Mga Awit 30

1 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka’t itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.

2 Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako’y pinagaling mo.

3 Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.

4 Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.

5 Sapagka’t ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni’t kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.

6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.

7 Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako’y nabagabag.

8 Ako’y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:

9 Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako’y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?

10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.

11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:

12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako’y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.

Mga Awit 31

1 Sa iyo, Oh Panginoon, nanganganlong ako; huwag akong mapahiya kailan man; palayain mo ako sa iyong katuwiran.

2 Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; iligtas mo akong madali: maging matibay na kanlungan ka nawa sa akin, bahay na sanggalangan upang iligtas ako.

3 Sapagka’t ikaw ang aking malaking bato, at aking kuta; alangalang nga sa iyong pangalan ay pangunahan mo ako, at patnubayan mo ako.

4 Hugutin mo ako sa silo na kanilang inilagay na lihim ukol sa akin; sapagka’t ikaw ang aking katibayan.

5 Sa iyong kamay ay inihabilin ko ang aking diwa; iyong tinubos ako, Oh Panginoon, ikaw na Dios ng katotohanan.

6 Aking pinagtataniman ang nangagmamasid ng mga walang kabuluhang karayaan: nguni’t tumitiwala ako sa Panginoon.

7 Ako’y matutuwa at magagalak sa iyong kagandahang-loob: sapagka’t iyong nakita ang aking kadalamhatian: iyong nakilala ang aking kaluluwa sa mga kasakunaan:

8 At hindi mo kinulong sa kamay ng kaaway; iyong inilagay ang aking mga paa sa maluwag na dako.

9 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka’t ako’y nasa kahirapan: ang aking mata ay namumugto sa kapanglawan, oo, ang aking kaluluwa, at aking katawan.

10 Sapagka’t ang aking buhay ay napupugnaw sa kapanglawan, at ang aking mga taon ay sa pagbubuntong hininga: ang aking lakas ay nanglulupaypay dahil sa aking kasamaan, at ang aking mga buto ay nangangatog.

11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway ay naging kaduwahagihan ako, Oo, lubha nga sa aking mga kapuwa, at takot sa aking mga kakilala: silang nangakakita sa akin sa labas ay tinakasan ako.

12 Ako’y nilimot sa pagiisip na parang patay na tao: Ako’y parang basag na sisidlan.

13 Sapagka’t aking narinig ang paninirang puri ng marami, kakilabutan sa bawa’t dako. Samantalang sila’y nagsasangguniang magkakasama laban sa akin, kanilang pinagsisikapang alisin ang aking buhay.

14 Nguni’t tumiwala ako sa iyo, Oh Panginoon: aking sinabi: Ikaw ay aking Dios.

15 Ang aking mga kapanahunan ay nasa iyong kamay: iligtas mo ako sa kamay ng aking mga kaaway, at sa mga nagsisiusig sa akin.

16 Iyong pasilangin ang iyong mukha sa iyong lingkod: iligtas mo ako ng iyong kagandahang-loob.

17 Huwag nawa akong mapahiya, Oh Panginoon; sapagka’t ako’y tumawag sa iyo: mapahiya nawa ang masama, magsitahimik nawa sila sa Sheol.

18 Matahimik nawa ang mga sinungaling na labi; na nangagsasalita laban sa matuwid ng kalasuwaan, ng kapalaluan at paghamak.

19 Oh pagkadakila ng iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na nangatatakot sa iyo, na iyong ginawa sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo, sa harap ng mga anak ng mga tao!

20 Sa lihim ng iyong harapan ay iyong ikukubli sila sa mga banta ng mga tao: iyong iingatan silang lihim sa kulandong mula sa mga talas ng mga dila.

21 Purihin ang Panginoon: sapagka’t ipinakilala niya sa akin ang kaniyang kagilagilalas na kagandahang-loob sa isang matibay na bayan.

22 Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking pagmamadali, nahiwalay ako sa harap ng iyong mga mata: gayon ma’y dininig mo ang tinig ng aking mga pamanhik, nang ako’y dumaing sa iyo.

23 Oh ibigin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga banal niya: pinalalagi ng Panginoon ang tapat, at pinanghihigantihang lubos ang manggagawang palalo.

24 Kayo’y mangagpakalakas, at mangagdalang tapang ang inyong puso, kayong lahat na nagsisiasa sa Panginoon.

Mga Awit 32

1 Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan.

2 Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya.

3 Nang ako’y tumahimik, ay nanglumo ang aking mga buto dahil sa aking pagangal buong araw.

4 Sapagka’t araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay: ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)

5 Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: aking sinabi, aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.

6 Dahil dito’y dalanginan ka nawa ng bawa’t isa na banal sa panahong masusumpungan ka: tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.

7 Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan; iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

8 Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.

9 Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa: na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila, na kung dili’y hindi sila magsisilapit sa iyo.

10 Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni’t siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.

11 Kayo’y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid: at magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.

Mga Awit 33

1 Mangagalak kayo sa Panginoon, Oh kayong mga matuwid: pagpuri ay maganda sa ganang matuwid.

2 Kayo’y mangagpasalamat sa Panginoon na may alpa: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may salterio na sangpung kuerdas.

3 Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit; magsitugtog kayong matalino na may malaking ingay.

4 Sapagka’t ang salita ng Panginoon ay matuwid; at lahat niyang gawa ay ginawa sa pagtatapat.

5 Iniibig niya ang katuwiran at kahatulan: ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.

6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig.

7 Kaniyang pinipisan ang tubig ng dagat na parang isang bunton: inilalagay niya ang mga kalaliman sa mga kalawakan.

8 Matakot nawa ang buong lupa sa Panginoon: magsitayo nawang may takot ang lahat ng taga sanglibutan sa kaniya.

9 Sapagka’t siya’y nagsalita, at nangyari; siya’y nagutos, at tumayong matatag.

10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa: kaniyang niwawalang halaga ang mga pagiisip ng mga bayan.

11 Ang payo ng Panginoon ay nanganayong matibay magpakailan man, ang mga pagiisip ng kaniyang puso sa lahat ng sali’t saling lahi.

12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.

13 Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;

14 Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya sa lahat na nangananahan sa lupa;

15 Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.

16 Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo: ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.

17 Ang kabayo ay walang kabuluhang bagay sa pagliligtas: ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;

18 Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;

19 Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at upang ingatan silang buhay sa kagutom.

20 Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya’y aming saklolo at aming kalasag.

21 Sapagka’t ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka’t kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.

22 Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ayon sa aming pagasa sa iyo.

Mga Awit 34

1 Aking pupurihin ang Panginoon sa buong panahon: ang pagpuri sa kaniya ay laging sasa aking bibig.

2 Ang aking kaluluwa ay maghahambog sa Panginoon: maririnig ng maamo at masasayahan.

3 Oh dakilain ninyo na kasama ko ang Panginoon, at tayo’y mangagbunyi na magkakasama ng kaniyang pangalan.

4 Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan.

5 Sila’y nagsitingin sa kaniya, at nangaliwanagan: at ang kanilang mukha ay hindi malilito kailan man.

6 Itong abang tao’y dumaing, at dininig siya ng Panginoon. At iniligtas siya sa lahat niyang mga kabagabagan.

7 Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa kaniya, at ipinagsasanggalang sila.

8 Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti: mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya.

9 Oh mangatakot kayo sa Panginoon, kayong mga banal niya: sapagka’t walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya.

10 Ang mga batang leon ay kinakapos at nagtitiis ng gutom. Nguni’t silang nagsisihanap sa Panginoon ay hindi kukulangin ng anomang mabuting bagay.

11 Magsiparito kayo, kayong mga anak, dinggin ninyo ako: aking tuturuan kayo ng pagkatakot sa Panginoon.

12 Sinong tao ang nagnanasa ng buhay, at umiibig sa maraming kaarawan upang makakita siya ng mabuti?

13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama. At ang iyong mga labi sa pagsasalita ng karayaan.

14 Lumayo ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; hanapin mo ang kapayapaan at habulin mo.

15 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.

16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.

17 Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.

18 Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.

19 Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni’t inililigtas ng Panginoon sa lahat.

20 Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali.

21 Papatayin ng kasamaan ang masama: at silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala.

22 Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala.

Mga Awit 35

1 Awayin mo, Oh Panginoon, silang nagsisiaway sa akin: lumaban ka sa kanila na nagsisilaban sa akin.

2 Humawak ka ng kalasag at ng longki, at tumayo ka na pinaka tulong sa akin.

3 Kumuha ka rin naman ng sibat, at tumigil ka sa daan laban sa kanila na nagsisihabol sa akin: sabihin mo sa aking kaluluwa, Ako’y iyong kaligtasan.

4 Mangahiya nawa sila, at madala sa kasiraang puri ang nagsisiusig sa aking kaluluwa: mangapabalik sila, at mangalito silang nagsisikatha ng aking kapahamakan.

5 Maging gaya nawa sila ng ipa sa unahan ng hangin, at itaboy sila ng anghel ng Panginoon.

6 Maging madilim nawa, at madulas ang kanilang daan, at habulin sila ng anghel ng Panginoon.

7 Sapagka’t walang kadahilanan ay ipinagkubli nila ako ng kanilang silo sa hukay, walang kadahilanan ay nagsihukay sila para sa aking kaluluwa.

8 Dumating nawa sa kaniya ng walang anoano ang pagkapahamak; at hulihin nawa siya ng kaniyang silo na kaniyang ikinubli: mahulog nawa siya sa ikapapahamak niya.

9 At ang aking kaluluwa ay magagalak sa Panginoon: magagalak na mainam sa kaniyang pagliligtas.

10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi, Panginoon, sino ang gaya mo, na inililigtas ang dukha doon sa totoong malakas kay sa kaniya, Oo, ang dukha at ang mapagkailangan sa sumasamsam sa kaniya?

11 Mga saksing masasama ay nagsisitayo; sila’y nangagtatanong sa akin ng mga bagay na di ko nalalaman.

12 Iginaganti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, sa pagpapaulila ng aking kaluluwa.

13 Nguni’t tungkol sa akin, nang sila’y may sakit, ang aking suot ay magaspang na kayo: aking pinagdalamhati ang aking kaluluwa ng pagaayuno; at ang aking dalangin ay nagbabalik sa aking sariling sinapupunan.

14 Ako’y nagasal na tila aking kaibigan o aking kapatid: ako’y yumuyukong tumatangis na tila iniiyakan ang kaniyang ina.

15 Nguni’t pagka ako’y natisod sila’y nangagagalak, at nagpipisan: ang mga uslak ay nagpipisan laban sa akin, at hindi ko nalaman;

16 Gaya ng mga nanunuyang suwail sa mga kapistahan, kanilang pinagngangalit sa akin ang kanilang mga ngipin.

17 Panginoon, hanggang kailan titingin ka? Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagsira, ang aking sinta mula sa mga leon.

18 Ako’y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapisanan: aking pupurihin ka sa gitna ng maraming tao.

19 Huwag magalak sa akin na may kamalian ang aking mga kaaway; ni magkindat man ng mata ang nangagtatanim sa akin ng walang kadahilanan.

20 Sapagka’t sila’y hindi nangagsasalita ng kapayapaan: kundi sila’y nagsisikatha ng mga magdarayang salita laban sa mga tahimik sa lupain.

21 Oo, kanilang ibinuka ng maluwang ang kanilang bibig laban sa akin; kanilang sinasabi: Aha, aha, nakita ng aming mata.

22 Iyong nakita ito, Oh Panginoon; huwag kang tumahimik, Oh Panginoon, huwag kang lumayo sa akin.

23 Kumilos ka, at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan, sa aking usap, Dios ko at Panginoon ko.

24 Hatulan mo ako, Oh Panginoon kong Dios, ayon sa iyong katuwiran; at huwag mo silang pagalakin sa akin.

25 Huwag silang magsabi sa kanilang sarili: Aha, nasa namin: huwag silang magsabi: Aming sinakmal siya.

26 Mangapahiya nawa sila, at mangalito na magkakasama ang mga nangagalak sa aking pagkapahamak: manganamit nawa ng kahihiyan at kasiraang puri ang nangagmamalaki laban sa akin.

27 Magsihiyaw nawa ng kagalakan, at mangasayahan, ang nagsisilingap ng aking katuwiran: Oo, mangagsabi nawa silang palagi: Dakilain ang Panginoon, na nalulugod sa kaginhawahan ng kaniyang lingkod.

28 At ang aking dila ay mangungusap ng iyong katuwiran, at ng pagpuri sa iyo sa buong araw.

Mga Awit 36

1 Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata.

2 Sapagka’t siya’y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman.

3 Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.

4 Siya’y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya’y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan.

5 Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.

6 Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop.

7 Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak.

8 Sila’y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran.

9 Sapagka’t nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.

10 Oh, ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso.

11 Huwag nawang dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy ng kamay ng masama.

12 Doo’y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan: sila’y nangalugmok at hindi makakatindig.

Mga Awit 37

1 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.

2 Sapagka’t sila’y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.

3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.

4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.

5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.

7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.

8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya’y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.

9 Sapagka’t ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni’t yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.

10 Sapagka’t sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.

11 Nguni’t ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.

12 Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.

13 Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka’t kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.

14 Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:

15 Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.

16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.

17 Sapagka’t ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni’t inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

18 Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.

19 Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.

20 Nguni’t ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila’y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.

21 Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni’t ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.

22 Sapagka’t ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.

23 Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya’y nasasayahan sa kaniyang lakad.

24 Bagaman siya’y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka’t inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.

25 Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda; gayon ma’y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.

26 Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

27 Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.

28 Sapagka’t iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila’y iniingatan magpakailan man: nguni’t ang lahi ng masama ay mahihiwalay.

29 Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.

30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.

31 Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.

32 Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.

33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya’y nahatulan.

34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.

35 Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.

36 Nguni’t may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni’t hindi siya masumpungan.

37 Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka’t may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.

38 Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

39 Nguni’t ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya’y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.

40 At sila’y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka’t sila’y nagsipagkanlong sa kaniya.

Mga Awit 38

1 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

2 Sapagka’t ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay.

3 Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.

4 Sapagka’t ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.

5 Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan.

6 Ako’y nahirapan at ako’y nahukot; ako’y tumatangis buong araw.

7 Sapagka’t ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman.

8 Ako’y nanglalata, at bugbog na mainam: ako’y umangal dahil sa kaba ng aking loob.

9 Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.

10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.

11 Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo.

12 Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw.

13 Nguni’t ako’y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako’y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.

14 Oo, ako’y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.

15 Sapagka’t sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.

16 Sapagka’t aking sinabi: Baka ako’y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin.

17 Sapagka’t ako’y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.

18 Sapagka’t aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.

19 Nguni’t ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami.

20 Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka’t aking sinunod ang bagay na mabuti.

21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.

22 Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan.

Mga Awit 39

1 Aking sinabi, ako’y magiingat sa aking mga lakad, upang huwag akong magkasala ng aking dila: aking iingatan ang aking dila ng paningkaw, samantalang ang masama ay nasa harap ko.

2 Ako’y napipi ng pagtahimik, ako’y tumahimik pati sa mabuti; at ang aking kalungkutan ay lumubha.

3 Ang aking puso ay mainit sa loob ko; habang ako’y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy: nang magkagayo’y nagsalita ako ng aking dila:

4 Panginoon, ipakilala mo sa akin ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano; ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.

5 Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan; at ang aking gulang ay tila wala sa harap mo: tunay na bawa’t tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang walang kabuluhan. (Selah)

6 Tunay na bawa’t tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim: tunay na sila’y nagugulo ng walang kabuluhan: kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.

7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay? Ang aking pagasa ay nasa iyo.

8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang: huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.

9 Ako’y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig; sapagka’t ikaw ang gumawa.

10 Iurong mo sa akin ang iyong suntok: ako’y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.

11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao, iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga: tunay na bawa’t tao ay walang kabuluhan. (Selah)

12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing: huwag kang tumahimik sa aking mga luha: sapagka’t ako’y taga ibang lupa na kasama mo; nakikipamayan na gaya ng lahat na aking mga magulang.

13 Oh tulungan mo ako, upang ako’y magbawing lakas, Bago ako manaw, at mawala.