Mga Awit 120

1 Sa aking kahirapan ay dumaing ako sa Panginoon, at sinagot niya ako.

2 Iligtas mo ang aking kaluluwa, Oh Panginoon, sa mga sinungaling na labi, at mula sa magdarayang dila.

3 Anong maibibigay sa iyo, at anong magagawa pa sa iyo, ikaw na magdarayang dila?

4 Mga hasang pana ng makapangyarihan, at mga baga ng enebro.

5 Sa aba ko, na nakikipamayan sa Mesech, na tumatahan ako sa mga tolda sa Kedar!

6 Malaon ng tinatahanan ng aking kaluluwa na kasama niyang nagtatanim sa kapayapaan.

7 Ako’y sa kapayapaan: nguni’t pagka ako’y nagsasalita, sila’y sa pakikidigma.

Mga Awit 121

1 Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; saan baga manggagaling ang aking saklolo?

2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.

3 Hindi niya titiising ang paa mo’y makilos: siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.

4 Narito, siyang nagiingat ng Israel hindi iidlip ni matutulog man.

5 Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo: ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.

6 Hindi ka sasaktan ng araw sa araw, ni ng buwan man sa gabi.

7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; kaniyang iingatan ang iyong kaluluwa.

8 Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.

Mga Awit 122

1 Ako’y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin, tayo’y magsiparoon sa bahay ng Panginoon.

2 Ang mga paa natin ay nagsisitayo sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem;

3 Jerusalem, na natayo na parang bayang siksikan:

4 Na inaahon ng mga lipi, sa makatuwid baga’y ng mga lipi ng Panginoon, na pinaka patotoo sa Israel, upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.

5 Sapagka’t doo’y nalagay ang mga luklukan na ukol sa kahatulan, ang mga luklukan ng sangbahayan ni David.

6 Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem: sila’y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo.

7 Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta, at kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasio.

8 Dahil sa aking mga kapatid at aking mga kasama, aking sasabihin ngayon, kapayapaan ang sumaiyong loob.

9 Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios. Hahanapin ko ang iyong buti.

Mga Awit 123

1 Sa iyo’y aking itinitingin ang mga mata ko, Oh sa iyo na nauupo sa mga langit.

2 Narito, kung paanong tumitingin ang mga mata ng mga alipin sa kamay ng kanilang panginoon, kung paano ang mga mata ng alilang babae sa kamay ng kaniyang panginoong babae; gayon tumitingin ang mga mata namin sa Panginoon naming Dios, hanggang sa siya’y maawa sa amin.

3 Maawa ka sa amin, Oh Panginoon, maawa ka sa amin: sapagka’t kami ay lubhang lipos ng kadustaan.

4 Ang aming kaluluwa’y lubhang lipos ng duwahagi ng mga tiwasay. At ng paghamak ng palalo.

Mga Awit 124

1 Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, sabihin ng Israel ngayon,

2 Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin:

3 Nilamon nga nila sana tayong buhay, nang ang kanilang poot ay mangagalab laban sa atin:

4 Tinabunan nga sana tayo ng tubig, dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng agos:

5 Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng mga palalong tubig.

6 Purihin ang Panginoon, na hindi tayo ibinigay na pinaka huli sa kanilang mga ngipin.

7 Ang kaluluwa natin ay nakatanan na parang ibon sa silo ng mga manghuhuli: ang silo ay nasira, at tayo ay nakatanan.

8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon, na siyang gumawa ng langit at lupa.

Mga Awit 125

1 Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.

2 Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan, mula sa panahong ito at sa magpakailan man.

3 Sapagka’t ang cetro ng kasamaan ay hindi bubuhatin sa mga matuwid; upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.

4 Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti, at yaong matutuwid sa kanilang mga puso.

5 Nguni’t sa nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad, ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Kapayapaan nawa ay suma Israel.

Mga Awit 126

1 Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion, tayo ay gaya niyaong nangananaginip.

2 Nang magkagayo’y napuno ang bibig natin ng pagtawa, at ang dila natin ng awit: nang magkagayo’y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, Ginawan sila ng Panginoon ng mga dakilang bagay.

3 Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay; na siyang ating ikinatutuwa.

4 Papanumbalikin mo uli ang aming nangabihag, Oh Panginoon, na gaya ng mga batis sa Timugan.

5 Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.

6 Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya’y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.

Mga Awit 127

1 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo: malibang ingatan ng Panginoon ang bayan, walang kabuluhang gumigising ang bantay.

2 Walang kabuluhan sa inyo na kayo’y magsibangong maaga, at magpahingang tanghali, at magsikain ng tinapay ng kapagalan: sapagka’t binibigyan niyang gayon ng pagkakatulog ang kaniyang minamahal.

3 Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.

4 Kung paano ang mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalake, gayon ang mga anak ng kabataan.

5 Maginhawa ang lalake na pumuno ng kaniyang lalagyan ng pana ng mga yaon: sila’y hindi mapapahiya, pagka sila’y nakikipagsalitaan sa kanilang mga kaaway sa pintuang-bayan.

Mga Awit 128

1 Mapalad ang bawa’t isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.

2 Sapagka’t iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.

3 Ang asawa mo’y magiging parang mabungang puno ng ubas, sa mga pinakaloob ng iyong bahay: ang mga anak mo’y parang mga puno ng olibo, sa palibot ng iyong dulang.

4 Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao, na natatakot sa Panginoon.

5 Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion: at iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.

6 Oo, iyong makikita ang mga anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa’y suma Israel.

Mga Awit 129

1 Madalas na ako’y dinalamhati nila mula sa aking kabataan, sabihin ngayon ng Israel,

2 Madalas na ako’y dinalamhati nila mula sa aking kabataan: gayon ma’y hindi sila nanganaig laban sa akin.

3 Ang mga mangaararo ay nagsiararo sa aking likod; kanilang pinahaba ang kanilang bungkal.

4 Ang Panginoon ay matuwid: kaniyang pinutol ang mga panali ng masama.

5 Mapahiya sila at magsitalikod, silang lahat na nangagtatanim ng loob sa Sion.

6 Sila’y maging parang damo sa mga bubungan, na natutuyo bago lumaki:

7 Na hindi pinupuno ng manggagapas ang kaniyang kamay niyaon, ni siyang nagtatali man ng mga bigkis, ang kaniyang sinapupunan.

8 Hindi man sinasabi ng nagsisipagdaan, ang pagpapala ng Panginoon, ay sumainyo nawa; binabasbasan namin kayo sa pangalan ng Panginoon.