Mga Awit 80

1 Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.

2 Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.

3 Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami.

4 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan?

5 Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana.

6 Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan.

7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.

8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.

9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.

10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.

11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.

12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa’t siya’y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?

13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.

14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,

15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.

16 Nasunog ng apoy, at naputol: sila’y nalipol sa saway ng iyong mukha.

17 Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.

18 Sa gayo’y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.

19 Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.

Mga Awit 81

1 Magsiawit kayo ng malakas sa Dios na ating kalakasan: mangagkaingay kayo na may kagalakan sa Dios ni Jacob,

2 Magsiawit kayo at dalhin ninyo rito ang pandereta, ang masayang alpa sangpu ng salterio.

3 Magsihihip kayo ng pakakak sa bagong buwan, sa kabilugan ng buwan, sa ating dakilang kapistahan.

4 Sapagka’t pinakapalatuntunan sa Israel, ayos ng Dios ni Jacob.

5 Kaniyang inilagay na pinakapatotoo sa Jose, nang siya’y lumabas na maglakbay sa lupain ng Egipto: na aking kinaringgan ng wika na di ko nauunawa.

6 Aking inihiwalay ang kaniyang balikat sa pasan: ang mga kamay niya’y napabitiw sa luwelang.

7 Ikaw ay tumawag sa kabagabagan, at iniligtas kita; sinagot kita sa lihim na dako ng kulog; sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)

8 Dinggin mo, Oh bayan ko, at ako’y sasaksi sa iyo: Oh Israel, kung ikaw ay makikinig sa akin!

9 Hindi magkakaroon ng ibang dios sa iyo; at hindi ka man sasamba sa anomang ibang dios.

10 Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Egipto: bukhin mong maluwang ang iyong bibig, at aking pupunuin.

11 Nguni’t hindi nakinig sa aking tinig ang bayan ko; at hindi ako sinunod ng Israel.

12 Sa gayo’y aking pinasunod sa pagmamatigas ng kanilang puso, upang sila’y makalakad sa kanilang sariling mga payo.

13 Oh kung ako’y didinggin ng aking bayan, kung ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!

14 Aking pasusukuing madali ang kanilang mga kaaway, at ibabalik ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kaaway.

15 Ang mga mapagtanim sa Panginoon ay magsisisuko sa kaniya: nguni’t ang kanilang panahon ay mananatili kailan man,

16 Kaniya ring pakakanin sila ng katabaan ng trigo: at ng pulot na mula sa bato ay bubusugin kita.

Mga Awit 82

1 Ang Dios ay tumatayo sa kapisanan ng Dios; siya’y humahatol sa gitna ng mga dios.

2 Hanggang kailan magsisihatol kayo ng kalikuan, at magsisigalang sa mga pagkatao ng masama? (Selah)

3 Hatulan mo ang dukha at ulila: gawan mo ng kaganapan ang napipighati at walang nagkakandili.

4 Sagipin mo ang dukha at mapagkailangan: iligtas ninyo sila sa kamay ng masama,

5 Hindi nila nalalaman, ni nauunawa man; sila’y nagsisilakad na paroo’t parito sa kadiliman: lahat ng patibayan ng lupa ay nangakilos.

6 Aking sinabi, Kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.

7 Gayon ma’y mangamamatay kayong parang mga tao, at mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.

8 Bumangon ka, O Dios, hatulan mo ang lupa: sapagka’t iyong mamanahin ang lahat ng mga bansa.

Mga Awit 83

1 Oh Dios, huwag kang tumahimik: huwag kang mapayapa, at tumiwasay, Oh Dios.

2 Sapagka’t narito, ang mga kaaway mo’y nanggugulo: at silang nangagtatanim sa iyo ay nangagtaas ng ulo.

3 Sila’y nagsisitanggap ng payong may katusuhan laban sa iyong bayan, at nangagsanggunian laban sa iyong nangakakubli.

4 Kanilang sinabi, Kayo’y parito, at atin silang ihiwalay sa pagkabansa; upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalaala pa.

5 Sapagka’t sila’y nangagsangguniang magkakasama na may isang pagkakaayon; laban sa iyo ay nangagtitipanan:

6 Ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita; ang Moab at ang mga Agareno;

7 Ang Gebal, at ang Ammon, at ang Amalec; ang Filisteo na kasama ng mga taga Tiro:

8 Pati ng Asiria ay nalalakip sa kanila; kanilang tinulungan ang mga anak ni Lot.

9 Gumawa ka sa kanila ng gaya sa Madianita; gaya kay Sisara, gaya kay Jabin, sa ilog ng Cison:

10 Na nangamatay sa Endor; sila’y naging parang dumi sa lupa.

11 Gawin mo ang kanilang mga maginoo na gaya ni Oreb at ni Zeeb; Oo, lahat nilang mga pangulo ay gaya ni Zeba at ni Zalmuna;

12 Na siyang nagsipagsabi, kunin natin para sa atin na pinakaari ang mga tahanan ng Dios.

13 Oh Dios ko, gawin mo silang parang ipoipong alabok; Parang dayami sa harap ng hangin.

14 Parang apoy na sumusunog ng gubat, at parang liyab na nanunupok ng mga bundok;

15 Kaya’t habulin mo sila ng iyong bagyo, at pangilabutin mo sila ng iyong unos.

16 Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan; upang hanapin nila ang iyong pangalan, Oh Panginoon.

17 Mangapahiya sila at manganglupaypay magpakailan man; Oo, mangahiya sila at mangalipol:

18 Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa.

Mga Awit 84

1 Kay iinam ng iyong mga tabernakulo, Oh Panginoon ng mga hukbo!

2 Ang kaluluwa ko’y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko’t laman ay dumadaing sa buhay na Dios.

3 Oo, ang maya ay nakasumpong ng bahay, at ang langaylangayan ay nagpugad para sa kaniya, na mapaglalapagan niya ng kaniyang inakay, sa makatuwid baga’y iyong mga dambana, Oh Panginoon ng mga hukbo, Hari ko, at Dios ko.

4 Mapalad silang nagsisitahan sa iyong bahay: kanilang pupurihin kang palagi. (Selah)

5 Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo; na may mga daan sa kaniyang puso na tungo sa Sion.

6 Na nagdaraan sa libis ng iyak na ginagawa nilang dako ng mga bukal; Oo, tinatakpan ng pagpapala ng maagang ulan.

7 Sila’y nagsisiyaon sa kalakasa’t kalakasan, bawa’t isa sa kanila ay napakikita sa harap ng Dios sa Sion.

8 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, dinggin mo ang aking dalangin: pakinggan mo, Oh Dios ni Jacob. (Selah)

9 Masdan mo, Oh Dios na aming kalasag, at tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.

10 Sapagka’t isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kay sa isang libo. Aking minagaling na maging tagatanod-pinto sa bahay ng aking Dios, kay sa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.

11 Sapagka’t ang Panginoong Dios ay araw at kalasag: ang Panginoo’y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid.

12 Oh Panginoon ng mga hukbo, mapalad ang tao na tumitiwala sa iyo.

Mga Awit 85

1 Panginoon, ikaw ay naging lingap sa iyong lupain: iyong ibinalik ang nangabihag ng Jacob.

2 Iyong pinatawad ang kasamaan ng iyong bayan, iyong tinakpan ang lahat nilang kasalanan, (Selah)

3 Iyong pinawi ang buong poot mo: iyong tinalikdan ang kabangisan ng iyong galit.

4 Ibalik mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, at papaglikatin mo ang iyong galit sa amin.

5 Magagalit ka ba sa amin magpakailan man? Iyo bang ipagpapatuloy ang iyong galit sa lahat ng sali’t saling lahi?

6 Hindi mo ba kami bubuhayin uli: upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?

7 Ipakita mo sa amin ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, at ipagkaloob mo sa amin ang iyong pagliligtas.

8 Aking pakikinggan kung ano ang sasalitain ng Dios na Panginoon: sapagka’t siya’y magsasalita ng kapayapaan sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga banal: nguni’t huwag silang manumbalik uli sa kaululan.

9 Tunay na ang kaniyang pagliligtas ay malapit sa kanila na nangatatakot sa kaniya; upang ang kaluwalhatian ay tumahan sa aming lupain.

10 Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.

11 Katotohanan ay bumubukal sa lupa; at ang katuwiran ay tumungo mula sa langit.

12 Oo, ibibigay ng Panginoon ang mabuti; at ang ating lupain ay maguunlad ng kaniyang bunga.

13 Katuwira’y mangunguna sa kaniya; at gagawing daan ang kaniyang mga bakas.

Mga Awit 86

1 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako; sapagka’t ako’y dukha at mapagkailangan.

2 Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka’t ako’y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.

3 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka’t sa iyo’y dumadaing ako buong araw.

4 Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod; sapagka’t sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.

5 Sapagka’t ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad, at sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo.

6 Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing.

7 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo; sapagka’t iyong sasagutin ako.

8 Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon; wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa.

9 Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay magsisiparito, at magsisisamba sa harap mo, Oh Panginoon; at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan.

10 Sapagka’t ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios.

11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon; lalakad ako sa iyong katotohanan: ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan.

12 Pupurihin kita, Oh Panginoon kong Dios ng aking buong puso; at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailan man.

13 Sapagka’t dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin; at iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa pinakamalalim na Sheol.

14 Oh Dios, ang palalo ay bumangon laban sa akin, at ang kapisanan ng mga marahas na tao ay umusig ng aking kaluluwa, at hindi inilagay ka sa harap nila.

15 Nguni’t ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.

16 Oh bumalik ka sa akin, at maawa ka sa akin; ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod. At iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.

17 Pagpakitaan mo ako ng tanda sa ikabubuti: upang mangakita nilang nangagtatanim sa akin, at mangapahiya, sapagka’t ikaw, Panginoon, ay tumulong sa akin, at umaliw sa akin.

Mga Awit 87

1 Ang kaniyang patibayan ay nasa mga banal na bundok.

2 Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion, ng higit kay sa lahat na tahanan ng Jacob.

3 Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios. (Selah)

4 Aking babanggitin ang Rahab at ang Babilonia na kasama ng mga nakakakilala sa akin: narito, ang Filistia at ang Tiro, pati ng Etiopia; ang isang ito ay ipinanganak diyan.

5 Oo, tungkol sa Sion ay sasabihin, ang isang ito at ang isang yaon ay ipinanganak sa kaniya; at itatatag siya ng Kataastaasan.

6 Sasalaysayin ng Panginoon, pagka kaniyang isinulat ang mga bayan, ang isang ito ay ipinanganak diyan. (Selah)

7 Silang nagsisiawit na gaya ng nagsisisayaw ay mangagsasabi, lahat ng aking mga bukal ay nangasa iyo.

Mga Awit 88

1 Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako’y dumaing araw at gabi sa harap mo:

2 Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:

3 Sapagka’t ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol,

4 Ako’y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako’y parang taong walang lakas:

5 Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila’y mangahiwalay sa iyong kamay.

6 Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.

7 Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)

8 Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako’y nakulong at hindi ako makalabas,

9 Ang mata ko’y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako’y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.

10 Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)

11 Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?

12 Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?

13 Nguni’t sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.

14 Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?

15 Ako’y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.

16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.

17 Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.

18 Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.

Mga Awit 89

1 Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali’t saling lahi.

2 Sapagka’t aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo’y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan.

3 Ako’y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod;

4 Ang binhi mo’y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali’t saling lahi. (Selah)

5 At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal.

6 Sapagka’t sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon,

7 Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya?

8 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo’y nasa palibot mo.

9 Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo.

10 Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan.

11 Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag,

12 Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan.

13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay.

14 Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha.

15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila’y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.

16 Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila.

17 Sapagka’t ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay.

18 Sapagka’t ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel.

19 Nang magkagayo’y nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga banal, at iyong sinabi, Aking ipinagkatiwala ang saklolo sa isang makapangyarihan; Aking itinaas ang isang hirang mula sa bayan.

20 Aking nasumpungan si David na aking lingkod; Aking pinahiran siya ng aking banal na langis:

21 Na siyang itatatag ng aking kamay; palakasin naman siya ng aking bisig.

22 Hindi dadahas sa kaniya ang kaaway; ni dadalamhatiin man siya ng anak ng kasamaan.

23 At ibubuwal ko ang kaniyang mga kaaway sa harap niya, at sasaktan ko ang nangagtatanim sa kaniya.

24 Nguni’t ang pagtatapat ko at ang kagandahang-loob ko ay sasa kaniya; at sa pangalan ko’y matataas ang kaniyang sungay.

25 Akin namang ilalapag ang kaniyang kamay sa dagat, at ang kaniyang kanan ay sa mga ilog.

26 Siya’y dadaing sa akin, Ikaw ay Ama ko, Dios ko, at malaking bato ng aking kaligtasan.

27 Akin namang gagawin siyang panganay ko, na pinakamataas sa mga hari sa lupa.

28 Ang kagandahang-loob ko’y aking iingatan sa kaniya magpakailan man, at ang tipan ko’y mananayong matibay sa kaniya.

29 Ang kaniya namang binhi ay pananatilihin ko magpakailan man, at ang luklukan niya’y parang mga araw ng langit.

30 Kung pabayaan ng kaniyang mga anak ang kautusan ko, at hindi magsilakad sa aking mga kahatulan;

31 Kung kanilang salangsangin ang mga palatuntunan ko, at hindi ingatan ang mga utos ko;

32 Kung magkagayo’y aking dadalawin ng pamalo ang kanilang mga pagsalangsang, at ng mga hampas ang kanilang kasamaan.

33 Nguni’t ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko’y magkulang.

34 Ang tipan ko’y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

35 Minsan ay sumampa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan. Hindi ako magbubulaan kay David;

36 Ang kaniyang binhi ay mananatili magpakailan man; at ang kaniyang luklukan ay parang araw sa harap ko.

37 Matatatag magpakailan man na parang buwan, at tapat na saksi sa langit. (Selah)

38 Nguni’t iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis.

39 Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa.

40 Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan.

41 Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya’y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit.

42 Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway.

43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka.

44 Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa.

45 Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah)

46 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy?

47 Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao.

48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat?

50 Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan;

51 Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.

52 Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.