Mga Awit 100

1 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

2 Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

3 Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya: tayo’y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

4 Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

5 Sapagka’t ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali’t saling lahi.

Mga Awit 101

1 Aking aawitin ang kagandahang-loob at kahatulan: sa iyo, Oh Panginoon, aawit ako ng mga pagpupuri.

2 Ako’y magpapakapantas sa sakdal na lakad: Oh kailan ka pasasa akin? Ako’y lalakad sa loob ng aking bahay na may sakdal na puso.

3 Hindi ako maglalagay ng hamak na bagay sa harap ng aking mga mata: aking ipinagtanim ang gawa nilang lisya: hindi kakapit sa akin.

4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin: hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

5 Ang sumisirang puri na lihim sa kaniyang kapuwa ay aking ibubuwal: siya na may mapagmataas na tingin at may palalong puso ay hindi ko titiisin.

6 Ang mga mata ko’y itititig ko sa mga tapat sa lupain, upang sila’y makatahan na kasama ko: siya na lumalakad sa sakdal na daan, siya’y mangangasiwa sa akin.

7 Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata.

8 Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.

Mga Awit 102

1 Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.

2 Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako’y tumawag, ay sagutin mo akong madali.

3 Sapagka’t ang mga kaarawan ko’y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko’y nangasusunog na parang panggatong.

4 Ang puso ko’y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka’t nalimutan kong kanin ang aking tinapay.

5 Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko’y nagsisidikit sa aking laman.

6 Ako’y parang pelikano sa ilang; ako’y naging parang kuwago sa kaparangan.

7 Ako’y umaabang, at ako’y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.

8 Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.

9 Sapagka’t kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak.

10 Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka’t ako’y iyong itinaas, at inihagis.

11 Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako’y natuyo na parang damo.

12 Nguni’t ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali’t saling lahi.

13 Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka’t kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.

14 Sapagka’t nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.

15 Sa gayo’y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;

16 Sapagka’t itinayo ng Panginoon ang Sion, siya’y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;

17 Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.

18 Ito’y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.

19 Sapagka’t siya’y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;

20 Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;

21 Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;

22 Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.

23 Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.

24 Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo’y lampas sa mga sali’t saling lahi.

25 Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.

26 Sila’y uuwi sa wala, nguni’t ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila’y mga mapapalitan:

27 Nguni’t ikaw rin, at ang mga taon mo’y hindi magkakawakas.

28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.

Mga Awit 103

1 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.

2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.

3 Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;

4 Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:

5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa’t ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.

6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.

7 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.

8 Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.

9 Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.

10 Siya’y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.

11 Sapagka’t kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.

12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.

13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.

14 Sapagka’t nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya.

16 Sapagka’t dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman.

17 Nguni’t ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak;

18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,

19 Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.

20 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.

21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.

22 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.

Mga Awit 104

1 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila; ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.

2 Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing:

3 Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig; na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro; na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:

4 Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya; ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:

5 Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,

6 Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.

7 Sa iyong pagsaway sila’y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;

8 Sila’y nagsiahon sa mga bundok, sila’y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.

9 Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila’y huwag makaraan; upang sila’y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.

10 Siya’y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:

11 Sila’y nagpapainom sa bawa’t hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.

12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila’y nagsisiawit sa mga sanga.

13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa’y busog sa bunga ng iyong mga gawa.

14 Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya’y maglabas ng pagkain sa lupa:

15 At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.

16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;

17 Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.

18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.

19 Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon: nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.

20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi; na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.

21 Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila, at hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.

22 Ang araw ay sumisikat sila’y nagsisialis, at nangahihiga sa kanilang mga yungib.

23 Lumalabas ang tao sa kaniyang gawain, at sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.

24 Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa! sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.

25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.

26 Doo’y nagsisiyaon ang mga sasakyan: nandoon ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.

27 Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo, upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.

28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila’y nangabubusog ng kabutihan.

29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila’y nangababagabag; iyong inaalis ang kanilang hininga, sila’y nangamamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.

30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila’y nangalalalang; at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man; magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:

32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig: kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang ako’y nabubuhay: ako’y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.

34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay: ako’y magagalak sa Panginoon.

35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 105

1 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.

2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.

3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.

4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.

5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;

6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.

7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.

8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi;

9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;

10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:

11 Na sinasabi, sa iyo’y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;

12 Nang sila’y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;

13 At sila’y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.

14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;

15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.

16 At siya’y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.

17 Siya’y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:

18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya’y nalagay sa mga tanikalang bakal:

19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.

20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga’y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.

21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:

22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.

23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.

24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.

25 Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.

26 Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.

27 Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.

28 Siya’y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila’y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.

29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.

30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.

31 Siya’y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.

32 Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.

33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.

34 Siya’y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao’y walang bilang,

35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.

36 Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.

37 At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.

38 Natuwa ang Egipto nang sila’y magsialis; sapagka’t ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.

39 Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,

40 Sila’y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit.

41 Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.

42 Sapagka’t kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.

43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.

44 At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:

45 Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 106

1 Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka’t siya’y mabuti; sapagka’t ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

2 Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?

3 Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.

4 Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:

5 Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako’y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako’y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

6 Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.

7 Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga’y sa Dagat na Mapula.

8 Gayon ma’y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.

9 Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo’y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.

10 At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.

11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.

12 Nang magkagayo’y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.

13 Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo:

14 Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang.

15 At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni’t pinangayayat ang kanilang kaluluwa.

16 Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon.

17 Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram.

18 At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama,

19 Sila’y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo.

20 Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo.

21 Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto;

22 Kagilagilalas na mga gawa sa lupain ng Cham, at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Mapula.

23 Kaya’t sinabi niya, na kaniyang lilipulin sila, kung si Moises na kaniyang hirang ay hindi humarap sa kaniya sa bitak, upang pawiin ang kaniyang poot, upang huwag niyang lipulin sila.

24 Oo, kanilang hinamak ang maligayang lupain, hindi nila sinampalatayanan ang kaniyang salita;

25 Kundi nangagsiungol sa kanilang mga tolda, at hindi nangakinig sa tinig ng Panginoon.

26 Kaya’t kaniyang isinumpa sa kanila, na kaniyang ibubulid sila sa ilang:

27 At kaniyang ibubulid ang kanilang binhi sa mga bansa, at pangalatin sila sa mga lupain.

28 Sila’y nangakilakip naman sa diosdiosang Baal-peor, at nagsikain ng mga hain sa mga patay.

29 Ganito minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga gawa; at ang salot ay lumitaw sa kanila.

30 Nang magkagayo’y tumayo si Phinees, at gumawa ng kahatulan: at sa gayo’y tumigil ang salot.

31 At nabilang sa kaniya na katuwiran, sa lahat ng sali’t saling lahi magpakailan man.

32 Kanilang ginalit din siya sa tubig ng Meriba, na anopa’t naging masama kay Moises dahil sa kanila:

33 Sapagka’t sila’y mapanghimagsik laban sa kaniyang diwa, at siya’y nagsalita ng walang pakundangan ng kaniyang mga labi.

34 Hindi nila nilipol ang mga bayan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanila;

35 Kundi nangakihalo sa mga bansa, at nangatuto ng kanilang mga gawa:

36 At sila’y nangaglingkod sa kanilang mga diosdiosan; na naging silo sa kanila:

37 Oo, kanilang inihain ang kanilang mga anak na lalake at babae sa mga demonio,

38 At nagbubo ng walang salang dugo, sa makatuwid baga’y ng dugo ng kanilang mga anak na lalake at babae, na kanilang inihain sa diosdiosan ng Canaan; at ang lupain ay nadumhan ng dugo.

39 Ganito sila nagpakahawa sa kanilang mga gawa, at nagsiyaong nagpakarumi sa kanilang mga gawa.

40 Kaya’t nagalab ang pagiinit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at kinayamutan niya ang kaniyang pamana.

41 At ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa; at silang nangagtatanim sa kanila ay nangagpuno sa kanila.

42 Pinighati naman sila ng kanilang mga kaaway, at sila’y nagsisuko sa kanilang kamay.

43 Madalas na iligtas niya sila; nguni’t sila’y mapanghimagsik sa kanilang payo, at nangababa sila sa kanilang kasamaan.

44 Gayon ma’y nilingap niya ang kanilang kahirapan, nang kaniyang marinig ang kanilang daing:

45 At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at nagsisi ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.

46 Ginawa naman niyang sila’y kaawaan niyaong lahat na nangagdalang bihag sa kanila.

47 Iligtas mo kami, Oh Panginoon naming Dios, at pisanin mo kami na mula sa mga bansa, upang mangagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at mangagtagumpay sa iyong kapurihan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sabihin ng buong bayan, Siya nawa. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 107

1 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka’t siya’y mabuti: sapagka’t ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway;

3 At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan.

4 Sila’y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila’y hindi nakasumpong ng bayang tahanan.

5 Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa’y nanglupaypay sa kanila.

6 Nang magkagayo’y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.

7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila’y magsiyaon sa bayang tahanan.

8 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

9 Sapagka’t kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.

10 Ang gayong tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw;

11 Sapagka’t sila’y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan:

12 Kaya’t kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap; sila’y nangabuwal, at walang sumaklolo.

13 Nang magkagayo’y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.

14 Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali.

15 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

16 Sapagka’t kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso, at pinutol ang mga halang na bakal.

17 Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati.

18 Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain; at sila’y nagsisilapit sa mga pintuan ng kamatayan,

19 Nang magkagayo’y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.

20 Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.

21 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

22 At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.

23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig;

24 Ang mga ito’y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.

25 Sapagka’t siya’y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon.

26 Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan.

27 Sila’y hahampashampas na paroo’t parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala.

28 Nang magkagayo’y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan.

29 Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa’t ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik.

30 Nang magkagayo’y natutuwa sila, dahil sa sila’y tiwasay. Sa gayo’y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.

31 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

32 Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.

33 Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal:

34 Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.

35 Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain.

36 At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;

37 At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang.

38 Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa’t sila’y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.

39 Muli, sila’y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.

40 Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.

41 Gayon ma’y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.

42 Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.

43 Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.

Mga Awit 108

1 Ang aking puso’y matatag, Oh Dios; ako’y aawit, oo, ako’y aawit ng mga pagpuri, ng aking kaluwalhatian.

2 Kayo’y gumising, salterio at alpa: ako ma’y gigising na maaga.

3 Ako’y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: at ako’y aawit ng mga pagpuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.

4 Sapagka’t ang iyong kagandahang-loob ay dakila sa itaas sa mga langit, at ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga alapaap.

5 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas sa mga langit: at ang iyong kaluwalhatian sa ibabaw ng buong lupa.

6 Upang ang iyong minamahal ay maligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.

7 Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako’y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at susukatin ko ang libis ng Sucoth.

8 Galaad ay akin; Manases ay akin; ang Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo: Juda’y aking cetro.

9 Moab ay aking hugasan; sa Edom ay ihahagis ko ang aking panyapak: sa Filistia ay hihiyaw ako.

10 Sinong magpapasok sa akin sa bayang nakukutaan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?

11 Hindi ba ikaw Oh Dios na nagtakuwil sa amin, at hindi lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo?

12 Gawaran mo kami ng tulong laban sa kaaway; sapagka’t walang kabuluhan ang tulong ng tao.

13 Sa tulong ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka’t siya ang yayapak sa aming mga kaaway.

Mga Awit 109

1 Huwag kang mapayapa, Oh Dios na aking kapurihan;

2 Sapagka’t ang bibig ng masama at ang bibig ng magdaraya ay ibinuka nila laban sa akin: sila’y nangagsalita sa akin na may sinungaling na dila.

3 Kanilang kinulong ako sa palibot ng mga salitang pagtatanim, at nagsilaban sa akin ng walang kadahilanan.

4 Sa kabayaran ng aking pagibig ay mga kaaway ko sila: nguni’t ako’y tumatalaga sa dalangin.

5 At iginanti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, at pagtatanim sa pagibig ko.

6 Lagyan mo ng masamang tao siya: at tumayo nawa ang isang kaaway sa kaniyang kanan.

7 Pagka siya’y nahatulan, lumabas nawa siyang salarin; at maging kasalanan nawa ang kaniyang dalangin.

8 Maging kaunti nawa ang kaniyang mga kaarawan; at kunin nawa ng iba ang kaniyang katungkulan.

9 Maulila nawa ang kaniyang mga anak, at mabao ang kaniyang asawa.

10 Magsilaboy nawa ang kaniyang mga anak, at mangagpalimos; at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga dakong guho.

11 Kunin nawa ng manglulupig ang lahat niyang tinatangkilik; at samsamin ng mga taga ibang lupa ang kaniyang mga gawa.

12 Mawalan nawa ng maawa sa kaniya; at mawalan din ng maawa sa kaniyang mga anak na ulila.

13 Mahiwalay nawa ang kaniyang kaapuapuhan; sa lahing darating ay mapawi ang kaniyang pangalan.

14 Maalaala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kaniyang mga magulang; at huwag mapawi ang kasalanan ng kaniyang ina,

15 Mangalagay nawa silang lagi sa harap ng Panginoon, upang ihiwalay niya ang alaala sa kanila sa lupa.

16 Sapagka’t hindi niya naalaalang magpakita ng kaawaan, kundi hinabol ang dukha at mapagkailangan, at ang may bagbag na puso, upang patayin.

17 Oo, kaniyang inibig ang sumpa, at dumating sa kaniya; at hindi siya nalulugod sa pagpapala, at malayo sa kaniya.

18 Nagsusuot naman siya ng sumpa na parang kaniyang damit, at nasok sa kaniyang mga loob na bahagi na parang tubig, at parang langis sa kaniyang mga buto.

19 Sa kaniya’y maging gaya nawa ng balabal na ibinabalabal, at gaya ng bigkis na ibinibigkis na lagi.

20 Ito ang kagantihan sa aking mga kaaway na mula sa Panginoon, at sa kanilang nangagsasalita ng kasamaan laban sa aking kaluluwa.

21 Nguni’t gumawa kang kasama ko, Oh Dios na Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan: sapagka’t ang iyong kagandahang-loob ay mabuti, iligtas mo ako,

22 Sapagka’t ako’y dukha at mapagkailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.

23 Ako’y yumayaong gaya ng lilim pagka kumikiling: ako’y itinataas at ibinababa ng hangin na parang balang.

24 Ang aking mga tuhod ay mahina sa pagaayuno, at ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.

25 Ako nama’y naging kadustaan sa kanila: pagka kanilang nakikita ako, kanilang pinagagalawgalaw ang kanilang ulo.

26 Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios; Oh iligtas mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob:

27 Upang kanilang maalaman na ito’y iyong kamay; na ikaw, Panginoon, ang may gawa.

28 Sumumpa sila, nguni’t magpapala ka: pagka sila’y nagsibangon, sila’y mangapapahiya, nguni’t ang iyong lingkod ay magagalak.

29 Manamit ng kasiraang puri ang mga kaaway ko, at matakpan sila ng kanilang sariling kahihiyan na parang balabal.

30 Ako’y magpapasalamat ng marami ng aking bibig sa Panginoon; Oo, aking pupurihin siya sa gitna ng karamihan.

31 Sapagka’t siya’y tatayo sa kanan ng mapagkailangan, upang iligtas sa kanilang nagsisihatol ng kaniyang kaluluwa.