Mga Awit 150

1 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Dios sa kaniyang santuario: purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.

2 Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa: purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.

3 Purihin ninyo siya ng tunog ng pakakak: purihin ninyo siya ng salterio at alpa.

4 Purihin ninyo siya ng pandereta at sayaw: purihin ninyo siya ng mga panugtog na kawad at ng flauta.

5 Purihin ninyo siya ng mga matunog na simbalo. Purihin ninyo siya sa pinaka matunog na mga simbalo.

6 Purihin ng bawa’t bagay na may hininga ang Panginoon. Purihin ninyo ang Panginoon.

Job 1

1 May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.

2 At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.

3 Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa’t ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan.

4 At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa’t isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila’y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila.

5 At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka’t sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi.

6 Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila.

7 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo’y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.

8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan.

9 Nang magkagayo’y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios?

10 Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa’t dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain.

11 Nguni’t pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan,

12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo’y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon.

13 At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.

14 Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila:

15 At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

16 Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

17 Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

18 Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay:

19 At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila’y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

20 Nang magkagayo’y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba;

21 At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.

22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.

Job 2

1 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Dios upang magsiharap sa Panginoon, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap sa Panginoon.

2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.

3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman ako’y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.

4 At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay.

5 Nguni’t pagbuhatan mo ngayon ng iyong kamay, at galawin mo ang kaniyang buto at ang kaniyang laman, at kaniyang itatakuwil ka ng mukhaan.

6 At ang Panginoon ay nagsabi kay Satanas, Narito, siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.

7 Sa gayo’y umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at pinasibulan si Job ng mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo.

8 At kumuha siya ng isang bibinga ng palyok upang ipangkayod ng langib; at siya’y naupo sa mga abo.

9 Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka.

10 Nguni’t sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.

11 Nang mabalitaan nga ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat na kasamaang ito na sumapit sa kaniya sila’y naparoon bawa’t isa na mula sa kanikaniyang sariling pook, si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamathita: at sila’y nangagkaiisang loob na magsiparoon upang makidamay sa kaniya at aliwin siya.

12 At nang kanilang itanaw ang kanilang mga mata mula sa malayo, at hindi siya makilala, kanilang inilakas ang kanilang tinig, at nagsiiyak at hinapak ng bawa’t isa sa kanila ang kanikaniyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo sa dakong langit.

13 Sa gayo’y nangakiumpok sila sa kaniya sa ibabaw ng lupa na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kaniya: sapagka’t kanilang nakita na ang kaniyang paghihirap ay totoong malaki.

Job 3

1 Pagkatapos nito’y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.

2 At si Job ay sumagot, at nagsabi,

3 Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.

4 Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.

5 Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.

6 Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.

7 Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.

8 Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.

9 Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni’t huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:

10 Sapagka’t hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.

11 Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?

12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?

13 Sapagka’t ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana’y nakakatulog; na napapahinga ako:

14 Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;

15 O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:

16 O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.

17 Doo’y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo’y nagpapahinga ang pagod.

18 Doo’y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.

19 Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.

20 Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;

21 Na naghihintay ng kamatayan, nguni’t hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;

22 Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?

23 Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?

24 Sapagka’t nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.

25 Sapagka’t ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.

26 Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.

Job 4

1 Nang magkagayo’y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

2 Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni’t sinong makapipigil ng pagsasalita?

3 Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay.

4 Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.

5 Nguni’t ngayo’y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.

6 Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?

7 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid?

8 Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.

9 Sa hinga ng Dios sila’y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila’y nangalilipol.

10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.

11 Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.

12 Ngayo’y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.

13 Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,

14 Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.

15 Nang magkagayo’y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.

16 Tumayong nakatigil, nguni’t hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako’y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,

17 Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?

18 Narito, siya’y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:

19 Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo!

20 Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.

21 Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila’y nangamamatay at walang karunungan.

Job 5

1 Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At sa kanino sa mga banal babalik ka?

2 Sapagka’t ang bigat ng loob ay pumapatay sa taong hangal, at ang paninibugho ay pumapatay sa mangmang.

3 Aking nakita ang hangal na umuunlad: nguni’t agad kong sinumpa ang kaniyang tahanan.

4 Ang kaniyang mga anak ay malayo sa katiwasayan, at sila’y mangapipisa sa pintuang-bayan, na wala mang magligtas sa kanila.

5 Na ang kaniyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha na mula sa mga tinik, at ang silo ay nakabuka sa kanilang pag-aari.

6 Sapagka’t ang kadalamhatian ay hindi lumalabas sa alabok, ni bumubukal man sa lupa ang kabagabagan;

7 Kundi ang tao ay ipinanganak sa kabagabagan. Gaya ng alipato na umiilanglang sa itaas.

8 Nguni’t sa ganang akin, ay hahanapin ko ang Dios, at sa Dios ay aking ihahabilin ang aking usap:

9 Na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at ng mga hindi magunita; ng mga kamanghamanghang bagay na walang bilang:

10 Na siyang nagbibigay ng ulan sa lupa, at nagpapahatid ng tubig sa mga bukid;

11 Na anopa’t kaniyang iniuupo sa mataas yaong nangasa mababa; at yaong nagsisitangis ay itinataas sa katiwasayan.

12 Kaniyang sinasayang ang mga katha-katha ng mapagkatha, na anopa’t hindi maisagawa ng kanilang mga kamay ang kanilang panukala.

13 Kaniyang hinuhuli ang pantas sa kanilang sariling katha: at ang payo ng suwail ay napapariwara.

14 Kanilang nasasalunuan ang kadiliman sa araw, at nagsisikapa sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi.

15 Nguni’t kaniyang inililigtas sa tabak ng kanilang bibig, sa makatuwid baga’y ang maralita sa kamay ng malakas.

16 Na anopa’t ang dukha ay may pagasa, at ang kasamaan ay nagtitikom ng kaniyang bibig.

17 Narito, maginhawa ang tao na sinasaway ng Dios: kaya’t huwag mong waling kabuluhan ang pagsaway ng Makapangyarihan sa lahat.

18 Sapagka’t siya’y sumusugat, at nagtatapal; siya’y sumusugat, at pinagagaling ng kaniyang mga kamay.

19 Kaniyang ililigtas ka sa anim na kabagabagan. Oo, sa pito, ay walang kasamaang kikilos sa iyo.

20 Sa kagutom ay tutubusin ka niya sa kamatayan; at sa pagdidigma ay sa kapangyarihan ng tabak.

21 Ikaw ay makukubli sa talas ng dila; na hindi ka man matatakot sa paggiba pagka dumarating.

22 Sa kagibaan at sa kasalatan ay tatawa ka; ni hindi ka matatakot sa mga ganid sa lupa.

23 Sapagka’t ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang; at ang mga ganid sa parang ay makikipagpayapaan sa iyo.

24 At iyong makikilala na ang iyong tolda ay nasa kapayapaan; at iyong dadalawin ang iyong kulungan, at walang mawawala na anoman.

25 Iyo rin namang makikilala na ang iyong binhi ay magiging dakila, at ang iyong lahi ay gaya ng damo sa lupa.

26 Ikaw ay darating sa iyong libingan sa lubos na katandaan. Gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa kaniyang kapanahunan.

27 Narito, aming siniyasat, at gayon nga; dinggin mo, at talastasin mo sa iyong ikabubuti.

Job 6

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job at nagsabi,

2 Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.

3 Sapagka’t ngayo’y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya’t ang aking pananalita ay napabigla.

4 Sapagka’t ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.

5 Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?

6 Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?

7 Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin.

8 Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!

9 Sa makatuwid baga’y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!

10 Kung magkagayo’y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako’y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka’t hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.

11 Ano ang aking lakas, na ako’y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako’y magtitiis?

12 Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso?

13 Di ba ako’y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin?

14 Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan; kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat.

15 Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis, na parang daan ng mga batis na nababago;

16 Na malabo dahil sa hielo, at siyang kinatunawan ng nieve:

17 Paginit ay nawawala: pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako.

18 Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw; nagsisilihis sa ilang at nawawala.

19 Minasdan ng mga pulutong na mula sa Tema, hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa Seba.

20 Sila’y nangapahiya, sapagka’t sila’y nagsiasa; sila’y nagsiparoon at nangatulig.

21 Sapagka’t ngayon, kayo’y nauwi sa wala; kayo’y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot.

22 Sinabi ko baga: Bigyan mo ako? O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pag-aari?

23 O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway? O, tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati?

24 Turuan mo ako, at ako’y mamamayapa; at ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan.

25 Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni’t anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo?

26 Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin.

27 Oo, kayo’y magsasapalaran sa ulila, at ginawa ninyong kalakal ang inyong kaibigan.

28 Ngayon nga’y kalugdan mong lingapin ako; sapagka’t tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap.

29 Kayo’y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan; Oo, kayo’y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid.

30 May di ganap ba sa aking dila? Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay?

Job 7

1 Wala bang kapanahunan ng kaguluhan ang tao sa ibabaw ng lupa? At hindi ba ang kaniyang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng nagpapaupa?

2 Na gaya ng alipin na ninanasang mainam ang lilim, at gaya ng nagpapaupa na tumitingin sa kaniyang mga kaupahan:

3 Gayon ako pinapagdaan ng mga buwan na walang kabuluhan at mga gabing nakaiinip ang itinakda sa akin.

4 Pag ako’y nahihiga, aking sinasabi, kailan ako babangon at nakadaan na ang gabi? At ako’y puspos ng pagkabalisa hanggang sa pagbubukang liwayway ng araw.

5 Ang aking laman ay nabibihisan ng mga uod at ng libag na alabok; ang aking balat ay namamaga at putok putok.

6 Ang aking mga kaarawan ay matulin kay sa panghabi ng manghahabi, at nagugugol na walang pagasa.

7 Oh alalahanin mo na ang aking buhay ay hinga: Ang aking mata ay hindi na makakakita pa ng mabuti.

8 Ang matang tumingin sa akin ay hindi na ako mamamasdan: ang iyong mga mata ay sasa akin, nguni’t wala na ako.

9 Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala, gayon siyang bumababa sa Sheol ay hindi na aahon pa.

10 Siya’y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay, ni malalaman pa man niya ang kaniyang dako.

11 Kaya’t hindi ko pipigilin ang aking bibig; ako’y magsasalita sa kadalamhatian ng aking diwa; ako’y dadaing sa kahirapan ng aking kaluluwa.

12 Ako ba’y isang dagat, o isang malaking hayop dagat, na pinababantayan mo ako sa isang bantay?

13 Pag aking sinasabi, Aaliwin ako ng aking higaan, papayapain ng aking unan ang aking karamdaman;

14 Kung magkagayo’y pinupukaw mo ako ng mga panaginip, at pinangingilabot mo ako sa mga pangitain:

15 Na anopa’t pinipili ng aking kaluluwa ang pagkainis, at ang kamatayan kay sa aking mga butong ito.

16 Aking kinayayamutan ang aking buhay; di ko na ibig mabuhay magpakailan man: bayaan akong magisa; sapagka’t ang aking mga kaarawan ay walang kabuluhan.

17 Ano ang tao, na iyong palalakhin siya, at iyong ilalagak ang iyong puso sa kaniya,

18 At iyong dadalawin siya tuwing umaga, at susubukin siya sa tuwi-tuwina?

19 Hanggang kailan di mo ako iiwan, ni babayaan man hanggang sa aking lunukin ang aking laway?

20 Kung ako’y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, Oh ikaw na bantay sa mga tao? Bakit mo nga inilalagay akong pinakatanda sa iyo. Na anopa’t ako’y isang pasan sa aking sarili?

21 At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang, at inaalis ang aking kasamaan? Sapagka’t ngayo’y mahihiga ako sa alabok; at ako’y hahanapin mong mainam, nguni’t wala na ako.

Job 8

1 Nang magkagayo’y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

2 Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito? At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig?

3 Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios? O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan?

4 Kung ang iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang:

5 Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat;

6 Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo’y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran.

7 At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma’y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam.

8 Sapagka’t ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon, at pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang:

9 (Sapagka’t tayo’y kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagka’t ang ating mga kaarawan sa lupa ay anino:)

10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo, at mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso?

11 Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang tambo ng walang tubig?

12 Samantalang nasa kasariwaan, at hindi pinuputol, natutuyong una kay sa alin mang damo.

13 Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala:

14 Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba.

15 Siya’y sasandal sa kaniyang bahay, nguni’t hindi tatayo; siya’y pipigil na mahigpit dito, nguni’t hindi makapagmamatigas.

16 Siya’y sariwa sa harap ng araw, at ang kaniyang mga suwi ay sumisibol sa kaniyang halamanan.

17 Ang kaniyang mga ugat ay nagkakapitan sa palibot ng bunton, kaniyang minamasdan ang dako ng mga bato.

18 Kung siya’y magiba sa kaniyang dako, kung magkagayo’y itatakuwil niya siya, na sinasabi: Hindi kita nakita.

19 Narito, ito ang kagalakan ng kaniyang lakad, at mula sa lupa ay sisibol ang mga iba.

20 Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao, ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan.

21 Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa, at ang iyong mga labi ng paghiyaw.

22 Silang nangapopoot sa iyo ay mabibihisan ng pagkahiya; at ang tolda ng masama ay mawawala.

Job 9

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Sa katotohanan ay nalalaman kong ito’y gayon: nguni’t paanong makapaggaganap ang tao sa Dios?

3 Kung kalugdan niyang makipagtalo sa kaniya, siya’y hindi makasasagot sa kaniya ng isa sa isang libo.

4 Siya ay pantas sa puso, at may kaya sa kalakasan: sinong nagmatigas laban sa kaniya at guminhawa?

5 Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman, pagka nililiglig niya sa kaniyang pagkagalit.

6 Na siyang umuuga ng lupa sa kaniyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nangayayanig.

7 Na siyang naguutos sa araw, at hindi sumisikat; at nagtatakda sa mga bituin.

8 Na nagiisang inuunat ang langit, at tumutungtong sa mga alon ng dagat.

9 Na lumikha sa Oso, sa Orion, at sa mga Pleyade, at sa mga silid ng timugan.

10 Na gumagawa ng mga dakilang bagay na di masayod; Oo, mga kamanghamanghang bagay na walang bilang.

11 Narito, siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko siya nakikita: siya’y nagpapatuloy rin naman, nguni’t hindi ko siya namamataan.

12 Narito, siya’y nangangagaw sinong makasasansala sa kaniya? Sinong magsasabi sa kaniya: Anong ginagawa mo?

13 Hindi iuurong ng Dios ang kaniyang galit; ang mga manunulong sa Rahab ay nagsisiyukod sa ilalim niya.

14 Gaano pa nga kaya kaliit ang maisasagot ko sa kaniya, at mapipiling aking mga salita na maimamatuwid ko sa kaniya?

15 Na kahiman ako’y matuwid, gayon may hindi ako sasagot sa kaniya; ako’y mamamanhik sa aking hukom.

16 Kung ako’y tumawag, at siya’y sumagot sa akin; gayon ma’y hindi ako maniniwala na kaniyang dininig ang aking tinig.

17 Sapagka’t ako’y ginigiba niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat ng walang kadahilanan.

18 Hindi niya ako tutulutang ako’y huminga, nguni’t nililipos niya ako ng hirap.

19 Kung kami ay magsalita tungkol sa kalakasan, narito, siya’y may kapangyarihan! At kung sa kahatulan, sino, sinasabi niya ay magtatakda sa akin ng panahon?

20 Kahiman ako’y matuwid, ang aking sariling bibig ay hahatol sa akin: kahiman ako’y sakdal patototohanan niya akong masama.

21 Ako’y sakdal; hindi ko talos ang aking sarili; aking niwalang kabuluhan ang aking buhay.

22 Lahat ay isa; kaya’t aking sinasabi: kaniyang ginigiba ang sakdal at ang masama.

23 Kung ang panghampas ay pumapatay na bigla, tatawanan niya ang paglilitis sa mga walang sala.

24 Ang lupa ay nabigay sa kamay ng masama: kaniyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya, sino nga?

25 Ngayo’y ang mga kaarawan ko ay matulin kay sa isang sugo: dumadaang matulin, walang nakikitang mabuti.

26 Sila’y nagsisidaang parang mga matuling sasakyan: parang agila na dumadagit ng huli.

27 Kung aking sabihin: Aking kalilimutan ang aking daing, aking papawiin ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako:

28 Ako’y natatakot sa lahat kong kapanglawan, talastas ko na hindi mo aariin akong walang sala.

29 Ako’y mahahatulan; bakit nga ako gagawa ng walang kabuluhan?

30 Kung ako’y maligo ng nieveng tubig, at gawin ko ang aking mga kamay na napakalinis;

31 Gayon ma’y itutulak mo ako sa hukay, at kayayamutan ako ng aking mga sariling kasuutan.

32 Sapagka’t siya’y hindi tao, na gaya ko, na sasagot ako sa kaniya, na tayo’y pumasok kapuwa sa kahatulan,

33 Walang hukom sa pagitan natin, na makapaglagay ng kaniyang kamay sa ating dalawa.

34 Ihiwalay niya sa akin ang kaniyang tungkod, at huwag akong takutin ng kaniyang pangilabot:

35 Kung magkagayo’y magsasalita ako, at hindi matatakot sa kaniya; sapagka’t hindi gayon ako sa aking sarili.