Job 10

1 Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay; aking palalayain ang aking daing; ako’y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.

2 Sasabihin ko sa Dios: Huwag mo akong hatulan; ipakilala mo sa akin kung bakit nakikipagtalo ka sa akin.

3 Mabuti ba sa iyo na ikaw ay mamighati, na iyong itakuwil ang gawa ng iyong mga kaaway, at iyong pasilangin ang payo ng masama?

4 Ikaw ba’y may mga matang laman, o nakakakita ka bang gaya ng pagkakita ng tao?

5 Ang iyo bang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga kaarawan ng tao,

6 Upang ikaw ay magsiyasat ng aking kasamaan, at magusisa ng aking kasalanan,

7 Bagaman iyong nalalaman na ako’y hindi masama; at walang makapagliligtas sa iyong kamay?

8 Ang iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot; gayon ma’y pinahihirapan mo ako.

9 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, na ako’y iyong binigyang anyo na gaya ng putik; at iuuwi mo ba ako uli sa pagkaalabok?

10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso?

11 Ako’y binihisan mo ng balat at laman, at sinugpong mo ako ng mga buto at mga litid.

12 Ako’y pinagkalooban mo ng buhay at kagandahang-loob, at pinamalagi ang aking diwa ng iyong pagdalaw.

13 Gayon ma’y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; talastas ko na ito’y sa iyo:

14 Kung ako’y magkasala, iyo nga akong tinatandaan, at hindi mo ako patatawarin sa aking kasamaan.

15 Kung ako’y maging masama, sa aba ko; at kung ako’y maging matuwid, hindi ko man itataas ang aking ulo; yamang puspos ng kakutyaan, at ng pagmamasid niring kadalamhatian.

16 At kung ang aking ulo ay mataas, iyong hinuhuli akong parang leon: at napakikita ka uling kagilagilalas sa akin.

17 Iyong binabago ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; paninibago at pakikipagbaka ang sumasaakin.

18 Bakit mo nga ako inilabas mula sa bahay-bata? Napatid sana ang aking hininga, at wala nang matang nakakita pa sa akin.

19 Ako sana’y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa bahay-bata hanggang sa libingan,

20 Hindi ba kaunti ang aking mga araw? paglikatin mo nga, at ako’y iyong bayaan, upang ako’y maginhawahan ng kaunti,

21 Bago ako manaw doon na hindi ako babalik, sa lupain ng kadiliman at ng lilim ng kamatayan;

22 Ang lupain na dilim, na gaya ng salimuot na kadiliman; lupain ng lilim ng kamatayan, na walang anomang ayos, at doon sa ang liwanag ay gaya ng salimuot na kadiliman.

Job 11

1 Nang magkagayo’y sumagot si Sophar na Naamathita, at nagsabi,

2 Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita? At ang lalaking masalita ay aariing ganap?

3 Pamamayapain ba ang mga tao ng iyong mga paghahambog. At kung ikaw ay nanunuya, wala bang hihiya sa iyo?

4 Sapagka’t iyong sinasabi, Ang aking aral ay dalisay, at ako’y malinis sa iyong mga mata.

5 Nguni’t Oh ang Dios nawa’y magsalita, at bukhin ang kaniyang mga labi laban sa iyo;

6 At ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan, pagka’t siya ay masagana sa pagkaunawa. Talastasin mo nga na nilalapatan ka ng Dios ng kulang kay sa nauukol sa iyong kasamaan.

7 Masusumpungan mo ba ang Dios sa pagsaliksik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat?

8 Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? Malalim kay sa Sheol: anong iyong malalaman?

9 Ang sukat niyao’y mahaba kay sa lupa. At maluwang kay sa dagat.

10 Kung siya’y dumaan at magsara, at tumawag sa kahatulan, sino ngang makapipigil sa kaniya?

11 Sapagka’t nakikilala niya ang mga walang kabuluhang tao: Nakikita rin naman niya ang kasamaan, bagaman hindi niya pinapansin.

12 Nguni’t ang walang kabuluhang tao ay walang unawa, Oo, ang tao ay ipinanganak na gaya ng anak ng mabangis na asno.

13 Kung iyong ihahanda ang iyong puso, at iuunat mo ang iyong kamay sa kaniya;

14 Kung ang kasamaan ay sumaiyong kamay, ilayo mo, at huwag manahan ang kalikuan sa iyong mga tolda;

15 Walang pagsala ngang iyong itataas ang iyong mukha na walang kapintasan; Oo, ikaw ay matatatag, at hindi matatakot:

16 Sapagka’t iyong malilimutan ang iyong karalitaan; iyong aalalahaning parang tubig na umaagos:

17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kay sa katanghaliang tapat; bagaman magkaroon ng kadiliman, ay magiging gaya ng umaga.

18 At ikaw ay matitiwasay sapagka’t may pagasa; Oo, ikaw ay magsiyasat sa palibot mo, at magpapahinga kang tiwasay.

19 Ikaw nama’y hihiga at walang tatakot sa iyo; Oo, maraming liligaw sa iyo.

20 Nguni’t ang mga mata ng masama ay mangangalumata, at mawawalan sila ng daang tatakasan, at ang kanilang pagasa ay pagkalagot ng hininga.

Job 12

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job; at nagsabi,

2 Walang pagaalinlangan na kayo ang bayan, At ang karunungan ay mamamatay na kasama ninyo.

3 Nguni’t ako’y may pagkaunawang gaya ninyo: Hindi ako huli sa inyo: Oo, sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?

4 Ako’y gaya ng tinatawanan ng kaniyang kapuwa, ako na tumawag sa Dios, at sinagot niya: Ang ganap, ang taong sakdal ay tinatawanan.

5 Sa pagiisip niyaong nasa katiwasayan ay may pagkakutya sa ikasasawi; nahahanda sa mga iyan yaong nangadudulas ang paa.

6 Ang mga tolda ng mga tulisan ay gumiginhawa, at silang nangagmumungkahi sa Dios ay tiwasay; na ang kamay ay pinadadalhan ng Dios ng sagana.

7 Nguni’t tanungin mo ngayon ang mga hayop, at tuturuan ka nila: at ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasaysayin sa iyo:

8 O magsalita ka sa lupa, at magtuturo sa iyo; at ang mga isda sa dagat ay magsasaysay sa iyo.

9 Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito, na ang kamay ng Panginoon ang siyang gumawa nito?

10 Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa’t bagay na may buhay, at ang hininga ng lahat ng mga tao.

11 Hindi ba lumilitis ng mga salita ang pakinig; gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?

12 Nasa mga matanda ang karunungan, at sa kagulangan ang unawa.

13 Nasa Dios ang karunungan at kakayahan; kaniya ang payo at pagkaunawa.

14 Narito, siya’y nagbabagsak at hindi maitayo uli; siya’y kumulong ng tao at hindi mapagbubuksan.

15 Narito, kaniyang pinipigil ang tubig at nangatutuyo; muli, kaniyang binibitawan sila at ginugulo nila ang lupa.

16 Nasa kaniya ang kalakasan at ang karunungan, ang nadadaya at ang magdaraya ay kaniya.

17 Kaniyang pinalalakad ang mga kasangguni na hubad sa bait, at ginagawa niyang mga mangmang ang mga hukom.

18 Kaniyang kinakalag ang panali ng mga hari, at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.

19 Kaniyang pinalalakad na hubad sa bait ang mga saserdote.

20 Kaniyang pinapagbabago ang pananalita ng napagtitiwalaan. At inaalis ang pagkaunawa ng mga matanda.

21 Siya’y nagbubuhos ng kutya sa mga pangulo, at kinakalag ang pamigkis ng malakas.

22 Siya’y naglilitaw ng mga malalim na bagay mula sa kadiliman, at inilalabas sa liwanag ang lihim ng kamatayan.

23 Kaniyang pinararami ang mga bansa at mga nililipol niya: kaniyang pinalaki ang mga bansa, at mga dinala sa pagkabihag.

24 Kaniyang inaalis ang pangunawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na doo’y walang lansangan.

25 Sila’y nagsisikapa sa dilim na walang liwanag, at kaniyang pinagigiraygiray sila na gaya ng lango.

Job 13

1 Narito, nakita ang lahat na ito ng aking mata, ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.

2 Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman: hindi ako huli sa inyo.

3 Walang pagsalang ako’y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat, at nagnanasa akong makipagmatuwiranan sa Dios.

4 Nguni’t kayo’y mapagkatha ng mga kabulaanan. Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.

5 Mano nawa ay magsitahimik kayong lahat! At magiging inyong karunungan.

6 Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran, at inyong dinggin ang mga pagsasanggalang ng aking mga labi.

7 Kayo ba’y mangagsasalita ng kalikuan dahil sa Dios, at mangungusap ng karayaan dahil sa kaniya?

8 Inyo bang lilingapin ang kaniyang pagka Dios? Inyo bang ipakikipagtalo ang Dios?

9 Mabuti ba na kayo’y siyasatin niya? O kung paanong dinadaya ang isang tao ay inyo bang dadayain siya?

10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo, kung lihim na kayo’y tatangi ng pagkatao.

11 Hindi ba kayo tatakutin ng kaniyang karilagan, at ang gulat sa kaniya ay sasa inyo?

12 Ang inyong mga alaalang sabi ay kawikaang abo, ang inyong mga pagsasanggalang ay mga pagsasanggalang na putik.

13 Magsitahimik kayo, bayaan ninyo ako, na ako’y makapagsalita, at paratingin sa akin ang darating.

14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman, at aking ilalagay ang aking buhay sa aking kamay?

15 Bagaman ako’y patayin niya, akin ding hihintayin siya: gayon ma’y aking aalalayan ang aking mga lakad sa harap niya.

16 Ito man ay magiging aking kaligtasan; sapagka’t ang isang di banal ay hindi makahaharap sa kaniya.

17 Pakinggan ninyong masikap ang aking pananalita, at ang aking pahayag ay sumainyong mga pakinig.

18 Narito, ngayon, aking inayos ang aking usap; talastas ko na ako’y matuwid.

19 Sino ang makikipagtalo sa akin? Sapagka’t ngayo’y tatahimik ako at malalagot ang aking hininga.

20 Dalawang bagay lamang ang huwag mong gawin sa akin, kung magkagayo’y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:

21 Iurong mo ng malayo ang iyong kamay sa akin; at huwag akong takutin ng pangingilabot sa iyo.

22 Kung magkagayo’y tumawag ka, at ako’y sasagot; o papagsalitain mo ako, at sumagot ka sa akin.

23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan? Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.

24 Bakit ikinukubli mo ang iyong mukha, at inaari mo akong iyong kaaway?

25 Iyo bang pangingilabutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin? At iyo bang hahabulin ang dayaming tuyo?

26 Sapagka’t ikaw ay sumusulat ng mga mabigat na bagay laban sa akin, at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan:

27 Iyo ring inilalagay ang aking mga paa sa pangawan, at pinupuna mo ang lahat kong landas: ikaw ay gumuguhit ng isang guhit sa palibot ng mga talampakan ng aking mga paa:

28 Bagaman ako’y parang bagay na bulok na natutunaw, na parang damit na kinain ng tanga.

Job 14

1 Taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan.

2 Siya’y umuusli na gaya ng bulaklak, at nalalagas: siya rin nama’y tumatakas na gaya ng anino, at hindi namamalagi.

3 At iyo bang idinidilat ang iyong mga mata sa isang gaya nito, at ipinagsasama mo ako upang hatulan mo?

4 Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala.

5 Yayamang ang kaniyang mga kaarawan ay nangapasiyahan, ang bilang ng kaniyang mga buwan ay talastas mo, at iyong hinanggahan ang kaniyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;

6 Ilayo mo sa kaniya ang iyong paningin, upang siya’y makapagpahinga, hanggang sa maganap niya, na gaya ng isang magpapaupa, ang kaniyang araw.

7 Sapagka’t may pagasa sa isang punong kahoy, na kung ito’y putulin, ay sisibol uli, at ang sariwang sanga niyaon ay hindi maglilikat.

8 Bagaman ang kaniyang ugat ay tumanda sa lupa, at ang puno niyao’y mamatay sa lupa;

9 Gayon ma’y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol, at magsasanga na gaya ng pananim.

10 Nguni’t ang tao ay namamatay at natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya?

11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;

12 Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila’y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.

13 Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol. Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako!

14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago.

15 Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot sa iyo: ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay.

16 Nguni’t ngayo’y binibilang mo ang aking mga hakbang: hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan?

17 Ang aking pagsalangsang ay natatatakan sa isang supot, at iyong inilalapat ang aking kasamaan.

18 At tunay na ang bundok na natitibag, ay nawawala, at ang bato ay napababago mula sa kinaroroonan niyaon;

19 Inuukit ng tubig ang mga bato; tinatangay ng mga baha niyaon ang alabok ng lupa: sa gayon iyong sinisira ang pagasa ng tao.

20 Ikaw ay nananaig kailan man laban sa kaniya at siya’y pumapanaw; iyong pinapagbabago ang kaniyang mukha, at iyong pinayayaon siya.

21 Ang kaniyang mga anak ay nagtataglay ng karangalan, at hindi niya nalalaman; at sila’y ibinababa, nguni’t hindi niya nahahalata sila.

22 Nguni’t ang kaniyang laman sa kaniya ay masakit, at ang kaniyang kaluluwa sa loob niya ay namamanglaw.

Job 15

1 Nang magkagayo’y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

2 Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan?

3 Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti?

4 Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios.

5 Sapagka’t ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha.

6 Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo.

7 Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol?

8 Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba’y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili?

9 Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin?

10 Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama.

11 Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga’y ang salitang napakabuti sa iyo?

12 Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata?

13 Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig.

14 Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya’y maging matuwid?

15 Narito, siya’y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.

16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!

17 Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag:

18 (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid;

19 Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:)

20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga’y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati.

21 Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam:

22 Siya’y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya’y hinihintay ng tabak:

23 Siya’y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay:

24 Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka;

25 Sapagka’t iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat;

26 Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag;

27 Sapagka’t tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi;

28 At siya’y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton.

29 Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik.

30 Siya’y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya.

31 Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka’t kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya.

32 Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa.

33 Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo.

34 Sapagka’t ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.

35 Sila’y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya.

Job 16

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Ako’y nakarinig ng maraming ganyang bagay: maralitang mga mangaaliw kayong lahat.

3 Magkakawakas ba ang mga walang kabuluhang salita? O anong naguudyok sa iyo, na ikaw ay sumagot?

4 Ako nama’y makapangungusap na gaya ng inyong ginagawa; kung ang inyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa, ako’y makapagdudugtongdugtong ng salita laban sa inyo, at maigagalaw ang aking ulo sa inyo.

5 Nguni’t aking palalakasin kayo ng aking bibig, at ang pagaliw ng aking mga labi ay magpapalikat ng inyong hirap,

6 Bagaman ako’y nagsasalita, ang aking hirap ay hindi naglilikat: at bagaman ako’y tumatahimik, anong ikinalalayo sa akin?

7 Nguni’t ngayo’y niyamot niya ako: nilansag mo ang aking buong pulutong.

8 At ako’y pinagdalamhati mo, na siyang saksi laban sa akin; at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin, nagpapatotoo sa aking mukha.

9 Niluray niya ako sa kaniyang kapootan, at inusig ako; pinagngangalitan niya ako ng kaniyang mga ngipin: pinangdidilatan ako ng mga mata ng aking kaaway.

10 Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig: kanilang sinampal ako sa mukha na kahiyahiya: sila’y nagpipisan laban sa akin.

11 Ibinibigay ako ng Dios sa di banal, at inihahagis niya ako sa mga kamay ng masama.

12 Ako’y nasa kaginhawahan at kaniyang niligalig akong mainam; Oo, sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagwaraywaray niya ako: inilagay naman niya akong pinakatanda niya.

13 Kinubkob ako sa palibot ng kaniyang mga mamamana, kaniyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpapatawad; kaniyang ibinubuhos ang aking apdo sa lupa.

14 Kaniyang binubugbog ako ng bugbog at bugbog; siya’y gaya ng isang higanti na dinadaluhong niya ako.

15 Ako’y nanahi ng kayong magaspang sa aking katawan, at aking inilugmok ang aking kapalaluan sa alabok.

16 Ang aking mukha ay namamaga sa pagiyak, at nasa aking mga pilik-mata ang anino ng kamatayan;

17 Bagaman walang karahasan sa aking mga kamay, at ang aking dalangin ay malinis,

18 Oh lupa, huwag mong tabunan ang aking dugo, at huwag magkaroon ng pahingahang dako ang aking daing.

19 Kahit na ngayon, narito, ang aking saksi ay nasa langit, at siyang nananagot sa akin ay nasa kaitaasan.

20 Ginagalit ako ng aking mga kaibigan: nguni’t ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Dios;

21 Upang kaniyang alalayan ang katuwiran ng tao sa Dios; at ang anak ng tao sa kaniyang kapuwa.

22 Sapagka’t pagsapit ng ilang taon, ako’y papanaw sa daan na hindi ko pagbabalikan.

Job 17

1 Ang aking diwa ay nanglulumo, ang aking mga kaarawan ay natatapos, ang libingan ay handa sa akin.

2 Tunay na may mga manunuya na kasama ako, at ang aking mata ay nananahan sa kanilang pamumungkahi.

3 Magbigay ka ngayon ng sangla, panagutan mo ako ng iyong sarili; sinong magbubuhat ng mga kamay sa akin?

4 Sapagka’t iyong ikinubli ang kanilang puso sa pagunawa: kaya’t hindi mo sila itataas.

5 Ang paglililo sa kaniyang mga kaibigan upang mahuli, ang mga mata nga ng kaniyang mga anak ay mangangalumata.

6 Nguni’t ginawa rin niya akong kakutyaan ng bayan: at niluraan nila ako sa mukha.

7 Ang aking mata naman ay nanglalabo dahil sa kapanglawan. At ang madlang sangkap ko ay parang isang anino.

8 Mga matuwid na tao ay matitigilan nito, at ang walang sala ay babangon laban sa di banal.

9 Gayon ma’y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.

10 Nguni’t tungkol sa inyong lahat, magsiparito kayo ngayon uli; at hindi ako makakasumpong ng isang pantas sa gitna ninyo.

11 Ang aking mga kaarawan ay lumipas, ang aking mga panukala ay nangasira, sa makatuwid baga’y ang mga akala ng aking puso.

12 Kanilang ipinalit ang araw sa gabi: ang liwanag, wika nila, ay malapit sa kadiliman.

13 Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay; kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman:

14 Kung sinabi ko sa kapahamakan: ikaw ay aking ama: sa uod: ikaw ay aking ina, at aking kapatid na babae;

15 Nasaan nga ang aking pagasa? At tungkol sa aking pagasa, sinong makakakita?

16 Lulusong sa mga pangawan ng Sheol, pagtataglay ng kapahingahan sa alabok.

Job 18

1 Nang magkagayo’y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

2 Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita? Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami.

3 Bakit kami nangabibilang na parang mga hayop, at naging marumi sa iyong paningin?

4 Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan?

5 Oo, ang ilaw ng masama ay papatayin, at ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag.

6 Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda, at ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin.

7 Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil, at ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya.

8 Sapagka’t siya’y inihagis sa lambat ng kaniyang sariling mga paa, at siya’y lumalakad sa mga silo.

9 Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong. At isang silo ay huhuli sa kaniya.

10 Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa, at isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan.

11 Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya sa lahat ng dako, at hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong.

12 Ang kaniyang kalakasan ay manglalata sa gutom, at ang kapahamakan ay mahahanda sa kaniyang tagiliran.

13 Susupukin ang mga sangkap ng kaniyang katawan, Oo, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kaniyang mga sangkap.

14 Siya’y ilalabas sa kaniyang tolda na kaniyang tinitiwalaan; at siya’y dadalhin sa hari ng mga kakilabutan.

15 Tatahan sa kaniyang tolda yaong di niya kaanoano: azufre ay makakalat sa kaniyang tahanan.

16 Ang kaniyang mga ugat ay mangatutuyo sa ilalim, at sa ibabaw ay puputulin ang kaniyang sanga.

17 Ang alaala sa kaniya ay mawawala sa lupa, at siya’y mawawalan ng pangalan sa lansangan.

18 Siya’y ihahatid sa kadiliman mula sa liwanag, at itatapon sa labas ng sanglibutan.

19 Siya’y hindi magkakaroon kahit anak, ni anak man ng anak sa gitna ng kaniyang bayan, ni anomang nalabi sa kaniyang pinakipamayanan.

20 Silang nagsisidating pagkatapos ay mangatitigilan sa kaniyang kaarawan, gaya ng nangauna na nangatakot.

21 Tunay na ganyan ang mga tahanan ng mga liko, at ito ang kalalagyan niya na hindi nakakakilala sa Dios.

Job 19

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa, at babagabagin ako ng mga salita?

3 Ng makasangpung ito ay pinulaan ninyo ako: kayo’y hindi nangapapahiya na nangagpapahirap sa akin.

4 At kahima’t ako’y magkamali, ang aking kamalian ay maiwan sa aking sarili.

5 Kung tunay na kayo’y magpapakalaki laban sa akin, at ipakikipagtalo laban sa akin ang kakutyaan ko:

6 Talastasin ninyo ngayon na inilugmok ako ng Dios, at inikid ako ng kaniyang silo.

7 Narito, ako’y humihiyaw dahil sa kamalian, nguni’t hindi ako dinidinig; ako’y humihiyaw ng tulong, nguni’t walang kahatulan.

8 Kaniyang pinadiran ang aking daan upang huwag akong makaraan, at naglagay ng kadiliman sa aking mga landas.

9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang putong sa aking ulo.

10 Kaniyang inilugmok ako sa bawa’t dako, at ako’y nananaw: at ang aking pagasa ay binunot niyang parang punong kahoy.

11 Kaniya rin namang pinapagalab ang kaniyang pagiinit laban sa akin, at ibinilang niya ako sa kaniya na gaya ng isa sa kaniyang mga kaaway,

12 Ang kaniyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at ipinagpatuloy ang kanilang lakad laban sa akin, at kinubkob ang palibot ng aking tolda.

13 Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin, at ang aking mga kakilala ay pawang nangiba sa akin.

14 Ang aking mga kamaganak ay nangagsilayo, at nilimot ako ng aking mga kasamasamang kaibigan.

15 Silang nagsisitahan sa aking bahay, at ang aking mga lingkod na babae, ay ibinibilang akong manunuluyan; ako’y naging kaiba sa kanilang paningin.

16 Aking tinatawag ang aking lingkod, at hindi ako sinasagot, bagaman sinasamo ko siya ng aking bibig.

17 Ang aking hininga ay iba sa aking asawa, at ang aking pamanhik sa mga anak ng tunay kong ina.

18 Pati ng mga bata ay humahamak sa akin; kung ako’y bumangon, sila’y nangagsasalita ng laban sa akin:

19 Lahat ng aking mahal na kaibigan ay nangayayamot sa akin: at ang aking minamahal ay nagsipihit ng laban sa akin,

20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako’y nakatanan ng sukat sa balat ng aking mga ngipin.

21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, Oh kayong mga kaibigan ko; sapagka’t kinilos ako ng kamay ng Dios,

22 Bakit ninyo ako inuusig na gaya ng Dios. At hindi pa kayo nasisiyahan sa akin laman?

23 Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! Oh mangalagda nawa sa isang aklat!

24 Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!

25 Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:

26 At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman:

27 Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay natutunaw sa loob ko.

28 Kung inyong sabihin: paanong aming pag-uusigin siya? Dangang ang kadahilanan ay nasusumpungan sa akin;

29 Mangatakot kayo sa tabak: sapagka’t ang kapootan ang nagdadala ng mga parusa ng tabak, upang inyong malaman na may kahatulan.