga tinatampalasan na gaya ng kayo naman ay tinatampalasan sa katawan.

4 Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka’t ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios.

5 Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka’t siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.

6 Ano pa’t ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?

7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.

8 Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.

9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka’t mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.

10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo.

11 Sapagka’t ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo’y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento.

12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan.

13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta.

14 Sapagka’t dito’y wala tayong bayan na namamalagi, nguni’t hinahanap natin ang bayan na darating.

15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.

16 Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.

17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo’y pasakop sa kanila: sapagka’t pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito’y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka’t sa ganito’y di ninyo mapapakinabangan.

18 Idalangin ninyo kami: sapagka’t kami’y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako’y masauli na lalong madali sa inyo.

20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga’y ang Panginoon nating si Jesus,

21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa’t mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

22 Datapuwa’t ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka’t kayo’y sinulatan ko ng ilang salita.

23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya’y dumating na madali, kayo’y makikita kong kasama niya.

24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo’y binabati ng nangasa Italia.

25 Ang biyaya’y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Filemon 1

1 Si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus, at si Timoteo na ating kapatid kay Filemon na aming minamahal at kamanggagawa,

2 At kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapuwa kawal namin, at sa iglesia sa iyong bahay:

3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin,

5 Sa pagkabalita ko ng iyong pagibig, at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal;

6 Upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya, ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawa’t mabuting bagay na nasa iyo, sa kay Cristo.

7 Sapagka’t ako’y totoong nagalak at naaliw sa iyong pagibig, sapagka’t ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.

8 Kaya, bagama’t kay Cristo ay mayroon akong buong pagkakatiwala upang ipagtagubilin ko sa iyo ang nauukol,

9 Gayon ma’y alangalang sa pagibig ay bagkus akong namamanhik, kung sa bagay akong si Pablo ay matanda na, at ngayon nama’y bilanggo ni Cristo Jesus:

10 Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo,

11 Na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwa’t ngayon ay may pakikinabangin ka at ako man:

12 Na siya’y aking pinabalik sa iyo sa kaniyang sariling katawan, sa makatuwid baga’y, ang aking sariling puso:

13 Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio:

14 Datapuwa’t kung wala kang pasiya ay wala akong magagawang anoman; upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sa pagkakailangan, kundi sa sariling kalooban.

15 Sapagka’t marahil sa ganito siya’y nahiwalay sa iyo sa sangdaling panahon, upang siya’y mapasa iyo magpakailan man;

16 Na hindi na alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalong lalo na sa akin, nguni’t gaano pa kaya sa iyo, na siya’y minamahal mo maging sa laman at gayon din sa Panginoon.

17 Kung ako nga ay inaari mong kasama, ay tanggapin mo siyang tila ako rin.

18 Nguni’t kung siya’y nagkasala sa iyo ng anoman, o may utang sa iyong anoman, ay ibilang mo sa akin;

19 Akong si Pablo na sumusulat nito ng aking sariling kamay, ay siyang magbabayad sa iyo: hindi sa sinasabi ko sa iyo na ikaw man ay utang mo pa sa akin.

20 Oo, kapatid, magkaroon nawa ako ng katuwaan sa iyo sa Panginoon: panariwain mo ang aking puso kay Cristo.

21 Kita’y sinulatan sa pagkakatiwala sa iyong pagtalima, palibhasa’y aking nalalaman na gagawin mo ang higit pa kay sa aking sinasabi.

22 Datapuwa’t bago ang lahat ay ipaghanda mo ako ng matutuluyan: sapagka’t inaasahan kong sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay ipagkakaloob ako sa inyo.

23 Binabati ka ni Epafras, na aking kasama sa pagkabilanggo kay Cristo Jesus;

24 At gayon din ni Marcos, ni Aristarco, ni Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.

25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu. Siya nawa.

Tito 1

1 Si Pablo, na alipin ng Dios, at apostol ni Jesucristo, ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Dios, at sa pagkaalam ng katotohanan na ayon sa kabanalan,

2 Sa pagasa sa buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios na di makapagsisinungaling buhat pa ng mga panahong walang hanggan;

3 Nguni’t sa kaniyang mga panahon ay ipinahayag ang kaniyang salita sa pangangaral, na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas;

4 Kay Tito na aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat: Biyaya at kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Tagapagligtas natin.

5 Dahil dito’y iniwan kita sa Creta, upang husayin mo ang mga bagay na nagkukulang, at maghalal ng mga matanda sa bawa’t bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo;

6 Kung ang sinoman ay walang kapintasan, asawa ng isang babae lamang, na may mga anak na nagsisisampalataya, na hindi maisusumbong sa pangliligalig o suwail.

7 Sapagka’t dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya’y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan;

8 Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil;

9 Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.

10 Sapagka’t may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli,

11 Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.

12 Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad.

13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito’y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya,

14 Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.

15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa’t sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa.

16 Sila’y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni’t ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa’y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa’t gawang mabuti.

Tito 2

1 Nguni’t magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling:

2 Na ang matatandang lalake ay maging mapagpigil, mahusay, mahinahon ang pagiisip, magagaling sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis:

3 Na gayon din ang matatandang babae ay maging magalang sa kanilang kilos, hindi palabintangin ni paalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan;

4 Upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon,

5 Mangagpakahinahon, mangagpakalinis, mangagpakasipag sa bahay, magagandang-loob, pasakop sa kanikaniyang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Dios:

6 Iaral mo rin naman sa mga bagong tao na sila’y mangagpakahinahon ng pagiisip:

7 Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan,

8 Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin.

9 Iaral mo sa mga alipin na sila’y pasakop sa kanikaniyang Panginoon, at kanilang kalugdan sa lahat ng mga bagay; at huwag mga masagutin;

10 Huwag mangagdaya, kundi mangagpakita ng buong buting pagtatapat; upang pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Dios na ating Tagapagligtas.

11 Sapagka’t napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao,

12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito;

13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

14 Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo’y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari.

15 Ang mga bagay na ito ay iyong salitain at iaral at isaway ng buong kapangyarihan. Sinoman ay huwag humamak sa iyo.

Tito 3

1 Ipaalala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin, na humanda sa bawa’t gawang mabuti,

2 Na huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, na huwag makipagtalo, kundi mapakahinhin, at magpakahinahon sa lahat ng mga tao.

3 Sapagka’t tayo rin naman nang unang panahon ay mga mangmang, mga suwail, mga nadaya, na nagsisipaglingkod sa sarisaring masamang pita at kalayawan, na nangamumuhay sa masasamang akala at kapanaghilian, mga napopoot, at tayo’y nangagkakapootan.

4 Nguni’t nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao,

5 Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo,

6 Na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas;

7 Upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan.

8 Tapat ang pasabi, at tungkol sa mga bagay na ito ay ninanasa kong patotohanan mong may pagkakatiwala, upang ang mga nagsisipanampalataya sa Dios ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at mapapakinabangan ng mga tao:

9 Nguni’t ilagan mo ang mga hangal na usapan, at ang mga pagsasalaysay ng lahi, at ang mga pagtatalo, at pagtataltalan tungkol sa kautusan; sapagka’t ang mga ito ay di pinakikinabangan at walang kabuluhan.

10 Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo;

11 Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya’y hinahatulan ng kaniyang sarili.

12 Pagka susuguin ko sa iyo si Artemas, o si Tiquico, ay magsikap kang pumarini sa akin sa Nicopolis: sapagka’t pinasiyahan kong doon matira sa taginaw.

13 Suguin mong may sikap si Zenas na tagapagtanggol ng kautusan at si Apolos sa kanilang paglalakbay, upang sila’y huwag kulangin ng ano man.

14 At pagaralan din naman ng ating mga tao na manatili sa mabubuting gawa sa kagamitang kailangan, upang huwag mawalan ng bunga.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga nagsisiibig sa atin sa pananampalataya. Biyaya ang sumainyo nawang lahat.