Mga Awit 90

1 Panginoon, ikaw ay naging tahanang dako namin sa lahat ng sali’t saling lahi.

2 Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.

3 Iyong pinapagiging kapahamakan ang tao; at iyong sinasabi, Magsipanumbalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.

4 Sapagka’t isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagpupuyat sa gabi.

5 Iyong dinadala sila na parang baha; sila’y parang pagkakatulog: sa kinaumagahan ay parang damo sila na tumutubo.

6 Sa kinaumagahan ay namumulaklak at lumalago; sa kinahapunan ay pinuputol at natutuyo.

7 Sapagka’t kami ay nangasupok sa iyong galit, at sa iyong poot ay nangabagabag kami.

8 Iyong inilagay ang aming kasamaan sa harap mo, ang aming lihim na mga kasalanan sa liwanag ng iyong mukha.

9 Sapagka’t lahat naming kaarawan ay dumaan sa iyong poot: aming niwawakasan ang aming mga taon na parang isang buntong hininga.

10 Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma’y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagka’t madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.

11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng iyong galit, at ng iyong poot ayon sa katakutan na marapat sa iyo?

12 Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.

14 Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.

15 Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.

16 Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.

17 At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.

Mga Awit 91

1 Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataastaasan. Ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat.

2 Aking sasabihin tungkol sa Panginoon, siya’y aking kanlungan at aking katibayan, ang Dios ko na siyang aking tinitiwalaan.

3 Sapagka’t kaniyang ililigtas ka sa silo ng paninilo, at sa mapamuksang salot.

4 Kaniyang tatakpan ka ng kaniyang mga bagwis, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka: ang kaniyang katotohanan ay kalasag at baluti.

5 Ikaw ay hindi matatakot sa kakilabutan sa gabi, ni sa pana man na humihilagpos kung araw;

6 Dahil sa salot na dumarating sa kadiliman, ni dahil sa paggiba man na sumisira sa katanghaliang tapat.

7 Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni’t hindi lalapit sa iyo.

8 Iyong mamamasdan lamang ng iyong mga mata, at iyong makikita ang ganti sa masama.

9 Sapagka’t ikaw, Oh Panginoon, ay aking kanlungan! Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan;

10 Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda.

11 Sapagka’t siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad.

12 Kanilang dadalhin ka sa kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

13 Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong: ang batang leon at ang ahas ay yuyurakan mo ng iyong mga paa.

14 Sapagka’t kaniyang inilagak ang kaniyang pagibig sa akin, kaya’t iniligtas ko siya: aking ilalagay siya sa mataas, sapagka’t kaniyang naalaman ang pangalan ko.

15 Siya’y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya; ako’y sasa kaniya sa kabagabagan: aking ililigtas siya, at pararangalan siya.

16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.

Mga Awit 92

1 Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan:

2 Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi.

3 Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio; na may dakilang tunog na alpa.

4 Sapagka’t ikaw, Panginoon, iyong pinasaya ako sa iyong gawa: ako’y magtatagumpay sa mga gawa ng iyong mga kamay.

5 Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon! Ang iyong mga pagiisip ay totoong malalim.

6 Ang taong hangal ay hindi nakakaalam; ni nauunawa man ito ng mangmang.

7 Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo, at pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan; ay upang mangalipol sila magpakailan man:

8 Nguni’t ikaw, Oh Panginoon, ay mataas magpakailan man.

9 Sapagka’t, narito, ang mga kaaway mo, Oh Panginoon, sapagka’t, narito, ang mga kaaway mo’y malilipol; lahat ng mga manggagawa ng kasamaan ay mangangalat.

10 Nguni’t ang sungay ko’y iyong pinataas na parang sungay ng mailap na toro: ako’y napahiran ng bagong langis.

11 Nakita naman ng aking mata ang nasa ko sa aking mga kaaway, narinig ng aking pakinig ang nasa ko sa mga manggagawa ng kasamaan na nagsisibangon laban sa akin.

12 Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya’y tutubo na parang cedro sa Libano.

13 Sila’y nangatatag sa bahay ng Panginoon; sila’y giginhawa sa mga looban ng aming Dios.

14 Sila’y mangagbubunga sa katandaan; sila’y mapupuspos ng katas at kasariwaan:

15 Upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid; siya’y aking malaking bato, at walang kalikuan sa kaniya.

Mga Awit 93

1 Ang Panginoon ay naghahari; siya’y nananamit ng karilagan; ang Panginoon ay nananamit ng kalakasan; siya’y nagbigkis niyaon: ang sanglibutan naman ay natatag, na hindi mababago.

2 Ang luklukan mo’y natatag ng una: ikaw ay mula sa walang pasimula.

3 Ang mga baha ay nagtaas, Oh Panginoon, ang mga baha ay nagtaas ng kanilang hugong; ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.

4 Ng higit sa mga hugong ng maraming tubig, malalakas na hampas ng alon sa dagat, ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan.

5 Ang iyong mga patotoo ay totoong tunay: ang kabanalan ay nararapat sa iyong bahay, Oh Panginoon, magpakailan man.

Mga Awit 94

1 Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.

2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.

3 Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama?

4 Sila’y dumadaldal, sila’y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.

5 Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana.

6 Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila.

7 At kanilang sinasabi, ang Panginoo’y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.

8 Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?

9 Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?

10 Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga’y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?

11 Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila’y pawang walang kabuluhan.

12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.

13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.

14 Sapagka’t hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.

15 Sapagka’t kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.

16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?

17 Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko’y tumahang madali sana sa katahimikan.

18 Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.

19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.

20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?

21 Sila’y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo.

22 Nguni’t ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko’y malaking bato na aking kanlungan.

23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.

Mga Awit 95

1 Oh magsiparito kayo, tayo’y magsiawit sa Panginoon: tayo’y magkaingay na may kagalakan sa malaking bato na ating kaligtasan.

2 Tayo’y magsiharap sa kaniyang harapan na may pagpapasalamat, tayo’y magkaingay na may kagalakan sa kaniya na may mga pagaawitan.

3 Sapagka’t ang Panginoon ay dakilang Dios, at dakilang Hari sa lahat ng mga dios,

4 Na sa kaniyang kamay ang mga malalim na dako ng lupa, ang mga kataasan ng mga bundok ay kaniya rin.

5 Ang dagat ay kaniya, at kaniyang ginawa: at ang kaniyang mga kamay ay lumikha ng tuyong lupa.

6 Oh magsiparito kayo, tayo’y magsisamba at magsiyukod; tayo’y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.

7 Sapagka’t siya’y ating Dios, at tayo’y bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, kung inyong didinggin ang kaniyang tinig!

8 Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba, gaya sa kaarawan ng Masa sa ilang:

9 Nang tuksuhin ako ng inyong mga magulang, tinikman ako, at nakita ang gawa ko.

10 Apat na pung taong namanglaw ako sa lahing yaon, at aking sinabi, Bayan na nagkakamali sa kanilang puso. At hindi naalaman ang aking mga daan:

11 Kaya’t ako’y sumumpa sa aking poot, na sila’y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.

Mga Awit 96

1 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit: magsiawit kayo sa Panginoon, buong lupa.

2 Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya; ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.

3 Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.

4 Sapagka’t dakila ang Panginoon, at marapat na purihin: siya’y kinatatakutang higit kay sa lahat na dios.

5 Sapagka’t lahat ng mga dios sa mga bayan ay mga diosdiosan. Nguni’t nilikha ng Panginoon ang langit.

6 Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario.

7 Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

8 Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo’y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.

9 Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.

10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, ang Panginoon ay naghahari: ang sanglibutan naman ay natatatag na hindi makikilos: kaniyang hahatulan ng karapatan ang mga bayan.

11 Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon;

12 Sumaya ang bukiran at lahat na nasa kaniya; kung magkagayo’y aawit dahil sa kagalakan, ang lahat na punong kahoy sa gubat;

13 Sa harap ng Panginoon; sapagka’t siya’y dumarating: sapagka’t siya’y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.

Mga Awit 97

1 Ang Panginoon ay naghahari; magalak ang lupa; matuwa ang karamihan ng mga pulo.

2 Mga ulap at kadiliman ay nasa palibot niya: katuwiran at kahatulan ay patibayin ng kaniyang luklukan.

3 Apoy ay nagpapauna sa kaniya, at sinusunog ang kaniyang kaaway sa buong palibot.

4 Tumatanglaw ang mga kidlat niya sa sanglibutan: nakita ng lupa, at niyanig.

5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harap ng Panginoon, sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.

6 Ipinahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran, at nakita ng lahat na bayan ang kaniyang kaluwalhatian.

7 Mangahiya silang lahat na nangaglilingkod sa mga larawan, nangaghahambog tungkol sa mga diosdiosan: kayo’y magsisamba sa kaniya kayong lahat na mga dios.

8 Narinig ng Sion, at natuwa, at ang mga anak na babae ng Juda ay nangagalak; dahil sa iyong mga kahatulan, Oh Panginoon.

9 Sapagka’t ikaw, Oh Panginoon, ay kataastaasan sa buong lupa: ikaw ay nataas na totoong higit kay sa lahat na mga dios.

10 Oh kayong nagsisiibig sa Panginoon, ipagtanim ninyo ang kasamaan. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang iniligtas sila sa kamay ng masama.

11 Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal, at kasayahan ay sa may matuwid na puso.

12 Mangatuwa kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid; at mangagpasalamat sa kaniyang banal na pangalan.

Mga Awit 98

1 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka’t siya’y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:

2 Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.

3 Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.

4 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.

5 Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.

6 Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.

7 Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;

8 Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;

9 Sa harap ng Panginoon, sapagka’t siya’y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.

Mga Awit 99

1 Ang Panginoon ay naghahari: manginig ang mga bayan. Siya’y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.

2 Ang Panginoon ay dakila sa Sion; at siya’y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.

3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan: siya’y banal.

4 Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan; ikaw ay nagtatatag ng karampatan, ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.

5 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa harap ng kaniyang tungtungan; siya’y banal.

6 Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, at si Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan; sila’y nagsisitawag sa Panginoon, at siya’y sumasagot sa kanila.

7 Siya’y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap: kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.

8 Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios; ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila, bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.

9 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa kaniyang banal na bundok; sapagka’t ang Panginoon nating Dios ay banal.