Mga Awit 140

1 Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa masamang tao; ingatan mo ako sa marahas na tao:

2 Na nagaakala ng kasamaan sa kanilang puso: laging nagpipipisan sila sa pagdidigma.

3 Kanilang inihasa ang kanilang dila na parang ahas; kamandag ng mga ahas ay nasa kanilang mga labi. (Selah)

4 Ingatan mo ako, Oh Panginoon, sa mga kamay ng masama; ingatan mo ako sa marahas na tao: na nagakalang iligaw ang aking mga hakbang.

5 Ipinagkubli ako ng palalo ng silo, at ng mga panali; kanilang ipinaglagay ako ng bating sa tabi ng daan; sila’y naglagay ng mga silo na ukol sa akin. (Selah)

6 Aking sinabi sa Panginoon. Ikaw ay Dios ko: Pakinggan mo ang tinig ng aking mga dalangin, Oh Panginoon.

7 Oh Dios na Panginoon, na kalakasan ng aking kaligtasan, iyong tinakpan ang ulo ko sa kaarawan ng pagbabaka.

8 Huwag mong ipagkaloob, Oh Panginoon, ang mga nasa ng masama; huwag mong papangyarihin ang kaniyang masamang haka; baka sila’y mangagmalaki. (Selah)

9 Tungkol sa ulo niyaong nagsisikubkob sa aking palibot, takpan sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.

10 Mahulog sa kanila ang mga bagang nagniningas: mangahagis sila sa apoy; sa mga malalim na hukay, upang huwag na silang mangakabangon uli.

11 Ang mapagsalita ng masama ay hindi matatatag sa lupa: huhulihin ng kasamaan ang marahas na lalake upang ibuwal siya.

12 Nalalaman ko na aalalayan ng Panginoon ang usap ng nagdadalamhati, at ang matuwid ng mapagkailangan.

13 Walang pagsalang ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan: ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Awit 141

1 Panginoon, ako’y tumawag sa iyo: magmadali ka sa akin: pakinggan mo ang tinig ko, pagka ako’y tumatawag sa iyo.

2 Malagay ang aking dalangin na parang kamangyan sa harap mo; ang pagtataas ng aking mga kamay na parang hain sa kinahapunan.

3 Maglagay ka ng bantay, Oh Panginoon, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.

4 Huwag mong ikiling ang aking puso sa anomang masamang bagay, na gumawa sa mga gawa ng kasamaan na kasama ng mga taong nagsisigawa ng kasamaan: at huwag mo akong pakanin ng kanilang mga masarap na pagkain.

5 Sugatan ako ng matuwid, magiging kagandahan pa ng loob; at sawayin niya ako, magiging parang langis sa ulo; huwag tanggihan ng aking ulo: sapagka’t sa kanilang kasamaan ay mamamalagi ang dalangin ko.

6 Ang kanilang mga hukom ay nangahagis sa mga tabi ng malaking bato; at kanilang maririnig ang aking mga salita; sapagka’t matatamis.

7 Gaya ng kung inaararo at nabubungkal ang lupa, gayon ang aming mga buto ay nangangalat sa bibig ng Sheol.

8 Sapagka’t ang mga mata ko’y nangasa iyo, Oh Dios na Panginoon: sa iyo nanganganlong ako; huwag mong iwan ang aking kaluluwa sa walang magkandili.

9 Iligtas mo ako sa silo na kanilang inilagay na ukol sa akin, at sa mga silo ng mga manggagawa ng kasamaan.

10 Mahulog ang masama sa kanilang sariling mga bating. Habang ako’y nakatatanan.

Mga Awit 142

1 Ako’y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon; ako’y namamanhik ng aking tinig sa Panginoon.

2 Aking ibinubugso ang daing ko sa harap niya; aking ipinakilala sa harap niya ang kabagabagan ko.

3 Nang nanglupaypay ang diwa ko sa loob ko, nalaman mo ang aking landas. Sa daan na aking nilalakaran ay pinagkukublihan nila ako ng silo.

4 Tumingin ka sa aking kanan, at tingnan mo: sapagka’t walang tao na nakakakilala sa akin: kanlungan ay kulang ako; walang taong lumilingap sa aking kaluluwa.

5 Ako’y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; aking sinabi: Ikaw ay aking kanlungan, aking bahagi sa lupain ng may buhay.

6 Pakinggan mo ang aking daing; sapagka’t ako’y totoong nababa: iligtas mo ako sa nagsisiusig sa akin; sapagka’t sila’y malakas kay sa akin.

7 Ilabas mo ang aking kaluluwa sa bilangguan, upang ako’y makapagpasalamat sa iyong pangalan: kubkubin ako ng matuwid; sapagka’t ikaw ay gagawang may kagandahang-loob sa akin.

Mga Awit 143

1 Dinggin mo ang dalangin ko Oh Panginoon; pakinggan mo ang aking mga pamanhik: sa iyong pagtatapat ay sagutin mo ako, at sa iyong katuwiran.

2 At huwag kang masok sa kahatulan na kasama ng iyong lingkod; sapagka’t sa iyong paningin ay walang taong may buhay na aariing ganap.

3 Sapagka’t pinagusig ng kaaway ang kaluluwa ko; kaniyang sinaktan ang aking buhay ng lugmok sa lupa: kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng mga namatay nang malaon.

4 Kaya’t ang aking diwa ay nanglulupaypay sa loob ko; ang puso ko sa loob ko ay bagbag.

5 Aking naaalaala ang mga araw ng una; aking ginugunita ang lahat mong mga gawa: aking binubulay ang gawa ng iyong mga kamay.

6 Iginawad ko ang aking mga kamay sa iyo: ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo, na parang uhaw na lupain. (Selah)

7 Magmadali kang sagutin mo ako, Oh Panginoon; ang diwa ko’y nanglulupaypay: huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; baka ako’y maging gaya nila na nagsibaba sa hukay.

8 Iparinig mo sa akin ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan; sapagka’t sa iyo ako tumitiwala: ipabatid mo sa akin ang daan na aking dapat lakaran; sapagka’t itinaas ko ang aking kaluluwa sa iyo.

9 Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa aking mga kaaway: tumatakas ako sa iyo upang ikubli mo ako.

10 Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban; sapagka’t ikaw ay aking Dios: ang iyong Espiritu ay mabuti; patnubayan mo ako sa lupain ng katuwiran.

11 Buhayin mo ako, Oh Panginoon, dahil sa iyong pangalan: sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa sa kabagabagan,

12 At sa iyong kagandahang-loob ay ihiwalay mo ang aking mga kaaway, at lipulin mo ang lahat na nagsisidalamhati sa aking kaluluwa; sapagka’t ako’y iyong lingkod.

Mga Awit 144

1 Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban:

2 Aking kagandahang-loob, at aking katibayan, aking matayog na moog, at aking tagapagligtas; aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong; na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.

3 Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya? O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?

4 Ang tao ay parang walang kabuluhan: ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.

5 Ikiling mo ang iyong mga langit, Oh Panginoon, at bumaba ka: hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.

6 Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila; suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,

7 Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas; sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig, sa kamay ng mga taga ibang lupa;

8 Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

9 Ako’y aawit ng bagong awit sa iyo, Oh Dios: sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.

10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari: na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.

11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa. Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan; at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.

13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay; at ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;

14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti; pagka walang salot, at sakuna, at walang panaghoy sa aming mga lansangan;

15 Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan: maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.

Mga Awit 145

1 Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.

2 Araw-araw ay pupurihin kita; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.

3 Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin; at ang kaniyang kadakilaan ay hindi masayod.

4 Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa. At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa.

5 Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan, at sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako.

6 At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa; at aking ipahahayag ang iyong kadakilaan.

7 Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan, at aawitin nila ang iyong katuwiran.

8 Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan; banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.

9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa.

10 Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon; at pupurihin ka ng iyong mga banal.

11 Sila’y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at mangungusap ng iyong kapangyarihan;

12 Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa, at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian.

13 Ang kaharian mo’y walang hanggang kaharian, at ang kapangyarihan mo’y sa lahat ng sali’t saling lahi.

14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal, at itinatayo yaong nangasusubasob.

15 Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo; at iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.

16 Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasa ng bawa’t bagay na may buhay.

17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan, at mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa.

18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan.

19 Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya; kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila.

20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya; nguni’t lahat ng masama ay lilipulin niya.

21 Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon; at purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man.

Mga Awit 146

1 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.

2 Samantalang ako’y nabubuhay ay pupurihin ko ang Panginoon: ako’y aawit ng mga pagpuri sa aking Dios, samantalang ako’y may buhay.

3 Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo.

4 Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.

5 Maginhawa ang may pinaka saklolo sa Dios ni Jacob, na ang pagasa ay nasa Panginoon niyang Dios:

6 Na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat na nandoon; na nagiingat ng katotohanan magpakailan man:

7 Na nagsasagawa ng kahatulan sa napipighati; na nagbibigay ng pagkain sa gutom: pinawawalan ng Panginoon ang mga bilanggo;

8 Idinidilat ng Panginoon ang mga mata ng bulag; ibinabangon ng Panginoon ang mga nasusubasob; iniibig ng Panginoon ang matuwid;

9 Iniingatan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa; kaniyang inaalalayan ang ulila at babaing bao; nguni’t ang lakad ng masama ay kaniyang ibinabaligtad.

10 Maghahari ang Panginoon magpakailan man. Ang iyong Dios, Oh Sion, sa lahat ng sali’t saling lahi. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 147

1 Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka’t mabuting umawit ng mga pagpuri sa ating Dios; sapagka’t maligaya, at ang pagpuri ay nakalulugod.

2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem; kaniyang pinipisan ang mga natapon na Israel.

3 Kaniyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.

4 Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; siya ang nagbibigay sa kanila ng lahat nilang pangalan.

5 Dakila ang ating Panginoon, at makapangyarihan sa kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang hanggan,

6 Inaalalayan ng Panginoon ang maamo: kaniyang inilulugmok sa lupa ang masama.

7 Magsiawit kayo sa Panginoon ng pagpapasalamat; magsiawit kayo sa alpa ng mga pagpuri sa ating Dios:

8 Na nagtatakip sa mga langit ng mga alapaap. Na siyang naghahanda ng ulan sa lupa, na nagpapatubo ng damo sa mga bundok.

9 Siya’y nagbibigay sa hayop ng kaniyang pagkain. At sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.

10 Siya’y hindi nalulugod sa lakas ng kabayo: siya’y hindi nasasayahan sa mga paa ng tao.

11 Ang Panginoon ay naliligaya sa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob.

12 Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.

13 Sapagka’t kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.

14 Siya’y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.

15 Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.

16 Siya’y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya’y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.

17 Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?

18 Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.

19 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.

20 Siya’y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 148

1 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Panginoon mula sa mga langit: purihin ninyo siya sa mga kaitaasan.

2 Purihin ninyo siya, ninyong lahat niyang mga anghel: purihin ninyo siya, buo niyang hukbo.

3 Purihin ninyo siya, araw at buwan: purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag.

4 Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit, at ninyong tubig na nasa itaas ng mga langit.

5 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon: sapagka’t siya’y nagutos, at sila’y nangalikha.

6 Kaniya rin namang ipinagtatatag magpakailan-kailan man: siya’y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

7 Purihin ninyo ang Panginoon mula sa lupa, Ninyong mga buwaya, at lahat ng mga kalaliman:

8 Apoy at granizo, nieve at singaw; unos na hangin, na gumaganap ng kaniyang salita:

9 Mga bundok at lahat ng mga gulod; mga mabungang kahoy at lahat ng mga cedro:

10 Mga hayop at buong kawan; nagsisiusad na bagay at ibong lumilipad:

11 Mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan; mga pangulo at lahat ng mga hukom sa lupa:

12 Mga binata at gayon din ng mga dalaga; mga matanda at mga bata:

13 Purihin nila ang pangalan ng Panginoon; sapagka’t ang kaniyang pangalan magisa ay nabunyi: ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit.

14 At itinaas niya ang sungay ng kaniyang bayan, ang papuri ng lahat niyang mga banal; sa makatuwid baga’y ng mga anak ni Israel, na bayang malapit sa kaniya. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 149

1 Purihin ninyo ang Panginoon. Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kaniyang kapurihan sa kapisanan ng mga banal.

2 Magalak nawa ang Israel sa kaniya na lumalang sa kaniya: magalak nawa ang mga anak ng Sion sa kanilang Hari.

3 Purihin nila ang kaniyang pangalan sa sayaw: magsiawit sila ng mga pagpuri sa kaniya na may pandereta at alpa.

4 Sapagka’t ang Panginoon ay nalulugod sa kaniyang bayan: kaniyang pagagandahin ng kaligtasan ang maamo.

5 Pumuri nawa ang mga banal sa kaluwalhatian: magsiawit sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.

6 Malagay nawa sa kanilang bibig ang pinakamataas na pagpuri sa Dios, at tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;

7 Upang magsagawa ng panghihiganti sa mga bansa, at mga parusa sa mga bayan;

8 Upang talian ang kanilang mga hari ng mga tanikala, at ang kanilang mga mahal na tao ng mga panaling bakal;

9 Upang magsagawa sa kanila ng hatol na nasusulat: mayroon ng karangalang ito ang lahat niyang mga banal. Purihin ninyo ang Panginoon.