Mga Awit 70

1 Magmadali ka, Oh Dios, na iligtas mo ako; magmadali ka na tulungan mo ako, Oh Panginoon.

2 Mangapahiya at mangalito sila, na nagsisiusig ng aking kaluluwa: mangapatalikod sila at mangadala sa kasiraang puri. Silang nangaliligaya sa aking kapahamakan.

3 Mangapatalikod sila dahil sa kanilang kahihiyan. Silang nangagsasabi, Aha, aha.

4 Mangagalak at mangatuwa sa iyo ang lahat na nagsisihanap sa iyo; at magsabing lagi yaong umiibig ng iyong kaligtasan: Dakilain ang Dios.

5 Nguni’t ako’y dukha at mapagkailangan; magmadali ka sa akin, Oh Dios: ikaw ay aking katulong at aking tagapagligtas; Oh Panginoon, huwag kang magluwat.

Mga Awit 71

1 Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man.

2 Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,

3 Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka’t ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.

4 Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao.

5 Sapagka’t ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.

6 Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko’y magiging laging sa iyo.

7 Ako’y naging isang kagilagilalas sa marami; nguni’t ikaw ang matibay kong kanlungan.

8 Ang bibig ko’y mapupuno ng pagpuri sa iyo, at ng iyong karangalan buong araw.

9 Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.

10 Sapagka’t ang mga kaaway ko’y nangagsasalita tungkol sa akin: at silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,

11 Na nangagsasabi, pinabayaan siya ng Dios: iyong habulin at hulihin siya; sapagka’t walang magligtas.

12 Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin: Oh Dios ko, magmadali kang tulungan mo ako.

13 Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa; mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.

14 Nguni’t ako’y maghihintay na palagi, at pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.

15 Ang bibig ko’y magsasaysay ng iyong katuwiran, at ng iyong pagliligtas buong araw; sapagka’t hindi ko nalalaman ang mga bilang.

16 Ako’y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios: aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga’y ang iyo lamang.

17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.

18 Oo, pag ako’y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan sa bawa’t isa na darating.

19 Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas; ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, Oh Dios, sino ang gaya mo.

20 Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.

21 Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako.

22 Pupurihin din kita ng salterio, ang iyong katotohanan, Oh Dios ko; sa iyo’y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa, Oh ikaw na Banal ng Israel.

23 Ang mga labi ko’y mangagagalak na mainam pagka ako’y umaawit ng mga pagpuri sa iyo; at ang kaluluwa ko, na iyong tinubos.

24 Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw: sapagka’t sila’y nangapahiya, sila’y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.

Mga Awit 72

1 Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.

2 Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.

3 Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.

4 Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.

5 Sila’y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali’t saling lahi.

6 Siya’y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.

7 Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.

8 Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.

9 Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya; at hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.

10 Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob; ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.

11 Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.

12 Sapagka’t kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.

13 Siya’y maaawa sa dukha at mapagkailangan, at ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.

14 Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:

15 At siya’y mabubuhay at sa kaniya’y ibibigay ang ginto ng Sheba: at dadalanginang lagi siya ng mga tao: pupurihin nila siya buong araw.

16 Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok; ang bunga niyao’y uugang gaya ng Libano: at silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.

17 Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man; ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw: at ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya; tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.

18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:

19 At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man; at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian. Siya nawa, at Siya nawa.

20 Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.

Mga Awit 73

1 Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel. Sa mga malilinis sa puso.

2 Nguni’t tungkol sa akin, ang mga paa ko’y halos nahiwalay: ang mga hakbang ko’y kamunti nang nangadulas.

3 Sapagka’t ako’y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama.

4 Sapagka’t walang mga tali sa kanilang kamatayan: kundi ang kanilang kalakasan ay matatag.

5 Sila’y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao; na hindi man sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao.

6 Kaya’t kapalalua’y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg: tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan.

7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan: sila’y mayroong higit kay sa mananasa ng puso.

8 Sila’y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati: sila’y nangagsasalitang may kataasan.

9 Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.

10 Kaya’t ibinabalik dito ang kaniyang bayan: at tubig ng punong saro ay nilalagok nila.

11 At kanilang sinasabi, Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan?

12 Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa’y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan,

13 Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala;

14 Sapagka’t buong araw ay nasalot ako, at naparusahan tuwing umaga.

15 Kung aking sinabi, Ako’y magsasalita ng ganito; narito, ako’y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak.

16 Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito, ay napakahirap sa ganang akin;

17 Hanggang sa ako’y pumasok sa santuario ng Dios, at aking nagunita ang kanilang huling wakas,

18 Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako: iyong inilugmok sila sa kapahamakan.

19 Kung paanong naging kapahamakan sila sa isang sandali! Sila’y nilipol na lubos ng mga kakilabutan.

20 Ang panaginip sa pagkagising: sa gayon, Oh Panginoon, pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan.

21 Sapagka’t ang puso ko’y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako:

22 Sa gayo’y naging walang muwang ako, at musmos; ako’y naging gaya ng hayop sa harap mo.

23 Gayon ma’y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan.

24 Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.

25 Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.

26 Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni’t ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.

27 Sapagka’t narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.

28 Nguni’t mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Mga Awit 74

1 Oh Dios, bakit mo itinakuwil kami magpakailan man? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?

2 Alalahanin mo ang iyong kapisanan na iyong binili ng una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana; at ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.

3 Itaas mo ang iyong mga paa sa mga walang hanggang guho, ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.

4 Ang mga kaaway mo’y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan; kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.

5 Sila’y tila mga tao na nangagtaas ng mga palakol sa mga kakahuyan.

6 At ngayo’y lahat ng gawang inanyuan doon. Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.

7 Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario; kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.

8 Kanilang sinabi sa kanilang puso, ating gibaing paminsan: kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.

9 Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: Wala nang propeta pa; at wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.

10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?

11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan? Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.

12 Gayon ma’y ang Dios ay aking Hari ng una, na nagliligtas sa gitna ng lupa.

13 Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan: iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga buwaya sa mga tubig.

14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng leviatan, ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.

15 Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog: iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.

16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin: iyong inihanda ang liwanag at ang araw.

17 Iyong inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa: iyong ginawa ang taginit at taginaw.

18 Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon, at nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.

19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.

20 Magkaroong pitagan ka sa tipan: sapagka’t ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.

21 Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi: pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.

22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap: alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.

23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway: ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.

Mga Awit 75

1 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagka’t ang iyong pangalan ay malapit: isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.

2 Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid.

3 Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw: aking itinayo ang mga haligi niyaon. (Selah)

4 Aking sinabi sa hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan: at sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay:

5 Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas; huwag kang magsalitang may matigas na ulo.

6 Sapagka’t hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran, o mula man sa timugan, ang pagkataas.

7 Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.

8 Sapagka’t sa kamay ng Panginoon ay may isang saro, at ang alak ay bumubula; puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din: tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.

9 Nguni’t aking ipahahayag magpakailan man, ako’y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.

10 Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay; nguni’t ang mga sungay ng matuwid ay matataas.

Mga Awit 76

1 Sa Juda ay kilala ang Dios: ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.

2 Nasa Salem naman ang kaniyang tabernakulo, at ang kaniyang dakong tahanan ay sa Sion.

3 Doo’y binali niya ang mga pana ng busog; at kalasag, at ang tabak, at ang pagbabaka. (Selah)

4 Maluwalhati ka at marilag, mula sa mga bundok na hulihan.

5 Ang mga puso na matapang ay nasamsaman, sila’y nangatulog ng kanilang pagtulog; at wala sa mga lalaking makapangyarihan na nakasumpong ng kanilang mga kamay.

6 Sa iyong saway Oh Dios ni Jacob, ang karo at gayon din ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

7 Ikaw, ikaw ay katatakutan: at sinong makatatayo sa iyong paningin, sa minsang ikaw ay magalit?

8 Iyong ipinarinig ang hatol mula sa langit; ang lupa ay natakot, at tumahimik,

9 Nang ang Dios ay bumangon sa paghatol, upang iligtas ang lahat ng maamo sa lupa. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao: ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.

11 Manata ka at tuparin mo sa Panginoon mong Dios: magdala ng mga kaloob sa kaniya na marapat katakutan, yaong lahat na nangasa buong palibot niya.

12 Kaniyang ihihiwalay ang diwa ng mga pangulo: siya’y kakilakilabot sa mga hari sa lupa.

Mga Awit 77

1 Ako’y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.

2 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko’y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.

3 Naaalaala ko ang Dios, at ako’y nababalisa: ako’y nagdaramdam, at ang diwa ko’y nanglulupaypay. (Selah)

4 Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako’y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.

5 Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon.

6 Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko’y masikap na nagsiyasat.

7 Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?

8 Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako?

9 Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)

10 At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni’t aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.

11 Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka’t aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.

12 Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.

13 Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?

14 Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.

15 Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah)

16 Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila’y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig.

17 Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos.

18 Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.

19 Ang daan mo’y nasa dagat, at ang mga landas mo’y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo’y hindi nakilala.

20 Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Mga Awit 78

1 Makinig kayo, Oh bayan ko, sa aking kautusan: ikiling ninyo ang inyong mga pakinig sa mga salita ng aking bibig.

2 Aking bubukhin ang aking bibig sa isang talinghaga; ako’y magsasalita ng mga malabong sabi ng una:

3 Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang.

4 Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.

5 Sapagka’t siya’y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak:

6 Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga’y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak:

7 Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos:

8 At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios,

9 Ang mga anak ni Ephraim, gayong may sakbat at may dalang mga busog, at nagsitalikod sa kaarawan ng pagbabaka.

10 Hindi nila tinupad ang tipan ng Dios, at nagsitangging magsilakad sa kaniyang kautusan;

11 At kanilang kinalimutan ang kaniyang mga gawa, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ipinakita sa kanila.

12 Mga kagilagilalas na mga bagay ay ginawa niya sa paningin ng kanilang mga magulang, sa lupain ng Egipto, sa parang ng Zoan.

13 Hinawi niya ang dagat, at pinaraan niya sila; at kaniyang pinatayo ang tubig na parang bunton.

14 Sa araw naman ay kaniyang pinatnubayan sila sa pamamagitan ng isang ulap, at buong gabi ay sa pamamagitan ng tanglaw na apoy.

15 Kaniyang pinuwangan ang mga bato sa ilang, at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.

16 Nagpabukal naman siya mula sa bato. At nagpababa ng tubig na parang mga ilog.

17 Gayon ma’y nagkasala uli sila laban sa kaniya, upang manghimagsik laban sa Kataastaasan sa ilang.

18 At kanilang tinukso ang Dios sa kanilang puso, sa paghingi ng pagkain sa kanilang pita.

19 Oo, sila’y nagsalita laban sa Dios; kanilang sinabi, Makapaghahanda ba ang Dios ng dulang sa ilang?

20 Narito, kaniyang pinalo ang bato, na ang mga tubig ay bumubuluwak, at mga bukal ay nagsisiapaw; makapagbibigay ba siya ng tinapay naman? Ipaghahanda ba niya ng karne ang kaniyang bayan?

21 Kaya’t narinig ng Panginoon, at napoot: at isang apoy ay nagalab laban sa Jacob, at galit naman ay napailanglang laban sa Israel;

22 Sapagka’t sila’y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas.

23 Gayon ma’y nagutos siya sa mga langit sa itaas, at binuksan ang mga pintuan ng langit;

24 At pinaulanan niya sila ng mana upang makain. At binigyan sila ng trigo ng langit.

25 Kumain ang tao ng tinapay ng makapangyarihan: pinadalhan niya sila ng pagkain hanggang sa nangabusog.

26 Kaniyang pinahihip ang hanging silanganan sa mga langit: at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinatnubayan niya ang hanging timugan.

27 Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat:

28 At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan.

29 Sa gayo’y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita.

30 Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,

31 Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel.

32 Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa.

33 Kaya’t kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan.

34 Nang kaniyang patayin sila, sila’y nangagusisa sa kaniya: at sila’y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios.

35 At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos.

36 Nguni’t tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila.

37 Sapagka’t ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.

38 Nguni’t siya, palibhasa’y puspos ng kaawaan, ay pinatawad ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol: Oo, madalas na inihiwalay ang kaniyang galit, at hindi pinukaw ang buo niyang poot.

39 At naalaala niyang sila’y laman lamang; hanging dumadaan, at hindi bumabalik.

40 Kay dalas na nanghimagsik nila laban sa kaniya sa ilang, at pinapanglaw nila siya sa ilang!

41 At sila’y nagsibalik uli, at tinukso ang Dios, at minungkahi ang Banal ng Israel.

42 Hindi nila inalaala ang kaniyang kamay, ni ang araw man nang kaniyang tubusin sila sa kaaway.

43 Kung paanong kaniyang inilagay ang kaniyang mga tanda sa Egipto, at ang kaniyang mga kababalaghan sa parang ng Zoan;

44 At pinapaging dugo ang kanilang mga ilog, at ang kanilang mga bukal, na anopa’t hindi sila makainom.

45 Nagsugo rin siya sa gitna nila ng mga pulutong ng mga bangaw na lumamon sa kanila; at mga palaka, na nagsigiba sa kanila.

46 Ibinigay rin niya ang kanilang bunga sa tipaklong, at ang kanilang pakinabang sa balang.

47 Sinira niya ang kanilang ubasan ng granizo, at ang mga puno nila ng sikomoro ng escarcha.

48 Ibinigay rin naman niya ang kanilang mga hayop sa granizo, at sa mga lintik ang kanilang mga kawan.

49 Ibinugso niya sa kanila ang kabangisan ng kaniyang galit, poot at galit, at kabagabagan, pulutong ng mga anghel ng kasamaan.

50 Kaniyang iginawa ng landas ang kaniyang galit; hindi niya pinigil ang kanilang buhay sa kamatayan, kundi ibinigay ang kanilang buhay sa pagkapuksa;

51 At sinaktan ang lahat na panganay sa Egipto, ang panguna ng kanilang kalakasan sa mga tolda ni Cham:

52 Nguni’t kaniyang pinayaon ang kaniyang sariling bayan na parang mga tupa, at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.

53 At inihatid niya silang tiwasay, na anopa’t hindi sila nangatakot: nguni’t tinakpan ng dagat ang kanilang mga kaaway.

54 At dinala niya sila sa hangganan ng kaniyang santuario, sa bundok na ito na binili ng kaniyang kanang kamay.

55 Pinalayas din niya ang mga bansa sa harap nila, at binahagi sa kanila na pinakamana sa pamamagitan ng pising panukat, at pinatahan ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda.

56 Gayon ma’y nanukso at nanghimagsik sila laban sa Kataastaasang Dios, at hindi iningatan ang kaniyang mga patotoo;

57 Kundi nagsitalikod, at nagsigawang may paglililo na gaya ng kanilang mga magulang: sila’y nagsilisyang parang magdarayang busog.

58 Sapagka’t minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga mataas na dako, at kinilos nila siya sa panibugho ng kanilang mga larawang inanyuan.

59 Nang marinig ito ng Dios, ay napoot, at kinayamutang lubha ang Israel:

60 Sa gayo’y kaniyang pinabayaan ang tabernakulo ng Silo, ang tolda na kaniyang inilagay sa gitna ng mga tao;

61 At ibinigay ang kaniyang kalakasan sa pagkabihag, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa kamay ng kaaway.

62 Ibinigay rin niya ang kaniyang bayan sa tabak; at napoot sa kaniyang mana.

63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata; at ang mga dalaga nila’y hindi nagkaroon ng awit ng pagaasawa.

64 Ang mga saserdote nila’y nabuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga bao nila’y hindi nanganaghoy.

65 Nang magkagayo’y gumising ang Panginoon na gaya ng mula sa pagkakatulog, gaya ng malakas na tao na humihiyaw dahil sa alak.

66 At sinaktan niya sa likod ang kaniyang mga kaaway: inilagay niya sila sa laging kadustaan.

67 Bukod dito’y tinanggihan niya ang tolda ng Jose, at hindi pinili ang lipi ni Ephraim;

68 Kundi pinili ang lipi ni Juda, ang bundok ng Zion na kaniyang inibig.

69 At itinayo niya ang kaniyang santuario na parang mga kataasan, parang lupa na kaniyang itinatag magpakailan man.

70 Pinili naman niya si David na kaniyang lingkod, at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa:

71 Dinala niya siya na mula sa pagsunod sa mga tupa ng nagpapasuso, upang maging pastor ng Jacob na kaniyang bayan, at ang Israel na kaniyang mana.

72 Sa gayo’y siya ang kanilang pastor ayon sa pagtatapat ng kaniyang puso; at pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng kabihasahan ng kaniyang mga kamay.

Mga Awit 79

1 Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.

2 Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.

3 Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila.

4 Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.

5 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?

6 Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.

7 Sapagka’t kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.

8 Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka’t kami ay totoong hinamak.

9 Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan.

10 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.

11 Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:

12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.

13 Sa gayo’y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.